Ang Isang Tipan ay Walang Hanggan
Kapag tungkol sa mga desisyong ginawa ko bilang bahagi ng isang tipan sa mapagmahal na Ama sa Langit, hindi mahalaga kung ano ang sasabihin ng mundo.
Noong tinedyer pa ako, binigyan ng aming Young Women president ang bawat kabataang babae ng isang regalo: isang larawan ng templo. Binanggit niya sa amin ang tungkol sa mga tipan at malinis na pamumuhay. Pagkatapos ay hinikayat niya kaming mithiin na magpunta sa templo balang-araw.
Buong puso kong tinanggap ang payo ng lider na ito at nagpasiyang gawing prayoridad ang paghahanda. Wala pang templo noon sa Costa Rica, ngunit nalaman ko noong binyagan ako kung ano ang tipan, at inasam ko ang pagkakataong makagawa ng karagdagang mga tipan sa Panginoon.
Ako lang ang miyembro ng Simbahan noon sa aking pamilya, kaya’t hindi naituro ang ebanghelyo sa aming tahanan. At nagpasiya pa rin ako na pag-aaralan ko ang mga pamantayan ng ebanghelyo sa sarili ko at susundin ko ang mga ito. Kabilang sa paghahanda ko ang pagdalo sa seminary, kahit na ginaganap ito nang napakaaga. Ibinilang ko rin ang hindi pakikipagdeyt hangga’t wala pa akong 16 anyos. At nangahulugan ito ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri—na talagang hindi tanggap o hindi ginagawa ng karamihan sa mga kabarkada ko, ngunit isang bagay na alam kong magagawa ko dahil nakipagtipan ako sa Panginoon na susundin ko ito.
Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, sa seminary at sa sarili ko, ay nagpalakas sa desisyon kong mamuhay nang malinis. Naaalala kong may pagkakataong nabigyang-inspirasyon ako ng 2,000 kabataang mandirigma. Tulad ng nakasaad sa Alma 53:20–21, ang mga kabataang ito ay “napakagigiting, at gayon din sa lakas at gawain; subalit masdan, hindi lamang ito—sila’y kalalakihang matatapat sa lahat ng panahon sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila. … Sila’y mga lalaki ng katotohanan at maunawain, sapagkat sila ay naturuang sumunod sa mga kautusan ng Diyos at lumakad nang matwid sa kanyang harapan.” Gusto ko ring maging tapat sa mga bagay na ipinagkakatiwala sa akin, kabilang na ang aking mga tipan sa binyag.
Nadagdagan ang pag-unawa ko sa mga tipan nang tawagin akong maglingkod sa El Salvador San Salvador East Mission. Nang matanggap ko ang aking endowment sa templo, pumasok sa isip ko ang Doktrina at mga Tipan 82:10: “Ako, ang Panginoon, ay nakatali kapag ginawa ninyo ang aking sinabi; subalit kapag hindi ninyo ginawa ang aking sinabi, kayo ay walang pangako.” Sa buong misyon ko, ang ideya tungkol sa mga tipan—na gawin natin ang ating bahagi at gagawin ng Panginoon ang Kanyang bahagi—ay nakahikayat sa aking gawin ko ang pinakamainam na magagawa ko. Habang ginagawa ko iyon, pinagpala kami ng kompanyon ko sa aming gawain.
Matagal nang nangyari ang misyon ko, ngunit patuloy akong nagkakaroon ng lakas sa pagtupad sa aking mga tipan. Pinagpala akong makapaglingkod sa loob ng pitong taon sa San José Costa Rica Temple. Ang paglilingkod bilang isang temple worker ay nagbigay sa akin ng mga pagkakataon sa tuwi-tuwina na alalahanin ang mga ginawa kong tipan. Napaalalahanan din ako nang gayon sa aking paglilingkod sa organisasyon ng Young Women, kung saan sinikap kong ituro ang kahalagahan ng mga tipan gaya ng itinuro sa akin noon ng aking mga lider.
Ang pagtupad sa ating mga tipan ay hindi palaging madali. Halimbawa, para sa maraming tao ang batas ng kalinisang-puri (o, sa ilang sitwasyon, ang pangkalahatang asal ukol sa relihiyon) ay lipas na sa panahon. Mabuti na lamang at hindi ako nakadarama ng pamimilit mula sa mga taong hindi ko katulad ang paniniwala o sa paglipas ng panahon. Ginugunita ko ang nadama ko noong dalagita ako nang hikayatin kami ng aming mga lider na maghanda at mamuhay para sa mga tipan sa templo. Ang desisyong ginawa ko noon ay desisyong sinusunod ko pa rin hanggang ngayon.
Matatag ang paninindigan ko sa aking mga desisyon dahil ang mga iyon ay hindi mga desisyon na ginawa kong mag-isa, o para sa sarili ko lamang. Sa halip, ang mga iyon ay mga desisyong ginawa ko bilang bahagi ng pakikipagtipan sa isang mapagmahal na Ama sa Langit. Hindi mahalaga kung ano ang sasabihin ng mundo. Nangako ako sa Panginoon na susundin ko ang Kanyang mga utos. Ito ay marangal na pagtupad. Ang mga tipang ginawa ko sa binyag at sa templo ay may bisa pa rin ngayon tulad noong araw na ginawa ko ang mga ito. Ang isang tipan sa Diyos ay panghabampanahon.
Ang pamumuhay nang naaayon sa hiniling ng Diyos sa atin ay hindi palaging madali, ngunit pinatototohanan ko na posible ito. Nagkakaroon tayo ng tiwala at lakas sa pamumuhay ng ating mga tipan, at makatitiyak tayo na hindi tayo kailanman iiwang mag-isa ng Ama sa Langit. Dahil nasa panig natin Siya, magagawa natin ang lahat ng bagay (tingnan sa Moroni 7:33).