2011
Sa mga Balita
Abril 2011


Sa mga Balita

Nilikha ni Elder Perry ang Unang Stake sa Guam

Bumisita si Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol sa Guam noong Disyembre 2010 upang likhain ang Barrigada Guam Stake, ang unang stake sa teritoryo ng Guam. Habang naroon, binisita rin ni Elder Perry, na naglingkod sa United States Marine Corps sa lugar na iyon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang Pacific War Museum at ang katabing isla ng Saipan. May 1,971 mga miyembro ng Simbahan na naninirahan sa Guam. Ang teritoryo ng Guam ay bahagi ng Asia North Area ng Simbahan.

Nanggamot ng Kolera ang mga Doktor na LDS sa Papua New Guinea

Ilang doktor na LDS mula sa Australia ang nag-ukol ng oras sa panggagamot sa mga biktima ng kolera sa mga liblib na nayon ng hilagang kanlurang Papua New Guinea noong huling bahagi ng 2010.

Daan-daang pasyente ang ginamot ng mga doktor, maliban sa isang lalaking ilang sandali na lamang ay mamamatay na pagdating nito sa ospital at ang iba pang hindi na sana tatagal nang 24 na oras kung hindi gagamutin.

Nagpuntahan ang mga tao sa mga doktor sa pamamagitan ng bus at bangka. Sinabi nina David Williams ng Brisbane at Anthony Mahler ng Cairns na sa loob ng isang araw pagdating nila sa nayon ng Sogere, mahigit 200 kaso ng kolera ang nagamot nila. Hinggil sa buong karanasan, sabi ni Dr. Mahler, “[Ito] ang pinakamatagumpay na karanasan ko sa panggagamot sa buong buhay ko,” sa kabila ng mahirap at nakakapagod na gawain.

Bukod sa pagpapadala ng mga doktor, nagbigay ang Simbahan ng mga relief supply, kabilang na ang medical aid at mga water purifier. Nagpadala rin ng pagkain at sabon sa mga lugar na may krisis mula sa Simbahan sa Port Moresby, at mga personal hygiene kit mula sa Port Moresby at Brisbane. Nagpunta sa Papua New Guinea ang isang mag-asawang missionary na dalubhasa sa pagpapalinis ng tubig upang tumulong sa pagkakawanggawa.

Inilunsad sa DVD ang Tema ng Mutwal para sa 2011

Noong Enero, sinimulang ipamahagi ng Simbahan ang 2011 Strength of Youth DVD, We Believe, sa mga yunit ng Simbahan sa buong mundo upang magamit sa pagsuporta sa tema ng Mutwal para sa 2011.

Ang DVD ay puno ng multimedia na ginawa upang tulungan ang mga kabataan na gawing sentro ng kanilang buhay ang temang Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13. Tampok sa mga yugto si Pangulong Thomas S. Monson, ang mga Young Men at Young Women general president, musika, mga patotoo ng mga kabataan, at marami pang iba.

Karamihan sa nilalaman ay binubuo ng mga patotoo at nakagaganyak na mga karanasan ng mga kabataan.

Ang musika, mga mensahe, at mga patotoo ay magagamit upang mapagyaman ang mga klase, pulong, at aktibidad ng mga kabataan sa buong taon.

Lahat ng materyal ay makukuha online sa youth.lds.org para i-download.

Kasama rin sa DVD ang pagsasalin sa sumusunod na mga wika: Aleman, Chinese, Espanyol, Ingles, Italyano, Hapon, Koreano, Portuges, Pranses, at Russian.