Ang Buhay at Ministeryo ni Ezra Taft Benson
Ang mga naglalakbay sa lansangan sa pagitan ng Logan, Utah, at Whitney, Idaho, ay may nasaksihang kakaiba noong Hunyo 4, 1994. Nakakita sila ng mga taong nakatayo sa mga bahagi ng 24-na-milyang (39-kilometro) kahabaan ng lansangang iyon. Kinabukasan, ipinaliwanag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit nagtipon doon ang mga tao. Hinintay nila ang mga taong nakipaglibing, na maghahatid sa bangkay ni Pangulong Ezra Taft Benson sa sementeryo sa kanyang bayang tinubuan matapos iburol sa Salt Lake City, Utah. Inilarawan ni Elder Hales ang tagpo:
“Ang paglalakbay ng mga nakipaglibing papuntang Whitney, Idaho, ay nakakaantig na parangal sa isang propeta ng Diyos.
“Nagbigay-pugay ang mga miyembro ng Simbahan habang nakahanay sa lansangan at nakatayo sa tulay sa tabi ng kalsada. Suot ng ilan ang kanilang damit na pangsimba sa Sabado ng hapon. Sandaling inihinto ng iba ang kanilang mga sasakyan bilang paggalang, at mapitagang tumayo, hinintay na makalampas ang propeta. Ang mga magsasaka ay nakatayo sa kanilang mga bukirin at nakatapat ang mga sumbrero sa kanilang dibdib. Marahil ang mas kapansin-pansin ay ang mga batang lalaki na nag-alis ng kanilang sumbrerong pang-baseball at itinapat ito sa kanilang dibdib. Iwinagayway rin ang mga watawat bilang pamamaalam nang dumaan ang propeta. May mga karatulang may nakasaad na, ‘Mahal namin si Pangulong Benson.’ Nakasaad naman sa iba ang, ‘Basahin ang Aklat ni Mormon.’”1
Ang pagbuhos na ito ng pagmamahal ay tunay na isang papugay ngunit higit pa ito roon. Ito ay malinaw na katibayan na nagbago ang buhay ng mga tao dahil sinunod nila ang payo ng isang propeta. At ang mga taong nagtipon sa lansangan ay kumakatawan sa marami pang iba. Mula nang isilang si Ezra Taft Benson malapit sa Whitney, Idaho, hanggang sa panahong ihimlay ang kanyang katawang-lupa roon, nagsilbi siyang kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon, na naglalakbay sa iba’t ibang panig ng mundo at tumutulong sa milyun-milyong tao na lumapit kay Cristo.
Mga Aral na Natutuhan sa Bukid ng Pamilya
Noong Agosto 4, 1899, sina Sarah Dunkley Benson at George Taft Benson Jr. ay sumaya sa pagsilang ng kanilang panganay na anak. Pinangalanan nila itong Ezra Taft Benson, mula sa kanyang lolo-sa-tuhod na si Elder Ezra T. Benson, na naglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Si Ezra ay isinilang sa isang dampang may dalawang silid na itinayo ng kanyang ama noong nakaraang taon. Matagal at mahirap ang pagluluwal sa kanya, at inakala ng doktor na hindi mabubuhay ang 11¾-libra (5.3-kg) na sanggol. Ngunit iba ang nasa isip ng mga lola ng sanggol. Pinuno nila ng tubig ang dalawang timba—ang isa ay mainit, at ang isa ay malamig—at salit-salitan na isinawsaw ang kanilang apo sa dalawang timba hanggang sa umiyak ito.
Ang batang si Ezra Taft Benson, na madalas tawaging “T” ng kanyang mga kapamilya at kaibigan, ay masayang lumaki sa bukid na nakapalibot sa bahay kung saan siya isinilang. Si Pangulong Gordon B. Hinckley, na kasamang naglingkod ni Pangulong Benson nang halos 33 taon sa Korum ng Labindalawang Apostol at sa Unang Panguluhan, ay nagkuwento ng mga aral na natutuhan ng batang si Ezra:
“Siya ay batang magbubukid, literal at tunay na tunay, nakasuot ng overall, isang batang sunog sa araw ang balat na sa napakamurang edad ay natutuhan ang batas ng pag-ani: ‘Ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya’ (Gal. 6:7).
“Natutuhan niya sa mga panahong iyon ng karalitaan na kung hindi ka magsisipag, walang tutubo kundi mga damong ligaw. Kailangang magsipag, nang walang humpay at walang tigil, para mayroong anihin. Kaya nga may nag-aararo sa taglagas at may nag-aararo sa tagsibol—ang nakakapawis na buong maghapong paglakad sa pinag-araruhan sa likod ng matitikas na kabayo. Noong mga panahong iyon manu-manong pang-araro ang gamit, at kailangang higpitan ang hawak sa mga puluhan na pumipilipit at umaalog kapag itinusok ang tulis ng araro sa lupa at ipinanghalukay ito. Pagkatapos ng maghapon, pagod na pagod ang bata at mahimbing ang tulog. Ngunit hindi nagtagal at umaga na.
“Kailangang muli ng bukid ng paragos, na hihilahin ng kabayo, para madurog ang buu-buong lupa at maihanda ang pagtataniman ng mga binhi. Ang pagtatanim ay napakahirap na gawain at masakit sa likod. At nariyan pa ang patubig. Ang bukid ng mga Benson ay nasa bansang tigang ang lupa, na pinataba lamang sa tulong ng patubig. Kailangang bantayan ang tubig, hindi lang maghapon kundi buong magdamag. Walang mga flashlight o lampara noon. May mga gasera lang na ginagamitan ng kerosene at aandap-andap ang manilaw-nilaw na liwanag. Mahalagang umabot ang tubig hanggang sa dulo ng hanay. Iyan ang aral na hindi malilimutan.
“Nakikita ko sa aking isipan ang isang batang lalaki, na pasan-pasan ang pala, naglalakad sa mga kanal at mga bukirin upang magpaagos ng tubig na magpapataba sa tigang na lupa.
“Hindi nagtagal at kailangan nang maghawan ng dayami, na ekta-ektarya ang lawak. Itinali ang mga hayop na pang-araro sa panggapas, umakyat ang bata sa lumang bakal na upuan, at nagsimulang gamitin ang karit, nagpuputol ng 5-talampakang haba habang lumalakad ang mga hayop. Sa dami ng langaw at lamok, sa makapal na alikabok at nakapapasong init, napakahirap na trabaho iyon. Kailangan na ngayong kalaykayin ang dayami, at saka bilugin gamit ang hand fork para patuyuin. Mahalaga ang tamang panahon. Nang sumapit ang tamang panahon inihagis ito sa isang lalagyan ng dayami, isang bagon na may malaki at patag na sapin. Sa imbakan, iniangat ito ng derrick na hila ng kabayo mula sa bagon para gawing malaking bulto ng dayami. Walang gamit sa pagpaldo noong araw, ni walang mga makinang pangkarga. Ang tanging gamit noon ay mga pantuhog at matitipunong braso.
“… Hindi nakapagtatakang lumaki siyang matipuno at malakas ang katawan. Madalas naming pag-usapan na mga nakakakilala sa kanya noong matanda na siya ang laki ng kanyang mga pulso o galang-galangan. Malusog na pangangatawan, na taglay niya noon pa mang bata siya, ang isa sa pinakamalalaking pagpapala sa kanyang buhay. Hanggang sa mga huling taon ng kanyang buhay, kinakitaan siya ng matinding sigla ng katawan.
“Sa kanyang katandaan, kapag nakikihalubilo siya sa mga pangulo ng bansa at mga hari, hindi nawala sa kanya ang magandang idinulot ng kanyang pagiging dating batang magbubukid. Hindi nawala sa kanya ang kakayahang magtrabaho. Hindi nawala sa kanya ang kusang pagbangon nang maaga at pagtatrabaho hanggang hatinggabi.
“Ngunit higit pa sa napakagandang gawi sa pagtatrabaho ang idinulot ng paglaki sa tahanang iyon. May kakaibang lakas na nagmumula sa lupa. May palagiang paalala sa sinabi kina Eva at Adan nang paalisin sila sa halamanan: ‘Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang sa ikaw ay mauwi sa lupa’ (Gen. 3:19). Ang tiwala sa sariling kakayahan ay mahalaga sa mga nagbubungkal ng lupa. Wala pang mga programa para sa bukid ang pamahalaan noon, walang tulong na salapi. Ang pabagu-bagong takbo ng panahon ay kinailangang tanggapin. Ang nakamamatay na hamog na nagyelo, di-inaasahang unos, hangin, at tagtuyot, ay tinanggap na lahat tulad ng pagtanggap sa panganib ng buhay na walang kasiguruhan. Ang pag-iimbak para paghandaan ang panahon ng kagipitan ay kailangan kung ayaw mong magutom. Ang laging pinagkukunan ng lakas laban sa mga panganib ng buhay ay panalangin, panalangin sa ating walang-hanggan at mapagmahal na Ama, ang Pinakamakapangyarihang Diyos ng sanglibutan.
“Maraming panalangin ang inusal sa maliit na tahanang iyon sa Whitney, Idaho. May panalangin ng pamilya, gabi’t araw, kung kailan pinasalamatan ang buhay pati na ang mga pagsubok at pagkakataong hatid nito, at kung kailan nagsumamo silang mabigyang-lakas para sa gawain sa maghapon. Ang lahat ng nangangailangan ay inaalala, at pagtindig ng pamilya mula sa pagkakaluhod, nakargahan na ng ina, na siyang ward Relief Society president, ang karuwahe ng pagkaing ipamimigay sa mga nangangailangan, at ang panganay niyang anak ang kanyang tsuper. Ang mga aral na iyon ay hindi nawala kailanman.”2
Mga Aral na Natutuhan mula sa Matatapat na Magulang
Ang mga aral na ito ng kasipagan, pagkakaisa ng pamilya, paglilingkod, at pamumuhay sa ebanghelyo ay nagamit isang araw nang ang mga magulang ng 12-taong-gulang na si Ezra ay umuwi galing sa isang pulong ng Simbahan na may hatid na di-inaasahang balita. Paggunita ni Pangulong Benson kalaunan:
“Habang pinatatakbo ni Itay ang karuwahe pauwi, binuksan ni Inay ang sulat, at laking gulat nila nang makita ang sulat mula sa Box B sa Salt Lake City—isang tawag na magmisyon. Walang nagtanong kung ang isang tao ay handa, may hangarin, o may kakayahan. Ang bishop ang dapat makaalam, at ang bishop ay si Lolo George T. Benson, ang tatay ng tatay ko.
“Nang pumarada sa bakuran namin sina Itay at Inay, pareho silang umiiyak—isang bagay na noon lang namin nakita sa aming pamilya. Pumalibot kami sa karuwahe—pito kami noon—at tinanong namin sila kung ano ang problema.
“Sabi nila, ‘Wala naman.’
“‘Bakit po kayo umiiyak?’ tanong namin.
“‘Halikayo sa sala at magpapaliwanag kami.’
“Nagtipon kami sa lumang sopa sa sala, at sinabi sa amin ni Itay ang tungkol sa tawag sa kanya na magmisyon. Pagkatapos ay sinabi ni Inay, ‘Natutuwa kaming malaman na itinuring na karapat-dapat ang Itay ninyo na magmisyon. Medyo napaiyak lang kami dahil ibig sabihin niyon ay dalawang taon siyang malalayo. Alam ninyo, hindi pa kami nagkahiwalay ng tatay ninyo nang higit pa sa dalawang gabi mula nang ikasal kami—at iyan ay nang magpunta ang Itay ninyo sa may bangin para kumuha ng mga troso, poste, at panggatong.’”3
Noong nasa misyon ang kanyang ama, inako ni Ezra ang halos lahat ng responsibilidad sa pamamahala sa bukid ng pamilya. “Ginawa [niya] ang trabaho ng isang matanda, gayong bata pa siya,” paggunita ng kapatid niyang si Margaret kalaunan. “Siya ang naging tatay nang halos dalawang taon.”4 Sa pamumuno ni Sarah, si Ezra at ang kanyang mga kapatid ay sama-samang nagtrabaho, nanalangin, at nagbasa ng mga liham mula sa kanilang ama. Pagkaraan ng pitumpu’t limang taon, ginunita ni Pangulong Benson ang mga pagpapalang dumating sa kanyang pamilya dahil nagmisyon ang kanyang ama:
“Palagay ko sasabihin ng ilang tao sa mundo na ang pagtanggap niya ng tawag na iyon ay katunayan na hindi niya talagang mahal ang kanyang pamilya. Ang iwanang mag-isa ang pitong anak at nagdadalantaong asawa nang dalawang taon, paano masasabing tunay na pagmamahal iyan?
“Ngunit mas malalim ang pananaw ng tatay ko sa pagmamahal. Alam niya na ‘lahat ng mga bagay ay magkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios’ (Mga Taga-Roma 8:28). Alam niya na ang pinakamainam na magagawa niya para sa kanyang pamilya ay ang sundin ang Diyos.
“Kahit labis kaming nangulila sa kanya nang mga panahong iyon, at maraming pagsubok na dumating sa aming pamilya nang mapalayo siya, ang pagtanggap niya [sa tawag na magmisyon] ay patunay ng pag-ibig sa kapwa-tao. Nagmisyon si Itay, at naiwan si Inay sa bahay na kasama ang pitong anak. (Isinilang ang ikawalo noong apat na buwan na si Itay sa misyon.) Ngunit nadama sa tahanang iyon ang pagmamahal sa gawaing misyonero na nanatili roon magpakailanman. Nangailangan ito ng kaunting sakripisyo. Kinailangang ibenta ni Itay ang dati naming tigang na bukid para matustusan ang kanyang misyon. Pinatira niya ang isang mag-asawa sa isang parte ng bahay namin para alagaan ang nakahanay na mga tanim, at ipinaubaya sa kanyang mga anak na lalaki at asawa ang pamamahala sa bukid ng dayami, pastulan, at maliit na kawan ng mga gatasing baka.
“Ang mga liham ni Itay ay talagang pagpapala sa amin. Para sa aming magkakapatid, parang nanggagaling ang mga liham sa kabilang panig ng mundo, ngunit galing lang iyon sa Springfield, Massachusetts; at Chicago, Illinois; at Cedar Rapids at Marshalltown, Iowa. Oo, dahil sa pagmimisyon ni Itay, nadama sa aming tahanan ang pagmamahal sa gawaing misyonero na nanatili roon magpakailanman.
“Kalaunan naging labing-isa na ang mga anak nila—pitong lalaki at apat na babae. Lahat ng pitong anak na lalaki ay nagmisyon, ang ilan sa kanila ay naglingkod sa dalawa o tatlong misyon. Kalaunan, dalawang anak na babae at kanilang mga asawa ang nag-full-time mission. Dalawa pang anak na babae, na parehong biyuda—walo ang anak ng isa at ang isa naman ay sampu—ay naging magkompanyon sa misyon sa Birmingham, England.
“Ito ay isang pamana na patuloy pa ring nagpapala sa pamilya Benson maging hanggang sa ikatlo at ikaapat na henerasyon. Hindi ba ito tunay na handog ng pagmamahal?”5
Paglilingkod sa Simbahan Bilang Isang Binatilyo
Nahikayat sa halimbawa ng kanyang mga magulang at sa sariling pagnanais na tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon sa mundo, masiglang tinanggap ni Ezra Taft Benson ang mga tawag na maglingkod. Noong siya ay 19 na taong gulang, pinaglingkod siya ng bishop niya, na lolo niya rin, bilang isa sa mga lider ng 24 na binatilyo sa ward. Sumali ang mga binatilyong ito sa Boy Scouts of America, at si Ezra ang nagsilbing assistant Scoutmaster.
Sa tungkuling ito, isa sa maraming responsibilidad ni Ezra ang tulungang kumanta ang mga binatilyo sa isang koro. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nanalo ang mga kabataang ito sa paligsahan ng mga koro mula sa iba’t ibang ward sa kanilang stake, kaya pumasok sila sa paligsahan ng buong rehiyon. Para mahikayat silang magpraktis at kumanta nang buong husay, nangako si Ezra na kung mananalo sila sa paligsahan ng rehiyon, isasama niya sila sa 35-milyang hiking paakyat sa kabundukan hanggang sa isang lawa. Tagumpay ang plano—nanalo ang mga binatilyong taga-Whitney.
“Sinimulan naming planuhin ang aming hiking,” pagkukuwento ni Pangulong Benson, “at sa pulong isang 12-taong-gulang ang nagtaas ng kamay at pormal na sinabing, ‘… May gusto po akong imungkahi.’ … Sabi ko, ‘Sige, ano iyon?’ Sabi niya, ‘Gusto kong imungkahi na para hindi na tayo magdala pa ng suklay sa hiking na ito, magpagupit tayong lahat nang maikli.’”
Sa huli pumayag na magpagupit nang maikli ang lahat ng binatilyo bilang paghahanda sa hiking nila. Lalo silang sumigla sa ideya nang imungkahi ng isa sa kanila na magpagupit din nang maikli ang mga Scoutmaster. Patuloy pa ni Pangulong Benson:
“Umupo ang dalawang Scoutmaster sa barberya at masayang-masaya silang ginupitan ng barbero. Nang malapit nang matapos ang panggugupit, sinabi ng barbero, ‘Ngayon, kung paaahitan ninyo sa akin ang ulo ninyo, hindi ako magpapabayad.’ Kaya nga sinimulan namin ang hiking na iyon—24 na batang lalaking maiikli ang buhok at dalawang Scoutmaster na ahit ang ulo.”
Habang iniisip ang kanyang mga karanasan sa mga binatilyong ito sa kanyang ward, sinabi ni Pangulong Benson: “Ang isa sa mga kagalakan ng paglilingkod sa mga batang lalaking ito ay ang katotohanan na ginagantimpalaan ka habang ginagawa mo ito. May pagkakataon kang obserbahan ang mga bunga ng iyong pamumuno araw-araw habang naglilingkod ka sa kanila sa paglipas ng mga taon at nakikita mo na lumalaki silang matatag, sabik na tinatanggap ang mga hamon at responsibilidad nito. Ang gayong kasiyahan ay hindi matutumbasan ng anumang halaga; kailangan itong matamo sa pamamagitan ng paglilingkod at katapatan. Napakasayang magkaroon ng kahit maliit na bahagi sa pagtulong na mapalaki ang mga batang ito na maging mga tunay lalaki.”6
Hindi nalimutan ni Pangulong Benson ang mga binatilyong iyon kailanman, at gumawa siya ng paraan para patuloy niya silang makaugnayan. Maraming taon pagkatapos ng 35-milyang hiking na iyon, binisita niya ang Whitney Ward bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at kinausap ang ilan sa kanila. Naikuwento nila sa kanya na 22 sa 24 na binatilyong iyon ang nanatiling tapat sa Simbahan. Wala na silang balita tungkol sa dalawa pa. Sa huli ay natagpuan ni Pangulong Benson ang dalawang lalaking iyon, tinulungan silang maging aktibong muli sa Simbahan, at siya ang nagbuklod sa kanila sa templo.7
Panliligaw kay Flora
Noong taglagas ng 1920, nagpunta si Ezra sa Logan, Utah, mga 25 milya (40 km) mula sa Whitney, para mag-aral sa Utah Agricultural College (na ngayon ay Utah State University). Kasama niya ang ilang kaibigan nang mapansin niya ang isang dalaga. Kalaunan ay ginunita niya:
“Nasa labas kami noon malapit sa mga pagawaan ng gatas nang isang dalaga—na kahali-halina at maganda—ang nagparada ng kanyang maliit na kotse para bumili ng gatas. Nang kawayan siya ng mga binatilyo, kumaway rin siya. Sabi ko, ‘Sino ang babaeng iyan?’ Sabi nila, ‘Si Flora Amussen.’
“Sabi ko sa kanila, ‘Alam ninyo, naramdaman ko na siya ang pakakasalan ko.’”
Pinagtawanan ng mga kaibigan ni Ezra ang kanyang sinabi, sabay sabing, “Napakasikat niya para sa isang magbubukid.” Ngunit hindi ito nakahadlang sa kanya. “Mas maganda kung gayon,” sagot niya.
Hindi pa natatagalan matapos ang pag-uusap na ito, nagkakilala sina Flora at Ezra sa Whitney sa unang pagkakataon, kung saan naanyayahang mamalagi si Flora sa bahay ng isa sa mga pinsan ni Ezra. At hindi nagtagal pagkatapos niyon, inanyayahan ni Ezra si Flora sa isang sayawan. Pumayag siya, at sinundan ito ng iba pang mga pagdedeyt na tinawag nilang “masayang pagliligawan.” Ngunit nahinto ang kanilang pagliligawan—at sa maraming paraan ay lumalim pa—nang tumanggap si Ezra ng tawag na maging full-time missionary sa British Mission.
Sa paghahanda sa misyon ni Ezra, pinag-usapan nila ni Flora ang kanilang relasyon. Gusto nilang magpatuloy ang pagkakaibigan nila, ngunit alam din nila na kailangan ni Ezra na maging tapat na missionary. “Bago ako umalis, ipinasiya namin ni Flora na minsan lang magsulatan sa isang buwan,” sabi niya. “Ipinasiya rin namin na ang aming mga liham ay may panghihikayat, tiwala at balita. Iyon mismo ang ginawa namin.”8
Dalawang Missionary
Ang British Mission, na naging napakamabunga para sa naunang Banal sa mga Huling Araw na mga missionary, ay naiba para kay Elder Benson at sa kanyang mga kompanyon. Ang mga kalaban [ng Simbahan] sa British Isles, kabilang na ang ilang pastor, ay pinukaw ang pagkamuhi ng mga tao laban sa mga Banal sa mga Huling Araw, at nagpakalat ng mga artikulo, nobela, dula, at pelikula laban sa mga Mormon. Walang alinlangan na nalungkot si Elder Benson sa di-magandang saloobin ng mga tao tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, ngunit hindi niya hinayaang pahinain ng mga pagsubok na iyon ang kanyang pananampalataya. Sa katunayan, isinulat niya sa kanyang journal na tinutukso silang magkompanyon ng mga kabataan sa lugar sa pagsigaw ng “Mga Mormon!” Ang sagot na hindi niya sinambit ay “Salamat sa Panginoon at Mormon ako.”9
Maliban pa sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga taong hindi miyembro ng Simbahan, naglingkod si Elder Benson bilang lider ng priesthood at klerk sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Great Britain. Ang iba’t ibang pagkakataong ito na maglingkod ay humantong sa magagandang karanasan, na lubhang taliwas sa mga paghihirap na madalas niyang naranasan. Nagbinyag at nagkumpirma si Elder Benson ng ilang tao, at tinulungan niya ang mas marami pa na mas mapalapit sa Panginoon. Halimbawa, ikinuwento niya na minsan, sa isang espesyal na pulong na inorganisa ng matatapat na miyembro ng Simbahan, ginabayan siya ng Espiritu na magsalita sa isang paraan na nakatulong sa mga kaibigan ng mga miyembro na makatanggap ng patotoo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.10 Itinala niya na minsan ay nagbigay silang magkompanyon ng basbas ng priesthood sa isang babaeng malubha ang karamdaman na gumaling pagkaraan ng 10 minuto.11 Natuwa siya nang makakita siya ng mga Banal, noong klerk siya, na ang pangalan ay nasa mga talaan ng Simbahan ngunit wala na sa mga lider sa lugar.12 Tumanggap siya ng mahalagang pagsasanay sa pamumuno, na naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng dalawang mission president na mga miyembro din ng Korum ng Labindalawang Apostol: sina Elder Orson F. Whitney at Elder David O. McKay.
Pinasalamatan ni Elder Benson ang proteksyon ng Panginoon nang ipangaral niya ang ebanghelyo. Isang gabi pinalibutan silang magkompanyon ng mga mandurumog at binantaan na itatapon sila sa ilog. Tahimik siyang humingi ng tulong sa panalangin. Iniulat niya kalaunan na, “isang malaki at matipunong lalaki ang nakipagsiksikan para makalapit sa akin. Tumitig siya sa mga mata ko at sinabi sa malakas at malinaw na tinig, ‘Binata, naniniwala ako sa bawat salitang sinabi mo ngayong gabi.’ Nang magsalita siya unti-unting nabawasan ang mga taong nakapalibot sa akin. Para sa akin ito ay tuwirang sagot sa panalangin. Maya-maya pa ay dumating ang isang British bobby [pulis].”13
Noong hindi pa gaanong naglilingkod sa iba si Elder Benson, “patuloy niyang pinaunlad ang kanyang sarili sa ‘dibdibang pagbabasa ng Aklat ni Mormon,’ lalo na tungkol sa mga karanasan ng mga anak na lalaki ni Mosias sa misyon.”14 Tumanggap din siya ng kapanatagan at suporta sa mga liham ng pamilya, na “paulit-ulit niyang binasa.” Sa paggunita sa kanyang misyon, sinabi niya: “Ibinuhos nina Inay at Itay ang kanilang pagmamahal sa akin sa kanilang mga liham, na nagbigay sa akin ng tunay na lakas noong binata ako. Ang mga [liham] ni Flora ay puno ng espirituwalidad at panghihikayat, na walang halong pansariling damdamin. Palagay ko dahil doon ay nag-ibayo ang pagmamahal at pasasalamat ko sa kanya nang higit sa anupaman.”15
Natanggap ni Elder Benson ang kanyang release mula sa full-time mission noong Nobyembre 2, 1923. Atubili siyang umalis, na sinasabing ang pamamaalam sa “mababait na mga Banal” sa Great Britain ang “pinakamahirap na bahagi ng [kanyang] misyon.”16 Gayunpaman, masaya siya na magkakasama silang muli ng kanyang pamilya, at inasam niyang makitang muli si Flora.
Inasam ding makitang muli ni Flora si Ezra. Ngunit hindi lamang pag-asam na makasama kaagad si Ezra ang nasa isip niya. Talagang umasam siya—sa kanyang kinabukasan at potensyal. Noon pa mang tinedyer siya, sinabi na niya na “gusto niyang makapag-asawa ng isang magsasaka,”17 at natuwa siya na tila determinado si Ezra na manirahan sa bukid ng pamilya sa Whitney, Idaho. Gayunman, nadama niya na kailangan muna nitong tapusin ang kanyang pag-aaral. Sinabi niya kalaunan, “Nanalangin [ako] at nag-ayuno para ipaalam sa akin ng Panginoon kung paano ko siya matutulungang makapaglingkod nang husto sa kanyang kapwa. Naisip ko na kung sa palagay ng Bishop ay karapat-dapat ako, tatawagin [niya] akong magmisyon. Simbahan ang prayoridad ni Ezra, kaya alam kong hindi niya sasalungatin iyon.”18
Nagulat si Ezra nang magsimula silang muling magligawan ni Flora, sinabi ni Flora sa kanya na tinanggap nito ang tawag na magmisyon sa Hawaiian Islands. Si Flora ay itinalaga noong Agosto 25, 1924, at umalis kinabukasan. Pagkaalis ni Flora, ito ang isinulat ni Ezra sa kanyang journal: “Pareho kaming masaya dahil alam naming maganda ang kinabukasang naghihintay sa amin at makakatulong sa amin ang paghihiwalay na ito kalaunan. Gayunpaman, masakit makitang gumuho ang mga pangarap ng isang tao. Ngunit kahit kung minsan ay ikinalungkot namin iyon, tumanggap kami ng katiyakan mula sa Kanya na nagsabing makabubuti iyon sa amin.”19
Totoo ngang nakabuti iyong lahat sa amin. Si Flora, ayon sa kanyang mission president, ay “napakagaling at napakamasayahing missionary”20 na ibinigay ang kanyang “puso’t kaluluwa, panahon, at mga talento sa gawain ng Panginoon.”21 Pinangasiwaan niya ang Primary organization sa ilang lugar ng mission, tinuruan ang mga bata sa isang elementarya, naglingkod sa templo, at tumulong na palakasin ang mga Banal sa mga Huling Araw sa lugar. Naging kompanyon pa niya ang kanyang biyudang ina na si Barbara Amussen, na tinawag na maglingkod sa maikling panahon. Magkasamang nakilala ng mag-inang magkompanyon na ito ang isang lalaking sumapi sa Simbahan noong araw sa Estados Unidos dahil sa pagtitiyaga ng ama ni Flora na si Carl Amussen. Nawala sa Simbahan ang miyembrong ito, ngunit kinaibigan at tinulungan siya ni Flora at ng kanyang ina na makabalik sa Simbahan.22
Habang wala si Flora, nanatiling abala si Ezra. Ipinagbili nila ng kapatid niyang si Orval ang bukid ng pamilya at ipinagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Pansamantalang nag-aral si Ezra sa Brigham Young University sa Provo, Utah, samantalang naiwan si Orval sa Whitney para asikasuhin ang bukid. Napagkasunduan nila na kapag nakatapos na si Ezra sa pag-aaral, babalik siya sa bukid at si Orval naman ang magmimisyon at magtatapos ng pag-aaral. Determinadong makatapos kaagad sa BYU, pinuno ni Ezra ang iskedyul niya sa eskuwela. Nakibahagi rin siya sa mga aktibidad sa unibersidad, tulad ng mga sayawan, pagtitipon, at dulaan.
Bagama’t ibinoto si Ezra bilang “Pinakasikat na Lalaki sa BYU” noong huling taon niya sa eskuwela, walang ibang nasa isip niya kundi si Flora. Sinabi niya kalaunan na nang makatapos ng misyon si Flora noong Hunyo 1926, “nasabik” siyang makita ito, ngunit iginiit niya na hindi niya “hinihintay” na bumalik ito.23 Nagtapos siya nang may karangalan ilang buwan bago umuwi si Flora.
Pagsisimula ng Pagsasama Bilang Mag-asawa
Isang buwan pagkabalik ni Flora mula sa misyon, ipinaalam nila ni Ezra ang kasunduan nilang magpakasal. May mga tao pa ring hindi sang-ayon sa pasiya ni Flora. Hindi nila maunawaan kung bakit pipili ng isang magsasaka ang isang taong may pinag-aralan, mayaman, at sikat. Ngunit patuloy pa rin niyang sinabi na noon pa man ay “gusto niyang makapag-asawa ng isang magsasaka.”24 Si Ezra ay “praktikal na tao, matalino at matatag,” sabi niya. At, sabi pa niya, “Magiliw siya sa kanyang mga magulang, at alam ko na kung iginalang niya sila, igagalang niya ako.”25 Nakita niya na si Ezra ay “magaspang na diyamante,” at sinabi niya, “Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para tulungan siyang maging tanyag at madama ng mga tao ang kanyang mabuting impluwensya, hindi lang sa maliit na komunidad na ito kundi ang makilala siya sa buong mundo.”26
Sina Flora at Ezra ay ibinuklod noong Setyembre 10, 1926, sa Salt Lake Temple ni Elder Orson F. Whitney ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang tanging salu-salo pagkatapos ng kasal ay isang almusal para sa pamilya at mga kaibigan. Pagkatapos ng almusal, umalis kaagad ang bagong kasal sakay ng kanilang Model T Ford pick-up truck patungong Ames, Iowa, kung saan natanggap si Ezra sa master of science program sa agricultural economics sa Iowa State College of Agriculture and Mechanical Arts (na ngayon ay Iowa State University of Science and Technology).
Halos lahat ng dinaanan nila ay mapuputik na kalsada at di-mataong lugar. Habang naglalakbay, walong gabi silang natulog sa isang toldang may butas. Nang makarating sila sa Ames, umupa sila ng apartment na isang kanto ang layo mula sa kampus. Maliit ang apartment, at kasama ng mga Benson ang malaking pamilya ng mga ipis, ngunit sinabi ni Ezra na “di-nagtagal at nagmukha itong pinaka-komportableng dampang maiisip ng sinuman.”27 Muling itinuon ni Ezra ang sarili sa kanyang pag-aaral. Wala pang isang taon, matapos ang maraming oras ng pag-aaral, lektyur, at pagsulat, nagtapos siya sa kanyang master’s degree. Ang mag-asawa, na naghihintay na maisilang ang kanilang unang anak, ay nagbalik sa bukirin ng mga Benson sa Whitney.
Pagbabalanse ng mga Oportunidad sa Propesyon at mga Tungkulin sa Simbahan
Nang bumalik ang mga Benson sa Whitney, naging lubos na abala si Ezra sa araw-araw na pamamalakad sa bukid, na kinabilangan ng paggagatas sa mga baka, pag-aalaga ng mga baboy at manok, at pagtatanim ng mga sugar beet, butil, alfalfa, at iba pang tanim. Natawag si Orval na mag-full-time mission sa Denmark.
Wala pang dalawang taon kalaunan, inalok ng trabaho ng lokal na pamahalaan si Ezra bilang agricultural agent. Sa paghihikayat ni Flora, tinanggap ni Ezra ang posisyon, kahit nangahulugan iyon ng paglisan nila sa bukid at paglipat sa kalapit na lungsod ng Preston. Umupa siya ng isang magsasaka sa kanilang lugar na mamamahala sa bukid hanggang makabalik si Orval.
Kabilang sa mga bagong responsibilidad ni Ezra ang pagpapayo sa mga lokal na magsasaka tungkol sa mga problemang nakakaapekto sa kanilang ani. Higit sa anupaman, nadama niya na kailangan ng mga magsasaka na humusay sa pagbebenta—isang bagay na higit na kinailangan nang magsimula ang Great Depression, at isang bagay na kaya niyang ilaan dahil sa kaalaman niya sa agricultural economics. Hinikayat niya ang mga magsasaka na sumali sa mga samahan ng mga kooperatiba ng mga magsasaka, na matutulungan silang makatipid at makakuha ng pinakamagandang presyo para sa patrabaho.28
Ang mga kakayahan ni Ezra bilang lider sa larangan ng agrikultura ay nagbigay ng maraming oportunidad sa trabaho. Mula 1930 hanggang 1939, nagtrabaho siya bilang agricultural economist at specialist sa University of Idaho Extension Division sa Boise, ang kabisera ng Idaho. Ang mga responsibilidad na iyon ay natigil sa pagitan ng Agosto 1936 at Hunyo 1937, nang lumipat ang mga Benson sa California para makapag-aral ng agricultural economics si Ezra sa University of California sa Berkeley.
Kahit may mabibigat na responsibilidad sa trabaho at sa bahay, nag-ukol ng oras sina Ezra at Flora Benson na makapaglingkod sa Simbahan. Sa Whitney, Preston, at Boise, tinawag silang magturo at mamuno sa mga kabataan.29 Tinanggap nila ang mga tungkuling ito nang masigasig, na naniniwala na “ang mga kabataan ang ating kinabukasan.”30 Nagkaroon din ng pagkakataon si Ezra na makatulong sa gawaing misyonero doon.31 Sa Boise, tinawag na maglingkod si Ezra bilang tagapayo sa stake presidency. Patuloy siyang naglingkod sa posisyong iyon noong nakatira sila ng kanyang pamilya sa California. Mabilis na lumago ang Boise Stake, at noong Nobyembre 1938, hinati ni Elder Melvin J. Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang stake sa tatlong stake. Si Ezra Taft Benson ang tinawag na maglingkod bilang isa sa mga stake president.
Noong Enero 1939, nagulat si Ezra nang alukin siyang maging executive secretary para sa National Council of Farmer Cooperatives sa Washington, D.C. Kinausap niya si Flora tungkol sa oportunidad na ito. Dahil dalawang buwan pa lang siyang naitalaga noon bilang stake president, humingi rin siya ng payo sa Unang Panguluhan. Hinikayat nila siyang tanggapin ang posisyon, kaya’t nagpaalam silang mag-anak sa kanilang mga kaibigan sa Boise noong Marso 1939 at lumipat sa Bethesda, Maryland, malapit sa Washington, D.C. Noong Hunyo 1940 tinawag siyang muli bilang stake president, sa pagkakataong ito sa bagong tatag na Washington Stake sa Washington, D.C.
Isang Mapagmahal at Nagkakaisang Pamilya
Laging isinasaisip nina Ezra at Flora Benson ang walang-hanggang kahalagahan ng relasyon nila sa isa’t isa at sa kanilang mga anak, sa kanilang tumatandang mga magulang, at sa kanilang mga kapatid. Ang pagtutuon nila sa pananatiling nagkakaisa sa pamilya ay hindi lamang dahil sa tungkulin; mahal nila talaga ang isa’t isa, at gusto nilang magkasama-sama—sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan.
Ang maraming responsibilidad ni Ezra sa mga tungkulin sa Simbahan at sa trabaho ay madalas siyang ilayo sa kanyang pamilya. Kung minsan pinatutunayan ito ng mga sinasabi ng kanyang bata pang mga anak. Halimbawa, nang paalis na siya para dumalo sa isang pulong ng Simbahan isang araw ng Linggo, sinabi ng anak niyang si Barbara, “Paalam, Itay. At bumalik po kayo ulit at bisitahin kami balang-araw.”32 Isang hamon kay Flora ang palakihin ang anim na anak kahit madalas ay wala ang kanyang asawa, at paminsan-minsan ay inamin niyang siya ay “nalulungkot at medyo pinanghihinaan ng loob.”33 Sa kabila ng lahat ng iyon, itinangi niya ang kanyang mga tungkulin bilang asawa’t ina, at nasiyahan siya sa katapatan ng kanyang asawa sa Panginoon at sa pamilya. Sa isang liham kay Ezra, isinulat niya: “Tulad ng dati parang ilang buwan ang mga araw simula nang umalis ka. … [Ngunit] kung lahat ng tao … ay nagmahal at ipinamuhay ang kanilang relihiyon na tulad mo, walang gaanong kalungkutan [at] pagdurusa. … Lagi kang napakatapat sa iyong pamilya at handa ka sa lahat ng oras na tulungan ang ibang nangangailangan.”34
Ipinakita ni Ezra ang katapatang ito tuwing nasa bahay siya. Nag-ukol siya ng oras na makipagtawanan at makipaglaro sa kanyang anim na anak, makinig sa kanila, itanong ang opinyon nila tungkol sa mahahalagang isyu, magturo ng ebanghelyo, tumulong sa mga gawaing-bahay, at makasama ang bawat isa sa kanila. Nakadama ng kapanatagan at lakas ang mga anak sa nagkakaisang pagmamahal sa kanila ng kanilang mga magulang. (Dahil napakahalaga ng pamilya kay Ezra Taft Benson, ang aklat na ito ay naglalaman ng dalawang kabanata ng kanyang mga turo tungkol sa paksa. Ang mga kabanatang iyon, na pinamagatang “Kasal at Pamilya—Inorden ng Diyos” at “Ang mga Sagradong Tungkulin ng mga Ama at Ina,” ay kinapapalooban ng paggunita ng mga batang Benson tungkol sa tahanang puno ng pagmamahal noong bata pa sila.)
Ang Tawag na Maging Apostol
Noong tag-init ng 1943, umalis si Ezra papuntang Maryland kasama ang kanyang anak na si Reed upang libutin ang ilang kooperatiba ng mga magsasaka sa California bilang bahagi ng kanyang mga responsibilidad sa National Council of Farmer Cooperatives. Nagplano rin siyang kausapin ang mga lider ng Simbahan sa Salt Lake City at bisitahin ang mga miyembro ng pamilya sa Idaho.
Noong Hulyo 26, matapos maisagawa ang mga layunin ng kanilang biyahe, bumalik sila sa Salt Lake City bago umuwi. Nalaman nila na matagal na siyang hinahanap ni Pangulong David O. McKay, na nakausap ni Ezra wala pang dalawang linggo ang nakalipas. Tinawagan ni Ezra si Pangulong McKay, na nagsabi sa kanya na gusto siyang makausap ni Pangulong Heber J. Grant, na noon ay Pangulo ng Simbahan. Inihatid sina Ezra at Reed sa bahay-bakasyunan ni Pangulong Grant na ilang minuto lang ang layo mula sa Salt Lake City. Pagdating nila, “Agad inihatid si Ezra sa kuwarto ni Pangulong Grant, kung saan nagpapahinga ang matandang propeta. Sa utos ng Pangulo, isinara ni Ezra ang pinto at nilapitan ang propeta, at umupo sa silya sa tabi ng kama. Dalawang kamay na hinawakan ni Pangulong Grant ang kanang kamay ni Ezra at, puno ng luha ang mga mata, mahinahong sinabi, ‘Brother Benson, buong puso kitang binabati at dalangin ko na pagpalain ka ng Diyos. Ikaw ang napili na maging pinakabatang miyembro ng Kapulungan ng Labindalawang Apostol.’”35
Sa kanyang journal, isinalaysay ni Ezra ang karanasan:
“Parang hindi kapani-paniwala at napakabigat na tungkulin niyon. … Sa loob ng ilang minuto ang tanging nasabi [ko] ay, ‘Ah, Pangulong Grant, imposible po iyan!’ na malamang na ilang beses kong inulit-ulit bago ako nahimasmasan at naunawaan ko ang nangyari. … Matagal niyang hinawakan ang kamay ko habang pareho kaming lumuluha. … Sa loob ng mahigit isang oras na kaming dalawa lang ang naroon, halos buong oras kaming magiliw na magkahawak-kamay. Bagama’t [siya ay] mahina na, malinaw at masigla ang kanyang isipan, at lubos akong humanga sa kanyang magiliw, mabait, at mapagpakumbabang espiritu habang tila inaarok niya ang aking kalooban.
“Nakadama ako ng panghihina at pagiging hindi karapat-dapat kaya’t doble ang pasasalamat ko sa kapanatagan at katiyakang hatid ng mga sinabi niya sa akin. Bukod pa sa ibang mga bagay sinabi niya, ‘May paraan ang Panginoon sa pagbibigay ng kakayahan sa mga taong tinatawag na mamuno.’ Nang sa kabila ng panghihina ko ay nasabi kong mahal ko ang Simbahan sinabi niya, ‘Alam namin iyan, at gusto ng Panginoon ang mga taong ibibigay ang lahat para sa Kanyang gawain.’”36
Matapos ang interbyung ito, inihatid sina Ezra at Reed sa bahay ni Pangulong McKay. Habang daan, hindi ikinuwento ni Ezra ang anumang pinag-usapan nila ni Pangulong Grant, at hindi naman nagtanong si Reed. Nang dumating na sila sa bahay ng mga McKay, sinabi ni Pangulong McKay kay Reed ang naganap. Pagkatapos ay nagyakap sina Ezra at Reed.
Balisa si Ezra noong gabing iyon habang nasa tren sila ni Reed pauwi. Kinabukasan, tinawagan niya si Flora at sinabi rito na tinawag siyang maging Apostol. “Napakasaya raw siguro niyon at sinabi niya na lubos ang tiwala niya na makakaya kong gampanan iyon,” paggunita niya. “Napanatag ang kalooban ko nang makausap ko siya. Noon pa man ay mas malaki na ang tiwala niya sa akin kaysa sa tiwala ko sa sarili ko.”37
Nang sumunod na ilang linggo, isinaayos nina Ezra at Flora ang paglipat sa Utah, at ginawa ni Ezra ang lahat para maayos na maturuan ang kahalili niya sa National Council of Farmer Cooperatives. Sila ni Spencer W. Kimball ay sinang-ayunan bilang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol noong Oktubre 1, 1943, at inorden silang Apostol noong Oktubre 7, na si Elder Kimball ang unang inorden.
Sa gayon nagsimula ang ministeryo ni Elder Ezra Taft Benson bilang isa sa “mga natatanging saksi ng pangalan ni Jesucristo sa buong daigdig” (D at T 107:23).
Paglalaan ng Pagkain, Damit, at Pag-asa sa Europa Matapos ang Digmaan
Noong Disyembre 22, 1945, si Pangulong George Albert Smith, na siyang Pangulo ng Simbahan noon, ay nagtawag ng espesyal na pulong para sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol. Ipinaalam niya na nabigyang-inspirasyon ang Unang Panguluhan na magpadala ng Apostol na mangungulo sa European Mission at mangangasiwa sa mga gawain ng Simbahan doon. Natapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig sa pagsisimula ng taong iyon, at maraming bansa sa Europa ang nagbabangon pa lang mula sa laganap at napakalaking pinsalang idinulot ng digmaan. Si Elder Ezra Taft Benson, pakiramdam ng Unang Panguluhan, ang nararapat sa gawaing iyon.
Ang balitang ito ay “lubhang nakabigla” kay Elder Benson, na siyang pinakabago at pinakabatang miyembro ng korum. Tulad noong tawagin sa misyon ang tatay niya 34 na taon na ang nakalipas, sa tungkuling ito ay mahihiwalay siya sa kanyang pamilyang nagsisimula pa lamang. Hindi masabi ng Unang Panguluhan kung hanggang kailan siya mawawala. Gayunman, tiniyak niya sa kanila na susuportahan siya ng kanyang asawa’t mga anak, at sinabi niyang handa siyang maglingkod.38 Inilarawan niya kalaunan ang tungkuling tinanggap niya:
“Parang napakahirap ng gawain. Binigyan nila [ang Unang Panguluhan] kami ng apat na utos: Una, tugunan ang mga espirituwal na gawain ng Simbahan sa Europa; ikalawa, maglaan ng pagkain, damit, at kubrekama sa naghihirap na mga Banal sa lahat ng dako ng Europa; ikatlo, pamahalaan ang reorganisasyon ng iba’t ibang mission sa Europa; at, ikaapat, maghanda sa pagbabalik ng mga missionary sa mga bansang iyon.”39 Ngunit binigyan siya ni Pangulong Smith ng nakapapanatag na pangakong ito: “Hindi ako nag-aalala sa iyo. Magiging ligtas ka roon tulad sa iba pang dako ng mundo kung pangangalagaan mo ang iyong sarili, at maisasagawa mo ang isang dakilang gawain.”40
Inilarawan ni Elder Benson ang karanasan nang ibalita niya ito sa kanyang asawa at pamilya: “Sa magiliw at madamdaming pakikipag-usap sa aking asawa, na pinabanal ng mga luha, mapagmahal na nagpasalamat si Flora at tiniyak niya sa akin ang kanyang buong-pusong pagsuporta. Sa hapunan sinabi ko iyon sa mga bata, na nagulat, naging interesado, at lubos na sumuporta.”41
Nang dumating si Elder Benson at ang kompanyon niyang si Frederick W. Babbel sa Europa, nalungkot sila sa karamdaman, karalitaan, at pinsalang nakita nila sa buong paligid nila. Halimbawa, sa liham niya kay Flora, ikinuwento ni Elder Benson ang mga ina na nagpasalamat na makatanggap ng sabon, karayom at sinulid, at isang kahel. Matagal na silang hindi nakakita ng gayong mga bagay. Nakita ni Elder Benson na, sa kaunting rasyon na naibigay sa kanila noong araw, “nagtiis sila ng gutom para mas maraming maipakain sa kanilang mga anak na siyang gagawin ng isang tunay na ina.”42 Ikinuwento niya ang mga pagpupulong sa Simbahan sa “binombang [mga] gusali” na “napakadilim.”43 Ikinuwento niya ang mga refugee—“kaawa-awang mga kaluluwang itinaboy, … sapilitang pinaalis sa dati nilang masayang tahanan patungo sa mga lugar na hindi nila alam.”44 Ikinuwento rin niya ang mga himala sa gitna ng malalagim na bunga ng digmaan.
Isang himala ang kitang-kita sa buhay ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong Europa. Habang papunta roon, inisip ni Elder Benson kung paano siya tatanggapin ng mga Banal. “Puno kaya ng kapaitan ang kanilang puso? May poot kaya roon? Tumalikod na kaya sila sa Simbahan?” Sumigla siya sa kanyang dinatnan:
“Nang tingnan ko ang kanilang nakatingalang mga mukha, maputla, payat, marami sa mga Banal na ito ang sira-sira ang damit, ang ilan ay nakayapak, nakita ko ang liwanag ng pananampalataya sa kanilang mga mata nang magpatotoo sila sa kabanalan ng dakilang gawaing ito sa mga huling araw, at nagpasalamat sa mga pagpapala ng Panginoon. …
“Nakita namin na nagpatuloy sa buhay ang ating mga miyembro sa kagila-gilalas na paraan. Matatag ang kanilang pananampalataya, nag-ibayo ang kanilang dedikasyon, at di-mahihigitan ang kanilang katapatan. Kakatiting ang nakita naming kapaitan o kawalan ng pag-asa, kung mayroon man. Laganap ang diwa ng pakikisama at kapatiran sa lahat ng mission, at sa paglalakbay namin, ipinaabot ng mga Banal ang pagbati nila sa kanilang mga kapatid sa ibang mga bansa kahit ilang buwan lamang bago iyon ay magkaaway ang kanilang mga bansa.” Maging ang mga refugee ay “kumanta ng mga awitin ng Sion nang … may sigla” at “sama-samang lumuhod sa panalangin gabi’t araw at nagpatotoo … hinggil sa mga pagpapala ng ebanghelyo.”45
Isa pang himala ang lakas ng programang pangkapakanan ng Simbahan. Ang programang ito, na nagsimula 10 taon na ang nakalilipas, ay nagligtas sa buhay ng maraming Banal sa mga Huling Araw sa Europa. Nabiyayaan ang mga Banal dahil sinunod nila mismo ang alituntunin ng programang pangkapakanan. Nagtulungan sila sa oras ng pangangailangan, nagbahaginan ng pagkain, damit, at iba pang mga suplay, at nagtanim pa sila ng mga halaman sa mga binombang gusali. Nabiyayaan din sila dahil ang mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagbigay ng mga suplay para matulungan sila—humigit-kumulang 2,000 toneladang suplay. Ikinuwento ni Elder Benson na naluha ang mga lider ng Simbahan sa nakitang pagkain na maipamamahagi nila sa mga miyembro doon, at sinabi niya na tumayo siya sa harap ng mga kongregasyon kung saan tinatayang 80 porsiyento ng lahat ng suot na damit ay nagmula sa programang pangkapakanan.46 Sa isang mensahe niya sa pangkalahatang kumperensya nang makauwi siya, sinabi niya: “Mga kapatid, kailangan pa ba ninyo ng karagdagang katibayan ng pangangailangan natin sa programang ito at ng inspirasyong pinagmulan nito? … Sinasabi ko sa inyo na ang Diyos ang namamahala sa programang ito. Ito ay binigyang-inspirasyon!”47
Muling nakaranas sina Elder Benson at Brother Babbel ng isa pang paulit-ulit na himala nang buksan ng Panginoon ang daan para makapasok sila sa mga bansang winasak ng digmaan sa Europa. Paulit-ulit na humingi ng pahintulot si Elder Benson sa mga opisyal ng militar na makapasok sa ilang rehiyon para makipagkita sa mga Banal at mamahagi ng mga suplay. Paulit-ulit, pare-pareho lang ang sagot sa kanya ng mga pinunong iyon at ng iba pa: “Hindi mo ba alam na nagkaroon ng digmaan dito? Hindi pinapayagang pumasok ang mga sibilyan na hindi tagarito.” At paulit-ulit, matapos niyang titigan sa mga mata ang mga pinunong iyon at mahinahong ipaliwanag ang kanyang misyon, sila ni Brother Babel ay pinayagang maglibot at magsagawa ng ipinagagawa sa kanila ng Panginoon.48
Makalipas ang 11 buwan, si Elder Benson ay hinalinhan ni Elder Alma Sonne, isang Assistant sa Labindalawa, na naglingkod sa Europa kasama ang asawa niyang si Leona. Naiwan si Brother Babbel para tulungan ang mga Sonne. Mula nang umalis ng Salt Lake City si Elder Benson noong Enero 29, 1946, hanggang sa bumalik siya noong Disyembre 13, 1946, nilakbay niya ang may kabuuang 61,236 milya (98,550 kilometro). Dama ni Elder Benson na nagtagumpay ang misyon, ngunit mabilis niyang sinabi: “Alam ko kung bakit kami nagtagumpay sa mga ginawa namin. Hindi ko nadama kailanman na magagawa ko o ng mga kasamahan ko ang misyong ipinagawa sa amin kung wala ang kapangyarihan ng Maykapal.”49 Ang tagumpay ng misyon ay makikita sa lakas ng Simbahan sa mga bansa ng Europa, na bagong tatag at umuunlad. Makikita rin ang tagumpay sa buhay ng bawat Banal—mga indibiduwal na gaya ng taong minsan ay kinausap si Pangulong Thomas S. Monson makalipas ang maraming taon sa isang pulong sa Zwickau, Germany. Hiniling niya kay Pangulong Monson na ipaabot ang pagbati niya kay Ezra Taft Benson. Pagkatapos ay ibinulalas niya: “Iniligtas niya ang buhay ko. Binigyan niya ako ng pagkain at damit. Binigyan niya ako ng pag-asa. Pagpalain siya ng Diyos!”50
Pagkamakabayan, Matalinong Pamumuno sa Pamahalaan, at Paglilingkod sa Pamahalaan ng Estados Unidos
Habang malayo sa pamilya si Elder Benson, naalala niya ang isang bagay na itinangi niya noon pang kabataan niya: ang pagkamamamayan niya sa Estados Unidos ng Amerika. Mula sa kanyang amang si George Taft Benson Jr., natutuhan niyang mahalin ang kanyang bayang sinilangan at ang mga alituntuning pinagtatagan dito. Nalaman niya na ang Konstitusyon ng Estados Unidos ng Amerika—ang dokumentong pinagsaligan ng mga batas ng bansa—ay naihanda na ng mga lalaking binigyang-inspirasyon. Itinangi niya ang karapatang bumoto, at hindi kinalimutan ang pag-uusap nila ng kanyang ama pagkatapos ng halalan. Hayagang sinuportahan ni George ang isang kandidato, at ipinagdasal pa nila sa panalangin ng pamilya ang taong ito. Nang malaman ni George na natalo sa halalan ang kanyang kandidato, narinig ni Ezra na ipinagdasal nito ang nanalong kandidato. Tinanong ni Ezra ang ama kung bakit niya ipinagdasal ang kandidatong hindi niya gusto. “Anak,” sagot ni George, “palagay ko mas kailangan niya ang mga panalangin natin kaysa kandidato ko.”51
Noong Abril 1948, ibinigay ni Elder Benson ang una sa kanyang maraming mensahe sa pangkalahatang kumperensya na nakatuon sa “ipinropesiyang misyon” ng Estados Unidos ng Amerika at sa kahalagahan ng kalayaan. Pinatotohanan niya na inihanda na ng Panginoon ang Estados Unidos “bilang kanlungan ng kalayaan” upang maipanumbalik doon ang ebanghelyo.52 “Tayo ay mga alagad ng Prinsipe ng Kapayapaan,” pagtuturo niya sa pagtatapos ng kanyang talumpati, “at dapat nating muling ilaan ang ating buhay sa pagpapalaganap ng katotohanan at kabutihan at pagpapanatili ng … kalayaan.”53 Sa sumunod na mga talumpati, binanggit niya ang Estados Unidos ng Amerika bilang “himpilan ng Panginoon sa pangangasiwa sa mga huling araw na ito.”54
Nagbabala si Elder Benson tungkol sa mga nagbabantang panganib sa kalayaan sa Estados Unidos at sa buong mundo. Madalas siyang magsalita nang matigas laban sa pamahalaang may “mga sistemang gawang-tao na gumagamit ng puwersa,” na “salungat sa mga walang-hanggang alituntunin.”55 Nagbabala rin siya tungkol sa iba pang mga impluwensyang nagbanta sa kalayaan, kabilang na ang mahahalay na libangan, kawalang-galang sa araw ng Sabbath, pagiging kampante at mga maling turo.56 Hinikayat niya ang mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo na gamitin ang kanilang impluwensya para makatulong sa pagtiyak na matatalino at mabubuting tao ang mahalal sa katungkulan sa pamahalaan.57 Ipinahayag niya: “Ang epektibong pangangaral ng ebanghelyo ay magtatagumpay lamang kapag may kalayaan. Oo, sinasabi nating lahat, mahal natin ang kalayaan. Ngunit hindi sapat iyan. Dapat nating protektahan at pangalagaan yaong mahal natin. Dapat nating pangalagaan ang kalayaan.”58
Noong Nobyembre 24, 1952, ang mga salitang mariing sinabi ni Elder Benson tungkol sa pagkamakabayan ay nasubukan nang anyayahan siyang maglingkod sa kanyang bansa. Naglakbay siya papuntang New York City sa paanyaya ni Dwight D. Eisenhower, na kahahalal na pangulo ng Estados Unidos. Iniisip kunin ni President-Elect Eisenhower si Elder Benson na maglingkod sa kanyang gabinete—sa madaling salita, maging isa sa kanyang matataas na tagapayo—sa katungkulan ng secretary of agriculture para sa buong bansa. Ikinarangal ni Elder Benson ang pagkilalang ito. “Ngunit,” sabi niya kalaunan, “ayaw kong tanggapin ang trabaho. … Walang matinong tao, sabi ko sa sarili ko, na gugustuhing maging Secretary of Agriculture sa ganitong panahon. … Alam ko ang kaakibat ng posisyong iyan: mga pagtatalu-talo, matitinding tensyon, masasalimuot na problema. …
“Ngunit hindi lang mga problema at tensyon ang inaalala ko. Lahat tayo ay mayroon niyan. Tulad ng maraming Amerikano, atubili akong lubusang pumasok sa pulitika. Oo naman, gusto kong makitang mahalal at mahirang ang mga taong mataas ang mga pamantayan at mabuti ang pagkatao para patakbuhin ang pamahalaan, pero malaki ang kaibhan niyan sa pagsali ko mismo. …
“Gayunman, higit sa lahat, mas masaya ako sa gawaing ginagawa ko na bilang isa sa Kapulungan ng Labindalawa. … Wala na akong hangarin o layunin pang baguhin iyan.”59
Bago makipagkita kay President-Elect Eisenhower, humingi ng payo si Elder Benson kay Pangulong David O. McKay, ang Pangulo ng Simbahan noon. Sinabi sa kanya ni Pangulong McKay: “Brother Benson, malinaw ang aking isipan sa bagay na ito. Kung dumating ang pagkakataon sa tamang diwa palagay ko dapat mo itong tanggapin.”60 Ang tuwirang payong ito, lakip ang likas na hangarin ni Elder Benson na “mabisang ipaglaban ang [kanyang] mga paniniwala bilang isang Amerikano,” ay naging sanhi ng tinawag niyang “pagtatalo ng kalooban.”61
Nang magkita sina Mr. Eisenhower at Elder Benson sa unang pagkakataon, agad inialok ng president-elect kay Elder Benson ang katungkulang secretary of agriculture. Agad ding ibinigay ni Elder Benson ang mga dahilan kung bakit maaaring hindi siya ang nararapat sa trabahong iyon, ngunit hindi sumuko si President-Elect Eisenhower. Sabi niya: “May trabaho tayong gagawin. Ayaw kong maging Pangulo, sa totoo lang, nang magsimula ang tensyon. Ngunit hindi ka makatatangging pagsilbihan ang Amerika. Gusto kitang makatrabaho, at hindi ka maaaring tumanggi.”62
“Hindi na ako nakatanggi,” paggunita ni Elder Benson. “Ang mga kundisyon sa payo ni Pangulong McKay ay natugunan. Kahit sa palagay ko ay natanggap ko na sa aking Simbahan ang sa tingin ko ay mas malaking karangalan kaysa maibibigay ng pamahalaan, at sinabi ko iyon sa kanya, tinanggap ko ang responsibilidad na maglingkod bilang Secretary of Agriculture nang hindi hihigit sa dalawang taon—kung ganoon katagal niya ako kailangan.”63
Matapos tanggapin ang katungkulan, agad sinamahan ni Elder Benson si President-Elect Eisenhower sa isang news conference, kung saan ipinabatid sa bansa ang pagkahirang sa kanya. Pagkatapos na pagkatapos ng conference, bumalik siya sa kanyang hotel. Tinawagan niya si Flora at sinabi rito na hiniling ni President-Elect Eisenhower na maglingkod siya at na tinanggap niya ang paanyaya.
Sagot nito: “Alam kong aalukin ka niya. At alam kong tatanggapin mo.”
Ipinaliwanag niya: “Napakalaking responsibilidad nito—at maraming problemang idudulot ito sa atin.”
“Alam ko,” sabi nito, “ngunit mukhang kalooban ito ng Diyos.”64
Tulad ng inasahan ni Elder Benson, ang trabaho niya bilang secretary of agriculture ay masalimuot na karanasan para sa kanya at sa kanyang pamilya. Ngunit iginiit niya na hindi niya tangkang “manalo sa pasikatan”—na gusto lang niyang “maglingkod sa agrikultura at sa Amerika”65—at sinunod niya ang personal na pangakong ito: “Magandang estratehiya ang manindigan sa tama, kahit hindi ito tanggap ng marami. Marahil dapat kong sabihin, lalo na kapag hindi ito tanggap ng marami.”66 Mabuti na lang at hindi niya inisip na maging sikat; samantalang nanatili siyang matatag at tapat sa kanyang mga paniniwala, malaki ang ibinaba ng kasikatan niya sa mga pulitiko at mamamayan. Kung minsan, gusto siyang patalsikin ng mga tao sa kanyang katungkulan bilang secretary of agriculture.67 Kung minsan naman, sinasabi ng mga tao na magiging magaling siyang bise presidente ng Estados Unidos.68
Maging sa kanyang papel bilang isang pinuno ng pamahalaan, hindi itinago ni Elder Benson ang mga pamantayan niya bilang Kristiyano, ang kanyang patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo, at ang kanyang katapatan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tuwing pupulungin niya ang kanyang mga kasamahan sa Department of Agriculture, nagsisimula ang pulong sa panalangin.69 Pinadalhan niya si Pangulong Eisenhower ng mga talata mula sa Aklat ni Mormon na nagpropesiya ng tadhana ng Estados Unidos ng Amerika, at sinabi ng pangulo kalaunan na binasa niya ang mga ito “nang may napakalaking interes.”70 Nagbigay rin siya ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sa maraming iba pang mga lider ng bansa.71 Noong 1954, humingi ng pahintulot si Edward R. Murrow, isang kilalang tagapagbalita sa telebisyon sa Estados Unidos, kay Elder Benson na itampok ang pamilya Benson sa programa sa Biyernes ng gabi na “Person to Person.” Tumanggi sina Elder at Sister Benson noong una, ngunit pumayag din sila kalaunan matapos makinig sa anak nilang si Reed, na itinuring ang paanyaya na isang malaking oportunidad sa gawaing misyonero. Noong Setyembre 24, 1954, pinanood ng mga mamamayan sa buong bansa ang live, at walang-ensayong family home evening sa tahanan ng mga Benson. Mas maraming natanggap na liham ng mga tagahanga si Mr. Murrow dahil sa programang iyon kaysa sa iba. Ang mga tao sa buong bansa at mula sa iba’t ibang relihiyon ay sumulat para pasalamatan ang mga Benson sa kanilang natatanging halimbawa.72
Si Elder Benson ay naglingkod bilang secretary of agriculture sa loob ng walong taon, ang buong panahon na si President Eisenhower ang namuno sa Estados Unidos. Sinabi ni Pangulong Mckay na ang gawain ni Elder Benson ay “isasama sa kasaysayan na kapuri-puri sa Simbahan at sa bansa.”73 Ginunita ni Elder Benson ang mga panahong iyon na nakilala siya sa buong bansa at sinabi: “Mahal ko ang napakagandang lupaing ito. Isang karangalan sa akin ang maglingkod.”74 Sinabi rin niya, “Kung kailangan kong gawin itong muli, iyon pa rin ang landas na tatahakin ko.”75 Sa pag-asam sa kanyang patuloy na ministeryo bilang Apostol, sinabi niya, “Ngayon ay mailalaan [ko] na ang panahon ko sa tanging bagay na mas mahal ko kaysa agrikultura.”76
Bagama’t tapos na ang serbisyo ni Elder Benson sa pamahalaan noong 1961, ang pagmamahal niya sa kanyang bansa at ang alituntunin ng kalayaan ay nagpatuloy. Sa marami sa kanyang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, nagtuon siya sa mga paksang ito. Tinukoy niya ang Estados Unidos ng Amerika na “isang lupaing mahal ko nang buong puso.”77 Sinabi rin niya, “Itinatangi ko ang pagkamakabayan at pagmamahal sa bayan sa lahat ng lupain.”78 Nang payuhan niya ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw na mahalin ang kanilang bansa, itinuro niya: “Ang pagkamakabayan ay hindi lang pagwawagayway ng bandila at matatapang na salita. Ito ay nasa paraan ng pagtugon natin sa mga isyung pampubliko. Ilaan nating muli ang ating sarili na maging makabayan sa tunay na kahulugan nito.”79 “Hindi tulad ng mga namumulitiko, ang tunay na respetadong pulitiko ay mas pinahahalagahan ang prinsipyo kaysa pagiging sikat at nagsisikap na gawing popular ang mga prinsipyo sa pulitika na tama at makatarungan.”80
Isang Natatanging Saksi ng Pangalan ni Cristo
Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, sinunod ni Elder Ezra Taft Benson ang utos na “magsiyaon … sa buong sanglibutan, at iyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal” (Marcos 16:15) at “buksan ang pintuan sa pamamagitan ng pagpapahayag ng ebanghelyo ni Jesucristo” (D at T 107:35). Naglingkod siya sa maraming bahagi ng mundo, na naglilibot sa mga mission at nagtuturo sa mga tao.
Itinangi niya ang pribilehiyong makausap ang mga Banal sa mga Huling Araw. Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, sinabi niya: “Minsan ay nasabi ko sa aking asawa, pagkauwi ko mula sa pagbisita sa mga stake, na hindi ko talaga alam ang pakiramdam ng mapunta sa langit, ngunit wala na akong ibang mahihiling pa roon kundi ang masiyahan at magalak na makahalubilo ang uri ng kalalakihan at kababaihang nakilala ko sa mga pamunuan ng mga stake at ward ng Sion at sa mga mission sa lupa. Tunay ngang labis tayong pinagpala.”81 Sa isa pa niyang mensahe, sinabi niya: “May tunay na diwa ng kapatiran at pagkakaibigan sa Simbahan. Napakalakas nito, bagama’t tila hindi napapansin, ngunit totoong mayroon. Nadarama ko ito, maging ng aking mga kasama, kapag naglilibot kami sa mga stake at ward ng Sion at sa lahat ng mission sa daigdig. … Nariyan palagi ang damdamin ng pagkakaibigan at kapatiran. Isa ito sa magagandang bagay na kaugnay ng pagiging miyembro sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”82
Gustung-gusto rin ni Elder Benson na magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas sa mga miyembro ng ibang relihiyon. Halimbawa, noong 1959 nilibot nila ni Sister Benson at ng apat na miyembro ng United States Department of Agriculture ang pitong bansa, kabilang na ang Soviet Union. Bagama’t naroon siya dahil sa kanyang katungkulan bilang secretary of agriculture, ang kanyang patotoo bilang apostol ay umantig sa puso ng marami. Isinalaysay niya:
“Papunta sa airport noong huling gabi [namin] sa Moscow, binanggit ko … sa isa sa aming mga tour guide ang panghihinayang ko na hindi kami nagkaroon ng pagkakataong bisitahin ang isang simbahan sa Russia. Kinausap niya sandali ang tsuper, umikot ang sasakyan sa gitna ng kalsada at maya-maya pa ay huminto kami sa harap ng isang lumang gusali na plaster ang mga pader sa madilim at makipot na kalsadang pinalamutian ng maliliit at bilog na mga bato na di-kalayuan sa Red Square. Iyon ang Central Baptist Church.
“Maulan at masama ang panahon nang gabing iyon ng Oktubre at napakalamig ng hangin. Ngunit nang pumasok kami sa simbahan, nakita namin na puno iyon; nakatayo ang mga tao sa bulwagan, sa pasukan, at maging sa kalsada. Nalaman namin na tuwing Linggo, Martes, at Huwebes, sila-sila rin ang nagsisimba.
“Tiningnan ko ang mukha ng mga tao. Karamihan ay nasa katanghaliang-gulang at mas matanda pa ngunit nakakagulat na marami ring kabataan. Mga apat sa bawat lima ay kababaihan, na karamihan ay nakabandana ang ulo. Pinaupo kami sa lugar na katabi ng pulpito. …
“Nagsalita nang kaunti ang pastor, pagkatapos ay may tumugtog ng isa o dalawang nota sa organo at nagsimula ang isang himno na sabay-sabay na kinanta ng buong kongregasyon. Ang mapakinggang umawit ang isang libo hanggang 1500 tinig ay naging isa sa lubhang nakaaantig na mga karanasan sa buong buhay ko. Sa iisang pananalig namin bilang mga Kristiyano, malugod nila kaming binati na nag-alis ng lahat ng pagkakaiba sa wika, sa pamahalaan, sa kasaysayan. At nang hindi pa man lubusang nawawala sa akin ang pagkamanghang ito, hinilingan ako ng pastor, sa pamamagitan ng isang interpreter na nakatayo roon, na magsalita sa kongregasyon.
“Natagalan nang kaunti bago ako nagkaroon ng sapat na lakas ng loob na sumang-ayon. Pagkatapos ay sinabi ko, ‘Napakabait ninyo para hilingan akong magsalita sa inyo.
“‘Ipinaaabot ko sa inyo ang pagbati ng milyun-milyong relihiyosong tao sa Amerika at sa iba’t ibang panig ng mundo.’ At maya-maya pa ay naging natural na lang sa akin ang magsalita sa mga kapwa Kristiyanong ito tungkol sa pinakasagradong mga katotohanang alam ng tao.
“‘Ang ating Ama sa Langit ay hindi malayo. Maaaring napakalapit Niya sa atin. Ang Diyos ay buhay, alam kong buhay Siya. Siya ang ating Ama. Si Jesucristo, ang Manunubos ng Sanlibutan, ang namamahala sa mundong ito. Gagabayan Niya ang lahat ng bagay. Huwag matakot, sundin ang Kanyang mga utos, mahalin ang isa’t isa, manalangin para sa kapayapaan at magiging maayos ang lahat.’
“Habang isinasalin ang bawat pangungusap para sa kongregasyon, nakita kong kinuha ng kababaihan ang kanilang panyo at ayon sa pagkasabi ng isang nakamalas nito ay sinimulang ‘iwagayway ang mga ito na parang isang ina na nagpapaalam sa kanyang kaisa-isang anak na lalaki.’ Walang tigil ang pagtango nila habang inuusal ang ja, ja, ja! (oo, oo, oo!). Pagkatapos ay napansin ko sa unang pagkakataon na kahit ang patyo ay puno at maraming taong nakasandal sa pader. Tiningnan ko ang isang matandang babae sa harapan ko, na ang ulo ay balot ng simpleng lumang bandana, may balabal sa mga balikat, ang matanda at kulubot niyang mukha ay payapang sumasampalataya. Siya mismo ang kinausap ko.
“‘Ang buhay na ito ay bahagi lamang ng kawalang-hanggan. Nabuhay na tayo bago tayo pumarito bilang mga espiritung anak ng Diyos. Mabubuhay tayong muli matapos nating lisanin ang buhay na ito. Kinalag ni Cristo ang mga gapos ng kamatayan at nabuhay Siyang mag-uli. Lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli.
“‘Napakatibay ng pananalig ko sa panalangin. Alam ko na posibleng magsumamo at kumatok sa Di-Nakikitang Kapangyarihan na nagbibigay sa atin ng lakas at makakapitan sa panahon ng pangangailangan.’ Sa bawat pangungusap na sinambit ko, tumango ang matanda. At matanda, mahina, at kulubot man ang kanyang balat, maganda ang babaeng iyon dahil sa kanyang katapatan.
“Hindi ko matandaan ang lahat ng sinabi ko, ngunit naaalala ko na naging magaan ang aking pakiramdam, nabigyang-inspirasyon ng kalalakihan at kababaihang ito na matatag na pinatutunayan ang kanilang pananampalataya sa Diyos na kanilang pinaglingkuran at minahal.
“Sa pagtatapos sinabi ko, ‘Iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo bilang lingkod ng Diyos sa loob ng maraming taon na mananatili ang katotohanan. Ang panahon ay nasa panig ng katotohanan. Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos at ingatan kayo sa lahat ng araw ng inyong buhay, sa pangalan ni Jesucristo, Amen.’
“Doon ko tinapos ang maikling mensaheng iyon, dahil wala na akong masabi pa, at umupo na ako. Kasunod nito ay inawit ng kongregasyon ang paborito kong himno noong ako ay bata pa, ang ‘Patnubayan Ka Nawa ng Diyos.’ Nilisan namin ang Simbahan habang umaawit sila, at habang lumalakad kami sa pasilyo, ikinaway nila ang kanilang panyo bilang pamamaalam—tila lahat ng 1500 taong iyon ay kumaway sa amin nang paalis kami.
“Naging pribilehiyo kong magsalita sa harap ng mga miyembro ng iba’t ibang simbahan sa lahat ng dako ng mundo, ngunit ang epekto ng karanasang iyon ay halos hindi ko mailarawan. Hinding-hindi ko malilimutan ang gabing iyon habang ako’y nabubuhay.
“Bihira kong madama, kung sakali man, ang pagkakaisa ng sangkatauhan at ang walang-katapusan at matinding pag-asam ng tao sa kalayaan tulad sa sandaling iyon. …
“Umuwi ako na desididong ikuwento ito nang madalas—dahil ipinapakita nito kung paano nananatili ang diwa ng kalayaan, kapatiran, at relihiyon sa kabila ng lahat ng pagtatangkang sirain ang mga ito.”83
Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol
Noong Disyembre 26, 1973, natanggap ni Elder Benson ang di-inaasahang balita na ang Pangulo ng Simbahan na si Pangulong Harold B. Lee ay biglang pumanaw. Dahil sa pagpanaw ni Pangulong Lee, ang mga tagapayo ng Unang Panguluhan ay nagbalik sa kanilang puwesto sa Korum ng Labindalawa. Apat na araw pagkaraan, itinalaga si Spencer W. Kimball bilang Pangulo ng Simbahan, at itinalaga si Ezra Taft Benson bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa responsibilidad na ito, umako si Pangulong Benson ng karagdagang mga tungkulin sa pangangasiwa. Siya ang namuno sa lingguhang pulong ng korum at nag-ugnay-ugnay ng gawain ng kanyang mga kapatid, kabilang na ang mga tungkulin nilang mangulo sa mga stake conference at mission tour at tumawag ng mga stake patriarch. May ilang responsibilidad din siyang mamahala sa iba pang mga General Authority. Isang administrative staff ang nag-asikaso sa mga trabahong klerikal para tulungan siya at ang kanyang mga kapatid sa pag-organisa ng gawain.84
Sa isang pakikipagpulong sa Korum ng Labindalawa, ibinahagi ni Pangulong Benson ang saloobin niya tungkol sa paglilingkod bilang Pangulo nila: “Labis akong nag-alala tungkol sa malaking responsibilidad na ito—hindi ako natatakot, dahil alam ko na magtatagumpay tayo sa gawaing ito … kung gagawin natin ang lahat ng makakaya natin. Alam kong tutulungan tayo ng Panginoon, ngunit labis akong nag-aalala na pamunuan ang grupo ng kalalakihang tulad ninyo—mga natatanging saksi ng Panginoong Jesucristo.”85
Sinamahan ni Pangulong Benson ang pagpapakumbabang ito ng masidhing panghihikayat na magpakasipag. Madalas siyang magbigay noon ng responsibilidad sa iba para may pagkakataon silang maglingkod. Inasahan niya ang pinakamahusay na magagawa ng kanyang mga pinamunuan, tulad ng inasahan niyang gagawin niya mismo. Ngunit kahit marami siyang inaasahan, mabait siya. Pinakinggan niya ang mga opinyon ng kanyang mga kapatid, na hinihikayat na makibahagi ang lahat sa talakayan sa mga pulong ng korum. Sinabi nina Elder Boyd K. Packer, Russell M. Nelson, at Dallin H. Oaks, na mga bagong miyembro ng Korum ng Labindalawa noon sa ilalim ng kanyang pamumuno, na lagi niya silang hinihikayat na ibahagi ang kanilang mga opinyon, kahit naiiba ang kanilang mga ideya sa kanyang ideya.86
Nalaman ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawa na ang pamumuno ni Pangulong Benson ay nakabatay sa hindi nagbabagong mga alituntunin. Halimbawa, paulit-ulit niyang sinabi, “Tandaan, mga Kapatid, sa gawaing ito ang Espiritu ang mahalaga.”87 At may isang pamantayan siyang pinagbabatayan sa lahat ng desisyon ng korum: itinanong niya, “Ano ang pinakamainam para sa Kaharian?” Sinabi ni Elder Mark E. Petersen, na kasama niyang naglingkod sa Korum ng Labindalawa, “Ang sagot sa tanong na iyan ang naging batayan ng pagpapasiya sa bawat mahalagang bagay na nakaharap ni Pangulong Benson sa buong buhay niya.”88
Pangulo ng Simbahan
Namatay si Pangulong Spencer W. Kimball noong Nobyembre 5, 1985, matapos ang matagal na pagkakasakit. Ang pamumuno ng Simbahan ay nakaatang na ngayon sa Korum ng Labindalawang Apostol, na si Pangulong Ezra Taft Benson ang Pangulo at senior member. Makalipas ang limang araw, sa sagrado at mapitagang pulong ng Korum ng Labindalawa sa Salt Lake Temple, itinalaga si Pangulong Benson bilang Pangulo ng Simbahan. Nabigyang-inspirasyon siyang hilingan si Pangulong Gordon B. Hinckley na maging kanyang Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan at hilingan si Pangulong Thomas S. Monson na maging kanyang Pangalawang Tagapayo.
Matagal nang alam ni Pangulong Benson na mahina na ang kalusugan ni Pangulong Kimball, at umasa siya na muling lalakas ang kanyang kaibigan. “Hindi ko inasahang darating ang araw na ito,” sabi ni Pangulong Benson sa press conference matapos siyang italaga bilang Pangulo ng Simbahan. “Walang tigil ang pagdarasal namin ng asawa kong si Flora na nawa’y humaba pa ang buhay ni Pangulong Kimball, at paghimalaan siyang muli. Ngayong nagpasiya na ang Panginoon, gagawin namin ang lahat, sa ilalim ng Kanyang patnubay, para maisulong ang gawaing ito sa daigdig.”89
Sa kanyang unang pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, ibinahagi ni Pangulong Benson ang kanyang unang pagtutuunan ng pansin sa pagsusulong ng gawain ng Panginoon. “Sa ating panahon,” sabi niya, “ipinahayag ng Panginoon na kailangang bigyang-diing muli ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon.”90
Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa, paulit-ulit na ipinangaral ni Pangulong Benson ang kahalagahan ng Aklat ni Mormon.91 Bilang Pangulo ng Simbahan, lalo pa niyang pinag-ukulan ng pansin ang bagay na ito. Ipinahayag niya na “ang buong Simbahan [ay nasa] ilalim ng kaparusahan” dahil hindi sapat ang pag-aaral na ginagawa ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Aklat ni Mormon o hindi sapat ang pagtalima nila sa mga turo nito. Sabi niya: “Ang Aklat ni Mormon ay hindi pa naging sentro, o hindi pa nagiging sentro, ng ating personal na pag-aaral, pagtuturo sa pamilya, pangangaral, at gawaing misyonero. Dapat natin itong pagsisihan.”92 Madalas niyang banggitin ang ipinahayag ni Propetang Joseph Smith na ang mga tao “ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat,”93 at ipinaliwanag pa niya ang pangakong iyan. “May kapangyarihan sa aklat na iyon,” sabi niya, “na magsisimulang dumaloy sa inyong buhay sa sandaling simulan ninyong dibdibang pag-aralan ang aklat.”94 Hinikayat niya ang mga Banal sa mga Huling Araw na “punuin ang mundo at [kanilang buhay] ng Aklat ni Mormon.”95
Sa buong mundo, sinunod ng mga Banal sa mga Huling Araw ang payong ito mula sa kanilang propeta. Bunga nito, sila ay napalakas, bawat isa at lahat sila.96 Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter: “May henerasyon ba, kabilang na ang mga hindi pa ipinanganganak, na lilingon sa pamumuno ni Pangulong Ezra Taft Benson at hindi maiisip kaagad ang pagmamahal niya sa Aklat ni Mormon? Marahil walang Pangulo ng Simbahan mula kay Propetang Joseph Smith na nakagawa ng higit pa upang maituro ang mga katotohanan ng Aklat ni Mormon, na ipaaral ito araw-araw sa lahat ng miyembro ng Simbahan, at ‘punuin ang mundo’ sa pamamahagi nito.”97
Nakaugnay nang husto sa patotoo ni Pangulong Benson sa Aklat ni Mormon ang kanyang patotoo kay Jesucristo. Sa panahong hindi tinanggap ng maraming tao ang “pagiging Diyos ng Tagapagligtas,” ipinahayag niya na “ang banal at inspiradong aklat na ito ay isang saligang bato sa pagpapatotoo sa mundo na si Jesus ang Cristo.”98 Mula nang maorden siyang Apostol noong 1943, masigasig nang pinatotohanan ni Pangulong Benson na ang Tagapaglitas ay buhay. Bilang Pangulo ng Simbahan, pinatotohanan niya si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala nang may panibagong lakas at kasigasigan. Hinikayat niya ang mga Banal na “gawing gabay si Cristo” at “magpasakop kay Cristo,”99 at “mamuhay na nakatuon kay Cristo.”100 Sa pagsasalita tungkol sa Tagapagligtas, sinabi niya, “Mahal ko siya nang buo kong kaluluwa.”101
Itinuro din ni Pangulong Benson ang iba pang mga paksa nang may kasigasigan at sigla. Nagbabala siya laban sa panganib na dulot ng kapalaluan. Nagpatotoo siya tungkol sa walang-hanggang kahalagahan ng pamilya. Itinuro niya ang mga alituntunin ng pananampalataya at pagsisi at binigyang-diin na kailangan ang katapatan sa gawaing misyonero.
Bagama’t hindi siya nagsalita tungkol sa Estados Unidos ng Amerika na kasindalas ng ginawa niya noong nagsisimula pa lang siya sa kanyang ministeryo, ginunita niya ang ika-200 anibersaryo ng paglagda sa Konstitusyon ng Estados Unidos sa pagsasalita tungkol sa paksang ito sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan noong Oktubre 1987. At patuloy niyang minahal ang kalayaan at tunay na pagiging makabayan sa buong mundo. Noong mga huling taon ng 1980s at mga unang taon ng 1990s, nagalak siya sa balita na bumagsak na ang Berlin Wall at ang mga mamamayan sa Russia at silangang Europa ay mas malaya na ngayon, at mas bukas na ang mga pamahalaan sa iba’t ibang relihiyon.102
Nagbigay ng mga mensahe si Pangulong Benson sa mga partikular na grupo ng mga miyembro ng Simbahan. Simula noong Abril 1986, naghanda siya ng mga sermon para sa mga kabataang lalaki, kabataang babae, ina, home teacher, ama, binata, dalaga, bata, at matanda. Ayon kay Pangulong Howard W. Hunter: “Nagsalita siya sa bawat isa at may malasakit siya sa lahat. Nagsalita siya sa kababaihan ng Simbahan at sa kalalakihan. Nagsalita siya sa matatanda. Nagsalita siya sa mga wala pang asawa, sa mga kabataan, at gustung-gusto niyang magsalita sa mga bata sa Simbahan. Nagbigay siya ng napakaganda at personal na payo sa lahat ng miyembro ng Simbahan, anuman ang kani-kanilang kalagayan sa buhay. Ang mga sermon na iyon ay patuloy na magpapalakas at gagabay sa atin kapag pinagnilayan natin ang mga ito sa darating na mga taon.”103
Naluha si Pangulong Benson nang makatanggap siya ng liham mula sa isang pamilyang naimpluwensyahan ng isa sa kanyang mga mensahe. Sa liham, ikinuwento ng isang bata pang ama na pinanonood nilang mag-asawa ang pangkalahatang kumperensya sa telebisyon. Ang kanilang tatlong-taong-gulang na anak ay naglalaro sa kalapit na silid, kung saan napapakinggan sa radyo ang kumperensya. Matapos pakinggan ang mensahe ni Pangulong Benson sa mga bata, pumunta ang ina at ama sa silid na pinaglalaruan ng kanilang anak. Ang batang musmos ay “tuwang-tuwang nag-ulat, ‘Sabi po ng lalaki sa radyo, kahit nagkamali tayo, mahal pa rin tayo ng ating Ama sa Langit.’ Ang simpleng mga katagang iyon,” sabi ng ama, “ay tumatak at naging makahulugan sa isipan ng aming anak. Kapag tinatanong ko siya hanggang ngayon kung ano ang sinabi ni Pangulong Benson, iyon pa rin ang tuwang-tuwang isinasagot niya. Napapanatag siyang malaman na may mabait at mapagmahal siyang Ama sa Langit.”104
Hindi nagtagal matapos ang pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1988, inatake si Pangulong Benson at hindi na nakapagsalita sa publiko dahil dito. Nakadalo siya sa mga pangkalahatang kumperensya at iba pang mga pagtitipon nang ilang panahon. Sa mga kumperensya ng taong 1989, binasa ng kanyang mga tagapayo ang mga sermon na inihanda niya. Simula noong 1990, ipinarating ng mga tagapayo niya ang kanyang pagmamahal sa mga Banal at bumanggit sila mula sa kanyang nakaraang mga sermon. Ang kumperensya ng Abril 1991 ang huling nadaluhan niya. Mula noon, hindi na siya gaanong makakilos at pinanood na lang sa telebisyon ang mga kaganapan.105
Paggunita ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Tulad ng inaasahan, nagsimulang manghina ang kanyang katawan dahil sa katandaan. Hindi na siya makalakad na tulad ng dati. Hindi na siya makapagsalita na tulad ng dati. Unti-unti siyang nanghina, ngunit siya pa rin ang propetang pinili ng Panginoon habang siya ay nabubuhay.”106 Ginabayan nina Pangulong Hinckley at Pangulong Thomas S. Monson ang Simbahan gamit ang awtoridad na itinalaga sa kanila ni Pangulong Benson, ngunit walang mga pagbabagong ginawa ang Simbahan na hindi ipinaalam at inihingi ng pahintulot kay Pangulong Benson.107
Habang patuloy na humihina ang katawan ni Pangulong Benson, humina rin ang katawan ni Flora, at pumanaw siya noong Agosto 14, 1992. Wala pang dalawang taon kalaunan, noong Mayo 30, 1994, pumanaw na rin si Pangulong Benson, at ang kanyang katawan ay inilibing sa tabi ng puntod ni Flora sa kanilang pinakamamahal na bayan ng Whitney. Sa burol ni Pangulong Benson, ginunita ni Pangulong Monson: “Minsan ay sinabi niya sa akin, ‘Brother Monson, tandaan mo, anuman ang imungkahi ng iba, gusto ko sa Whitney, Idaho, ako malibing.’ Pangulong Benson, tinutupad namin ngayon ang kahilingang iyan. Ang kanyang katawan ay uuwi sa Whitney, ngunit ang kanyang walang-hanggang espiritu ay uuwi sa Diyos. Walang alinlangan na kasama na niyang nagagalak ngayon ang kanyang pamilya, mga kaibigan, at ang pinakamamahal niyang si Flora. …
“Ang batang magsasaka na naging propeta ng Diyos ay nakauwi na. Salamat sa Diyos sa mga alaalang iniwan niya sa atin.”108