2011
Rebecca Swain Williams: ‘Matatag at Hindi Natitinag’
Abril 2011


Rebecca Swain Williams: Matatag at Hindi Matitinag

Sa kabila ng pag-ayaw ng kanyang pamilya sa Simbahan, nanatiling tapat at masigasig sa gawain ang miyembrong ito.

Noong Hunyo 1834 isang bata pang ina na napipintong hindi pamanahan ng kanyang ama ang sumulat ng isang hayagan at nakaaantig na liham na nagbabahagi ng kanyang pananalig sa Panunumbalik. Bagama’t tila alam niyang malabo na niyang mapagbago pa ang isip ng kanyang ama, nanatiling matatag si Rebecca Swain Williams sa kabila ng posibleng kahantungan nito. Sinabi niya sa kanyang amang si Isaac, na ang Aklat ni Mormon at ang Simbahan ay totoo, tulad ng ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith, at na narinig niya ang Tatlong Saksi na “ipinahayag sa mga tao sa isang pulong na nakakita sila ng Banal na Anghel na bumaba mula sa langit at [dinala] ang mga lamina, at ipinakita ito sa kanila.”1

Ang patotoo ni Rebecca ay nakaaantig hindi lamang dahil sa lakas na ipinakita nito kundi dahil na rin sa kanyang hindi matinag na patotoo at determinasyon. Sa kabila ng pagtanggi ng kanyang ama at ng katotohanan na ang kanyang asawang si Frederick G. Williams, ay may panahon ding nanlamig sa Simbahan, hindi kailanman tinulutan ni Rebecca na manghina ang kanyang pananampalataya. Hindi napagal at hindi sumuko, si Rebecca ay naging halimbawa sa atin ngayon ng pananatiling matibay at matatag sa harap ng matitinding pagsubok ng buhay, kahit hindi tanggapin ng pinakamalalapit sa atin ang ating pinaniniwalaan at tayo’y kutyain.

Pagbabalik-loob sa Simbahan

Ipinanganak sa Pennsylvania, USA, noong 1798, si Rebecca Swain ang bunso sa 10 anak.2 Noong siya ay mga siyam na taong gulang, lumipat ang kanyang pamilya sa Niagara, malapit sa hangganang United States–Canada. Malapit lang sila sa Fort Niagra kaya’t dinig nila ang mga putok ng baril nang lusubin ang kuta noong Digmaan ng 1812. Kahit noong bata pa nagpakita na ng katapangan si Rebecca. Minsan, habang mag-isa siyang naglalakad sa kakahuyan, may nakasalubong siyang oso. Hawak ang isang payong, binukas-sara niya ito nang ilang beses sa mukha ng oso, at tumakbo itong palayo.3

Noong 17 anyos na si Rebecca, tinawid niya ang Lake Ontario upang bisitahin ang kanyang kapatid na babae sa Detroit. Sa paglalayag nakilala niya ang matangkad at may maiitim na mga mata na kapitan ng barko, si Frederick Granger Wiliams. Ang madalas nilang pag-uusap ay mabilis na nauwi sa pag-iibigan, at sila ay nagpakasal noong matatapos na ang taong 1815. Lumipat ang mga William sa magandang Western Reserve ng Ohio, USA, bago tuluyan nang nanirahan sa Kirtland noong 1828. Ang kanyang asawa ay nagsimulang manggamot at nakilala nang husto sa kanyang mga kakayahan, at natulungan din siya ni Rebecca sa ilang pamamaraan sa panggagamot. Nagkaroon sila ng apat na anak.

Noong taglagas ng 1830, dumating ang mga unang misyonerong Mormon sa Kirtland. Interesadong nakinig sa kanila si Rebecca at dumalo sa lahat ng mga pulong ng mga misyonero, at isinama pa niya ang kanyang mga anak. Dumadalo si Frederick kapag hindi siya abala sa kanyang panggagamot. Magkasama silang nag-aral, nagtalakayan, at natuto, ngunit hindi gaanong pursigido si Frederick na gawin ito. Samantala tuluyang nakumbinsi si Rebecca na totoo ang ebanghelyo.

Kalaunan inilarawan ng biographer ng pamilya na si Rebecca ay parang si Eva sa Halamanan ng Eden na: siya ang “unang nakakakita ng pangangailangan” na lubusang maging kabilang sa tipan ng ebanghelyo.4 Siya ay nabinyagan noong Oktubre 1830.

May pag-aalinlangan pa rin si Frederick. Kung minsan gusto na niyang iwan ang Simbahan ngunit sa bandang huli ay hindi niya magawa dahil nahihikayat siyang muling bumaling sa sagrado at bagong aklat na iyon ng mga banal na kasulatan: ang Aklat ni Mormon. Sa inspirasyon ng Espiritu, nadama niya ang katotohanan ng ebanghelyo at sinundan ang halimbawa ni Rebecca sa pamamagitan ng pagpapabinyag.

Matapat na Paglilingkod

Nang ituon nina Frederick at Rebecca ang kanilang buhay sa Simbahan kaagad itong nagkaroon ng epekto sa kanilang pamilya. Si Frederick ay naordenan na elder pagkatapos ng kanyang binyag at kumpirmasyon. Kinabukasan, masigla niyang tinanggap ang atas na umalis sa loob ng ilang linggo para magmisyong kasama ni Oliver Cowdery. Inasahan nilang tatagal lamang ng tatlong linggo ang misyon; ngunit umabot ito ng 10 buwang paglalakbay sa Missouri. Ang matagal na pagkawala niya sa tahanan ay una lamang sa maraming naranasan ni Rebecca. Dahil sa pagmimisyon ni Frederick at sa kanyang tungkulin sa Unang Panguluhan, madalas siyang umaalis ng bahay. Si Rebecca, tulad ng maraming kababaihang Mormon noon, ay gumugugol nang maraming buwan sa pag-aasikaso sa bahay at pag-aalaga ng mga anak nang walang tulong ng kanyang asawa.

Sa kabila ng mga gawain, si Rebecca ay nanatiling tapat at handang maglingkod. Si Propetang Joseph Smith at ang kanyang pamilya ay nakitira sa pamilya William noong unang lumipat sa Kirtland ang mga Smith. Pinatunayan ni Rebecca ang kanyang katapatan sa Propeta at sa kanyang pamilya nang sila ay kalingain niya sa panahong puno ng pagsubok. Minsan ay pinalibutan ng mga mandurumog ang bahay at hinanap si Joseph. Ipinasuot ni Rebecca kay Joseph ang kanyang bonnet at balabal. Nakaalis si Joseph sa bahay at nakadaan sa maraming tao at nakaligtas.

Noong Marso ng 1832, muling nagbigay ng napakahalagang tulong si Rebecca sa Propeta nang sumugod ang mga mandurumog sa bukirin ni John Johnson sa Hiram, Ohio, at walang-awang binugbog sina Joseph Smith at Sidney Rigdon. Matapos bugbugin si Sidney hanggang sa mawalan ito ng malay at tangkaing palunukin ng lason si Joseph, binuhusan ng mga mandurumog ng mainit na alkitran at mga balahibo ang Propeta. Nang makita ni Emma Smith ang kanyang asawa, inakala niyang dugo ang alkitran at siya ay hinimatay.5 Ginugol nina Rebecca at Frederick ang magdamag sa pagtatanggal ng alkitran sa nagdurugo at sugat-sugat na katawan ni Joseph at sa pag-aalaga sa mga anak ng mga Smith. Napakalaki ng kanilang naitulong, kaya’t nagkaroon ng sapat na lakas si Joseph na mangaral kinaumagahan.

Pagbabahagi ng Ebanghelyo nang may Matibay na Paniniwala

Isa sa mga pinakaaasam ni Rebecca ang tanggapin ng kanyang pamilya, lalo na ng kanyang ama, ang ipinanumbalik na ebanghelyo at tanggapin ang nakagagalak na mga pagpapala ng pananampalataya. Tulad ni Nephi, natikman niya ang pagmamahal ng Diyos at ninais na ibahagi ito sa mga taong malapit sa kanyang puso (tingnan sa 1 Nephi 8:12). Habang iniisip iyan, sabik na lumiham si Rebecca sa kanyang pamilya tungkol sa kanyang pagbabalik-loob at patotoo at matinding kagalakang nadama niya bilang miyembro ng Simbahan.

Subalit ikinagalit ng ama ni Rebecca ang kanyang pagsapi sa Simbahan. Pagalit niyang iniutos dito na lisanin ang Simbahan. Ngunit hindi nakumbinsi si Rebecca. Ayon sa historian ng pamilya, sumagot si Rebecca na “mas tumibay ang kanyang pananalig sa katotohanan ng mga doktrina ng Mormon” at isinama ang kanyang sariling matibay na patotoo.6 Hindi niya natanggap ng inaasahang sagot sa liham na ito na ikinalungkot niya. Pinagbantaan siya ng kanyang ama na itatakwil siya at puputulin na ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa kanya kung hindi niya iiwan ang Simbahan.

Ngunit hindi pa rin sumuko si Rebecca at ipinagpatuloy ang pagbabahagi ng ebanghelyo. Noong 1834 lumiham siyang muli—ang tanging liham na naiwan—sa kanyang ama, at ipinahayag ang lalim ng kanyang pananampalataya at ang sakit na kanyang nadama sa hindi pagtanggap ng ama sa anumang may kinalaman sa mga Mormon.

Nabasa ng kanyang ama ang mga pahayagang nag-uulat tungkol sa pagtuligsa sa Simbahan, lalo na ang tungkol sa Aklat ni Mormon at ang patotoo ng Tatlong Saksi at sinubukang pagbawalan si Rebecca sa mga bagay na ito.

“Masakit sa akin na marinig na lubhang nababagabag ang isipan mo tungkol sa Aklat ni Mormon,” isinulat niya. Nagbanggit si Rebecca ng talata mula sa Aklat ni Mormon at mula sa mga bagong paghahayag ni Joseph Smith, at ibinahagi ni Rebecca ang kanyang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Ipinaliwanag din niya na iprinopesiya sa aklat ang pagpili ng tatlong saksi nito. Bilang katibayan, binanggit niya ang sinaunang propetang si Eter, na nagsabing “sa bibig ng tatlong saksi” ang katotohanan ng aklat “ay mapagtitibay” (Eter 5:4).7

Pagkatapos ay inilarawan ni Rebecca kung paano niyang personal na nakita ang Tatlong Saksi—David Whitmer, Martin Harris, at Oliver Cowdery—at narinig silang nagpatotoo na nakita nila ang isang anghel at ang mga laminang ginto. Matapos ipaglaban ang kanilang mga patotoo at pagkatao, hinikayat niya ang kanyang ama na alamin pa ang tungkol sa gawain. Dahil, sabi niya sa sulat niya sa kanyang ama, kung “malalaman lamang ninyo ni inay ang mga bagay na ginagawa namin na may kaugnayan sa gawaing ito, alam kong paniniwalaan ninyo ito.”8

Sa pagbanggit muli sa pangako ni Moroni sa katapusan ng Aklat ni Mormon, nakiusap si Rebecca na itanong ng kanyang pamilya sa Diyos na “[liwanagin] Niya ang [kanilang] isipan sa katotohanan.” At pagkatapos ay nagplano siyang magpadala ng misyonero na “may kakayahang magturo ng Ebanghelyo nang katulad ni Jesus,” upang mas matulungan sila.9 Sa huli ay binale-wala pa rin ito ng kanyang ama.

Kahit na ang kanyang mga iham sa kanyang kapatid na si John—na malapit kay Rebecca—ay ibinalik nang hindi nabubuksan. Sa likod ng isa sa mga ibinalik na liham, isinulat ni John, “Pinagbawalan ako ni Itay na basahin ang liham mo, o lumiham sa iyo. Paalam at pagpalain ka nawa ng Diyos sa tuwina. Ang iyong kapatid, John.”10

Gayunpaman, nagtagumpay si Rebecca sa kanyang gawaing misyonero sa kanyang ate na si Sarah Swain Clark. Sumapi si Sarah sa Simbahan sa Michigan noong 1832. Sumapi rin sa Simbahan ang mga anak na babae ni Sarah at nanatili silang tapat habambuhay.

Tapat Hanggang sa Wakas

Anuman ang nadamang dusa at pasakit ni Rebecca sa mga naging pasiya ng kanyang ama, mahal pa rin niya ito. Isinulat niya: “Nagdadalamhati ang puso ko para sa aking mga kaanak. … Dalangin kong kayo ay aliwin ng Panginon sa huling araw ng inyong buhay sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu at nawa’y maging pinakamainam ang mga araw na ito sa inyo. … Umaasa akong mapupuspos ang inyong isipan ng gawaing ito. Makatitiyak kayo na kami ay matatag sa adhikaing ito dahil alam naming ang Panginoon ang pumapatnubay sa amin.”11

Si Rebecca ay hindi lamang binagabag ng kawalang-paniniwala ng kanyang ama kundi ng mahinang pananampalataya din ng kanyang asawa. Noong 1837 at 1838, ang asawa niyang si Frederick, na miyembro noon ng Unang Panguluhan, ay ilang beses na nakipagtalo sa iba pang mga lider ng Simbahan. May panahong iniwan pa niya ang Simbahan at itinawalag siya. Gayunpaman, hindi nagtagal, nagpakumbaba si Frederick at muling bumalik sa Simbahan, at namatay na kabilang dito. Wala tayong tala tungkol sa nadama ni Rebecca nang panahong iyon, ngunit hindi niya pinagsisihan ang pagpanig niya sa mga Banal at nanatili siyang tapat.

Nang makarating ang balita tungkol sa pagtiwalag ni Frederick sa ama ni Rebecca na nasa New York, umasa si Isaac na titiwalag na rin si Rebecca. Subalit pinadalhan siya ni Rebecca ng liham na nagsasaad na nananatili siyang tapat. Matapos mabasa ang kanyang sagot, umiling si Isaac at sinabing, “Wala man lang ni kaunting pagsisisi.”12

Nanatiling tapat si Rebecca sa kanyang pagtatanggol kay Joseph Smith at sa ipinanumbalik na Simbahan. At sa kabila ng mga sakripisyong naranasan niya sa pagpili niya sa Simbahan sa halip na piliin ang kanyang ama, hindi nawala ang paggalang ni Rebecca sa ama. Pinahalagahan niya ang itinuro sa kanya ng kanyang ama, at ipinakita ang kanyang pagmamahal at pasasalamat sa ama. Tinapos niya ang kanyang liham na isinulat noong 1834 na kanyang “laging tatandaan ang tagubiling … natanggap ko mula sa aking pinakamamahal na Ama.”13

Noong 1839 namatay ang ama ni Rebecca. Pagkaraan lang ng tatlong taon namatay din ang kanyang asawa. Sa kabila ng mga pagdurusang ito, hindi nagwakas ang pananampalataya at katatagan ng kalooban ni Rebecca. Nang maglakbay pakanluran ang mga Banal sa Utah, kasama niyang naglakbay ang pamilya ng kanyang anak na si Ezra hila ang kanyang sariling bagon. Kalaunan ay pinangasiwaan niya ang isang bukirin sa Mill Creek. Nang matapos ang Salt Lake Tabernacle at hinilingan ang mga Banal na mag-ambag ng anumang makakaya nila, ibinigay niya ang isang set ng kanyang mga kutsarang yari sa pilak upang magamit sa paggawa ng mga trey sa mesa ng sakrament. At sa huli noong 1860, nang atasan ni Pangulong Brigham Young ang kanilang pamilya na manirahan sa napakalayong Cache Valley, Utah, bagama’t mahina na ang katawan ni Rebecca, hindi siya tumutol na muling lumipat ng tirahan—at muling sumakay sa sarili niyang bagon.

Si Rebecca ay namatay sa Smithfield, Utah, noong Setyembre 25, 1861. Nanatili siyang tapat sa kanyang pananampalataya, sa nalaman niyang katotohanan, at kanyang naranasan. Nanatili siyang “matatag at [hindi] matitinag” hanggang wakas (Mosias 5:15).

Mga Tala

  1. Rebecca Swain Williams to Isaac Fischer Swain, Hunyo 4, 1834, Church History Library, Salt Lake City.

  2. Ang mga impormasyong ukol sa talambuhay ay mula kay Nancy Clement Williams, Meet Dr. Frederick Granger Williams … and His Wife Rebecca Swain Williams: Read Their True Story in the First Introduction—after 100 Years (1951); at kay Frederick G. Williams, “Frederick Granger Williams of the First Presidency of the Church,” BYU Studies, tomo. 12, blg. 3 (1972): 243–61.

  3. Williams, Meet Dr. Frederick Granger Williams, 5.

  4. Williams, Meet Dr. Frederick Granger Williams, 55.

  5. History of the Church, 1:263.

  6. Williams, Meet Dr. Frederick Granger Williams, 63.

  7. Tingnan din sa liham ni Rebecca Williams noong Hunyo 4, 1834.

  8. Liham ni Rebecca Williams noong Hunyo 4, 1834.

  9. Liham ni Rebecca Williams noong Hunyo 4, 1834.

  10. Sa Williams, Meet Dr. Frederick Granger Williams, 63.

  11. Liham ni Rebecca Williams noong Hunyo 4, 1834.

  12. Liham ni George Swain, Mar. 17, 1839, typescript, Church History Library, Salt Lake City.

  13. Liham ni Rebecca Williams noong Hunyo 4, 1834.

Mga paglalarawan ni Richard Hull