2011
Wala Siya Rito, Datapuwa’t Nagbangon
Abril 2011


Mensahe ng Unang Panguluhan

Wala Siya Rito, Datapuwa’t Nagbangon

President Thomas S. Monson

Ngayon tanging mga labi na lang ang makikita sa Capernaum, ang lungsod sa baybayin ng lawa na sentro ng ministeryo ng Tagapagligtas sa Galilea. Dito ay nangaral Siya sa sinagoga, nagturo sa tabing-dagat, at nagpagaling ng mga tao sa mga bahay-bahay.

Sa simula ng Kanyang ministeryo, binanggit ni Jesus ang isang tala mula sa Isaias: “Ang Espiritu ng Panginoong Dios ay sumasa akin; sapagka’t pinahiran ako ng Panginoon upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; kaniyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo” (Isaias 61:1; tingnan din sa Lucas 4:18)—isang malinaw na pagpapahayag ng banal na plano na iligtas ang mga anak ng Diyos.

Ngunit ang pangangaral ni Jesus sa Galilea ay simula pa lamang. Ang Anak ng Tao ay may nakapanghihilakbot na gagawin sa burol na tinatawag na Golgota.

Dinakip sa Halamanan ng Getsemani matapos ang Huling Hapunan, itinatwa ng Kanyang mga disipulo, niluraan, inusig, at kinutya, sumusuray na pinasan ni Jesus ang Kanyang napakabigat na krus papuntang Kalbaryo. Nagsimula Siyang magtagumpay hanggang sa Siya ay ipagkanulo, parusahan, at mamatay sa krus.

Sa mga titik ng awiting “[The Holy City] Ang Banal na Lungsod”:

Nagbago ang tagpo. …

Sa napakalamig na umagang iyon,

Anino ng krus ay natanaw

Sa malungkot na burol sa dako pa roon.1

Para sa atin ay ibinigay ng ating Ama sa Langit ang Kanyang Anak. Para sa atin ay inalay ng ating Nakatatandang Kapatid ang Kanyang buhay.

Sa huling sandali’y maaari sanang tumalikod ang Panginoon. Ngunit hindi Niya ginawa. Nagpakababa Siya sa lahat ng bagay upang iligtas Niya ang lahat: ang sangkatauhan, ang mundo, ang lahat ng nilalang na nanirahan dito.

Wala nang mga salitang higit na makahulugan sa akin kaysa sa mga binigkas ng anghel sa nananangis na si Maria Magdalena at sa isa pang Maria nang papalapit na sila sa libingan upang linisin ang katawan ng kanilang Panginoon: “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon” (Lucas 24:5–6).

Sa pahayag na ito, ang mga nabuhay at namatay, ang mga nabubuhay ngayon at mamamatay balang-araw, at ang mga isisilang pa lang at mamamatay din ay nailigtas na.

Dahil sa nadaig ni Cristo ang kamatayan, lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli. Ito ang pagkatubos ng kaluluwa. Isinulat ni Pablo:

“Mayroon[g]… mga katawang ukol sa langit, at mga katawang ukol sa lupa: datapuwa’t iba ang kaluwalhatian ng ukol sa langit, at iba ang ukol sa lupa.

“Iba ang kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin; sapagka’t ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.

“Gayon din naman ang pagkabuhay na maguli ng mga patay” (I Mga Taga Corinto 15:40–42).

Selestiyal na kaluwalhatian ang hangad natin. Sa piling ng Diyos natin nais manirahan. Ito ay pamilyang walang hanggan at dito natin nais na mapabilang.

Tungkol sa Kanya na nagligtas sa atin sa walang hanggang kamatayan, pinatototohanan ko na Siya ay guro ng katotohanan—ngunit Siya ay higit pa sa isang guro. Siya ang huwaran ng perpektong buhay—ngunit Siya ay higit pa sa isang huwaran. Siya ang pinakamahusay na manggagamot—ngunit Siya ay higit pa sa isang manggagamot. Siya ang literal na Tagapagligtas ng daigdig, ang Anak ng Diyos, ang Pangulo ng Kapayapaan, ang Banal ng Israel, maging ang nagbangong Panginoon, na nagpahayag, “Ako ang una at ang huli; ako ang siyang nabuhay, ako ang siyang pinaslang; ako ang inyong tagapamagitan sa Ama” (D at T 110:4).

“Ligayang aking matalos: ‘Buhay ang aking Manunubos!’”2

Ito ay pinatototohanan ko.

Mga Tala

  1. Frederick E. Weatherly, “The Holy City” (1892).

  2. “Buhay ang Aking Manunubos,” Mga Himno, blg. 78.

Siya’y Wala Rito, ni Walter Rane, hindi maaaring kopyahin; Si Cristo at si Maria sa Puntod, ni Joseph Brickey © 2004 IRI

Paglalarawan ni Steve Kropp