Handa na Matamo ang Bawat Kinakailangang Bagay
Ang mga pagpapala ay darating kapag sinikap nating gampanan ang ating personal na responsibilidad na pag-aralan at mahalin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
Ang mga programa at aktibidad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagiging mas nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan, na makikita sa maraming pagbabagong inihayag sa mga pangkalahatang kumperensya kamakailan. Ipinayo sa atin ni Pangulong Russell M. Nelson na: “Napakarami pang magaganap. … Uminom kayo ng mga bitamina. Matulog kayo nang sapat. Magiging kapana-panabik ang hinaharap ng Simbahan.”1
Dalangin at hiling ko na tulungan tayo ng Espiritu Santo habang magkakasama nating pinag-iisipan ang ilang pangunahing inaasahang epekto ng patuloy na mga pagbabagong ito sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon.
Pag-aaral ng Ebanghelyo na Nakasentro sa Tahanan at Sinusuportahan ng Simbahan
Kamakailan lamang ay magkompanyon kami ni Elder Craig C. Christensen sa isang priesthood leadership conference, at gumamit siya ng dalawang simpleng tanong para bigyang-diin ang alituntunin ng pagiging nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan. Iminungkahi niya na sa halip na umuwi pagkatapos ng mga miting sa Simbahan tuwing Linggo at magtanong, “Ano ang natutuhan ninyo ngayong araw sa simbahan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo?” dapat nating itanong sa ating mga miting sa Simbahan, “Ano ang natutuhan ninyo ngayong linggo sa inyong tahanan tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo?” Ang nararapat na paggalang sa araw ng Sabbath, ang bagong kurikulum, at ang binagong iskedyul ng miting ay nakakatulong lahat sa atin na matutuhan ang ebanghelyo kapwa sa ating mga tahanan at sa simbahan.
Ang bawat miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may personal na responsibilidad na pag-aralan at ipamuhay ang mga turo ng Panginoon at tanggapin ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan sa pamamagitan ng wastong awtoridad. Hindi natin dapat asahan ang Simbahan bilang isang organisasyon na magtuturo o magsasabi sa atin ng lahat ng bagay na kailangan nating malaman at gawin para maging matatapat na disipulo at magiting na makapagtiis hanggang wakas.2 Sa halip, ang ating personal na responsibilidad ay matutuhan kung ano ang dapat nating matutuhan, mamuhay sa paraang alam nating nararapat, at maging uri ng tao na nais ng Panginoon na kahinatnan natin. At ang ating mga tahanan ang pinakaangkop na lugar para matuto, mamuhay nang nararapat, at maging uri ng tao na dapat nating kahinatnan.
Noong bata pa si Joseph Smith, natutuhan niya ang tungkol sa Diyos mula sa kanyang pamilya. Ang kanyang pagsisikap na malaman ang kalooban ng Diyos para sa kanya ang naghikayat kay Joseph na saliksikin ang katotohanan sa iba’t ibang relihiyong Kristiyano, pagnilayan nang masigasig ang mga banal na kasulatan, at manalangin nang taimtim sa Diyos. Sa pag-uwi ng batang si Joseph Smith sa kanyang tahanan mula sa Sagradong Kakahuyan matapos ang pagpapakita ng Ama at ng Anak, una niyang kinausap ang kanyang ina. At habang siya ay “nakasandig sa dapugan, ang [kanyang] ina ay nagtanong kung ano ang nangyari. Sumagot [si Joseph], ‘Walang anuman, maayos ang lahat—mabuti na ang aking pakiramdam.’ Pagkatapos ay sinabi [niya] sa [kanyang] ina, ‘Nalaman ko para sa aking sarili.’”3 Ang karanasan ni Joseph ay nagbibigay ng makapangyarihang huwaran ng pagkatuto na dapat tularan ng bawat isa sa atin. Kailangan rin nating malaman para sa ating mga sarili.
Ang pangunahing layunin ng plano ng ating Ama sa Langit ay maging higit na katulad Niya ang Kanyang mga anak. Alinsunod dito, nagbibigay Siya sa atin ng mahahalagang pagkakataon para lumago at umunlad. Ang ating determinasyong matuto at mamuhay ayon sa katotohanan ay lalong nagiging mahalaga sa mundo na “[n]agkakagulo”4 at lalo pang nagiging mas maligalig at masama. Hindi tayo maaaring umasa na sa simpleng pagdalo sa mga miting ng Simbahan at pakikilahok sa mga programa ay matatanggap natin ang lahat ng espirituwal na pag-unlad at proteksyon na magbibigay sa atin ng kakayahan na “mangakatagal sa araw na masama.”5
“Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan.”6 Ang mga inspiradong lider, guro, at aktibidad ng Simbahan ay tumutulong sa mga indibiduwal at pamilya na nagsisikap umunlad sa espirituwal. At bagaman kailangan nating lahat ng tulong sa patuloy na paglalakad sa landas ng tipan, ang pangunahing responsibilidad para sa pagpapaunlad ng espirituwal na lakas at tibay ay nakasalalay sa bawat isa sa atin.
Alalahanin kung paanong si Nephi, anak ng propetang si Lehi, ay naghangad na makita, marinig, at malaman para sa kanyang sarili sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ang mga bagay na nalaman ng kanyang ama sa pangitain ng punungkahoy ng buhay. Siguradong nangailangan at napagpala si Nephi sa kanyang kabataan ng halimbawa at mga turo ng kanyang “butihing mga magulang.”7 Subalit, katulad ni Joseph Smith, hinangad din niya na matuto at malaman para sa kanyang sarili.
Kung ang lahat ng nalalaman natin tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo ay mula sa itinuturo o sinasabi sa atin ng ibang tao, ang saligan ng ating patotoo tungkol sa Kanya at sa Kanyang dakilang gawain sa mga huling araw ay nakatayo sa buhangin.8 Hindi tayo maaaring umasa o humiram lamang ng liwanag at kaalaman sa ebanghelyo mula sa ibang tao—maging sa mga taong minamahal at pinagkakatiwalaan natin.
Kaya nga mariing itinuro ni Propetang Joseph Smith na kailangang maunawaan sa kanyang sarili ng bawat Banal sa mga Huling Araw “ang mga plano at layunin ng Diyos sa pagparito natin sa mundo.”9
“Kung mababasa natin at mauunawaan ang lahat ng isinulat mula sa panahon ni Adan, tungkol sa kaugnayan ng tao sa Diyos at mga anghel sa hinaharap, kaunti lamang ang malalaman natin tungkol dito. Ang pagbabasa ng karanasan ng iba, o ng paghahayag na ibinigay sa kanila, ay hinding-hindi magbibigay sa atin ng malinaw na pananaw tungkol sa ating kalagayan at tunay na kaugnayan sa Diyos. Ang kaalaman sa mga bagay na ito ay makakamit lamang sa karanasan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng Diyos na itinalaga para sa layuning iyon.”10
Ang pagsasakatuparan ng dakilang espirituwal na layuning ito para sa mga indibiduwal at pamilya ay isa sa mga pangunahing dahilan kaya ang mga programa at aktibidad ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagiging mas nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan sa partikular na panahong ito ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon.
Mga Inaasahang Epekto ng Pag-aaral na Nakasentro sa Tahanan at Sinusuportahan ng Simbahan
Hayaan ninyong ibuod ko ang ilang pangunahing epekto ng pag-aaral ng ebanghelyo na lalong nagiging nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan.
Ang nangungunang missionary training center ay nasa ating mga tahanan; ang mga pumapangalawang missionary training center ay matatagpuan sa Provo, Manila, Mexico City, at iba pang mga lugar. Dapat ang ating indibiduwal at pampamilyang pag-aaral sa ating mga tahanan ang maging klase sa Sunday School kung saan pinakamarami tayong matututuhan; nakakatulong ngunit pumapangalawa lamang ang mga klase sa Sunday School na idinaraos sa ating mga meetinghouse.
Ang mga family history center ay nasa ating mga tahanan na ngayon. Ang mga karagdagang tulong para sa pagsasaliksik natin ng tungkol sa family history ay makukuha sa ating mga meetinghouse.
Ang mga kinakailangang klase para sa paghahanda sa pagpasok sa templo ay nagaganap sa ating mga tahanan; mahalaga ngunit pumapangalawa lamang ang mga klase para sa paghahanda sa pagpasok sa templo na maaari ring idaos paminsan-minsan sa ating mga meetinghouse.
Mahalaga na gawing kanlungan ang ating mga tahanan kung saan maaari tayong “tumayo sa mga banal na lugar”11 sa mga huling araw na ito. At dahil mahalaga ang ating pag-aaral na nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan para sa ating espirituwal na lakas at proteksyon ngayon, lalo pa itong magiging mahalaga sa hinaharap.
Pag-aaral at Paghahanda sa Templo na Nakasentro sa Tahanan at Sinusuportahan ng Simbahan
Mangyaring isipin kung paano naaangkop ang alituntunin na “nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan” sa ating indibiduwal na paghahanda at pagiging marapat na tumanggap ng mga sagradong ordenansa at tipan sa bahay ng Panginoon.
Tunay ngang ang paghahanda sa pagpasok sa templo ay pinakaepektibo sa ating mga tahanan. Ngunit maraming miyembro ng Simbahan ang hindi sigurado kung ano ang naaangkop at hindi naaangkop sabihin hinggil sa karanasan sa loob ng templo kapag nasa labas na sila ng templo.
Ipinaliwanag ni Pangulong Ezra Taft Benson kung bakit hindi sigurado ang mga miyembro kung ano ang naaangkop at hindi naaangkop sabihin:
“Ang templo ay isang sagradong lugar, at ang mga ordenansa sa templo ay sagrado. Dahil sa kasagraduhan nito kung minsan ay atubili tayong magsabi ng anuman tungkol sa templo sa ating mga anak at apo.
“Dahil dito, maraming hindi nagkakaroon ng tunay na hangaring pumunta sa templo, o kapag nagpupunta sila roon, ginagawa nila iyon nang walang gaanong nauunawaan sa mga bagay na maghahanda sa kanila para sa mga obligasyon at tipan na pinapasukan nila.
“Naniniwala ako na ang wastong pagkaunawa o pagkaalam sa mga bagay-bagay ay makakatulong nang malaki sa paghahanda ng ating mga kabataan para sa templo … [at] maghihikayat sa kanila na hangarin ang mga basbas ng priesthood na tulad ni Abraham.”12
Dalawang pangunahing patnubay ang makakatulong sa atin na makamit ang wastong pagkaunawa na binigyang-diin ni Pangulong Benson.
Patnubay #1. Dahil mahal natin ang Panginoon, dapat tayong magsalita tungkol sa Kanyang banal na bahay nang may pagpipitagan. Hindi natin dapat ipaalam o ilarawan ang mga natatanging simbolong kaugnay ng mga tipan na natatanggap natin sa mga sagradong seremonya sa templo. Hindi rin natin dapat sabihin ang banal na impormasyon na ipinangako natin sa templo na hindi natin ipapaalam sa iba.
Patnubay #2. Ang templo ay bahay ng Panginoon. Ang lahat ng bagay sa templo ay umaakay sa atin tungo sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Maaari nating talakayin ang mga pangunahing layunin, doktrina, at alituntunin na kaugnay ng mga ordenansa at tipan sa templo.
Ipinayo ni Pangulong Howard W. Hunter: “Ibahagi natin sa ating mga anak ang espirituwal na damdamin natin sa templo. At mas masigasig nating ituro sa kanila sa mas komportableng paraan ang mga bagay na nararapat nating sabihin tungkol sa mga layunin ng bahay ng Panginoon.”13
Sa mga henerasyon, mula kay Propetang Joseph Smith hanggang kay Pangulong Russell M. Nelson, ang mga doktrina tungkol sa layunin ng mga ordenansa at tipan sa templo ay masusing itinuro ng mga lider ng Simbahan.14 Napakaraming materyal na mababasa, mapapakinggan, mapapanood, at iba pang anyo para matulungan tayo na matuto tungkol sa mga panimulang ordenansa o initiatory, endowment, pagkakasal, at iba pang mga ordenansa ng pagbubuklod.15 May makukuha ring impormasyon tungkol sa pagsunod sa Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagtanggap at pagtupad sa mga tipan na susundin ang batas ng pagsunod, ang batas ng pagsasakripisyo, ang batas ng ebanghelyo, ang batas ng kalinisang-puri, at ang batas ng paglalaan.16 Ang lahat ng mga miyembro ng Simbahan ay dapat maging pamilyar sa napakagagandang materyal na makukuha sa temples.ChurchofJesusChrist.org.
Binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson ang kinakailangang balanse sa pagitan ng kasagraduhan ng mga seremonya sa templo at ng mahalagang impormasyon tungkol sa mga templo na inilalathala ng Simbahan na wasto, nararapat, at maaaring malaman ng publiko. Ipinaliwanag niya: “Iminumungkahi ko na basahin ng mga miyembrong pupunta sa templo … ang mga nakasulat sa Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan na may kinalaman sa templo, tulad ng ‘Pagpapahid ng Langis,’ ‘“Tipan,’ ‘Sakripisyo,’ at ‘Templo.’ Maaari ring basahin ng isang tao ang Exodo, mga kabanata 26–29, at Levitico, kabanata 8. Binibigyang-diin ng Lumang Tipan, gayundin ng mga aklat nina Moises at Abraham sa Mahalagang Perlas, na noon pa man ay may gawain na sa templo at walang hanggan ang epekto ng mga ordenansa nito.”17
Kaya, isipin na kunwari ay itinatanong sa inyo ng inyong anak, “May nagsabi po sa akin sa paaralan na may kakaibang damit daw na isinusuot sa loob ng templo. Totoo po ba iyon?” May isang maikling video na mapapanood sa temples.ChurchofJesusChrist.org na pinamagatang “Sacred Temple Clothing.” Ipinapaliwanag sa napakagandang video na ito kung paano tinanggap ng mga kalalakihan at kababaihan simula noong unang panahon ang sagradong musika, iba’t ibang uri ng panalangin, kasuotang panrelihiyon na may mga simbolo, mga pagkumpas, at mga ritwal para maipahayag ang kanilang taos-pusong pagmamahal sa Diyos. Sa gayon, sinusuportahan ng Simbahan ang paghahanda na nakasentro sa tahanan para sa mga maluwalhating pagpapala ng templo sa pamamagitan ng panimulang pagtuturo at mga epektibong resources na katulad ng video na ito. Marami pang nakakatulong na impormasyon ang ibinibigay sa inyo.18
Kapag nagsikap tayo na lumakad sa kaamuan ng Espiritu ng Panginoon,19 pagpapalain tayo na maunawaan at matamo sa ating mga tahanan ang kinakailangang balanse sa kung ano ang nararapat at hindi nararapat na pag-usapan tungkol sa mga sagradong ordenansa at tipan sa templo.
Pangako at Patotoo
Malamang na itinatanong ng ilan sa inyo kung talaga nga bang maaaring maging nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan ang inyong pag-aaral ng ebanghelyo. Marahil kayo ay nag-iisang miyembro ng Simbahan sa inyong tahanan, o may asawang hindi sumusuporta sa inyo, o walang katuwang sa buhay, o nabubuhay nang mag-isa bilang isang Banal sa mga Huling Araw na wala pang asawa o kaya’y hiwalay na sa asawa, at maaaring may mga tanong kayo tungkol sa kung paano naaangkop ang mga alituntuning ito sa inyo. Maaaring nagtitinginan kayong mag-asawa at nagtatanong, “Kaya ba natin itong gawin?”
Oo, kaya ninyo ito! Ipinapangako ko na ang mga pagpapala na nagpapalakas sa inyo ay patuloy na darating at makikita sa inyong buhay. Darating ang mga oportunidad. Magniningning ang liwanag. Madaragdagan ang inyong kakayahang magpatuloy nang may sigasig at tiyaga.
Maligaya kong pinapatotohanan na ang mga katumbas na pagpapala ay darating kapag sinikap nating gampanan ang ating personal na responsibilidad na pag-aralan at mahalin ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Tunay ngang kaya nating “maging handa na matamo ang bawat kinakailangang bagay.”20 Ipinangangako ko ito at pinatototohanan sa sagradong pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.