Ang Korum: Isang Lugar na Kabibilangan
Hangad ng Panginoon na magtatag kayo ng isang malakas na korum. Habang tinitipon Niya ang Kanyang mga anak, kailangan nila ng isang lugar kung saan sila ay mapapabilang at uunlad.
Noong 2010, si Andre Sebako ay isang binatilyong naghahangad ng katotohanan. Bagama’t hindi pa siya kailanman nakapanalangin nang taimtim, nagpasiya siyang sumubok. Pagkalipas ng maikling panahon, nakilala niya ang mga missionary. Binigyan nila siya ng isang pass-along card na may larawan ng Aklat ni Mormon. May kakaibang nadama si Andre at hiniling niya sa mga missionary na ibenta sa kanya ang aklat. Sinabi nila na sa kanya na ang aklat ay libre kung pupunta siya sa simbahan.1
Dumalo si Andre nang mag-isa sa kakalikha pa lamang na Mochudi Branch sa Botswana, Africa. Subalit ang branch ay mapagmahal at malalapit sa isa’t isa na kinabibilangan ng mga 40 miyembro.2 Magiliw nilang tinanggap si Andre. Tinanggap niya ang mga missionary lesson at nabinyagan. Kahanga-hanga ito!
Subalit ano ang nangyari pagkatapos? Paano mananatiling aktibo si Andre? Sino ang tutulong sa kanya na magpatuloy sa landas ng tipan? Isang sagot sa tanong na iyan ay ang kanyang korum sa priesthood!3
Bawat mayhawak ng priesthood, anuman ang kanyang sitwasyon, ay nakikinabang mula sa isang malakas na korum. Aking mga batang kapatid na taglay ang Aaronic Priesthood, nais ng Panginoon na kayo ay magtatag ng isang malakas na korum, isang lugar kung saan nabibilang ang bawat kabataang lalaki, isang lugar kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, isang lugar kung saan tinatanggap at pinahahalagahan ang mga miyembro ng korum. Habang tinitipon ng Panginoon ang Kanyang mga anak, kailangan nila ng isang lugar kung saan sila ay mapapabilang at uunlad.
Bawat isa sa inyong mga miyembro ng panguluhan ng korum ang nangunguna habang naghahangad kayo ng inspirasyon4 at pinalalago ang pagmamahal at pakikipagkapatiran sa lahat ng miyembro ng korum. Nagbibigay kayo ng espesyal na atensyon sa mga bagong miyembro, mga hindi gaanong aktibo, o mga may espesyal na pangangailangan.5 Gamit ang kapangyarihan ng priesthood, bumubuo kayo ng isang malakas na korum.6 At ang isang malakas at nagkakaisang korum ay magdudulot ng kaibhan sa buhay ng isang kabataang lalaki.
Nang ianunsyo ng Simbahan ang bagong pokus sa pag-aaral ng ebanghelyo na nakatuon sa tahanan,7 naisip ng ilan ang mga miyembrong katulad ni Andre at nagtanong, “Paano ang mga kabataang nagmumula sa isang sitwasyon ng pamilya kung saan hindi pinag-aaralan ang ebanghelyo at walang lugar para sa pag-aaral at pagsasabuhay ng ebanghelyo sa tahanan? Mapapabayaan ba sila?”
Hindi! Walang maaaring mapabayaan! Mahal ng Panginoon ang bawat kabataang lalaki at babae. Tayo, bilang mga mayhawak ng priesthood, ang mga kamay ng Panginoon. Tayo ang tulong ng Simbahan sa mga pagsusumikap sa pag-aaral na nakatuon sa tahanan. Kapag limitado ang tulong sa tahanan, ang mga korum ng priesthood at ibang mga lider at kaibigan ang nangangalaga at tumutulong sa bawat indibiduwal at pamilya kung kinakailangan.
Nakita kong gumana ito. Naranasan ko ito. Noong ako ay anim na taong gulang, nagdiborsyo ang aking mga magulang at iniwan ng ama ko ang aking ina nang may limang batang anak. Ang aking ina ay nagsimulang magtrabaho upang matustusan kami. Nangailangan siya pansamantala ng pangalawang trabaho, pati na rin ng karagdagang edukasyon. Kaunti lamang ang oras niya para mag-alaga. Subalit ang mga lolo at lola, tiyo, tiya, bishop, at home teacher ay tumulong sa aking anghel na ina.
At kabilang ako sa isang korum. Lubos akong nagpapasalamat sa aking mga kaibigan—mga kapatid—na nagmahal at tumulong sa akin. Ang aking korum ay isang lugar kung saan ako ay kabilang. Maaaring inisip ng ilan na ako ay kapus-palad at naghihikahos dahil sa sitwasyon ng aking pamilya. Siguro ay ganoon nga. Subalit binago ng mga korum ng priesthood ang kapalarang iyon. Sinuportahan ako ng aking korum at labis na pinagpala ang buhay ko.
Mayroong mga kapus-palad at naghihikahos sa paligid natin. Marahil ay ganoon tayong lahat sa iba’t ibang paraan. Subalit bawat isa sa atin ay mayroong korum, isang lugar kung saan tayo ay makatatanggap ng lakas at makapagbibigay ng lakas. Ang korum ay “lahat para sa isa at isa para sa lahat.”8 Ito ay isang lugar kung saan tinuturuan natin ang bawat isa, pinaglilingkuran ang iba, at nagtataguyod ng pagkakaisa at pakikipagkapatiran habang naglilingkod tayo sa Diyos.9 Isa itong lugar kung saan nangyayari ang mga himala.
Nais kong sabihin sa inyo ang tungkol sa ilang himala na naganap sa korum ni Andre sa Mochudi. Sa pagbabahagi ko ng halimbawang ito, hanapin ninyo ang mga alituntuning nagpapalakas sa bawat korum na nagsasabuhay sa mga ito.
Matapos mabinyagan si Andre, sinamahan niya ang mga missionary sa kanilang pagtuturo sa apat na iba pang kabataang lalaki, na nabinyagan din. Ngayon ay mayroon nang limang kabataang lalaki. Nagsimula nilang palakasin ang bawat isa at ang branch.
Ang pang-anim na kabataang lalaki na si Thuso ay nabinyagan din. Ibinahagi ni Thuso ang ebanghelyo sa tatlo sa kanyang mga kaibigan, at kalaunan ay naging siyam na sila.
Ang mga disipulo ni Jesucristo ay karaniwang natitipon sa ganitong paraan—paunti-unti, dahil sa paanyaya ng kanilang mga kaibigan. Noong unang panahon, nang makilala ni Andres ang Tagapagligtas, mabilis siyang tumungo sa kanyang kapatid na si Simon at “siya’y kaniyang dinala kay Jesus.”10 Gayundin, matapos maging tagasunod ni Cristo si Felipe, inanyayahan niya ang kaibigan niyang si Natanael na “pumarito … at tingnan.”11
Sa Mochudi, ang ikasampung kabataang lalaki ang sumapi sa Simbahan kalaunan. Nahanap ng mga missionary ang ika-11. At ang ika-12 ay nabinyagan matapos makita ang epekto ng ebanghelyo sa mga kaibigan niya.
Nagalak ang mga miyembro ng Mochudi Branch. Ang mga kabataang lalaking ito ay “nagbalik-loob sa Panginoon, at … sumapi sa simbahan.”12
Mahalaga ang papel ng Aklat ni Mormon sa kanilang pagbabalik-loob.13 Naalala ni Thuso, “Nagsimula akong magbasa ng Aklat ni Mormon … bawat pagkakataon na ako ay walang ginagawa, sa tahanan, sa paaralan, sa lahat ng lugar.”14
Si Oratile ay naakit sa ebanghelyo dahil sa halimbawa ng mga kaibigan niya. Ipinaliwanag niya, “Tila nagbago [sila] sa isang iglap. … Ipinalagay ko na may … kinalaman ito sa maliit na … aklat na sinimulan nilang dalhin … sa paaralan. Nakita ko na sila ay naging mabubuting kalalakihan. … Nais [ko] ring magbago.”15
Lahat ng 12 kabataang lalaki ay natipon at nabinyagan sa loob ng dalawang taon. Ang bawat isa ay tanging miyembro ng Simbahan sa kanilang pamilya. Subalit tinulungan sila ng kanilang pamilya sa Simbahan, na kinabibilangan nina President Rakwela,16 ang kanilang branch president; nina Elder at Sister Taylor,17 isang senior missionary couple; at ng iba pang mga miyembro ng branch.
Inanyayahan ni Brother Junior,18 isang pinuno ng quorum, ang mga kabataang lalaki sa kanyang tahanan tuwing Linggo ng hapon at tinuturuan sila. Magkakasamang nag-aral ang mga kabataang lalaki ng mga banal na kasulatan at nagdaos ng regular na home evening.
Isinasama sila ni Brother Junior sa pagbisita sa mga miyembro, mga taong tinuturuan ng mga missionary, at sinumang nangangailangan ng pagbisita. Lahat ng 12 kabataang lalaki ay nagsisiksikan sa likod ng trak ni Brother Junior. Ibinababa niya sila sa mga tahanan nang padala-dalawa o patatlu-tatlo at sinusundo sila pagkatapos.
Bagama’t natututo pa lamang ang mga kabataang lalaki tungkol sa ebanghelyo at hindi nila nadaramang marami na silang nalalaman, sinabi sa kanila ni Brother Junior na magbahagi ng isa o dalawang bagay na nalalaman nila sa mga taong binibisita nila. Ang mga batang mayhawak ng priesthood na ito ay nagturo, nanalangin, at tumulong sa pag-aalaga sa Simbahan.19 Tinupad nila ang kanilang mga responsibilidad sa priesthood at naranasan ang kagalakan ng paglilingkod.
Sabi ni Andre, “Naglaro kami nang magkakasama, tumawa nang magkakasama, umiyak nang makakasama, at naging isang kapatiran.”20 Sa katotohanan, tinawag nila ang kanilang mga sarili na “Pangkat ng Magkakapatid.”
Sama-sama nilang itinakda ang mithiing magmimisyon silang lahat. Dahil sila ang tanging mga miyembro sa mga pamilya nila, marami silang mga balakid na lalagpasan, subalit tinutulungan nila ang bawat isa na malampasan ang mga iyon.
Isa-isa, nakatanggap ang mga kabataang lalaki ng mga mission call. Sila na unang umalis ay sumulat sa mga naghahanda, nagbabahagi ng mga karanasan at hinihikayat sila na maglingkod. Labing isa sa mga kabataang lalaki ang nagmisyon.
Ibinahagi ng mga kabataang lalaking ito ang ebanghelyo sa kanilang mga pamilya. Ang mga ina, kapatid, kaibigan, pati na rin ang mga taong tinuruan nila sa kanilang mga misyon, ay nagbalik-loob at nabinyagan. Nagkaroon ng mga himala at di-mabilang na mga buhay ang pinagpala.
Naririnig ko ang ilan sa inyo na iniisip na marahil ang ganitong himala ay mangyayari lamang sa isang lugar tulad ng Africa, isang mayabong na bukid kung saan pinabibilis ang pagtitipon sa Israel. Gayunman, pinapatotohanan ko na ang mga alituntuning ipinamuhay sa Mochudi Branch ay totoo saanman. Nasaan man kayo, ang inyong korum ay maaaring lumago sa pamamagitan ng pagpapaaktibo at pagbabahagi ng ebanghelyo. Kapag nagbahagi ang isang disipulo sa isang kaibigan, ang isa ay maaaring maging dalawa. Ang dalawa ay maaaring maging apat. Ang apat ay maaaring maging walo. At ang walo ay maaaring maging labindalawa. Ang mga branch ay maaaring maging mga ward.
Itinuro ng Tagapagligtas, “Kung saan may dalawa o tatlo [o higit pang] nagkakatipon sa aking pangalan, … masdan, ako ay naroroon sa gitna nila.”21 Inihahanda ng Ama sa Langit ang mga isipan at mga puso ng lahat ng taong nakapalibot sa atin. Masusunod natin ang mga pahiwatig, maiaabot ang kamay ng pakikipagkapatiran, maibabahagi ang katotohanan, maaanyayahan ang iba na basahin ang Aklat ni Mormon, at maaaring mahalin at tulungan sila sa kanilang pagkilala sa ating Tagapagligtas.
Mga 10 taon na mula noong simulan ng Pangkat ng Magkakapatid ng Mochudi ang kanilang paglalakbay nang makakasama, at sila ay isa pa ring pangkat ng magkakapatid.
Sabi ni Katlego, “Maaaring pinaghihiwalay kami ng distansya, subalit narito pa rin kami para sa bawat isa.”22
Panalangin ko na tatanggapin natin ang paanyaya ng Panginoon na makaisa Siya sa mga korum ng priesthood upang ang bawat korum ay maaaring maging isang lugar kung saan ay kabilang ang lahat, isang lugar ng pagtitipon, isang lugar na lumalago.
Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas, at ito ang Kanyang gawain. Pinatotohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.