Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 19: Pamumuno


Kabanata 19

Pamumuno

“Kung nais ninyong maging pinuno ng Simbahan, ng [inyong] bansa, at ng sarili ninyong tahanan, kailangang maging matatag ang inyong pananampalataya, na di-natitinag sa harap ng kasamaan.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

Nagsimulang matutong mamuno si Ezra Taft Benson noong kabataan niya. Noong siya ay halos 13 taong gulang, natawag na magmisyon ang kanyang ama. Bilang panganay na anak sa pamilya, inako niya ang maraming responsibilidad sa pamumuno sa bukirin ng pamilya habang wala ang kanyang ama. Pagkaraan ng ilang taon, nang tawagin siya sa British Mission, naglingkod siya bilang branch president at bilang president ng Newcastle Conference (kahalintulad ng district ngayon). Kalaunan, naglingkod siya sa tatlong stake presidency—minsang naging counselor, minsang naging stake president sa loob ng maikling panahon, at minsang naging stake president nang mahaba-habang panahon. Sa kanyang propesyon, naglingkod siya sa maraming katungkulan sa pamumuno sa industriya ng agrikultura. Dahil naging lider siya at eksperto sa larangan ng agrikultura, pinakiusapan siya ni Pangulong Dwight D. Eisenhower na maglingkod sa pinakamataas na katungkulan sa agrikultura sa Estados Unidos. Walong taon siyang nakipagtulungan kay Pangulong Eisenhower bilang kalihim ng agrikultura ng Estados Unidos.

Bago naging Pangulo ng Simbahan, naglingkod si Pangulong Benson nang 12 taon bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol. Malaki ang paggalang sa kanya ng mga miyembro ng korum bilang kanilang lider. Si Elder Bruce R. McConkie ay “madalas magsabi sa mga miyembro ng pamilya na wala siyang nakita kailanman na nakapantay sa kahusayan ni Pangulong Benson sa pamamahala sa Simbahan.”1

Sa pamumuno sa Labindalawa, hinikayat ni Pangulong Benson ang mga miyembro ng korum na tahasang ipahayag ang kanilang mga ideya, kahit iba ang kanyang opinyon. Noong si Elder Russell M. Nelson ay bagong miyembro ng korum, naisip niya na marahil ay hindi siya dapat magbigay ng kanyang opinyon. “Ngunit ayaw [ni Pangulong Benson] ng ganoon,” sabi niya. “Katunayan, kung wala akong imik tungkol sa isang bagay hinihikayat niya akong magsalita.”2

Bagama’t humingi ng opinyon si Pangulong Benson sa lahat, hindi niya hinayaang mapalayo sa paksa ang mga talakayan. Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter na “alam [niya] kung paano magpasimula ng hayagan at prangkahang talakayan mula sa Mga Kapatid at pamahalaan at kontrolin ito at magkaisa ang desisyon ng lahat.”3 Kapag “nadama niya na sapat na ang natalakay nila, karaniwa’y sinasabi niyang, ‘Palagay ko sapat na ang natalakay natin. Magkaisa na tayo,’ at humahantong ito sa kanilang pagpapasiya.”4

May malasakit noon si Pangulong Benson sa kanyang mga pinamunuan, at nagturo siya sa pamamagitan ng halimbawa. “Wala akong ibang kilala na mas maunawain sa kanyang mga kasamahan o mas mapagmalasakit sa kanilang kapakanan,” sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley. “Hindi niya ipinagagawa sa iba ang ayaw niyang gawin mismo, sa halip ay nagpapakita siya ng halimbawa ng paglilingkod na tutularan ng iba.”5 Si Pangulong Benson ay mahusay rin sa pagtatalaga ng gawain sa iba, pagtuturo at pagpapatatag sa kanila sa pamamagitan ng prosesong iyan.

Nang sang-ayunan si Pangulong Benson sa pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, ipinahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang kanyang paniniwala na napili at naihanda ng Panginoon si Pangulong Benson na mamuno sa Simbahan:

“Nagpapatotoo ako sa inyo na ang Panginoon ang pumili kay Ezra Taft Benson na maging miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa halos apatnapu’t tatlong taon na ang nakararaan. Ang Panginoon ang sumubok at nagdisiplina sa kanya, nagturo at naghanda sa kanya sa nagdaang mga taon. …

“Bilang isang taong nakakakilala sa kanya at nakasama niya, pinatototohanan ko na siya ay may pananampalataya, subok na sa pamumuno, may malaking pagmamahal sa Panginoon at sa Kanyang gawain, may pagmamahal sa mga anak na lalaki at babae ng Diyos sa lahat ng dako. Siya ay isang taong subok na ang kakayahan.”6

President Ezra Taft Benson with his counselors Gordon B. Hinckely and Thomas S. Monson.

Si Pangulong Ezra Taft Benson at ang kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan: sina Pangulong Gordon B. Hinckley (kaliwa) at Pangulong Thomas S. Monson (kanan)

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Ang mahuhusay na lider ay matatag ang pananampalataya at nagpapakita ng mabuting halimbawa.

Ang bisa ng pamumuno ni Cristo ay nagmula sa pagsubok na tularan ang Kanyang halimbawa. Ang malinaw na panawagan ay, “Pumarito ka, sumunod ka sa akin!” … Ang Kanyang [pagtatagumpay na makamit] ang katapatan at pagmamahal ng mga tao sa mga alituntunin ng kabutihan ay nakabatay sa pagmamahal na siyang labis na umantig sa kanila. Tinulungan Niya tayong matanto na ang mga banal na katangiang nasa bawat isa sa atin na naghihintay na maipahayag ay maaaring magkatotoo. Ang Kanyang halimbawa ang nananatiling malaking pag-asa at lakas ng sangkatauhan.7

Kung nais ninyong maging pinuno ng Simbahan, ng [inyong] bansa, at ng sarili ninyong tahanan, kailangang maging matatag ang inyong pananampalataya, na di-natitinag sa harap ng kasamaan, at tulad ng sabi ni Pablo, “Mangagbihis kayo ng buong kagayakan ng Dios, upang kayo’y magsitibay laban sa mga lalang ng diablo. Sapagka’t ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan.” (Mga Taga Efeso 6:11–12.)8

Kailangan ng ating mga kabataan ng mas kaunting pagpuna at mas maraming huwaran. Kayo ang mga huwarang tutularan nila sa buhay na kanilang masusunod at makakapitan. Kakailanganin nila ng inspirasyon na darating sa inyo habang lubos ninyong ipinamumuhay ang mga turo ng ebanghelyo.9

2

Tumutugon ang mga tao sa mahusay na pamumuno.

Pagpapakumbaba

Isa sa mga tanda ng mahusay na pamumuno noon pa man at magpakailanman ang pagpapakumbaba.10

Espirituwal na lakas

Ang espirituwal na lakas ay naghihikayat ng positibong pag-iisip, mga hangarin, gawi, saloobin, at pagsisikap. Ito ang mga katangiang nagtataguyod ng karunungan, kalusugan ng katawan at isipan, at masayang pagtanggap at pagtugon ng iba.11

Mabubuting tao lamang ang may kakayahang magpasigla at maghikayat sa isa’t isa sa higit na paglilingkod, tagumpay, at kalakasan.12

Mahalaga ang inspirasyon sa wastong pamumuno. … Dapat tayong magkaroon ng inspirasyon nagtuturo man tayo (D at T 50:13–14) o nangangasiwa sa mga gawain ng kaharian (D at T 46:2).13

Walang makahahalili sa Espiritu.14

Kaalaman

Ang tunay na lider ay nagsisikap na makaalam nang husto. Isa siyang taong kumikilos ayon sa alituntunin sa halip na kumilos ayon sa kapakinabangan. Sinisikap niyang matuto mula sa lahat ng karanasan ng tao batay sa inihayag na mga alituntunin ng karunungan ng Diyos.15

Ang isa sa pinakamabubuting paraan para maunawaan ng mga pinuno ang mga tamang alituntunin ay magkaroon ng lubos na kaalaman at pang-unawa tungkol sa mga banal na kasulatan at angkop na hanbuk. Karamihan sa mga sitwasyon ay nangyari na noon, marahil maraming beses na, at ang tuntunin at pamamaraan ay natukoy na para malutas ang problema. Samakatwid, laging makabubuting sumangguni at maging pamilyar sa nakasulat na mga tagubilin at tuntunin ng Simbahan tungkol sa mga katanungang maaaring dumating.16

Pinapayuhan ang mga lider na pag-aralan ang mga doktrina ng Simbahan para sapat nilang maituro ang ating mga doktrina sa iba. Sabi nga ni Apostol Pablo, inaasahan namin kayong maging “manggagawang walang anomang ikahihiya” (II Kay Timoteo 2:15).17

Katapatan

Ang isang mabuting lider ay umaasa sa katapatan ng iba. Sinusuklian niya ito ng kanyang katapatan. Tinutulungan niya ang mga taong binigyan niya ng gawain. Ang katapatan ay hindi lamang dahil sa tawag ng tungkulin. Siya ay tapat kapag naparangalan ang kanyang mga pinaglilingkuran. Ipinagmamalaki niya ang kanilang tagumpay. Hindi niya pinawawalang-saysay ang desisyon ng isang tao nang hindi niya ito ipinaaalam sa taong iyon. Hindi niya hinihiya ang isang kasamahan sa harap ng iba. Siya ay prangka at hayagang magsalita sa tao.18

Pagkakaisa

Mayroong “pagkakaisang hinihingi ng batas ng kahariang selestiyal; At ang Sion ay hindi maitatayo kung hindi ito ayon sa mga alituntunin ng batas ng kahariang selestiyal.” (D at T 105:4–5.) Kabilang sa hinihinging mga alituntunin at katangian ang pagkakaisa ng puso’t isipan. “Sinasabi ko sa inyo, maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin,” ang utos ng Tagapagligtas sa Kanyang Simbahan sa makabagong panahon (D at T 38:27; Juan 17:20–23). Mas mahalaga ang kahilingang ito sa mga taong tinawag Niyang mangulo sa Kanyang buong kaharian.19

Two women welcoming another woman to Relief Society.

“Ang pagmamahal sa tao ay mahalaga sa mahusay na pamumuno.”

Pagmamahal at pagpapakita ng tiwala

Ang pagmamahal sa tao ay mahalaga sa mahusay na pamumuno. Mahal ba ninyo ang mga kasama ninyo sa gawain? Nauunawaan ba ninyo na napakahalaga ng mga kaluluwa sa paningin ng Diyos (tingnan sa D at T 18:10)? May tiwala ba kayo sa mga kabataan? Pinupuri ba ninyo ang mabubuti nilang ugali, ang kanilang mga tagumpay? O pinipintasan ninyo sila dahil sa kanilang mga pagkakamali?20

Kadalasan, mas mahirap tiisin ang pananahimik ng ating lider tungkol sa gawaing iniatas sa atin kaysa kanyang pamimintas. Ang maiikling komento o sulat, na tapat at malinaw, ay lubhang makahihikayat sa atin.21

Alam namin…na ang oras na iniuukol ng isang lider sa personal na pakikipag-ugnayan sa mga miyembro ay mas kapaki-pakinabang kaysa oras na iniukol sa mga miting at tungkuling administratibo. Personal na pakikipag-ugnayan ang susi sa pagbabalik ng di-aktibong miyembro.22

Sa Simbahan lalo na, mas maganda ang mga bunga ng pagtatanong kaysa pag-uutos—mas maganda rin ito sa pakiramdam. Alalahaning sabihin kung bakit. Mag-follow up o sumubaybay upang malaman ang nangyayari. Magpakita ng pasasalamat kapag mahusay na nasunod ng mga tao ang inyong mga tagubilin. Magpakita ng tiwala kapag magagawa ito nang buong katapatan. Kapag hindi maganda ang nangyari, makabubuting tingnan ang nangyari at alamin kung saan kayo nagkamali—at huwag matakot na aminin ito. Tandaan, ang ating mga tao ay boluntaryo at kusang gumagawa. Mahal din nila ang Panginoon at ang Kanyang gawain. Mahalin sila. Pahalagahan sila. Kapag natutukso kang pagalitan ang kasama mo sa gawain, huwag gawin ito. Sa halip ay tanggapin ang mungkahing tapikin sila sa balikat bilang pagsuporta. Ang mga anak ng ating Ama sa buong mundo ay tunay na mababait. Mahal Niya sila. Dapat din natin silang mahalin.23

Ayaw ng mga tao na pilitin silang gawin ang anumang bagay, kahit ito ay para sa sarili nilang kabutihan. Ngunit tumutugon ang mga tao sa mahusay na pamumuno.24

3

Ang mahuhusay na lider ay nagtatalaga ng gawain nang may katalinuhan.

Ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtatalaga ng gawain

Ang mismong pundasyon ng mundo ay inilatag sa pamamagitan ng ipinagkaloob na awtoridad. Maraming beses na ipinaalala ni Jesus sa mga tao na ang Kanyang misyon sa lupa ay ibinigay sa pamamagitan ng ipinagkaloob na awtoridad. Ang panunumbalik ng Kanyang Simbahan ay nagsimula sa ipinagkaloob na awtoridad.

Nang magsalita si Jesus sa mga Judio sa sinagoga, sinabi ni Jesus sa kanila na Siya ay isinugo ng Kanyang Ama: “Sapagka’t bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38).25

Si Jesus ang ating sakdal na halimbawa ng mahusay na pamamahala sa pamamagitan ng wastong pagtatalaga ng gawain. … Marami sa Kanyang isinugong mga missionary ang naglakbay nang walang dalang supot ng salapi o pagkain. Matitinding hirap ang dinanas ng kalalakihan sa pagsunod sa Kanyang mga tagubilin. Ilan sa kanila ang dumanas ng malupit na kamatayan sa paglilingkod sa Kanya. Ngunit ang isinugo niyang mga disipulo ay humayo sa mundo na kasingtapang ng mga leon sa pagsunod sa Kanyang utos. Naisagawa nila ang mga bagay na hindi nila pinangarap gawin kailanman. Wala nang ibang lider na mas nakahikayat sa kalalakihan at kababaihan na katulad Niya.26

Ang Simbahan ni Jesucristo ay humuhubog ng mga lider sa pamamagitan ng mga taong itinalaga gamit ang awtoridad. Noong [si Jesus] ay nasa lupa, tumawag siya ng labindalawang apostol para tulungan siyang pamahalaan ang simbahan. Tumawag din Siya ng pitumpu. Nagtalaga Siya ng tungkulin [sa] iba. Hindi dapat nakatunganga lang ang mga tao sa kanyang simbahan. Lahat ay pinatulong sa pagtatayo ng kaharian. At habang itinatayo nila ang kaharian, napatatag nila ang kanilang sarili.

Nilayon ni Jesus na mapadakila ang tao. …

Layon ni Jesus na maging hari ang bawat lalaki, na hubugin siya sa pamumuno sa kawalang-hanggan. Sa di-malilimutang gabing iyon matapos ang huling hapunan, sinabi Niya sa labing-isa … , “Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang sa akin ay sumasampalataya, ay gagawin din naman niya ang mga gawang aking ginagawa; at lalong dakilang mga gawa kay sa rito ang gagawin niya; sapagka’t ako’y paroroon sa Ama.” (Juan 14:12.) Sa pagtatalaga, hinangad ni Jesus na palakasin, sa halip na kontrolin, ang tao. At sa buong Simbahan ngayon, ang kalalakihan at kababaihan ay lumalakas dahil sa mga katungkulang itinalaga sa kanila.27

One oil painting on wooden panel.  Depicts Jesus instructing the Twelve in a rocky landscape beneath a tree.  The light suggests early evening.  Rmenamts of a small campfire are evident.  Jesus extends his right arm while the standing and sitting apostles look at him with a variety of expressions and assumed poses.  The subject and title are taken form Matthew Chapter 10.

Sa Kanyang mortal na paglilingkod, nagkaloob ng awtoridad si Jesucristo sa Kanyang Labindalawang Apostol.

Pagtatalaga sa ating mga organisasyon

Ang ibig sabihin ng mahusay na pamamahala ay pagtatalaga ng awtoridad. Ang pagtatalaga ng bahagi ng gawain ay nakakatulong sa inyo at sa inyong organisasyon. Ang mahusay na pamamahala ay ang kakayahang magtalaga ng bahagi ng gawain ninyo sa iba para maisagawa ito.28

Ang matalinong pagtatalaga ay nangangailangan ng mapanalanging paghahanda, tulad sa epektibong pagtuturo o pangangaral. Nilinaw ito ng Panginoon sa mga salitang ito: “At ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo” (D at T 42:14). At maidaragdag natin, huwag kayong magtalaga kapag wala ang Espiritu.29

Ang isang matalinong lider sa Simbahan ngayon ay hindi tatangkaing gawing mag-isa ang gawain, para ipakita na walang ibang karapat-dapat na gumawa nito. At sa kanyang pagtatalaga, titiyakin niya na lubos niyang susuportahan ang kanyang itinalaga.30

Kapag naibigay na ang responsibilidad, hindi kinalilimutan ng lider ang taong itinalaga ni ang tungkulin nito. Interesado siyang sumusubaybay ngunit hindi niya “inaalam ang bawat detalye ng ginagawa nito.” Pinupuri niya ito kapag nararapat siyang purihin. Pinalalakas niya ang loob nito kapag kailangan. Kapag nadama niya na hindi nagagawa ang gawain at kailangan ng pagbabago, kumikilos siya nang may katapangan at kahigpitan ngunit may kabaitan. Kapag natapos na ang panunungkulan, kinikilala at pinasasalamatan niya ito.31

Walang matalinong lider na naniniwala na lahat ng magagandang ideya ay nanggagaling sa kanya. Humihingi siya ng mga mungkahi sa mga taong kanyang pinamumunuan. Ipinadarama niya sa kanila na mahalaga sila sa paggawa ng desisyon. Ipinadarama niya sa kanila na sinusunod nila ang kanilang mga patakaran, hindi lamang ang kanya.32

4

Ang mga lider ng Simbahan ay mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos at dapat nilang hangarin ang Espiritu sa pamumuno at paghubog sa iba.

Sa Simbahan ngayon karaniwang nakukuha ng lider ang talagang inaasahan niyang magawa. Kailangan niyang itaas ang kanyang pamantayan. Dapat niyang tiyakin sa mga taong inatasan niya ng mga tungkulin na higit ang kakayahan nilang maglingkod sa Panginoon kaysa mga ordinaryong responsibilidad. Walang kabiguan sa gawain ng Panginoon kapag ginawa [natin] ang [ating] makakaya. Tayo ay mga kasangkapan lamang; ito ang gawain ng Panginoon. Ito ang Kanyang simbahan, ang Kanyang plano ng ebanghelyo. Ang pinaglilingkuran natin ay Kanyang mga anak. Hindi Niya tayo hahayaang mabigo kung gagawin natin ang ating tungkulin. Gagawin Niya tayong mahusay nang higit pa sa sarili nating mga talino at kakayahan kung kailangan. Alam ko ito.33

Dapat nating tandaan na … ang Simbahan … ay hindi isang negosyo. Ang tagumpay nito ay nasusukat ayon sa mga kaluluwang naligtas, hindi sa kinita at nalugi. Mangyari pa, kailangan nating maging mahusay at kapaki-pakinabang, ngunit kailangan din nating manatiling nakatuon sa mga walang-hanggang layunin. Mag-ingat sa paglalapat ng mga pamamaraan at terminolohiyang sekular sa mga sagradong tungkulin ng priesthood. Tandaan na ang makatwirang pamamaraan sa paglutas ng problema, bagama’t nakakatulong, ay hindi magiging sapat sa gawain ng kaharian. Ang gawain ng Diyos ay kailangang isagawa nang may pananampalataya, panalangin, at sa pamamagitan ng Espiritu, “at kung ito ay sa ibang pamamaraan ito ay hindi sa Diyos” (D at T 50:18).34

Ang buong layunin ng Simbahan ay humubog ng kalalakihan at kababaihan na magiging tulad ng Diyos sa kanilang mga ugali at katangian at mithiin.35

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Itinuro ni Pangulong Benson na ang mga lider ay dapat magpakita ng mabuting halimbawa (tingnan sa bahagi 1). Bakit napakalakas ng impluwensya ng halimbawa? Paano nakaimpluwensya sa inyo ang mabubuting halimbawa ng mga lider?

  • Pag-aralan ang mga katangian ng mabubuting lider na ipinaliwanag sa bahagi 2. Sa palagay ninyo bakit “tumutugon sa [gayong] pamumuno” ang mga tao? Pag-isipan ang magagawa ninyo para magkaroon ng mga katangiang ito.

  • Itinuro ni Pangulong Benson na dapat sundan ng mga lider ng Simbahan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagtatalaga ng gawain (tingnan sa bahagi 3). Paano nakakatulong ang pagtatalaga sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos? Sa paanong paraan kayo nakinabang sa mga responsibilidad na itinalaga sa inyo?

  • Paano maaaring magbago ang paglilingkod natin sa Simbahan kapag naalala natin na “ito ay gawain ng Panginoon” at na “ang pinaglilingkuran natin ay Kanyang mga anak”? (Tingnan sa bahagi 4.) Ano ang naranasan ninyo nang kumilos kayo bilang kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon para tulungan ang ibang tao?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Exodo 18:13–26; Mateo 5:13–16; Lucas 22:31–32; Alma 17:1–11; D at T 38:23–27

Tulong sa Pagtuturo

“Bawat isa ay naaantig kapag ang kanilang mga kontribusyon ay pinahalagahan. Maaari kayong gumawa ng natatanging pagsisikap na pahalagahan ang mga puna ng bawat tao at, kung maaari, gawing bahagi ng mga talakayan sa klase ang mga puna” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, [2000], 44).

Mga Tala

  1. Sa Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography (1987), 429.

  2. Sa Ezra Taft Benson: A Biography, 430.

  3. Sa Ezra Taft Benson: A Biography, 430.

  4. Sa Ezra Taft Benson: A Biography, 429.

  5. Sa Ezra Taft Benson: A Biography, 474–75.

  6. Gordon B. Hinckley, “Come and Partake,” Ensign, Mayo 1986, 47.

  7. The Teachings of Ezra Taft Benson (1988), 345.

  8. The Teachings of Ezra Taft Benson, 372.

  9. The Teachings of Ezra Taft Benson, 375–76.

  10. The Teachings of Ezra Taft Benson, 371.

  11. The Teachings of Ezra Taft Benson, 371.

  12. The Teachings of Ezra Taft Benson, 455.

  13. God, Family, Country: Our Three Great Loyalties (1974), 126.

  14. The Teachings of Ezra Taft Benson, 375.

  15. The Teachings of Ezra Taft Benson, 377.

  16. The Teachings of Ezra Taft Benson, 375.

  17. The Teachings of Ezra Taft Benson, 375.

  18. The Teachings of Ezra Taft Benson, 371.

  19. The Teachings of Ezra Taft Benson, 372.

  20. The Teachings of Ezra Taft Benson, 370.

  21. The Teachings of Ezra Taft Benson, 371.

  22. The Teachings of Ezra Taft Benson, 147.

  23. The Teachings of Ezra Taft Benson, 376–77.

  24. The Teachings of Ezra Taft Benson, 345.

  25. The Teachings of Ezra Taft Benson, 378.

  26. The Teachings of Ezra Taft Benson, 378.

  27. God, Family, Country, 135–36.

  28. The Teachings of Ezra Taft Benson, 379.

  29. The Teachings of Ezra Taft Benson, 379–80.

  30. The Teachings of Ezra Taft Benson, 379.

  31. God, Family, Country, 140.

  32. The Teachings of Ezra Taft Benson, 371.

  33. The Teachings of Ezra Taft Benson, 372.

  34. The Teachings of Ezra Taft Benson, 372–73.

  35. The Teachings of Ezra Taft Benson, 373.