Kabanata 12
Hangarin ang Espiritu sa Lahat ng Inyong Ginagawa
“Kailangan tayong manatiling bukas at madaling makaramdam sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo sa lahat ng aspeto ng ating buhay.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
Kapag nagpapayo noon si Pangulong Ezra Taft Benson sa iba pang mga General Authority tungkol sa paglilingkod sa Simbahan, madalas niyang sabihing, “Tandaan, mga Kapatid, na sa gawaing ito ay ang Espiritu ang mahalaga.”1 At nang maglingkod siya at ang mga kapatid na ito nang magkakasama, itinuro niya ang alituntuning ito sa pamamagitan ng halimbawa, na nagpapakita na ang Panginoon “ay napakalapit sa Kanyang mga lingkod na maririnig nila maging ang Kanyang pagbulong.”2 Ikinuwento ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa isang pagkakataon na sinamahan niya si Pangulong Benson sa isang stake conference kung saan isang bagong stake president ang tatawagin:
“Matapos manalangin, mag-interbyu, magnilay-nilay, at muling manalangin, nagtanong si Elder Benson kung alam ko na kung sino ang magiging bagong pangulo. Sinabi ko na hindi ko pa natanggap ang inspirasyong iyon. Matagal niya akong tiningnan at sumagot na siya man ay hindi. Gayunman, kami ay nabigyang-inspirasyon na pakiusapan ang tatlong karapat-dapat na mga mayhawak ng priesthood na magsalita sa sesyon ng kumperensya sa Sabado ng gabi. Ilang sandali matapos magsimula ang ikatlong tagapagsalita, ipinahiwatig sa akin ng Espiritu na siya ang nararapat maging bagong stake president. Tumingin ako kay Pangulong Benson at nakita ko siyang lumuluha. Ang paghahayag ay ibinigay sa aming dalawa—ngunit iyon ay dahil sa patuloy na pag-alam namin sa kalooban ng ating Ama sa Langit habang kami’y sumusulong sa pananampalataya.”3
Sa pagsisimula ng isang kumperensya para sa mga bagong mission president, ibinahagi ni Pangulong Benson ang payong ito:
“Napakaraming beses ko nang sinabi sa aking mga kapatid na ang Espiritu ang pinakamahalagang sangkap sa gawaing ito. Sa pagtulong ng Espiritu at sa pagganap ninyo sa tungkulin, makagagawa kayo ng mga himala para sa Panginoon habang nasa misyon. Kung wala ang Espiritu hindi kayo magtatagumpay kailanman anuman ang inyong talento at kakayahan.
“Tatanggap kayo ng pambihirang tagubilin sa susunod na tatlong araw. Mamimigay ng mga hanbuk, tatalakayin ang mga responsibilidad at pamamaraan, susuriin ang mga patakaran, at magiging malaking tulong ang lahat ng ito sa inyo. Ngunit ang pinakamalaking tulong na matatanggap ninyo bilang mission president ay hindi magmumula sa mga hanbuk o manwal. Ang pinakamalaking tulong sa inyo ay magmumula mismo sa Panginoon kapag nagsumamo at nakiusap kayo sa Kanya sa mapakumbabang panalangin. Sa paulit-ulit ninyong pagluhod, para humiling ng banal na tulong sa Kanya sa pangangasiwa sa inyong misyon, madarama ninyo ang Espiritu, matatanggap ninyo ang sagot mula sa itaas, uunlad ang inyong misyon dahil sa pagsandig at pag-asa ninyo sa Kanya.”4
Ipinaabot ni Pangulong Benson ang payong ito sa lahat ng miyembro ng Simbahan, pati na sa maliliit na bata.5 Sabi niya: “Sa gawaing ito ang Espiritu ang mahalaga—saanman tayo naglilingkod. Alam ko na kailangan kong umasa sa Espiritu. Kamtin natin ang Espiritung iyan at maging matatapat na miyembro ng Simbahan, matatapat na anak at magulang, epektibong mga home teacher, nagpapasiglang mga tagapagturo, inspiradong mga lider ng ward at stake.”6
Bagama’t hayagan at matapang na itinuro ni Pangulong Benson ang katotohanang ito sa buong mundo, ang pinakamahalagang pagsisikap niyang sundin ito ay pribado at tahimik. Nagsimula iyon sa tahanan, sa tulong ng kanyang asawang si Flora. Ang kapatid ni Flora (sa ina) na si Julia Dalley ay bumisitang minsan sa mga Benson, at kalaunan ay sumulat siya kay Flora, na pinupuri ang pamilya Benson. “Ano pa ba ang mas uliran kaysa rito?” sabi niya. “Hanga ako sa kasimplihan ng inyong pamumuhay ngunit higit sa lahat hanga ako sa katotohanan na dama ko ang Espiritu ng Panginoon sa inyong tahanan.”7
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Dapat nating sikaping mapatnubayan palagi ng Espiritu Santo habang tayo’y nabubuhay.
Ang isang tiyak na paraan para malaman natin kung nasa tuwid at makipot na landas tayo ay kapag taglay natin ang Espiritu ng Panginoon sa ating buhay.
Ang pagtataglay ng Espiritu Santo ay nagdudulot ng ilang bunga.
Sinabi ni Apostol Pablo na “ang bunga ng Espiritu ay pagibig, katuwaan, kapayapaan, pagpapahinuhod, kagandahang-loob, kabutihan, pagtatapat, kaamuan, [at] pagpipigil.” (Gal. 5:22–23.)
Ang pinakamahalagang bagay sa ating buhay ay ang Espiritu. Nadarama ko na iyan noon pa man. Kailangan tayong manatiling bukas at madaling makaramdam sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo sa lahat ng aspeto ng ating buhay. … Ang mga pahiwatig na ito ay madalas dumating kapag wala tayong inaalalang mga appointment at hindi tayo gaanong abala sa pang-araw-araw na mga alalahanin sa buhay.8
Espirituwalidad—ang pagiging sensitibo sa Espiritu ng Panginoon—ang kailangang-kailangan nating lahat. Dapat nating sikaping mapatnubayan palagi ng Espiritu Santo habang tayo’y nabubuhay. Kapag sumasaatin ang Espiritu, gugustuhin nating maglingkod, mamahalin natin ang Panginoon, at mamahalin natin ang mga kasama natin sa paglilingkod, at ang mga taong pinaglilingkuran natin.
Ilang taon matapos paslangin si Joseph Smith, nagpakita siya kay Pangulong Brigham Young. Pakinggan ang kanyang mensahe:
“Sabihin mo sa mga tao na maging mapagpakumbaba at matapat at tiyaking nasa kanila ang Espiritu ng Panginoon at sila ay aakayin nito sa tama. Maging maingat at huwag itaboy ang marahan at banayad na tinig; ituturo nito sa inyo kung ano ang inyong gagawin at patutunguhan; ibibigay nito ang mga bunga ng kaharian. Sabihin mo sa mga kapatid na panatilihing bukas ang kanilang puso sa paniniwala, nang sa gayon kapag dumating sa kanila ang Espiritu Santo, handa ang kanilang puso na tanggapin ito.” …
Ang gawaing ito sa mga huling araw ay espirituwal. Kailangan ng espirituwalidad para maunawaan ito, mahalin ito, at mahiwatigan ito. Samakatwid hangarin ang Espiritu sa lahat ng inyong ginagawa. Panatilihin itong kasama ninyo. Iyan ang hamon sa atin.9
Nabubuhay tayo sa isang napakasamang mundo. Napapalibutan tayo ng propaganda na ang masama ay mabuti at ang mabuti ay masama. Laganap ang mga maling turong nakakaapekto sa atin. Halos lahat ng makabuluhan, mabuti, dalisay, nagpapasigla, at nagpapalakas ay higit na kinakalaban ngayon kaysa noon.
Ang isang dahilan kaya tayo narito sa mundong ito ay para mahiwatigan ang kaibhan ng katotohanan sa kamalian. Ang paghiwatig na ito ay dumarating sa pamamagitan ng Espiritu Santo, hindi lamang sa katalinuhan ng ating isipan.
Kapag masigasig at tapat nating hinangad ang katotohanan, natutupad ang magandang pangakong ito: “Ang Diyos ay magbibigay sa iyo ng kaalaman sa pamamagitan ng kanyang Banal na Espiritu, oo, sa pamamagitan ng hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo.” (Doktrina at mga Tipan 121:26.)10
2
Kung mapagpakumbaba tayo at madaling makaramdam, hihikayatin tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng ating pakiramdam.
Manalangin sa Ama sa Langit na pagpalain kayo ng Kanyang Espiritu sa lahat ng oras. Madalas nating tawaging Espiritu ang Espiritu Santo. … Tinutulungan kayo ng Espiritu Santo na piliin ang tama. Poprotektahan kayo ng Espiritu Santo laban sa masama. Bumubulong Siya sa inyo sa marahan at banayad na tinig na gumawa ng tama. Kapag tama ang inyong ginawa, maganda ang inyong pakiramdam, at iyon ang Espiritu Santo na nagsasalita sa inyo. Ang Espiritu Santo ay magandang kasama. Lagi Siyang nariyan para tulungan kayo.11
Pagbulayan ang mga bagay na hindi ninyo nauunawaan. Tulad ng utos ng Panginoon kay Oliver Cowdery: “Kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos … itanong mo sa akin kung ito ay tama, at kung ito ay tama aking papapangyarihin na ang iyong dibdib ay mag-alab; samakatwid, madarama mo na ito ay tama.” (D at T 9:8, idinagdag ang italics.)
Napansin ba ninyo ang huling parirala? “Madarama mo na ito ay tama.”
Mas madalas nating marinig ang mga salita ng Panginoon sa isang pakiramdam. Kung mapagpakumbaba tayo at madaling makaramdam, hihikayatin tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng ating pakiramdam. Kaya nga paminsan-minsa’y inaantig tayo ng mga espirituwal na pahiwatig na magalak, at kung minsa’y mapaluha. Maraming beses nang napalambot ang aking kalooban at napakadali kong makaramdam kapag inantig ako ng Espiritu.
Ang Espiritu Santo ang higit na nagpapalambot sa ating damdamin. Nagiging mas mapagbigay at mahabagin tayo sa isa’t isa. Mas mahinahon tayo sa pakikitungo sa iba. Higit ang kakayahan nating mahalin ang isa’t isa. Gusto tayong makasama ng mga tao dahil nababanaag sa ating mukha ang impluwensya ng Espiritu. Mas makadiyos ang ating pag-uugali. Dahil dito, mas madali tayong makaramdam sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo kaya mas malinaw nating nauunawaan ang mga espirituwal na bagay.12
3
Nakakamtan natin ang Espiritu sa pamamagitan ng taimtim na panalangin at pag-aayuno.
Paano natin nakakamtan ang Espiritu? “Sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya,” sabi ng Panginoon [D at T 42:14]. Samakatwid, kailangan tayong manalangin nang taimtim at may tunay na layunin. Kailangan nating ipanalangin na mag-ibayo ang ating pananampalataya at patnubayan tayo ng Espiritu sa ating pagtuturo. Dapat tayong humingi ng tawad sa Panginoon.
Ang ating mga panalangin ay kailangang ialay sa diwa at kataimtimang katulad sa panalangin ni Enos sa Aklat ni Mormon. Pamilyar ang karamihan sa nakasisiglang kuwentong iyon, kaya hindi ko na uulitin ang nangyari. Gusto ko lang ituon ang inyong pansin sa mga salitang ito. Nagpatotoo si Enos: “At sasabihin ko sa inyo ang pakikipagtunggaling aking ginawa sa harapan ng Diyos, bago ko natanggap ang kapatawaran ng aking mga kasalanan.” Nilinaw niya ang pakikipagtunggaling iyon sa Diyos. Pansinin ang kataimtiman sa kanyang pagsamo:
“Ang aking kaluluwa ay nagutom.”
“Ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha.”
“Ako’y nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing para sa aking sariling kaluluwa.”
“Sa buong araw ako ay nagsumamo sa kanya.”
Pagkatapos ay pinatotohanan ni Enos, “Doon ay nangusap ang isang tinig sa akin, sinasabing: Enos, ang iyong mga kasalanan ay pinatatawad na, at ikaw ay pagpapalain. … Kaya nga, ang aking pagkakasala ay napalis.” Nang itanong niya sa Panginoon kung paano nagawa ito, sinagot siya ng Panginoon: “Dahil sa iyong pananampalataya kay Cristo … ang iyong pananampalataya ang nagpagaling sa iyo.” (Enos 1:2, 4–8; idinagdag ang italics.)
Si Enos ay napagaling sa espirituwal. Sa pamamagitan ng kanyang matitinding pagsamo sa Diyos, naranasan niya ang maaaring danasin, dinaranas, at kailangang danasin ng matatapat sa anumang dispensasyon, kung nais nilang makita ang Diyos at mapuspos ng Kanyang Espiritu.13
Kung nais ninyong makamit ang diwa ng inyong katungkulan at tungkulin … subukang mag-ayuno nang ilang panahon. Hindi ko ibig sabihin na huwag lang kumain sa isang kainan, pagkatapos ay doblehin ang kain sa susunod na kainan. Ang ibig kong sabihin ay talagang mag-ayuno, at manalangin habang nag-aayuno. Mas malaki ang magagawa nito upang mapasainyo ang tunay na diwa ng inyong katungkulan at tungkulin at tulutang kumilos ang Espiritu sa pamamagitan ninyo kaysa anumang alam ko.14
4
Ang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan, pati na ang pagmumuni-muni tungkol sa mga talata ng banal na kasulatan, ay nag-aanyaya sa Espiritu.
Masigasig na saliksikin ang mga banal na kasulatan sa personal na pag-aaral araw-araw. Ang araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan ay nag-aanyaya sa Espiritu.15
Mag-ukol ng panahon na magmuni-muni. Pagmumuni-muni tungkol sa isang talata ng banal na kasulatan—Santiago 1:5—ang umakay sa isang batang lalaki papasok sa kakahuyan para makipag-usap sa kanyang Ama sa Langit. Iyon ang nagbukas ng kalangitan sa dispensasyong ito.
Pagmumuni-muni tungkol sa isang talata ng banal na kasulatan mula sa aklat ni Juan sa Bagong Tipan ang naghatid ng dakilang paghahayag tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian [tingnan sa Juan 5:29; D at T 76].
Pagmumuni-muni tungkol sa isa pang talata ng banal na kasulatan mula sa Sulat ni Pedro ang nagbukas ng kalangitan kay Pangulong Joseph F. Smith, at nakita niya ang daigdig ng mga espiritu. Ang paghahayag na iyon, na kilala bilang Pangitain ng Pagtubos sa mga Patay, ay bahagi na ngayon ng Doktrina at mga Tipan [tingnan sa I Ni Pedro 3:18–20; 4:6; D at T 138].
Pagbulayan ang kahalagahan ng responsibilidad na ibinigay sa atin ng Panginoon. Ipinayo ng Panginoon, “Hayaang ang mga kataimtiman ng kawalang-hanggan ay manatili sa inyong mga isipan.” (D at T 43:34.) Hindi ninyo magagawa iyan kapag abala ang inyong isipan sa mga alalahanin ng mundo.
Basahin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Ang mga banal na kasulatan ay dapat pag-aralan sa tahanan na mga ama at ina ang nangunguna at nagpapakita ng halimbawa. Ang mga banal na kasulatan ay dapat unawain sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sapagkat ipinangako ng Panginoon sa mga tapat at masunurin sa Kanya: “Inyong [malalaman] ang mga hiwaga at mapayapang bagay.” (D at T 42:61.)
Nakalarawan sa sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball kung paano tayo magkakaroon ng higit na espirituwalidad sa ating buhay:
“Natuklasan ko na kapag nagiging mababaw ang pakikipag-ugnayan ko sa kabanalan at kapag tila walang banal na tainga na nakikinig at walang banal na tinig na nagsasalita, na napakalayo ko na. Kapag ibinubuhos kong muli ang sarili ko sa mga banal na kasulatan, lumiliit ang agwat at nagbabalik muli ang espirituwalidad. Natagpuan ko ang sarili ko na mas lalong nagmamahal sa mga dapat kong mahalin nang buong puso at isipan at lakas, at sa higit na pagmamahal ko sa kanila, nagiging mas madali para sa akin ang sumunod sa mga payo nila.” …
Magandang payo iyan na alam kong totoo batay sa aking karanasan.
Kapag mas pamilyar kayo sa mga banal na kasulatan, nagiging mas malapit kayo sa isip at kalooban ng Panginoon at nagiging mas malapit kayo sa inyong asawa at mga anak. Matutuklasan ninyo na sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan ang mga katotohanan ng kawalang-hanggan ay mananatili sa inyong isipan.16
Hindi gusto ng kaaway na magkaroon ng pag-aaral ng banal na kasulatan sa ating mga tahanan, kaya’t lilikha siya ng mga problema kung kaya niya. Ngunit kailangan tayong manindigan.17
Hindi natin makikilala ang Diyos at si Jesus nang hindi nag-aaral tungkol sa kanila at pagkatapos ay sinusunod ang kanilang kalooban. Ang ganitong gawain ay humahantong sa karagdagang inihayag na kaalaman na aakay sa atin, kung ating susundin, sa mga katotohanan pa kalaunan. Kung susundin natin ang huwarang ito, tatanggap tayo ng dagdag na liwanag at galak, na hahantong kalaunan sa kinaroroonan ng Diyos, kung saan tayo, kasama Niya, ay magkakaroon ng kaganapan.18
5
Ang Espiritu Santo ay mananahan sa atin kapag iginalang, pinagpitaganan, at sinunod natin ang mga batas ng Diyos.
Itinuro na sa atin na ang Espiritu ay hindi mananahan sa maruruming tabernakulo [tingnan sa Helaman 4:24]. Samakatwid, isa sa mga dapat nating unahin ang tiyakin na nasa ayos ang sarili nating buhay.19
Hayaan ninyong magsalita ako tungkol sa pagsunod. Natututo kayo ngayong sundin ang lahat ng utos ng Panginoon. Kapag ginawa ninyo ito, sasainyo ang Kanyang Espiritu. Gaganda ang pakiramdam ninyo sa inyong sarili. Hindi ninyo maaaring gawin ang mali at madama na tama ito. Imposible ito!20
Ang temporal na pangako sa pagsunod [sa Word of Wisdom] ay: Sila “ay tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at kanilang utak-sa-buto; … [sila’y] tatakbo at hindi mapapagod, at lalakad at hindi manghihina.” (D at T 89:18, 20.)
Gayunman, nadarama ko na noon pa man na ang mas malaking pagpapala ng pagsunod sa Word of Wisdom at sa lahat ng iba pang kautusan ay espirituwal.
Pakinggan ang espirituwal na pangako: “Lahat ng banal na makatatandang sumunod at gawin ang mga salitang ito, lumalakad sa pagsunod sa mga kautusan, ay … makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan.” (D at T 89:18, 19; idinagdag ang italics.)
Inakala ng ilan na nakasalalay ang pangakong ito sa pagsunod lamang sa mga kundisyon ng Word of Wisdom. Ngunit mapapansin ninyo na kailangan nating sundin ang lahat ng kautusan. Sa gayon ay tatanggap tayo ng partikular na mga espirituwal na pangako. Ibig sabihin ay kailangan nating sundin ang batas ng ikapu, panatilihing banal ang araw ng Sabbath, manatiling malinis at dalisay ang puri, at sundin ang lahat ng iba pang kautusan.
Kapag ginawa natin ang lahat ng ito, ang pangako ay: Sila ay “makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan.” (D at T 89:19.)
Sinong ama at ina ang hindi nanaisin ang inspirasyon ng Panginoon sa pagpapalaki sa kanilang mga anak? Pinatototohanan ko na ang mga pagpapalang ito ay maaaring sumainyo. Tiyak na hindi nanaisin ng mga magulang, sa pamamagitan ng pagsuway, na hadlangan ang kanilang mga anak sa pagtanggap ng mga pagpapala ng Panginoon. Lahat ng ama at ina sa Israel ay dapat gawing marapat ang kanilang sarili sa pangakong ito.
Ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay isang kundisyon ng pagkamarapat na pumasok sa Bahay ng Panginoon. Doon ibinibigay ang karunungan at “malaking kayamanan ng kaalaman” kaugnay ng ating kaligayahan sa buhay na ito at kagalakan sa buong kawalang-hanggan. …
Hindi ako naniniwala na ang isang miyembro ng Simbahan ay maaaring magkaroon ng malakas at masiglang patotoo tungkol sa ebanghelyo nang hindi sinusunod ang mga kautusan. Ang patotoo ay pagkakaroon ng inspirasyon sa kasalukuyan na malaman na ang gawain ay totoo, hindi isang bagay na minsan lang natin natatanggap. Ang Espiritu Santo ay nananahan sa mga gumagalang, nagpipitagan, at sumusunod sa mga batas ng Diyos. At ang Espiritung iyon ang nagbibigay ng inspirasyon sa tao. Mapakumbaba kong pinatototohanan na totoo ang pangakong ito.21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sinabi ni Pangulong Benson na ang mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo ay “madalas dumating kapag wala tayong inaalalang mga appointment at hindi tayo gaanong abala sa pang-araw-araw na mga alalahanin sa buhay” (bahagi 1). Paano tayo maaaring manatiling madaling makaramdam sa Espiritu kahit may gayon tayong mga alalahanin?
-
Itinuro ni Pangulong Benson, “Kung mapagpakumbaba tayo at madaling makaramdam, hihikayatin tayo ng Panginoon sa pamamagitan ng ating pakiramdam” (bahagi 2). Ano ang natutuhan ninyo tungkol sa pagkilala sa gayong mga pahiwatig?
-
Sa bahagi 3, hinihikayat tayo ni Pangulong Benson na sundin ang halimbawa ni Enos, ayon sa nakatala sa Aklat ni Mormon. Ano ang ilang aral tungkol sa paghahangad sa Espiritu na matututuhan natin mula kay Enos?
-
Para sa inyo, ano ang kaibhan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan sa “pagmumuni-muni tungkol sa isang talata ng banal na kasulatan”? (Tingnan sa bahagi 4.) Sa palagay ninyo bakit nakakatulong ang masigasig at araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan na maging bukas tayo sa mga pahiwatig ng Espiritu?
-
Sabi ni Pangulong Benson, “Ang Espiritu Santo ay mananahan sa mga gumagalang, nagpipitagan, at sumusunod sa mga batas ng Diyos” (bahagi 5). Sa palagay ninyo bakit nakakaimpluwensya sa kakayahan nating tumanggap ng inspirasyon ang mga pagsisikap nating sundin ang mga kautusan?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 10:17–19; 2 Nephi 4:15–16; Mosias 2:36–37; D at T 8:2–3; 45:56–57; 76:5–10; 121:45–46
Tulong sa Pag-aaral
“Sa pag-aaral mo, pansining mabuti ang mga ideya na dumarating sa iyong isipan at damdamin na [dumarating sa] puso mo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 21). Isiping itala ang mga impresyong natatanggap ninyo, kahit parang wala itong kaugnayan sa mga salitang binabasa ninyo. Maaaring ang mga ito mismo ang nais ihayag ng Panginoon sa inyo.