2010–2019
Isang Tahanan Kung Saan Nananahan ang Espiritu ng Panginoon
Pangkalahatang Kumperensya ng Abril 2019


2:3

Isang Tahanan Kung Saan Nananahan ang Espiritu ng Panginoon

Matatagpuan ninyo ang ilan sa malalaking kaligayahan kapag ginawa ninyong lugar ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at lugar na puno ng pagmamahal ang inyong tahanan.

Mahal kong mga kapatid, nagpapasalamat akong maimbitahang magsalita sa inyo dito sa ika-189 na Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa petsang ito noong 1830, inorganisa ni Joseph Smith ang Simbahan sa ilalim ng patnubay ng Panginoon. Ginawa ito sa tahanan ng pamilya Whitmer sa Fayette, New York. May anim na miyembro noon at mga 50 iba pa na interesado noong araw na iyon.

Bagama’t hindi ko alam kung ano ang sinabi ni Propetang Joseph o ano ang hitsura niya nang tumayo siya sa harap ng munting grupong iyon, alam ko kung ano ang nadama ng mga taong iyon na may pananampalataya kay Jesucristo. Nadama nila ang Espiritu Santo, at nadama nila na sila ay nasa banal na lugar. Tiyak na nadama nilang nagkakaisa sila.

Ang mahiwagang damdaming iyon ang nais nating madama sa ating mga tahanan. Ito ay damdaming nagmumula sa, ayon kay Pablo, pagkakaroon ng “kaisipan ng Espiritu.”1

Ang layon ko sa araw na ito ay ituro ang nalalaman ko kung paano tayo magiging kwalipikado sa damdaming iyon nang mas madalas at anyayahan itong tumagal pa sa ating mga pamilya. Gaya ng alam ninyo mula sa karanasan, hindi madaling gawin ito. Ang pagtatalo, kapalaluan, at kasalanan ay kailangang mapigilan. Ang dalisay na pag-ibig ni Cristo ay kailangang madama sa puso ng mga nasa ating pamilya.

Sina Eva at Adan, Lehi at Saria, at iba pang mga magulang na kilala natin sa banal na kasulatan ay natuklasan na mahirap na hamon ito. Gayunman may nakahihikayat na mga halimbawa ng patuloy na kaligayahan sa mga pamilya at tahanan na magpapanatag sa atin. At ipinakikita sa atin ng mga halimbawang iyon ang paraan na maaari itong mangyari sa atin at sa ating mga pamilya. Naaalala ba ninyo ang kuwento mula sa 4 Nephi:

“At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.

“At walang mga inggitan, ni sigalutan, ni alitan, ni pagpapatutot, ni pagsisinungaling, ni pagpaslang, ni anumang uri ng kahalayan; at tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.

“Walang mga tulisan, ni mamamatay-tao, ni nagkaroon ng mga Lamanita, ni anumang uri ng mga ‘ita’; kundi sila ay iisa, ang mga anak ni Cristo, at mga tagapagmana ng kaharian ng Diyos.

“O labis silang pinagpala! Sapagkat pinagpala sila ng Panginoon sa lahat ng kanilang mga gawain; oo, maging sila ay pinagpala at pinaunlad hanggang sa ang isandaan at sampung taon ay nakalipas; at ang unang salinlahi mula kay Cristo ay pumanaw, at hindi nagkaroon ng alitan sa buong lupain.”2

Gaya ng alam ninyo, ang masayang panahon na iyon ay hindi nagtagal magpakailanman. Ang salaysay sa 4 Nephi ay naglalarawan sa mga sintomas kalaunan ng espirituwal na panghihina sa isang grupo ng mabubuting tao. Ito ay huwarang nangyari sa nakalipas na mga panahon sa lahat ng tao, kongregasyon, at, nakakalungkot sa lahat, sa mga pamilya. Sa pag-aaral sa huwarang iyon, makikita natin kung paano natin maaaring protektahan at dagdagan ang damdamin ng pagmamahal sa ating pamilya.

Narito ang huwaran ng panghihina na lumitaw makalipas ang 200 taon ng pamumuhay sa perpektong kapayapaang hatid ng ebanghelyo:

Unti-unting nabuo ang kapalaluan.

Huminto ang mga tao sa pagbabahagi ng kung anong mayroon sila.

Nagsimula nilang ituring ang sarili nila sa mga uring mataas o mas mababa kaysa sa iba.

Nagsimulang mawala ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.

Nagsimula silang mapoot.

Nagsimula silang gumawa ng lahat ng uri ng kasalanan.

Ang matatalinong magulang ay magiging sapat na alerto para mapansin ang mga sintomas kapag lumitaw ang mga ito sa mga miyembro ng kanilang pamilya. Siyempre pa, mag-aalala sila. Ngunit malalaman nila na ang sanhi ay ang impluwensya ni Satanas na nagpipilit na akayin ang mabubuting tao sa landas ng kasalanan at dahil dito ay mawala ang impluwensya ng Espiritu Santo. Kaya’t mauunawaan ng matalinong magulang na may pagkakataon sa pag-akay sa bawat bata, at sa kanilang sarili, upang mas lubusang matanggap ang paanyaya ng Panginoon na lumapit sa Kanya.

Maaaring magkaroon kayo ng limitadong tagumpay sa pagsasabi sa isang bata na magsisi, halimbawa, sa kapalaluan. Maaari ninyong sikaping himukin ang mga bata na ibahagi nang maluwag sa loob kung ano ang mayroon sila. Maaari ninyong sabihin sa kanila na itigil na ang pakiramdam na mas mabuti sila kaysa sa iba pang kaanak. Ngunit darating kayo sa sintomas na inilarawan bilang “Nagsimulang mawala ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo.”

Iyon ang solusyon sa pag-akay sa inyong pamilya na umangat sa espirituwal na katayuan na nais ninyo para sa kanila—at upang naroon kayo kasama nila. Sa pagtulong ninyo sa kanilang lumago sa pananampalataya na si Jesucristo ang kanilang mapagmahal na Manunubos, madarama nila ang hanging magsisi. Sa paggawa nila nito, mapapalitan ng pagpapakumbaba ang kapalaluan. Kapag nagsisimula na nilang madama ang ibinigay sa kanila ng Panginoon, nanaisin nilang mas magbahagi pa. Ang pagtutunggalian para sa katanyagan o pagkilala ay unti-unting mawawala. Ang poot ay itataboy ng pagmamahal. At sa huli, gaya ng ginawa nito sa mga taong napabalik-loob ni Haring Benjamin, ang hangaring gumawa ng mabuti ang magpapalakas sa kanila laban sa tukso ng kasalanan. Nagpatotoo ang mga tao ni Haring Benjamin na sila ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama.”3

Kaya’t ang pagkakaroon ng pananampalataya kay Jesucristo ang simula upang maiwasan ang espirituwal na panghihina sa inyong pamilya at inyong tahanan. Ang pananampalatayang iyon ay malamang na maghatid ng pagsisisi kaysa sa pangangaral ninyo laban sa bawat sintomas ng espirituwal na panghihina.

Makabubuting mamuno kayo sa pamamagitan ng halimbawa. Kailangang makita kayo ng mga miyembro ng pamilya at ng iba na lumalago sa inyong pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Kamakailan ay nabigyan kayo ng malaking tulong. Ang mga magulang sa Simbahan ay biniyayaan ng isang inspiradong kurikulum para sa mga pamilya at indibiduwal. Sa paggamit ninyo nito, patatatagin ninyo ang inyong pananampalataya at ang pananampalataya ng inyong mga anak sa Panginoong Jesucristo.

Paglago sa Pananampalataya

Lumago ang inyong pananampalataya sa Tagapagligtas sa pagsunod ninyo sa mungkahi ni Pangulong Russell M. Nelson na muling basahin ang Aklat ni Mormon. Minarkahan ninyo ang mga talata at salita na tumutukoy sa Tagapagligtas. Lumago ang inyong pananampalataya kay Jesucristo. Ngunit tulad ng bagong halaman, ang gayong pananampalataya kay Jesucristo ay manghihina maliban kung may determinasyon kayong magnilay at manalangin na madagdagan ito.

Ang inyong halimbawa ng paglago sa pananampalataya ay maaaring hindi tularan ng lahat ng miyembro ng inyong pamilya ngayon. Ngunit magkakaroon kayo ng kapanatagan mula sa karanasan ni Nakababatang Alma. Sa matinding pangangailangan niyang magsisi at mapatawad, naalala niya ang pananampalataya ng kanyang ama kay Jesucristo. Maaalala ng inyong mga anak ang inyong pananampalataya sa Tagapagligtas sa sandaling kailangan nilang magsisi. Ganito ang sabi ni Alma sa gayong sandali:

“At ito ay nangyari na, na habang ako’y nasa gayong paggiyagis ng pagdurusa, samantalang ako’y sinasaktan ng alaala ng marami kong kasalanan, masdan, naalaala ko ring narinig ang aking ama na nagpropesiya sa mga tao hinggil sa pagparito ng isang Jesucristo, isang Anak ng Diyos, na magbabayad-sala para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

“Ngayon, nang maapuhap ng aking isipan ang kaisipang ito, nagsumamo ako sa aking puso: O Jesus, ikaw na Anak ng Diyos, kaawaan ako, na nasa kasukdulan ng kapaitan, at napalilibutan ng walang hanggang tanikala ng kamatayan.

“At ngayon, masdan, nang maisip ko ito, hindi ko na naalaala pa ang aking mga pasakit; oo, hindi na ako sinaktan pa ng alaala ng aking mga kasalanan.”4

Pananalangin nang May Pagmamahal

Bukod sa inyong halimbawa ng paglago sa pananampalataya, ang pagdarasal ninyo bilang pamilya ay magkakaroon ng mahalagang papel para magawang sagradong lugar ang tahanan. Isang tao ang karaniwang pinipili upang magdasal para sa pamilya. Kapag malinaw na ang panalangin ay sa Diyos sa ngalan ng mga taong nakaluhod at nakikinig, lumalago ang pananampalataya sa kanilang lahat. Nadarama nila ang mga pagpapahayag ng pagmamahal para sa Ama sa Langit at para sa Tagapagligtas. At kapag binabanggit ng taong nagdarasal ang mga taong nakaluhod sa bilog na iyon na nangangailangan, nadarama ng lahat ang pagmamahal para sa kanila at para sa bawat miyembro ng pamilya.

Kahit na hindi nakatira sa tahanan ang mga miyembro ng pamilya, makabubuo ng bigkis ng pagmamahalan ang panalangin. Ang panalangin sa pamilya ay nakararating sa ibang panig ng mundo. Hindi ko lang minsan nalaman na ang isang miyembro ng pamilya sa malayo ay nagdarasal sa oras ding iyon para sa bagay na ipinagdarasal ko rin. Para sa akin, ang kasabihang “Ang pamilyang sama-samang nagdarasal ay nananatiling magkakasama” ay maaari ding sabihing “Ang pamilyang sama-samang nagdarasal ay magkakasama, kahit na magkakalayo sila.”

Pagtuturo ng Maagang Pagsisisi

Dahil wala sa ating perpekto at madaling masaktan ang damdamin, ang mga pamilya ay maaaring maging banal na mga santuwaryo lamang kapag nagsisi tayo nang maaga at taos. Ang mga magulang ay maaaring magpakita ng halimbawa. Ang masasakit na salita o di magagandang kaisipan ay kaagad na mapagsisihan nang taos. Ang simpleng “Sorry” ay makapagpapagaling ng mga sugat at nag-aanyaya kapwa ng kapatawaran at pagmamahal.

Si Propetang Joseph Smith ay isang huwaran natin nang harapin niya ang mararahas na pagsalakay, mga traydor, at pati mga pagtatalo sa kanyang pamilya. Kaagad siyang nagpatawad kahit alam niyang maaaring sumalakay itong muli. Humingi siya ng patawad, at malaya niya itong ibinigay.5

Paglilinang sa Diwa ng Missionary

Determinado ang mga anak ni Mosias na maihatid ang ebanghelyo sa lahat. Ang hangaring ito ay nagmula sa kanilang personal na karanasan sa pagsisisi. Hindi nila makayanang isipin na pagdurusahan ng sinuman ang mga epekto ng kasalanan na tulad nila. Kaya dumanas sila ng pagtanggi, hirap, at panganib upang maihatid ang ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang mga kaaway. Sa paggawa nito, nagkaroon sila ng kagalakan sa maraming taong nagsisi at nadama ang kagalakan ng pagpapatawad sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ang mga miyembro ng ating pamilya ay lalago sa kanilang hangaring ibahagi ang ebanghelyo kapag nadarama nila ang kagalakan ng pagpapatawad. Ito ay maaaring dumating habang nagpapanibago sila ng mga tipan kapag nakikibahagi sila ng sakramento. Ang diwa ng missionary ay mag-iibayo sa ating mga tahanan kapag nadarama ng mga anak at mga magulang ang kagalakan ng pagpapatawad sa mga serbisyo ng sakramento. Sa kanilang halimbawa ng pagpipitagan, kapwa mga magulang at mga anak ay magkakatulungan na madama ang kagalakan. Maaaring baguhin ng kagalakang iyon ang ating mga tahanan at gawing mga missionary training center. Maaaring di makapagmisyon ang lahat, ngunit madarama ng lahat ang hangaring ibahagi ang ebanghelyo, na nagpadama sa kanila ng pagpapatawad at kapayapaan. At naglilingkod man nang full-time o hindi, lahat ay magagalak sa paghahatid ng ebanghelyo sa iba.

Pagbisita sa Templo

Kapwa para sa mga magulang at mga anak, ang templo ang pinakamainam na pagkakataon upang makadama ng pagmamahal sa makalangit na mga lugar. Totoo ito lalo na kapag maliliit o bata pa ang mga anak. Ang mga bata ay isinilang na taglay ang Liwanag ni Cristo. Kahit ang sanggol ay madarama na sagrado ang templo. Dahil mahal ng mga magulang ang kanilang musmos na mga anak, ang templo ay sumasagisag ng pag-asa na maaaring mapasakanila ang kanilang mga anak na mamahalin sa kanilang walang-hanggang pamilya—magpakailanman.

Ang ilan sa inyo ay may mga larawan ng templo sa inyong mga tahanan. Habang nadaragdagan ang mga templo sa iba’t ibang panig ng mundo, posible para sa maraming magulang na bisitahin ang mga bakuran ng templo kasama ang kanilang mga pamilya. Ang ilan ay maaari pang dumalo sa mga open house kapag itinatayo ang mga templo. Maaaring tanungin ng mga magulang ang mga bata kung ano ang nadama nila na malapit sila o nasa loob ng templo.

Bawat magulang ay maaaring magpatotoo kung ano ang kahulugan sa kanya ng templo. Si Pangulong Ezra Taft Benson, na nagmamahal sa mga templo, ay madalas banggitin noon na kanyang minamasdan ang kanyang ina habang maingat nitong pinaplantsa ang kanyang temple clothing.6 Ikinukuwento niya na noong bata pa siya ay nakikita niyang umaalis ng bahay ang kanyang pamilya para dumalo sa templo.

Nang siya ang Pangulo ng Simbahan, linggu-linggo siyang dumadalo sa templo. Palagi siyang gumagawa ng gawain sa templo para sa isang ninuno. Dahil iyon sa halimbawa ng kanyang mga magulang.

Ang Aking Patotoo

Matatagpuan ninyo ang ilan sa malalaking kaligayahan kapag ginawa ninyong lugar ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at lugar na puno ng pagmamahal ang inyong tahanan. Ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ay nagsimula sa abang tanong na pinag-isipan sa abang tahanan, at makapagpapatuloy ito sa ating mga tahanan sa patuloy nating pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo dito. Ito ang inaasahan ko at marubdob kong hangarin mula pa noong bata ako. Lahat kayo ay may ideya ng gayong mga tahanan. Marami sa inyo, sa tulong ng Panginoon, ay nalikha ito.

Buong pusong nagsikap ang ilan para sa pagpapalang iyon, ngunit hindi ito ipinagkaloob. Ang pangako ko sa inyo ay gaya ng ipinangako sa akin noon ng isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sinabi ko sa kanya na dahil sa pagpili ng ilan sa aming mga kamag-anak, duda ako na magkakasama kami sa mundong darating. Sabi niya, ayon sa natatandaan ko, “Nababahala ka sa maling problema. Mamuhay ka lang nang marapat para sa kahariang selestiyal, at ang mga sitwasyon ng pamilya ay magiging mas maganda kaysa inaakala mo.”

Naniniwala akong ipapaabot niya ang masayang pag-asang iyon sa sinuman sa mortalidad na ginawa ang lahat upang maging kwalipikado tayo at ang ating mga kapamilya para sa buhay na walang hanggan. Alam ko na ang plano ng Ama sa Langit ay isang plano ng kaligayahan. Nagpapatotoo ako na ginagawang posible ng Kanyang plano na mabuklod tayo habampanahon sa isang pamilya kapag ginawa natin ang lahat.

Alam ko na ang mga susi ng priesthood na ipinanumbalik kay Joseph Smith ay naipasa nang walang patid kay Pangulong Russell M. Nelson. Ginagawang posible ng mga susing iyon ang pagbubuklod ng mga pamilya ngayon. Alam ko na mahal tayo ng Ama sa Langit, na Kanyang mga anak, nang may ganap na pagmamahal. Alam ko na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, maaari tayong magsisi, maging malinis, at maging marapat na mamuhay sa mapagmahal na mga pamilya magpakailanman kasama ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.