Binigyang-diin sa Pagsasanay sa Hanbuk ang Gawain ng Kaligtasan
Sa pandaigdigang pagsasanay sa pamumuno noong Pebrero 2011, tinuruan ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga kalahok kung paano mas epektibong gamitin ang mga bagong hanbuk. Ang pulong ay follow-up o pagsubaybay sa pandaigdigang pagsasanay sa pamumuno noong Nobyembre 2010 kung saan inilunsad ang mga hanbuk.
Binigyang-diin ng mga tagapagsalita kung paano gamitin ang mga hanbuk sa mas inspiradong paraan, ang kahalagahan ng pag-unawa sa saligang doktrina ng mga bagong hanbuk, paano ang gagawing pag-aakma sa mga programa ng Simbahan, paano iaakma ang mga pagbabago sa mga hanbuk para maisagawa ang kaligtasan, at ang papel ng kababaihan sa mga council.
Nakilahok sa brodkast sina Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan; sina Elder Russell M. Nelson, Dallin H. Oaks, Richard G. Scott, Robert D. Hales, Jeffrey R. Holland, David A. Bednar, Quentin L. Cook, D. Todd Christofferson, at Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol; sina Elder Craig C. Christensen; Bruce D. Porter at W. Craig Zwick ng Pitumpu; at ang mga pangkalahatang pangulo ng mga auxiliary.
Mas Inspiradong Paggamit ng mga Hanbuk
Tinawag ang pulong na “ikalawang pagkakataon upang tuklasin kung paanong mas epektibong gamitin ang hanbuk,” hinikayat ni Pangulong Eyring ang mga lider na dagdagan ang kakayahan nilang tumanggap ng paghahayag.
“Sa pamamagitan lamang ng Espiritu ninyo malalaman kung paano isasagawa ang nababasa ninyo sa hanbuk,” sabi niya. “… Tila hindi praktikal na asahan o asamin ninyo ang pagdaloy ng paghahayag na kailangan ninyo sa pang-araw-araw ninyong paglilingkod. Hindi ito darating nang walang pananampalataya at pagsisikap, ngunit posible ito.”
Nangako si Pangulong Eyring na kapag nagsikap at nagdasal ang mga lider na “maunawaan at masunod ang mga salita ng buhay” na ibinigay sa kanila, tutulungan sila ng Panginoon na maglingkod at mamuno nang higit sa sarili nilang kakayahan.
Saligang Doktrina ng mga Hanbuk
“Ang hanbuk ay batay sa doktrina,” sabi ni Elder Oaks, “at mas maikli ito kaysa naunang hanbuk dahil sa maraming paksa ay hindi ito bumanggit ng mga tuntunin o nagbigay ng mga tagubilin. Sa halip, nagbigay ito ng mga alituntuning magagamit ng mga inspiradong lider … ayon sa sitwasyon sa kanilang lugar.”
Binalaan nina Elder Bednar at Elder Christofferson ang mga lider na huwag lagpasan ang mga panimulang kabanata ng Handbook 2 para mabasa na ang mga patakaran sa kasunod na mga kabanata. Nakasaad sa naunang mga kabanata ang saligang doktrina para maunawaan at maisagawa ang kasunod na mga alituntunin at patakaran.
Sinabi ni Elder Bednar na para “mabatay sa alituntunin [ang mga hanbuk], at mas kaunti ang pagpapaliwanag tungkol sa aplikasyon nito, ay mas mahirap at mahigpit na pangangailangang espirituwal para sa ating lahat.”
Mga Alituntunin ng Pag-aakma
“Tungkol sa doktrina, mga tipan, at mga patakarang itinakda ng Unang Panguluhan at ng Labindalawa, hindi tayo lumilihis sa hanbuk,” sabi ni Elder Nelson. “Tinutulutang iakma ang ilang mga aktibidad para matugunan ang mga sitwasyon sa lugar.”
Ayon kay Elder Porter, isinama ang kabanata 17, “Uniformity and Adaptation,” upang tulungan ang mga lokal na lider na sundin ang Espiritu at magpasiya kung kailan angkop na iakma ang ilang programa. Ipinaliwanag sa kabanata ang hindi maaaring baguhin at nagbigay ng limang kundisyon para makapag-akma: mga sitwasyon ng pamilya, limitadong transportasyon at komunikasyon, maliliit na korum o klase, kakulangan ng sapat na bilang ng mga lider, at mga kundisyon ng seguridad.
“Hindi pinahihina ng angkop na mga pag-aakma ang Simbahan; pinatatatag ito ng mga ito,” sabi ni Elder Porter sa isang mensaheng binasa ni Elder W. Craig Zwick ng Pitumpu. Sa paggawa ng mga inspiradong adaptasyon o pag-aakma, hindi dapat madama ng mga lokal na lider na pinabababa nila ang kalidad ng programa sa kung ano ang nararapat. “Bawat yunit ng Simbahan ay may akses sa mga doktrina, mga ordenansa, kapangyarihan ng priesthood, at mga kaloob ng Espiritu na kailangan para sa kaligtasan at kadakilaan ng mga anak ng Diyos,” pagsulat ni Elder Porter.
Ang Gawain ng Kaligtasan
Ang mga pagbabagong ginawa sa buong Handbook 2 ay nilayon upang isulong ang gawain ng kaligtasan. Sabi ni Pangulong Eyring: “Ang hanbuk ay magiging yaman ninyo kapag ginamit ninyo ito upang tulungan kayong akayin ang iba na piliin ang landas tungo sa buhay na walang hanggan. Iyan ang layunin nito.”
Sa kabanata 5 ay partikular na pinagsama sa ilalim ng pamagat na “The Work of Salvation in the Ward and Stake” ang ilang paksang dati-rati ay magkakahiwalay, kabilang na ang gawaing misyonero ng miyembro, pananatiling aktibo ng mga nabinyagan, pagpapaaktibo, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo.
“Sinabi ni Pablo na dito, sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon, lahat ng bagay ay pag-iisahin kay Cristo,” sabi ni Elder Bednar (tingnan sa Mga Taga Efeso 1:10). “May isang gawain.”
Halimbawa, ang itinuturing dati ng ilan na magkakahiwalay na misyon ng Simbahan ay “iisang gawain sa iba’t ibang larangan,” sabi niya. Ang gawaing misyonero ay pagpapahayag ng ebanghelyo at pag-anyaya sa iba na tanggapin ang mga sagradong ordenansa at makipagtipan. Ang pagpapasakdal sa mga Banal—kabilang na ang pananatiling aktibo, pagpapaaktibo, at pagtuturo—ay gawain ng pag-anyaya sa mga tao na igalang ang mga ordenansa at tipan. Ang pagtubos sa mga patay sa pamamagitan ng family history at gawain sa templo ay nagbibigay ng pagkakataon na matanggap ang mga ordenansa at makipagtipan sa mga pumanaw na.
Sinabi ni Elder Holland na karaniwan, ang mga pagbabago sa hanbuk ay humahantong sa pagkaunawa na hindi lamang kasama ang mga lider ng korum at auxiliary sa ward council para isipin ang sarili nilang mga miyembro sa korum at auxiliary, kundi magkakatuwang sila sa responsibilidad ukol sa espirituwal na kapakanan ng lahat ng miyembro.
Nilinaw ni Elder Cook kung paano nakakatulong ang ilang pagbabago sa patakaran sa Handbook 2 sa gawain ng kaligtasan.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng mga pangangailangan sa mga bishop at ward council meeting ngayong wala nang welfare meeting. Ipinaliwanag niya ang karagdagang papel ng mga lider ng Melchizedek Priesthood sa pagpapayo sa mga miyembro ng korum. Nilinaw pa niya ang mga pagbabagong nagpapahintulot sa mga amang hindi lubos na marapat sa templo na makilahok sa mga ordenansa at pagbabasbas ng mga miyembro ng pamilya sa ilang sitwasyon.
“Hindi tayo nagpapatakbo ng mga programa o namamahala ng isang organisasyon,” sabi ni Elder Bednar. “Kailangan iyan, pero hindi iyan ang pinakamahalaga. Ito ang gawain ng kaligtasan. At kapag sinimulan nating isipin ang mga ordenansa at tipan, at saka angkop na itatanong ng mga lider ng priesthood, ano ang susunod na ordenansang kailangan sa buhay ng tao o pamilyang ito, at paano tayo makakatulong sa paghahandang iyan?”
Kababaihan sa Council
Nagpahayag ng pag-aalala si Elder Scott na sa ilang lugar, pinalalampas ng mga lider ang mga pagkakataong isama ang kababaihan sa pagpupulong. “Kapag [ang kababaihan] ay maaaring hikayating makibahagi nang malaya sa mga ward council meeting, laging nakakatulong at nagbibigay-inspirasyon ang kanilang mga ideya,” sabi niya.
Makahihikayat ng partisipasyon ang mga lider sa pamamagitan ng pagtawag sa kababaihan sa pangalan at pasasalamat sa mga ideya at rekomendasyong alay nila, paliwanag ni Elder Scott.
“Ang katumbas na pagpapalang dumarating sa tahanan ng mga lider ng priesthood” na sumusunod sa mga tagubiling ito ay na “maaaring mas pahalagahan ng mga lalaking ito ang sagradong tungkulin ng kanilang asawa sa sarili nilang tahanan,” dagdag pa niya.
Itinuro niya ang kahalagahan ng paghahangad na magkaisa ang mga miyembro ng council. Kapag nadama iyan, maaari itong matukoy ng isang lider at humiling ng pagsang-ayon. Sa mga pagkakataon na hindi nagkakaisa ang mga miyembro, dapat hingin ng mga lider ang payo ng bawat miyembro ng ward council, pasalamatan ang mga ideyang ibinahagi, gumawa ng desisyon, at hingin ang nagkakaisang suporta ng mga miyembro ng council sa desisyong iyan. Binigyang-diin ni Elder Scott ang kahalagahan ng kumpidensyalidad ng mga bagay na pinag-usapan sa ward council.
Inaasahang mga Resulta
Tinapos ni Elder Nelson ang pagsasanay sa pagpapahayag ng tatlong pag-asa: na sa pagpapasimple ay mas epektibong magagamit ang oras at kabuhayan ng mga miyembro, na mag-ibayo ang kapangyarihan ng priesthood sa bawat maytaglay ng priesthood upang mapagpala ang bawat tao at bawat pamilya sa Simbahan, at higit na makadama ng katapatan at pagkadisipulo ang bawat miyembro.