Kabanata 23
“Patibayin Mo ang Iyong mga Tulos”
“Ang mga stake at district ng Sion ay simbolo ng mga banal na dako na tinukoy ng Panginoon kung saan ang Kanyang mga Banal ay magtitipon sa mga huling araw bilang kanlungan mula sa bagyo.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
Noong Enero 13, 1935, sinang-ayunan ng mga miyembro ng Boise Idaho Stake ang 35-taong-gulang na si Ezra Taft Benson bilang unang tagapayo sa kanilang stake presidency. Sa ilalim ng pamumuno ni President Scott S. Brown, tumanggap si Pangulong Benson ng maraming pagkakataong maglingkod, mamuno, at magturo. Halimbawa, naging kasangkapan siya sa pagtulong sa isang mayhawak ng Melchizedek Priesthood na bumalik sa pagkaaktibo sa Simbahan,1 at tinulungan niya ang stake sa pagsisikap na ipatupad ang welfare program ng Simbahan.2
Noong 1938 nagkaroon ng mahigit 8,000 miyembro ang stake, kaya’t iniutos ng Unang Panguluhan na hatiin ito sa tatlong stake. Sinabi ni Pangulong Benson na “nabigla” siya, noong Nobyembre 27, 1938, nang tawagin siyang mangulo sa isa sa mga stake na iyon. Sinabi ng kanyang asawang si Flora sa kanilang mga anak na isang pagpapala sa kanilang ama na matawag sa tungkuling iyon.3
Ang paglilingkod ni Pangulong Benson bilang stake president ay isang pagpapala sa buong stake. Patuloy siyang nagturo ng mga alituntuning pangkapakanan, at nagtuong mabuti sa mga kabataan. Bago nagsimula ang sesyon ng isang stake conference, napansin niya ang grupo ng mga binatilyo na palihim na tatakas mula sa meetinghouse. “Nagsimula silang maglakad nang dahan-dahan sa pasilyo papunta sa pintuan sa likod, na nakatingin sa pasukan para matiyak na walang nakapansin sa kanilang paglabas. Sa sandaling iyon lumabas [siya] sa kanyang opisina, pinag-isipan ang nangyayari, at iniunat ang kanyang mga bisig para harangan ang mga binatilyo. ‘Natutuwa akong makita kayo, mga bata,’ sabi niya. ‘Halina kayo’t sabay-sabay na tayong dumalo sa kumperensya.’ Inakay niya sila sa unahang upuan, at tinawag sila kalaunan para magpatotoo.”4
Wala pang dalawang buwan simula nang maglingkod si Pangulong Benson bilang stake president, isa pang bagay ang ikinabigla niya. Inalok siyang magtrabaho bilang executive secretary ng National Council of Farmer Cooperatives, at kailangan niyang magtrabaho sa Washington, D.C. Noong una tinanggihan niya ang alok, ngunit matapos kausapin si Flora at ang Unang Panguluhan, ipinasiya niyang tanggapin ito.5 Nang i-release siya bilang stake president noong Marso 26, 1939, isinulat niya na iyon ang “pinakamahirap na araw na naranasan ko. … Sa aking mensahe [sa mga miyembro ng stake] labis akong pinagpala ng Panginoon ngunit hirap na hirap akong magpigil ng damdamin. Wala nang mas bubuti pang mga tao kaysa kanila sa buong mundo [at] mahal ko silang lahat.”6
Lumipat ang mga Benson sa Bethesda, Maryland, malapit sa Washington, D.C. Pagkaraan ng mahigit isang taon, bumisita sa area sina President Rudger Clawson, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, at Elder Albert E. Bowen, na miyembro din ng Korum ng Labindalawa, para mag-organisa ng bagong stake. Kinausap ni President Clawson si Ezra Taft Benson at sinabing, “Brother Benson, nais ng Panginoon na ikaw ang maging pangulo ng stake na ito. Ano ang masasabi mo tungkol dito?” Muling nabigla si Pangulong Benson. Sabi niya, “Hindi ko ho kilala ang mga taong ito. Wala pang isang taon akong naninirahan dito.”7 Ngunit mapagpakumbaba niyang tinanggap ang tungkulin at pinamunuan ang mahigit 2,000 mga miyembro ng stake sa malawak na lugar. Ang sabi ni Flora tungkol sa kanyang paglilingkod bilang stake president: “Gustung-gusto niya ito. Hindi titulo ang mahalaga sa kanya kundi ang kagalakang matulungan ang maraming tao hangga’t maaari na makita ang katotohanan ng ebanghelyo.”8
Kalaunan, bilang Apostol, bumisita si Pangulong Benson sa mga stake sa iba’t ibang dako ng mundo. Sabi niya: “Kung minsan sinasabi ko sa asawa ko, pagbalik ko mula sa pagbisita sa mga stake, na hindi ko alam kung ano talaga ang magiging buhay sa langit, ngunit wala na akong iba pang mahihiling na mas maganda kundi ang magkaroon ng kasiyahan at kagalakan na makasama ang uri ng kalalakihan at kababaihang nakikilala ko sa pamunuan ng mga stake at ward ng Sion at mga mission sa buong daigdig. Tunay ngang tayo ay lubos na pinagpala.”9
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Bilang mga miyembro ng Simbahan, nagtitipon tayo sa mga stake ng Sion.
Kung minsan ay itinatanong ng mga hindi miyembro, “Ano ang stake?” Itinatanong din ng mga miyembro, “Ano ang kahalagahan ng stake? Ano ang kabuluhan nito sa ating mga miyembro?”
Sa mga hindi miyembro, ang stake ay katulad ng isang obispado sa ibang mga simbahan. Ang stake ay isang lugar na may mga hangganan na binubuo ng mga ward (mga kongregasyon sa lugar) at pinamumunuan ng isang panguluhan.
Sa mga miyembro, ang katagang stake ay isang simbolikong pahayag. Ilarawan sa inyong isipan ang isang malaking toldang nasusuportahan ng mga lubid na nakatali sa maraming tulos [stake] na matibay na nakabaon sa lupa. Inihalintulad ng mga propeta ang Sion sa huling araw sa isang malaking toldang nakapalibot sa daigdig [tingnan sa Isaias 54:2; 3 Nephi 22:2]. Ang tolda ay sinusuportahan ng mga lubid na nakatali sa mga tulos. Ang mga tulos na iyon, mangyari pa, ay iba’t ibang organisasyong nakakalat sa buong daigdig. Sa kasalukuyan ay tinitipon ang Israel sa iba’t ibang stake ng Sion.10
Ang isang stake ay may di-kukulangin sa apat na layunin:
1. Ang bawat stake, na pinamumunuan ng tatlong high priest, at sinusuportahan ng labindalawang lalaki na kilala bilang high council, ay kumakatawan sa isang buong Simbahan sa isang partikular na lugar. Ang layunin ay pagkaisahin at gawing ganap ang mga miyembro na naninirahan sa mga hangganan niyon sa pamamagitan ng pagpapabatid sa kanila ng mga programa, ordenansa ng Simbahan, at tagubilin ng ebanghelyo.
2. Ang mga miyembro ng mga stake ay dapat maging huwaran o sagisag ng kabutihan.
3. Ang mga stake ay dapat maging tanggulan. Ginagawa ito ng mga miyembro kapag nagkakaisa sila sa ilalim ng mga pinuno ng priesthood sa kanilang lugar at lubos na inilalaan ang kanilang sarili sa kanilang tungkulin at tinutupad ang kanilang mga tipan. Ang mga tipang iyon, kung natutupad, ay nagiging proteksyon laban sa kamalian, kasamaan, o kalamidad.
Nagtatayo lamang tayo ng mga templo kung saan tayo may mga stake. Ang mga pagpapala at ordenansa ng templo ay naghahanda sa isang tao para sa kadakilaan. Mangyari pa, hindi posible sa lahat ng stake na magkaroon ng templo, ngunit nasasaksihan natin sa kasalukuyan ang ilang kahanga-hangang pangyayari, oo, mga mahimalang pangyayari, sa pagtatayo ng mga templo sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang gayong gawain ay nagtutulot sa mga miyembro ng Simbahan na matanggap ang buong pagpapala ng Panginoon.
4. Ang mga stake ay kanlungan mula sa bagyong ibubuhos sa buong daigdig.11
2
Inoorganisa ang mga stake para tulungan ang mga magulang na ituro ang ebanghelyo at akayin ang kanilang mga anak sa mga ordenansa ng kaligtasan.
Mababasa natin sa Doktrina at mga Tipan:
“Yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag, na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang. Sapagkat ito ay magiging batas sa mga naninirahan sa Sion, o sa alinman sa kanyang mga istaka na naitatag.” (68:25–26; idinagdag ang italics.)
Dito ay nakikita ninyo ang isa sa mga pangunahing layunin ng mga stake. Inoorganisa ang mga ito para tulungan ang mga magulang na “may mga anak sa Sion” na ituro sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo at isagawa ang mga ordenansa ng kaligtasan. Binubuo ang mga stake para gawing ganap ang mga Banal, at ang pag-unlad na iyan ay nagsisimula sa tahanan kung saan may epektibong pagtuturo ng ebanghelyo.12
3
Kapag ipinamumuhay ng mga miyembro ng stake ang pamantayan ng kabanalan ng Panginoon, ang stake ay nagiging magandang sagisag na makikita ng buong mundo.
Sinabi ng Panginoon: “Sapagkat ang Sion ay kinakailangang maragdagan sa kagandahan, at sa kabanalan; ang kanyang mga hangganan ay kinakailangang mapalawak; ang kanyang mga istaka ay kinakailangang mapalakas; oo, katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang Sion ay kinakailangang bumangon at magsuot ng kanyang magagarang damit.” (Doktrina at mga Tipan 82:14.)
Dito ay ipinahayag ng Panginoon ang isa pang dakilang layunin ng isang stake: maging isang magandang sagisag na makikita ng buong mundo. Ang mga katagang “magsuot ng kanyang magagarang damit” ay tumutukoy, mangyari pa, sa kabanalan ng kalooban na kailangang taglayin ng lahat ng miyembro na tinatawag ang kanyang sarili na isang Banal. Ang Sion ay “ang may dalisay na puso.” (Doktrina at mga Tipan 97:21.)
Ang mga stake ng Sion ay tumitibay at ang mga hangganan ng Sion ay lumalawak kapag nababanaag sa buhay ng mga miyembro ang pamantayan ng kabanalan na inaasahan ng Panginoon sa Kanyang mga piling tao.13
4
Bawat stake ay nagsisilbing tanggulan at kanlungan mula sa mga kaaway na nakikita at hindi nakikita.
Ganito ang paliwanag ng isa pang paghahayag mula sa Panginoon tungkol sa layunin ng mga stake: “Katotohanang sinasabi ko sa inyong lahat: Bumangon at magliwanag, nang ang inyong liwanag ay maging isang sagisag sa mga bansa; at nang ang pagtitipong sama-sama sa lupain ng Sion, at sa kanyang mga istaka, ay maaaring maging isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot [na] sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa.” (Doktrina at mga Tipan 115:5–6.)
Nasa paghahayag na ito ang isang utos na hayaang magliwanag ang ating ilaw upang ito ay maging sagisag sa mga bansa. Ang sagisag ay isang pamantayang batayan ng isang tao sa kawastuhan o kasakdalan. Ang mga Banal ay dapat maging sagisag ng kabanalan na makikita ng buong mundo. Iyan ang kagandahan ng Sion.
Pagkatapos ay inihayag ng Panginoon na ang mga stake ng Sion ay dapat maging “isang tanggulan, at isang kanlungan mula sa bagyo, at mula sa poot [na] sa panahong ito ay ibubuhos nang walang halo sa buong lupa.” Ang mga stake ay isang tanggulan para sa mga Banal mula sa mga kaaway na nakikita at hindi nakikita. Ang tanggulan ay patnubay na ibinibigay sa pamamagitan ng mga lider ng priesthood na nagpapalakas ng patotoo at nagtataguyod ng pagkakaisa sa pamilya at kabutihan sa bawat isa.
Sa Kanyang paunang salita sa Kanyang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan, nagbabala ang Panginoon: “Ang araw ay mabilis na darating; ang oras ay hindi pa, subalit nalalapit na, kung kailan ang kapayapaan ay aalisin sa mundo, at ang diyablo ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang sariling nasasakupan” [Doktrina at mga Tipan 1:35].
Ngayon … nakikita natin ang katuparan ng babalang ito kung saan si Satanas, sa matinding galit, ay nagpapakita ng kanyang kapangyarihan sa “kanyang sariling nasasakupan”—ang daigdig. Ngayon lamang naging ganito katindi ang impluwensya ni Satanas, at ang mga tao lamang na nagpagabay sa Banal na Espiritu—at sumunod sa payo ng mga lider ng priesthood—ang maliligtas mula sa pangwawasak ng kanyang masamang impluwensya.
Ipinahayag din ng Panginoon sa panimulang paghahayag na iyon na magkakaroon Siya ng kapangyarihan sa Kanyang mga Banal, “at maghahari sa gitna nila” [Doktrina at mga Tipan 1:36]. Ginagawa Niya ito sa tulong ng Kanyang piling mga lingkod at mga awtoridad sa stake at ward.14
Habang lumalago ang Simbahan, napakahalaga na maging matibay tayo at di-natitinag, at nasa magiging mga stake natin ang mahahalagang bagay na kailangan para magtagumpay at masigasig na pagsikapan ng umiiral na mga stake na maging ganap silang aktibo sa espirituwal. Sa mga stake na ito magtitipon ang Sion ng panahong ito, at kailangan silang maging espirituwal na mga santuwaryo at makaya nilang tumayo sa sarili nilang mga paa sa maraming paraan hangga’t maaari.15
Ang mga stake at district ng Sion ay simbolo ng mga banal na dako na tinukoy ng Panginoon kung saan ang Kanyang mga Banal ay magtitipon sa mga huling araw bilang kanlungan mula sa bagyo. Kayo at ang inyong mga anak ay magtitipon dito upang sumamba, magsagawa ng mga sagradong ordenansa, makihalubilo, matuto, magtanghal ng musika, sayaw, drama, isport, at paunlarin ang sarili at ang isa’t isa sa pangkalahatan. Madalas akalain na mahalagang magkaroon ng mga tore ang ating mga chapel, na ang mga taluktok na nakatutok sa langit ay simbolo na dapat nating laging ituon ang ating buhay sa Diyos.16
Nakita ng propetang si Nephi sa Aklat ni Mormon ang araw na ikakalat ang mga Banal sa mga stake sa lahat ng dako ng mundo. Nakita niya ang panahon na poprotektahan sila ng Panginoon kapag dumanas sila ng mabibigat na pagsubok na nagbanta sa kanilang buhay. Ipinropesiya ni Nephi: “At ito ay nangyari na, na ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.” (Aklat ni Mormon, 1 Nephi 14:14.)
Sa pamamagitan ng paghahayag nalalaman natin na magkakaroon ng mga panganib, kalamidad, at pag-uusig sa mga huling araw, ngunit kung magpapakabuti ang mga Banal maaari silang maligtas. Tiyak ang pangako ng Panginoon sa Aklat ni Mormon: “Pangangalagaan niya ang mabubuti sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.” (1 Nephi 22:17.)17
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Matapos basahin ang bahagi 1, paano ninyo sasagutin ang tanong ng isang tao kung bakit inoorganisa sa mga stake ang mga miyembro ng Simbahan?
-
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Benson na tinutulungan ng mga stake ang mga magulang na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak at ilaan sa kanila ang mga ordenansa ng priesthood (tingnan sa bahagi 2). Sa paanong paraan napalakas ng inyong stake ang mga pagsisikap ninyo sa tahanan?
-
Kailan ninyo nakitang nagsama-sama ang mga miyembro ng stake para magpakita ng halimbawa “na makikita ng buong mundo”? (Tingnan sa bahagi 3.) Paano kayo nakinabang sa mga aktibidad na ito?
-
Sa paanong paraan nagpoprotekta ang stake “mula sa mga kaaway na nakikita at hindi nakikita”? (Tingnan sa bahagi 4.) Ano ang mga pagkakataon nating makibahagi sa ating stake? Ano ang ilang pagpapalang matatanggap natin kapag ginawa natin ito?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Isaias 25:3–5; Mateo 5:14–16; Moroni 10:31–33; D at T 101:17–21; 133:7–9
Tulong sa Pagtuturo
“Ang isang mahusay na guro ay hindi nag-iisip ng, ‘Ano ang gagawin ko ngayon sa klase?’ kundi nagtatanong ng, ‘Ano ang gagawin ng estudyante ko sa klase ngayon?’; hindi, ‘Ano ang ituturo ko ngayon?’ kundi,‘Paano ko matutulungan ang mga estudyante ko na matuklasan ang kailangan nilang malaman?’” (Virginia H. Pearce, “The Ordinary Classroom—a Powerful Place for Steady and Continued Growth,” Ensign, Nob. 1996, 12; sa pagsipi sa Teaching the Gospel: A Handbook for CES Teachers and Leaders [1994], 13).