2011
Diretsong Paglalayag sa Marshall Islands
Abril 2011


Diretsong Paglalayag sa Marshall Islands

Sa paglalayag natin sa mabato at mababaw na tubig ng buhay, bawat isa sa atin ay nakikinabang sa paggabay ng matatapat na miyembro upang tulungan tayong makabalik sa ating tahanan sa langit.

Ang mga marino noong unang panahon ay naglalakbay sa karagatan na ginagabayan ng posisyon ng araw, buwan, at mga bituin. Sa gabi ay nakatutok ang kanilang mga mata sa Bituin sa Hilaga, na palaging nasa gayong posisyon at nagsisilbing angkla sa langit sa mga marino, at tinutulungan silang maglayag sa tamang landas papunta sa kanilang destinasyon.

Sa Marshall Islands ng Dagat Pasipiko, may iba pang paraang natuklasan ang mga marino. Doon ay hindi nagbabago ang pagdaluyong ng mga alon, o pagtaas at pagbaba ng lebel ng tubig sa karagatan, at ang pagdaloy ng tubig sa pagitan ng mababaw na batuhan na nakapaligid sa isang lanaw at sa mga isla. Ang isang mahusay na marino ay makapaglalayag ng daan-daang milya sa pamamagitan ng pagtahak sa mapanganib na pagtaas at pagbaba ng tubig sa karagatan—na parang isang one-way na lansangan—mula sa isang isla o mababaw na batuhan na lanaw tungo sa isa pang isla. Ang mga taong nakaaalam kung saan tataas at bababa ang tubig at kung saan ito dadaloy ay maaakay ang iba pang mga manlalakbay na ligtas na makarating sa kanilang destinasyon.

Para sa mga miyembro ng Simbahan, si Jesucristo ang ating perpektong halimbawa, na may tunay na liwanag na gumagabay sa atin. Ang Kanyang mga batas at ordenansa, gaya ng pagtaas at pagbaba ng tubig sa karagatan, ay ligtas na aakay sa atin pauwi sa ating tahanan sa langit. Gayunman para sa ating lahat, may mga taong ang serbisyo at suporta sa gawain ay nakaayon sa ginagampanan ng Punong Manlalayag. Sa sumusunod na mga kuwento, ibinahagi ng tatlong miyembrong Marshallese kung paano sila tinulungan ng iba na maglayag sa mabato at maalon at maunos na buhay upang akayin sila tungo kay Cristo.

Ang Impluwensya ng Isang Babaing Matwid

Nakaupo si Hirobo Obeketang sa kanyang sopa at nakangiti. Katatapos lang nila ng kanyang asawang si Linda na magdaos ng family home evening kasama ang apat nilang anak at mga misyonera. Pinakain din nila ang mga misyonera ng isda, kasama ang mga mata at buntot nito—isang tradisyon sa Majuro, ang kabisera ng Marshall Islands. Habang inilalarawan ni Hirobo ang kanyang buhay, sinasabi niya kung gaano ang pasasalamat niya sa Simbahan, sa ebanghelyo, at sa kanyang pamilya, lalo na sa kanyang asawa.

Hunyo 2009 na. Isang araw bago iyon ang Majuro Marshall Islands Stake ay nilikha, at si Hirobo ang tinawag na maglingkod bilang unang stake executive secretary. Si Hirobo, ayon sa bagong stake president na si Arlington Tibon, “ay napakatatag,” isa sa matatapat na lider ng isla.

Ngunit si Hirobo na ang unang nagsabi na hindi na siya ganoon katatag noon. Sa katunayan, sinasabi niyang ang kanyang asawa ang matatag—ang taong gumawa ng kaibhan sa kanyang buhay. Ipinaliwanag niya, “Nabinyagan ako noong walong taong gulang ako, ngunit noong 16 anyos na ako, hindi na ako gaanong aktibo.”

Makalipas ang ilang taon nagsimula silang magsama ni Linda, kahit hindi pa sila kasal. Hindi miyembro ng Simbahan si Linda. Noong 2000, matapos matuklasan ni Linda na nabinyagan si Hirobo noong bata pa ito, naging interesado si Linda sa Simbahan at nagsimulang makipagkita sa mga misyonera.

“Dalawang taon niyang pinag-aralan ang itinuro sa kanya at nagpasiyang gusto niyang magpabinyag,” paggunita ni Hirobo. “Kinailangan muna kaming magpakasal, ngunit hindi ako interesadong magpakasal. Magulo ang isip ko noon; lulong na lulong ako sa mga tukso ng mundo. Hindi ko nauunawaan noon ang kahalagahan ng pamilya, at talagang wala akong pakialam o wala akong pinakikinggan.”

Bagamat hindi pa nabinyagan si Linda, pinalaki niya ang kanilang mga anak sa Simbahan. Taun-taon ay hinihiling niya kay Hirobo na pakasalan siya para mabinyagan na siya; laging hindi ang sagot ni Hirobo. Sa paglipas ng mga taon dalawa sa kanilang mga anak na babae ang nabinyagan, ngunit hindi dumalo si Hirobo sa kanilang mga binyag.

At noong 2006, ang siyam na taong gulang na anak nilang lalaki na si Takao ay namatay sanhi ng mataas na lagnat at kombulsyon. Mga 300 miyembro mula sa Majuro district ang dumating sa libing upang suportahan ang pamilya.

“Malaking bagay para sa akin ang kanilang suporta,” sabi ni Hirobo. “Naisip ko na marahil may gustong ipahiwatig sa akin ang Diyos.”

Nagsimula niyang maisip kung paanong siya ang dahilan kaya’t hindi pa nabibinyagan ang kanyang asawa, gayong miyembro siya ng Simbahan. “Lalo pa siyang tumatatag. Talagang nabibigyan niya ako ng inspirasyon,” paggunita niya.

“Kaya’t pinag-isipan ko kung ano na ba ang nagawa ko sa buhay ko. Tinanong ko ang aking sarili, ‘Ipagpapatuloy ko ba ang ginagawa kong ito? May pagkakataon ba akong maglingkod sa Diyos sa nalalabi ko pang buhay?’ Nagdasal ako at inisip na magbalik sa simbahan upang magsimulang maglingkod para sa Diyos.”

Nagsimulang magpaturo si Hirobo sa mga misyonera at muling pinag-aralan ang doktrina. Kinaibigan siya ni President Nelson Bleak ng Marshall Islands Majuro Mission, gayundin ng iba pang mga miyembro, kabilang na ang district president na si Arlington Tibon. Sa wakas, nangako si Hirobo na babalik, at kalaunan hindi lang sa sakrament miting siya dumadalo kundi sa Sunday School at priesthood miting din. Sa wakas ay nagpasiya si Hirobo.

“Nang magbalik ako, sinabi kong, ‘Ito ang pasiya ko. Ito na ang gagawin ko.’ At lubusan nitong binago ang buhay ko.”

Sina Hirobo at Linda ay ikinasal noong Agosto 30, 2008. Hindi nagtagal ay natanggap niya ang Aaronic Priesthood at bininyagan ang kanyang asawa. Makaraan ang dalawang buwan natanggap ni Hirobo ang Melchizedek Priesthood at tinawag siya bilang district executive secretary.

Tumingin si Hirobo sa kanyang asawa at ngumiti. “Hindi siya makapaniwalang ako ang nagbinyag sa kanya,” sabi niya. “Isipin mo nga naman—walong taon siyang naghintay, mula 2000 hanggang 2008. Hanga talaga ako sa kanya.”

Ang Halimbawa ng Isang Mabuting Ama

Kung minsan ang ating gabay, gaya ng isang marino, ay malapitang nakikipag-ugnayan sa atin, itinuturo sa atin ang kailangan nating malaman upang magtagumpay tayo sa paglalayag sa buhay. Sa maraming pagkakataon nagagawa ito ng marino sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa na ating susundan. Gayon ang sitwasyon ng ama ni Patricia Horiuchi na si Frank.

Pagkatapos makausap ang mga misyonero, regular na silang iniimbitahan ni Frank na maghapunan sa kanila. Hindi nagtagal ay nagsimula na siyang makinig sa mga lesson. Ngunit wala ni isa sa kanyang pamilya ang may gusto sa Simbahan. “Kapag nakikita naming paparating ang mga misyonero,” sabi ni Patricia, “tumatakbo kaming lahat papalayo—kami ng mga nakababata kong kapatid.”

At bininyagan si Frank noong Hulyo 2007 ng mission president na si Nelson Bleak. Panahon iyon ng pagpapasiya para kay Patricia at sa kanyang mga kapatid.

“Nakita kong nagsimulang magbago ang tatay ko,” sabi niya. “Alam ko na kung naantig ng ebanghelyo ang puso ng aking ama, maaantig din nito ang puso ko at mababago nito ang aking buhay. Kaya’t nagdesisyon akong magpaturo sa mga misyonera, at hinamon nila ako na pag-aralan ang Aklat ni Mormon at ang Biblia. Nag-away kami ng kapatid kong lalaki bago pa iyon, at hindi ko pa siya napatawad. Pagkatapos ay nabasa ko sa mga banal na kasulatan na kung patatawarin mo ang iba, patatawarin ka ng Diyos.” (Tingnan sa 3 Nephi 13:14–15.)

Natanto ni Patricia na kailangan niyang patawarin ang kanyang kapatid upang masimulan niyang baguhin ang kanyang buhay, maging malinis, at magkaroon ng kapayapaan. Kaya’t ganoon nga ang ginawa niya.

“Pagkatapos kong talikuran ang masamang pag-uugali ko at naging isang taong sumusunod sa mga kautusan, tuwang-tuwa ako. Alam kong kailangang mabinyagan ako upang mapabilang ako sa totoong Simbahan,” sabi niya. “Inilagay ako ng Simbahan sa tamang landas. Inihiwalay ako nito sa masasamang impluwensya. Tinuruan ako nitong igalang ang aking mga magulang, patuloy na mag-aral, at manatili sa tamang landas.”

Ang Impluwensya ng Isang Taong Matwid

Si Lydia Kaminaga, gaya ni Hirobo Obeketang, ay isinilang sa Simbahan ngunit naging hindi gaanong aktibo noong siya ay tinedyer. Ngunit ang kuwento ng kanyang pagbabalik ay namumukod-tangi at kakaiba.

Si Lydia at ang kanyang asawang si Kaminaga Kaminaga ay kapwa lumaki sa Simbahan. “Hindi ako kailanman nag-alinlangan sa mga turo ng Simbahan,” sabi ni Kaminaga. “Noon pa man ay naniniwala na ako sa mga ito.”

Ngunit nag-iba ang takbo ng buhay para kay Lydia. Noong nasa ikapitong grado siya, sabi niya, “Ako lang ang Mormon sa eskuwelahan ko, at dama kong hindi ako kabilang sa grupo. Ginawa ko ang ginagawa ng mga kaibigan ko noon. Mali ang mga naging prayoridad ko.”

Pinapunta si Lydia ng kanyang mga magulang sa Provo, Utah, USA, upang makapiling ang pamilya, umaasang maiimpluwensyahan nila si Lydia na ipamuhay ang ebanghelyo. Bagamat may natutuhan siyang mga bagay na nakatulong kalaunan sa kanyang buhay, noong panahong iyon ay hindi siya interesadong maging aktibo sa Simbahan.

Nagbalik si Lydia sa Marshall Islands noong Enero 2002, isang buwan lamang pagkauwi ni Kaminaga mula sa misyon sa Japan. Nagkakilala sila pagkatapos niyon. Bagamat hindi ipinamumuhay ni Lydia ang mga pamantayan ng Simbahan, patuloy na nagpunta si Kaminaga sa kanyang bahay na kunwari’y gusto niyang bisitahin ang pamangkin ni Lydia na si Gary Zackious.

Sa huli, nagpasiya si Kaminaga na kausapin ang mga magulang ni Lydia tungkol sa pakikipagdeyt—makabuluhan at magagandang aktibidad—kay Lydia. Bagama’t sa una ay sinikap nilang pigilan siya, sa huli ay sinabi sa kanila ni Kaminaga na, ‘Puwede pa siyang magbago.’ Nang sabihin ko iyon, nabago ang nadarama ng mga nasa silid. Umiyak ang tatay ni Lydia at sinabing, ‘Noon pa man ay gusto ko na siyang bumalik sa Simbahan. Puwede mong subukan.’”

Sa una ay hindi masyadong pinansin ni Lydia si Kaminaga. Kasi nga naman, malinis at disenteng returned missionary si Kaminaga, samantalang siya ay matagal nang hindi nagsisimba.

“Ngunit may nakita siyang hindi ko nakita noon,” paliwanag ni Lydia. Yamang wala naman siyang kadeyt noon, pumayag siyang lumabas na kasama niya. “Siya ang nagpabalik sa akin. Bilang kanyang nobya, kinailangan kong itama ang mga pamantayan ko. Ipinaalala niya sa akin ang mga tipang ginawa ko sa binyag. Ipinaalala niya sa akin ang lahat ng bagay na hindi ko nagagawa, tulad ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan at family home evening. Magkasama kami ni Kaminaga sa paggawa ng mga proyektong pang-serbisyo. Binasa namin ang Aklat ni Mormon. Nagpunta kami sa mga fireside. Ipinakita niya sa akin ang kakaibang paraan ng pamumuhay. Ang pagsisimba ay hindi lamang pagdalo ng sacrament meeting kundi ng Sunday School at Relief Society din.”

Habang magkasama sila sa mga makabuluhan at kasiya-siyang pagdedeyt, nagsimulang magbago ang buhay ni Lydia at lumakas ang kanyang patotoo. Gayunman, may mga bagay pa ring dapat siyang ituwid.

“Mahirap bumalik,” pag-amin niya. “Hindi madaling magsisi, ngunit talagang may malakas akong patotoo tungkol sa pagsisisi. Sa maraming paraan, nagdedeyt kami para mas makilala ang isa’t isa, makabalik ako sa simbahan at maiba ang pananaw ko sa mga bagay-bagay.”

“Tungkol iyon sa mga pakikipag-ugnayan,” dagdag pa ni Kaminaga.

Sina Lydia at Kaminaga ay ikinasal noong Nobyembre 28, 2002. Makalipas ang isang taon ibinuklod sila sa Laie Hawaii Temple at nag-aral sa Brigham Young University–Hawaii. Nakatira sila ngayon sa Marshall Islands kasama ang tatlo nilang anak. Si Lydia ang Sunday School teacher ng kanilang ward para sa mga kabataang lalaki at babae, at si Kaminaga ang Young Men president.

Tulad ng patotoo nina Hirobo, Patricia, at Lydia, kapag nagtiyaga tayo at nagsikap at hinangad ang mga pagpapala ng Panginoon, maraming bagay ang posibleng mangyari. Ang mga sumusunod sa Tagapagligtas at nakikinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, tulad ng mga marino noong una na gumagabay sa pag-uwi ng mga manlalakbay, ay makagagawa ng kaibhan sa buhay ng isang tao.

Itaas kaliwa: Si Hirobo Obeketang (na ipinakitang kasama ng kanyang pamilya sa mga naunang pahina) ay nagtatrabaho bilang hotel manager. Ibaba: Si Patricia Horiuchi ay lider sa unang young single adult conference sa Marshall Islands noong Hunyo 2009 (ibaba kanan).

“Malakas ang patotoo ko tungkol sa pagsisisi,” sabi ni Lydia Kaminaga, na narito kasama ng kanyang asawang si Kaminaga, at ng kanilang anak na si Wellisa.

Mga larawang kuha ni Joshua J. Perkey, maliban kung iba ang nakasaad; larawan ng bangka © Getty Images