Maaari kayong maghanda para sa Paskua sa pamamagitan ng pag-alam kung ano ang nangyari sa loob ng isang linggo bago ang Pagpapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Simula sa ikawalong araw bago sumapit ang Paskua, basahin ang mga pangyayari at mga talata ng banal na kasulatan para sa bawat araw.
Anim na araw na lamang at sasapit na ang isang mahalagang pista-opisyal na tinatawag na Paskua. Maraming tao ang nagpupunta sa Jerusalem upang makapag-alay sila ng mga handog sa templo sa araw na iyon. Naglakad si Jesus papunta sa Betania, na isang kalapit na nayon ng Jerusalem. Lalagi Siya doon nang limang gabi kasama ang Kanyang mga kaibigan na sina Lazaro, Maria, at Marta. Pinahiran ni Maria ng langis ang Kanyang mga paa.
Tingnan sa Juan 12:1–3 .
Naglakad si Jesus mula Betania papuntang Jerusalem. Pumasok Siya sa lungsod sakay ng isang asno, tulad ng nakasaad sa isang talata sa Lumang Tipan na gagawin Niya ito. Kinilala Siya ng mga tao bilang kanilang hari, na sumisigaw ng “Hosana,” at naglalatag ng mga dahon ng palma sa harapan ng asno upang hindi maalikabukan ang Tagapagligtas. Dinalaw ni Jesus ang templo at pagkatapos ay nagbalik sa Betania.
Tingnan sa Zacarias 9:9 ; Mateo 21:1–11 ; Marcos 11:1–11 .
Nakita ni Jesus ang mga tao na bumibili at nagbebenta ng kung anu-ano sa templo. Dahil nais Niyang maging “bahay ng panalangin” ang templo,” pinaalis Niya ang mga tao. Pagkatapos ay pinagaling Niya ang mga taong lumpo o bulag. Nagalit sa Kanya ang mapanibughong mga saserdote.
Tingnan sa Mateo 21:12–17 ; Marcos 11:15–19 .
Tinuruan ni Jesus ang mga tao sa templo at sa kalapit na burol na tinatawag na Bundok ng mga Olivo.
Binalak ng mga saserdote na patayin si Jesus. Isa sa Kanyang mga disipulo, si Judas Iscariote ang nakipagkasundong ibigay si Jesus sa kamay ng mga saserdote kapalit ng 30 baryang pilak.
Tingnan sa Mateo 25:31–46; 26:14–16 .
Hindi sinabi sa mga banal na kasulatan kung ano ang ginawa ni Jesus sa araw na ito. Maaaring ginugol Niya ang araw na ito kasama ang Kanyang mga disipulo. Mababasa ninyo ang talinghaga ng sampung dalaga, isang kuwentong itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo upang tulungan silang maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.
Tingnan sa Mateo 25:1–13 .
Naghanda ang mga disipulo ni Jesus para sa hapunan sa Paskua. Habang kumakain, sinabi ni Jesus sa mga disipulo na isa sa kanila ang magkakanulo sa Kanya. At upang tulungan silang maalaala Siya, ibinigay Niya sa kanila ang sacrament sa unang pagkakataon. Nagpunta si Jesus sa Halamanan ng Getsemani upang magdusa para sa ating mga kasalanan at manalangin sa Diyos. Dumating ang mga tao na may dalang mga tabak at inaresto Siya. Tumakbo ang mga disipulo palayo dahil sa takot.
Tingnan sa Mateo 26:17–29, 36–56 .
Dinala si Jesus sa mataas na saserdoteng si Caifas. Ipinagkaila ng disipulong si Pedro na kilala niya si Jesus. Si Jesus ay nilitis ng gobernador na si Pilato, at ni Herodes. Siya ay hinatulang mamatay sa krus. Si Jesus ay ipinako sa krus. Si Jesus ay inihimlay ng mayamang lalaki na nagngangalang Jose sa kanyang libingan. Dinalaw ng ina ni Jesus na si Maria, at ni Maria Magdalena ang puntod.
Tingnan sa Mateo 26:57–72 ; 27:1–2, 27–37 ; Lucas 23:44–46, 50–56 .
Nakahimlay ang katawan ni Jesus sa libingan. Isang malaking bato ang inilagay sa harap ng pinto. Hiniling ng masasamang saserdote kay Pilato na maglagay ng mga tanod sa labas ng puntod upang makatiyak na walang sinumang makapapasok doon.
Tingnan sa Mateo 27:57–66 .
Si Jesus ay nabuhay na mag-uli! Nagbangon Siya mula sa libingan. Isang anghel ang bumaba mula sa langit at iginulong palayo ang bato.
Sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na turuan at binyagan ang iba at nangakong palaging mapapasakanila.
Tingnan sa Mateo 28 .