2010–2019
Ang Tunay, Dalisay, at Simpleng Ebanghelyo ni Jesucristo
Pangkalahatang Kumperensya ng Abril 2019


2:3

Ang Tunay, Dalisay, at Simpleng Ebanghelyo ni Jesucristo

Ang pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa ang saligang doktrina ng ministering; pag-aaral na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng Simbahan; espirituwal na pagsamba sa araw ng Sabbath; at ang gawain ng kaligtasan.

Mahal kong mga kapatid, hindi ako makapaniwala na 71 taon na ang nakalipas, noong 1948, na ako ay missionary sa England at 44 taon na ang nakalipas nang dalhin namin ni Barbara ang aming pamilya sa Canada noong ako ang pangulo ng Canada Toronto Mission. Habang naglilingkod noong Abril 1976, tinawag ako sa Unang Korum ng Pitumpu, at di inaasahan noong 1985, tinawag ako sa Korum ng Labindalawang Apostol. Hindi tulad ng mga tungkulin ko noon, kung saan mare-release ka, ang ma-release sa tungkulin ko sa Labindalawa ay hindi ang pinakamainam na opsiyon sa ngayon; gayunman, dalangin ko na darating lamang ang araw na iyon kapag natapos ko na ang lahat ng ipinagagawa sa akin ng Panginoon.

Iniisip ang tungkol sa nakalipas na 43 taon na paglilingkod ko bilang General Authority at sa pribilehiyong maglingkod sa mga anak ng Ama sa Langit, mas lubusan kong natanto na nais Niyang magkaroon ng kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan sa buhay ang lahat ng Kanyang anak.

Itinuro ni propetang Lehi, “Ang [lalaki at babae] ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan.”1 Maraming dahilan kung bakit wala tayong kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan sa buhay na ito, at nariyan ang karukhaan, digmaan, mga kalamidad, at di inaasahang problema sa trabaho, kalusugan, at ugnayan sa pamilya.

Ngunit kahit di natin kayang makontrol ang mga puwersang ito na may epekto sa ating buhay dito sa mundo, sa pagsisikap nating maging tapat na disipulo ng Panginoong Jesucristo, magkakaroon tayo ng kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan sa kabila ng mga problema sa mundo na nakapaligid sa atin.

Sinabi minsan ng isa sa mga anak ko, “Itay, iniisip ko po kung makakapasok ako sa Kahariang Selestiyal.” Ang sagot ko ay, “Ang hiling lang sa atin ng Ama sa Langit ay gawin natin ang lahat ng ating makakaya sa bawat araw.” Mga kapatid, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya sa bawat araw, at kaagad, matatanto ninyo na kilala kayo ng inyong Ama sa Langit at mahal Niya kayo. At kapag nalaman ninyo iyan—talagang nalaman iyan—magkakaroon ng tunay na layunin at kahulugan ang buhay ninyo, at mapupuspos kayo ng kagalakan at kapayapaan.

Bilang Ilaw ng Sanglibutan, sinabi ng Tagapagligtas, “Ang sinomang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman.”2

“Jesucristo ang pangalang ibinigay ng Ama, at wala nang iba pang pangalan na ibinigay kung saan [tayo] ay maliligtas;

“Dahil dito, lahat ng [lalaki at babae] ay kailangang taglayin sa kanilang sarili ang pangalang ibinigay ng Ama.”3

Itinuro sa atin ng mga banal na kasulatan na nais ni Satanas na akayin ang mga tao patungo sa kadiliman. Ginagawa niya ang lahat upang mahadlangan ang liwanag at katotohanan ni Jesucristo at ng Kanyang ebanghelyo. Gaya ng itinuro ni Lehi sa kanyang mga anak, “hinahangad [ng diyablo] na ang lahat ng tao ay maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili.”4 Kung ang “gawain at … kaluwalhatian” ng Ama sa Langit ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng [mga lalaki at babae],”5 ang “gawain” ni Lucifer ay isakatuparan ang walang hanggang kalungkutan at kapighatian ng mga anak ng Diyos. Ang kasalanan at paglabag ay nagpapadilim sa Liwanag ni Cristo sa ating buhay. Kaya nga ang ating mithiin ay matamasa ang Liwanag ni Cristo, na nagdudulot ng kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan.

Sa nakaraang 18 buwan, binigyang inspirasyon ng Panginoon ang Kanyang propeta at mga Apostol na ipatupad ang ilang magagandang pagbabago. Gayunman, nag-aalala ako na ang mga espirituwal na layunin ng mga pagbabagong ito ay hindi lubos na mapahalagahan dahil sa pagkatuwa sa mga pagbabago mismo.

Sinabi ni Joseph F. Smith: “Ang tunay, dalisay, simpleng ebanghelyo ni Jesucristo ay naipanumbalik na. Responsibilidad nating panatilihin ito sa lupa.”6 Idinagdag pa niya na ang tunay, dalisay, at simpleng ebanghelyo ay ang “nagliligtas na mga doktrina ni Cristo.”7

Sa Mga Saligan ng Pananampalataya, itinuro ni Propetang Joseph Smith na “sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang buong sangkatauhan ay maaaring maligtas, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at ordenansa ng Ebanghelyo.”8

Ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, pagbibinyag, ang kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas. Itinuro ng kanyang kapatid na si Hyrum: “Ipangaral ang mga [pangunahing] alituntunin ng Ebanghelyo [nang] paulit-ulit: makikita mo na araw-araw ay may ihahayag sa iyong mga bagong ideya at dagdag na pang-unawa ukol sa mga ito. Madaragdagan ang pang-unawa mo sa mga ito … magiging mas malinaw ito sa iyo. Dahil dito ay mas malinaw mo itong maipapaunawa sa iyong mga tinuturuan.”9

Ang pinakamainam na paraan para makita natin ang mga espirituwal na layunin ng Simbahan ay ipamuhay ang tunay, dalisay, at simpleng mga turo ni Cristo at sundin din ang dalawang dakilang utos ng Tagapagligtas: “Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso. … Ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng sa inyong sarili.”10

Ang pagsunod sa dalawang utos na iyon ay nagbibigay-daan para maranasan ang higit na kapayapaan at kagalakan. Kapag minamahal at pinaglilingkuran natin ang Panginoon at minamahal at pinaglilingkuran ang ating kapwa, talagang madarama natin ang higit na kaligayahan na dumarating lamang sa pamamagitan nito.

Ang pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa ang saligang doktrina ng ministering; pag-aaral na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng Simbahan; espirituwal na pagsamba sa araw ng Sabbath; at ang gawain ng kaligtasan sa magkabilang panig ng tabing na sinusuportahan sa mga Relief Society at elders quorum. Lahat ng mga bagay na ito ay batay sa banal na mga utos na ibigin ang Diyos at ibigin ang ating kapwa. Mayroon pa bang mas mahalaga, mas kailangan, at mas simple kaysa rito?

Ang pamumuhay ayon sa tunay, dalisay, at simpleng plano ng ebanghelyo ay magbibigay sa atin ng mas maraming oras na bisitahin ang mga balo, ulila, malungkot, maysakit, at maralita. Magkakaroon tayo ng kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan sa buhay sa paglilingkod sa Panginoon at sa ating kapwa.

Ang mga pagbabago sa araw ng Sabbath na nagbibigay-diin sa pagkatuto at pag-aaral na nakasentro sa tahanan, na sinusuportahan ng Simbahan ay isang pagkakataon upang muling pasiglahin ang ating espiritu at ating katapatan sa Diyos sa loob ng ating mga tahanan. Ano pa ang maaaring mas simple, mahalaga, at malalim? Mga kapatid, nakikita ba ninyo na ang pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo sa ating mga pamilya ay mahalagang paraan upang magkaroon ng kagalakan at kaligayahan sa ating buhay?

Sa pagsasalita tungkol sa Sabbath, sinabi ng Tagapagligtas, “Sapagkat katotohanang ito ay araw na itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain, at iukol ang inyong mga pananalangin sa Kataas-taasan.”11 Sinabi pa Niya, “Upang ang inyong kagalakan ay malubos … [sa pamamagitan ng] kagalakan at panalangin … [dapat ninyong gawin] ang mga bagay na ito nang may pasasalamat, nang may maligayang mga puso at mukha … [at] may masayang puso at maligayang mukha.”12

Pansinin ang mahahalagang salita sa paghahayag na ito: kagalakan, kagalakan, pasasalamat, maligayang mga puso, masayang puso, at maligayang mukha. Para sa akin ang paggalang sa araw ng Sabbath ay dapat maghatid ng ngiti sa ating mga mukha.

pagbati sa simbahan

Habang naglilingkod tayo sa mas mataas at banal na paraan, isaalang-alang kung gaano kahalaga na batiin natin ang bawat dumadalo sa mga pulong sa Simbahan, lalo na ang mga bagong miyembro at bisita. Dapat natutuwa tayong lahat sa pagkanta ng mga himno at pakikinig na mabuti sa mga salita ng mga panalangin ng sakramento nang may bukas na puso at isipan.

Ang mga patotoo ng pananampalataya sa ating mga fast at testimony meeting ay pinamumunuan ng miyembro ng bishopric, na nagbabahagi ng maikling patotoo na nakatuon sa plano ng kaligayahan at sa tunay, dalisay, at simpleng ebanghelyo ni Cristo. Dapat sundin ng lahat ang halimbawang iyon. Kailangan nating tandaan na may iba pang angkop na lugar para magkuwento o magbahagi ng mga karanasan sa paglalakbay. Habang pinananatili nating simple at nakatuon ang ating patotoo sa ebanghelyo ni Cristo, Siya ay maglalaan ng espirituwal na pagpapanibago kapag ibinabahagi natin ang ating patotoo sa isa’t isa.

Ang mabisang paglilingkod ay pinakamainam na nakikita sa pamamagitan ng lenteng nakatuon sa pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa ating kapwa. Sa madaling salita, naglilingkod tayo dahil mahal natin ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang mga anak. Ang ating mga paglilingkod ay magiging mas matagumpay kung simple lang tayong naglilingkod. Ang pinakamalaking kagalakan ay nagmumula sa mga simpleng bagay ng buhay, kaya kailangan tayong maging maingat na huwag isipin na kailangan pang dagdagan ang alinmang pagbabagong natanggap natin upang magkaroon ng pananampalataya at malakas na patotoo ang puso ng mga anak ng Diyos.

Huwag nating gawing kumplikado ang mga bagay sa dagdag na mga pulong, inaasahan, o mga kailangan. Panatilihin itong simple. Sa kasimplihan kayo magkakaroon ng kapayapaan, kagalakan, at kaligayahan na binabanggit ko.

Sa loob ng maraming taon ang mga layunin ng pamumuno sa Simbahan, ayon sa nakasaad sa Handbook 2, ay mga bunga na malinaw at simple, na mula rito ay babanggitin ko:

pamilya sa tithing settlement

“Hinihikayat ng mga lider ang lahat ng miyembro na tanggapin ang lahat ng mahahalagang ordenansa ng priesthood, tuparin ang kaukulang mga tipan, at maging marapat sa kadakilaan at buhay na walang hanggan. …

mag-asawa na nasa templo

Mga Adult: Hikayatin ang bawat adult na maging marapat sa pagtanggap ng mga ordenansa sa templo. Turuan ang lahat ng adult na matukoy ang kanilang mga ninuno at isagawa ang mga ordenansa sa templo para sa kanila.

ordinasyon sa priesthood
mga dalagita na may hawak na mga temple ordinance card

Mga Kabataan: Tumulong na maihanda ang bawat binatilyo sa pagtanggap ng Melchizedek Priesthood, mga ordenansa sa templo, at pagiging marapat na maglingkod sa full-time mission. Tumulong na maihanda ang bawat dalaga na maging marapat na gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan at matanggap ang mga ordenansa sa templo. Palakasin ang mga kabataan sa pamamagitan ng pagsali sa makabuluhang mga aktibidad.

ward council

Lahat ng Miyembro: Tulungan ang mga lider ng priesthood at auxiliary, mga ward council, ward at mga full-time missionary, at mga miyembro na makipagtulungang mabuti sa balanseng pagsisikap na sagipin ang mga indibiduwal, palakasin ang mga pamilya at yunit ng Simbahan, dagdagan ang aktibidad ng priesthood, at tipunin ang Israel sa pamamagitan ng conversion, retention o pagpapanatiling aktibo, at pagpapaaktibo. Turuan ang mga miyembro na tustusan ang kanilang sarili at kanilang pamilya at tulungan ang mga maralita at nangangailangan sa paraan ng Panginoon.”13

Biniyayaan ako ng paglilingkod ko sa Simbahan ng maraming kakaiba at espesyal na espirituwal na karanasan. Saksi ako na ginagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin. Nakatanggap ako ng banal na patnubay na higit pa sa aking kakayahan. Ang kagalakan ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo para sa akin ay nakasentro sa tunay, dalisay, at simpleng doktrina at ebanghelyo ni Jesucristo.

Nakapaglingkod ako sa ilalim ng mga susi at paggabay ng anim na propeta at mga Pangulo ng Simbahan mula kay Spencer W. Kimball hanggang kay Russell M. Nelson. Nagpapatotoo ako na bawat isa sa kanila ay piniling propeta ng Diyos noon at ngayon. Tinuruan nila tayo ng mahahalagang alituntunin tungkol sa Simbahan at ebanghelyo at doktrina ni Cristo. Isinasagawa ni Pangulong Nelson ang gawain ng Panginoon sa napakabilis na paraan. Sinasabi kong “napakabilis” dahil siya lamang ang Apostol na mas matanda sa akin, at hirap akong makipagsabayan sa kanya! Saksi ako na ang mga susi ng priesthood at ang balabal ng isang propeta ng Diyos ay nasa kanya. Itinuturo ni Pangulong Nelson ang tunay, dalisay, at simpleng ebanghelyo ni Jesucristo. Nagpapatotoo ako na si Jesus ang Cristo, at ito ang Kanyang Simbahan—na mapagpakumbaba kong pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.