2010–2019
Tulad ng Ginawa Niya
Pangkalahatang Kumperensya ng Abril 2019


2:3

Tulad ng Ginawa Niya

Habang hinahangad nating magministeryo na tulad ng ginawa Niya, paglalaanan tayo ng mga oportunidad na kalimutan ang ating sarili at iangat ang iba.

Mga labingwalong buwan na ang nakakaraan, nitong taglagas ng 2017 sinabi sa akin ng kapatid kong si Mike na 64 taong gulang na siya ay nasuring may kanser sa lapay. Sinabi niya sa akin na nakatanggap na siya ng priesthood blessing mula sa kanyang home teacher, at nakipag-usap na siya sa bishop niya. Ipinadala rin niya sa akin sa text ang isang larawan ng Oakland California Temple na kinunan mula sa ospital kung saan siya ginagamot, na may caption na “Tingnan mo kung ano ang nakikita ko mula sa kuwarto ko sa ospital.”1

Nagulat ako sa kanyang mga komento tungkol sa mga home teacher, priesthood blessing, bishop, at templo tulad ng pagkagulat ko tungkol sa kanser. Alam ninyo, hindi regular na nagsisimba si Mike, na isang priest sa Aaronic Priesthood, sa loob halos ng 50 taon.

Bilang isang pamilya, halos naintriga kami sa kanyang espirituwal na progreso na tulad sa kanyang progreso sa paglaban sa kanser, dahil madalas siyang magtanong ngayon tungkol sa Aklat ni Mormon, kapangyarihang magbuklod, at kabilang buhay. Sa paglipas ng mga buwan at kalat na ang kanser, kinailangan ng karagdagan at mas espesyal na panggagamot kaya dinala si Mike sa Utah at sa Huntsman Cancer Center.

Di-nagtagal pagdating niya, binisita si Mike ni John Holbrook, ward mission leader ng ward na naglingkod sa care facility kung saan siya nakatira noon. Sinabi ni John na “malinaw sa akin na si Mike ay anak ng Diyos” at agad silang nagkalapit ng loob at naging magkaibigan kaya naging “di-opisyal” na ministering brother ni Mike si John. May imbitasyon kaagad na pabisitahin ang mga missionary, na magalang na tinanggihan ng kapatid ko, ngunit nang isang buwan na silang magkaibigan, muling nagtanong si John, na ipinaliliwanag kay Mike, “Palagay ko masisiyahan kang makinig sa mensahe ng ebanghelyo.”2 Sa pagkakataong ito tinanggap ang imbitasyon, na humantong sa madalas na pakikipag-usap sa mga missionary, at kay Bishop Jon Sharp, na humantong kalaunan sa pagtanggap ni Mike ng kanyang patriarchal blessing, 57 taon matapos siyang binyagan.

Sa mga unang araw ng Disyembre noong isang taon, kasunod ng ilang buwang panggagamot, nagdesisyon si Mike na tumigil na sa pagpapagamot sa kanser, na nagsanhi ng matitindi at masasamang epekto, at hayaan nang mangyari ang dapat mangyari. Ipinaalam sa amin ng mga doktor na gumagamot sa kanya na mga hanggang tatlong buwan na lang ang buhay ni Mike. Samantala, nagpatuloy ang mga tanong tungkol sa ebanghelyo—gayundin ang mga pagbisita at suporta ng kanyang mga lokal na lider sa priesthood. Sa mga pakikipag-usap namin kay Mike madalas naming makita ang nakabukas na kopya ng Aklat ni Mormon sa tabi ng kama habang tinatalakay namin ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, mga susi ng priesthood, mga ordenansa sa templo at ang likas na kawalang-hanggan ng tao.

Noong kalagitnaan ng Disyembre, hawak ang kanyang patriarchal blessing, mukhang lumalakas si Mike at malamang na maragdagan pa ng tatlong buwan ang inaasahang haba ng buhay niya. Nagplano kaming isama siya sa amin sa Pasko, Bagong Taon at lagpas pa roon. Noong Disyembre 16, tinawagan ako ni Bishop Sharp, at ipinaalam sa akin na nainterbyu na nila ng stake president si Mike, at natagpuan siyang karapat-dapat na tumanggap ng Melchizedek Priesthood, at itinanong kung puwede akong makibahagi. Iniskedyul namin ang ordenansa sa Biyernes, Disyembre 21.

Pagsapit ng araw, dumating kami ng asawa kong si Carol sa care facility at may sumalubong sa amin kaagad sa pasilyo malapit sa kuwarto niya at ipinaalam sa amin na wala nang pulso si Mike. Pumasok kami sa kuwarto at naghihintay na roon ang patriarch, kanyang bishop, at kanyang stake president—pagkatapos ay nagmulat ng mga mata si Mike. Nakilala niya ako at sumenyas na naririnig niya ako at handa na siyang tanggapin ang priesthood. Limampung taon ang lumipas matapos maorden bilang priest sa Aaronic Priesthood, nagkaroon ako ng pribilehiyo, sa tulong ng kanyang mga lokal na lider, na pagkalooban ng Melchizedek Priesthood at iorden ang kapatid ko sa katungkulan ng elder. Limang oras pagkaraan, pumanaw si Mike, sumakabilang-buhay upang katagpuin ang aming mga magulang bilang mayhawak ng Melchizedek Priesthood.

Isang taon pa lang ang nakararaan, nanawagan si Pangulong Russell M. Nelson sa bawat isa sa atin na pangalagaan ang ating mga kapatid sa “mas dakila, mas banal na paraan.”3 Patungkol sa Tagapagligtas, itinuro ni Pangulong Nelson na “dahil ito ang Kanyang Simbahan, bilang Kanyang mga lingkod, maglilingkod tayo sa nangangailangan, tulad ng ginawa Niya. Maglilingkod tayo sa Kanyang pangalan, nang may kapangyarihan at awtoridad Niya, at nang may mapagmahal na kabaitan Niya.”4

Bilang tugon sa imbitasyon ng isang propeta ng Diyos, nagaganap ang mga pambihirang pagsisikap na maglingkod sa nangangailangan sa buong mundo, kapwa sa pagtutulungan ng mga tao, bilang mga miyembro na tapat na tinutupad ang kanilang mga ministering assignment, gayundin ang tinatawag kong “di-planadong” ministering, dahil napakaraming nagpapamalas ng pagmamahal na tulad ni Cristo bilang tugon sa di-inaasahang mga oportunidad. Sa sarili naming pamilya, nasaksihan namin, nang personal, ang ganitong uri ng ministering.

Si John, kaibigan at ministering brother ni Mike at naglingkod bilang mission president, ay laging nagsasabi noon sa kanyang mga missionary na “kapag may isang tao sa listahan na nagsabing ‘hindi interesado,’ huwag kayong sumuko. Nagbabago ang mga tao.” Pagkatapos ay sinabi niya sa amin, “Malaki ang ipinagbago ni Mike.”5 Naging kaibigan muna si John, at naglaan ng kinakailangang pagpapalakas ng loob at suporta … ngunit hindi limitado ang kanyang pagmiministeryo sa mga pagbisita bilang kaibigan. Alam ni John na ang isang minister ay higit pa sa isang kaibigan at ang pagkakaibigang iyon ay lumalakas habang nagmiministeryo tayo.

Hindi kailangan na nagdurusa ang isang tao, tulad ng kapatid ko, mula sa isang sakit na nakamamatay para mangailangan ng ministering service. Ang mga pangangailangang iyon ay dumarating sa maraming iba’t ibang paraan. Ang nag-iisang magulang, di-gaanong-aktibong mag-asawa, nahihirapang tinedyer, nanghihinang ina, isang pagsubok sa pananampalataya, mga problema sa pinansyal, sa kalusugan, o sa pagsasama ng mag-asawa—halos walang katapusan ang listahan. Gayunman, gaya ng kapatid kong si Mike, walang sinumang hindi na maaaring tulungan, at kailanma’y hindi pa huli ang lahat para madama ang pagmamahal ng Tagapagligtas.

Itinuturo sa atin sa ministering website ng Simbahan na, “bagaman maraming layunin ang ministering, ang ating mga pagsisikap ay dapat gabayan ng kagustuhan na matulungan ang ibang tao na makamit ang mas malalim na indibiduwal na pagbabalik-loob at maging mas katulad ng Tagapagligtas.”6 Ganito ang sinabi ni Elder Neil L. Andersen:

“Ang isang taong may mabuting puso ay tutulong sa isang tao na mag-ayos ng gulong, sasamahan ang isang roomate sa pagpunta sa doktor, kakain ng tanghalian kasama ang isang taong nalulungkot, o ngingiti at mangungumusta upang mapasaya ang araw ng iba.

“Ngunit ang [sumusunod sa] unang utos ay natural na magdaragdag sa mahahalagang gawain na ito ng paglilingkod.”7

Sa pagtutulad ng ating ministering kay Jesucristo, mahalagang tandaan na ang Kanyang mga pagsisikap na magmahal, mag-angat, magsilbi, at magpala ay may mas mataas na layunin kaysa sa pagtugon sa panandaliang pangangailangan. Siguradong alam Niya ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan at nahahabag Siya sa kanilang kasalukuyang paghihirap kung kaya’t nagpagaling, nagpakain, nagpatawad, at nagturo Siya. Ngunit ninais Niya na gumawa ng higit pa sa pagpawi ng uhaw na nadarama sa kasalukuyang araw. Ninais Niya na ang mga nakapaligid sa Kaniya ay sundin Siya, kilalanin Siya, at abutin ang kanilang banal na potensiyal.8

Habang hinahangad nating magministeryo “na tulad ng ginawa Niya,”9 paglalaanan tayo ng mga oportunidad na kalimutan ang ating sarili at iangat ang iba. Ang mga pagkakataong ito ay maaring madalas na hindi madali para sa atin at sinusubok ang ating tunay na hangaring maging higit na katulad ng Panginoon, na ang pinakadakilang paglilingkod sa lahat, ang Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, ay bagay na hindi madaling gawin. Sa Mateo kabanata 25, ipinaaalala sa atin kung ano ang nadarama ng Panginoon sa atin, kapag, tulad Niya, sensitibo tayo sa mga pakikibaka, pagsubok, at hamon na kinakaharap ng napakarami, ngunit madalas ay hindi napapansin:

“Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan:

“Sapagkaʼt akoʼy nagutom, at akoʼy inyong pinakain; akoʼy nauhaw, at akoʼy inyong pinainom; akoʼy naging taga ibang bayan, at inyo akong pinatuloy. …

“Kung magkagayo’y sasagutin siya ng mga matuwid, na mangagsasabi, Panginoon, kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka namin? o nauuhaw, at pinainom ka?

“At kailan ka namin nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? …

“At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”10

Naglilingkod man tayo bilang mga ministering brother o sister, o ipinaaalam sa atin na may isang taong nangangailangan, hinihikayat tayong humingi ng patnubay at direksyon ng Espiritu—pagkatapos ay kumilos. Iniisip siguro natin kung paano tayo higit na makapaglilingkod, ngunit alam ng Panginoon, at sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu ay papatnubayan tayo sa ating mga pagsisikap. Tulad ni Nephi, na “pinatnubayan ng Espiritu, nang sa simula ay hindi pa nalalaman ang mga bagay na nararapat [niyang] gawin,”11 papatnubayan din tayo ng Espiritu sa pagsusumikap nating maging mga kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon upang pagpalain ang Kanyang mga anak. Kapag humihingi tayo ng patnubay ng Espiritu at nagtitiwala sa Panginoon, ilulugar tayo sa mga sitwasyon at kalagayan kung saan maaari tayong kumilos at magpala—sa madaling salita, magministeryo.

May ibang mga pagkakataon siguro kung kailan napapansin natin ang isang pangangailangan ngunit nadaramang hindi tayo nararapat na tumugon, na ipinapalagay na hindi sapat ang maibibigay natin. Ang gumawa “tulad ng ginawa Niya”12 ay ang magministeryo sa pagbibigay ng anumang kaya nating ibigay at magtiwala na palalakihin ng Panginoon ang ating mga pagsisikap na pagpalain ang ating “kapwa mga manlalakbay sa mortal na buhay na ito.”13 Para sa ilan, maaaring ito ay pagbibigay ng oras at mga talento; para sa iba naman, maaaring ito ay isang magandang pananalita o pisikal na tulong. Kahit maaaring nadarama natin na hindi sapat ang ating mga pagsisikap, nagbahagi si Pangulong Dallin H. Oaks ng isang mahalagang alituntunin tungkol sa “maliliit at karaniwan.” Itinuro niya na ang maliliit at karaniwang mga gawa ay mabisa dahil nag-aanyaya ang mga ito ng “patnubay ng Espiritu Santo,”14 isang kasama na nagpapala kapwa sa nagbibigay at sa tumatanggap.

Batid na malapit na siyang mamatay, sinabi ng kapatid kong si Mike, “nakakapagtaka na naitutuon ka ng kanser sa lapay sa kung ano ang pinakamahalaga.”15 Salamat sa mabubuting kalalakihan at kababaihan na nakita ang pangangailangan, hindi nanghusga, at nagministeryo na tulad ng Tagapagligtas, hindi pa naging huli ang lahat para kay Mike. Para sa ilan, maaaring dumating nang mas maaga ang pagbabago, para sa iba marahil ay sa kabilang buhay na. Gayunman, kailangan nating tandaan na kailanma’y hindi pa huli ang lahat at wala pang sinumang nalihis nang napakalayo mula sa landas para hindi sila maabot ng sukdulang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na walang-hanggan at napakalawak ng sakop.

Sa huling pangkalahatang kumperensya noong Oktubre, itinuro ni Elder Dale G. Renlund na “gaano man katagal na wala tayo sa landas ng tipan … sa sandaling magpasiya tayong magbago, tutulungan tayo ng Diyos na makabalik.”16 Gayunman, ang desisyong iyan na magbago kadalasan ay resulta ng isang imbitasyon, tulad ng “Palagay ko masisiyahan kang makinig sa mensahe ng ebanghelyo.” Tulad ng kailanma’y hindi pa huli ang lahat para sa Tagapagligtas, kailanma’y hindi pa napakaagang mag-anyaya.

Ang panahong ito ng Easter ay muli na namang naglalaan ng isang maluwalhating oportunidad na pagbulayan ang dakilang nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ang ginawa Niya para sa bawat isa sa atin na napakalaki ng naging kapalit, isang kapalit na Siya mismo ang nagpahayag na naging “dahilan upang [Siya], ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit.” “Gayon pa man,” wika niya, “ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao.”17

Pinatototohanan ko na dahil “tinapos na” Niya, laging may pag-asa. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.