2011
Mga Gantimpala ng Muling Pagtatayo
Abril 2011


Mga Pagpapala ng Muling Pagtatayo

Nang makita ko ang mga pinsalang dulot ng lindol, nalungkot ako. Ngunit natanto ko na mahal ng Diyos ang mga namatay gayundin ang mga nakaligtas.

Dahil nakatira ako sa Shanghai, China, nagkaroon ako ng pagkakataong sumama sa isang grupo sa paaralan papunta sa Sichuan Province sa timog-kanluran ng China upang tumulong sa pagtatayo ng mga bahay para sa mga biktima ng lindol na sumalanta sa lugar na iyon ilang taon na ang nakalilipas. Nagtrabaho kaming mabuti sa paglalagay ng mga brick o laryo, pagpapala ng hinalong semento, pagtutulak ng mga baguletang puno ng mga laryo, at pagpapasa ng mga ito sa “nakahanay” na mga tao. Nang ikalawang araw sumakit ang likod ko, at puro butas na ang mga guwantes ko. Gayunman, hindi ko malilimutan ang biyaheng iyon at pinalakas niyon ang patotoo ko sa kahalagahan ko at ng bawat tao, na isa sa mga pinahahalagahan ng Young Women.

Sa pagtatrabaho ko nang mabuti sa bawat araw, napansin ko na lumaki ang paniniwala ko sa kahalagahan ng aking sarili. Maganda ang pakiramdam ko sa sarili ko dahil ginagawa ko ang mga bagay na magpapabuti sa pamumuhay ng mga taong mas kapus-palad kaysa sa akin.

Nagkaroon din kami ng pagkakataong bisitahin ang isang paaralan doon. Pagdating namin, tumakbo palapit sa amin ang nakatutuwang mga bata. Nang makita ko ang magagandang batang ito, natanto ko rin ang kahalagahan nila. Silang lahat ay magagandang anak ng Diyos, at damang-dama ko na mahal at kilala Niya ang bawat isa sa kanila.

Bago matapos ang aming biyahe nagkaroon kami ng pagkakataong magpunta sa isang resort, kung saan kami kakain ng tanghalian. Gayunman pagdating namin doon, natuklasan naming nasira ito ng lindol. Iyon ang pinakamatinding pinsalang nakita ko. Parang gusto kong umiyak. Ang mga kisame at dingding ng mga gusali ay nangagbagsakan, nangatumba ang kalapit na mga puno, at puro durog na bato sa lahat ng dako. Isang malaking bato ang gumulong sa bundok at tumama sa isang gusali, na naging sanhi ng pagguho ng kisame at ng dingding. May isang sapatos na nasa tapat ng isang pinto.

Habang iniisip ko ito at ang katotohanan na may mga taong namatay sa kalamidad, nahirapan akong maunawaan kung paano ito hinayaang mangyari ng Ama sa Langit. Hindi ba Niya mahal ang mga taong ito? Pagkatapos ay muli kong naisip ang tinalakay namin sa klase ng Young Women at natantong mahal Niya sila. Kilala at mahal Niya ang bawat isa sa kanila. Ang mga namatay nang araw na iyon ay mga anak lahat ng Diyos. Noong una, lalo akong nalulungkot kapag naiisip ko ang tungkol doon. Ngunit natanto ko na ang mga taong ito ay nasa daigdig ng mga espiritu at makababalik silang muli sa Ama sa Langit. Napanatag ako ng kaisipang ito at nakadama ako ng kapayapaan.

Alam kong ako ay anak ng Diyos, na napakahalaga. Tayong lahat ay mga anak ng ating Ama sa Langit, na personal na nakakikilala sa atin. Mahal Niya tayo sa pagmamahal na mas malalim at mas matindi kaysa maiisip ng sinuman sa atin. Ang pagkaunawang ito ay malalim na naitanim sa puso ko nang tumulong at maglingkod ako sa mga taong dumanas ng matinding hirap sa lindol sa Sichuan.

Tumulong si Ashley Dyer (kanan) sa muling pagtatayo ng mga bahay para sa mga naninirahan doon pagkatapos ng lindol noong 2008 sa Sichuan, China.

Larawan sa kagandahang-loob ni Ashley Dyer