Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 5: Mga Alituntunin ng Tunay na Pagsisisi


Kabanata 5

Mga Alituntunin ng Tunay na Pagsisisi

“Para sa mga gumagawa ng hinihingi ng tunay na pagsisisi, ang pangako ay tiyak. Maaari kayong maging malinis na muli. Mapapawi ang kawalang-pag-asa. Ang matamis na kapayapaang dulot ng kapatawaran ay dadaloy sa inyong buhay.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

Sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Nang humingi ako ng patnubay sa Panginoon, muli kong natiyak sa aking puso’t isipan ang pahayag ng Panginoon na ‘huwag mangaral ng anuman kundi pagsisisi sa salinlahing ito.’ (D at T 6:9; 11:9.) Ito ang naging karaniwang mensahe ng bawat propetang banal sa mga huling araw.”1

Bago pa man siya tinawag bilang Pangulo ng Simbahan, ginawa na ni Pangulong Benson na mahalagang mensahe sa kanyang ministeryo ang pagsisisi. Pinayuhan siya ni George Albert Smith, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na gawin iyon. Sa isang liham na isinulat noong katatawag lang kay Pangulong Benson bilang apostol, sinabi ni Pangulong Smith, “Ang iyong misyon mula ngayon ay humanap ng mga paraan upang maipalaganap ang katotohanan at bigyang babala ang mga taong makikilala mo na sa pagsisisi lamang mas napapaganda ang sitwasyon para sa mga bagay na mali sa mundong ito.”2

Naging tapat si Pangulong Benson sa utos na ito nang ituro niya ang ebanghelyo sa buong mundo. Itinuro niya na “mas mabuti pang maghanda at umiwas kaysa magremedyo at magsisi.”3 Ngunit alam din niya na “kailangan nating lahat na magsisi.”4 Binigyang-diin niya ang “malaking pagbabago” ng puso na kaakibat ng pagsisisi (tingnan sa Alma 5:12–14) at ipinaliwanag ang tungkulin ng Tagapagligtas sa pagdadala ng pagbabagong iyon:

“Binabago ng Panginoon ang puso. Binabago ng mundo ang panlabas na anyo. Maaalis ng daigdig ang mga tao sa magulo at maruming lugar. Inaalis ni Cristo ang di-magagandang ugali ng mga tao, at inaalis naman nila ang kanilang sarili sa magulo at maruming lugar. Hinuhubog ng daigdig ang mga tao sa pamamagitan ng pagbabago ng kanilang kapaligiran. Binabago ni Cristo ang mga tao, na siya namang nagbabago ng kanilang kapaligiran. Mahuhubog ng daigdig ang kilos ng mga tao, subalit mababago ni Cristo ang ugali ng mga tao. …

“Oo, binabago ni Cristo ang mga tao, at mababago ng mga taong nagbago ang mundo.”5

A young man kneeling by his bed in prayer.

Sabi ng Panginoon, “Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan” (Eter 12:27).

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Para tunay na makapagsisi, kailangan muna nating matanto na ang plano ng ebanghelyo ay ang plano ng kaligayahan.

Sa karaniwang kahulugan ng kataga, ang ibig sabihin ng pagiging miyembro ng Simbahan ay opisyal na nakatala ang pangalan ng isang tao sa mga membership record ng Simbahan. …

Ngunit iba ang pakahulugan ng Panginoon sa miyembro ng Kanyang kaharian. Noong 1828, sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, sinabi Niya, “Masdan, ito ang aking doktrina—sinuman ang magsisisi at lalapit sa akin, siya rin ay aking simbahan.” (D at T 10:67; idinagdag ang italics.) Sa Kanya na nagmamay-ari ng Simbahang ito, ang pagiging miyembro ay higit pa sa pagiging miyembro lang sa talaan.

Samakatwid gusto kong ilahad ang mahahalagang konseptong kailangan nating maunawaan at ipamuhay kung tunay nga tayong magsisisi at lalapit sa Panginoon.

Isa sa mga pinakamadalas gamiting panlilinlang ni Satanas ay ang ideya na layunin ng mga utos ng Diyos na higpitan ang kalayaan at limitahan ang kaligayahan. Ang mga kabataan lalo na ay nadarama kung minsan na ang mga pamantayan ng Panginoon ay parang mga pader at kadena, na humahadlang sa kanila sa mga aktibidad na tila napakasayang gawin sa buhay. Ngunit ang eksaktong kabaligtaran nito ang totoo. Ang plano ng ebanghelyo ay ang plano na nagdudulot ng ganap na kagalakan sa mga tao. Ito ang unang konseptong nais kong bigyang-diin. Ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay mga hakbang at patnubay na tutulong sa atin na matagpuan ang tunay na kaligayahan at kagalakan.

Ang pag-unawa sa konseptong ito ang dahilan kaya naibulalas ng Mang-aawit, “Oh gaanong iniibig ko ang iyong kautusan! … Pinarunong ako kay sa aking mga kaaway ng iyong mga utos. … Ang salita mo’y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas. … Ang mga patotoo mo’y inari kong pinakamana magpakailan man; sapagka’t sila ang kagalakan ng aking puso.” (Mga Awit 119:97–98, 105, 111.)

Kung nais nating tunay na magsisi at lumapit sa Kanya para matawag tayong mga miyembro ng Kanyang Simbahan, una sa lahat ay kailangan nating matanto ang walang-hanggang katotohanang ito—ang plano ng ebanghelyo ay ang plano ng kaligayahan. Ang kasamaan ay hindi kailanman nagdulot, nagdudulot, o magdudulot sa atin ng kaligayahan [tingnan sa Alma 41:10]. Ang pagsuway sa mga batas ng Diyos ay naghahatid lamang ng kalungkutan, pagkaalipin, at kadiliman.6

2

Una muna ang pananampalataya kay Jesucristo bago ang tunay na pagsisisi.

Ang ikalawang konsepto na mahalagang unawain natin ay ang kaugnayan ng pagsisisi sa alituntunin ng pananampalataya. Pagsisisi ang ikalawang pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Ang unang alituntunin ay kailangan nating sumampalataya sa Panginoong Jesucristo. Bakit ganito? Bakit kailangang sumampalataya muna sa Panginoon bago tunay na makapagsisi?

Para masagot ang tanong na ito, kailangan nating unawain ang isang bagay tungkol sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon. Itinuro ni Lehi na “walang laman ang makapananahanan sa kinaroroonan ng Diyos, maliban sa pamamagitan ng kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas.” (2 Ne. 2:8.) Hindi maililigtas ng kahit pinakamakatarungan at pinakamatwid na tao ang kanyang sarili dahil lamang sa kanyang sariling galing, sapagkat, tulad ng sinabi sa atin ni Apostol Pablo, “lahat ay nangagkasala nga, at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios.” (Rom 3:23.)

Kung hindi dahil sa sakdal at walang-kasalanang buhay ng Tagapagligtas, na kusa Niyang isinakripisyo para sa atin, hindi magkakaroon ng kapatawaran ang mga kasalanan.

Samakatwid, ang kahulugan ng pagsisisi ay higit pa sa basta pagbabago ng ugali. Maraming kalalakihan at kababaihan sa mundo ang nagpapamalas ng malaking pagkukusa at disiplina sa sarili sa pagdaig sa masasamang ugali at mga kahinaan ng laman. Subalit kasabay nito ay hindi nila isinasaisip ang Panginoon, kung minsan pa nga’y hayagan Siyang iwinawaksi. Ang gayong mga pagbabago ng ugali, kahit positibo, ay hindi naglalaman ng tunay na pagsisisi.

Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo ang pundasyong kailangan sa taos-puso at makabuluhang pagsisisi. Kung tunay nating hangad na iwaksi ang kasalanan, kailangan muna nating umasa sa Kanya na May-akda ng ating kaligtasan.7

3

Ang pagsisisi ay kinapapalooban ng malaking pagbabago ng puso.

Ang ikatlong mahalagang alituntuning dapat nating maunawaan kung nais nating maging tunay na mga miyembro ng Simbahan ay na hindi lamang pagbabago sa kilos ang kailangan sa pagsisisi, kundi ang pagbabago ng puso.

Nang tapusin ni Haring Benjamin ang kanyang pambihirang mensahe sa lupain ng Zarahemla, lahat ng tao ay sumigaw sa iisang tinig na naniniwala sila sa kanyang sinabi. Alam nila nang may katiyakan na ang kanyang mga pangako ng pagtubos ay totoo, dahil, sabi nila, “[ang] Espiritu ng Panginoong Makapangyarihan … [ay] gumawa ng malaking pagbabago sa amin, o sa aming mga puso, [at pansinin ito] kaya nga kami ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti.” (Mosias 5:2.)8

Mababago ba ang puso ng mga tao? Oo, siyempre! Nangyayari ito araw-araw sa dakilang gawaing misyonero ng Simbahan. Isa ito sa pinakalaganap na mga himala ni Cristo sa makabagong panahon. Kung hindi pa ito nangyari sa inyo—dapat itong mangyari.

Sinabi ng ating Panginoon kay Nicodemo, “Maliban na ang tao’y ipanganak na muli, ay hindi siya makakakita ng kaharian ng Dios” (Juan 3:3.) …

Sabi ni Alma: “At sinabi sa akin ng Panginoon: Huwag manggilalas na ang buong sangkatauhan, oo, kalalakihan at kababaihan, lahat ng bansa, lahi, wika at tao, ay kinakailangang isilang na muli; oo, isilang sa Diyos, nagbago mula sa makamundo at pagkahulog na kalagayan, tungo sa kalagayan ng kabutihan, na tinubos ng Diyos, naging kanyang mga anak na lalaki at anak na babae;

“At sa gayon sila naging mga bagong nilikha; at maliban kung kanilang gagawin ito, hindi nila mamamana sa anumang paraan ang kaharian ng Diyos.” (Mosias 27:25–26.) …

Ipinaliliwanag sa ikaapat na kabanata ng Alma ang isang panahon sa kasaysayan ng mga Nephita kung kailan “nagsimulang maantala ang simbahan sa pag-unlad nito.” (Alma 4:10.) Tinugunan ni Alma ang hamon na ito sa pagbibitiw sa kanyang tungkulin bilang punong hukom sa pamahalaan “at lubos na iniukol ang kanyang sarili sa [kanyang responsibilidad sa] mataas na pagkasaserdote.” (Alma 4:20.)

Nagpatotoo siya “ng dalisay na patotoo” laban sa mga tao (Alma 4:19), at sa ikalimang kabanata ng Alma nagtanong siya ng mahigit apatnapung mahahalagang bagay. Sa tuwirang pagsasalita sa mga miyembro ng Simbahan, ipinahayag niya, “Itinatanong ko sa inyo, aking mga kapatid sa simbahan, kayo ba ay espirituwal na isinilang sa Diyos? Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha? Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso?” (Alma 5:14.)

Pagpapatuloy niya, “Kung inyo nang naranasan ang pagbabago ng puso, at kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?” (Alma 5:26.)

Hindi ba lubhang mag-iibayo ang pag-unlad ng Simbahan ngayon sa pagdami ng mga taong espirituwal na isinilang na muli? Nakikinita ba ninyo kung ano ang mangyayari sa ating mga tahanan? Nakikinita ba ninyo ang mangyayari sa dumaraming kopya ng Aklat ni Mormon sa mga kamay ng dumaraming mga missionary na marunong gumamit nito at isinilang sa Diyos? Kapag nangyari ito, magkakaroon tayo ng saganang ani ng mga kaluluwa na ipinangako ng Panginoon. Ang “isinilang sa Diyos” na si Alma bilang missionary ay ibinahagi ang salita kaya’t marami pa ang isinilang din sa Diyos. (Tingnan sa Alma 36:23–26.)9

Book of Mormon prophet Alma the Younger depicted lying on a bed. He is just waking up from being struck dumb and repenting of his sins. Alma has his hand against his head.

Sa pagsisisi, dumanas si Nakababatang Alma ng mahimalang pagbabago ng puso.

Kapag dinanas na natin ang malaking pagbabagong ito, na nangyayari lamang sa pagsamplataya kay Jesucristo at sa patnubay ng Espiritu sa atin, para tayong nagiging bagong tao. Kaya, ang pagbabago ay inihahalintulad sa bagong pagsilang. Libu-libo sa inyo ang nakaranas na ng pagbabagong ito. Tinalikuran na ninyo ang buhay na puno ng kasalanan, na kung minsa’y matindi at mabigat na kasalanan, at dahil sa epekto ng dugo ni Cristo sa inyong buhay, naging malinis kayo. Ayaw na ninyong balikan ang dati ninyong buhay. Kayo ay tunay na isang bagong tao. Ito ang kahulugan ng pagbabago ng puso.10

4

Ang kalumbayang mula sa Diyos ay humahantong sa tunay na pagsisisi.

Ang ikaapat na konseptong gusto kong bigyang-diin ay ang tinatawag sa banal na kasulatan na “kalumbayang mula sa Dios” para sa ating mga kasalanan. Pangkaraniwan nang makakita ng mga lalaki’t babae sa mundo na nagsisisi sa kanilang mga pagkakamali. Kung minsan ay dahil ito sa kanilang mga ginawa na nagdulot ng matinding kalungkutan at pighati sa kanila o sa kanilang mga mahal sa buhay. Kung minsan ang kanilang kalungkutan ay dahil nahuli sila at pinarusahan sa kanilang mga ginawa. Ang gayong makamundong damdamin ay walang “kalumbayang mula sa Dios.”

… Sa mga huling araw ng bansang Nephita, ganito ang sinabi ni Mormon tungkol sa kanyang mga tao: “ang kanilang kalungkutan ay hindi tungo sa pagsisisi, dahil sa kabutihan ng Diyos; kundi ito ang kalungkutan ng mga isinumpa, dahil sa hindi sila laging pahihintulutan ng Panginoon na lumigaya sa kasalanan.

“At hindi sila lumapit kay Jesus nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, kundi isinusumpa nila ang Diyos, at naghahangad na mamatay.” (Morm. 2:13–14.)

Sa Eastern Hemisphere, nagturo si Apostol Pablo sa mga mamamayan ng Corinto. Matapos marinig ang mga ulat tungkol sa malalaking problema ng mga Banal, pati na ang tungkol sa imoralidad (tingnan sa 1 Cor. 5:1), sumulat si Pablo ng matalim na pananalita sa isang liham. Sumagot ang mga tao nang may wastong saloobin, at malinaw na naitama ang mga problema, dahil sa ikalawang liham niya sa kanila, isinulat ni Pablo: “Ngayo’y nagagalak ako, hindi dahil sa inyong pagkalumbay, kundi dahil sa inyong mga pagkalumbay sa ikapagsisisi; sapagka’t kayo’y pinalumbay sa paraang ukol sa Dios. …

“Sapagka’t ang kalumbayang mula sa Dios, ay gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas, na hindi ikalulungkot: datapuwa’t ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay ikamamatay.” (2 Cor. 7:9–10.)

Sa dalawang talatang ito sa banal na kasulatan, ang kalumbayang mula sa Diyos ay ipinakahulugan na kalumbayang nagtutulak sa atin na magsisi.

Ang kalumbayang mula sa Diyos ay kaloob ng Espiritu. Ito ay malalim na pagkaunawa na nagalit ang ating Ama at ating Diyos sa ating mga ginawa. Ito ay matindi at malinaw na kaalaman na dahil sa ating ikinilos ay naghirap at nagdusa ang Tagapagligtas, Siya na walang-sala, maging ang pinakadakila sa lahat. Lumabas ang dugo sa bawat butas ng Kanyang katawan dahil sa ating mga kasalanan. Ang tunay na pagdadalamhating ito ng isipan at espiritu ang tinutukoy sa mga banal na kasulatan na pagkakaroon ng “bagbag na puso at nagsisising espiritu.” (Tingnan sa 3 Ne. 9:20; Moro. 6:2; D at T 20:37; 59:8; Awit 34:18; 51:17; Isa. 57:15.) Gayong damdamin ang talagang kailangan para sa tunay na pagsisisi.11

5

Sabik ang Ama sa Langit at si Jesucristo na makita ang ating pagbabagong-buhay, at tutulungan Nila tayo.

Ang susunod na alituntuning gusto kong talakayin ay ito: Wala nang ibang mas nasasabik na makita ang ating pagbabagong-buhay kaysa sa Ama at sa Tagapagligtas. Sa aklat ng Apocalipsis naroon ang isang makapangyarihan at napakahalagang paanyaya ng Tagapagligtas. Sabi Niya, “Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya.” (Apoc. 3:20.) Pansinin na hindi Niya sinabing, “Nakatayo ako sa pintuan at hinihintay kitang kumatok.” Siya’y tumatawag, kumakaway, humihiling na buksan lang natin ang ating puso at Siya’y papasukin.

Sa dakilang sermon ni Moroni tungkol sa pananampalataya, mas malinaw na itinuro ang alituntuning ito. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng tao.” Hindi mahalaga ang ating kawalan o kahinaan o kakulangan. Ang Kanyang mga kaloob at kapangyarihan ay sapat na para madaig ang lahat ng ito.

Nagpatuloy si Moroni sa mga salita ng Panginoon: “Ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila.” (Eter 12:27; idinagdag ang italics.)

Kaygandang pangako mula sa Panginoon! Ang pinagmumulan mismo ng ating mga problema ay maaaring baguhin, hubugin, at buuin para maging kalakasan at mapagkunan ng lakas. Ang pangakong ito ay inulit sa isa o iba pang paraan sa marami pang banal na kasulatan. Sabi ni Isaias, “Siya’y nagbibigay ng lakas sa mahina; at ang walang kapangyarihan ay pinananagana niya sa kalakasan.” (Isa. 40:29.) Sinabi ng Panginoon kay Pablo, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagka’t ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan.” (2 Cor. 12:9.) Sa Doktrina at mga Tipan mababasa natin, “Siya na nanginginig sa ilalim ng aking kapangyarihan ay gagawing malakas, at magdadala ng bunga ng papuri at karunungan.” (D at T 52:17; tingnan din sa 1 Ne. 17:3; 2 Ne. 3:13; D at T 1:28; 133:58–59.)12

Ang isa sa mga pinakaepektibong pamamaraan ni Satanas sa mga natukso niyang magkasala ay bumulong sa kanilang mga tainga na hindi sila karapat-dapat na manalangin. Sasabihin niya sa inyo na galit na galit sa inyo ang Ama sa Langit kaya hinding-hindi Niya pakikinggan ang inyong mga dalangin. Kasinungalingan iyan, at sinasabi niya iyan para linlangin tayo. Ang kapangyarihan ng kasalanan ay malaki. Kung lalayo tayo rito, lalo na sa mabigat na kasalanan, kailangan natin ng kapangyarihang mas malakas kaysa sa atin.

Walang mas nasasabik na tumulong sa inyong lumayo sa kasalanan kaysa sa inyong Ama sa Langit. Lumapit sa Kanya. Aminin ang inyong kasalanan, ipagtapat ang inyong kahihiyan at pagkakasala, at pagkatapos ay humingi ng tulong sa Kanya. May kapangyarihan Siya na tulungan kayong magtagumpay.13

Mga kapatid, kailangan nating idulog ang ating mga kasalanan sa Panginoon sa mapagpakumbaba at malungkot na pagsisisi. Kailangan nating humingi sa Kanya ng lakas na malabanan ang mga ito. Ang mga pangako ay tiyak. Tutulungan Niya tayo. Magkakaroon tayo ng lakas na baguhin ang ating buhay.14

6

Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa paghahangad nating maging katulad ni Cristo.

Ang ikaanim at huling puntong nais kong ituro tungkol sa pagsisisi ay na kailangan nating mag-ingat, sa paghahangad natin na mas lalong tularan ang Diyos, na hindi tayo manghina at mawalan ng pag-asa. Ang pagiging katulad ni Cristo ay panghabambuhay na pagsisikap at kadalasan ay kinapapalooban ng mabagal at halos hindi napapansing pag-unlad at pagbabago. Nakatala sa mga banal na kasulatan ang mga pambihirang kuwento tungkol sa mga lalaki na biglang nagbago ang buhay, sa isang iglap: si Nakababatang Alma, si Pablo sa daan patungong Damasco, si Enos na nagdasal nang buong araw, si Haring Lamoni. Ang gayong mga kamangha-manghang halimbawa ng kapangyarihang baguhin maging ang mga taong lubog na sa kasalanan ay nagbibigay ng tiwala na kayang tulungan ng Pagbabayad-sala maging ang mga taong lubhang nawawalan ng pag-asa.

Ngunit dapat na maging maingat tayo sa pagtalakay sa mga kamangha-manghang halimbawang ito. Bagama’t tunay at mabisa ang mga ito, bihira itong mangyari. Para sa lahat ng tao na may karanasang tulad ng kina Pablo, Enos, at Haring Lamoni, daan-daan at libu-libong tao ang nakatutuklas na ang bunga ng pagsisisi ay mas mahirap mahalata at mapansin. Araw-araw ay mas napapalapit sila sa Panginoon, nang hindi natatanto na nagiging maka-Diyos ang kanilang buhay. Nabubuhay sila nang tahimik sa kabutihan, paglilingkod, at katapatan. Katulad sila ng mga Lamanita, na sinabi ng Panginoon na “[bininyagan] ng apoy at ng Espiritu Santo, at hindi nila nalalaman ito.” (3 Ne. 9:20; idinagdag ang italics.)

Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Ang pag-asa ay angkla sa mga kaluluwa ng mga tao. Gusto ni Satanas na itapon natin ang angklang iyan. Sa gayon ay manghihina tayo at patatangay sa kanya. Ngunit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. Nasisiyahan ang Panginoon sa bawat pagsisikap, maging sa maliliit at araw-araw na pagsisikap natin na maging katulad Niya. Bagama’t nakikita natin na malayo pa ang ating lalakbayin tungo sa pagiging perpekto, hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa.15

Para sa mga gumagawa ng hinihingi ng tunay na pagsisisi, ang pangako ay tiyak. Maaari kayong maging malinis na muli. Mapapawi ang kawalang-pag-asa. Ang matamis na kapayapaan ng kapatawaran ay dadaloy sa inyong buhay.

Ang mga salita ng Panginoon sa pamamagitan ni Isaias ay totoo: “Magsiparito kayo ngayon, at tayo’y magkatuwiranan, sabi ng Panginoon: bagaman ang inyong mga kasalanan ay maging tila mapula, ay magiging mapuputi na parang niebe; bagaman maging mapulang gaya ng matingkad na pula, ay magiging parang balahibo ng tupa” (Isa. 1:18).

At sa dispensasyong ito nagsalita ang Panginoon nang kasinglinaw nito nang sabihin Niyang, “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito” (D at T 58:42).16

The resurrected Jesus Christ emerging from the Garden Tomb. Christ is portrayed stepping out of the tomb. He is depicted wearing white robes. Flowers are blooming near the entrance to the tomb.

“Ang tunay na pagsisisi ay batay sa at dumadaloy mula sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Wala nang ibang paraan.”

Sana’y huwag tayong mabuhay sa nakaraan. Ang mga taong nabubuhay sa nakaraan ay walang magandang kinabukasan. Ugali nating tumangis tungkol sa mga nawala sa atin, tungkol sa mga desisyong ginawa natin na iniisip natin na malamang na mali. Ugali nating magalit sa mga nangyayari sa ating paligid, iniisip na mas mabuti yata kung iba ang naging desisyon natin. Makikinabang tayo sa mga nangyari sa nakaraan. Ngunit huwag nating sayangin ang ating panahon sa pag-aalala tungkol sa mga desisyong nagawa na, sa mga pagkakamaling nagawa na. Mabuhay tayo sa kasalukuyan at sa hinaharap.17

Pinakamamahal kong mga kapatid, sa paghahangad nating maging karapat-dapat na maging mga miyembro ng Simbahan ni Cristo—mga miyembro ayon sa pakahulugan Niya, mga miyembrong nagsisi at lumalapit sa Kanya—alalahanin natin ang anim na alituntuning ito. Una, ang ebanghelyo ang plano ng kaligayahan ng Panginoon, at ang pagsisisi ay nilayon upang maghatid sa atin ng galak. Ikalawa, ang tunay na pagsisisi ay batay sa at dumadaloy mula sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Wala nang ibang paraan. Ikatlo, ang tunay na pagsisisi ay kinapapalooban ng pagbabago ng puso at hindi lang pagbabago ng ugali. Ikaapat, bahagi ng malaking pagbabagong ito ng puso ang makadama ng kalumbayang mula sa Diyos para sa ating mga kasalanan. Ito ang ibig sabihin ng bagbag na puso at nagsisising espiritu. Ikalima, ang mga kaloob ng Diyos ay sapat na para tulungan tayong malabanan ang bawat kasalanan at kahinaan kung hihingi lang tayo ng tulong sa Kanya. Sa huli, tandaan natin na halos lahat ng pagsisisi ay walang nakamamangha o biglaang mga pagbabago, bagkus ito ay paisa-isang hakbang, matatag, at tuwid na hakbang tungo sa kabanalan.

Kung magpupunyagi tayong isama ang mga alituntuning ito sa ating buhay at susundin natin ang mga ito araw-araw, magiging karapat-dapat tayo at hindi lang basta mga miyembro sa talaan ng Simbahan ni Jesucristo. Bilang tunay na mga miyembro, may karapatan tayo sa Kanyang pangako: “Sinuman ang nasa sa aking simbahan, at mananatili sa aking simbahan hanggang katapusan, siya ay aking itatayo sa aking bato, at ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa kanila.” (D at T 10:69.)

Dalangin ko na matupad sa ating lahat ang pangakong iyan.18

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Sinabi ni Pangulong Benson na para tunay na makapagsisi, kailangan muna nating matanto na “ang plano ng ebanghelyo ay ang plano ng kaligayahan” at na ang kasamaan ay “hindi kailanman magdudulot sa atin ng kaligayahan” (bahagi 1). Sa palagay ninyo bakit mahalagang maunawaan ito kapag nagsisisi?

  • Sa mga pagsisikap nating magsisi, bakit hindi sapat ang pagbabago ng ugali? (Tingnan sa bahagi 2.) Sa palagay ninyo bakit kailangan tayong umasa kay Jesucristo para tunay na makapagsisi?

  • Sa paanong paraan ninyo naranasan ang “malaking pagbabago ng puso,” ayon sa ipinaliwanag sa bahagi 3? Ano ang magagawa natin para matulungan ang iba na maranasan ang pagbabagong ito?

  • Sa paanong paraan naiiba ang “kalumbayang mula sa Diyos” sa kalungkutang nadarama ng ilang tao kapag may nagawa silang mali? (Tingnan sa bahagi 4.) Paano gagamitin ng isang magulang o bishop ang mga turo sa bahagi 4 para tulungan ang isang taong kailangang magsisi?

  • Nang repasuhin ninyo ang bahagi 5, anong mga turo ang nakikita ninyong nakapapanatag ng kalooban? Bakit nakapapanatag sa inyo ang mga turong ito?

  • Nang patotohanan ni Pangulong Benson ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, sinabi niya, “Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa” (bahagi 6). Habang nirerepaso ninyo ang bahagi 6, anong mga katotohanan tungkol sa Pagbabayad-sala ang nakikita ninyong nagbibigay sa inyo ng pag-asa?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Lucas 15:11–32; Mosias 4:10–12; 26:30–31; Alma 34:17–18; 3 Nephi 27:19–20; D at T 18:10–16; 19:15–19

Tulong sa Pagtuturo

“Ang dapat na maging pangunahing tungkulin ninyo ay tulungan ang iba na matutuhan ang ebanghelyo, hindi ang lumikha ng isang kahanga-hangang paglalahad ng aralin. Ito ay kinabibilangan ng pagbibigay ng mga pagkakataon para sa mga mag-aaral na turuan ang isa’t isa” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 79).

Mga Tala

  1. “Cleansing the Inner Vessel,” Ensign, Mayo 1986, 4.

  2. Sa Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography (1987), 184.

  3. “The Law of Chastity,” New Era, Ene. 1988, 6.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1955, 47.

  5. “Born of God,” Ensign, Hulyo 1989, 4.

  6. “A Mighty Change of Heart,” Ensign, Okt. 1989, 2.

  7. “A Mighty Change of Heart,” 2.

  8. “A Mighty Change of Heart,” 2, 4.

  9. “Born of God,” 2, 4.

  10. “A Mighty Change of Heart,” 4.

  11. “A Mighty Change of Heart,” 4.

  12. “A Mighty Change of Heart,” 4–5.

  13. “The Law of Chastity,” 7.

  14. “A Mighty Change of Heart,” 5.

  15. “A Mighty Change of Heart,” 5.

  16. “The Law of Chastity,” 7.

  17. The Teachings of Ezra Taft Benson (1988), 387.

  18. “A Mighty Change of Heart,” 5.