Kabanata 20
“Alagaan Mo ang Aking mga Tupa”
“Kailangan tayong matutong lahat na maging tunay na mga pastol. Kailangan nating ipakita sa iba ang pagmamahal ng Mabuting Pastol sa ating lahat. Bawat kaluluwa ay mahalaga sa Kanya.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
Nagkuwento si Pangulong Ezra Taft Benson ng karanasan niya nang maglingkod siya bilang tagapayo sa stake presidency:
“Sa isang stake presidency meeting sa Boise, Idaho, ilang taon na ang nakararaan, sinisikap naming pumili ng pangulo noon para sa pinakamahina at pinakamaliit na elders quorum sa stake. Dinala ng aming clerk ang listahan ng lahat ng elder sa korum na iyon, at nasa listahang iyon ang pangalan ng isang lalaking ilang taon ko nang kilala. Nagmula siya sa matatag na pamilyang Banal sa mga Huling Araw, ngunit wala siyang gaanong ginagawa sa Simbahan.
“Kung nanawagan ang bishop na may gagawin sa chapel, karaniwa’y tutugon siya, at kung gustong mag-softball ng mga elder, kung minsa’y makikita ninyo siyang kalaro nila. May kakayahan siya talagang mamuno; presidente siya ng isang service club at mahusay niya itong ginampanan.
“Sabi ko sa stake president, ‘Papayagan po ba ninyo akong puntahan at kausapin ang lalaking ito at hamunin siyang iayon ang kanyang buhay sa mga pamantayan ng Simbahan at mamuno sa kanyang korum? Alam kong medyo delikado iyon, pero may kakayahan siya.’
“Sabi ng stake president, ‘Sige, at pagpalain ka ng Panginoon.’
“… Nagpunta ako sa bahay ng lalaking ito. Hindi ko malilimutan kailanman ang hitsura ng mukha niya nang buksan niya ang pinto at makitang nakatayo roon ang isang miyembro ng kanyang stake presidency. Atubiling pinapasok niya ako; naghahanda ng hapunan ang kanyang asawa, at naaamoy ko ang bango ng kape mula sa kusina. Hiniling kong pasalihin niya ang kanyang asawa sa pag-uusap namin, at nang makaupo na kami, sinabi ko sa kanya ang pakay ko. ‘Hindi kita hihingan ng sagot ngayon,’ sabi ko sa kanya. ‘Ang gusto ko lang ay ipangako mo sa akin na pag-iisipan mo ito, ipagdasal mo ito, at pag-isipan ayon sa magiging halaga nito sa pamilya mo, pagkatapos ay babalikan kita sa isang linggo. Kung ipasiya mong huwag itong tanggapin, mamahalin ka pa rin namin,’ dagdag ko pa.
“Nang sumunod na Linggo, pagkabukas niya ng pinto nakita kong may nagbago. Masaya siyang makita ako, at agad niya akong pinapasok at pinasali niya sa aming pag-uusap ang kanyang asawa. Sabi niya, ‘Brother Benson, ginawa na namin ang sinabi mo. Pinag-isipan namin ito at ipinagdasal, at nagpasiya kaming tanggapin ang tungkulin. Kung gayon kalaki ang tiwala ninyong mga kapatid sa akin, handa akong iayon ang buhay ko sa mga pamantayan ng Simbahan, isang bagay na dapat sana’y matagal ko nang ginawa.’
“Sinabi rin niya, ‘Hindi na ako uminom ng kape simula nang magpunta kayo rito noong nakaraang linggo, at hindi na ako iinom pa nito.’
“Siya ay itinalaga bilang elders quorum president, at nagsimulang dumami ang mga dumadalo sa kanyang korum—at patuloy pa itong dumarami. Lumabas siya, nagpakita ng habag at malasakit sa mga di-gaanong aktibong elder, at tinulungan silang maging aktibong muli sa korum. Makaraan ang ilang buwan umalis na ako sa stake.
“Lumipas ang mga taon, at isang araw sa Temple Square sa Salt Lake City, nilapitan ako ng isang lalaki, kinamayan ako, at sinabing, ‘Brother Benson, naaalala mo pa ba ako?’
“‘Oo naman,’ sabi ko, ‘pero hindi ko maalala ang pangalan mo.’
“Sabi niya, ‘Naaalala mo ba na pumunta ka sa bahay ng isang pabayang elder sa Boise pitong taon na ang nakararaan?’ At siyempre, naalala ko ang lahat. Pagkatapos ay sinabi niya, ‘Brother Benson, buong buhay kitang pasasalamatan sa pagpunta mo sa bahay ko noong Linggo ng hapon na iyon. Bishop na ako ngayon. Dati akala ko masaya ako, pero hindi ko alam kung ano ang tunay na kaligayahan.’”1
Nabigyang-inspirasyon ng karanasang ito at ng iba pa, hinikayat ni Pangulong Benson ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw na tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na namuhay nang “malayo sa Simbahan at sa impluwensya ng ebanghelyo.”2 Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1984, sinabi niya: “Natutuwa kami sa pagiging aktibo ng marami sa ating mga kapatid. Hinihikayat namin ang mga lider ng priesthood at auxiliary na ipagpatuloy ang dakilang gawaing ito.”3 Nang linggo ring iyon, nagsalita siya sa isang grupo ng mga lider ng priesthood tungkol sa pangangailangang makisalamuha sa kalalakihan sa Simbahan na hindi pa naoorden bilang mga elder:
“Nahahabag ako sa kalalakihang iyon, na mga padre-de-pamilya. … Hindi ako naniniwala na may mas malaki pa tayong hamon sa Simbahan ngayon kaysa sa pagpapaaktibong muli sa mga lalaking iyon hanggang sa madala nila ang kanilang pamilya sa bahay ng Panginoon at mapasakanila ang pinakamalalaking pagpapalang makakamtan ng mga lalaki at babae sa mundong ito at sa mundong darating.
“Mga kapatid, inaasam at dalangin namin na maunawaan ninyo na ang gawaing ito ng pagpapaaktibo ay hindi lamang isang pansamantalang programa. Umaasa kami na kapag naitala ang panahong ito sa kasaysayan ng ating Simbahan, masasabi na ito ang panahon na maraming kaluluwang gumala at naligaw ng landas na naibalik sa Simbahan ng Diyos.”4
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Bilang mga tagasunod ng Panginoon, bahagi ng ating misyon ang tulungan ang ating mga kapatid na nagsilayo sa Simbahan.
Ang layunin ng simbahan ng Panginoon ay paunlarin pa ang bawat anak na lalaki at anak na babae ng Diyos tungo sa sukdulang pagpapala ng buhay na walang hanggan. …
Nais kong talakayin ang ating misyon na gawing perpekto ang mga Banal, lalo na ang hamon na gawing aktibo ang mga humiwalay sa pagiging lubos na aktibo sa Simbahan. Ang mga miyembrong ito, na ating mga kapatid, ay kasalukuyang namumuhay na malayo sa Simbahan at sa impluwensya ng ebanghelyo.
Marami sa grupong ito ng mga di-gaanong aktibong miyembro ang hindi na nagsisimba at maaaring walang pakialam at walang malasakit. Kabilang din dito ang mga pansamantalang nawala dahil hindi natin alam kung nasaan sila. Ang ilan sa mga ito ay mga bagong miyembrong tila hindi nakatanggap ng pangangalaga at pagtuturo na naging dahilan sana upang sila ay maging “mga kababayan na kasama ng mga Banal.” (Tingnan sa Ef. 2:19.) Marami ang mga binata’t dalaga.
Sa lahat ng ganitong uri ng mga tao, kailangan nating muling ipadama, bilang mga miyembro ng Simbahan at mga alagad ng Panginoon, ang ating pagmamahal at taos-pusong pag-anyaya na magbalik sila. “Magsibalik kayo. Magsibalik kayo at magsikain sa hapag ng Panginoon, at damhin muli ang magiliw at kasiya-siyang mga bunga ng pakikipagkapatiran sa mga Banal.” (Ensign, Marso 1986, p. 88.)
Napakahirap ng hamon na kinakaharap natin. … Kailangan nating lubos na sumampalataya, maging masigasig, at tapat kung nais nating tulungan ang mga kapatid na ito. Ngunit kailangan nating gawin ito. Umaasa ang Panginoon na gagawin natin ito. At gagawin natin ito!5
2
Sa paghahangad nating pangalagaan ang mga taong naligaw ng landas, sundin natin ang turo ng Tagapagligtas tungkol sa mabuting pastol.
Panahon na para sundin ang turo ng Tagapagligtas tungkol sa mabuting pastol sa hamon sa atin na ibalik ang nawawalang mga tupa at suwail na mga kordero.
“Ano ang akala ninyo? kung ang isang tao ay may isang daang tupa, at maligaw ang isa sa mga yaon, hindi baga iiwan niya ang siyam na pu’t siyam, at pasasa kabundukan, at hahanapin ang naligaw?
“At kung mangyaring nasumpungan niya [ito], ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, na magagalak ng higit dahil dito kay sa siyam na pu’t siyam na hindi nangaligaw.” (Mat. 18:12–13.)
Noong panahon ni Jesus, kilala ng pastol na Palestino ang bawat isa sa kanyang mga tupa. Kilala ng mga tupa ang kanyang tinig at tiwala sila sa kanya. Hindi nila susundin ang isang dayuhan. Kaya, kapag tinawag, lumalapit ang mga tupa sa kanya. (Tingnan sa Juan 10:1–5, 14.)
Sa gabi, inaakay ng mga pastol ang kanilang mga tupa papunta sa kulungan o sa kawan. Mataas ang mga pader na nakapalibot sa kawan, at may mga tinik sa ibabaw ng mga pader para hindi makaakyat ang mababangis na hayop at mga magnanakaw. Gayunman, kung minsan ay may mabangis na hayop na dahil sa gutom ay lumulundag sa mga pader papunta sa mga tupa, na sumisindak at tumatakot sa mga ito.
Sa gayong sitwasyon nakikilala ang kaibhan ng tunay na pastol—isang taong nagmamahal sa kanyang mga tupa—sa upahang tao na nagtatrabaho lamang para sa suweldo. Ang tunay na pastol ay handang ibigay ang kanyang buhay para sa mga tupa. Paroroon siya sa mga tupa at makikipaglaban para sa kanilang kapakanan. Ang upahang tao, sa kabilang dako, ay pinahahalagahan ang sarili niyang kaligtasan kaysa kaligtasan ng mga tupa at karaniwang tumatakas kapag may panganib.
Ginamit ni Jesus ang karaniwang paglalarawang ito sa Kanyang panahon upang ipahayag na Siya ang Mabuting Pastol, ang Tunay na Pastol. Dahil sa pagmamahal Niya sa Kanyang mga kapatid, handa Siyang kusang ibigay ang Kanyang buhay para sa kanila. (Tingnan sa Juan 10:11–18.)
Sa huli ibinigay ng Mabuting Pastol ang Kanyang buhay para sa mga tupa—para sa inyo at sa akin, para sa ating lahat.
Ang simbolismo ng mabuting pastol ay may mahalagang pagkakatulad sa Simbahan ngayon. Ang mga tupa ay kailangang akayin ng maalagang mga pastol. Napakaraming nalilihis o naliligaw. Ang ilan ay naaakit palayo ng mga panandaliang panggagambala. Ang iba naman ay tuluyan nang nawala.
Nalalaman namin, tulad noong nakalipas na mga panahon, na ilan sa mga tupa ang magrerebelde at “para silang mga ligaw na kawan na nagsisitakas mula sa pastol.” (Mosias 8:21.) Ngunit karamihan sa ating mga problema ay nagmumula sa kawalan ng mapagmahal at maasikasong pamamastol, at kailangang humubog pa ng mas maraming pastol.
Sa pangangalaga ng pastol, ang ating mga bagong miyembro, ang mga kailan lang tinanggap ang ebanghelyo, ay kailangang pangalagaan ng maasikasong mga kaibigan habang nadaragdagan ang kaalaman nila sa ebanghelyo at sinisimulan nilang ipamuhay ang mga bagong pamantayan. Ang gayong pag-aasikaso ay makatutulong upang matiyak na hindi nila babalikan ang dati nilang pamumuhay.
Sa mapagmahal na pangangalaga ng isang pastol, ang ating mga kabataan, ang ating mga batang kordero, ay hindi na malilihis ng landas. At kung malihis man sila, ang baluktot na hawakan ng tungkod ng pastol—ang mapagmahal na bisig at maunawaing puso—ay tutulong para ibalik sila.
Sa pangangalaga ng isang pastol, marami sa mga taong nawalay sa kawan ang maaari pang ibalik. Marami sa mga nagpakasal sa hindi miyembro ng Simbahan at namuhay sa makamundong paraan ang maaaring tumugon sa paanyayang bumalik sa kawan.6
3
Ang mga Banal sa mga Huling Araw na naligaw ng landas ay nangangailangan ng tunay at taos-pusong malasakit ng tunay at mapagmahal na mga pastol.
Walang mga bagong solusyon sa lumang problemang ito tungkol sa mga tupang naliligaw sa paghahanap ng pagkain. Ang utos ni Jesus kay Pedro, na binigyang-diin Niya sa pag-uulit dito nang tatlong beses, ang subok nang solusyon: “Pakanin mo ang aking mga kordero. Alagaan mo ang aking mga tupa. Pakainin mo ang aking mga tupa.” (Tingnan sa Juan 21:15–17.)
Tulad sa napakagandang payo sa Aklat ni Mormon, ang mga nabinyagan sa simbahan ni Cristo ay kailangang palaging “maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos.” (Moro. 6:4.)
Ang sagot, kung gayon, ay matatagpuan sa mapanalanging pangangalaga at pagpapakain ng pastol sa kawan—sa madaling salita, personal na pangangalaga. Kailangan ang tunay at taos-pusong pagmamalasakit ng isang tunay at mapagmahal na pastol, hindi lamang ang paimbabaw na pagmamalasakit na maaaring ipakita ng upahang pastol.
Habang tinatalakay natin ang konsepto ng tunay na pastol, nauunawaan natin na ibinigay na ng Panginoon ang responsibilidad na ito sa mga mayhawak ng priesthood. Ngunit ang kababaihan ay may tungkulin ding “mangalaga” sa mapagkawanggawa at mapagmahal na paglilingkod na ibinibigay nila sa isa’t isa, at sa iba. Sa gayon, kailangang matuto tayong lahat na maging tunay na mga pastol. Kailangan nating ipakita sa iba ang pagmamahal ng Mabuting Pastol para sa ating lahat. Bawat kaluluwa ay mahalaga sa Kanya. Ang Kanyang paanyaya ay nananawagan sa bawat miyembro—bawat anak na lalaki at anak na babae ng Diyos.
“Masdan, siya ay nagpadala ng paanyaya sa lahat ng tao, sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at kanyang sinabi: Magsisi, at akin kayong tatanggapin. …
“Lumapit sa akin at kayo ay makababahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay; …
“Oo, lumapit sa akin at gumawa ng mga gawa ng kabutihan.” (Alma 5:33–35.)
Wala Siyang hindi inanyayahan. Malugod na tatanggapin ang lahat ng tatanggap sa Kanyang magiliw na paanyayang makibahagi sa Kanyang ebanghelyo. Ang mga tupa—ang ilan ay naguguluhan, ang ilan ay walang pakialam, may ilang abala—ay kailangang matagpuan at mapagmahal na ibalik sa pagiging aktibo. Lahat ng paraang alam ng priesthood at auxiliary ay kailangang gamitin para makatulong sa gawaing ito.
Ang hamong ito ay hindi kailanman matutugunan hangga’t hindi nagkukusa at nananampalataya ang mga lider ng stake, ward, korum, at auxiliary at matatapat na miyembro sa lahat ng dako na maibalik ang mga di-gaanong aktibo sa lubos na pagkaaktibo sa Simbahan.
Sa masigasig ninyong pagsisikap na isakatuparan ang mabuting mithiing ito, hinihimok namin kayo na muling bigyang-diin ang epektibong priesthood home teaching at Relief Society visiting teaching. Ang home teaching at visiting teaching ay mga programang binigyang-inspirasyon. Layon ng mga ito na tulungan ang bawat miyembro ng Simbahan bawat buwan, kapwa ang aktibo at ang di-gaanong aktibo. Bigyan sana ninyo ng karagdagang pagpapahalaga ang home teaching at visiting teaching.7
4
Kapag patuloy tayong naglingkod sa ating mga kapatid, matutulungan natin silang matanggap ang lahat ng mga pagpapala at ordenansa ng ebanghelyo.
Ang ating mga dalangin ngayon ay kailangang maging kasintindi ng pag-aalala sa mga dalangin ni Alma nang hangarin niyang maibalik ang nangaligaw na mga Zoramita na lumayo sa Panginoon:
“O Panginoon, nawa’y ipagkaloob ninyo sa amin na ang tagumpay ay matamo namin sa muling pagdadala sa kanila sa inyo sa pamamagitan ni Cristo.
“Masdan, O Panginoon, ang kanilang mga kaluluwa ay mahahalaga, at marami sa kanila ay aming mga kapatid; kaya nga, ipagkaloob ninyo sa amin, O Panginoon, ang kapangyarihan at karunungan, upang madala naming muli sila, na aming mga kapatid, sa inyo.” (Alma 31:34–35; idinagdag ang italics.) …
Ang mga alituntunin sa pagpapaaktibo ng mga kaluluwa ay hindi nagbabago. Ang mga ito ay:
1. Ang nawala o di-gaanong aktibo ay kailangang matagpuan at makaugnayan.
2. Kailangang magpakita ng magiliw na malasakit. Kailangan nilang madama ang ating pagmamahal.
3. Kailangang ituro sa kanila ang ebanghelyo. Kailangan nilang madama ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa pamamagitan ng mga guro.
4. Kailangan silang isama sa ating fellowship o kapatiran.
5. Kailangan silang magkaroon ng makabuluhang mga responsibilidad sa Simbahan.
Sa mga salita sa Aklat ni Mormon, tayo ay kailangang “patuloy na maglingkod.” (3 Ne. 18:32.)
Lalo nating iniisip na lubusang makisalamuha ang mga bagong miyembro sa Simbahan. Kailangan silang mainit na tanggapin.
Magkaisa tayo sa ating mga pagsisikap na ibalik ang mga di-gaanong aktibong miyembro sa lubusang pagiging aktibo sa Simbahan. Sa paggawa nito, lahat tayo ay lalong magkakaisa sa sama-samang pagsasakatuparan ng misyon ng Simbahan—na mas lubos na dalhin ang ebanghelyo, lakip ang lahat ng mga pagpapala at ordenansa nito, sa buhay ng lahat ng miyembro ng Simbahan. “Kailangan” ng Simbahan “ang bawat bahagi” (D at T 84:110), at kailangan ng bawat miyembro ang ebanghelyo, ang Simbahan, at ang lahat ng mga ordenansa nito.
Nawa’y hilingin nating lahat na basbasan tayo ng Panginoon upang tumatag tayo at magkaroon ng lakas at impluwensyang kailangan natin sa ating pagtutulungan sa dakilang gawaing ito dahil sa pagmamahal.8
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Ano ang nadarama ninyo kapag naiisip ninyo ang mga miyembro ng inyong pamilya o mga kaibigan na “namumuhay nang malayo sa Simbahan at sa impluwensya ng ebanghelyo”? Ano ang magagawa natin para matulungan sila? (Tingnan sa bahagi 1.)
-
Pagnilayan ang mga turo ni Pangulong Benson tungkol sa mga kaibhan ng upahang pastol at ng tunay na pastol (tingnan sa bahagi 2). Ano ang magagawa natin para maging mas mabubuting pastol?
-
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Benson na kailangan ng mga tao ng “tunay at taos-pusong malasakit ng isang tunay at mapagmahal na pastol” (bahagi 3). Paano tayo magkakaroon ng taos-pusong malasakit sa iba? Kapag pinagnilayan ninyo ang tanong na ito, pag-isipan ang inyong paglilingkod bilang home teacher o visiting teacher.
-
Sa palagay ninyo ano ang ibig sabihin ng “patuloy na maglingkod”? (3 Nephi 18:32). Isipin ang limang alituntuning ibinahagi ni Pangulong Benson para matulungan tayong paglingkuran ang mga taong kailangang ibalik sa pagiging aktibo sa Simbahan (tingnan sa bahagi 4). Sa paanong paraan makakatulong ang bawat isa sa mga alituntuning ito para matanggap ng isang tao ang mga pagpapala ng ebanghelyo?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mateo 9:10–12; Lucas 15; 22:32; I Ni Pedro 5:2–4; Moroni 6:4; D at T 18:10–16; 84:106
Tulong sa Pag-aaral
“Ang pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay ay hindi magkakapareho. Nababasa natin ang mga salita at maaari tayong makakuha ng mga ideya. Nag-aaral tayo at maaari nating matuklasan ang mga huwaran at pagkakaugnay-ugnay ng mga ideya sa banal na kasulatan. Ngunit kapag nagbulay-bulay tayo, nag-aanyaya tayo ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu. Ang pagbubulay, para sa akin, ay ang pag-iisip at pagdarasal na ginagawa ko matapos basahin at pag-aralang mabuti ang mga banal na kasulatan” (Henry B. Eyring, “Maglingkod nang May Espiritu,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 60).