Kabanata 13
Walang Katumbas na mga Pagpapala ng Bahay ng Panginoon
“Sa loob ng mga templo natin nakakamtan ang pinakadakilang mga pagpapalang nauukol sa buhay na walang hanggan. Tunay na ang mga templo ang mga pintuan papasok sa langit.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
“Nagpapasalamat ako sa Panginoon na ang mga alaala ko tungkol sa templo ay mula pa noon—maging noong bata pa ako,” sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson. “Tandang-tanda ko pa, noong bata pa ako, na nanggaling ako sa bukid at papunta sa lumang bahay namin sa Whitney, Idaho. Naririnig ko ang pagkanta ni Inay ng ‘Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?’ (Mga Himno, blg. 135.)
“Nakikinita ko pa ang pagpaplantsa niya habang nakalatag ang mga diyaryo sa sahig, at pinaplantsa ang mahahabang puting damit, na may butil-butil na pawis sa kanyang noo. Nang tanungin ko siya kung ano ang ginagawa niya, sabi niya, ‘Ito ang kasuotan ko sa templo, anak ko. Pupunta kami ng tatay mo sa templo. …’
“Pagkatapos ay ipinatong niya ang plantsa sa ibabaw ng kalan, inilapit ang isang upuan sa tabi ko, at kinuwentuhan ako tungkol sa gawain sa templo—kung gaano kahalaga ang makapasok sa templo at makibahagi sa mga sagradong ordenansang isinasagawa roon. Ipinahayag din niya ang matinding pag-asa na balang-araw ay magkaroon ng pagkakataon ang kanyang mga anak at apo at apo-sa-tuhod na matamasa ang walang katumbas na mga pagpapalang ito.
“Ang masasayang alaalang ito tungkol sa diwa ng gawain sa templo ay isang pagpapala sa aming tahanan sa bukid. … Nagbalik ang mga alaalang ito nang ikasal ko ang bawat isa sa aming mga anak at apo, ang mga mga apo at apo-sa-tuhod ng nanay ko, sa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu sa bahay ng Panginoon.
“Napakahalaga ng mga alaalang ito sa akin.”1
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Ang mga templo ay simbolo ng lahat ng mahal sa atin.
Ang templo ang lugar na pinakamalapit sa langit sa mortal na daigdig.2
[Ang] templo ay magiging tanglaw sa lahat ng nasa kinaroroonan nito—isang simbolo ng lahat ng mahal sa atin.3
Ang templo ay paalala sa tuwina na layon ng Diyos na maging walang hanggan ang pamilya.4
[Ang templo ay] isang hindi nagbabago at nakikitang simbolo na hindi pinabayaan ng Diyos ang tao na mangapa sa dilim. Ito ay isang lugar ng paghahayag. Bagama’t nabubuhay tayo sa isang makasalanang mundo—isang masamang mundo—ang mga banal na lugar ay itinatalaga at inilalaan para matutuhan ng karapat-dapat na kalalakihan at kababaihan ang patakaran ng langit at sundin ang kalooban ng Diyos.5
[Ang templo] ay matibay na saksi na kayang daigin ng kapangyarihan ng Diyos ang mga kapangyarihan ng kasamaan sa ating paligid. Maraming magulang, sa loob at labas ng Simbahan, ang nag-aalala sa proteksyon laban sa patuloy na paglaganap ng kasamaan na nagbabantang dumaig sa mga tuntuning Kristiyano. Lubos akong sumasang-ayon sa sinabi ni Pangulong Harold B. Lee noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sabi niya: “Pinag-uusapan natin ang seguridad sa panahong ito, subalit hindi natin nauunawaan na … nakatayo ang banal na templo kung saan makikita natin ang mga simbolo ng kapangyarihang magliligtas sa bansang ito mula sa kapahamakan.”6
Sa isang party sa Beverly Hills Hilton Hotel sa Los Angeles, [California,] nahilingan ako ng Pangulo ng Estados Unidos [bilang kanyang secretary of agriculture] na batiin ang pangulo ng isa sa mga pinakabago naming republika, ang pangulo ng walumpu’t walong milyong mamamayan na nakakalat sa mga 3,000 isla na isang libong milya ang haba, isang bansa na ilang taon pa lamang umiiral. Habang nakaupo kami sa hapunang ito, na itinaguyod ng industriya ng pelikula at kung saan maraming bantog na artista ang dumalo, tanaw ko ang labas ng isang magandang bintana. Sa dako pa roon, sa tuktok ng isang burol, nakikita ko ang maraming ilaw sa paligid ng napakaganda nating Los Angeles Temple, at nasiyahan akong ituro ito sa aking mga panauhin at sa mga kaibigang nasa aming mesa at sa iba pang mga mesa. Naisip ko, habang nakaupo kami roon, “Karamihan sa nangyayari dito ngayong gabi ay pansamantala lamang at hindi mahalaga. Ang mga bagay na nagtatagal, ang mga bagay na tunay, ang mga bagay na mahalaga ay yaong mga bagay na kinakatawan sa templo ng Diyos.”7
Nawa’y maging paalala [ang templo] sa tuwina na ang buhay ay walang hanggan at na ang mga tipang ginawa natin sa mortalidad ay maaaring magtagal magpakailanman.8
2
Kailangan natin ang mga ordenansa at tipan sa templo para makapasok sa kaganapan ng priesthood at makapaghandang makabalik sa kinaroroonan ng Diyos.
Nang ilagay ng ating Ama sa Langit sina Adan at Eva sa daigdig na ito, ginawa Niya ito nang may layunin sa isipan na turuan sila kung paano makabalik sa Kanyang kinaroroonan. Nangako ang ating Ama ng isang Tagapagligtas para tubusin sila mula sa kanilang nahulog na kalagayan. Ibinigay Niya sa kanila ang plano ng kaligtasan at sinabihan silang turuan ang kanilang mga anak ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi. Bukod pa rito, inutusan ng Diyos si Adan at ang kanyang mga inapo na magpabinyag, tanggapin ang Espiritu Santo, at pumasok sa orden ng Anak ng Diyos.
Ang pagpasok sa orden ng Anak ng Diyos ay katumbas ngayon ng pagpasok sa kaganapan ng Melchizedek Priesthood, na natatanggap lamang sa bahay ng Panginoon.
Dahil nasunod nina Eva at Adan ang mga kinakailangang ito, sinabi ng Diyos sa kanila, “Ikaw ay alinsunod sa orden niya na walang simula ng mga araw o wakas ng mga taon, mula sa lahat ng kawalang-hanggan hanggang sa lahat ng kawalang-hanggan.” (Moises 6:67.)
Tatlong taon bago namatay si Adan, isang malaking kaganapan ang nangyari. Dinala niya ang anak niyang si Set, kanyang apong si Enos, at iba pang matataas na saserdoteng direkta niyang mga inapo, kasama ang iba pa sa matwid niyang mga inapo, papunta sa lambak na tinatawag na Adan-ondi-Ahman. Doon ibinigay ni Adan sa mabubuting inapo na ito ang kanyang huling basbas.
Pagkatapos ay nagpakita ang Panginoon sa kanila [tingnan sa D at T 107:53–56]. …
Paano dinala ni Adan ang kanyang mga inapo sa kinaroroonan ng Panginoon?
Ang sagot: Si Adan at ang kanyang mga inapo ay pumasok sa orden ng priesthood ng Diyos. Sasabihin natin ngayon na nagpunta sila sa Bahay ng Panginoon at tumanggap ng kanilang mga basbas.
Ang orden ng priesthood na binabanggit sa mga banal na kasulatan ay tinatawag kung minsan na orden ng patriyarka dahil ipinasa ito ng ama sa anak. Ngunit maliban dito inilarawan ang orden na ito sa makabagong paghahayag bilang orden ng pamamahala sa pamilya kung saan ang isang lalaki at isang babae ay nakikipagtipan sa Diyos—tulad nina Adan at Eva noon—upang mabuklod sa kawalang-hanggan, magkaroon ng mga inapo, at gawin ang kalooban at gawain ng Diyos habang sila’y nabubuhay.
Kung ang isang mag-asawa ay tapat sa kanilang mga tipan, may karapatan sila sa pagpapala ng pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal. Ang mga tipang ito ngayon ay mapapasok lamang sa pamamagitan ng pagpunta sa Bahay ng Panginoon.
Sinunod ni Adan ang orden na ito at dinala ang kanyang mga inapo sa kinaroroonan ng Diyos. …
… Ang orden na ito ng priesthood ay mapapasok lamang kapag sumunod tayo sa lahat ng utos ng Diyos at naghangad ng mga pagpapala ng mga ninuno natin tulad ng ginawa ni Abraham [tingnan sa Abraham 1:1–3] sa pamamagitan ng pagpunta sa bahay ng ating Ama. Dito lamang natatanggap ang mga ito sa daigdig na ito!
… Magpunta sa templo—sa bahay ng ating Ama—para matanggap ang mga pagpapala ng inyong mga ninuno upang magkaroon kayo ng karapatan sa pinakamatataas na pagpapala ng priesthood. “Sapagkat kung wala nito walang tao ang makakikita sa mukha ng Diyos, maging ng Ama, at mabubuhay.” (D at T 84:22.)
Ang bahay ng ating Ama ay bahay ng kaayusan. Pumupunta tayo sa Kanyang bahay para pumasok sa orden na iyon ng priesthood na magbibigay sa atin ng karapatan sa lahat ng mayroon ang Ama, kung tayo ay tapat.9
3
Sa pamamagitan ng mga ordenansa at tipan sa templo, matatanggap natin ang proteksyon at pinakadakilang mga pagpapala ng Diyos ukol sa buhay na walang hanggan.
Ang mga pagpapala ng bahay ng Panginoon ay walang hanggan. Ito ang pinakamahalaga sa atin dahil sa loob ng mga templo natin nakakamtan ang pinakadakilang mga pagpapala ukol sa buhay na walang hanggan. Tunay ngang ang mga templo ang mga pintuan papasok sa langit.10
Hangad ng Panginoon na matanggap ng bawat lalaki at babae sa Simbahan na nasa hustong gulang ang mga ordenansa ng templo. Ibig sabihin ay tatanggapin nila ang endowment at lahat ng mag-asawa ay ibubuklod para sa kawalang-hanggan. Ang mga ordenansang ito ay naglalaan ng proteksyon at pagpapala sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa. Ang kanilang mga anak ay mapalad ding maisilang sa loob ng tipan. Ang pagsilang sa loob ng tipan ay nagbibigay-karapatan sa mga anak na iyon ng basbas ng pagkapanganay na tumitiyak na may mga magulang sila sa kawalang-hanggan anuman ang mangyari sa mga magulang, basta’t manatiling karapat-dapat sa pagpapala ang mga anak.11
Hindi ba mahalaga sa inyo na ang mga Banal ay nakakalat ngayon sa lahat ng panig ng mundo at, habang nakakalat sila, ang mga templo ay inilalaan para sa kanila? Sa pamamagitan ng mga ordenansang natatanggap nila sa mga banal na lugar, masasandatahan sila ng kabutihan at pagkakalooban ng kapangyarihan ng Diyos.12
May kaugnay na kapangyarihan ang mga ordenansa ng langit—maging ang kapangyarihan ng kabanalan—na maaaring humadlang at hahadlang sa mga puwersa ng kasamaan kung magiging marapat tayo sa mga sagradong pagpapalang iyon. Ang [ating] komunidad ay poprotektahan, ang ating mga pamilya ay poprotektahan, ang ating mga anak ay pangangalagaan kapag ipinamuhay natin ang ebanghelyo, binisita ang templo, at namuhay nang malapit sa Panginoon. … Pagpalain tayo ng Diyos bilang mga Banal na mamuhay nang marapat sa mga tipan at ordenansang isinasagawa sa sagradong lugar na ito.13
Ang seremonya sa templo ay ibinigay ng matalinong Ama sa Langit upang tulungan tayong maging higit na katulad ni Cristo.14
Hindi tayo makatatahan sa piling ng mga selestiyal na nilalang kung hindi tayo dalisay at banal. Ang mga batas at ordenansang naglalayo sa kalalakihan at kababaihan sa mga makamundong impluwensya at nagpapabanal sa kanila ay isinasagawa lamang sa mga banal na lugar na ito. Ibinigay ito sa pamamagitan ng paghahayag at nauunawaan sa pamamagitan ng paghahayag. Ito ang dahilan kaya tinukoy ng isa sa mga Kapatid ang templo bilang “unibersidad ng Panginoon.”15
Walang miyembro ng Simbahan ang magiging perpekto kung wala ang mga ordenansa sa templo. Misyon nating tulungan yaong mga hindi pa napagpapalang tanggapin ang mga ito.16
4
Pribilehiyo nating buksan ang mga pintuan ng kaligtasan sa ating mga ninuno.
Ang mga templo ay itinatayo at inilalaan upang, sa pamamagitan ng priesthood, mabuklod ang mga magulang sa kanilang mga anak at ang mga anak sa kanilang mga magulang. Ang mga ordenansang ito ng pagbubuklod ay akma kapwa sa mga buhay at sa mga patay. Kung hindi tayo mabuklod sa ating mga ninuno at inapo, ang layon ng daigdig na ito, ang kadakilaan ng tao, ay tuluyang mawawalan ng saysay para sa atin.17
Hindi sapat para sa isang mag-asawa ang mabuklod sa loob ng templo para matiyak ang kanilang kadakilaan—kung sila ay tapat—kailangan ding maiugnay sila nang walang hanggan sa kanilang mga ninuno at tiyakin nilang magawa ang gawain para sa mga ninunong iyon. “Sila kung wala tayo,” sabi ni Apostol Pablo, “ay hindi magagawang ganap—ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap” (D at T 128:15). Kung gayon kailangang maunawaan ng ating mga miyembro na mayroon silang kani-kanyang tungkuling tiyakin na nakaugnay sila sa kanilang mga ninuno—o, tulad ng nakasaad sa sagradong kasulatan, ating “mga ninuno.” Ito ang ibig sabihin ng bahagi 2, talata 2, sa Doktrina at mga Tipan nang sabihin ni Moroni na si Elijah ay “itatanim sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama, at ang mga puso ng mga anak ay magbabalik-loob sa kanilang mga ama.”18
Kapag naiisip ko ang genealogy, mga tao ang nakikita ko—mga taong mahal ko na naghihintay sa aming pamilya, sa kanilang mga inapo, na tulungan silang magtamo ng kadakilaan sa kahariang selestiyal.19
May pribilehiyo tayong buksan ang mga pintuan ng kaligtasan sa mga kaluluwang maaaring nakabilanggo sa kadiliman sa daigdig ng mga espiritu, upang matanggap nila ang liwanag ng ebanghelyo at mahatulang katulad natin. Oo, “ang mga gawang aking ginagawa”—ang pag-aalok ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo sa iba—“ay gagawin din naman [ninyo]” [tingnan sa Juan 14:12]. Ilang libo pa sa ating mga kamag-anak ang naghihintay sa mga ordenansang ito ng pagbubuklod?
Makabubuting itanong, “Nagawa ko na ba ang lahat bilang isang indibiduwal sa panig na ito ng tabing? Ako ba ay magiging tagapagligtas nila—na sarili kong mga ninuno?”
Kung wala sila, hindi tayo magagawang ganap! Ang kadakilaan ay responsibilidad ng buong pamilya.20
Napakanipis ng tabing. Nabubuhay tayo ngayon sa kawalang-hanggan. Lahat ay isang araw sa Diyos. Sa wari ko ay walang tabing sa Panginoon. Lahat ng ito ay isang dakilang plano. Natitiyak ko na nagagalak ang kalangitan kapag nagtitipon tayo [sa templo]. Nagagalak ang ating mga ninuno, at inaasam at idinadalangin ko na sasamantalahin natin ang mga pagkakataong ibinigay sa atin ngayon na magpunta nang regular sa templo.21
Kayong mga gumawa na ng inyong mga genealogy, na nakakaalam ng kahalagahan ng gawain at nakadarama ng pananabik na nagmumula sa pagbibigkis ng mga pamilya at natutuklasan ang inyong marangal na pamana, ay kailangang ibahagi ang kagalakang iyan sa iba. Tulungan silang makita ang kagalakan at katuparang nakikita ninyo sa gawain. Kailangan nating hikayatin ang iba pa nating mga miyembro na gawin ito. Marami pang gagawin, tulad ng alam ninyong lahat, at napakaraming miyembrong makakagawa ng gawain at magagalak na gawin ito kung ang ilan sa atin—kayong lahat—ay hihikayatin sila sa pamamagitan ng inyong kasigasigan, halimbawa, at katapatan.22
5
Kailangang malaman ng mga bata at kabataan ang mga pagpapalang naghihintay sa kanila sa templo.
Ang templo ay isang sagradong lugar, at ang mga ordenansa sa templo ay sagrado. Dahil sa kasagraduhan nito kung minsan ay atubili tayong magsabi ng anuman tungkol sa templo sa ating mga anak at apo.
Dahil dito, maraming hindi nagkakaroon ng tunay na hangaring pumunta sa templo, o kapag nagpupunta sila roon, ginagawa nila iyon nang walang gaanong nauunawaan sa mga bagay na maghahanda sa kanila para sa mga obligasyon at tipan na pinapasukan nila.
Naniniwala ako na ang wastong pagkaunawa o pagkaalam sa mga bagay-bagay ay makakatulong nang malaki sa paghahanda ng ating mga kabataan para sa templo. Naniniwala ako na ang pagkaunawang ito ay maghihikayat sa kanila na hangarin ang mga basbas ng priesthood na tulad ni Abraham [tingnan sa Abraham 1:1–4].23
Kapag nagtanong ang inyong mga anak kung bakit tayo ikinakasal sa templo, dapat ninyong ituro sa kanila na ang mga templo ang tanging lugar sa daigdig kung saan maisasagawa ang ilang ordenansa. Dapat din ninyong ibahagi sa inyong mga anak ang damdamin ninyo nang magkasama kayong lumuhod sa harap ng sagradong altar at gumawa ng mga tipan na ginawang posibleng mabuklod sila sa inyo magpakailanman.24
Marapat lamang na ituro ng mga ina at ama ang templo at sabihin sa kanilang mga anak, “Diyan kami ikinasal para sa kawalang-hanggan.” Sa paggawa nito, ang mithiing kasal sa templo ay makikintal sa puso’t isipan ng inyong mga anak habang batang-bata pa sila.25
Dapat nating ibahagi sa ating pamilya ang pagmamahal natin sa ating mga ninuno at ang pasasalamat natin na matulungan silang tanggapin ang nakapagliligtas na mga ordenansa, tulad ng ginawa ng mga magulang ko sa akin. Kapag ginawa natin ito, mag-iibayo ang pagpapahalaga at pagmamahal natin sa ating pamilya.26
Naniniwala ako na ang mga kabataan ay hindi lamang handa at may kakayahang magsaliksik ng kanilang genealogy, kundi magandang kasangkapan din sila sa pagbibigay-buhay sa buong programa.27
Pagpalain tayo ng Diyos na maituro sa ating mga anak at apo kung gaano kalaking pagpapala ang naghihintay sa kanila sa pagpasok sa templo.28
6
Ang mas madalas na pagpunta sa templo ay humahantong sa mas madalas na personal na paghahayag.
Kinagawian ko, tuwing magkakasal ako, na imungkahi sa batang magkasintahan na bumalik sila sa lalong madaling panahon at muling pumasok sa templo bilang mag-asawa. Imposibleng lubos nilang maunawaan kaagad ang kahulugan ng banal na endowment o ng mga pagbubuklod sa isang puntahan lang sa templo, ngunit sa paulit-ulit nilang pagbisita sa templo, ang kagandahan, kabuluhan, at kahalagahan ng lahat ng ito ay mabibigyang-diin sa kanila. Kalaunan ay nakatanggap ako ng mga liham mula sa mga bata pang mag-asawang ito na nagpapasalamat dahil nabigyang-diin ang bagay na iyon. Sa paulit-ulit nilang pagbisita sa templo, ang kanilang pagmamahalan ay nadaragdagan at ang kanilang pagsasama ay lalong tumitibay.29
Sa ating mga pagbisita sa templo, nabibigyan tayo ng mga ideya tungkol sa kahulugan ng walang-hanggang paglalakbay ng tao. Nakikita natin ang magaganda at kahanga-hangang simbolismo ng pinakamahahalagang kaganapan—noon, ngayon, at sa hinaharap—na simbolo ng misyon ng tao na may kaugnayan sa Diyos. Ipinapaalala sa atin ang ating mga obligasyon kapag gumagawa tayo ng mga dakilang tipan ukol sa pagsunod, lubos na paglalaan, sakripisyo, at tapat na paglilingkod sa ating Ama sa Langit.30
Ipinapangako ko sa inyo na, sa mas madalas na pagpunta ninyo sa mga templo ng ating Diyos, mas madalas kayong tatanggap ng personal na paghahayag na magpapala sa inyong buhay habang pinagpapala ninyo ang mga yumao na.31
Sa kapayapaang nadarama sa magagandang templong ito, kung minsan ay nakikita natin ang mga solusyon sa mabibigat na problema sa buhay. Sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu, kung minsa’y dumadaloy sa atin ang dalisay na kaalaman doon. Ang mga templo ay mga lugar ng personal na paghahayag. Kapag nabibigatan ako sa isang problema o suliranin, nagpupunta ako sa Bahay ng Panginoon na may panalangin sa puso ko na makatanggap ng mga sagot. Ang mga sagot na ito ay dumating sa malinaw at hindi mapag-aalinlanganang mga paraan.32
Madalas ba tayong bumalik sa templo para tumanggap ng mga personal na pagpapalang nagmumula sa regular na pagsamba sa templo? Sinasagot ang mga panalangin, nagkakaroon ng mga paghahayag, at nagtatagubilin ang Espiritu sa mga banal na templo ng Panginoon.33
Gawin nating isang sagradong tahanan ang templo na katulad, bagama’t malayo, sa ating tahanan sa kawalang-hanggan.34
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sinabi ni Pangulong Benson na ang templo ay “simbolo ng lahat ng mahal sa atin,” at tinukoy niya ang ilang katotohanang isinisimbolo ng mga templo (tingnan sa bahagi 1). Ano ang kinakatawan ng mga templo para sa inyo?
-
Sa bahagi 2, paano naaangkop sa lahat ng miyembro ng pamilya ang mga turo ni Pangulong Benson tungkol sa mga pagpapala ng priesthood? Habang nirerebyu ninyo ang bahaging ito, pagbulayan ang pribilehiyo at responsibilidad ninyong tulungan ang mga miyembro ng pamilya na maghandang makabalik sa kinaroroonan ng Diyos.
-
Habang binabasa ninyo ang bahagi 3, pagbulayan ang mga turo ni Pangulong Benson tungkol sa mga pagpapalang natatanggap natin sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo. Sa anong mga paraan kayo napagpala sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo? Kung hindi pa ninyo natatanggap ang mga ordenansa sa templo, pagbulayan kung ano ang magagawa ninyo para makapaghandang tanggapin ang mga ito.
-
Sabi ni Pangulong Benson, “Kapag naiisip ko ang genealogy, mga tao ang nakikita ko—mga taong mahal ko” (bahagi 4). Paano maiimpluwensyahan ng ganitong obserbasyon ang inyong pananaw sa family history? Ano ang magagawa natin upang tulungan ang iba pa nating mga ninuno na tanggapin ang mga pagpapala ng ebanghelyo?
-
Ano ang ilang bagay na magagawa natin para tulungan ang mga bata at kabataan na maghanda para sa mga ordenansa at tipan sa templo? Sa anong mga paraan mabibigyan ng mga kabataan ng “buhay ang buong programa” ng family history? (Tingnan sa bahagi 5.)
-
Hinikayat tayo ni Pangulong Benson na “gawin nating isang sagradong tahanan ang templo na katulad, bagama’t malayo, sa ating tahanan sa kawalang-hanggan” (bahagi 6). Ano ang kahulugan ng pahayag na ito sa inyo? Pagnilayan ang mga pagpapalang natanggap ninyo nang bumalik kayo sa templo.
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Isaias 2:1–3; D at T 97:15–16; 109:8–23; 124:39–41; 138:32–34
Tulong sa Pagtuturo
“Kadalasan ang isang aralin ay naglalaman ng [mas maraming] materyal kaysa maituturo ninyo sa ibinigay na oras sa inyo. Sa ganitong mga pangyayari, dapat ninyong piliin ang materyal na pinakamakatutulong sa inyong mga tinuturuan” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 128).