2010–2019
Malaking Pagmamahal para sa mga Anak ng Ating Ama
Pangkalahatang Kumperensya ng Abril 2019


2:3

Malaking Pagmamahal para sa mga Anak ng Ating Ama

Ang pagmamahal ang pangunahing katangian at motibo ng mga espirituwal na layunin na ipinagagawa sa atin ng ating minamahal na propeta.

Aking mga minamahal na kapatid, ito ay isang naiiba at napakahalagang panahon sa kasaysayan. Pinagpala tayo na mabuhay sa huling dispensasyon bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Noong malapit nang magsimula ang dispensasyong ito noong 1829, ang taon bago pormal na naorganisa ang Simbahan, isang itinatanging paghahayag ang natanggap na nagpapahayag na isang “kagila-gilalas na gawain” ang “malapit nang maganap.” Pinagtibay ng paghahayag na ito na sila na nais maglingkod sa Diyos ay nagiging marapat para sa paglilingkod na ito sa pamamagitan ng “pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.”1 Ang pag-ibig sa kapwa-tao, na siyang “dalisay na pag-ibig ni Cristo”2 ay kinapapalooban ng walang hanggang pagmamahal ng Diyos para sa lahat ng Kanyang mga anak.3

Ang layunin ko ngayong umaga ay ang bigyang-diin ang kinakailangang gampanan ng ganoong uri ng pagmamahal sa gawaing misyonero, gawain sa templo at family history, at sa nakasentro sa pamilya at sinusuportahan ng Simbahan na gawaing pangrelihiyon ng pamilya. Ang pagmamahal sa Tagapagligtas at pagmamahal sa ating mga kapwa lalaki at babae4 ay ang pangunahing katangian at motibo ng ministering at ang mga espirituwal na layunin5 na ipinagagawa sa atin ng ating minamahal na propetang si Pangulong Russell M. Nelson, sa mga pagbabagong ipinahayag noong 2018.

Ang Gawain ng mga Missionary na Tipunin ang Nakakalat na Israel

Maaga pa lamang sa buhay ko ay namulat na ako sa ugnayan sa pagitan ng gawaing misyonero at pagmamahal. Noong 11 taong gulang ako, natanggap ko ang aking patriarchal blessing mula sa patriarch na lolo ko rin.6 Sinabi sa isang bahagi sa basbas na iyon, “Binabasbasan kita ng malaking pagmamahal para sa iyong kapwa-tao, dahil tatawagin kang dalhin ang ebanghelyo sa mundo … para umakay ng mga kaluluwa kay Cristo.”7

Kahit sa murang edad na iyon ay naunawaan ko na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nakabatay sa isang malaking pagmamahal para sa lahat ng mga anak ng Ama sa Langit.

Bilang mga General Authority na inatasan na gawin ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo 15 taon na ang nakalilipas, nagpasya kami na ang katangian na pagkakaroon ng pagmamahal ay kailangan sa gawaing misyonero sa ating panahon, at kahit noon pa man. Ang Kabanata 6 na tungkol sa mga katangiang tulad ng kay Cristo, na kinabibilangan ng pag-ibig sa kapwa at pagmamahal, ay nananatiling pinakapaboritong kabanata ng mga missionary.

Bilang mga kinatawan ng Tagapagligtas, ang karamihan sa mga missionary ay nakadarama ng ganitong uri ng pagmamahal, at kapag nadarama nila ito, ang kanilang mga pagsisikap ay pinagpapala. Kapag naunawaan ng mga miyembro ang tungkol sa ganitong uri ng pagmamahal, na kinakailangan sa pagtulong sa Panginoon sa Kanyang layunin, ang gawain ng Panginoon ay maisasakatuparan.

R. Wayne Shute

Nagkaroon ako ng pribilehiyong magkaroon ng maliit na bahagi sa isang kagila-gilalas na halimbawa ng ganitong uri ng pagmamahal. Noong naglilingkod ako bilang Pangulo ng Pacific Islands Area, nakatanggap ako ng tawag mula kay President R. Wayne Shute. Noong binata pa siya ay nagmisyon siya sa Samoa. Kalaunan, bumalik siya sa Samoa bilang mission president.8 Noong tinawagan niya ako, siya noon ang pangulo ng Apia Samoa Temple. Isa sa kanyang mga batang missionary, noong siya ay mission president, ay si Elder O. Vincent Haleck, na ngayon ay Area President sa Pacific. Malaki ang pagmamahal at respeto ni President Shute kay Vince at sa buong pamilya Haleck. Halos buong pamilya ay mga miyembro ng Simbahan, pero ang ama ni Vince na si Otto Haleck, na patriyarka ng pamilya (na may lahing German at Samoan), ay hindi miyembro. Alam ni President Shute na dadalo ako sa isang stake conference at sa iba pang mga miting sa American Samoa, at hiniling niya sa akin na ikonsiderang manatili sa bahay ni Otto Haleck para ibahagi ang ebanghelyo sa kanya.

Si Elder O. Vincent Haleck na bata pang missionary

Nanuluyan kami ng asawa kong si Mary sa magandang tahanan nina Otto at ng kanyang asawang si Dorothy. Sa almusal, nagbahagi ako ng isang mensahe ng ebanghelyo at inanyayahan si Otto na makipagkita sa mga missionary. Siya ay mabait, ngunit matigas, sa pagtanggi sa aking paanyaya. Sinabi niya na nalulugod siya na marami sa kanyang mga kapamilya ay mga Banal sa mga Huling Araw. Ngunit mariin niyang ipinahayag na ang ilan sa mga ninuno ng kanyang Samoan na ina ay mga sinaunang Kristiyanong ministro sa Samoa, at nakadarama siya ng matinding katapatan para sa kanilang tradisyunal na Kristiyanong pananampalataya.9 Gayunman, mabuting magkaibigan kami nang kami ay umalis.

Kinalaunan, noong naghahanda si Pangulong Gordon B. Hinckley na ilaan ang Suva Fiji Temple, inatasan niya ang kanyang personal na sekretaryo na si Brother Don H. Staheli,10 para ipatawag ako sa New Zealand upang gumawa ng mga paghahanda. Nais ni Pangulong Hinckley na lumipad mula Fiji patungong American Samoa para makipagkita sa mga Banal. Isang partikular na hotel na tinuluyan noong nakaraang pagbisita ang iminungkahi. Itinanong ko kung maaari akong gumawa ng ibang mga paghahanda. Sinabi ni Brother Staheli, “Ikaw ang Area President; kaya ayos lang iyon.”

Kaagad kong tinawagan si President Shute at sinabi sa kanya na siguro ay nagkaroon kami ng ikalawang pagkakataon para espirituwal na pagpalain ang aming kaibigan na si Otto Haleck. Sa pagkakataong ito, ang magiging missionary ay si Pangulong Gordon B. Hinckley. Itinanong ko kung kaming lahat na kasama sa grupo sa paglalakbay ni Pangulong Hinckley ay maaaring patuluyin ng mga Haleck.11 Sina Pangulo at Sister Hinckley, ang kanilang anak na si Jane, at sina Elder at Sister Jeffrey R. Holland ay kasama rin sa grupo na maglalakbay. Si President Shute, katulong ang kanyang pamilya, ang gumawa ng lahat ng mga paghahanda.12

Nang dumating kami sa Fiji matapos ang paglalaan ng templo, malugod kaming binati.13 Nagsalita kami noong gabing iyon sa libu-libong Samoan na mga miyembro at pagkatapos ay nagtungo sa lugar ng pamilya Haleck. Nang magtipon kami para mag-almusal kinabukasan, naging mabuting magkaibigan na sina Pangulong Hinckley at Otto Haleck. Nakakatuwa para sa akin na halos katulad ng pag-uusap namin noong nagdaang taon ang pag-uusap nila ni Otto. Nang ipahayag ni Otto ang kanyang paghanga sa ating Simbahan ngunit muling pinagtibay ang kanyang katapatan sa kanyang kasalukuyang simbahan, inilagay ni Pangulong Hinckley ang kanyang kamay sa balikat ni Otto at sinabing, “Otto, hindi iyan sapat; kailangan mong maging miyembro ng Simbahan. Ito ang Simbahan ng Panginoon.” Maaaring nakikita ninyo sa inyong isipan na hindi na tumutol si Otto at naging bukas siya sa sinabi ni Pangulong Hinckley.

Ito ang simula ng karagdagang pagtuturo ng mga missionary at ng espirituwal na pagpapakumbaba na nagpahintulot kay Otto Haleck na mabinyagan at makumpirma matapos ang mahigit nang kaunti sa isang taon. Isang taon pagkatapos noon, ang pamilya Haleck ay nabuklod bilang walang hanggang pamilya sa templo.14

Nabuklod sa templo ang pamilya Haleck

Ang nakaantig sa aking puso sa kabuuan ng pambihirang karanasang ito ay ang nakapupuspos na mapaglingkod na pagmamahal na ipinakita ni President Wayne Shute para sa kanyang dating missionary na si Elder Vince Haleck, at ang kanyang hangarin na makita ang buong pamilya Haleck na nagkakaisa bilang isang walang hanggang pamilya.15

Pagdating sa pagtitipon ng Israel, kailangan nating iayon ang ating mga puso sa ganitong uri ng pagmamahal at lumayo sa mga pakiramdam na ito ay responsibilidad lamang16 o pagkakonsensya tungo sa damdamin ng pagmamahal at pakikibahagi sa banal na pagsasamahan sa pagbabahagi ng mensahe, paglilingkod, at misyon sa mundo ng Tagapagligtas.17

Bilang mga miyembro, maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Tagapagligtas at sa ating mga kapatid sa buong mundo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga simpleng paanyaya. Ang bagong iskedyul ng mga miting sa Linggo ay kumakatawan sa isang hindi pangkaraniwang pagkakataon para matagumpay at mapagmahal na maanyayahan ng mga miyembro ang mga kaibigan at kasamahan na lumapit at tingnan at damhin ang isang karanasan sa Simbahan.18 Ang espirituwal na sacrament meeting, na sana ay kasing-sagrado ng inilarawan sa atin ni Elder Jeffrey R. Holland kahapon, ay susundan ng 50-minutong pulong tungkol sa Bagong Tipan at sa Tagapagligtas o akmang mga mensahe sa kumperensya na nakatuon din sa Tagapagligtas at sa Kanyang doktrina.

May ilang mga sister sa Relief Society na nagtataka kung bakit sila binigyan ng asaynment na “magtipon” kasama ng mga miyembro ng korum ng priesthood. Mayroong mga dahilan para rito, at ibinigay ni Pangulong Nelson ang marami sa mga ito noong nakaraang pangkalahatang kumperensya. Konklusyon niya, “Hindi talaga namin matitipon ang Israel nang wala kayo.”19 Sa ating panahon, tayo ay pinagpala na humigit-kumulang 30 porsiyento ng ating mga full-time missionary ay mga sister. Nagbibigay ito ng dagdag na pangangailangan at insentibo para sa mga Relief Society sister na mapagmahal na ibahagi ang ebanghelyo. Ang kinakailangan ay ang mapagmahal, mahabagin, at espirituwal na dedikasyon ng bawat isa sa atin—kalalakihan, kababaihan, kabataan, at mga bata—na ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kung nagpapakita tayo ng pagmamahal, kabaitan, at pagpapakumbaba, marami ang tatanggap ng ating paanyaya. Ang mga pumipili na huwag tanggapin ang ating paanyaya ay mananatiling mga kaibigan natin.

Ang Gawain sa Templo at Family History para Tipunin ang Israel

Pagmamahal din ang nasa sentro ng ating gawain sa templo at family history para tipunin ang Israel sa kabilang panig ng tabing. Kapag nalaman natin ang mga pagsubok at paghihirap na naranasan ng ating mga ninuno, lalago ang ating pagmamahal at pagpapahalaga sa kanila. Ang ating gawain sa templo at family history ay lumakas nang husto dahil sa mga pagbabago kamakailan sa iskedyul ng miting tuwing Linggo at paglipat ng mga kabataan sa mga klase at korum. Ang mga pagbabagong ito ay nagbibigay ng mas maaga at mas mabisang pagtuon sa pag-alam tungkol sa ating mga ninuno at pagtipon ng Israel sa kabilang panig ng tabing. Kapwa lubos na naging mas mabuti ang gawain sa templo at family history.

Ang internet ay isang mabisang kasangkapan; ang tahanan na ngayon ang pangunahing family history center. Ang ating mga kabataang miyembro ay may pambihirang kasanayan sa pagsasaliksik ng family history at may espirituwal na motibo sa pagsasagawa ng mga binyag para sa kanilang mga ninuno na natutuhan nilang mahalin at pahalagahan. Simula nang pahintulutan ang mga 11-taong-gulang na magsagawa ng pagbibinyag para sa mga patay, ang mga pangulo ng templo sa buong mundo ay nag-ulat na malaki ang itinaas ng pagdalo. Ipinaalam sa amin ng isang pangulo ng templo na “mayroong kamangha-manghang pagtaas sa mga patron sa pagbibinyag … at ang pagdagdag sa mga 11-taong-gulang ay nagdadala ng mas maraming pamilya. … Kahit na sa kanilang [murang] edad, makikitang sila ay may nadaramang pagpipitagan at layunin sa mga ordenansang isinasagawa nila. Kay gandang panoorin nito!”20

Alam ko na ang ating mga lider ng Primary at kabataan ay ginagawa at patuloy na ginagawang pangunahing aktibidad ang family history at gawain sa templo. Ang mga sister sa Relief Society at mga kapatid na maytaglay ng priesthood ay mapagmahal na makatutulong na maisagawa ang kanilang mga responsibilidad sa templo at family history bilang mga indibiduwal at gayundin sa pamamagitan ng pagtulong at pagbibigay-inspirasyon sa mga bata at kabataan na tipunin ang Israel sa kabilang panig ng tabing. Ito ay lalong mahalaga sa tahanan at tuwing Sabbath. Ipinapangako ko na ang mapagmahal na pagsasagawa ng mga ordenansa para sa mga ninuno ay makapagpapalakas at poprotekta sa ating mga kabataan at pamilya mula sa mundo na patuloy na nagiging mas masama. Personal ko ring pinatototohanan na si Pangulong Russell M. Nelson ay tumanggap ng napakahalagang mga paghahayag na may kaugnayan sa mga templo at gawain sa templo.

Ihanda ang mga Walang Hanggang Pamilya at Indibiduwal na Mamuhay Kasama ng Diyos

Ang bagong pagbibigay-diin sa nakasentro sa tahanan na pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo at ang mga sanggunian na ibinigay ng Simbahan, ay isang malaking pagkakataon para mapagmahal na maihanda ang mga walang hanggang pamilya at indibiduwal na makaharap at mamuhay kasama ang Diyos.21

Kapag ang isang lalaki at isang babae ay nabuklod sa templo, pumapasok sila sa banal na orden ng matrimonya sa bago at walang hanggang tipan na isang orden ng priesthood.22 Magkasama nilang natatamo at natatanggap ang mga pagpapala at kapangyarihan ng priesthood para pamahalaan ang pamumuhay ng kanilang pamilya. Ang kababaihan at kalalakihan ay may magkaibang mga tungkulin na ibinalangkas sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,”23 pero ang kanilang mga responsibilidad ay pantay ang kahalagahan at importansya.24 Mayroon silang pantay na kapangyarihan na tumanggap ng paghahayag para sa kanilang pamilya. Kapag nagtulungan sila nang may pagmamahal at kabutihan, ang kanilang mga desisyon ay pinagpapala ng langit.

Ang mga nagnanais na malaman ang kalooban ng Panginoon bilang mga indibiduwal at para sa kanilang mga pamilya ay kailangang magsikap na maging matwid, mapagkumbaba, mabait, at mapagmahal. Ang pagiging mapagpakumbaba at mapagmahal ay tanda ng mga naghahangad sa kalooban ng Panginoon, lalo na para sa kanilang mga pamilya.

Ang gawing ganap ang ating sarili, ang gawing marapat ang ating sarili para sa mga pagpapala ng mga tipan, at ang paghahanda na harapin ang Diyos ay mga responsibilidad ng mga indibiduwal. Kailangan nating umasa sa ating sariling kakayahan at maging sabik na gawin ang ating mga tahanan na kanlungan mula sa mga unos na nakapaligid sa atin25 at “isang santuwaryo ng pananampalataya.”26 Ang mga magulang ay may responsibilidad na mapagmahal na turuan ang kanilang mga anak. Ang mga tahanan na puno ng pagmamahal ay isang kagalakan, isang kasiyahan, at isang literal na langit dito sa lupa.27

Ang paboritong himno ng aking ina ay ang “Pag-ibig sa Tahanan.”28 Tuwing maririnig niya ang unang linya, “Kay ganda ng paligid kung may pag-ibig,” makikitang siya ay naaantig at naluluha. Bilang mga anak, alam namin na nanirahan kami sa ganoong uri ng tahanan; ito ay isa sa kanyang pinakamatataas na prayoridad.29

Bukod sa mapagmahal na kapaligiran sa tahanan, nagtuon si Pangulong Nelson sa paglalagay ng limitasyon sa paggamit ng media na gumagambala sa ating mga pangunahing layunin.30 Ang isang pagbabago na pakikinabangan ng halos anumang pamilya ay ang gawin ang internet, social media, at telebisyon na tagapaglingkod sa halip na maging isang panggambala o, ang mas malala, ay maging isang pinaglilingkuran. Ang digmaan para sa lahat ng mga kaluluwa, ngunit lalo na ng mga bata, ay madalas na nasa tahanan. Bilang mga magulang, kailangan nating tiyakin na ang nilalaman ng media ay kapwa kapaki-pakinabang, akma sa edad, at naaayon sa mapagmahal na kapaligiran na sinisikap nating likhain.

Ang pagtuturo sa ating mga tahanan ay kailangang maging malinaw at nakahihimok31 ngunit kailangan din na espirituwal, puno ng kagalakan, at puno ng pagmamahal.

Ipinapangako ko na kapag nagtuon tayo sa ating pagmamahal para sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, gagawin Siyang sentro ng ating mga pagsisikap na tipunin ang Israel sa parehong panig ng tabing, maglilingkod sa iba, at indibiduwal na maghahanda sa pagharap sa Diyos, ang impluwensiya ng kaaway ay mababawasan at ang kagalakan, kasiyahan, at kapayapaan sa ebanghelyo ay magpapala sa ating tahanan ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo.32 Pinatototohanan ko ang mga pangako ng doktrina na ito at nagbibigay ng tiyak na patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo alang-alang sa atin sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Doktrina at mga Tipan 4:1, 5.

  2. Moroni 7:47.

  3. Tingnan sa “Pag-ibig sa Kapwa at Pagmamahal,” Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero, rev.ed. (2019), 135.

  4. Tingnan sa Deuteronomio 6:5; Mateo 22:36–40.

  5. Tingnan sa “Responsibilities of Elders Quorum and Relief Society Presidencies in Member Missionary and Temple and Family History Work,” pabatid, Okt. 6, 2018.

  6. Ang aking lolo ay binigyan ng awtorisasyon na magbigay ng patriarchal blessing sa mga apo na nakatira sa iba’t ibang stake. Ibinigay ito sa akin sa edad na 11 dahil siya ay may sakit at naisip na maaaring siya ay pumanaw.

  7. Patriarchal blessing ni Quentin L. Cook na ibinigay ni patriarch Crozier Kimball, Okt. 13, 1951, Draper, Utah.

  8. Si President R. Wayne Shute ay naglingkod din kasama ng kanyang asawang si Lorna sa iba pang mga uri ng misyon sa Shanghai, China; Armenia; Singapore; at Greece. Nang mamatay si Lorna, pinakasalan niya si Rhea Mae Rosvall, at naglingkod sila sa Australia Brisbane Mission. Pito sa kanyang siyam na anak ang naglingkod ng full-time mission. Dalawa sa mga taon ng kanyang paglilingkod bilang mission president sa Samoa, si Elder John H. Groberg ay naglilingkod naman bilang mission president sa Tonga. Ang mga karanasan nilang dalawa ay alam ng marami.

  9. Si Otto Haleck ay isang lay leader sa Congregational Christian Church of Samoa, na nag-ugat mula sa London Missionary Society. Ang kanyang ama ay may lahing German mula sa Dessau, Germany.

  10. Si President Don H. Staheli ay kasalukuyang naglilingkod bilang pangulo ng Bountiful Utah Temple.

  11. Kasamang lahat sina Pangulong Gordon B. at Sister Marjorie P. Hinckley, ang kanilang anak na si Jane Hinckley Dudley, Elder Jeffrey R. at Sister Patricia T. Holland, Elder Quentin L. at Sister Mary G. Cook, at Brother Don H. Staheli.

  12. Ipinaalam sa akin ni Elder O. Vincent Haleck na inanyayahan ng kanyang ama si Vince at ang kanyang kapatid na si David na bumalik mula sa ibayong dagat para inspeksyunin ang bahay at manatili para sa pagbisita ni Pangulong Hinckley. Sinabi ni Elder Haleck na ipinahayag ng kanyang ama, “Maaaring mga anghel ang mga ito.” Sinabi niya sa kanyang mga anak na kung patutuluyin nila ang propeta, gugustuhin nilang maging perpekto ang kanilang bahay.

  13. Binati si Pangulong Hinckley ng pambansang mga pinuno ng American Samoa at ng libu-libong Samoan sa football stadium.

  14. Ang pagkaisahin ang mga pamilya sa pamamagitan ng masigasig na gawaing misyonero ay naging dakilang katangian ng mga tao sa Samoa at ng iba pang mga Polynesian.

  15. Labis na minamahal at pinasasalamatan si President Shute na siya ay inanyayahan na magsalita sa funeral service ni Otto Haleck noong 2006.

  16. “Kung minsan maaaring sa una ay naglilingkod tayo dahil sa tungkulin o obligasyon, ngunit maging ang paglilingkod na iyon ay maaaring umakay sa atin na gumamit ng isang bagay na higit pa sa nasasaloob natin … [para makapaglingkod] sa ‘higit na mabuting paraan’ [I Mga Taga Corinto 12:31]” (Joy D. Jones, “Para sa Kanya,” Liahona, Nob. 2018, 50).

  17. Tingnan sa Tad R. Callister, The Infinite Atonement (2000), 5–8.

  18. Ang mga miyembro ng Simbahan ay dapat makipag-ugnayan sa mga missionary tuwing sila ay nag-aanyaya.

  19. Russell M. Nelson, “Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” Liahona, Nob. 2018, 70.

  20. Report sa Primary General Presidency nina President B. Jackson at Sister Rosemary M. Wixom, pangulo at matron ng Salt Lake Temple, Mar. 2019. Binanggit ng mga Wixom na sila ay “oorder pa ng mas maraming XXXS na damit na pambinyag para mapunuan ang pangangailangan!”

  21. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Pambungad na Pananalita,” Liahona, Nob.2018, 6–8.

  22. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 131:1–4.

  23. Tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Mayo 2017, 145.

  24. “Ang bawat ama ay patriyarka ng kanyang pamilya at ang bawat ina ay isang matriyarka na pantay sa kanilang magkaibang mga tungkulin bilang mga magulang” (James E. Faust, “The Prophetic Voice,” Ensign, Mayo 1996, 6).

  25. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:26–27; 88:91.

  26. Russell M. Nelson, “Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 113.

  27. Tingnan sa “Tahana’y Isang Langit,” Mga Himno, blg. 186.

  28. “Pag-ibig sa Tahanan,” Mga Himno, blg. 183.

  29. Kung nais makamit ang uri ng pagmamahal na ito, ang direksiyon sa Doktrina at mga Tipan 121:41–42 ang dapat na maging layunin:

    “Walang kapangyarihan o impluwensya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig;

    “Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya.”

    Ang hindi nararapat na kritisismo sa mga bata ay dapat na iwasan. Ang pagdaig sa mga pagkakamali at kawalan ng karunungan ay nangangailangan ng pagtuturo, at hindi ng kritisismo. Ang kasalanan ay nangangailangan ng kaparusahan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 1:25–27).

  30. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Pakikibahagi ng Kababaihan sa Pagtitipon ng Israel,” 69; tingnan din sa Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” (worldwide youth devotional, Lunes, Hunyo 3, 2018), HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org.

  31. Sa isang banda, ang pagtuturo sa tahanan ay katulad ng isang paaralang may isang silid para sa mga bata na nasa lahat ng edad. Sa pagtuturo ng mga 11-taong gulang, hindi natin mababalewala ang 3-taong-gulang.

  32. Tingnan ang Juan 17:3; 2 Nephi 31:20; Moroni 7:47.