Kabanata 17
Pagsunod sa Batas ng Kalinisang-puri
“Ang batas ng moralidad ng langit kapwa para sa kalalakihan at sa kababaihan ay ganap na kalinisan ng puri bago ikasal at lubos na katapatan matapos ikasal.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
Sa paglalakbay sa maraming lugar bilang lider ng simbahan at pamahalaan, alam na alam ni Pangulong Ezra Taft Benson ang patuloy na pagbaba ng moralidad sa iba’t ibang dako ng mundo, lalo na tungkol sa batas ng kalinisang-puri. Tinuligsa niya ang pagbabang ito, at itinuro na “ang batas ng kalinisang-puri ay isang alituntuning walang hanggan ang kahalagahan.”1 Ipinahayag niya na “sa Simbahan at kaharian ng Diyos, ang kalinisang-puri ay hindi kailanman mawawala sa uso, anuman ang gawin o sabihin ng mundo.”2 Itinuro pa niya: “Kailangan nating manirahan sa mundong walang moralidad at imoral, … ngunit hindi natin kailangang maging makamundo. Dapat ay madali tayong makatulog sa gabi nang hindi nag-aalala na nakagawa tayo ng mga bagay na imoral.”3
Para maipakita ang kahalagahan ng pananatiling malinis mula sa mga imoral na impluwensya ng mundo, ikinuwento ni Pangulong Benson ang sumusunod:
“Naalala ko ang kuwento tungkol sa isang dalagitang papunta, kasama ang kanyang kadeyt, sa isang lugar na hindi nararapat, salungat sa matalinong payo ng kanyang mga magulang. Ang kanyang tanong ay, ‘Ano ang masama kung pumunta ako roon para tingnan lang ang nangyayari doon?’ Maliwanag na hinayaan siya ng kanyang mga magulang at iminungkahing isuot niya ang kanyang maganda at puting bestida para sa okasyon. Bago dumating ang kanyang kadeyt, sinabi ng kanyang ama, “Puwede bang pumunta ka muna sa tapahan bago ka umalis at dalhan mo ako ng bacon?’
“Nabigla ang dalagita sa hiling na ito at sinabi, ‘Suot ang pinakamaganda kong damit? Didikit po sa akin ang masamang amoy roon.’ Sabi ng kanyang ina, ‘Tama, hindi ka makakapasok sa tapahan nang hindi dumidikit sa iyo ang masamang amoy roon. Alam naming sapat ang talino mo para hindi pumunta sa lugar na paglabas mo ay hindi ka na kasingganda at kasinglinis nang pumasok ka roon.’ Dahil sa matalinong payong iyon, tama ang naging pasiya ng dalagitang ito na manatiling walang bahid-dungis at malinis mula sa masasamang impluwensya ng mundo.”4
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Itinatag ng Diyos ang pamantayan ng kalinisang-puri para sa Kanyang mga anak.
Sa dispensasyong ito inulit ng Panginoon ang kautusang ibinigay sa Sinai nang sabihin Niyang, “Huwag kayong … makiapid, … ni gumawa ng anumang bagay tulad nito” (D at T 59:6, idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa simula pa lang, nagtakda na ang Panginoon ng malinaw at maliwanag na pamantayan ng kadalisayan ng puri. Noon pa man, maging ngayon, at magpakailanman ay hindi ito magbabago. Ang pamantayang iyan ay ang batas ng kalinisang-puri. Ito ay para sa lahat—para sa mga lalaki at babae, matanda at bata, mayaman at mahirap.5
Hindi paiba-iba ang pamantayan ng moralidad ng Simbahan. Ang batas ng moralidad ng langit kapwa para sa kalalakihan at sa kababaihan ay ganap na kalinisan ng puri bago ikasal at lubos na katapatan matapos ikasal.6
Sa Aklat ni Mormon, sinabi sa atin ng propetang si Jacob na ang Panginoon ay nalulugod sa kalinisang-puri ng Kanyang mga anak (tingnan sa Jacob 2:28). Naririnig ba ninyo iyan, mga kapatid? Hindi lamang natutuwa ang Panginoon kapag malinis ang puri natin; nalulugod Siya sa kalinisang-puri. Gayon din ang itinuro ni Mormon sa kanyang anak na si Moroni nang isulat niya na ang kalinisang-puri at dangal ay “pinakamahal at pinakamahalaga sa ibabaw ng lahat ng bagay” (Moroni 9:9).7
Ang likas na hangarin ng kalalakihan at kababaihan na magsama ay nagmumula sa Diyos. Ngunit ang gayong pagsasama ay nasasaklaw ng kanyang mga batas. Ang mga bagay na iyon na sadyang nakalaan sa mag-asawa, kapag isinagawa sa loob ng bigkis ng kasal, ay tama at nakalulugod sa harap ng Diyos at nagsasakatuparan sa utos na magpakarami at kalatan ang lupa. Ngunit ang mga bagay ring iyon kapag ginawa sa labas ng bigkis ng kasal ay kasumpa-sumpa.8
Magpakasal sa harap ng altar nang dalisay at malinis. Ilaan sa asawa ang matamis at matalik na mga pag-uugnayang iyon na nilayon ng Diyos ng Langit na maging bahagi ng pag-aasawa at huwag itong gawin sa labas ng tipan ng kasal. Wala akong pakialam sa sinasabi ng mundo, ngunit ito ang mga pamantayan ng kaharian ng Diyos.9
2
Ang nakababahalang kasalanan ng henerasyong ito ay ang kahalayang seksuwal.
Ang nakababahalang kasalanan ng henerasyong ito ay ang kahalayang seksuwal. Ito, sabi ni Propetang Joseph, ang pagmumulan ng mas maraming tukso, mas maraming pananakit, at mas maraming paghihirap para sa mga elder ng Israel kaysa sa iba.10
Ang kahalayang seksuwal ay parang ulupong na nanunuklaw hindi lamang sa mundo, kundi maging sa Simbahan ngayon. Ang hindi pag-amin dito ay pagiging kampante o pagwawalang-bahala sa panganib na dulot nito. Sa kategorya ng mga krimen, tanging pagpatay at pagtatwa sa Espiritu Santo ang nauuna sa mga ipinagbabawal na relasyong seksuwal, na tinatawag nating pakikipagtalik nang di-kasal kapag walang asawa ang taong sangkot, o ang mas mabigat na kasalanang pangangalunya kapag siya ay may asawa. Alam ko na hindi itinuturing ng mga batas ng lupain ang imoralidad na mabigat na kasalanan na katulad ng turing dito ng Diyos, ni hindi ito nagpaparusa nang kasintindi ng Diyos, ngunit hindi niyan binabago ang katotohanan na kasuklam-suklam ito. Sa mga mata ng Diyos iisa lang ang pamantayang moral para sa kalalakihan at kababaihan. Sa mga mata ng Diyos ang kalinisang-puri ay hindi kailanman mawawala sa uso. …
Walang kasalanang higit na nagtataboy sa Espiritu ng Panginoon sa ating mga tao ngayon maliban sa kawalan ng ingat o delikadesa pagdating sa seks. Nagiging dahilan ito ng pag-aalinlangan ng ating mga tao, hadlang sa kanilang paglago, paghina ng kanilang espirituwalidad, at pagpapatangay nila sa iba pang mga kasalanan.11
May malaking panganib kapag pisikal ang naging batayan ng relasyon ninyo bilang magkasintahan. … Ang mga nakapipinsalang epekto ng gayong mga ugnayang labag sa batas ay nagpapatuloy sa buhay may-asawa, na naghahatid ng kabiguan, pighati, at paghina ng istruktura ng tahanan.12
Ang kadalisayan ng puri ay isang walang-hanggang alituntunin. Ang Espiritu ng Diyos ay “hindi nananahanan sa mga hindi banal na templo” [tingnan sa Helaman 4:24]. Ang kadalisayan ay nagbibigay-buhay; ang karumihan ay nakamamatay. Ang mga banal na batas ng Diyos ay hindi maaaring labagin nang walang kaparusahan. Bumagsak ang malalaking bansa nang maging imoral sila, dahil ang mga kasalanan ng imoralidad ay nakapinsala sa mga mamamayan nito na hindi nakayanang harapin ang hamon ng kanilang panahon.13
Imoralidad ang pinaka-nagpapahamak sa lahat ng kasamaan, samantalang kalinisan ng puri ang isa sa pinakamatitibay na muog ng matagumpay na tahanan. Ang masasaya at matatagumpay na tahanan ay hindi maaaring sumandig sa imoralidad.14
Pangangatwiranan ng ilan ang kanilang imoralidad sa pagsasabi na ang mga paghihigpit dito ay mga patakaran lamang ng simbahan, mga patakarang walang-kabuluhan dahil ang totoo ay wala namang Diyos. Mauunawaan ninyo na pagdadahilan lang ito para mapangatwiranan ang makamundong hangarin, pagnanasa, at simbuyo ng damdamin ng tao. Ang batas ng Diyos ay hindi mababawi. Ito ay para sa lahat, naniniwala man sila sa Diyos o hindi. Lahat ay sasailalim sa mga kaparusahan nito, kahit mangatwiran man dito ang tao o balewalain ito.
Ang imoralidad … ay laging nagdudulot ng matinding kalungkutan. Ang isang tao ay hindi maaaring magpasasa sa mga walang-ingat na pakikipagrelasyon nang hindi dinaranas ang masasamang epekto nito. Hindi siya maaaring gumawa ng mali at pagkatapos ay madama niyang tama ito—imposible iyan. Kapag nilabag ng tao ang isang batas ng Diyos, pinarurusahan siya sa kapighatian, kalungkutan, pagsisisi, kawalan ng respeto sa sarili, at inilalayo niya ang sarili sa Espiritu ng Diyos.15
3
Upang manatiling malinis ang puri, kailangan nating ihanda ang ating sarili na labanan ang tukso.
Maraming taong nakakagawa ng kasalanang seksuwal dahil sa maling pagtatangkang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng tao. Kailangan nating lahat ng pagmamahal at pagpapahalaga. Hangad nating lahat na magalak at lumigaya sa ating buhay. Dahil alam ito ni Satanas, madalas niyang akitin ang mga tao na maging imoral sa pagsasamantala sa kanilang mga pangunahing pangangailangan. Nangangako siya ng kasiyahan, kaligayahan, at kaganapan.
Ngunit mangyari pa, ito ay isang panlilinlang. Tulad ng sinabi ng sumulat ng Mga Kawikaan: “Siyang nagkakamit ng pangangalunya sa isang babae ay walang bait: ang gumagawa niyaon ay nagpapahamak sa kaniyang sariling kaluluwa” (Mga Kawikaan 6:32). Iyon din ang itinuro ni Samuel, ang Lamanita, nang sabihin niya, “Kayo ay naghangad ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan, kung aling bagay ay salungat sa kalikasan ng … kabutihan” (Helaman 13:38). Mas simple ang pagkasabi rito ni Alma: “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10).16
Sabi ng isang matandang kasabihan: Mas mabuting maghanda at iwasang magkamali kaysa itama at pagsisihan ang pagkakamali. Totoo ito sa batas ng kalinisang-puri. Ang unang paraan para mapanatiling malinis ang ating puri ay ihanda ang ating sarili na labanan ang tukso at iwasan nating magkasala.17
Malinis na kaisipan
Kontrolin ang inyong pag-iisip. Walang sinumang gumagawa ng imoralidad sa isang iglap. Ang imoralidad ay laging nagsisimula kapag pumasok ito sa isipan. Kapag hinayaan nating matuon ang ating isipan sa mga bagay na imoral, nasa unang hakbang na tayo tungo sa imoralidad. Binabalaan ko kayo lalo na sa mga kasamaang dulot ng pornograpiya. Paulit-ulit nating naririnig mula sa mga nakagawa ng mabigat na kasalanan na ang unang hakbang tungo sa paglabag ay nagsimula sa malalaswang materyal. Itinuro ng Tagapagligtas na kapag ang isang lalaki ay tumingin sa isang babae nang may pagnanasa, o sa madaling salita, kapag hinayaan niyang gumala ang kanyang isipan, nagkasala na siya ng pangangalunya sa kanyang puso (tingnan sa Mat. 5:28; D at T 63:16).18
Ang mga taong malinis ang kaisipan ay hindi gumagawa ng maruruming gawain. Hindi lamang ninyo pananagutan sa harap ng Diyos ang inyong mga kilos kundi pati na rin ang pagpipigil sa inyong pag-iisip. Kaya’t mamuhay sa paraang hindi kayo mamumula sa hiya kung ipalabas sa screen sa inyong simbahan ang inyong mga iniisip at ginagawa. Totoo pa rin ang lumang kasabihan na ang iniisip ninyo ang ginagawa ninyo, ang ginagawa ninyo ang kinauugalian ninyo, ang kinauugalian ninyo ang nagiging pagkatao ninyo, at ang pagkatao ninyo ang nagtatakda ng inyong walang-hanggang tadhana. “Kung ano ang iniisip [ng tao] sa loob niya, ay gayon siya.” (Tingnan sa Mga Kawikaan 23:7.)19
Isiping mabuti ang mga salita ng propetang si Alma sa kanyang anak na si Corianton na nalihis ng landas, “Talikuran ang iyong mga kasalanan, at huwag nang sundin pa ang pagnanasa ng iyong mga mata.” (Alma 39:9.)
“Ang pagnanasa ng iyong mga mata.” Sa ating panahon, ano ang ibig sabihin ng mga salitang iyan?
Mga pelikula, programa sa telebisyon, at video recording na kapwa mahalay at imoral.
Mga magasin at aklat na bastos at malaswa.
Pinapayuhan namin kayo … na huwag dumihan ang inyong isipan sa nakahihiyang bagay na iyon, sapagkat ang isipang nabahiran ng karumihang ito ay hindi na katulad ng dati kailanman.20
Maging malinis. Maging marangal sa inyong pag-iisip at kilos. Magbasa ng mabubuting aklat. Huwag kailanman pasukan ng pornograpiya ang inyong isipan. … Sa mga salita ng Panginoon, “Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos. Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina.” (D at T 121:45–46.)21
Mga panalangin para magkaroon ng lakas
Manalangin sa tuwina na makayanang labanan ang tukso. Darating ang tukso sa ating lahat. Marami itong anyo at lumilitaw sa maraming balatkayo, ngunit binigyan tayo ng Panginoon ng paraan para mapaglabanan ito. Sinabi Niya kay Propetang Joseph Smith: “Manalangin tuwina, nang ikaw ay magtagumpay; oo, nang iyong mapagtagumpayan si Satanas, at nang iyong matakasan ang kamay ng mga tagapaglingkod ni Satanas na tumatangkilik sa kanyang gawain” (D at T 10:5). Dapat maging bahagi ng ating araw-araw na mga panalangin ang paghiling sa Panginoon na magkaroon ng lakas sa tuwina na mapaglabanan ang tukso, lalo na ang mga tuksong may kinalaman sa batas ng kalinisang-puri.22
Walang tuksong darating sa inyo na hindi ninyo kayang paglabanan. Huwag tulutan ang inyong sarili na malagay sa sitwasyon kung saan madali kayong matutukso. Makinig sa mga paramdam ng Espiritu. Kung may ginagawa kayo na hindi ninyo nadarama na maaari ninyong ipagdasal na basbasan ng Panginoon ang inyong ginagawa, mali ang inyong ginagawa.23
Pag-iwas sa mga sitwasyong hindi angkop
Ang mga lalaki at babaeng may asawa kung minsan ay nakikipagharutan at nanunukso sa mga miyembro ng opposite sex o hindi nila kapareho ang kasarian. Nagkakasundo silang magkita nang walang masamang layon, o napakaraming oras na magkasama sila. Sa lahat ng sitwasyong ito, ikinakatwiran ng mga tao na natural lang ito sa magkaibigan. Ngunit ang tila pagtutuksuhan nang walang masamang balak o simpleng katuwaan lang ninyo ng taong hindi ninyo kapareho ang kasarian ay maaaring humantong kaagad sa mas seryosong relasyon at pagtataksil kalaunan.
Ang magandang itanong sa ating sarili ay ito: Masisiyahan ba ang asawa ko kung malaman niya na ginagawa ko ito?24
Kung kayo ay may asawa, iwasang mapag-isa na kasama ang mga hindi ninyo kapareho ang kasarian hangga’t maaari. Maraming malulungkot na karanasan ng imoralidad na nagsisimula kapag napag-isa ang isang lalaki at isang babae sa opisina, o simbahan, o sakay ng kotse. Sa una maaaring wala silang binabalak o ni hindi iniisip na magkasala. Ngunit ang mga sitwasyon ay naglalaan ng magandang pagkakataon para sa tukso. Ang isang bagay ay humahantong sa isa pang bagay, at napakabilis nitong hahantong sa kapahamakan. Mas madaling iwasan ang gayong mga sitwasyon sa simula pa lang para wala nang pagkakataon pang tumindi ang tukso.25
Pagiging Disente
Maging disente. Ang pagiging disente sa pananamit at pananalita at pagkilos ay tunay na tanda ng kapinuhan ng pag-uugali at kadalisayan ng isang marangal na Banal sa mga Huling Araw. … Iwasan ang masama at mahalay at malaswa.26
Nakalulusog at positibong mga aktibidad
Labanan ng kabutihan ang kasamaan. Malalabanan ninyo ang maraming masasamang hilig sa pamamagitan ng mabuting pag-eehersisyo at nakalulusog na mga aktibidad. Ang malusog na kaluluwa, na walang impluwensya ng alak at sigarilyo na nagpapahina ng katawan at espiritu, ay nasa mas mabuting kalagayan para daigin ang diyablo.27
Sa mga walang asawa at nakikipagdeyt, maingat na magplano ng positibo at makabuluhang mga aktibidad para hindi kayo mapag-isa nang walang ginagawa kundi magpakita ng pisikal na pagmamahal sa isa’t isa. … Ito ang alituntunin ng punuin ng positibong mga aktibidad ang buhay ng isang tao para mawalan ng pagkakataong manaig ang negatibo.28
Punuin ng mga positibong mapagkukunan ng lakas ang inyong buhay. Hindi sapat ang sikapin lamang na paglabanan ang kasamaan o alisin ang lahat ng kasalanan sa ating buhay. Kailangan din nating punuin ng kabutihan ang ating buhay. Kailangan tayong maging abala sa mga aktibidad na nagbibigay ng espirituwal na lakas.
Ang tinutukoy ko ay ang mga aktibidad na tulad ng dibdibang pag-aaral natin sa mga banal na kasulatan. May kapangyarihang dumadaloy sa ating buhay kapag binabasa at pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan araw-araw na hindi matatagpuan sa ibang paraan. Araw-araw na pagdarasal ang isa pang mapagkukunan ng matinding lakas. Ang pag-aayuno para sa partikular na katatagan o espesyal na mga pagpapala ay makapagpapatatag sa atin nang higit sa normal nating kakayahan. Ang paglilingkod nang may pagmamahal bilang Kristiyano, pagsisimba, paglilingkod sa kaharian—lahat ay maaaring makaragdag sa natipon nating katatagan at lakas.
Higit pa sa simpleng pagwawaksi ng mga negatibong impluwensya sa ating buhay ang kailangan nating gawin. Kailangan nating palitan ang mga ito ng mabubuting aktibidad na pupuspos sa atin ng lakas at determinasyong mabuhay gaya nang nararapat.29
4
Sa wastong paraan ng pagsisisi, ang mga taong nabulid sa seksuwal na kasalanan ay magiging malinis muli.
Maaaring para sa ilan ay huli na ang payo na maghanda at umiwas. Maaaring nabulid na kayo sa mabigat na kasalanan. Kung ganito ang sitwasyon, walang ibang pagpipilian ngayon kundi ayusin ang buhay ninyo at pagsisihan ang inyong mga kasalanan. Imumungkahi ko sa inyo ang limang mahahalagang bagay na magagawa ninyo para manumbalik ang kadalisayang moral. Agad lumayo sa anumang sitwasyong pinasukan ninyo na nag-uudyok sa inyong magkasala o kaya’y magiging dahilan para magkasala kayo. Sumamo sa Panginoon na bigyan kayo ng lakas na paglabanan ito. Magpatulong sa inyong mga lider ng priesthood para mapagsisihan ninyo ang kasalanan at makabalik kayo sa lubos na pagtanggap ng Panginoon. Tumanggap ng tulong mula sa langit at punuin ng mga positibong mapagkukunan ng lakas ang inyong buhay. Alalahanin na sa wastong paraan ng pagsisisi, maaari kayong maging malinis muli.
Para sa mga taong ginagawa ang lahat para tunay na makapagsisi, tiyak ang pangako. Maaari kayong maging malinis muli. Maaaring mapawi ang kalungkutan. Ang tamis ng kapayapaang dulot ng kapatawaran ay dadaloy sa inyong buhay. Sa dispensasyong ito malinaw na sinabi ng Panginoon, “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito” (D at T 58:42).30
5
Dapat ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak na ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri.
Ang mga magulang ay dapat magbigay ng malilinaw na tagubilin sa kanilang mga anak tungkol sa kalinisang-puri habang bata pa sila, kapwa para maprotektahan ang kanilang katawan at dangal o puri.31
Kung mahal at iginagalang ng mga magulang ang isa’t isa, at kung sa kanilang sagradong pagsasama ay lubos ang suporta at katapatan nila, ang mahahalagang bagay na ito ay makikita sa mga tahanan ng susunod na mga henerasyon. Sa kabilang banda, kung mayroong bungangaan, pag-aawayan, at hindi pagkakasundo sa tahanan, pakikibahagi sa mapanganib na pakikipagharutan sa iba kapag malayo sa tahanan, magiging mahina ang mga tahanan ng susunod na mga henerasyon dahil dito. …
… Ang ating mga tahanan ay dapat maging mga muog ng katatagan sa pamamagitan ng pagkikintal ng kabutihan sa isipan at pagpapasok dito ng kapayapaan, pagkakaisa, at kabaitan sa iba bunga ng personal na kadalisayan, lubos na katapatan, at simpleng debosyon sa pamilya. Kailangang tanggapin ng mga magulang na banal na institusyon ang kasal, at ikarangal ang pagiging magulang. Kailangang mabigyang-inspirasyon ang mga anak sa tuntunin at halimbawa sa paghahanda sa pag-aasawa, upang iwasan ang imoralidad na parang nakakadiring sakit, at magkaroon ng iba pang mabubuting kaugaliang Kristiyano.32
6
Ibinigay sa atin ng Diyos ang batas ng kalinisang-puri upang maghatid ng kagalakan sa atin.
Walang hangad ang ating Ama sa Langit kundi ang maging maligaya tayo. Sinasabi Niya sa atin ang mga bagay lamang na magbibigay sa atin ng kagalakan. At ang isa sa pinakatiyak na mga alituntuning ibinigay ng Diyos para tulungan tayong masumpungan ang kagalakang iyon ay ang batas ng kalinisang-puri. Buong puso kong dalangin na isipin ninyong mabuti ang masasayang bunga ng pagsunod sa batas na ito, at ang masasamang idudulot ng paglabag dito.33
Kaya kailangan tayong magpakabanal—na kinabibilangan ng personal na kalinisang-puri, malilinis na isipan at gawi, at integridad—dahil kailangan natin ng patnubay ng Espiritu at kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay para magawa ang gawain ng Diyos. Kung wala ang kapangyarihan at impluwensyang iyan wala tayong ipinagkaiba sa mga tao sa ibang mga organisasyon. Ang kabanalang iyan ay magniningning at iimpluwensya sa iba tungo sa mas mabuting buhay at dahil diyan ay magiging interesado ang mga hindi miyembro sa ating relihiyon.34
Maging tapat sa mga banal na batas ng Diyos. Tandaan, hindi maaaring labagin ang mga ito nang walang kaparusahan. Kung nais ninyong maging masaya at matagumpay sa inyong pakikihalubilo, panliligaw, at pagbubuo ng pamilya, mamuhay ayon sa mga walang-hanggang batas ng langit. Wala nang iba pang paraan.35
Walang nagtatagal na kaligayahan sa imoralidad. Walang matatagpuang kagalakan sa paglabag sa batas ng kalinisang-puri. Kabaligtaran nito ang totoo. Maaaring may panandaliang kasiyahan. Sa maikling panahon maaaring parang lahat ay napakaganda. Ngunit mabilis na papangit ang pagsasama o relasyon. Makadarama ng panunurot ng budhi at kahihiyan. Natatakot tayong matuklasan ang ating mga kasalanan. Kailangan tayong sumilip-silip at magtago, magsinungaling at manloko. Nagssisimulang maglaho ang pag-ibig. Umuusbong ang kapaitan, selos, galit, at maging ang pagkapoot. Lahat ng ito ay mga likas na bunga ng kasalanan at paglabag.
Sa kabilang dako, kapag sinunod natin ang batas ng kalinisang-puri at nanatiling malinis ang ating dangal, mararanasan natin ang mga pagpapala ng ibayong pagmamahal at kapayapaan, mas malaking tiwala at paggalang sa ating asawa, higit na katapatan sa isa’t isa, at sa gayon ay magkakaroon tayo ng matindi at malaking galak at kaligayahan.36
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sinabi ni Pangulong Benson na ang pamantayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri ay “malinaw at maliwanag” (bahagi 1). Paano naiiba ang pamantayang ito sa mga mensahe ng mundo?
-
Ano ang ilan sa mga bunga ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 2.)
-
Ano ang ilang partikular na mga bagay na magagawa natin para mapangalagaan ang ating sarili at ating pamilya mula sa tuksong seksuwal? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 3.)
-
Repasuhin ang payo ni Pangulong Benson sa mga taong nakagawa ng “mabigat na kasalanan” (bahagi 4). Ano ang naiisip at nadarama ninyo kapag pinagninilayan ninyo ang pangako ng Panginoon na hayaang “makabalik sa lubos na pagtanggap” ang mga nagsisi?
-
Sa palagay ninyo bakit mahalaga para sa mga magulang na “bigyan ng malilinaw na tagubilin ang kanilang mga anak tungkol sa kalinisang-puri habang bata pa sila”? Paano naiimpluwensyahan ng katapatan ng mga magulang sa isa’t isa ang damdamin ng kanilang mga anak tungkol sa pag-aasawa at batas ng kalinisang-puri? (Tingnan sa bahagi 5.)
-
Ano ang ilang “masasayang bunga” ng pagsunod sa batas ng kalinisang-puri? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 6.)
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Genesis 39:7–21; I Mga Taga Corinto 6:18–20; Mga Taga Galacia 5:16; Alma 38:12; 39:3–5; 3 Nephi 12:27–30; D at T 42:22–25
Tulong sa Pagtuturo
“Hikayatin ang inyong mga tinuturuan na dumating sa klase na handa upang matuto at makilahok sa klase. Kapag ang bawat isa ay nagsisikap na matutuhan ang ebanghelyo, sila ay malamang na makatulong sa kapaligiran ng pagkatuto habang nagkaklase” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 100).