2018
Inspiradong Pagmiministeryo
May 2018


Inspiradong Pagmiministeryo

Pinakamainam na natatanggap natin ang Banal na Espiritu kapag nakatuon tayo sa paglilingkod sa iba. Ito ang dahilan kung bakit mayroon tayong responsibilidad sa priesthood na maglingkod para sa Tagapagligtas.

Mga minamahal kong kapatid, nagpapasalamat ako sa pribilehiyong makapagsalita sa inyo sa makasaysayang pangkalahatang kumperensiyang ito. Sinang-ayunan natin si Pangulong Russell M. Nelson bilang ika-17 Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Dahil sa pagpapalang natanggap ko na makatrabaho siya sa bawat araw, nadama ko ang kumpirmasyon ng Espiritu na tinawag ng Diyos si Pangulong Nelson na pamunuan ang totoong Simbahan ng Panginoon.

Ako rin ay nagpapatotoo na tinawag ng Panginoon sina Elder Gerrit W. Gong at Elder Ulisses Soares na maglingkod bilang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Mahal ko sila at sinusuportahan. Magagawa nila, sa pamamagitan ng kanilang pagmiministeryo, na mapagpala ang mga buhay ng tao sa buong mundo at sa mga henerasyon.

May isa pang dahilan kung bakit makasaysayan ang kumperensyang ito. Ipinahayag ni Pangulong Nelson ang isang inspiradong hakbang sa pagsulong ng organisadong plano ng Panginoon para sa Kanyang Simbahan. Kabilang sa planong iyon ang isang bagong istraktura para sa mga korum ng priesthood sa mga ward at stake upang mas maayos nating magampanan ang ating mga responsibilidad sa priesthood. Ang mga responsibilidad na iyon ay may kinalamang lahat sa pagkalinga ng priesthood natin sa mga anak ng ating Ama.

Ang plano ng Panginoon para makapagbigay ng pagkalinga at pagmamasakit ang Kanyang mga Banal ay naisakatuparan na sa maraming paraan sa buong nakalipas na mga taon. Noong mga unang araw ng Nauvoo, kinailangan ni Propetang Joseph Smith ng isang organisadong paraan upang kalingain ang malaking bilang ng naghihikahos na mga miyembro na dumagsa sa lungsod. Kabilang sa kanila ang apat na mga lolo at lola ko sa tuhod—ang mga Eyring, Bennion, Romney, at Smith. Inorganisa ng Propeta ang pagkalinga sa mga Banal na iyon ayon sa lugar. Sa Illinois ang mga dibisyong iyon ng lungsod ay tinawag na “mga ward.”

Sa pagtawid ng mga Banal sa kapatagan, inorganisa ayon sa “mga pangkat” ang pagkalinga nila sa isa’t isa. Pabalik na noon ang isa sa aking mga lolo-sa-tuhod sa partido ng aking ama mula sa kanyang misyon na ngayon ay Oklahoma nang makasalubong niya ang isang pangkat sa daan. Hinang-hina siya sa pagkakasakit kung kaya naman nakahiga siya at ang kanyang kompanyon sa isang maliit na bagon.

Nagpadala ng dalawang dalagita ang pinuno ng pangkat upang tulungan kung sinuman ang nasa bagon. Isa sa kanila, isang sister na bata pa na nabinyagan sa Switzerland, ang tumingin at nakita ang isa sa mga missionary at naawa. Siya ay iniligtas ng pangkat na iyon ng mga Banal. Nanumbalik ang kanyang lakas sapat para malakad niya ang natitira pang distansiya papunta sa Salt Lake Valley na kasabay ang dalagitang sumagip sa kanya. Nagkaibigan sila at ikinasal. Siya ang naging lolo ko sa tuhod na si Henry Eyring, at ang lola ko sa tuhod na si Maria Bommeli Eyring.

Sa paglipas ng mga taon, kapag may bumabanggit sa labis na hirap sa pagtawid sa gitna ng kontinente, sinasabi niya, “Hindi ah, hindi naman naging mahirap iyon. Habang naglalakad kami, pinag-uusapan namin sa daan na malaking himala talaga na kapwa namin natagpuan ang totoong ebanghelyo ni Jesucristo. Iyon ang pinakamasayang panahon na naaalala ko.”

Simula noon, gumamit na ng iba’t ibang paraan ang Panginoon para tulungan ang Kanyang mga Banal sa pagkalinga sa isa’t isa. Ngayon pinagpala Niya tayo sa pagkakaroon ng pinalakas at nagkakaisang mga korum sa mga ward at stake—mga korum na nakikipag-ugnayan sa lahat ng organisasyon sa ward.

Ang mga municipal ward, mga pangkat, at pinalakas na mga korum ay pawang nangangailangan lamang ng dalawang bagay upang maging matagumpay sa layunin ng Panginoon na kalingain ng Kanyang mga Banal ang isa’t isa gaya ng pagkalinga Niya sa kanila. Nagtatagumpay sila kapag nararamdaman ng mga Banal ang pagmamahal ni Cristo para sa isa’t isa nang higit pa sa pansariling interes. Ang tawag dito ng mga banal na kasulatan ay “pag-ibig sa kapwa-tao … [ang] dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). At nagtatagumpay sila kapag ginagabayan ng Espiritu Santo ang mga tagapagkalinga na malaman ang alam ng Panginoon na pinakamabuti para sa taong sinisikap Niyang tulungan.

Maraming beses nitong mga nakaraang linggo, kumikilos ang mga miyembro ng Simbahan sa harapan ko na tila ba inaasahan na nila ang ipagagawa ng Panginoon, tulad ng inihayag ngayon dito. Bibigyan ko lang kayo ng dalawang halimbawa. Una, isang simpleng mensahe sa sacrament meeting ng isang 14 na taong gulang na teacher sa Aaronic Priesthood na nakauunawa kung ano ang maisasakatuparan ng mga maytaglay ng priesthood sa kanilang paglilingkod para sa Panginoon. Pangalawa, isang taong may Melchizedek Priesthood na, taglay ang pagmamahal ni Cristo, ay nabigyang-inspirasyong maglingkod sa isang pamilya.

Una, ibabahagi ko sa inyo ang mga sinabi ng binatilyo na nagsalita sa sacrament meeting ng isang ward. Naroon ako. Sikapin ninyong alalahanin noong 14 na taong gulang pa lamang kayo at pakinggan ang sinabi niya na hindi ninyo inaasahan na nalalaman niya sa kanyang murang edad:

“Gustung-gusto ko talaga ang pagiging miyembro ng teachers quorum sa ward namin magmula pa noong mag-14 na taong gulang ako noong nakaraang taon. Taglay pa rin ng isang teacher ang lahat ng responsibilidad ng isang deacon at may ilan pang bagong nadagdag dito.

“Dahil ang ilan sa atin ay mga teacher, at ang iba ay magiging teacher din balang araw, at lahat ng tao sa Simbahan ay pinagpapala ng priesthood, kaya napakahalaga na magkaroon tayong lahat ng higit pang kaalaman tungkol sa mga tungkulin ng isang teacher.

“Una sa lahat, nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 20:53 na, ‘Ang tungkulin ng mga guro ay pangalagaan ang simbahan tuwina, at makapiling at palakasin sila.’

Nakasaad din sa Doktrina at mga Tipan 20:54–55:

“‘At tiyakin na walang kasamaan sa simbahan, ni samaan ng loob sa bawat isa, ni pagsisinungaling, paninirang-puri, ni pagsasalita ng masama;

“‘At tiyakin na ang simbahan ay madalas na sama-samang nagtitipon, at tiyakin din na lahat ng kasapi ay gumagawa ng kanilang mga tungkulin.’”

Sinabi pa ng binatilyo:

“Sinasabi sa atin ng Panginoon na hindi lamang natin responsibilidad na pangalagaan ang Simbahan kundi kalingain din ang mga tao sa loob ng Simbahan sa paraang gagawin ni Cristo dahil ito ay Simbahan Niya. Kung sinisikap nating sundin ang mga kautusan, maging mabait sa isa’t isa, maging matapat, maging mabubuting kaibigan, at maging masaya kapag magkakasama, mapapasaatin ang Espiritu at malalaman natin kung ano ang gusto ng Ama sa Langit na gawin natin. Kung hindi natin ito magagawa, hindi natin magagampanan ang ating tungkulin.”

Nagpatuloy siya sa pagsasabing:

“Kapag pinili ng isang teacher na magbigay ng magandang halimbawa sa pamamagitan ng pagiging isang mabuting home teacher, binabati ang mga miyembro sa simbahan, inihahanda ang sacrament, tumutulong sa tahanan, at nagiging tagapamayapa, pinipili niyang igalang ang kanyang priesthood at gampanan ang kanyang tungkulin.

“Ang pagiging isang mabuting teacher ay hindi lamang nangangahulugan ng pagiging responsable kapag nasa loob tayo ng simbahan o nasa mga aktibidad tayo ng Simbahan. Itinuro ni Apostol Pablo, ‘Ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya, sa pananalita, sa pamumuhay, sa pagibig, sa pananampalataya, sa kalinisan’ (I Kay Timoteo 4:12).”

Pagkatapos ay sinabi ng binatilyo:

“Saan man tayo naroon o anuman ang ginagawa natin, maaari tayong maging mabuting halimbawa ng kabutihan sa lahat ng panahon at sa lahat ng lugar.

“Hino-home teach namin ng tatay ko ang pamilya Brown.1 Sa tuwing nagpupunta kami roon, masaya ang pagbisita namin at nakikilala namin sila. Isang bagay na nagugustuhan ko sa mga Brown sa tuwing pumupunta kami sa kanila ay handa silang lahat na makinig at parati silang may magagandang kwentong ibinabahagi.

“Kapag kilalang-kilala natin ang mga tao sa ward dahil sa home teaching, napadadali nito ang pagtupad sa isa pang tungkulin ng isang teacher, at iyan ay batiin ang mga miyembro sa simbahan. Ang maipadama sa mga tao na tanggap sila at kabilang sa simbahan ay nakatutulong sa lahat ng miyembro ng ward na maramdamang minamahal sila at nagiging handang makibahagi sa sacrament.

“Matapos batiin ang mga miyembro na dumating sa simbahan, tumutulong ang mga teacher tuwing Linggo sa paghahanda ng sacrament. Natutuwa talaga ako sa pagpapasa at paghahanda ng sacrament sa ward na ito dahil mapitagan ang lahat. Nararamdaman ko palagi ang Espiritu sa tuwing naghahanda at nagpapasa ako ng sacrament. Tunay na isang pagpapala sa akin na magawa ko ito tuwing Linggo.

“Ang ilang paglilingkod na gaya ng pagpapasa ng sacrament ay isang bagay na nakikita ng mga tao at pinasasalamatan nila kami sa paggawa nito, pero may iba pang paglilingkod na gaya ng paghahanda ng sacrament na kadalasang isinasagawa ng hindi napapansin ninuman. Hindi mahalaga kung nakikita tayo ng mga tao na naglilingkod; ang mahalaga ay alam ng Panginoon na pinaglingkuran natin Siya.

“Bilang mga teacher, dapat na magsikap tayong palakasin sa tuwina ang Simbahan, ang mga kaibigan natin, at ang ating pamilya sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga responsibilidad sa priesthood. Hindi palaging madali ito, pero ang Panginoon ay hindi nagbibigay sa atin ng mga kautusan ‘maliban sa siya ay maghahanda ng paraan [para sa atin] upang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos’ (1 Nephi 3:7).”

Sa pagtatapos ng binatilyong iyon, patuloy akong namangha sa kanyang maturidad at karunungan. Sinabi niya sa huli, “Alam ko na mas bubuti tayo kapag pinipili nating sumunod [kay Jesucristo].”

Isa pang kwento tungkol sa paglilingkod sa priesthood ang inilahad isang buwan na ang nakalipas sa sacrament meeting ng ward. Muli, naroon ako. Sa pagkakataong ito, hindi alam ng taong ito na maytaglay na Melchizedek Priesthood, na may malawak nang karanasan, na inilalarawan niya sa kanyang pagsasalita ang ibig mismong mangyari ng Panginoon sa pinalakas na mga korum ng priesthood. Narito ang buod ng kanyang salaysay:

Itinalaga sa kanilang magkompanyon sa home teaching ang pitong pamilya na paglilingkuran nila. Halos lahat sila ay ayaw magpadalaw. Kapag pumupunta ang mga home teacher sa kanilang mga apartment, hindi nila sila pinagbubuksan ng pinto. Kapag tinatawagan nila sa telepono, hindi sila sinasagot. Kapag nag-iiwan sila ng mensahe, wala ring tugon sa kanila. Sa bandang huli, idinaan ng senior companion na ito ang paglilingkod sa pamamagitan ng pagsulat ng liham. Nagsimula rin siyang gumamit ng kulay dilaw na makikintab na sobre sa pag-asang makatatanggap ng sagot.

Isa sa pitong pamilyang ito ay isang sister na walang asawa na less-active at nagmula pa sa Europa. May dalawa siyang anak na mga bata pa.

Matapos ang maraming pagtatangka na makipag-ugnayan sa kanya, nakatanggap siya [ang Melchizedek Priesthood holder] ng isang text message. Kaagad na ipinaalam ng sister na ito na masyado siyang abala para makipagkita pa sa mga home teacher. Dalawa ang trabaho niya at nasa militar din siya. Pangunahing trabaho niya ang pagiging isang pulis, at gusto niyang maging isang detective at bumalik pagkatapos sa bayang sinilangan niya at ipagpatuloy roon ang trabaho niya.

Kahit kailan ay hindi siya nagawang dalawin ng home teacher sa bahay niya. Paminsan-minsan ay tine-text niya ito. Buwan-buwan nagpapadala siya ng liham na sulat-kamay niya, na may kalakip na mga holiday card para sa bawat anak nito.

Hindi siya nakatanggap ng sagot. Ngunit alam ng sister na ito kung sino ang mga home teacher niya, paano sila kokontakin, at na paninindigan nila ang paglilingkod na ito ng priesthood.

Isang araw nakatanggap siya ng isang mahalagang text mula sa kanya. Kailangang-kailangan niya ng tulong. Hindi niya alam kung sino ang bishop pero kilala niya ang mga home teacher niya.

Ilang araw na lamang at kailangan na niyang umalis ng estado para sa isang buwang training exercise sa militar. Hindi niya maaaring isama ang kanyang mga anak. Ang kanyang ina na siyang dapat na mag-aalaga sa kanyang mga anak ay kalilipad lamang papunta ng Europa para sa isang emergency upang alagaan ang asawa nito.

Sapat lamang ang pera ng less-active na single sister na ito pambili ng ticket papuntang Europa para sa bunso niyang anak, pero hindi sapat para sa anak niyang 12 taong gulang na si Eric.2 Itinanong niya sa kanyang home teacher kung may mahahanap kaya siyang isang mabuting pamilyang LDS na maaaring tanggapin si Eric sa kanilang tahanan sa loob ng susunod na 30 araw!

Sumagot sa text ang home teacher na gagawin niya ang abot ng makakaya niya. Pagkatapos ay nakipag-ugnayan siya sa kanyang mga lider sa priesthood. Pinayagan siya ng bishop na kausapin ang mga miyembro ng ward council, kabilang dito ang pangulo ng Relief Society.

Kaagad na nakahanap ang pangulo ng Relief Society ng apat na mabubuting pamilyang LDS na may mga anak na kasing-edad ni Eric, na tatanggap sa kanya sa kanilang mga tahanan nang kada isang linggo. Nang sumunod na buwan, pinakain ng mga pamilyang ito si Eric, pinatulog siya sa isang silid sa masikip na mga apartment o maliit na tahanan, isinama siya sa kanilang mga naplano nang aktibidad ng pamilya para sa tag-init, isinama siya sa simbahan, isinama siya sa kanilang mga family home evening, at kung anu-ano pa.

Isinama si Eric ng mga pamilyang may mga anak na lalaking kasing-edad nito sa kanilang mga miting at aktibidad sa deacons quorum. Sa loob ng 30 araw na ito, nakadalo si Eric sa simbahan tuwing Linggo sa unang pagkakataon ng kanyang buhay.

Nang makauwi na ang kanyang ina mula sa training nito, nagpatuloy si Eric sa pagdalo sa simbahan, kadalasang kasama ng isa sa apat na pamilyang LDS na nagboluntaryo o iba pa sa mga naging kaibigan niya, kabilang na ang mga home teacher ng kanyang nanay. Kalaunan, naorden siya na deacon at nagsimulang regular na magpasa ng sacrament.

Ngayon, tingnan natin ang hinaharap ni Eric. Hindi tayo magugulat kung magiging lider siya sa Simbahan sa bayang pinagmulan ng kanyang ina kapag bumalik na roon ang pamilya niya—lahat ng ito ay dahil sa mga Banal na nagkaisang nagtulungan, sa ilalim ng patnubay ng bishop, at naglingkod dahil sa pag-ibig sa kapwa-tao na nasa kanilang puso at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Alam natin na kailangan ang pag-ibig sa kapwa-tao para tayo maligtas sa kaharian ng Diyos. Isinulat ni Moroni, “Maliban kung mayroon kayong pag-ibig sa kapwa-tao, kayo ay hindi maaaring maligtas sa kaharian ng Diyos” (Moroni 10:21; tingnan din sa Eter 12:34).

Alam din natin na isang kaloob ang pag-ibig sa kapwa-tao na iginawad sa atin sa kabila ng lahat ng ating magagawa. Kailangan nating “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang [tayo] ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo” (Moroni 7:48).

Sa tingin ko pinakamainam na natatanggap natin ang Banal na Espiritu kapag nakatuon tayo sa paglilingkod sa iba. Ito ang dahilan kung bakit mayroon tayong responsibilidad sa priesthood na maglingkod para sa Tagapagligtas. Kapag abala tayo sa paglilingkod sa iba, hindi natin gaanong naiisip ang ating sarili, at mas mabilis na sumasaatin ang Espiritu Santo at tinutulungan tayo sa habambuhay nating pagsisikap na maipagkaloob sa atin ang kaloob na pag-ibig sa kapwa-tao.

Pinatototohanan ko sa inyo na nagsimula nang gumawa ng isang malaking hakbang ang Panginoon sa plano Niyang mas maging inspirado at mapagkawanggawa tayo sa pagmiministeryo natin sa priesthood. Nagpapasalamat ako sa Kanyang pagmamahal, na bukas-palad Niyang ibinibigay sa atin. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Binago ang pangalan.

  2. Binago ang pangalan.