Ang Propeta ng Diyos
Ang propeta ay hindi tumatayo sa pagitan natin at ng Tagapagligtas. Sa halip, tumatayo siya sa ating tabi at itinuturo ang daan patungo sa Tagapagligtas.
Idinaragdag ko ang aking pagbati ng pagtanggap kina Elder Gerrit Gong and Elder Ulisses Soares sa walang katulad na pagkakapatiran ng Korum ng Labindalawa.
Sa ating pagsang-ayon kay Pangulong Russel M. Nelson bilang propeta ng Panginoon at bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tayo ay naging bahagi ng isang banal na pagtitipon na iniutos ng Diyos—banal dahil ang mga naganap sa nakalipas na oras ay hinintay sa langit simula noong bago pa likhain ang mundo. Ang Panginoong Jesucristo, na namamahala sa Kanyang gawain, ay iniharap ngayong araw sa pamamagitan ni Pangulong Eyring, ang Kanyang propeta, ang Kanyang itinalagang pinuno, sa atin, ang Kanyang pinagtipanang tao, upang pahintulutan tayong maipahayag sa madla ang ating kahandaang sang-ayunan siya at sundin ang kanyang mga payo.
Sa mga milyun-milyong miyembro na hindi natin kasama rito sa Conference Center, gusto kong malaman ninyo na ang Espiritu ng Panginoon sa gusaling ito sa oras na sinasang-ayunan si Pangulong Nelson ay eksakto sa inaasahan ninyo—puno ng espirituwal na kapangyarihan. Ngunit ang ating pagtitipon na may patnubay ng Diyos ay hindi lamang nagaganap sa Conference Center na ito kundi maging sa buong mundo— sa mga simbahan sa Asya, Africa, at Hilagang America; sa mga tahanan sa Gitna at Timog America at Europa; sa mga may bubong na patyo sa Pasipiko at sa mga isla sa dagat. Ang pagtitipong ito ay nakararating saan mang bahagi ng mundo kayo naroroon, kahit na ang inyong koneksiyon ay sa pamamagitan lamang ng audio ng inyong smartphone. Ang ating mga itinaas na kamay ay hindi binilang ng ating mga bishop, subalit tiyak na ang mga ito ay nakita sa langit, sapagkat ang ating tipan ay sa Diyos, at ang ating gawain ay itinatala sa aklat ng buhay.
Pinipili ng Panginoon ang Kanyang Propeta
Ang pagpili ng isang propeta ay ginagawa Mismo ng Panginoon. Walang pagkampanya, walang debate, walang pagpapakitang-gilas para makakuha ng posisyon, walang pagtatalo, kawalan ng tiwala, kalituhan, ni kaguluhan. Pinagtitibay ko rin na ang kapangyarihan ng langit ay nasa amin sa itaas na silid ng templo nang palibutan namin nang may panalangin si Pangulong Nelson at nadama ang di-maikakailang pagpapatibay ng Panginoon sa kanya.
Ginawa ang pagpili kay Pangulong Nelson para maglingkod bilang propeta ng Diyos matagal na panahon na ang nakalilipas. Ang mga salita ng Panginoon kay Jeremias ay angkop din kay Pangulong Nelson: “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa.”1 Tatlong taon na ang nakararaan, si Elder Nelson, sa edad na 90 ay ikaapat mula sa pinakaunang tinawag, at dalawa sa tatlong mas naunang tinawag na Apostol ay mas bata sa kanya. Ang Panginoon, na may hawak sa buhay at kamatayan, ang pumipili ng Kanyang propeta. Si Pangulong Nelson, sa edad na 93, ay nasa napakabuting kalusugan. Umaasa tayo na makakasama natin siya sa susunod na isa o dalawang dekada, subalit ngayon ay sinusubukan namin siyang hikayatin na iwasan ang pag-ski.
Bagama’t sinasang-ayunan natin ang propeta bilang itinalaga ng Panginoon, nililinaw ko na ang tanging sinasamba natin ay ang Diyos, ang ating Ama sa Langit, at ang Kanyang banal na Anak. Sa pamamagitan lamang ng mga kabutihan, awa, at biyaya ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo tayo muling makababalik sa Kanilang piling balang araw.2
Bakit Natin Sinusunod ang Propeta?
Gayunman, itinuro sa atin ni Jesus ang isang mahalagang katotohanan tungkol sa mga tagapaglingkod na Kanyang isinusugo sa atin. “Ang tumatanggap sa inyo,” sabi Niya, “ay ako ang tinatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin.”3
Ang pinakamahalagang tungkulin ng propeta ng Panginoon ay ang magturo sa atin ng tungkol sa Tagapagligtas at akayin tayo sa Kanya.
Maraming makatwirang kadahilanan para sundin natin si Pangulong Russel M. Nelson. Kahit hindi mga kabilang sa ating relihiyon ay itinuturing siyang matalino. Siya ay naging isang doktor ng medisina sa edad na 22, isang iginagalang na doktor na nag-oopera ng puso, at isang kilalang tagabunsod ng pag-unlad ng open-heart surgery.
Kinikilala ng iba ang kanyang karunungan at paghatol: siyam na dekada ng pag-aaral tungkol sa buhay at kamatayan, namumuhay na hindi makasarili, nagmamahal at nagtuturo sa mga anak ng Diyos sa bawat sulok ng mundo, at patuloy na pinauunlad ng karanasan sa pagkakaroon ng 10 anak, 57 apo, at 118 na apo-sa-tuhod (ang pinakahuling bilang na ito ay madalas na tumataas, ang ika-118 ay ipinanganak lamang nitong nakaraang Miyerkules.)
Masasabi ng mga lubos na nakakikilala kay Pangulong Nelson kung paano niya hinarap ang mga paghihirap sa buhay nang may pananampalataya at tapang. Nang mamatay sa sakit na kanser ang kanyang 37-taong-gulang na anak na si Emily, na iniwan ang isang mapagmahal na asawa at limang maliliit na anak, narinig ko siyang nagsabi, “Ako ay kanyang ama, isang doktor ng medisina, at isang Apostol ng Panginoong Jesucristo, subalit kailangan kong iyuko ang aking ulo at tanggaping ‘Huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo.’”4
Bantay sa Tore
Bagamat hinahangaan natin ang lahat ng mararangal na katangiang ito, bakit natin sinusunod si Pangulong Nelson? Bakit natin sinusunod ang propeta? Dahil ang Panginoong Jesucristo ang tumawag sa kanya at nagtalaga sa kanya na maging Kanyang bantay sa tore.
Ang Carcassonne ay isang kahanga-hangang lungsod na napaliligiran ng pader sa France na itinayo noong kalagitnaan ng panahon. Nagsitaasan ang matataas na tore sa loob ng mga protektadong pader na ito, na itinayo para sa mga bantay na tatayo sa mga toreng iyon buong araw at gabi, na nakatutok ang atensiyon sa kalayuan para magbantay sa kaaway. Kapag nakakita ang bantay ng paparating na kaaway, ang kanyang tinig ng babala ang pumuprotekta sa mga tao sa Carcassonne mula sa nakaabang na panganib na hindi nila nakikita.
Ang propeta ay isang bantay sa tore na pumuprotekta sa atin mula sa mga espirituwal na panganib na maaaring hindi natin nakikita.
Sinabi ng Panginoon kay Ezekiel: “Ikaw … ay inilagay ko na bantay sa sangbahayan ni Israel; kaya’t dinggin mo ang salita [mula] sa aking bibig, at magbigay alam ka sa kanila sa ganang akin.”5
Madalas tayong nagsasalita tungkol sa ating pangangailangan na sumunod sa mga propeta, subalit isipin ang mabigat na pasaning ibinibigay ng Panginoon sa Kanyang propeta: “[Kung] ikaw ay hindi nagsasalita upang magbigay alam sa masasama … , [at] ang masamang yaon ay mamamatay sa kaniyang kasamaan, … ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa iyong kamay.”6
Isang Mas Matibay na Personal na Patotoo
Tinatanggap natin si Pangulong Nelson tulad ng magiging pagtanggap natin kina Pedro o Moises kung nabuhay tayo sa kanyang panahon. Sinabi ng Diyos kay Moises: “Ako’y sasaiyong bibig, at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasalitain.”7 Pinakikinggan natin ang propeta ng Panginoon nang may pananampalatayang ang kanyang mga salita ay “mula sa sariling … bibig [ng Panginoon].”8
Ito ba ay bulag na pananampalataya? Ito ay hindi ganoon. Ang bawat isa sa atin ay mayroong espirituwal na patotoo sa katotohanan ng Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng ating sariling kalooban at pagpili, itinaas natin ang ating mga kamay ngayong umaga upang ipahayag ang ating pagnanais na sang-ayunan ang propeta ng Panginoon sa pamamagitan ng ating “pagtitiwala, pananampalataya, at [mga] panalangin”9 at sundin ang kanyang payo. Mayroon tayong pribilehiyo bilang mga Banal sa mga Huling Araw na tanggapin ang isang personal na kumpirmasyon na ang tawag ni Pangulong Nelson ay mula sa Diyos. Bagama’t halos tatlong dekada nang personal na nakikilala ng aking asawang si Kathy si Pangulong Nelson at walang pag-aalinlangan sa kanyang banal na balabal, nang siya ay inorden at itinalaga, sinimulan ng aking asawa na basahin ang mga mensahe ni Pangulong Nelson sa nakalipas na 34 na taon, nananalangin para sa mas malalim na katiyakan ng kanyang tungkulin bilang propeta. Ipinapangako ko sa inyo na magkakaroon kayo ng ganitong mas malalim na patotoo kapag hinangad ninyo ito nang may pagpapakumbaba at pagkamarapat.
Bakit handang-handa tayong sundin ang tinig ng ating propeta? Para sa mga masigasig na nagnanais ng buhay na walang hanggan, ang tinig ng propeta ay naghahatid ng espirituwal na kaligtasan sa maligalig na mga panahon.
Nabubuhay tayo sa planeta na puno ng malalakas na tinig na nag-iimpluwensya sa atin. Ang internet, ang ating mga smartphone, ang ating napakaraming mapaglilibangan ay mapilit sa pag-impluwensiya sa atin, umaasa na bibilhin natin ang kanilang mga produkto at aayon sa kanilang mga pamantayan.
Ang tila walang katapusang impormasyon at opinyon ay nagpapaalaala sa atin ng mga espirituwal na babala sa mga banal na kasulatan tungkol sa “[pagpapahapay] dito’t doon,”10 “itinutulak ng hangin,”11 at lubos na naiimpluwensiyahan ng “katusuhan” ng mga “lalang ng kamalian.”12
Ang pag-angkla ng ating mga kaluluwa sa Panginoong Jesucristo ay nangangailangan ng pakikinig sa Kanyang mga isinusugo. Ang pagsunod sa propeta sa magulong mundo ay tulad ng pagkakabalot sa isang nakagiginhawa at mainit na kumot sa isang napakalamig na nagyeyelong panahon.
Nabubuhay tayo sa isang mundong puno ng katwiran, debate, pagtatalu-talo, lohika, at pagpapaliwanag. Ang pagtatanong ng “Bakit?” ay nakakabuti sa maraming aspeto ng ating buhay, pinahihintulutan na magabayan tayo ng ating talino sa napakaraming pagpipilian at desisyong hinaharap natin sa bawat araw.
Subalit ang tinig ng Panginoon ay kadalasang dumarating nang walang paliwanag.13 Matagal na panahon na bago pa man napag-aralan ng mga tao sa akademiya ang tungkol sa epekto ng pagtataksil sa pagtitiwala ng mga asawa at anak, ipinahayag na ng Panginoon, “Huwag kang mangangalunya.”14 Maliban sa pagtitiwala sa katalinuhan, pinahahalagahan natin ang kaloob na Espiritu Santo.
Huwag Kayong Mabibigla
Ang tinig ng propeta, bagama’t magiliw kung bumigkas, ay kadalasang isang tinig na humihikayat sa atin na magbago, magsisi at magbalik sa Panginoon. Kung kinakailangan ng pagtatama, huwag natin itong ipagpaliban. At huwag tayong mabahala kung ang nagbababalang tinig ng propeta ay taliwas sa mga popular na opinyon ng ating panahon. Ang mga pangungutya ng nayayamot na mga taong hindi sumasampalataya ay palaging kaagad na ibinabato matapos na magsalita ang propeta. Kapag mapagpakumbaba ninyong sinunod ang mga payo at turo ng propeta ng Panginoon, ipinapangako ko sa inyo ang dagdag na pagpapala ng kaligtasan at kapayapaan.
Huwag kayong mabibigla kung ang inyong mga personal na pananaw sa simula ay hindi palaging lubos na umaayon sa mga turo ng propeta ng Panginoon. Ito ang mga pagkakataon ng pagkatuto, ng pagpapakumbaba, kapag tayo ay lumuluhod para manalangin. Nagpapatuloy tayo sa paglakad nang may pananampalataya, nagtitiwala sa Diyos, nalalaman na darating ang panahon na makatatanggap tayo ng dagdag na espirituwal na kaliwanagan mula sa ating Ama sa Langit. Inilarawan ng isang propeta ang di-maikukumparang kaloob ng Tagapagligtas nang ganito: “ang kalooban ng Anak ay mapasasakop sa kalooban Ama.”15 Ang pagsuko ng ating kalooban sa kalooban ng Diyos, sa katunayan, ay hindi talaga pagsuko subalit pagsisimula ng isang maluwalhating tagumpay.
Susubukan ng ilan na labis na suriin ang mga salita ng propeta, nahihirapang tukuyin kung ano ang tinig ng propeta at kung ano ang kanyang personal na opinyon.
Noong 1982, dalawang taon bago matawag na General Authority, sinabi ni Brother Russell M. Nelson, “Hindi ko kailanman tinanong ang aking sarili ng, ‘Kailan nagsasalita ang propeta bilang isang propeta at kailan hindi?’ Ang interes ko ay kung ‘Paano ako magiging mas katulad niya?’” Idinagdag niya, “Ang aking [pilosopiya ay] ang ihinto ang paglalagay ng tandang pananong sa mga pahayag ng propeta at sa halip ay lagyan ang mga ito ng tandang padamdam.”16 Ganito pinili ng isang mapagpakumbaba at espirituwal na tao na ayusin ang kanyang buhay. Ngayon, matapos ang 36 na taon, siya ay naging propeta ng Panginoon.
Dagdagan ang Inyong Pananampalataya sa Tagapagligtas
Sa aking personal na buhay, nalaman ko na kapag mapanalangin kong pinag-aralan ang mga salita ng propeta ng Panginoon at maingat at matiyaga kong espirituwal na iniayon ang aking kalooban sa kanyang mga turo, ang aking pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ay palaging nadaragdagan.17 Kung pipiliin nating isantabi ang kanyang payo at sabihing mas nakaaalam tayo, hihina ang ating pananampalataya at magiging malabo ang ating walang hanggang pananaw. Ipinapangako ko na kung mananatili kayong di-natitinag sa pagsunod sa propeta, madaragdagan ang inyong pananampalataya sa Tagapagligtas.
Sinabi ng Tagapagligtas, “Lahat ng propeta … ay nagpatotoo sa akin.”18
Ang propeta ay hindi tumatayo sa pagitan natin at ng Tagapagligtas. Sa halip, tumatayo siya sa ating tabi at itinuturo ang daan patungo sa Tagapagligtas. Ang pinakamalaking responsibilidad at ang pinakamahalagang kaloob sa atin ng propeta ay ang kanyang tapat na patotoo, ang kanyang tiyak na kaalaman, na si Jesus ang Cristo. Tulad ni Pedro noong unang panahon, ipinahahayag ng ating propeta, “[Siya] ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.”19
Balang araw, sa pagbabalik-tanaw natin sa ating mortalidad, magagalak tayong lumakad tayo sa mundo sa panahon ng isang buhay na propeta. Sa araw na iyon, dalangin kong masabi natin na:
Nakinig kami sa kanya.
Naniwala kami sa kanya.
Pinag-aralan namin ang kanyang mga salita nang may pagtitiyaga at pananampalataya.
Ipinagdasal namin siya.
Sumuporta kami sa kanya.
Naging mapagpakumbaba kami para masunod siya.
Minahal namin siya.
Iniiwan ko ang aking sagradong patotoo na si Jesus ang Cristo, ang ating Manunubos at Tagapagligtas, at na si Pangulong Russel M. Nelson ang Kanyang itinalagang propeta sa mundo. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.