Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 16: Ang Matatanda sa Simbahan


Kabanata 16

Ang Matatanda sa Simbahan

“Ang mga ginintuang taon na ito nawa ang maging pinakamagagandang taon ninyo habang kayo ay nabubuhay nang matiwasay at nagmamahal at naglilingkod. At pagpalain nawa ng Diyos yaong mga tumutugon sa inyong mga pangangailangan—ang inyong pamilya, mga kaibigan, at kapwa mga miyembro at lider ng Simbahan.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

Si Ezra Taft Benson ay 86 na taong gulang nang maging Pangulo ng Simbahan. Nadama niya ang kagalakan at mga hamong dumarating sa mga huling yugto ng buhay. Ang isang ikinagalak niya ay ang patuloy na pagsasama nila ng asawa niyang si Flora. Ipinagdiwang ng mag-asawa ang ika-60 taong anibersaryo ng kanilang kasal sa unang taon niya bilang Pangulo. Nasiyahan silang makasama ang isa’t isa at magkasama silang dumalo sa templo halos tuwing Biyernes ng umaga. Sa salu-salo sa kanyang ika-87 kaarawan, may nagtanong kay Pangulong Benson ng sikreto niya sa kanyang mahaba at masayang buhay. “Bago pa siya nakasagot, sinabi ni Sister Benson, nang may panunukso ngunit makahulugan, ‘Mabait ang kanyang asawa.’”1

Sa kanilang katandaan, gustung-gusto nina Pangulo at Sister Benson na mag-ukol ng oras sa piling ng kanilang mga anak at apo, at patuloy na natuto ang kanilang pamilya sa kanilang halimbawa. “Isang apong babae ang tumira sa kanyang lolo’t lola sa halos buong unang labingwalong buwan niya bilang pangulo, at sa kanilang kahilingan ay madalas niya silang samahan sa paglalakbay para alalayan sila at asikasuhin ang kanilang personal na mga pangangailangan. At namasdan niya mismo ang kanyang lolo’t lola sa bahay—ang mga deyt nila sa isang ice cream parlor; pag-upo nila sa sopa na magkahawak-kamay habang magkasamang ginugunita ang nakaraan, kumakanta, at nagtatawanan; ang magiliw nilang pakikipag-usap sa mga home teacher at iba pang bisita.”2

Natanto ng mga apo na malaking pagpapala ang maimpluwensyahan ng matalino at mapagmahal na mga lolo’t lola. “Isang apong babae ang sumulat ng pasasalamat matapos magbigay ng payo si Pangulong Benson sa kanilang mag-asawa tungkol sa isang mahirap na desisyon. ‘Tinanong po namin ang inyong opinyon at sabi ninyo, “Ipagdasal ninyo ito. Nananalig ako na tama ang gagawin ninyong desisyon.” Ang pananalig ninyo sa amin ay nagbigay sa amin ng dagdag na tiwala sa aming sarili.’”3

Para sa pangkalahatang kumperensya na kasunod kaagad ng kanyang ika-90 kaarawan, naghanda ng isang mensahe si Pangulong Benson patungkol “sa matatanda sa Simbahan at sa kanilang mga pamilya at sa mga yaong tumutugon sa kanilang mga pangangailangan.” Sa pambungad, ipinahayag niya ang kanyang personal na kaugnayan sa paksa: “Espesyal sa akin ang matatanda—sa kahanga-hangang grupong ito ng kalalakihan at kababaihan. Dama ko na kahit paano ay nauunawaan ko sila, sapagkat isa ako sa kanila.”4

President Ezra Taft Benson smiling.  Photographed at the October 1982 general conference.

“Espesyal sa akin ang matatanda. … Dama ko na kahit paano ay nauunawaan ko sila, sapagkat isa ako sa kanila.”

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Kilala at mahal ng Panginoon ang matatanda at ipinagkaloob sa kanila ang marami sa Kanyang pinakamalalaking responsibilidad.

Kilala at mahal ng Panginoon ang matatanda sa Kanyang mga tao. Ganito na noon pa man, at ipinagkaloob Niya sa kanila ang marami sa Kanyang pinakamalalaking responsibilidad. Sa iba’t ibang dispensasyon ginabayan Niya ang Kanyang mga tao sa pamamagitan ng mga propetang may edad na. Kailangan Niya ang karunungan at karanasan ng matatanda, ang inspiradong patnubay ng maraming taon ng subok na katapatan sa Kanyang ebanghelyo.

Pinagpala ng Panginoon si Sara, sa kanyang katandaan, na mabigyan ng anak si Abraham. Marahil ang pinakadakilang sermon ni Haring Benjamin ay ibinigay noong matandang-matanda na siya at malapit nang mamatay. Tunay na siya ay isang kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon dahil nagawa niyang pamunuan at payapain ang kanyang mga tao.

Maraming iba pang kalalakihan at kababaihan sa kasaysayan ng mundo na nakagawa ng mga dakilang bagay nang humayo sila upang maglingkod sa Panginoon at sa Kanyang mga anak, kahit matatanda na sila.

Sa ating dispensasyon, sa [mga] propetang tinawag ng Panginoon, maraming tinawag na mga pitumpu o walumpung taon ang edad, o mas matanda pa. Kilalang-kilala at mahal na mahal ng Panginoon ang Kanyang mga anak na maraming naiambag dahil sa mga taon ng kanilang karanasan!

Mahal namin kayo na matatanda sa Simbahan. Kayo ang pinakamabilis dumami sa ating populasyon sa mundo ngayon, gayundin sa loob ng Simbahan.

Hangad namin na ang mga ginintuang taon ng inyong buhay ay maging maganda at kapaki-pakinabang. Dalangin namin na madama ninyo ang kagalakan ng mainam na pamumuhay at puno ng magagandang alaala at mas malalaki pang inaasahan dahil sa pagbabayad-sala ni Cristo. Umaasa kami na madarama ninyo ang kapayapaang ipinangako ng Panginoon sa mga patuloy na nagsisikap na sundin ang Kanyang mga utos at tularan ang Kanyang halimbawa. Umaasa kami na ang inyong mga araw ay puno ng mga bagay na gagawin at ng mga paraan na makapaglilingkod kayo sa iba na hindi naging mapalad na katulad ninyo. Halos sa tuwina ang ibig sabihin ng mas matanda ay mas mabuti, sapagkat ang yaman ng inyong karunungan at karanasan ay maaaring patuloy na lumawak at maragdagan kapag tumulong kayo sa iba.5

2

Maaari nating mapakinabangan nang husto ang ating katandaan.

Magmumungkahi kami ng walong aspeto kung paano natin mapapakinabangan nang husto ang ating katandaan:

1. Magtrabaho sa templo at magpunta rito nang madalas. Tayong mas matatanda ay dapat gamitin ang ating lakas hindi lamang para tulungan ang mga sinundan natin, kundi para tiyakin, hangga’t maaari, na matanggap ng lahat ng ating inapo ang mga ordenansa ng kadakilaan sa templo. Makipagtulungan sa inyong mga pamilya; payuhan at ipagdasal yaong mga ayaw pang ihanda ang kanilang sarili.

Hinihimok namin ang lahat ng may kakayahan na pumunta nang madalas sa templo at tumanggap ng mga tawag na maglingkod sa templo kapag kaya ng kanilang kalusugan at lakas na gawin ito at hindi ito kalayuan. Umaasa kaming tutulong kayo sa paglilingkod sa templo. Sa dumaraming mga templo, kailangan nating ipahanda sa mas marami nating miyembro ang kanilang sarili para sa kapaki-pakinabang na paglilingkod na ito. Nagpapasalamat kami ni Sister Benson na halos bawat linggo ay magkasama kaming nakakapunta sa templo. Napakalaking pagpapala nito sa aming buhay!

2. Mangolekta at sumulat ng mga kasaysayan ng pamilya. Hinihiling namin sa inyo na patuloy na masigasig na magtipon at sumulat ng mga personal na kasaysayan at kasaysayan ng pamilya. Sa napakaraming pagkakataon, kayo lamang ang nakakaalam ng kasaysayan, ng alaala ng mga mahal sa buhay, ng mga petsa at kaganapan. Sa ilang sitwasyon kayo ang kasaysayan ng pamilya. May iilang paraan lamang para mas maingatan ang inyong pamana kaysa magkolekta at sumulat kayo ng inyong mga kasaysayan.

3. Makibahagi sa paglilingkod sa misyon. Kailangan natin ng mas marami pang senior missionary na maglilingkod sa misyon. Kapag mabuti ang kalusugan at may panustos, nananawagan kami sa daan-daan pa nating mga mag-asawa na ayusin ang kanilang buhay at mga alalahanin at magmisyon. Kailangang-kailangan namin kayo sa mission field! Nakapaglilingkod kayo sa misyon sa mga paraang hindi kaya ng nakababata nating mga missionary.

Nagpapasalamat ako na dalawa sa sarili kong mga kapatid na biyuda ang magkasamang nakapaglingkod sa misyon sa England. Sila ay animnapu’t walo at pitumpu’t tatlong taong gulang na nang tawagin sila, at kapwa sila nagkaroon ng napakagandang karanasan.

Napakagandang halimbawa at pagpapala sa mga inapo ng isang pamilya kapag nagmisyon ang mga lolo’t lola. Karamihan sa mga senior couple na nagmimisyon ay lumalakas at muling sumisigla sa paglilingkod sa misyon. Sa pamamagitan ng banal na paraang ito ng paglilingkod, maraming napapabanal at nakadarama ng galak na ipaalam sa iba ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. …

4. Pamunuan ang pagkakaroon ng pagsasama-sama ng pamilya. Hinihimok namin ang lahat ng senior member, kapag maaari, na tipunin ang kanilang mga pamilya. Ayusin sila sa nagkakaisang mga grupo. Mamuno sa mga pagtitipon ng pamilya. Magtakda ng mga family reunion kung saan madarama at matututuhan ang pakikisalamuha at pamana ng pamilya. Ang ilan sa masasaya kong alaala ay ang mga family reunion at pagtitipon namin sa pamilya. Magsulong ng magagandang tradisyon ng pamilya na magbibigkis sa inyo sa kawalang-hanggan. Sa paggawa nito, makalilikha tayo ng kapirasong langit dito sa lupa sa ating sari-sariling pamilya. Tutal, ang kawalang-hanggan ay pagpapatuloy lamang ng matwid na pamumuhay ng pamilya.

5. Tumanggap at gumanap ng mga tungkulin sa Simbahan. Tiwala kami na lahat ng senior member na may kakayahan ay tatanggap ng mga katungkulan sa Simbahan at gagampanan ito nang may dignidad. Nagpapasalamat akong makilala nang personal ang mga kapatid na mga pitumpu at walumpung taong gulang na naglilingkod bilang mga bishop at branch president. Kailangang-kailangan namin ang payo at impluwensya ninyo na marami nang karanasan sa buhay! Kailangan naming lahat na marinig ang inyong mga tagumpay at kung paano ninyo nalagpasan ang kalungkutan, pasakit, o kabiguan, at naging mas matatag pa kayo sa pagdanas ng mga ito.

Marami kayong pagkakataong makapaglingkod sa halos lahat ng organisasyon ng Simbahan. Mayroon kayong panahon at matibay na pundasyon ng ebanghelyo para makapaglingkod. Sa napakaraming paraan kayo ang nangunguna sa tapat na paglilingkod sa Simbahan. Salamat sa lahat ng nagawa ninyo at dalangin namin na palakasin kayo ng Panginoon upang marami pa kayong magawa.

6. Planuhin na maging matatag ang inyong pinansyal sa hinaharap. Habang papalapit na kayo sa pagreretiro at sa susunod pang mga dekada, inaanyayahan namin ang lahat ng ating senior member na planuhing magtipid para sa susunod na mga taon kapag nagretiro na kayo. Iwasan natin ang di-kailangang pangungutang. Pinapayuhan din namin kayong mag-ingat sa pagpirma (cosigning) sa mga utang ng iba, kahit pa mga miyembro ng pamilya, kapag nakataya ang kikitain ninyo sa pagreretiro.

Lalo pang mag-ingat habang tumatanda sa mga pakanang “biglaang pagyaman,” pagsasangla ng bahay, o pamumuhunan sa walang-katiyakang mga negosyo. Mamuhay nang maingat para hindi masira ng isa o sunud-sunod na mga maling desisyon sa paghawak ng pera ang mga plano ninyo sa buhay. Planuhin nang maaga na maging matatag ang inyong pinansyal sa hinaharap, pagkatapos ay sundin ang plano.

7. Maglingkod na tulad ni Cristo. Ang paglilingkod na tulad ni Cristo ay nagpapadakila. Nababatid ito, nananawagan kami sa lahat ng senior member na may kakayahang humayo para maglingkod sa iba. Maaari itong maging bahagi ng pagpapadalisay. Nangako ang Panginoon na ang mga mawawalan ng buhay sa paglilingkod sa iba ay masusumpungan iyon. Sinabi sa atin ni Propetang Joseph Smith na dapat nating “ilaan ang ating buhay” sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Panginoon (D at T 123:13).

Magkakamit ng kapayapaan at kagalakan at mga pagpapala ang mga taong naglilingkod sa iba. Oo, pinupuri namin ang paglilingkod na tulad ni Cristo sa lahat, ngunit mas masaya ito sa buhay ng matatanda.

8. Manatiling malakas, malusog, at aktibo. Tuwang-tuwa kami sa mga pagsisikap ng napakaraming matatanda upang matiyak ang kanilang mabuting kalusugan sa kanilang pagtanda. …

Natutuwa kaming makita na nananatiling masigla at aktibo ang ating matatanda! Sa pananatiling aktibo, kapwa gumagana nang mas maayos ang isip at katawan.6

A Brazilian man reading the scriptures.  He is sitting on a bus.

“Ang mga ginintuang taon na ito nawa ang maging pinakamagagandang taon ninyo habang kayo ay nabubuhay nang matiwasay at nagmamahal at naglilingkod.”

3

Ang paglilingkod sa kapwa ay nakatutulong sa paghilom ng mga taong nawalan ng mga mahal sa buhay o natatakot na mapag-isa.

Sa inyo na nawalan na ng asawa, gusto rin naming ipahayag ang aming pagmamahal. Kung minsan nadarama ng ilan sa inyo ang kawalan ng silbi at lumbay na halos hindi ninyo malabanan. Sa maraming pagkakataon, hindi kailangang magkaganito. Bukod pa sa walong mungkahing nabanggit, narito ang halimbawa ng mga aktibidad na napatunayang nakatulong sa iba.

Ang ilang tao na nag-iisa ay nananatiling abala sa pagtatahi ng mga kubrekama para sa bawat apong ikakasal o sa bawat bagong sanggol na isinisilang sa pamilya. Ang iba ay sumusulat ng mga liham sa may-kaarawan o dumadalo sa mga kaganapan sa paaralan at mga palaro kapag kaya nila. Ang ilan naman ay inilalagay sa album ang mga retrato ng bawat apo para ibigay sa kanilang kaarawan. …

Nakikita natin ang marami pang iba sa ating mga biyuda na nagboboluntaryo … sa mga hospital o sa iba pang mga uri ng paglilingkod sa komunidad. Napakaraming nasisiyahan sa pagtulong sa ganitong mga paraan.

Ang susi para malabanan ang pag-iisa at damdamin ng kawalan ng silbi ng isang taong malusog ang pangangatawan ay kalimutan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na talagang nangangailangan. Nangangako kami sa mga maglilingkod sa ganitong paraan na, kahit paano, mawawala ang lungkot ninyo sa pagkawala ng mga mahal ninyo sa buhay o ang takot ninyong mapag-isa. Ang paraan para bumuti ang pakiramdam tungkol sa sarili ninyong sitwasyon ay ang pagandahin ang sitwasyon ng ibang tao.7

4

Sa panahon ng karamdaman at pasakit, maaari tayong manatiling matatag at masigla.

Sa mga taong may karamdaman at nagdaranas ng sakit at malalaking pagbabago sa buhay na ito, ipinaaabot namin ang aming pagmamahal at malasakit. Inaalala at ipinagdarasal namin kayo. Alalahanin ang sinabi ni amang Lehi nang basbasan niya ang kanyang anak na si Jacob, na pinahirapan ng kanyang mga kuya na sina Laman at Lemuel. Sabi niya, “Nalalaman mo ang kadakilaan ng Diyos; at kanyang ilalaan ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan” (2 Nephi 2:2). At gagawin niya rin iyon para sa inyo.

Dalangin namin na patuloy ninyong sisikaping manatiling matatag at masigla. Alam namin na hindi ito palaging madali. Dalangin namin na yaong mga gumagawa ng mga gawaing hindi na ninyo magawa para sa inyong sarili ay gagawin ito nang may pagmamahal, kahinahunan, at pagmamalasakit.

Umaasa kami na patuloy kayong magkakaroon ng mabubuting kaisipan at damdamin sa inyong puso’t isipan at mabilis ninyong iwawaksi yaong mga makasasama at magpapahamak sa inyo. Tiwala kami na araw-araw at oras-oras kayong nagdarasal, kung kailangan. Gaya ng itinuturo sa Aklat ni Mormon, “Mabuhay na nagpapasalamat araw-araw, sa maraming awa at pagpapalang ipinagkaloob [ng Diyos] sa inyo” (Alma 34:38).

Makikita ninyo na ang araw-araw na pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay magpapasigla sa inyong espiritu, mas maglalapit sa inyo sa Tagapagligtas, at tutulungan kayong maging mag-aaral ng ebanghelyo na makapagbabahagi ng mga dakilang katotohanan sa iba.8

5

Mahalagang ipakita ng mga pamilya sa kanilang matatanda nang magulang at lolo’t lola ang pagmamahal, pag-aaruga, at paggalang na nararapat sa kanila.

Ngayo’y ilang minuto akong magsasalita sa mga kapamilya ng matatanda. Uulitin namin ang talata mula sa Mga Awit: “Huwag mo akong itakuwil sa katandaan; huwag mo akong pabayaan pagka ang aking kalakasan ay manglupaypay” (Mga Awit 71:9).

Hinihikayat namin ang mga pamilya na ipakita sa kanilang matatanda nang magulang at lolo’t lola ang pagmamahal, pag-aaruga, at pag-aasikasong nararapat sa kanila. Tandaan natin ang utos sa banal na kasulatan na kailangan nating arugain yaong mga nasa sarili nating bahay nang tayo’y hindi ituring na “lalong masama kay sa hindi sumasampalataya” (I Kay Timoteo 5:8). Labis akong nagpapasalamat sa sarili kong mahal na pamilya at sa mapagmahal na pag-aaruga nila sa kanilang mga magulang sa loob ng napakaraming taon.

Tandaan na responsibilidad natin ang mga magulang at lolo’t lola, at kailangan natin silang arugain sa abot ng ating makakaya. Kapag ang matatanda ay walang mga pamilyang mag-aaruga sa kanila, dapat gawin ng mga lider ng priesthood at Relief Society ang lahat para matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa gayong mapagmahal na paraan. Narito ang ilang mungkahi namin sa mga kapamilya ng matatanda.

Mula nang ukitin ng Panginoon ang Sampung Utos sa mga tapyas ng bato, inulit-ulit na ang Kanyang mga salita sa paglipas ng mga siglo na “igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12).

Ang ibig sabihin ng igalang at pagpitaganan ang ating mga magulang ay na mataas ang pagpapahalaga natin sa kanila. Minamahal at pinahahalagahan natin sila at inaalala natin ang kaligayahan at kapakanan nila. Tinatrato natin sila nang may paggalang at maingat na pagsasaalang-alang. Hinahangad nating maunawaan ang kanilang pananaw. Tiyak na ang pagsunod sa mabubuting hangarin at kagustuhan ng mga magulang ay bahagi ng paggalang.

At ang isa pa, nararapat nating igalang at pagpitaganan ang ating mga magulang dahil sila ang nagbigay sa atin ng buhay. Bukod dito halos sa tuwina ay marami silang ginawang sakripisyo sa pag-aaruga at pag-aalaga sa atin noong sanggol tayo at sa ating pagkabata, binigyan nila tayo ng mga pangangailangan natin sa buhay, at inalagaan tayo sa mga karamdaman at sakit ng damdamin sa ating paglaki. Sa maraming pagkakataon, binigyan nila tayo ng pagkakataong makapag-aral, at, kahit paano, tinuruan nila tayo. Karamihan sa nalalaman at ginagawa natin ay natutuhan natin mula sa kanilang halimbawa. Nawa’y tumanaw tayo ng utang na loob sa kanila at ipakita natin iyon.

Matuto rin tayong magpatawad sa ating mga magulang, na, nakagawa man ng mga pagkakamali habang pinalalaki tayo, ay ginawa halos sa tuwina ang lahat ng alam nilang pinakamainam. Nawa’y lagi natin silang patawarin tulad ng pagnanais nating mapatawad ng sarili nating mga anak sa nagagawa nating mga pagkakamali.

Kahit tumanda na ang mga magulang, dapat natin silang igalang sa pagbibigay sa kanila ng kalayaang pumili at ng pagkakataong magsarili hangga’t maaari. Huwag nating alisin sa kanila ang mga pagpiling kaya pa nilang gawin. Kaya pa ng ilang magulang na mabuhay mag-isa at alagaan ang kanilang sarili hanggang sa tumanda sila at mas gugustuhin nilang gawin iyon. Kapag kaya nila, hayaan sila.

Kung hindi na nila gaanong makayanang mabuhay mag-isa, maaaring kailanganin nila ang tulong ng pamilya, Simbahan, at komunidad. Kapag hindi na makaya ng matatanda na alagaan ang kanilang sarili, kahit may tulong, maaari silang paalagaan sa bahay ng isang miyembro ng pamilya hangga’t maaari. Maaari ding kailanganin ang tulong ng Simbahan at komunidad sa sitwasyong ito.

Ang papel ng tagapag-alaga ay mahalaga. Malaki ang pangangailangang suportahan at tulungan ang taong ito. Karaniwan ay isa itong matandang asawa o anak na babaing nasa katanghalian ang gulang na may sariling mga anak na aalagaan at nag-aalaga pa ng matanda nang magulang.9

6

Ang mga taong pinalad na mapalapit sa mga lolo’t lola at iba pang matatanda ay pinagpala na makasama at makahalubilo sila.

Umaasa rin kami na isasali ninyo ang matatanda sa mga aktibidad ng pamilya hangga’t maaari. Nakakatuwang makita namin ang masisigla at malalambing na mga apo na may kasamang isang mapagmahal na lolo o lola. Gustung-gusto ng mga bata ang gayong mga okasyon. Gustung-gusto nilang bisitahin sila ng mga lolo’t lola nila at makasama sila sa pagkain, sa mga family home evening, at sa iba pang mga espesyal na kaganapan. Nagbibigay ito ng mga pagkakataong magturo ng mga paraan ng paggalang, pagmamahal, pagpipitagan, at pag-aaruga sa matatanda.

Maaaring magkaroon ng malaking impluwensya ang mga lolo’t lola sa kanilang mga apo. Karaniwan ay mas marami silang oras at hindi sila gaanong abala na tulad ng mga magulang, kaya maaari silang magbuklat at magbasa ng mga aklat, magkuwentuhan, at magturo kung paano ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Sa gayon ay nagkakaroon ng pananaw sa buhay ang mga bata na hindi lamang kapaki-pakinabang kundi maaaring magdulot sa kanila ng seguridad, kapayapaan, at lakas. Maaaring magpadala ng mga liham, [recording], at retrato, lalo na kapag napakalayo ng lugar at hindi posibleng magkita-kita nang madalas. Ang mga taong pinalad na mapalapit sa mga lolo’t lola at sa iba pang matatanda ay pinagpala na makasama at makahalubilo sila. Maaaring may mga pagkakataon silang makadalo sa mga graduation, kasalan, temple excursion, … at iba pang espesyal na mga kaganapang kasama ang mga miyembro ng pamilya.

Masaya naming minamasdan ang aming mga anak at apo na lumalaki at nagtatagumpay sa espesyal na mga paraan habang kabahagi kami sa marami sa kanilang mga kagalakan at nagagalak kami sa kanilang mga tagumpay. Puno ng kaligayahan ang aming buhay habang nagsisikap at nagtatagumpay ang aming mga anak sa sarili nilang buhay. Sa III Ni Juan 1:4 mababasa natin, “Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan.” At ang malaman ito ay maaaring maghatid ng panibagong pagmamahal at lakas-ng-loob na magpatuloy sa sarili naming mga pakikibaka.10

A young woman visting with an elderly woman in a wheelchair.

“Maaaring magkaroon ng malaking impluwensya ang mga lolo’t lola sa kanilang mga apo.”

7

Dapat ay mapanalanging hangarin ng mga lider ng Simbahan ang Espiritu sa pagtulong sa mga miyembro na tugunan ang mga pangangailangan ng matatanda.

Hinihimok namin … ang mga lider ng priesthood ng matatanda na maging sensitibo sa Espiritu ng ating Ama sa Langit sa pag-alam at pagtugon sa espirituwal, pisikal, emosyonal, at pinansyal na mga pangangailangan ng matatanda. Tiwala kami na gagamitin ninyo ang inyong mga tagapayo, mga lider ng korum sa Melchizedek Priesthood, at mga lider sa Relief Society, mga home teacher, at mga visiting teacher sa malaking responsibilidad na ito, sapagkat kailangan nating gampanan ang mga tungkuling ito nang walang pag-aatubili o pag-aalangan.

Umaasa kami na patuloy na bibigyan ng mga lider ng priesthood at auxiliary ng mga tungkulin ang matatanda kung saan magagamit nila ang kanilang imbak na karunungan at payo. Umaasa kami, hangga’t maaari, na bawat isa ay maging home teacher o visiting teacher. Kahit yaong mga hindi makaalis sa kanilang higaan at bahay ay makakatulong sa pag-aalagang ito kung minsan sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono, pagsulat ng maiikling liham, o iba pang espesyal na mga tungkulin.

Maraming magagawa ang isang lider ng priesthood para matulungan at mahikayat ang mga indibiduwal at mag-asawa sa paghahanda nilang magmisyon. Ang temple extraction [na tinatawag ngayong family history indexing] at mga welfare program ay natutulungan nang malaki ng mga taong may-edad na at may pagkakataong maglingkod dito.

Umaasa kami na ang matatanda at mga mag-asawa ay may magigiliw at mapagmalasakit na mga home teacher at visiting teacher na nakatalaga sa kanila. Malaking kapanatagan at kapayapaan ang maaaring dumating sa mga taong nakakaalam na mayroon silang malalapitan sa oras ng emergency o pangangailangan. Mahalaga ang pag-unawa, diplomasya, at katapatan sa pagtaya at pagtugon sa mga pangangailangang iyon.

Umaasa kami na isasali ninyo ang matatandang nabubuhay nang mag-isa sa mga compassionate service assignment o paglilingkod. Isali rin sila sa mga kasayahan sa stake at ward, lalo na ang mga miyembrong walang asawa at yaong mga may asawang umaasa sa kanila. Madalas silang makalimutan. Lalo na sa panahong yumao ang asawa, maaari silang pakitaan ng mapagmahal na paglingap. Napakalungkot na sandali ito para sa karamihan.

Kung minsan ang pansamantalang ginhawa ay kailangang-kailangan at pinasasalamatan ng mga miyembro ng pamilya na palaging nagbibigay ng pisikal at emosyonal na pangangalaga sa mga yaong may espesyal na mga pangangailangan. Mahalagang tulungan ang pamilya na makakilos pa rin bilang pamilya na may paminsan-minsang paglaya sa mabibigat na responsibilidad na kaakibat ng matagalan o walang-lunas na karamdaman. Lahat ay nangangailangan ng mapagmahal na suporta at ginhawa mula sa napakaraming tungkuling dulot ng malubhang karamdaman o mga problema.

Ang transportasyon kadalasan ay malaking problema sa matatanda. Maaari tayong tumulong sa paglalaan ng paraan para makadalo sila sa kanilang mga miting sa araw ng Linggo, pagbisita sa mga mahal sa buhay, pamimili, at pagpunta sa doktor o klinika.

Muli, dapat nating mapanalanging hangarin ang inspirasyon at patnubay sa pag-aalaga sa matatanda. Laging may malaking pagkakaiba ang mga tao at ang mga pangangailangan nila.11

8

Maaaring katandaan ang pinakamagandang panahon sa ating buhay.

Pagpalain nawa ng Diyos ang matatanda sa Simbahan. Mahal na mahal ko kayo. Isa ako sa inyo.

Napakaraming dahilan para mabuhay kayo. Ang mga ginintuang taon na ito nawa ang maging pinakamagagandang taon ninyo habang kayo ay nabubuhay nang matiwasay at nagmamahal at naglilingkod. At pagpalain nawa ng Diyos yaong mga tumutugon sa inyong mga pangangailangan—ang inyong pamilya, mga kaibigan, at kapwa mga miyembro at lider ng Simbahan.

Iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo tungkol sa saya ng mabuhay—ang saya ng ganap na pamumuhay sa ebanghelyo at pagdaan sa apoy ng isang Manlalantay at sa proseso ng pagpapadalisay. Tulad ng malinaw na pagkasabi ni Apostol Pablo, “Nalalaman natin na ang lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios” (Mga Taga Roma 8:28).

Iniiwan ko sa inyo ang aking basbas. Ang Tagapagligtas ay buhay. Ito ang Kanyang Simbahan. Ang gawain ay totoo, at sa mga salita ng ating Panginoon at Tagapagligtas, “Tumingin kayo sa akin, at magtiis hanggang wakas, at kayo ay mabubuhay; sapagkat siya na makapagtitiis hanggang wakas ay bibigyan ko ng buhay na walang hanggan” (3 Nephi 15:9).12

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Paano kayo nakinabang sa “karunungan at karanasan” ng mga taong mas matanda sa inyo? (Tingnan sa bahagi 1.)

  • Sa bahagi 2, naglista si Pangulong Benson ng walong bagay na magagawa ng matatanda para “mapakinabangan nang husto ang [kanilang] katandaan.” Isipin ang bawat mungkahi. Paano mapagyayaman ng mga mungkahing ito ang ating buhay anuman ang edad natin?

  • Sa palagay ninyo bakit paglilingkod “ang susi para malabanan ang pag-iisa at damdamin ng kawalan ng silbi”? (Tingnan sa bahagi 3.) Kailan ninyo nakitang totoo ito?

  • Pagbulayan ang payo sa atin ni Pangulong Benson kapag dumaranas tayo ng karamdaman at pasakit (tingnan sa bahagi 4). Paano tayo matutulungan ng payong ito na “manatiling matatag at masigla”?

  • Isipin ang mga turo ni Pangulong Benson sa bahagi 5. Sa anong mga paraan maigagalang ng mga anak at apo ang kanilang matatanda nang magulang at lolo’t lola?

  • Kailan ninyo nakita ang mga kabataan at matatanda na masayang magkasama? (Tingnan sa bahagi 6.) Ano ang magagawa natin sa ating mga pamilya at sa Simbahan upang mapangalagaan ang gayong mga ugnayan?

  • Ano ang ilang paraan na makatutulong ang mga lider ng Simbahan at mga miyembro ng ward o branch na matugunan ang mga pangangailangan ng matatanda? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 7.)

  • Ano ang kahulugan sa inyo ng maranasan “ang saya ng ganap na pamumuhay sa ebanghelyo”? (Tingnan sa bahagi 8.) Anong mga halimbawa ng mga taong tapat na nagtiis hanggang wakas ang nakita na ninyo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mga Kawikaan 20:29; Isaias 46:3–4; Lucas 2:36–38; Mga Taga Efeso 6:1–3; Kay Tito 2:1–5; Santiago 1:27; D at T 121:7–8

Tulong sa Pag-aaral

“Ang paggawa ayon sa iyong natutuhan ay magdudulot ng karagdagan at matatag na kaalaman (tingnan sa Juan 7:17)” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 21). Isiping itanong sa inyong sarili kung paano ninyo maipamumuhay ang mga turo ng ebanghelyo sa tahanan, sa trabaho, at sa inyong mga responsibilidad sa Simbahan.

Mga Tala

  1. Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography (1987), 502.

  2. Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography, 504.

  3. Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography, 504–5.

  4. Sa Conference Report, Okt. 1989, 3; tingnan din sa Ensign, Nob. 1989, 4.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1989, 3; tingnan din sa Ensign, Nob. 1989, 4.

  6. Sa Conference Report, Okt. 1989, 3–5; tingnan din sa Ensign, Nob. 1989, 4–6.

  7. Sa Conference Report, Okt. 1989, 5; tingnan din sa Ensign, Nob. 1989, 6.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1989, 5–6; tingnan din sa Ensign, Nob. 1989, 6.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1989, 6–7; tingnan din sa Ensign, Nob. 1989, 6–7.

  10. Sa Conference Report, Okt. 1989, 7; tingnan din sa Ensign, Nob. 1989, 7.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1989, 7–8; tingnan din sa Ensign, Nob. 1989, 7–8.

  12. Sa Conference Report, Okt. 1989, 8; tingnan din sa Ensign, Nob. 1989, 8.