Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 22: Pagdadala ng Ebanghelyo sa Mundo


Kabanata 22

Pagdadala ng Ebanghelyo sa Mundo

“Masaya tayong makatuwang ng ating Ama sa Langit sa dakilang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng kanyang mga anak.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

Para kay Pangulong Ezra Taft Benson, ang gawaing misyonero ay isang tradisyon ng pamilya. “Ang pamilya ng aking ama ay binubuo ng labing-isang anak,” paliwanag niya. “Lahat kaming labing-isa ay nagmisyon. Ang asawa ko ay nagmisyon din at masayang nakasama ang kanyang biyudang ina sa pagmimisyon sa huling anim na buwan [ng kanyang misyon]. Nang magmisyon ang sarili kong ama, naaalala ko, bilang panganay na anak, ang mga sulat niya mula sa mission field sa Midwest. Nadama sa tahanang iyon ang diwa ng gawaing misyonero na namamayani roon, na mapagpakumbaba kong pinasasalamatan.”1

Naglingkod si Pangulong Benson bilang full-time missionary sa British Mission mula 1921 hanggang 1923, at nanatili sa kanya ang “diwa ng gawaing misyonero” matapos ang dalawa’t kalahating taong iyon. Halimbawa, bilang United States secretary of agriculture mula 1953 hanggang 1961, nakisalamuha siya sa maraming miyembro ng iba’t ibang relihiyon. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1961, sinabi niya sa mga Banal: “Nasa akin ang mga pangalan ng mga 9,000 kalalakihan, humigit-kumulang, na personal kong nakausap sa aking panunungkulan. Umaasa akong makapagbigay ng mga referral card para sa kanila. Gusto kong mapakinggan ng bawat isa sa kanila ang ebanghelyo. Sana’y matamasa ng lahat ng anak ng ating Ama ang mga pagpapalang dulot ng pagtanggap at pagsunod sa ebanghelyo ni Jesucristo.”2

Ang kasigasigan ni Pangulong Benson sa gawaing misyonero ay nagpatuloy sa kanyang pagtanda, at sabik siyang maging gayon din kasigasig ang lahat ng miyembro ng Simbahan. Tuwiran siyang nangusap sa mga kabataang lalaki tungkol sa paghahanda ng kanilang sarili sa paglilingkod sa full-time mission. “Maghanda na kayo ngayon,” sabi niya. “Ihanda ang inyong sarili sa pisikal, sa pangkaisipan, sa pakikihalubilo sa kapwa, at sa espirituwal.”3 Hinikayat niya ang mga magulang na gabayan ang kanilang mga anak na lalaki sa paghahandang ito. Pinayuhan din niya ang mga kabataang babae at mas matatandang miyembro ng Simbahan na pag-isipang mabuti ang pagmimisyon. At hinikayat niya ang lahat ng miyembro ng Simbahan na ibahagi ang ebanghelyo sa kanilang mga kapitbahay.

Ikinuwento ni Pangulong Thomas S. Monson nang magbigay-inspirasyon sa mga magiging missionary ang pagmamahal ni Pangulong Benson sa gawaing misyonero: “Isang araw ng Biyernes, nagpunta sila ni Sister Benson para dumalo sa session sa Jordan River Temple na karaniwan nilang ginagawa. Habang naroroon, nilapitan si Pangulong Benson ng isang binata na masayang bumati sa kanya at nagsabing tinawag na siya na magmisyon. Hinawakan ni Pangulong Benson sa kamay ang bagong tawag na missionary, may ngiti sa kanyang mga labi ay sinabing, ‘Isama mo ako! Isama mo ako!’ Nagpatotoo ang missionary na iyon, na para na rin niyang isinama si Pangulong Benson sa kanyang mission, yamang ang pag-uusap na ito ay nagpakita ng walang hanggang pagmamahal ni Pangulong Benson, kanyang katapatan sa gawaing misyonero, at sa kanyang hangarin na palaging matagpuan sa paglilingkod sa Panginoon.”4

Ang pagmamahal sa lahat ng anak ng Ama sa Langit ang sentro ng katapatan ni Pangulong Benson sa pagbabahagi ng ebanghelyo: “Kailangan ng mga anak ng ating Ama ang ebanghelyo. … Alam ko na mahal sila ng Panginoon, at bilang kanyang abang lingkod mahal ko ang milyun-milyong tao sa mundong ito.”5 Iniisip ang tungkol sa kapangyarihan ng pagmamahal ng Tagapagligtas, pinatotohanan niya, “Dumarami ang ating pagpapala kapag ibinahagi natin ang kanyang pagmamahal sa ating kapwa.”6

Mula sa pakikibahagi sa gawaing misyonero sa buong buhay niya at paghihikayat sa kanyang kapwa mga Banal na gawin din ang gayon, sinabi ni Pangulong Benson: “Nadama ko ang kagalakang dulot ng gawaing misyonero. Wala nang iba pang gawain sa buong mundo na makapagdudulot sa tao ng mas malaking kagalakan at kaligayahan.”7

Two elder missionaries walking down a city sidewalk in Sao Paulo, Brazil.  There are buildings in the background.

“Handa tayong magsakripisyo ng ating panahon at kabuhayan na maaaring ipagkaloob sa atin [ng Panginoon] para maitatag ang kanyang kaharian sa lupa.”

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Minimithi ng mundo ang totoong relihiyon, at nasa atin ito.

Matapos ang maluwalhating pagpapakita ng Diyos Ama at ng kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph Smith, malinaw na ang unang malaking responsibilidad na iniatang sa ipinanumbalik na Simbahan ay dalhin ang ebanghelyo sa mundo—sa lahat ng anak ng ating Ama.

Ito ay tunay na nakaaantig na kaganapan na napakahalaga—kaganapan na puno ng sakripisyo, kagalakan, paghihirap, katapangan, at higit sa lahat, pagmamahal sa kapwa-tao. Wala kayong makikitang kaganapan sa balat ng lupa na makapapantay dito. Oo, kinailangan ng dugo, pawis, at luha upang maisakatuparan ang gawaing ito ng pagmamahal. At bakit natin ito ginagawa? Dahil iniutos ito ng Diyos ng langit; dahil mahal niya ang kanyang mga anak, at hangad niyang magkaroon ang milyun-milyong tao sa mundo ng pagkakataong mapakinggan, ayon sa sarili nilang pasiya, tanggapin at ipamuhay ang maluwalhati at nakapagliligtas at nagpapadakilang mga alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo.8

Naniniwala ako na kailangan ng mundo ang ebanghelyo ni Jesucristo, nang higit kaysa anupamang bagay, at gusto ng mga tao ang maibibigay ng ebanghelyo, ngunit hindi nila ito alam. Nais nila ang angkla na inilalaan ng ebanghelyo, na nagbibigay ng mga kasagutan sa mga problemang nararanasan nila; na nagpapadama ng kapanatagan at kapayapaan ng kalooban. Ang ebanghelyo ang tanging kasagutan sa mga problema ng mundo, mga kapatid ko.9

Tanging ang ebanghelyo ang makapagliligtas sa mundo sa kalamidad na dulot ng sarili nitong pagkawasak. Tanging ebanghelyo ang magbibigkis sa mga tao sa lahat ng lahi at nasyonalidad sa kapayapaan. Ang ebanghelyo lamang ang magdadala ng kagalakan, kaligayahan, at kaligtasan sa pamilya ng tao.10

Minimithi ng mundo ang totoong relihiyon, at nasa atin ito.11

Ito ang maluwalhating mensahe na nais nating ibahagi sa mundo, na dahil sa Diyos Ama at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, ang kaharian ng Diyos ay naipanumbalik. Ito ang pinakadakilang mensahe mula noong mabuhay na muli si Jesucristo.12

Mapagpakumbaba nating tinatanggap, nang may pasasalamat, ang malaking responsibilidad na ito na iniatang sa Simbahan. Masaya tayo na makatuwang ng ating Ama sa Langit sa dakilang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng kanyang mga anak. Handa tayong magsakripisyo ng ating panahon at kabuhayang maaari niyang ipagkaloob sa atin para maitatag ang kanyang kaharian sa lupa. Ito ang alam nating pinakamahalagang tungkulin natin at malaking oportunidad natin. Ang diwang ito ang naglalarawan sa gawaing misyonero ng Simbahan ni Jesucristo sa lahat ng panahon. Ito ay napakagandang palatandaan ng pagsisimula ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon—ating panahon. Saanman may matatapat na Banal sa mga Huling Araw, naroroon ang diwa ng di-makasariling pagsasakripisyong ito para sa pinakadakilang mithiin sa buong mundo.13

Tayo ay may dakilang misyon. Dapat tayong maghanda, mga bata at matatanda. Dapat tayong magsilbing pagpapala sa mga bansa, tapat sa mga alituntunin ng kabutihan.14

2

Lahat tayo ay maaaring maging missionary, anuman ang ating kalagayan o sitwasyon sa buhay.

Bilang mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon, dapat nating lalong pagbutihin ang gawaing misyonero. Kung kayo ay gumagawa tulad ng nararapat, kung mahal ninyo ang gawaing ito, kayo ay makatutulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa ng mga anak ng tao.15

Hindi lamang tungkulin ng priesthood ang pagbabahagi ng ebanghelyo, kundi dapat nating ituring ang karanasang ito nang may malaking kagalakan at pag-asa. Ang tunay na layunin ng pagbabahagi ng ebanghelyo ay magdala ng mga kaluluwa kay Cristo, turuan at binyagan ang mga anak ng ating Ama sa Langit nang sa gayon ay magalak tayo na kasama nila (tingnan sa D at T 18:15) sa kaharian ng ating Ama.16

Lahat tayo ay bahagi ng malaking responsibilidad na ito. Hindi natin ito maiiwasan. Huwag isipin ng sinumang lalaki o babae na dahil sa lugar na tinitirhan natin, o dahil sa katayuan natin sa lipunan, o dahil sa ating trabaho o estado, ay hindi na tayo kasama sa responsibilidad na ito.17

Mga kabataang lalaki at babae

Umaasa kami na lahat ng kabataang lalaki ay nagpaplano na maging sugo ng Panginoon.18

Paano ninyo itinatanim sa puso ng mga batang lalaki ang malaking hangaring maglingkod? Huwag maghintay nang matagal … upang tulungan silang magpasiyang magmisyon. Tulungan ninyo silang magpasiyang magmisyon kapag sila ay siyam, sampu, o labing-isang taong gulang! Sa tahanan nagsisimula ang paghahanda ng mga kabataang lalaki. At lahat ng kabataang lalaki ay dapat maghanda sa kanyang tahanan na maglingkod.

Ang maagang paghahanda ay kinapapalooban ng pagtuturo sa batang lalaki kung paano manalangin, pagbabasa sa kanya ng mga kuwento mula sa Aklat ni Mormon at iba pang mga banal na kasulatan, pagdaraos ng mga family home evening at pagbibigay sa kanya ng bahagi sa lesson [na kanyang ituturo], pagtuturo sa kanya ng mga alituntunin ng kalinisan ng puri, pagsisimulang mag-impok ng pera para sa kanyang pagmimisyon, pagtuturo kung paano magtrabaho, at paglalaan ng mga oportunidad na makapaglingkod sa kapwa.19

Gusto natin na “handa at masigasig sa paggawa” ang mga kabataang lalaki na magmimisyon, na may pananampalataya na nagmumula sa personal na kabutihan at malinis na pamumuhay upang magkaroon sila ng maganda at makabuluhang misyon.20

Nais ng Panginoon na magmisyon nang full-time ang lahat ng kabataang lalaki. … Wala nang magagawa pang mas mahalaga ang kabataang lalaki maliban dito. Makapaghihintay ang pag-aaral. Ang iskolarsip ay maipagpapaliban. Ang mga mithiin sa pagtatrabaho ay maaaring iantala. Oo, maging ang kasal sa templo ay dapat maghintay hanggang sa makatapos ang kabataang lalaki sa pagmimisyon nang marangal para sa Panginoon.

… Ang mga kabataang babae … ay maaari ding magkaroon ng oportunidad na magmisyon nang full-time. Nagpapasalamat ako na ang aking asawa na makakasama ko sa kawalang-hanggan ay nagmisyon sa Hawaii bago kami nagpakasal sa Salt Lake Temple, at natutuwa ako na mayroon akong tatlong apong babae na nagmisyon nang full-time. Ilan sa pinakamahuhusay nating missionary ay mga kadalagahan.21

Mga senior missionary

Kailangan natin ng mas maraming senior missionary sa gawaing misyonero.22

Maraming nakatatandang mag-asawa ang maaaring magmisyon. Sa paggawa nito, makikita nila na napagpala ng kanilang misyon ang kanilang mga anak, mga apo, at kanilang mga apo-sa-tuhod na hindi nila matatamo sa ibang paraan. Ito ay magpapakita ng mabuting halimbawa sa kanilang mga inapo.23

Maraming mag-asawa ang makapagsasabi na ang kanilang pagmimisyon ay isa sa pinakamasasayang panahon na magkasama sila dahil sila ay lubos na nakatuon sa isang layunin—gawaing misyonero.24

Mga miyembrong missionary

Dapat nating bigyang-diin na kailangan ang mas maraming miyembro sa gawaing misyonero. Nalaman natin mula sa karanasan na ito ang pinakaproduktibong gawaing misyonero. Ang gawaing misyonero ng mga miyembro ay isa sa pinakamahahalagang susi sa indibiduwal na pag-unlad ng ating mga miyembro. Naniniwala ako na mapapataas ng gawaing misyonero ng mga miyembro ang espirituwalidad ng alinmang ward kung ginagawa ito.25

A woman giving another woman a Book of Mormon.

“Umaasa ang Panginoon na magiging mga missionary tayo.”

Gaano na katagal mula noong niyaya ninyo ang inyong kapitbahay na dumalo sa sacrament meeting o sa kumperensya ng stake, sa inyong tahanan para sa home evening? Gaano na katagal mula nang pag-usapan ninyo nang husto [ng inyong kaibigan] ang ebanghelyo? Ang mga ito ay piling mga karanasan.26

Tutulungan ng Panginoon ang mga miyembro sa kanilang responsibilidad sa gawaing misyonero kung mananampalataya lang sila na gawin ito.27

Panahon na para hangarin ang mas mabubuting bagay, upang maunawaan ang kahalagahan ng dakilang gawaing ito. Inaasahan ito ng Panginoon sa atin. Hindi sapat na maging miyembro lang ng Simbahan at dumalo sa sacrament meeting, magbayad ng ating ikapu, at suportahan ang welfare program. Lahat ng iyan ay mabuti—ngunit hindi sapat. Umaasa ang Panginoon na magiging mga missionary tayo, ipamumuhay ang ebanghelyo—oo, nang lubusan, at tutulong sa pagtatayo ng Kanyang kaharian.28

3

Ang Aklat ni Mormon ay dakilang pamantayan na gagamitin natin sa ating gawaing misyonero.

Ang Aklat ni Mormon ay para sa miyembro at hindi miyembro. Kasama ang Espiritu ng Panginoon, ang Aklat ni Mormon ang pinakamagandang kasangkapang ibinigay ng Diyos sa atin upang baguhin ang mundo. Kung tutulungan natin ang mga tao na tanggapin ang ebanghelyo, dapat nating gamitin ang kasangkapan na nilayon ng Diyos para sa gawaing ito—ang Aklat ni Mormon.

At ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay isa sa mga pinakamalakas na maghihikayat sa atin na magmisyon. Kailangan natin ng mas maraming missionary. Ngunit kailangan din natin ng mga missionary na mas handa mula sa mga ward at branch at tahanan na nalalaman at mahal nila ang Aklat ni Mormon. Kailangan natin ng mga missionary na may malakas na patotoo tungkol sa kabanalan nito, at na sa pamamagitan ng Espiritu ay maaanyayahan nila ang kanilang mga investigator na basahin at pagnilayan ang mga nilalaman nito, nalalaman nang may lubos na katiyakan na ipaaalam ng Panginoon ang katotohanan nito sa kanila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kailangan natin ng mga missionary na tutugma sa ating mensahe.29

Ang Aklat ni Mormon ay dakilang pamantayan na gagamitin natin sa ating gawaing misyonero. Ipinapakita nito na si Joseph Smith ay propeta. Naglalaman ito ng mga salita ni Cristo, at ang dakilang misyon nito ay dalhin ang mga tao kay Cristo. Lahat ng iba pang mga bagay ay pangalawa na lamang. Ang napakagandang tanong ng Aklat ni Mormon ay “Gusto mo bang malaman pa ang tungkol kay Cristo?” Ang Aklat ni Mormon ay pinakamabisang kasangkapan sa paghahanap ng mga tao na handang tumanggap sa ebanghelyo. Hindi ito naglalaman ng mga bagay na “nakasisiya sa sanlibutan,” kaya hindi interesado rito ang mga makamundo. Ito ang naghihiwalay sa mga tao. (Tingnan sa 1 Nephi 6:5.)

May pagkakaiba sa miyembrong nakasalig sa bato ni Cristo sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon at nananatiling nakahawak sa gabay na bakal, at sa taong hindi.30

Huwag nating kalimutan na ang Panginoon mismo ang naglaan ng Aklat ni Mormon bilang Kanyang pangunahing saksi. Ang Aklat ni Mormon ang pinakamabisa pa ring kasangkapan natin sa gawaing misyonero. Gamitin natin ito.31

4

Upang magtagumpay sa gawaing misyonero, kailangang nasa atin ang Espiritu, maging mapagpakumbaba, mahalin ang mga tao, at masigasig na gumawa.

Kung minsan ay itinatanong ng mga missionary, “Paano ako magtatagumpay? Paano nagiging epektibo ang isang tao sa gawaing misyonero?” Narito ang apat na epektibong paraan para magtagumpay sa gawaing misyonero kapwa ang mga missionary at mga miyembro.

Una, sikaping mapasainyo ang Espiritu.

Upang magtagumpay, dapat nasa atin ang Espiritu ng Panginoon. Itinuro sa atin na hindi mananahanan ang Espiritu sa mga templong hindi banal. Kung gayon, ang isa sa mga unang priyoridad natin ay tiyakin na ang ating sariling buhay ay nasa ayos. Ipinahayag ng Panginoon, “Maging malinis kayo na nagtataglay ng sisidlan ng Panginoon.” (Doktrina at mga Tipan 38:42.)

Ibinigay sa atin ng Tagapagligtas ang Kanyang batas tungkol sa pagtuturo ng Kanyang ebanghelyo: “At ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo.” (Doktrina at mga Tipan 42:14.)32

Kung may isang mensahe akong inulit-ulit sa aking mga kapatid sa Labindalawa, iyon ay na ang Espiritu ang mahalaga. Ang Espiritu ang mahalaga. Hindi ko alam kung gaano kadalas ko na itong nasabi—ang Espiritu ang pinakamahalaga.33

Pangalawa, maging mapagpakumbaba.

Sinabi ng Panginoon na walang makatutulong sa gawaing ito maliban kung siya ay mapagpakumbaba at puno ng pagmamahal. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 12:8.) At ang kababaang-loob ay hindi nangangahulugan ng kahinaan. Hindi ito pagiging mahiyain; hindi pagkatakot. Maaari [tayong] maging mapagpakumbaba at wala ring pagkatakot. Maaari [tayong] maging mapagpakumbaba at matapang din. Ang pagpapakumbaba ay pagkilala sa ating pag-asa sa mas mataas na kapangyarihan, pangangailangan sa tuwina sa tulong ng Panginoon sa Kanyang gawain.34

Hindi natin magagawang mag-isa ang gawaing ito. Ito ang Kanyang gawain. Ito ang Kanyang ebanghelyo. Kailangan natin ang Kanyang tulong. Magsumamo para dito, pagsikapang matamo ito, taimtim na manalangin sa Panginoon na matanggap ito.35

Pangatlo, mahalin ang mga tao.

Dapat magkaroon tayo ng pagmamahal sa mga tao. Dapat tayong makadama ng pagkahabag sa kanila sa dalisay na pagmamahal ng ebanghelyo, sa hangaring iangat sila, patatagin sila, akayin sila sa mas mabuti, mas dalisay na buhay at sa huli ay sa kadakilaan sa kahariang selestiyal ng Diyos. Binibigyang-diin natin ang mabubuting katangian ng mga taong nakakahalubilo natin, at minamahal sila bilang mga anak ng Diyos na mahal ng Panginoon. …

Hindi tayo kailanman magiging epektibo hangga’t hindi tayo natututong dumamay sa lahat ng anak ng ating Ama—hangga’t hindi natin sila natututuhang mahalin. Madarama ng tao kapag minamahal sila. Marami ang nananabik dito. Kapag nakiramay tayo sa nararamdaman nila, magpapakita rin sila ng kabutihan sa atin. Magkakaroon tayo ng kaibigan.36

Tayo … ay may malaking obligasyon na mahalin ang ating kapwa. Ito ang pangalawa sa dalawang dakilang utos. Marami sa ating mga kapitbahay ang hindi pa miyembro ng Simbahan. Kailangan tayong maging mabubuting kapitbahay. Kailangan nating mahalin ang lahat ng anak ng ating Ama at makihalubilo tayo sa kanila.

Dalangin ko na mapuspos tayo ng pagmamahal ng Diyos para sa ating kapwa-tao!37

Pang-apat, masigasig na magtrabaho.

Kung nais nating mapanatili ang Espiritu, kailangan tayong magtrabaho. Wala nang higit pang kagalakan o kasiyahan kaysa malaman, matapos ang maghapong pagtatrabaho, na nagawa natin ang lahat sa abot-kaya natin.

Ang isa sa pinakamagagandang sikreto ng gawaing misyonero ay pagtatrabaho. Kung [nagtatrabaho] ang missionary, mapapasakanya ang Espiritu; kung mapapasakanya ang Espiritu, magtuturo siya sa pamamagitan ng Espiritu; at kung magtuturo siya sa pamamagitan ng Espiritu, maaantig Niya ang mga puso ng mga tao at magagalak siya. … [Magtrabaho, magtrabaho, magtrabaho]—walang makakahalili dito na mas makasisiya, lalo na sa gawaing misyonero.38

Alam ko na ang Diyos ay buhay. Ito ang Kanyang gawain. Muli Siyang nangusap mula sa kalangitan na may mensahe para sa buong mundo; hindi para sa iilang Banal sa mga Huling Araw lamang, kundi para sa lahat ng ating mga kapatid, kapwa sa loob at labas ng Simbahan. Nawa’y bigyan tayo ng Diyos ng lakas na maihatid ang mensaheng iyan sa mundo, ipamuhay ang Ebanghelyo, sundin ang mga pamantayan ng Simbahan, nang sa gayo’y magkaroon tayo ng karapatan sa ipinangakong mga pagpapala.39

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Bakit kailangan ng mundo ang ebanghelyo “nang higit kaysa anupamang bagay”? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 1.) Ano ang ilang ipinanumbalik na katotohanan na pinaniniwalaan ninyong “minimithi ng mundo”?

  • Sa pagrerepaso ninyo ng bahagi 2, isipin ang payong angkop sa inyo at sa inyong pamilya. Sa paanong paraan maibabahagi ng bawat isa sa atin ang ebanghelyo, anuman ang ating sitwayon? Ano ang magagawa natin para makapaghandang maglingkod sa full-time mission? Ano ang magagawa natin para tulungan ang iba na makapaghandang maglingkod sa full-time mission?

  • Sinabi ni Pangulong Benson na ang Aklat ni Mormon ang “pinakamagandang kasangkapang ibinigay ng Diyos sa atin upang baguhin ang mundo” (bahagi 3). Kailan ninyo nakitang nagbago ang mga tao sa pamamagitan ng pag-aaral ng Aklat ni Mormon? Sa paanong paraan natin mapag-iibayo ang ating mga pagsisikap na ibahagi ang Aklat ni Mormon?

  • Nagbahagi si Pangulong Benson ng “apat na epektibong paraan para magtagumpay sa gawaing misyonero” (bahagi 4). Sa palagay ninyo bakit humahantong ang mga paraang ito sa matagumpay na gawaing misyonero? Anong mga halimbawa ang nakita na ninyo sa mga taong sumusunod sa mga alituntuning ito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Marcos 16:15; I Kay Timoteo 4:12; Alma 17:2–3; 26:1–16; D[nb}at T 4; 12:7–9; 15:4–6; 88:81; 123:12–17

Tulong sa Pag-aaral

“Ibahagi ang natutuhan ninyo. Kapag ginagawa ninyo ito, ang inyong kaisipan ay magiging mas malinaw at madaragdagan ang inyong kakayahang mapanatili ang inyong natutuhan” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 19).

Mga Tala

  1. “Our Responsibility to Share the Gospel,” Ensign, Mayo 1985, 8.

  2. Sa Conference Report, Abr. 1961, 112–13.

  3. “Preparing Yourselves for Missionary Service,” Ensign, Mayo 1985, 37.

  4. Thomas S. Monson, “God Be with You Till We Meet Again,” Ensign, Nob. 1990, 87.

  5. Sa Conference Report, Abr. 1970, 129.

  6. “Life Is Eternal,” Ensign, Hunyo 1971, 34.

  7. The Teachings of Ezra Taft Benson (1988), 213.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1970, 128.

  9. Sa Conference Report, Abr. 1961, 113.

  10. The Teachings of Ezra Taft Benson, 188.

  11. Sa Conference Report, Abr. 1955, 49.

  12. The Teachings of Ezra Taft Benson, 110.

  13. God, Family, Country: Our Three Great Loyalties (1974), 49–50.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1950, 147.

  15. “Of the Most Worth,” New Era, Hunyo 1989, 4.

  16. “Of the Most Worth,” 6.

  17. “Our Responsibility to Share the Gospel,” 8.

  18. The Teachings of Ezra Taft Benson, 189.

  19. “Our Responsibility to Share the Gospel,” 7.

  20. “To the ‘Youth of the Noble Birthright,’” Ensign, Mayo 1986, 45.

  21. “To the Young Women of the Church,” Ensign, Nob. 1986, 83.

  22. “To the Elderly in the Church,” Ensign, Nob. 1989, 5.

  23. “A Sacred Responsibility,” Ensign, Mayo 1986, 78.

  24. “Our Responsibility to Share the Gospel,” 8.

  25. The Teachings of Ezra Taft Benson, 208–9.

  26. The Teachings of Ezra Taft Benson, 210.

  27. “Of the Most Worth,” 4–6.

  28. The Teachings of Ezra Taft Benson, 211.

  29. “Of the Most Worth,” 6.

  30. The Teachings of Ezra Taft Benson, 203–4.

  31. The Teachings of Ezra Taft Benson, 204.

  32. Come unto Christ (1983), 91–92.

  33. Seminar for New Mission Presidents, Abr. 3, 1985.

  34. Come unto Christ, 94.

  35. “Principles for Performing Miracles in Missionary Work,” seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 21, 1988.

  36. Come unto Christ, 96.

  37. “Our Responsibility to Share the Gospel,” 8.

  38. Come unto Christ, 96, 97.

  39. Sa Conference Report, Okt. 1943, 21.