Kabanata 1
Ang Dakilang Utos—Mahalin ang Panginoon
“Kapag inuna natin ang Diyos sa ating buhay, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
Nabanaag sa buhay ni Pangulong Ezra Taft Benson ang pagmamahal niya sa Panginoon at ang kanyang matatag na katapatan sa pamumuhay ng ebanghelyo. Minsan ay sinabi ng isang kamag-anak, “Para kay Ezra at sa kanyang pamilya ang relihiyon ay ganap na pamumuhay—isang bagay na ipamumuhay nang pitong araw sa isang linggo. Ito ang una niyang isinasaalang-alang kapag oras nang gumawa ng mga desisyon.”1
Napansin din ng mga hindi kapamilya ng mga Benson ang pagmamahal ni Pangulong Benson sa Panginoon. Noong 1939, nang stake president pa si Pangulong Benson, inanyayahan siya sa Washington, D.C., para kausapin ang mga direktor ng National Council of Farmer Cooperatives. “Matapos siyang kilatisin at pagtatanungin, inalok siya ng board of trustees na maging executive secretary ng organisasyong iyon. … Bagama’t natuwa siya sa alok na ito sa kanyang paglilingkod, ayaw niya itong tanggapin. Sa pagkaunawa niya, kakailanganin sa trabaho ang makihalubilo sa mga mambabatas na idinadaan sa mga cocktail party, na hindi tugma sa kanyang relihiyon.
“‘Mr. Benson,’ sagot ni Judge John D. Miller, pinuno ng grupo, ‘kaya nga ikaw ang pinili namin. Alam namin ang mga pamantayan mo.’ Dahil lubos na tiniyak ng board na hindi siya aasahang alamin ang mga problema sa agrikultura nang nakikipag-inuman, natuwa siyang tanggapin ang posisyon, ngunit matapos lamang sumangguni sa Unang Panguluhan at sa kanyang maybahay.”2
Itinuro ni Pangulong Benson na ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon kapag handa tayong sundin ang Kanyang kalooban. Sabi niya: “Sana’y taos-pusong masabi ng bawat Banal sa mga Huling Araw: ‘Tutungo ako saanman. Bibigkasin ko ang Inyong nais. Susundin ang Inyong utos’ [tingnan sa Mga Himno, blg. 171]. Kung magagawa nating lahat iyan, matitiyak natin ang lubos na kaligayahan dito at kadakilaan sa kahariang selestiyal ng Diyos sa kabilang-buhay.”3
Sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 1988—ang mensahe na pinagbatayan ng kabanatang ito—nagtuon si Pangulong Benson sa una at dakilang utos: mahalin ang Diyos. Hinggil sa mensaheng ito, napansin ni Elder Francis M. Gibbons ng Pitumpu, “Lahat ng pinaghirapan ni Pangulong Ezra Taft Benson, lahat ng kanyang pinanindigan, at lahat ng kanyang inasam—para sa kanyang sarili, sa kanyang pamilya, at sa Simbahan—ay nasa mensaheng ito.”4
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Ang una at dakilang utos ay mahalin ang Panginoon.
Ang pinakamalaking pagsubok sa buhay ay pagsunod sa Diyos. “Susubukin natin sila,” sabi ng Panginoon, “upang makita kung kanilang gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa kanila ng Panginoon nilang Diyos” (Abraham 3:25).
Ang pinakamalaking tungkulin sa buhay ay alamin ang kalooban ng Panginoon at sundin iyon pagkatapos.
Ang una at dakilang utos sa buhay ay mahalin ang Panginoon.
“Lumapit kay Cristo,” ang tagubilin ni Moroni sa kanyang pangwakas na patotoo, “… at [ibigin] ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas” (Moroni 10:32).
Ito, kung gayon, ang una at dakilang utos: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo” (Marcos 12:30; tingnan din sa Mateo 22:37; Deuteronomio 6:5; Lucas 10:27; Moroni 10:32; D at T 59:5).
Iyon ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, na tinatawag na pag-ibig sa kapwa-tao, na pinatototohanan ng Aklat ni Mormon na pinakadakila sa lahat—na hindi nagkukulang kailanman, na nagtitiis magpakailanman, na dapat taglayin ng lahat ng tao, at na kung wala nito ay wala silang kabuluhan (tingnan sa Moroni 7:44–47; 2 Nephi 26:30).
“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid,” pagsamo ni Moroni, “manalangin sa Ama nang buong lakas ng [inyong] puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya” (Moroni 7:48).
Sa mga huling salaysay tungkol sa mga Jaredita at Nephita, itinala ni Moroni na maliban kung magkaroon ang mga tao nitong dalisay na pag-ibig ni Cristo, na tinatawag na pag-ibig sa kapwa-tao, hindi nila mamanahin ang lugar na inihanda ni Cristo sa mga mansiyon ng Kanyang Ama ni maliligtas sila sa kaharian ng Diyos (tingnan sa Eter 12:34; Moroni 10:21).
Ang bungang kinain ni Lehi sa kanyang pangitain at pumuspos sa kanyang kaluluwa ng labis na kagalakan at kanais-nais sa lahat ay ang pag-ibig ng Diyos.5
Kapag naiisip ko ang pag-ibig sa kapwa, naiisip ko … ang aking ama at ang araw na tinawag siyang magmisyon [tingnan sa mga pahina 5–7 sa aklat na ito]. Palagay ko sasabihin ng ilan sa mundo na ang pagtanggap niya sa tawag na iyon ay katunayan na hindi niya talaga mahal ang kanyang pamilya. Ang iwanang mag-isa sa bahay ang pitong anak at buntis na asawa nang dalawang taon, paano iyan matatawag na tunay na pagmamahal? Ngunit mas dakila ang pananaw ng aking ama tungkol sa pagmamahal. Batid niya na “lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa ikabubuti ng mga nagsisiibig sa Dios” (Mga Taga Roma 8:28). Batid niya na ang pinakamagandang magagawa niya para sa kanyang pamilya ay ang sundin ang Diyos.6
Ang mahalin ang Diyos nang inyong buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas ay nangangailangan ng inyong buong enerhiya sa lahat ng aspeto. Kailangan dito ang buong katapatan ninyo. Ito’y buong katapatan ng ating buong pagkatao—sa katawan, isipan, damdamin, at espiritu—na mahalin ang Panginoon.
Ang lawak, lalim, at laki ng pagmamahal na ito sa Diyos ay sumasaklaw sa bawat aspeto ng buhay ng isang tao. Ang ating mga hangarin, espirituwal man o temporal, ay dapat mag-ugat sa pagmamahal sa Panginoon. Ang ating iniisip at pagmamahal ay dapat nakasentro sa Panginoon. “Lahat ng iyong nasasaisip ay ituon sa Panginoon,” sabi ni Alma, “oo, ang pagmamahal sa iyong puso ay mapasa-Panginoon magpakailanman” (Alma 37:36).7
2
Ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos kapag inuuna natin Siya sa ating buhay.
Bakit inuna ng Diyos ang unang utos? Dahil batid Niya na kung tunay natin Siyang mahal nanaisin nating sundin ang lahat ng iba pa Niyang mga utos. “Sapagka’t ito ang pagibig sa Diyos,” sabi ni Juan, “na ating tuparin ang kaniyang mga utos” (I Ni Juan 5:3; tingnan din sa II Ni Juan 1:6).
Kailangan nating unahin ang Diyos nang higit sa lahat sa ating buhay. Kailangang Siya ang una, tulad ng ipinahayag Niya sa una sa Kanyang Sampung Utos: “Huwag kang magkakaroon ng ibang mga dios sa harap ko” (Exodo 20:3).
Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga priyoridad.
Dapat nating unahin ang Diyos kaysa sa lahat ng iba pa sa ating buhay.
Noong nasa Egipto si Jose, ano ang inuna niya sa kanyang buhay—ang Diyos, ang kanyang trabaho, o ang asawa ni Potiphar? Nang tangkain ng babae na akitin siya, tumugon siya sa pagsasabing, “Paano ngang aking magagawa itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Dios?” (Genesis 39:9).
Nabilanggo si Jose dahil inuna niya ang Diyos. Kung naharap kaya tayo sa gayon ding sitwasyon, saan kaya tayo unang magiging tapat? Uunahin kaya natin ang Diyos kaysa kasiguruhan, kapayapaan, pagnanasa, kayamanan, at mga papuri ng mga tao?
Nang mapilitang pumili si Jose, mas ginusto niyang bigyang-kasiyahan ang Diyos kaysa ang asawa ng kanyang amo. Kapag kailangan nating pumili, mas sabik ba tayong bigyang-kasiyahan ang Diyos kaysa sa ating amo, guro, kapitbahay, o kadeyt natin?
Sabi ng Panginoon, “Ang umiibig sa Ama o sa ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin” (Mateo 10:37). Ang isa sa pinakamahihirap na pagsubok sa lahat ay kapag kailangan ninyong magpasiya kung bibigyang-lugod ninyo ang Diyos o ang isang taong mahal o iginagalang ninyo—lalo na ang isang miyembro ng pamilya.
Si Nephi ay naharap sa pagsubok na iyan at nakayanan itong mabuti nang sumandaling bumulung-bulong ang kanyang butihing ama laban sa Panginoon (tingnan sa 1 Nephi 16:18–25). Nanatiling tapat si Job sa Panginoon kahit sinabihan siya ng kanyang asawa na itakwil ang Diyos at mamatay siya (tingnan sa Job 2:9–10).
Sabi sa banal na kasulatan, “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12; tingnan din sa Mosias 13:20). Kung minsan kailangang piliin ng isang tao na igalang ang Ama sa Langit kaysa kanyang ama sa lupa.
Dapat nating unahin ang Diyos, ang Ama ng ating mga espiritu, sa ating buhay. Siya ang may unang karapatan bilang magulang sa ating walang-hanggang kapakanan, kaysa lahat ng iba pang maaaring ibigkis sa atin dito o sa kabilang-buhay.
Ang Diyos, na ating Ama; si Jesus, na ating Nakatatandang Kapatid at Manunubos; at ang Espiritu Santo, na Nagpapatotoo, ay sakdal. Sila ang lubos na nakakakilala at nagmamahal sa atin at hindi nila hahayaang hindi magawa ang isang bagay para sa ating walang-hanggang kapakanan. Hindi ba’t sila ang dapat nating unahing mahalin at igalang dahil dito?
May matatapat na miyembrong sumapi sa Simbahan sa kabila ng mga pagtutol ng mga kamag-anak nila rito sa lupa. Sa pag-uuna sa Diyos, marami ang kalaunan ay naging mga kasangkapan sa pag-akay sa mga mahal sa buhay na iyon tungo sa kaharian ng Diyos.
Sinabi ni Jesus, “Ginagawa kong lagi ang mga bagay na sa [Diyos ay] nakalulugod” (Juan 8:29).
Ano ang sitwasyon sa ating mga tahanan? Sinisikap ba nating unahin ang Panginoon at pasayahin Siya?
Mga ama, malulugod ba ang Panginoon kung araw-araw na nagdarasal at nagbabasa ng mga banal na kasulatan ang inyong pamilya? At nagdaraos din ba kayo ng lingguhang home evening at paminsan-minsang nag-uukol ng panahon sa inyong asawa at bawat anak? At kung pansamantalang naligaw ng landas ang inyong anak, palagay ba ninyo malulugod ang Panginoon at papupurihan Niya ang inyong mga pagsisikap kung palaging uliran ang inyong pamumuhay, lagi kayong nagdarasal at madalas kayong mag-ayuno para sa anak na iyon, at palaging nasa temple prayer roll ang kanyang pangalan?
Kayong mga ina, na lalong may pananagutan sa mabuting pagpapalaki sa mga kabataan ng Sion, inuuna ba ninyo ang Diyos kapag ginagampanan ninyo ang inyong banal na tungkulin? … Inuuna ng ating mga ina ang Diyos kapag tinutupad nila ang pinakadakila nilang misyon sa loob ng sarili nilang mga tahanan.
Mga anak, ipinagdarasal ba ninyo ang inyong mga magulang? Sinisikap ba ninyong suportahan sila sa kanilang mararangal na adhikain? Magkakamali sila, kagaya ninyo, ngunit may banal na misyon silang isasakatuparan sa inyong buhay. Tutulungan ba ninyo silang magawa iyon? Bibigyang-dangal ba ninyo ang kanilang pangalan at aaliwin at susuportahan sila sa kanilang katandaan?
Kung nais kang pakasalan ng isang tao sa labas ng templo, sino ang sisikapin mong mapasaya—ang Diyos o ang tao? Kung igigiit mong makasal sa templo, malulugod ang Panginoon at mapagpapala ang taong iyon. Bakit? Dahil ang taong iyon ay maaaring maging karapat-dapat na magpunta sa templo—na magiging isang pagpapala—o kaya’y iiwanan ka—na maaaring maging isa ring pagpapala—dahil hindi dapat naisin ng sinuman sa inyo na makipamatok sa hindi ninyo kasampalataya (tingnan sa II Mga Taga Corinto 6:14).
Dapat kayong maging karapat-dapat para sa templo. Sa gayon malalaman ninyo na walang sinumang sapat ang kabutihan para pakasalan ninyo sa labas ng templo. At kung gayon nga kabuti ang mga taong iyon, sisikapin din nilang maging karapat-dapat na makasal sa templo.8
3
Kapag pinipili nating unahin ang Diyos sa ating buhay, saganang dumarating ang Kanyang mga pagpapala.
Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila. Palalalimin Niya ang kanilang mga kagalakan, palalawakin ang kanilang pananaw, pasisiglahin ang kanilang mga isipan, palalakasin ang kanilang mga kalamnan, pasisiglahin ang kanilang espiritu, pararamihin ang kanilang mga pagpapala, daragdagan ang kanilang mga oportunidad, aaliwin ang kanilang mga kaluluwa, bibigyan sila ng mga kaibigan, at magbubuhos ng kapayapaan. Sinuman ang mawalan ng buhay sa paglilingkod sa Diyos ay makasusumpong ng buhay na walang-hanggan.9
Iniutos ng Diyos kay Abraham na isakripisyo si Isaac. Kung mas mahal ni Abraham si Isaac kaysa sa Diyos, papayag kaya siya? Gaya ng sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, ngayo’y kapwa nakaupo sina Abraham at Isaac bilang mga diyos (tingnan sa D at T 132:37). Handa silang mag-alay o maialay ayon sa utos ng Diyos. Mas malalim ang pagmamahal at paggalang nila sa isa’t isa dahil kapwa sila handang unahin ang Diyos.
Itinuturo sa Aklat ni Mormon na “talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11)—kaya nga mayroon nito. Ang pagsalungat ay naglalaan ng mga pagpipilian, at ang mga pagpipilian ay may mga bunga—na mabuti o masama.
Ipinaliwanag sa Aklat ni Mormon na ang mga tao “ay malayang makapipili ng kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao, o piliin ang pagkabihag at kamatayan, alinsunod sa pagkabihag at kapangyarihan ng diyablo” (2 Nephi 2:27).
Mahal tayo ng Diyos; kinamumuhian tayo ng diyablo. Nais ng Diyos na maging ganap ang ating kagalakan tulad Niya. Nais ng diyablo na maging kaaba-aba tayo tulad niya. Binibigyan tayo ng Diyos ng mga kautusan para pagpalain tayo. Gusto ng diyablo na suwayin natin ang mga utos na ito para sumpain tayo.
Araw-araw, palagi, pumipili tayo ayon sa ating mga hangarin, iniisip, at ginagawa kung nais ba nating pagpalain o sumpain tayo, maging maligaya o masaya. Ang isa sa mga pagsubok sa buhay ay hindi tayo karaniwang lubusang pinagpapala kaagad dahil sa kabutihan o lubusang isinusumpa dahil sa kasamaan. Tiyak namang darating ito, ngunit kadalasan ay may panahon ng paghihintay, tulad ng nangyari kina Job at Jose.
Samantala, inaakala ng masasama na matatakasan nila ang kanilang ginawa. Itinuturo sa Aklat ni Mormon na ang masasama ay “mayroon[g] kagalakan sa kanilang mga gawa nang kaunting panahon, [ngunit] maya-maya ang wakas ay darating, at sila ay puputulin at ihahagis sa apoy, kung saan ay walang makababalik” (3 Nephi 27:11).
Sa panahong ito ng pagsubok ang mabubuti ay kailangang patuloy na mahalin ang Diyos, magtiwala sa Kanyang mga pangako, magtiyaga, at mapanatag, tulad ng sinabi ng makata, na “ang gumagawa ng gawain ng Diyos ay gagantimpalaan ng Diyos.” …
Pinatototohanan ko sa inyo na ang gantimpala ng Diyos ang pinakamagandang gantimpalang alam ng mundong ito o ng iba pang mga mundo. At dumarating lamang ito nang lubos na sagana sa mga taong minamahal at inuuna ang Panginoon.
Ang pinakamalaking pagsubok sa buhay ay pagsunod sa Diyos.
Ang dakilang tungkulin sa buhay ay alamin ang kalooban ng Panginoon at sundin iyon pagkatapos.
Ang dakilang utos sa buhay ay, “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo, at ng buong lakas mo” (Marcos 12:30).
Nawa’y pagpalain tayo ng Diyos na unahin ang unang utos at, bunga nito, magtamo ng kapayapaan sa buhay na ito at ng buhay na walang-hanggan na may lubos na kagalakan sa buhay na darating.10
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sa bahagi 1, nagtuturo si Pangulong Benson tungkol sa “dakila at pangunang utos” (Mateo 22:38). Sa palagay ninyo bakit dapat manguna ang utos na ito para sa atin? Anong mga kabatiran ang makukuha ninyo sa pag-uugnay ni Pangulong Benson sa pag-ibig sa kapwa at sa kautusang ito?
-
Ano ang kahulugan sa inyo ng “unahin ang Diyos”? (Para sa ilang halimbawa, tingnan sa bahagi 2.) Kailan ninyo nakita na “lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay” kapag inuuna natin ang Diyos?
-
Pagnilayan ang mga pangako ni Pangulong Benson sa mga taong “isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos” (bahagi 3). Anong mga halimbawa ang nakita na ninyo sa mga taong nagsuko ng kanilang buhay sa Diyos? Sa paanong paraan ginawang mas mabuti ng Diyos ang mga taong iyon kaysa magagawa nila sa kanilang sarili?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Josue 24:14–15; Mateo 6:33; 7:21; Juan 14:15, 21–24; 17:3; I Mga Taga Corinto 2:9; 1 Nephi 3:7; Moroni 10:32
Tulong sa Pagtuturo
“Tiyakin na hindi kayo naniniwala na kayo ang ‘totoong guro.’ Iyan ay isang malaking pagkakamali. … Mag-ingat na hindi kayo nakasasagabal. Ang pangunahing papel na ginagampanan ng isang guro ay ihanda ang daan nang sa gayon ang mga tao ay magkaroon ng espirituwal na karanasan sa Panginoon” (Gene R. Cook, sinipi sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 51).