Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na maaaring gamitin para sa family home evening. Narito ang ilang halimbawa.
“Na Lagi Siyang Alalahanin,” pahina 20: Isaalang-alang na talakayin bilang pamilya ang payo ni Elder Christofferson na “Makapagsisimula tayo sa pamamagitan ng pag-aalis ng lahat ng bagay sa ating buhay at pagkatapos ay pagsama-samahin itong muli ayon sa tamang prayoridad na nasa sentro ang Tagapagligtas.” Isaalang-alang na talakayin ang ilan sa mga pagpapalang binanggit ni Elder Christofferson na darating kapag ating “laging aalalahanin ang Tagapagligtas.”
“Kapangyarihan ng Banal na Kasulatan,” pahina 52: Matapos basahin nang sama-sama ang artikulong ito, anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang kanilang damdamin tungkol sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdalo sa seminary. Anyayahan silang isulat sa kanilang journal ang kanilang patotoo tungkol sa kapangyarihan ng mga banal na kasulatan. Hikayatin ang inyong mga anak na pag-aralan at isaulo ang mga talata sa scripture-mastery.
“Ang Tagapamagitan na si Jesucristo,” pahina 56: Habang sama-sama ninyong binabasa ang artikulo, anyayahan ang inyong pamilya na pakinggan ang kahagalahan ng isang tagapamagitan. Tanungin sila kung ano sana ang nangyari kung hindi tinulungan ng tagapamagitan ang lalaking may utang. Maaari din ninyong basahin ang mga banal na kasulatan tungkol sa Tagapagligtas at talakayin kung paano Siya naging ating tagapamagitan. Isiping basahin ang 2 Nephi 2:27–28 at Alma 42:24–25.
“Bihis na Bihis,” pahina 70: Isiping anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magsuot ng costume o magkunwaring ibang tao. Bigyan ng pagkakataon ang bawat isa na ibahagi kung sino sila. Pagkatapos basahin ang kuwento, ipaliwanag na anumang tauhan ang ating gampanan, mga anak pa rin tayo ng Diyos.
Masasayang Sandali at Walang Hanggang mga Ugnayan
Noong maliliit pa ang mga anak ko, mahilig silang maglaro pagkatapos ng family home evening. Isa sa mga paborito nila, ang “Trunky the Elephant,” ay isinunod sa isang awiting natutuhan ng aming anak na si Jocelyn sa eskuwela. Pagkatapos naming kantahing lahat ang awitin, ako na si Trunky at pinapasan ko ang mga bata sa likod ko. Una, ang dalawang-taong-gulang kong anak na si Jorge; tapos, ang apat-na-taong-gulang kong anak na si Jocelyn; at sa huli ay ang asawa kong si Elizabeth, ang sumasakay. Pasan ang tatlo sa likod ko, ililibot ko sila sa sala. Napakasaya namin.
Makalipas ang ilang taon, kapwa na naghihintay ng mission call ang mga anak ko. Sa isang family home evening, naalala nila ang “Trunky the Elephant.” Sama-sama naming kinanta ang awitin; pagkatapos matigil nang maraming taon, muli akong naging elepante. Una ang anak kong lalaki, tapos ang anak kong babae, at sa huli ay ang kanilang ina ang sumakay sa likod ko. Napadapa na lang ako sa sahig, at nagtawanan kaming lahat sa huli.
Dahil sa alaala ng sandaling iyon nagpapasalamat kami na naturuan tayo ng mga propeta tungkol sa family home evening. Nalaman namin na gaano man kasimple ang mga family home evening natin, ang pinakamahalaga ay may masasaya tayong sandali sa piling ng ating pamilya, mga sandaling nagpapatibay sa ating mga walang hanggang ugnayan.
Víctor G. Chauca Rivera