Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 15: Ang mga Sagradong Tungkulin ng mga Ama at Ina


Kabanata 15

Ang mga Sagradong Tungkulin ng mga Ama at Ina

“Nawa’y maging tapat tayo sa dakilang obligasyong ito ng pagiging magulang, sa sagradong obligasyong ito.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

Sa salita at halimbawa, sa tahanan at sa iba’t ibang panig ng daigdig, sa mga gawain ng Simbahan at ng pamahalaan, itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson ang kahalagahan ng pagiging mabubuting magulang. “Pangalagaan ang inyong mga anak nang may pagmamahal at ayon sa mga payo ng Panginoon,” sabi niya.1 “Pinapanagot ng Diyos ang mga magulang para sa tungkuling ipinagkatiwala sa kanila sa pagpapalaki sa kanilang pamilya. Napakasagradong responsibilidad nito.”2

Nagtulungang mabuti si Pangulong Benson at ang kanyang asawang si Flora sa pagtupad ng kanilang mga sagradong responsibilidad bilang mga magulang. Sila ay “gumanap sa tungkuling pangalagaan ang kanilang pamilya nang buong lakas at sigla.”3 Madalas silang sumangguni sa isa’t isa tungkol sa kanilang mga anak at iba pang mga bagay. “Nakikita ko na espirituwal ang pananaw ng babae sa tabi ko,” sabi ni Pangulong Benson.4

Nagtulong silang lumikha ng isang tahanan kung saan uunlad at matututo ang kanilang mga anak—at kung saan nanaising lumagi ng kanilang mga anak. “Mas gusto ko sa bahay namin kaysa sa ibang lugar,” sabi ng anak nilang si Mark. “Isang kanlungan iyon mula sa bagyo. Si Inay ang nagpoprotekta, at naroon si Itay na ginagamit ang kanyang lakas.”5

Mapanalanging ginampanan nina Pangulo at Sister Benson ang kanilang mga responsibilidad bilang mga magulang. Sabi ni Mark: “Mas malakas ang pananampalataya ni Inay kaysa sinumang babaeng kilala ko. … Noon lang ako nakakita ng gayon kadalas na pagdarasal sa buhay ko. Agad siyang luluhod, ipagdarasal ang mga bata, tungkol man ito sa isang pagsusulit o sa isang pakikipag-away sa eskuwelahan, kahit ano pa iyon. Gayon kasimple ang pananampalataya nila ni Itay.”6

Madalas mapalayo sa tahanan si Pangulong Benson dahil sa kanyang trabaho at mga tungkulin sa Simbahan, kaya inako ni Flora ang karamihan sa responsibilidad na pangalagaan at turuan ang kanilang anim na anak. Masaya siya sa kanyang pagiging ina. “Ang tahanan ang sentro ng pagmamahal natin sa buhay na ito,” wika niya.7 Paggunita ni Mark, “Talagang mahal na mahal ni Inay ang tahanan. At minahal niya kami—hindi dahil sa tungkulin niya ito, kundi dahil iyon ang buhay niya.”8 Sa pagpapahayag ng kanyang damdamin tungkol sa kahalagahan ng pagiging ina, isinulat ni Flora: “Kung nais mong makatagpo ng kadakilaan, huwag kang tumingin sa trono ng isang haring namumuno, pumunta ka sa duyan na may inang nagmamahal. Malakas ang kapangyarihan ng isang ina. Siya ang umiimpluwensya sa mga puso, sa buhay, at humuhubog sa pagkatao.”9

Kapag malayo sa tahanan si Pangulong Benson, lagi siyang naghahanap ng mga paraan upang mabantayan at mapatatag ang kanyang pamilya. Lagi niyang kinokontak ang mga ito sa telepono at mga liham. Kapag nasa bahay siya, gumugol siya ng oras sa kanila hangga’t maaari. Madalas niyang ikuwento noon ang tungkol sa “isang abalang ama na ipinaliwanag ang mga oras na ginugol niya sa pakikipaglaro ng bola sa kanyang anak na lalaki sa pagsasabing, ‘Mas gusto ko nang sumakit ang likod ko ngayon kaysa malungkot kalaunan dahil pinalampas ko ang pagkakataong ito.’”10

Ezra Taft Benson holding the hands of his two young sons, Mark and Reed.  taken in Boise, Idaho.

Si Ezra Taft Benson kasama ang kanyang mga anak na sina Reed at Mark

Pinag-ukulan din niya ng maraming oras ang bawat isa sa kanyang mga anak. Naalala ni Mark nang dalhin siya ng kanyang ama sa Salt Lake City, Utah, para magpatingin sa isang espesyalista: “Ang sarap makasama ni Itay, na kaming dalawa lang! Pinag-usapan namin ang lahat ng gusto kong pag-usapan. Kahit noong bata pa ako, alam kong mahal ako ni Itay, dahil kasama ko siya at tinulungan niya akong gumaling.”11

Kapag maaari, isinasama ni Pangulong Benson ang kanyang mga anak sa kanyang mga biyahe. Noong Marso 1948 isinama niya ang anak niyang si Bonnie, na pitong taong gulang noon, sa isang miting tungkol sa agrikultura sa Nebraska. “Masyadong naintriga ang mga mamamahayag sa tindig at kumpiyansa ng batang babae, at sa pambihirang halimbawa ng isang ama na isinama ang munting anak sa gayon kahabang paglalakbay para dumalo sa isang bantog na pagtitipon, kaya isang retrato ni Bonnie ang itinampok sa harapang pahina [ng diyaryo] kinaumagahan. Ngunit para kay Elder Benson hindi pambihira ang pangyayaring iyon. Madalas niyang isama ang mga anak niya sa mga biyahe sa labas ng bansa, upang kapwa patibayin ang kanilang ugnayan at turuan sila.”12

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Ang tungkulin ng isang ama ay walang hanggan.

Mga ama, walang hanggan ang inyong tungkulin kung saan hinding-hindi kayo mare-release. Ang mga tungkulin sa Simbahan, bagama’t mahalaga, ay pansamantala lamang, at pagkatapos ay angkop na kayong ire-release. Ngunit ang tungkulin ng isang ama ay walang hanggan, at ang kahalagahan nito ay walang katapusan. Ito ay isang tungkulin kapwa sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.13

Ang ating huwaran, o modelo, sa pagiging ama ay ang ating Ama sa Langit. Paano Siya nakikipagtulungan sa Kanyang mga anak? Para malaman iyan, mangyari pa, kailangang may alam [ang mga ama] tungkol sa ebanghelyo, ang dakilang plano ng Panginoon.14

Para sa isang lalaki, walang tungkuling kapantay ng isang butihing patriyarka, na ikinasal sa bahay ng Panginoon, at namumuno sa Kanyang mga anak. Mismong si Elohim ay gustong tawagin natin siyang “Ama namin na nasa langit” (Mateo 6:9; 3 Nephi 13:9).15

2

Ang mga ama ang maglalaan ng espirituwal na pamumuno sa kanilang pamilya.

Ang ama ay kailangang manabik na lubha at umasam na pagpalain ang kanyang pamilya, lumapit sa Panginoon, pagbulayan ang mga salita ng Panginoon, at mamuhay ayon sa Espiritu upang malaman ang isipan at kalooban ng Panginoon at ang kailangan niyang gawin para pamunuan ang kanyang pamilya.16

[Mga ama,] kayo ay may sagradong responsibilidad na maglaan ng espirituwal na pamumuno sa inyong pamilya.

Sa isang polyetong inilathala ng Kapulungan ng Labindalawa ilang taon na ang nakalilipas, sinabi namin ang sumusunod: “Ang pagiging ama ay pamumuno, ang pinakamahalagang uri ng pamumuno. Noon pa man ay ganito na; at laging magiging ganito. Ama, sa tulong at payo at panghihikayat ng iyong walang-hanggang kabiyak, ikaw ang namumuno sa tahanan” (Father, Consider Your Ways [polyeto, 1973], 4–5). …

Taglay ang pagmamahal sa puso ko para sa mga ama sa Israel, magmumungkahi ako ng 10 paraan na makapagbibigay ng espirituwal na pamumuno ang mga ama sa kanilang mga anak:

1. Bigyan ng mga basbas ng ama ang inyong mga anak. Binyagan at kumpirmahan ang inyong mga anak. Iorden ang inyong mga anak na lalaki sa priesthood. Magiging mahahalagang espirituwal na karanasan ito sa buhay ng inyong mga anak.

2. Personal na pumatnubay sa mga panalangin ng pamilya, araw-araw na pagbabasa ng banal na kasulatan, at lingguhang mga family home evening. Ang inyong personal na pakikibahagi ay magpapakita sa inyong mga anak kung gaano talaga kahalaga ang mga aktibidad na ito.

3. Hangga’t maaari, magkakasamang dumalo sa mga miting ng Simbahan bilang pamilya. Ang pagsamba ng pamilya sa ilalim ng inyong pamumuno ay mahalaga sa espirituwal na kapakanan ng inyong mga anak.

4. Ideyt ang inyong mga anak na babae at ipasyal ang inyong mga anak na lalaki. …

5. Magpasimula ng mga tradisyong pagbabakasyon at pagbibiyahe at pamamasyal ng pamilya. Ang mga alaalang ito ay hindi malilimutan ng inyong mga anak kailanman.

6. Regular na kausapin nang sarilinan ang inyong mga anak. Hayaan silang magsalita anuman ang gusto nilang sabihin. Turuan sila ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Turuan sila ng mga tunay na pinahahalagahan. Sabihin sa kanila na mahal ninyo sila. Ang personal na oras sa piling ng inyong mga anak ay nagsasabi sa kanila kung ano ang mga priyoridad ni Itay.

7. Turuan ang inyong mga anak na magtrabaho, at ipakita sa kanila ang kahalagahan ng pagsisikap tungo sa isang karapat-dapat na mithiin. …

8. Maghikayat ng pakikinig sa magandang musika at sining at literatura sa inyong mga tahanan. Ang mga tahanan na may kapinuhan at kagandahan ay magpapala sa buhay ng inyong mga anak magpakailanman.

9. Kung di-kalayuan, regular kayong magpunta ng inyong kabiyak sa templo. Sa gayon ay mas mauunawaan ng inyong mga anak ang kahalagahan ng kasal sa templo at ng mga sumpaan sa templo at ng kawalang-hanggan ng pamilya.

10. Ipakita sa inyong mga anak ang kagalakan at kasiyahan sa paglilingkod sa Simbahan. Maaari silang mahawa rito, kaya nanaisin din nilang maglingkod sa Simbahan at mamahalin nila ang kaharian.

O, mga lalaking asawa at ama sa Israel, marami kayong magagawa para sa kaligtasan at kadakilaan ng inyong mga pamilya! Napakahalaga ng inyong mga responsibilidad.17

A man talking to a teenage boy in an outdoor setting.  Shot in Argentina.

“Regular na kausapin nang sarilinan ang inyong mga anak.”

Kung minsan ay naririnig natin ang mga kuwento tungkol sa kalalakihan, maging sa Simbahan, na nag-iisip na ang pagiging pinuno ng tahanan kahit paano ay inilalagay sila sa mas mataas na katungkulan at tinutulutan silang diktahan at utus-utusan ang kanilang pamilya.

Itinuro ni Apostol Pablo na “ang lalake ay pangulo ng kaniyang asawa, gaya naman ni Cristo na pangulo ng iglesia” (Mga Taga Efeso 5:23; idinagdag ang italics). Iyan ang huwarang susundin natin sa ating tungkuling mamuno sa tahanan. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na namumuno nang mabagsik o malupit sa Simbahan. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na tinatrato ang Kanyang Simbahan nang walang-galang o mapagpabaya. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na namumuwersa o namimilit sa pagsasagawa ng Kanyang mga layunin. Hindi natin nakikita ang Tagapagligtas na gumagawa ng anuman maliban sa mga bagay na nagpapalakas, nagpapasigla, pumapanatag, at nagpapadakila sa Simbahan. Mga kapatid, taimtim kong sinasabi sa inyo, Siya ang huwarang kailangan nating sundin sa espirituwal na pamumuno natin sa ating mga pamilya.18

Bilang patriyarka sa inyong tahanan, mabigat ang responsibilidad ninyo sa pamumuno sa pagpapalaki sa inyong mga anak. Kailangan kayong tumulong sa paglikha ng isang tahanang makapananatili ang Espiritu ng Panginoon. …

Ang inyong mga tahanan ay dapat maging mga kanlungan at kapayapaan at kagalakan para sa inyong pamilya. Tiyak na walang anak na dapat matakot sa sarili niyang ama—lalo na sa isang amang may priesthood. Tungkulin ng isang ama na gawing lugar ng kaligayahan at kagalakan ang kanyang tahanan. … Ang malakas na epekto ng mabubuting ama sa pagpapakita ng halimbawa, pagdidisiplina at pagpapalaki, pangangalaga at pagmamahal ay mahalaga sa espirituwal na kapakanan ng [kanilang] mga anak.19

3

Ang papel na ginagampanan ng ina ay inorden ng Diyos.

Ang [mga ina] ang, o dapat maging, pinaka-puso at kaluluwa sa pamilya. Wala nang ibang mas sagradong salita sa sekular o banal na kasulatan kaysa sa salitang ina. Wala nang mas marangal na gawain kaysa sa gawain ng isang inang mabait at may takot sa Diyos.

Sa walang-hanggang pamilya, itinakda ng Diyos na mga ama ang mamumuno sa tahanan. Ang mga ama ang maglalaan, magmamahal, magtuturo, at mamamahala. Ang papel na ginagampanan ng ina ay inorden din ng Diyos. Ang mga ina ang maglilihi, magsisilang, mangangalaga, magmamahal, at magpapalaki. Iyan ang nakasaad sa mga paghahayag.20

Nalalaman natin na ang ilang kababaihan, bagama’t hindi nila kasalanan, ay hindi nagkakaanak. Sa mahal na kababaihang ito, bawat propeta ng Diyos ay nangako na bibiyayaan sila ng mga anak sa mga kawalang-hanggan at hindi sila pagkakaitan ng mga inapo.

Sa pamamagitan ng dalisay na pananampalataya, nagsusumamong mga panalangin, pag-aayuno, at mga espesyal na basbas, marami sa mahal na kababaihang ito, pati na ang mararangal nilang kabiyak sa kanilang tabi, ay napaghimalaan sa kanilang buhay at nabiyayaan ng mga anak. Ang iba ay mapanalanging piniling mag-ampon ng mga bata. Saludo kami sa kahanga-hangang mga mag-asawang ito sa mga sakripisyo at pagmamahal na ibinigay ninyo sa mga batang napili ninyong ituring na sarili ninyong anak.21

Pagpalain nawa ng Diyos ang ating kahanga-hangang mga ina. Ipinagdarasal namin kayo. Sinusuportahan namin kayo. Ikinararangal namin kayo sa inyong panganganak, pangangalaga, pagpapalaki, pagtuturo, at pagmamahal hanggang sa kawalang-hanggan. Ipinapangako ko sa inyo ang mga pagpapala ng langit at “lahat ng mayroon [ang] Ama” (tingnan sa D at T 84:38) habang ginagampanan ninyo ang pinakamarangal na tungkulin sa lahat—isang ina sa Sion.22

4

Ang mga ina ay dapat mahalin, turuan, at pag-ukulan ng panahon ang kanilang mga anak.

Mga ina sa Zion, ang mga tungkuling ibinigay sa inyo ng Diyos ay napakahalaga sa sarili ninyong kadakilaan at sa kaligtasan at kadakilaan ng inyong pamilya. Kailangan ng isang anak ang isang ina nang higit kaysa anumang bagay na mabibili ng pera. Ang pag-uukol ng panahon sa inyong mga anak ang pinakadakilang regalo sa lahat.23

Taglay ang pagmamahal sa puso ko para sa mga ina sa Sion, gusto kong magmungkahi ng 10 paraan para epektibong mapag-ukulan ng panahon ng ating mga ina ang kanilang mga anak.

[Una,] hangga’t maaari, makisalamuha sa inyong mga anak pag-uwi o pag-alis nila—kapag papunta at pauwi sila mula sa paaralan, kapag papunta o pauwi sila mula sa kanilang deyt, kapag nagsama sila ng mga kaibigan sa bahay. Makisalamuha sa inyong mga anak 6 man o 16 na taong gulang sila. …

Ikalawa, mga ina, mag-ukol ng panahon na maging tunay na kaibigan ng inyong mga anak. Pakinggan ang inyong mga anak, pakinggan silang mabuti. Mag-usap kayo, magtawanan at magbiruan kayo, magkantahan kayo, maglaro kayo, mag-iyakan kayo, magyakapan kayo, taos-puso ninyo silang purihin. Oo, regular na makipagsarilinan sa bawat anak. Maging tunay na kaibigan sa inyong mga anak.

Ikatlo, mag-ukol ng oras na basahan [ng aklat] ang inyong mga anak. Habang nasa kuna pa sila, basahan ang inyong mga anak. … Magtatanim kayo ng pagkahilig sa mabuting literatura at tunay na pagmamahal sa mga banal na kasulatan kung regular ninyong babasahan ang inyong mga anak.

Ikaapat, mag-ukol ng oras na manalangin kayo ng inyong mga anak. Ang mga panalangin ng pamilya, sa patnubay ng ama, ay dapat idaos sa araw at gabi. Ipadama sa inyong mga anak ang inyong pananampalataya kapag nanalangin kayo na mapasakanila ang mga pagpapala ng langit. … Pasalihin ang inyong mga anak sa mga panalangin ng pamilya at personal na panalangin, at magalak sa malalambing nilang pagsasalita sa kanilang Ama sa Langit.

Ikalima, mag-ukol ng oras na magdaos ng lingguhang home evening. Pasalihin ang inyong mga anak. Turuan sila ng mga tamang alituntunin. Gawin itong isa sa mga tradisyon ng inyong pamilya. …

Ikaanim, mag-ukol ng oras na magkasama-sama sa oras ng pagkain hangga’t maaari. Isang hamon ito habang lumalaki at nagiging mas abala sa buhay ang mga bata. Ngunit ang masayang pag-uusap, pagkukuwento ng mga plano at nangyari sa maghapon, at mga espesyal na sandaling makapagturo ay nagaganap sa oras ng pagkain dahil pinagsisikapan ng mga magulang at mga anak na mangyari ito.

Ikapito, mag-ukol ng oras araw-araw na sama-samang magbasa ng mga banal na kasulatan bilang pamilya. … Ang sama-samang pagbabasa ng Aklat ni Mormon bilang pamilya ay lalong magdaragdag ng espirituwalidad sa inyong tahanan at magbibigay ng lakas kapwa sa mga magulang at mga anak na labanan ang tukso at mapatnubayan palagi ng Espiritu Santo. Ipinapangako ko sa inyo na babaguhin ng Aklat ni Mormon ang buhay ng inyong pamilya.

Ikawalo, mag-ukol ng oras na gawin ang mga bagay-bagay bilang pamilya. Gawing espesyal at di-malilimutang karanasan ng pamilya ang mga pamamasyal at piknik at pagdiriwang ng kaarawan. Hangga’t maaari, dumalo, bilang pamilya, sa mga kaganapan kung saan kasali ang isa sa mga miyembro ng pamilya, tulad ng pagtatanghal sa paaralan, ball game, pagsasalita sa isang pulong, recital. Sama-samang dumalo sa mga miting ng Simbahan, at sama-samang maupo bilang pamilya hangga’t maaari. Ang mga inang tumutulong na magkasama-sama sa pagdarasal at paglilibang ang mga pamilya ay [tutulong sa kanila na] manatili silang magkakasama at pagpapalain ang buhay ng mga bata magpakailanman.

Ikasiyam, mga ina, mag-ukol ng panahon na turuan ang inyong mga anak. Samantalahin ang mga sandaling makapagturo sa oras ng pagkain, sa mga karaniwang gawain, o sa mga espesyal na oras na nakaupo kayo, sa paanan ng higaan sa pagtatapos ng araw, o sa magkasamang paglalakad sa umaga. …

Ang pagmamahal at mapanalanging pag-aalala ng ina sa kanyang mga anak ang pinakamahalagang mga sangkap sa pagtuturo sa kanyang mga anak. Ituro sa mga bata ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ituro sa kanila na sulit ang magpakabuti. Ituro sa kanila na walang kaligtasan sa kasalanan. Turuan silang mahalin ang ebanghelyo ni Jesucristo at magkaroon ng patotoo sa kabanalan nito.

Turuan ang inyong mga anak ng kadisentehan, at turuan silang igalang ang pagkalalaki at pagkababae. Ituro sa inyong mga anak ang kadalisayang seksuwal, mga wastong pamantayan sa pakikipagdeyt, kasal sa templo, paglilingkod sa misyon, at kahalagahan ng pagtanggap at pagganap sa mga tungkulin sa Simbahan.

Ituro sa kanila ang pagmamahal sa trabaho at ang halaga ng mabuting edukasyon.

Ituro sa kanila ang kahalagahan ng tamang uri ng libangan, pati na ang mga angkop na pelikula, video, musika, aklat, at magasin. Talakayin ang mga kasamaan ng pornograpiya at mga droga, at ituro sa kanila ang halaga ng malinis na pamumuhay.

Oo, mga ina, ituro sa inyong mga anak ang ebanghelyo sa sarili ninyong tahanan, sa sarili ninyong pagtitipon. Ito ang pinakamabisang pagtuturong matatanggap ng inyong mga anak. …

Ikasampu at pinakahuli, mga ina, mag-ukol ng panahon na tunay na mahalin ang inyong maliliit na anak. Ang walang-kundisyong pagmamahal ng ina ay natutulad sa halimbawa ng pagmamahal ni Cristo.

Kailangan din ng mga tinedyer ninyong anak ang ganitong uri ng pagmamahal at pansin. Parang mas madali para sa maraming ina at ama na magpakita ng pagmamahal sa kanilang mga anak kapag bata pa sila, pero mas mahirap kapag mas matanda na sila. Mapanalanging pagsikapan ito. Hindi kailangang magkaroon ng di-pagkakaunawaan ang dalawang henerasyon. At ang susi ay pagmamahal. Kailangan ng pagmamahal at pansin ng ating mga kabataan, hindi ng pagpapalayaw. Kailangan nila ng pagdamay at pag-unawa, hindi ng pagbabalewala ng mga ama’t ina. Kailangan silang pag-ukulan ng oras ng mga magulang. Ang magiliw na pagtuturo ng ina at ang kanyang pagmamahal at tiwala sa isang anak na tinedyer ay literal na magliligtas sa kanya mula sa masamang daigdig.24

Mother reading with her children.

“Mag-ukol ng oras na basahan [ng aklat] ang inyong mga anak.”

May alam ba kayong dahilan kung bakit mahal na mahal ng mabubuting ina ang kanilang mga anak? Dahil napakarami nilang isinasakripisyo para sa mga ito. Mahal natin ang pinagsasakripisyuhan natin at nagsasakripisyo tayo para sa mahal natin.25

5

Dapat magtulungan ang mga magulang nang may pagkakaisa at pagmamahal sa pagpapalaki sa kanilang mga anak.

Dapat ay masigasig at mapanalangin at buong pusong tanggapin ng mga mag-asawa, bilang magkatuwang na mga tagalikha, ang mga bata sa kanilang mga tahanan. … Mapalad ang mag-asawang may mga anak. Ang pinakamatitinding kagalakan at pagpapala sa buhay ay nauugnay sa pamilya, pagiging magulang, at sakripisyo. Sulit ang anumang sakripisyo para magkaroon ng magigiliw na espiritung iyon sa tahanan.26

Kapag ginampanan ng mga magulang, nang magkatuwang, nagmamahalan, at nagkakaisa, ang kanilang responsibilidad na itinakda ng langit at tumugon ang mga anak nang may pagmamahal at pagsunod, malaking kagalakan ang ibubunga nito.27

Tulungan nawa tayo ng Diyos na suportahan ang isa’t isa. Nawa’y magsimula ito sa tahanan sa pagsuporta natin sa ating mga pamilya. Nawa’y madama ang diwa ng katapatan, pagkakaisa, pagmamahal, at paggalang sa isa’t isa. Ang mga lalaki nawa ay maging tapat sa kanilang kabiyak, maging totoo sa kanila, mahalin sila, sikaping pagaanin ang kanilang mga pasanin, at makihati sa responsibilidad sa pangangalaga, pagtuturo, at pagpapalaki ng mga anak. Ang mga ina at maybahay nawa ay magpakita ng diwa ng pagtulong sa kanilang asawa, itaguyod at tulungan sila sa kanilang mga tungkulin sa priesthood, at maging tapat at totoo sa mga tungkuling ibinibigay sa kanila ng priesthood ng Diyos.28

Nawa’y maging tapat tayo sa malaking obligasyong ito ng pagiging magulang, sa sagradong obligasyong ito, upang matibay nating maisalig ang ating mga tahanan sa mga walang-hanggang alituntunin, upang wala tayong panghinayangan. Nawa’y hindi tayo maging taksil [hindi tapat] kailanman sa malaking pagtitiwalang ibinigay sa atin. Nawa’y lagi nating isaisip na ang mga espiritung ito na dumating sa ating tahanan ay mga piling espiritu.29

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Sabi ni Pangulong Benson, “Ang ating huwaran, o modelo, sa pagiging ama, ay ang ating Ama sa Langit” (bahagi 1). Sa anong mga paraan matutularan ng mga ama sa lupa ang huwarang ipinakita ng Ama sa Langit?

  • Isipin ang listahan ni Pangulong Benson ng “10 paraan na makapagbibigay ang mga ama ng espirituwal na pamumuno sa kanilang mga anak” (bahagi 2). Sa palagay ninyo paano maiimpluwensyahan ng bawat isa sa mga rekomendasyong ito ang mga anak?

  • Sabi ni Pangulong Benson, “Wala nang mas marangal na gawain kaysa sa gawain ng isang mabuting ina na may takot sa Diyos” (bahagi 3). Anong mga halimbawa ng pagiging marangal na ina ang nakita na ninyo? Habang nagbabago ang mga saloobin ng mundo tungkol sa pagiging ina, ano ang magagawa natin upang maitaguyod ang marangal at sagradong mga responsibilidad ng mga ina?

  • Ano ang ilang kabutihang dumarating kapag nagkakasama ang mga magulang at mga anak? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 4.)

  • Ano ang ilang pagpapalang dumarating sa isang tahanan kapag nagkakaisa ang mga magulang sa kanilang mga responsibilidad? (Tingnan sa bahagi 5.) Ano ang magagawa ng mga ama at ina para lalo silang magkaisa? Sa anong mga paraan matatanggap ng nag-iisang mga magulang ang lakas na kailangan nila upang magampanan ang mga responsibilidad na ito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mga Kawikaan 22:6; Mga Taga Efeso 6:4; Mosias 4:14–15; Alma 56:45–48; 3 Nephi 22:13; tingnan din sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign, Nob. 2010, 129

Tulong sa Pagtuturo

“Habang espirituwal ninyong inihahanda ang inyong sarili at binibigyang-halaga ang Panginoon sa inyong pagtuturo, kayo ay magiging instrumento sa Kanyang mga kamay. Palalakasin ng Espiritu Santo ang inyong mga salita nang may kapangyarihan” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 51).

Mga Tala

  1. “Fundamentals of Enduring Family Relationships,” Ensign, Nob. 1982, 60; inalis ang italics mula sa orihinal.

  2. “Fundamentals of Enduring Family Relationships,” 59.

  3. Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography (1987), 127.

  4. Sa Ezra Taft Benson: A Biography, 141.

  5. Mark Amussen Benson, sa Ezra Taft Benson: A Biography, 133.

  6. Mark Amussen Benson, sa Ezra Taft Benson: A Biography, 139.

  7. Flora Amussen Benson, sa Ezra Taft Benson: A Biography, 134.

  8. Mark Amussen Benson, sa Ezra Taft Benson: A Biography, 133.

  9. Flora Amussen Benson, sa Ezra Taft Benson: A Biography, 130.

  10. Sa Ezra Taft Benson: A Biography, 134.

  11. Mark Amussen Benson, sa Ezra Taft Benson: A Biography, 138.

  12. Francis M. Gibbons, Ezra Taft Benson: Statesman, Patriot, Prophet of God (1996), 165.

  13. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson (2003), 205.

  14. The Teachings of Ezra Taft Benson (1988), 503.

  15. The Teachings of Ezra Taft Benson, 496.

  16. The Teachings of Ezra Taft Benson, 511.

  17. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson, 208, 212–13.

  18. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson, 209.

  19. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson, 211.

  20. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson, 215.

  21. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson, 216.

  22. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson, 222.

  23. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson, 217.

  24. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson, 218–21.

  25. “Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 6.

  26. Sermons and Writings of President Ezra Taft Benson, 216.

  27. “Counsel to the Saints,” Ensign, Mayo 1984, 6.

  28. Sa Conference Report, Okt. 1951, 155.

  29. Sa Conference Report, Okt. 1953, 123.