Pinagagaan ng Kanyang Pagdurusa ang Pagdurusa Natin
Barbara Winter, Arizona, USA
Bilang isang nars sa intensive care unit ng mga bagong silang, inaalagaan ko ang maysakit, kung minsan ay napakaliliit, na mga sanggol. Isang gabi naatasan akong alagaan ang isang sanggol na lalaking ipinanganak na mas maaga nang 17 linggo at mahigit isang libra (0.5 kg) lang ang bigat. Napakaliit ng kanyang mga kamay, ang maliliit niyang binti ay sinlaki ng daliri ko, at ang mga paa niya ay sinlaki ng hinlalaki ko. Dahil sa malala niyang problema sa baga, hindi umasa ang mga doktor na mabubuhay pa siya sa loob ng buong magdamag.
Binabalot ng katahimikan ang buong yunit kapag isang bagong silang na sanggol ang nakikipaglaban sa buhay. Nababalisa ang lahat, lalo na ang nars ng sanggol, at ngayong gabi ay ako iyon. Halos buong maghapon niyang kasama ang kanyang mga magulang, ngunit pagod na sila. Nagbalik na sa kanyang silid ang ina para magpahinga.
Mayroong isolette (incubator), mga monitor, ventilator, at mga IV pump ang pribadong silid ng sanggol, na pinananatili siyang buhay. Dahil mabigat ang kanyang karamdaman at kailangan niya ng masidhing pangangalaga, hindi ako pinag-alaga ng ibang pasyente sa gabing iyon. Nasa tabi niya ako buong gabi, abala sa mga gamot, pag-monitor, panggagamot, at mga test.
Habang lumilipas ang gabi, sinikap kong wariin ang madarama ko kung ako ang kanyang ina. Hindi ko makakayanan ang dalamhati.
Magiliw kong pinunasan ang kanyang mukha, hinawakan ang kanyang maliliit na kamay at paa, maingat siyang binihisan at binalutan ng bago at malambot na kumot. Inisip ko kung ano pa ang magagawa ko para sa munting pasyente ko. Ano ang gagawin ng kanyang ina? Ano ang nais ipagawa sa akin ng Ama sa Langit?
Ang pinakamamahal na inosenteng musmos na espiritung ito ay malapit nang bumalik sa kanyang Ama sa Langit. Inisip ko kung natatakot siya. Naisip ko ang sarili kong mga anak. Noong bata pa sila at takot, kinakantahan ko sila. “Ako ay Anak ng Diyos” ang paborito nila. Pigil ang pagluha, kinantahan ko ang sanggol.
Bilang nars nakita ko ang mga tubo at dugo, binilang ko ang pag-angat at pagbaba ng dibdib ng sanggol, pinakinggan ko ang pintig ng kanyang puso, at sinubaybayan ko ang mga numero sa mga monitor. Bilang Banal sa mga Huling Araw nakita ko ang selestiyal na espiritu at namangha ako sa plano ng kaligtasan.
Habang lumalaon ang gabi, humihina siya. Kalaunan ay nagkaroon siya ng kundisyong naging dahilan ng pagdugo sa kanyang mga baga.
Kinabukasan tahimik na sumakabilang-buhay ang munting pasyente ko. Nilisan niya ang mga bisig ng kanyang ina at “[dinala] pabalik sa Diyos na sa [kanya] ay nagbigay-buhay” (Alma 40:11).
Napalapit ako sa Tagapagligtas at sa Ama sa Langit noong gabing iyon. Higit kong naunawaan ang pagmamahal ng Panginoon sa sangkatauhan—at ang Kanyang pagmamahal sa akin. Naipaalala sa akin, at namangha pa ako, sa laki ng pagmamahal ko sa Kanya. At hinangad kong maging mas mabait, mas magiliw, mas mapagpatawad, mas mahabagin—mas katulad Niya—isang araw at isang pintig ng puso sa tuwina.