Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 14: Kasal at Pamilya—Inorden ng Diyos


Kabanata 14

Kasal at Pamilya—Inorden ng Diyos

“Ang pamilya ay isa sa pinakamatatag na mga tanggulan ng Diyos laban sa mga kasamaan ng ating panahon. Tulungan ang inyong pamilya na manatiling matatag at malapit sa isa’t isa at karapat-dapat sa mga pagpapala ng ating Ama sa Langit.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

Mula nang ikasal sila, ginawa nang pangunahing priyoridad nina Ezra at Flora Benson ang kanilang tahanan at pamilya. Noong maliliit pa ang kanilang mga anak, sinimulan nilang bigyang-diin na gusto nila ay walang “mga bakanteng upuan” sa kanilang pamilya sa mga kawalang-hanggan.1 Binigyang-diin ni Pangulong Benson ang mensahe ring ito sa kanyang paglilingkod bilang lider ng Simbahan. Sabi niya:

“Nilayon ng Diyos na maging walang hanggan ang pamilya. Buong kaluluwa akong nagpapatotoo sa katotohanan ng pahayag na iyan. Nawa’y pagpalain Niya tayo na mapatatag ang ating mga tahanan at ang buhay ng bawat miyembro ng pamilya upang sa takdang oras ay maiulat natin sa ating Ama sa Langit sa Kanyang selestiyal na tahanan na naroon tayong lahat—ama, ina, kapatid na babae, kapatid na lalaki, lahat tayo na nagmamahalan. Walang bakanteng upuan. Tayong lahat ay nakauwi.”2

Para kina Pangulo at Sister Benson, ang pagsisikap na patatagin ang kanilang pamilya ay nagsimula sa pangangalaga sa pagsasama nilang mag-asawa. Sila ay mapagmahal at maalalahanin, tapat at tunay. Bagama’t hindi sila nag-aaway, madalas silang mag-usap nang tapatan.3 Parehong lubos ang tiwala nila sa isa’t isa, na nadama nilang isa sa matitinding kalakasan ng kanilang pagsasama. “Kailanman ay hinding-hindi ako nagduda sa katapatan ni Flora,” sabi ni Pangulong Benson.4

Sinuportahan at pinalakas nina Pangulo at Sister Benson ang isa’t isa. “Mas malawak ang pananaw ni Flora para sa akin at sa potensyal ko kaysa sinumang tao sa buhay ko. Ang kanyang pananalig at suporta ay malaking pagpapala,” sabi ni Pangulong Benson.5 Kadalasan, kapag nadama niya na hindi niya kaya ang mabibigat niyang responsibilidad, papahirin ni Sister Benson ang kanyang mga luha at inaalo siya.6 Hihingi siya ng tulong sa Panginoon sa pag-alalay sa kanya, at hihikayatin ang mga anak na gayon din ang gawin. “Madalas kaming manalangin at mag-ayuno para kay daddy,” sabi ng anak nilang si Barbara.7

President Ezra Taft Benson with Sister Flora Smith Amussen Benson

Sina Pangulo at Sister Benson ay laging tapat at totoo sa isa’t isa.

Sa pagsalig sa matibay na pundasyon ng pagsasama nilang mag-asawa, itinuro nina Pangulo at Sister Benson sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng mga walang-hanggang ugnayan ng pamilya. “Ikinintal ng aming mga magulang ang matinding katapatan at pagmamahal sa aming magkakapatid,” sabi ng anak nilang si Mark. “Sa palagay ko ang gayong kapaligiran ay hindi likas na umiiral sa isang tahanan, ngunit hinihikayat at itinataguyod ito ng mapagmalasakit at mapagmahal na ina at ama.”8

Ang pamantayan ng pag-uugaling pinagbatayan ng mga Benson, gayundin ang priyoridad na ibinigay nila sa pamilya, ay nakasentro sa ebanghelyo. Tulung-tulong silang bumuo ng isang tahanang pinanaigan ng pagmamahal, kung saan natuto at umunlad ang mga bata, at masaya sila. Nais ng mga Benson na maging kanlungan ang kanilang tahanan mula sa mundo. “Hindi ibig sabihin niyan ay hindi kami dumanas ng hirap,” sabi ng anak nilang si Reed. “Hindi kami palaging magkakasundo. Hindi kami palaging gumagawa ng aming mga gawaing-bahay. May mga pagkakataon na nasagad namin ang pasensya ni Inay. Ngunit, sa kabila ng lahat ng ito, sinikap naming magkaroon ng pagkakaisa sa pamilya.”9 Inamin ni Sister Benson na: “Walang taong perpekto. Sa aming pamilya hindi namin layon na magtuon sa mga kahinaan ng isa’t isa, kundi hikayatin ang isa’t isa na magpakabuti.”10

Maliliit pa noon ang mga anak ng mga Benson nang paglingkurin ang kanilang ama sa Korum ng Labindalawang Apostol, at nag-alala siya na baka maapektuhan ng iskedyul ng kanyang biyahe ang oras niya para sa kanila. Isinulat niya sa kanyang journal: “Ang pagbibiyahe sa iba’t ibang lugar ukol sa gawain ng Simbahan ay lubhang maglalayo sa akin sa aking pamilya. … Tiwala ako na magiging tapat ako sa aking pamilya, mapapanatili ko silang aktibo sa Simbahan, at magagampanan ko pa rin ang aking mga obligasyon bilang isa sa mga General Authority. Alam kong hindi magiging madali ito.”11

Ang katotohanang hindi iyon madali ay nagtulak kay Pangulong Benson na pagsumikapang manatiling malapit sa kanyang pamilya. “Ang ilan sa mga impresyon at karanasang pinakamasaya at pinaka-nakalulugod sa kaluluwa sa [aking] buhay ay may kaugnayan sa tahanan at mga ugnayan ng pamilya,” wika niya.12

Noong 1957, bilang United States secretary of agriculture, naglakbay nang apat na linggo si Pangulong Benson sa iba’t ibang panig ng mundo para humanap ng mga pagkakataong makipagkalakalan sa iba. Sinamahan siya ni Sister Benson at ng mga anak nilang sina Beverly at Bonnie. Nagpunta sila sa 12 bansa, kung saan kinausap nila ang mga pinuno ng pamahalaan at dumalaw sila sa mga makasaysayang lugar, refugee settlement, at sakahan. Nadama ni Pangulong Benson na tagumpay ang paglalakbay sa pagpaparami ng mga pagkakataong makipagkalakalan at pagkakaroon din ng mabuting pakikipagkapwa para sa Simbahan. Nang umuwi sila, naghihintay na ang anak nilang si Beth habang papalapag ang eroplano. Nang makita niya ang kanyang mga magulang, nagtatakbo siya palapit sa kanila habang lumuluha. Nilapitan siya ng kanyang ama at buong pagmamahal na niyakap. Sabi niya, “Sa lahat ng kariktan ng mundo [na nakita namin], ang sandaling iyon ang biglang naging pinakamaganda sa buong biyahe.”13

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Ang pamilya ang pinakamahalagang organisasyon sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.

Itinuturing ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pamilya bilang pinakamahalagang organisasyon sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Itinuturo ng Simbahan na lahat ay dapat isentro at ipalibot sa pamilya. Binibigyang-diin nito na ang pangangalaga sa pamilya sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan ang pinakamahalaga sa lahat.14

Walang makakapalit sa tahanan na nakasisiya. Ang pundasyon nito ay kasintanda ng mundo. Ang misyon nito ay inorden ng Diyos.15

Ang katatagan ng bansa ay nakasalalay sa katatagan ng mga pamilya rito. Ang katatagan ng Simbahan ay nakasalalay sa katatagan ng mga pamilya rito. Ang ating pagkatao ay nakasalalay sa mga pagtitipon ng ating pamilya, sa ating tahanan. … Ang mabuting tahanan ang batong saligan, ang pundasyon ng sibilisasyon. Kailangan itong ingatan. Kailangan itong patatagin.16

Ilang tao ang nagtanong sa akin bilang lider ng Simbahan kung bakit masyado tayong nakatuon sa tahanan at pamilya samantalang may mas malalaking problema sa ating paligid? Ang sagot, mangyari pa, ay na ang mas malalaking problema ay salamin lamang ng mga problema ng bawat tao at pamilya.17

Ang kasal at buhay-pamilya ay inorden ng Diyos. Sa walang-hanggang kahulugan, ang kaligtasan ay responsibilidad ng buong pamilya. Pinapanagot ng Diyos ang mga magulang para sa tungkuling ipinagkatiwala sa kanila sa pagpapalaki sa kanilang pamilya. Napakasagradong responsibilidad nito.18

2

Sa maliligayang pagsasama, mahal at pinaglilingkuran ng mga mag-asawa ang Diyos at ang isa’t isa.

Ang kasal, tahanan, at pamilya ay hindi lamang mga institusyon ng lipunan. Ang mga ito ay banal, hindi gawa ng tao. Inorden ng Diyos ang kasal mula pa sa simula. Sa kasaysayan ng unang kasal na iyon na nakatala sa Genesis, gumawa ang Panginoon ng apat na mahahalagang pahayag: una, na hindi mabuting mapag-isa ang lalaki; ikalawa, na ang babae ay nilikha para makatuwang ng lalaki; ikatlo, na silang dalawa ay dapat maging iisang laman; at ikaapat, na dapat iwanan ng lalaki ang kanyang ama’t ina at pumisan sa kanyang asawa. (Tingnan sa Genesis 2:18, 24.)

Kalaunan, upang lalong patibayin ang naunang pahayag, sinabi ng Panginoon: “Ang pinapagsama nga ng Dios, ay huwag papaghiwalayin ng tao” (Mateo 19:6). Sinabi rin Niya, “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba” (D at T 42:22).19

Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan: “Si Adan ay nagsimulang magbungkal ng lupa … tulad ng ipinag-utos ko, ang Panginoon, sa kanya. At gayon din si Eva, na kanyang asawa, ay nagpagal na kasama niya. … At sila ay nagsimulang dumami at kinalatan ang lupa. … At si Adan at si Eva, na kanyang asawa, ay nanawagan sa pangalan ng Panginoon. … At pinapurihan nina Adan at Eva ang pangalan ng Diyos, at ipinaalam nila ang lahat ng bagay sa kanilang mga anak na lalaki at babae. … At si Adan at si Eva, na kanyang asawa, ay hindi tumigil sa pagtawag sa Diyos.” (Moises 5:1–2, 4, 12, 16.)

Mula sa inspiradong kuwentong ito makikita natin na binigyan tayo nina Adan at Eva ng ulirang halimbawa ng ugnayan ng mag-asawang kasal sa loob ng tipan. Magkasama silang nagtrabaho; magkasama silang nagkaanak; magkasama silang nanalangin; at itinuro nila ang ebanghelyo sa kanilang mga anak—nang magkasama. Ito ang huwarang nais ng Diyos na tularan ng lahat ng matwid na kalalakihan at kababaihan.20

Ang kasal mismo ay kailangang ituring na isang sagradong tipan sa harap ng Diyos. Ang mag-asawang ikinasal ay may obligasyon hindi lamang sa isa’t isa, kundi maging sa Diyos. Nangako Siya ng mga pagpapala sa mga taong gumagalang sa tipang iyon.

Ang katapatan ng isang tao sa mga sumpaan sa kasal ay lubos na kailangan para sa pagmamahal, pagtitiwala, at kapayapaan. Ang pangangalunya ay malinaw na isinusumpa ng Panginoon. …

Pagtitimpi at pagpipigil sa sarili ang kailangang mamayani sa pagsasama ng mag-asawa. Kailangang matuto ang mga mag-asawa na pigilin ang kanilang dila gayundin ang mga simbuyo ng kanilang damdamin.

Ang pagdarasal sa tahanan at magkasama nilang pagdarasal ay magpapatibay sa pagsasama ng [isang mag-asawa]. Unti-unting magkakaisa ang inyong mga isipan, hangarin, at ideya hanggang sa magkaisa kayo sa mga layunin at mithiin.

Umasa sa Panginoon, sa mga turo ng mga propeta, at sa mga banal na kasulatan para sa patnubay at tulong, lalo na kapag may mga di-pagkakaintindihan at problema.

Ang espirituwal na pag-unlad ay dumarating sa magkasamang paglutas ng mga problema—hindi sa pagtakas mula sa mga ito. Ang di-mapigilang pagbibigay-diin ngayon sa pagkakanya-kanya ay nagiging dahilan ng egotismo at paghihiwalay. Ang dalawang taong nagiging “isang laman” ay ang pamantayan pa rin ng Panginoon. (Tingnan sa Gen. 2:24.)

Ang sikreto ng maligayang pagsasama ng mag-asawa ay ang paglingkuran ang Diyos at ang isa’t isa. Ang mithiin ng kasal ay pagkakasundo at pagkakaisa, gayundin ang pag-unlad ng sarili. Bagama’t salungat sa karaniwang paniniwala, kapag higit nating pinaglingkuran ang isa’t isa, higit na uunlad ang ating espiritu at damdamin.21

Polynesian couple on a couch with a photo album.

“Ang pagmamahal na nadarama natin dito … mismo ang nagbibigkis sa mga pamilya para magkasama-sama sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.”

Napakaganda at tahasan ang payo ni Apostol Pablo. Malinaw niyang sinabi, “Mga lalake, ibigin ninyo ang inyo-inyong asawa, gaya naman ni Cristo na umibig sa iglesia” (Mga Taga Efeso 5:25).

Sa paghahayag sa mga huling araw muling binanggit ng Panginoon ang obligasyong ito. Sabi Niya, “Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba” (D at T 42:22). Ang alam ko, may isa pa sa buong banal na kasulatan na inutusan tayong mahalin nang buong puso, at iyan ay ang Diyos mismo. Isipin ninyo ang kahulugan niyan!

Ang ganitong uri ng pagmamahal ay maipapakita sa inyo-inyong asawa sa napakaraming paraan. Una sa lahat, wala nang ibang dapat unahin sa buhay ninyo kaysa inyong asawa maliban mismo sa Diyos—hindi trabaho, hindi paglalaro, hindi mga libangan. Ang inyong asawa ang inyong itinatangi at walang-hanggang katuwang—ang inyong kabiyak.

Ano ang ibig sabihin ng mahalin ang isang tao nang buong puso? Ibig sabihin nito ay magmahal nang buong puso at buong katapatan. Tiyak na kapag buong puso ninyong mahal ang inyong asawa, hindi ninyo siya hihiyain, pipintasan, hahanapan ng mali, o pagsasalitaan ng hindi maganda, pagtatampuhan, o pakikitaan ng hindi maganda.

Ano ang ibig sabihin ng “pumisan sa kanya”? Ibig sabihin nito ay manatiling malapit sa kanya, maging tapat sa kanya, makipag-usap sa kanya, at ipakitang mahal ninyo siya.22

Makikita ng mag-asawang nagmamahalan na ang pagmamahal at katapatan ay nasusuklian. Ang pagmamahalang ito ang lilikha ng kapaligirang mangangalaga sa emosyonal na pag-unlad ng mga anak. Ang buhay-pamilya ay dapat maging panahon ng kaligayahan at kagalakan na maaaring lingunin ng mga anak nang may magagandang alaala at pagsasamahan.23

3

Ang matatag na mga pamilya ay naglilinang ng pagmamahal, pagpipitagan, at suporta para sa bawat miyembro ng pamilya.

Patatagin natin ang pamilya. Ang mga panalangin ng pamilya at personal na panalangin sa umaga’t gabi ay maaaring mag-anyaya ng mga pagpapala ng Panginoon sa ating mga tahanan. Ang oras ng pagkain ay naglalaan ng magandang pagkakataong gunitain ang mga ginawa sa maghapon at pakainin hindi lamang ang katawan kundi maging ang espiritu, na naghahalinhinan ang mga miyembro ng pamilya sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, lalo na ng Aklat ni Mormon. Ang gabi ay magandang pagkakataon para puntahan sa higaan ng abalang ama ang bawat anak niya, kausapin sila, sagutin ang kanilang mga tanong, at sabihin kung gaano niya sila kamahal.24

Ang pamilya ay isa sa pinakamatatag na mga tanggulan ng Diyos laban sa mga kasamaan ng ating panahon. Tulungan ang inyong pamilya na manatiling matatag at malapit sa isa’t isa at karapat-dapat sa mga pagpapala ng ating Ama sa Langit. Kapag ginawa ninyo ito, tatanggap kayo ng pananampalataya at lakas na magpapala sa inyong buhay magpakailanman.25

Ang isang malaking bagay na hinihiling ng Panginoon sa bawat isa sa atin ay ang maglaan ng isang tahanan kung saan umiiral ang masaya at positibong impluwensya sa kabutihan. Sa darating na mga taon ang kamahalan ng mga kasangkapan sa bahay o ang dami ng mga banyo ay hindi na gaanong mahalaga, ang magiging napakahalaga na ay kung nadama ng ating mga anak ang pagmamahal at pagtanggap sa kanila sa tahanan. Magiging napakahalaga kung may kaligayahan at tawanan, o kaya’y may awayan at pagtatalo.26

Ang matagumpay na mga pamilya ay may pagmamahal at paggalang sa bawat miyembro ng pamilya. Alam ng mga miyembro ng pamilya na sila ay minamahal at pinahahalagahan. Dama ng mga anak na mahal sila ng kanilang mga magulang. Sa gayon, sila ay matatag at may tiwala sa sarili.

Ang matatag na mga pamilya ay naglilinang ng epektibong komunikasyon. Pinag-uusapan nila ang kanilang mga problema, sama-sama silang nagpaplano, at nagtutulungan sa iisang mithiin. Ang family home evening at mga family council ay idinaraos at ginagamit bilang mabisang paraan para makamtan ito.

Ang mga ama’t ina sa matatag na mga pamilya ay nananatiling malapit sa kanilang mga anak. Nag-uusap-usap sila. Ang ilang ama ay pormal na iniinterbyu ang bawat anak, ang iba naman ay ginagawa ito nang impormal, at ang iba ay regular na nag-uukol ng panahon upang sarilinang makasama ang bawat anak.

Bawat pamilya ay may mga problema at pagsubok. Ngunit sinisikap ng matagumpay na mga pamilya na pagtulungang lutasin ito sa halip na magpintasan at magtalu-talo. Ipinagdarasal nila ang isa’t isa, nag-uusap-usap sila, at pinalalakas nila ang loob ng bawat isa. Paminsan-minsan ang mga pamilyang ito ay sama-samang nag-aayuno para suportahan ang isa sa mga miyembro ng pamilya.

Ang matatag na mga pamilya ay sumusuporta sa isa’t isa.27

4

Ang tahanan ang pinakamainam na lugar para matutuhan ng mga anak ang mga alituntunin at pamantayan ng ebanghelyo.

Ang pamilya ang pinakamabisang lugar para ikintal sa mga miyembro nito ang mga pinahahalagahan sa kawalang-hanggan. Kapag ang buhay-pamilya ay matatag at nakabatay sa mga alituntunin at pamantayan ng ebanghelyo ni Jesucristo, … hindi gayon kadaling magkaroon ng mga problema.28

Natuklasan ng matatagumpay na magulang na hindi madaling magpalaki ng mga anak sa isang kapaligirang puno ng kasamaan. Samakatwid, kusa silang gumagawa ng mga hakbang para mailaan ang pinakamabubuting impluwensya sa mga anak. Ang mga alituntunin ng moralidad ay itinuturo. Naglalaan ng mabubuting aklat at binabasa ang mga ito. Kontrolado ang panonood ng telebisyon. May maganda at nakasisiglang musika. Ngunit ang pinakamahalaga, ang mga banal na kasulatan ay binabasa at tinatalakay upang makatulong sa espirituwal na pag-unlad ng isipan.

Sa matatagumpay na tahanan ng mga Banal sa mga Huling Araw, tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na maunawaan ang pananampalataya sa Diyos, pagsisisi, binyag, at ang kaloob na Espiritu Santo. (Tingnan sa D at T 68:25.)

Ang pagdarasal ng pamilya ay laging ginagawa ng mga pamilyang ito. Panalangin ang paraan upang magpasalamat para sa mga pagpapala at mapakumbabang kilalanin ang pag-asa sa Diyos na Maykapal para sa kalakasan, kabuhayan, at suporta.

Mahusay at totoo ang kasabihan na ang mga pamilyang sama-samang lumuluhod para manalangin ay nakatayo nang matuwid sa harap ng Panginoon!29

Kailangang malaman ng mga anak kung sino sila sa walang-hanggang kahulugan ng kanilang pagkatao. Kailangan nilang malaman na mayroon silang Ama sa Langit na maaasahan nila, na madarasalan nila, at makapagbibigay sa kanila ng patnubay. Kailangan nilang malaman kung saan sila nanggaling para magkaroon ng kahulugan at layunin ang kanilang buhay.

Ang mga anak ay kailangang turuang manalangin, umasa sa Panginoon para sa patnubay, at magpasalamat para sa mga pagpapala sa kanila. Naaalala ko pang lumuluhod ako sa tabi ng higaan ng maliliit na anak namin, at tinulungan ko silang manalangin.

Kailangang ituro sa mga bata ang kaibhan ng tama sa mali. Kaya nila at kailangan nilang matutuhan ang mga utos ng Diyos. Kailangang ituro sa kanila na mali ang magnakaw, magsinungaling, mandaya, o mag-imbot sa pag-aari ng iba.

Ang mga anak ay kailangang turuang magtrabaho sa bahay. Dapat nilang matutuhan doon na ang matapat na pagtatrabaho ay nagbibigay ng dignidad at paggalang sa sarili. Dapat nilang malaman ang kasiyahan sa pagtatrabaho, sa mahusay na pagtatrabaho.

Ang oras ng paglilibang ng mga bata ay kailangang ituon sa makabuluhan at positibong mga gawain.30

Nilayon na patatagin at pangalagaan ang pamilya, ang home evening program ng Simbahan ay nagtalaga ng isang gabi bawat linggo para tipunin ng mga ama’t ina ang kanilang mga anak sa paligid nila sa tahanan.31

Ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay maaaring ikintal sa isipan sa pamamagitan ng epektibong mga family home evening kung saan mapapatatag ang mga kabataan upang hindi sila matakot para sa kanilang hinaharap. Ang gayong pagtuturo ay kailangang gawin nang may pananampalataya, patotoo, at magandang pananaw.32

Ang pagsasaayos sa inyong tahanan ay pagsunod sa mga utos ng Diyos. Naghahatid ito ng pagkakasundo at pagmamahalan. … Ito ay araw-araw na pagdarasal ng pamilya. Ito ay pagtuturo sa inyong pamilya na maunawaan ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ito ay pagsunod ng bawat miyembro ng pamilya sa mga utos ng Diyos. Ito ay … pagiging marapat na tumanggap ng temple recommend, na lahat ng miyembro ng pamilya ay tumatanggap ng mga ordenansa ng kadakilaan, at ang inyong pamilya ay sama-samang nabubuklod para sa kawalang-hanggan. Ito ay pagiging malaya sa matinding pagkakautang, na ang mga miyembro ng pamilya ay tapat na nagbabayad ng mga ikapu at handog.33

5

Inihayag ng Diyos na ang pamilya ay maaaring magpatuloy hanggang sa kabilang-buhay.

Ang pagmamahal na nadarama natin dito ay hindi panandalian lamang, kundi ito mismo ang nagbibigkis sa mga pamilya para magkasama-sama sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.34

Sa pamamagitan ni Joseph Smith inihayag ng Diyos ng Langit ang katotohanan na ang pamilya ay maaaring magpatuloy hanggang sa kabilang-buhay—na ang ating mga pagdamay, malasakit, at pagmamahal sa isa’t isa ay maaaring umiral magpakailanman.35

Walang sakripisyong napakalaki para matanggap ang mga pagpapala ng walang-hanggang kasal. Para sa karamihan sa atin, malapit lang ang templo, marahil nga ay napakalapit kaya hindi napapahalagahan ang pagpapala. Tulad ng iba pang mga bagay ukol sa katapatan sa pamumuhay ng ebanghelyo, ang makasal sa paraan ng Panginoon ay nangangailangan ng kahandaang ilayo ang inyong sarili sa kasamaan—kamunduhan—at ng determinasyong sundin ang kalooban ng ating Ama. Sa pagpapakitang ito ng pananampalataya, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos at ang malasakit sa ating mga inapong hindi pa ipinanganganak. Yamang ang ating pamilya ang pinakamalaking pinagmumulan ng kagalakan sa buhay na ito, gayon din ito sa kawalang-hanggan.36

Tahanan at pamilya. Nagbabalik ang masasayang alaala mabanggit lang ang katangi-tanging mga salitang ito! Dalangin ko para sa inyo, nang buong kaluluwa ko, na matikman ninyo ang di-masambit na kagalakan at kasiyahan ng maging kagalang-galang na magulang. Hindi ninyo mararanasan ang isa sa pinakamatitinding kagalakan sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan kung sadya ninyong iiwasan ang mga responsibilidad ng pagiging magulang at pagbubuo ng tahanan. Tulad ng inihayag sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ang maluwalhating konsepto ng tahanan at ang tumatagal na ugnayan ng pamilya ay nasa mismong batayan ng ating kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang-buhay.37

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Itinuro ni Pangulong Benson na, “Sa walang-hanggang kahulugan, ang kaligtasan ay responsibilidad ng buong pamilya” (bahagi 1). Ano ang kahulugan nito sa inyo? Ano ang magagawa ng mga miyembro ng pamilya para sa kaligtasan ng isa’t isa?

  • Habang pinag-aaralan ninyo ang payo ni Pangulong Benson sa bahagi 2, pagbulayan kung paano ito nauugnay sa tinawag niyang “sikreto ng maligayang pagsasama ng mag-asawa.” Sa palagay ninyo bakit humahantong sa kaligayahan ang “sikreto” na ito?

  • Sa bahagi 3, isipin ang sinabi ni Pangulong Benson tungkol sa mga gawi ng matatagumpay na pamilya. Sa anong mga paraan pinatitibay ng mga gawing ito ang mga pamilya? Pagbulayan kung ano ang magagawa ninyo para masunod ang payong ito.

  • Sa palagay ninyo bakit ang pamilya “ang pinakamabisang lugar para ikintal ang mga pinahahalagahan sa kawalang-hanggan”? (Tingnan sa bahagi 4, na pinapansin ang partikular na payo ni Pangulong Benson tungkol sa pagtuturo sa pamilya.) Kailan kayo nakakita ng mga miyembro ng pamilya na nagtutulungan para matutuhan ang mga alituntunin ng ebanghelyo?

  • Pinatotohanan ni Pangulong Benson na ang mga pamilya ay maaaring “magpatuloy hanggang sa kabilang-buhay” (bahagi 5). Ano ang naiisip at nadarama ninyo habang pinagbubulayan ninyo ang katotohanang ito? Ano ang ilang “masasayang alaala” na dumarating sa inyo mabanggit lang ang tahanan at pamilya?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mga Awit 127:3–5; I Mga Taga Corinto 11:11; 3 Nephi 18:21; D at T 49:15; 132:18–19; tingnan din sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 2010, 129

Tulong sa Pag-aaral

“Napakabisa ng pag-aaral ninyo ng ebanghelyo kapag tinuturuan kayo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Palaging simulan ang pag-aaral mo ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pananalangin na tulungan ka ng Espiritu Santo na matuto” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 20).

Mga Tala

  1. Sa Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography (1987), 363.

  2. The Teachings of Ezra Taft Benson (1988), 493.

  3. Tingnan sa Ezra Taft Benson: A Biography, 126.

  4. Sa Derin Head Rodriguez, “Flora Amussen Benson: Handmaiden of the Lord, Helpmeet of a Prophet, Mother in Zion,” Ensign, Mar. 1987, 20.

  5. Sa “Flora Amussen Benson: Handmaiden of the Lord, Helpmeet of a Prophet, Mother in Zion,” 14.

  6. Tingnan sa Ezra Taft Benson: A Biography, 179.

  7. Barbara Benson Walker, sa Ezra Taft Benson: A Biography, 179.

  8. Mark Amussen Benson, sa “Flora Amussen Benson: Handmaiden of the Lord, Helpmeet of a Prophet, Mother in Zion,” 20.

  9. Reed Amussen Benson, sa Ezra Taft Benson: A Biography, 140.

  10. Flora Amussen Benson, sa Ezra Taft Benson: A Biography, 133.

  11. Sa Ezra Taft Benson: A Biography, 178.

  12. Sa Ezra Taft Benson: A Biography, 126.

  13. Sa Ezra Taft Benson: A Biography, 327.

  14. The Teachings of Ezra Taft Benson, 489.

  15. Sa Conference Report, Abr. 1949, 198.

  16. Sa Conference Report, Okt. 1953, 122.

  17. The Teachings of Ezra Taft Benson, 521.

  18. “Fundamentals of Enduring Family Relationships,” Ensign, Nob. 1982, 59.

  19. The Teachings of Ezra Taft Benson, 534.

  20. The Teachings of Ezra Taft Benson, 534.

  21. “Fundamentals of Enduring Family Relationships,” 59, 60.

  22. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson (2003), 209–10.

  23. “Fundamentals of Enduring Family Relationships,” 59.

  24. The Teachings of Ezra Taft Benson, 491.

  25. “To the ‘Youth of the Noble Birthright,’” Ensign, Mayo 1986, 43.

  26. “Great Things Required of Their Fathers,” Ensign, Mayo 1981, 34.

  27. “Counsel to the Saints,” Ensign, Mayo 1984, 6.

  28. “Fundamentals of Enduring Family Relationships,” 59.

  29. “Counsel to the Saints,” 6–7.

  30. “Fundamentals of Enduring Family Relationships,” 60.

  31. The Teachings of Ezra Taft Benson, 528.

  32. “May the Kingdom of God Go Forth,” Ensign, Mayo 1978, 33.

  33. “Great Things Required of Their Fathers,” 36.

  34. The Teachings of Ezra Taft Benson, 492.

  35. The Teachings of Ezra Taft Benson, 490.

  36. “This Is a Day of Sacrifice,” Ensign, Mayo 1979, 33–34.

  37. The Teachings of Ezra Taft Benson, 491–92.