2011
Bisa ng Banal na Kasulatan
Abril 2011


Bisa ng Banal na Kasulatan

Nang bigyang-pagkakataon ng dalawang tinedyer na Tahitian ang mga banal na kasulatan, nagbago ang kanilang buhay.

Ayaw talagang pag-aralan ni Rooma ang mga banal na kasulatan. Ayaw namang pumunta ni Vaitiare sa seminary. At hindi nila kailangang gawin ito. Ngunit nang piliin nilang gawin ito, nagbago ang kanilang buhay.

Bakit Hindi?

Bakit pipiliin ng isang tinedyer na mag-ukol ng dalawang oras tuwing Huwebes ng gabi sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan kasama ang kanyang ina? Marahil ganoon din ang iniisip ni Rooma Terooatea ng Tahiti isang taon na ang nakararaan.

Ngayon maaaring itanong niya kung bakit pipiliin ng isang tinedyer na hindi gawin ito.

Sa loob ng tatlong taon sa seminary, hindi kailanman binigyang-pansin ni Rooma ang pagbibigay ng kanyang mga guro ng babasahing mga banal na kasulatan para sa susunod na aralin. “Ayaw kong basahin ang mga ito,” sabi niya. “Hindi talaga ako interesado sa mga banal na kasulatan.”

Ngunit nagtaka siya kung bakit palaging ginagamit ng mga lider ng Simbahan sa kanyang ward at stake ang mga banal na kasulatan sa pagbibigay nila ng mga mensahe at aralin. Minasdan niya ang kanyang mga lider. Napansin niya kung gaano kadali para sa kanyang stake president na magbanggit mula sa mga banal na kasulatan.

Kaya’t nang pagpangkat-pangkatin ng Faaa Tahiti Stake ang mga seminary student para sa mga paligsahan sa scripture mastery sa huling taon niya sa seminary, nagpasiya si Rooma na subukang basahin ang mga banal na kasulatan.

Noon nagsimula ang kanyang lingguhang pag-aaral kasama ng kanyang ina. Tuwing Huwebes ng gabi magkasama silang nag-aaral para sa paligsahan ng klase kinabukasan, na inaalam kung saan naroon ang mahahalagang talata at isinasaulo pa ang marami sa mga ito.

At nagsimulang magbago ang lahat para kay Rooma. Pinatibay ng kanyang pag-aaral ng banal na kasulatan ang kanyang pakikipag-ugnayan sa kanyang ina. Nagsimula niyang makita ang pagkakatulad ng mga itinuturo ng mga banal na kasulatan at ng nangyayari sa mundo ngayon. Habang ipinagdarasal niya ang kanyang binabasa, natanto niya na iyon ay sa Diyos.

Tinulungan din siya nitong mapamunuan ang kanyang team na nagpanalo sa kanila sa stake scripture mastery championship.

Natanto ni Rooma sa mga pagpapalang natanggap ang isang aral na natutuhan niya sa kanyang pag-aaral. “Sa Mosias 2:24 itinuro ni Haring Benjamin na kapag pinili nating gawin ang ipinagagawa ng Panginoon, kaagad tayong pinagpapala,” sabi ni Rooma. Isa sa mga pinakamalaking pagpapalang natanggap niya ay “matapos pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa taong ito, nalaman kong totoo ang Aklat ni Mormon.”

Huwag Mong Sabihin Kung Ano ang Gagawin Ko

Nang magsimula ang pasukan, si Vaitiare Pito ay hindi pa miyembro ng Simbahan. Kung gayon, paano natulungan ng isang bagong miyembro na hindi pa nakadalo sa seminary na manalo ang kanyang team sa Faaa stake scripture mastery championship?

“Hindi ako nag-alala na kaunti lang ang nalalaman ko,” sabi niya. “Natutuhan ko ang marami sa mga talatang iyon sa mga araling ibinahagi ng mga misyonero.”

Karamihan sa pamilya ni Vaitiare ay sumapi sa Simbahan matapos ang biglaang pagkamatay ng kanyang ama at nang dalhin ng ward mission leader ang mga misyonero sa tahanan ni Vaitiare. Pinag-usapan nila ang tungkol sa pagkakaisa ng pamilya at pagsasama-sama sa kawalang hanggan. “Talagang naghatid ito ng pagbabago sa aming pamilya,” sabi niya.

Gayunman, hindi nito agad binago ang pag-uugali ng 17-taong gulang na ito. “Pagkatapos akong mabinyagan, sinasabihan ako ng lahat na dapat akong magpunta sa seminary,” sabi niya. “Ayaw ko ng sinasabihan ako ng dapat kong gawin, kaya’t medyo natagalan bago ako nagpunta.”

Sa wakas nagdesisyon siya mismo na magpunta at natuklasan niyang masaya pala dito. Inatasan siyang maging bahagi ng scripture mastery team na kinabibilangan ni Rooma.

Sa una ay hindi niya pinansin ang ipinababasa sa mga banal na kasulatan. Ngunit nang magdesisyon siyang babasahin niya ito, napagtanto niya ang mga pagpapala.

“Malaking tulong ang mga banal na kasulatan,” sabi niya. “Marami akong natutuhan sa mga banal na kasulatan,” kabilang na ang kahalagahan ng panalangin at ang katotohanang sasagutin ng Ama sa Langit ang mga panalanging iyon.

Nalaman din niya na kapag nagpapasiya siyang gawin ang isang bagay, tulad ng pagpunta sa seminary o pagbabasa ng mga banal na kasulatan, nagiging mas madaling tuparin ang isang pangako dahil kusa niya itong ginawa at hindi dahil kailangan niyang gawin o ito ang “dapat” gawin.

Ngayong tapos na ang pasukan, nagpapasalamat si Vaitiare na pinili niyang magpunta sa seminary at pag-aralan ang mga banal na kasulatan: “Alam ko na kapag binabasa natin ang mga banal na kasulatan, pinagpapala tayo.”

Nang magbiyahe si Rooma Terooatea (ibaba) at ang kanyang mga kaklase sa seminary papunta sa Moorea (kaliwa) upang subukan ang kanilang kaalaman sa banal na kasulatan, hindi na mahalaga anuman ang kalabasan—si Rooma ay panalo na noon pa.

Nang magdesisyon si Vaitiare Pito ng Tahiti na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, nagsimula niyang matanto ang mga pagpapala.

Mga retratong kuha ni Adam C. Olson, maliban kung iba ang nakasaad; ibabaw: retrato © iStock; retrato ng bulaklak © iStock