2011
Magsisi, Bumaling sa Panginoon, at Mapagaling
Abril 2011


Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo

Magsisi, Bumaling sa Panginoon, at Mapagaling

“Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito” (D at T 58:42).

Kamakailan isang mabuti at tapat na babaeng kilala ko ang lubhang napinsala sa isang aksidente sa kotse. Kabilang sa kanyang mga pinsala ang baling tadyang at buto ng gulugod. Bahagi ng kanyang rehabilitasyon ang pagsusuot ng brace sa likod at leeg para hindi niya ito maikilos. Mukhang napakahirap ng naka-brace. Pero kailangan ito. Sa pamamagitan nito ay gagaling ang kanyang likod at leeg.

Ang pagsisisi ay katulad ng brace na iyon. Kapag nagkasala tayo, pinipinsala natin ang ating kaluluwa, at kailangan ng banal na panggagamot para gumaling tayo. Ang pagsisisi ay naglalaan ng kundisyon na nagtutulot sa Tagapagligtas, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala, na mapagaling tayo (tingnan sa 3 Nephi 9:13). Kung mahirap man ang ilang bahagi ng pagsisisi—tulad ng brace sa baling likod—kailangan pa rin tayong magsisi.

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ang tunay na pagsisisi ay ibinabalik tayo sa paggawa ng tama. Para tunay na makapagsisi dapat nating aminin ang ating mga kasalanan at madama ang lungkot, o kalumbayang mula sa Diyos, at ipagtapat sa Diyos ang mga kasalanang iyon. Kung mabigat ang ating mga kasalanan, dapat din nating ipagtapat ang mga iyon sa ating awtorisadong lider ng priesthood. Kailangan nating humingi ng tawad sa Diyos at gawin ang lahat para itama ang anumang kapahamakang dulot ng ating ginawa. Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagbabago ng puso’t isipan—tumitigil tayo sa paggawa ng mali, at nagsisimula tayong gumawa ng tama. Binabago nito ang ating saloobin sa Diyos, sa sarili, at sa buhay sa pangkalahatan.”1

Kapag tagumpay nating natapos ang proseso ng pagsisisi, ang resulta ay paggaling, ginhawa, at kaligayahan. Isinulat ni Dorothy J. R. White:

Mga luhang tumulo’y pag-isipan,

Subalit nalinis ang kalooban.2

Nagsusumamo ang Panginoon nang may pagpipilit, pagmamahal, at panghihikayat na magsisi tayo, dahil nais Niya tayong mapagaling. Nagdusa ang Kanyang katawan at espiritu upang mabayaran ang kaparusahan para sa ating mga kasalanan kung tayo ay magsisisi. Ipinaliwanag Niya:

“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;

“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;

“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—

“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.

“Dahil dito, iniuutos kong muli sa iyo na magsisi” (D at T 19:16–20).

Nawa’y magsisi na tayo ngayon, bumaling sa Panginoon, at mapagaling.

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Liahona, Mayo 2007, 100.

  2. Dorothy J. R. White, “Repentance,” Ensign, Hulyo 1996, 27.

Mapagpakumbabang bumalik ang alibughang anak sa kanyang ama at sinabi, “Ama, nagkasala ako laban sa langit, at sa iyong paningin: hindi na ako karapatdapat na tawaging anak mo” (Lucas 15:21). Tinanggap siyang muli ng kanyang ama. Tatanggapin din tayong muli ng ating Ama sa Langit kapag tayo ay nagsisi.

Ang Pagbabalik ng Alibughang Anak, ni James Tissot