Kabanata 11
Sundin ang Buhay na Propeta
“Ang pinakamahalagang propeta, para sa atin, ay yaong nabubuhay sa kasalukuyan.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
Isang gabi noong si Ezra Taft Benson ay 15 taong gulang, naupo siya sa hapag-kainan kasama ang iba pa niyang kapamilya at nakinig sa pagbabasa ng kanyang ama ng isang sulat mula kay Pangulong Joseph F. Smith at sa kanyang mga tagapayo sa Unang Panguluhan. Ganito ang sabi sa isang bahagi ng sulat: “Ipinapayo namin at hinihikayat na pasimulan ang ‘Home Evening’ sa buong Simbahan, at sa oras na ito ay matitipon ng mga ama at ina ang kanilang mga anak sa tahanan at maituturo sa kanila ang salita ng Panginoon. … Kung susundin ng mga Banal ang payong ito, nangangako kami na magbubunga ito ng malalaking pagpapala. Ang pagmamahalan sa tahanan at pagsunod sa mga magulang ay mag-iibayo. Lalakas ang pananampalataya sa puso ng mga kabataan ng Israel, at magtatamo sila ng lakas na labanan ang masasamang impluwensya at tukso sa kanilang paligid.”1
Naalala ni Pangulong Benson kalaunan: “Nang matapos [ng aking ama] ang liham, sinabi niya, ‘Nagsalita ang Panguluhan, at ito ang salita ng Panginoon sa atin!’ Simula noon, masigasig na kaming nagdaos ng mga family home evening sa tahanang kinalakhan ko.”2
Nang magkaroon na ng sariling pamilya si Pangulong Benson, ipinagpatuloy nilang mag-asawa ang tradisyong natutuhan niya sa kanyang mga magulang. Sabi niya, “Pinatototohanan ko mula sa karanasang ito [sa tahanan ng aking mga magulang] at sa karanasan ko sa mga gabi ng pamilya sa sarili kong tahanan na malalaking espirituwal na pagpapala ang ibubunga nito.”3
Noong 1947 iniutos ng Unang Panguluhan sa mga miyembro ng Simbahan na muling sikaping magdaos ng mga family home evening. Binigyang-diin ni Pangulong Benson, na noon ay miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang paksang iyon sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Pinatotohanan niya na ang pamilya ay “isang banal na institusyon,”4 at ipinaalala sa mga Banal ang mga pagpapalang darating kung susundin nila ang payo ng propeta na patatagin ang kanilang pamilya at magdaos ng mga family home evening. Nagpatotoo siya: “Ang ating kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang-buhay ay nakaugnay sa matagumpay nating pagtupad sa malaking responsibilidad na ito. Kailangan dito, mga kapatid, ang ating mapanalanging pagpaplano at pagbibigay-pansin, at sa puso ko’y tiwala ako na malalaking kabutihan ang ibubunga nito, na darating ang malaking kagalakan at kasiyahan kung diringgin natin ito tulad ng lahat ng iba pang payong ibinigay sa atin ng Panguluhan ng Simbahan.”5
Sa naranasang mga pagpapala na dulot ng pagsunod sa payo ng mga piniling lingkod ng Panginoon, madalas hikayatin ni Ezra Taft Benson ang mga Banal sa mga Huling Araw na ituon ang kanilang paningin sa buhay na propeta. Matapang niyang pinatotohanan ang banal na tungkulin ng bawat Pangulo ng Simbahan na nakasama niyang maglingkod.6 Nang ibigay ni Pangulong Spencer W. Kimball, na naorden na Apostol kasabay ni Pangulong Benson, ang kanyang unang mensahe bilang Pangulo ng Simbahan sa isang grupo ng mga lider ng Simbahan, si Pangulong Benson ay “tumayo at sa tinig na puno ng damdamin, na siya ring nadarama ng lahat ng naroon, ay nagsabing: ‘Pangulong Kimball, sa lumipas ng mga taon na idinaraos ang mga pulong na ito, hindi pa kami nakarinig ng mensaheng katulad ng ibinigay ninyo ngayon. Tunay ngang may propeta sa Israel.’”7 At nang dumating ang banal na tawag na iyon kay Pangulong Benson sa pagpanaw ni Pangulong Kimball, tinanggap niya ito nang may pagpapakumbaba at determinasyon. Sabi niya: “Patuloy naming ipinagdasal ng asawa kong si Flora na humaba pa ang buhay ni Pangulong Kimball sa mundong ito at magkaroon ng isa pang himala para sa kanya. Ngayong nagsalita na ang Panginoon, gagawin namin ang lahat, sa ilalim ng kanyang patnubay, para isulong ang gawain sa mundo.”8
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Ang Pangulo ng Simbahan ang tagapagsalita ng Panginoon sa mundo.
Matutong ituon ang inyong paningin sa propeta. Siya ang tagapagsalita ng Panginoon at ang tanging lalaking makapagsasalita para sa Panginoon ngayon. Unahin nating sundin ang kanyang inspiradong payo. Gawing batayan ang kanyang mga inspiradong salita sa pag-alam sa payo ng lahat ng may mas mababang awtoridad. Pagkatapos ay mamuhay nang malapit sa Espiritu upang malaman ninyo ang katotohanan ng lahat ng bagay.9
Ang tagapagsalita at propeta ng Panginoon sa balat ng lupa ngayon ay tinanggap ang kanyang awtoridad sa pamamagitan ng hanay ng mga propeta simula kay Joseph Smith, na inorden nina Pedro, Santiago, at Juan, na inorden naman ni Cristo, na siyang pinuno ng Simbahan noon at ngayon, ang Lumikha nitong mundo, at ang Diyos na kung kanino kailangang humarap at managot ang lahat ng tao.10
Ang Simbahang ito ay hindi pinamamahalaan ng karunungan ng tao. Alam ko iyan. Ang kapangyarihan at impluwensya ng Diyos na Maykapal ang namamahala sa Kanyang Simbahan.11
2
Ang pinakamahalagang propeta para sa atin ay ang buhay na propeta.
Alam ng Diyos ang lahat ng bagay, ang wakas mula sa simula, at walang tao na nagiging pangulo ng simbahan ni Jesucristo nang hindi sinasadya, o nananatili roon nang nagkataon lang, o pumapanaw nang hindi sinasadya.
Ang pinakamahalagang propeta, para sa atin, ay yaong nabubuhay sa kasalukuyan. Ito ang propetang may mga tagubilin ng Diyos ngayon para sa atin. Ang paghahayag ng Diyos kay Adan ay hindi nagturo kay Noe kung paano gawin ang arka. Bawat henerasyon ay nangangailangan ng sinaunang banal na kasulatan, pati na ng kasalukuyang banal na kasulatan mula sa buhay na propeta. Dahil dito, ang pinakamahalagang dapat ninyong basahin at pagbulayan ay ang pinakahuling mga inspiradong salita mula sa tagapagsalita ng Panginoon. Kaya nga mahalaga na makuha at mabasa ninyong mabuti ang kanyang mga salita. …
Oo, salamat, O Diyos, sa aming propeta; sa huling araw patnubay siya [tingnan sa Mga Himno, blg. 15].12
Mag-ingat sa mga yaong ginagamit ang mga salita ng mga pumanaw na propeta laban sa mga buhay na propeta, sapagkat ang mga buhay na propeta ang palaging dapat ipriyoridad.13
Natatangi ang pagpili sa bawat Pangulo para sa panahon at sitwasyon na kailangan ng mundo at ng Simbahan. Lahat sila’y “mga lalaking naglingkod sa tamang panahon,” tulad ng nasaksihan natin kay Pangulong Spencer W. Kimball. Pagbulayin ang himala ng pag-oorden noon pa man at paghahandang iyon! Bagama’t maraming taon nang tinawag at binigyan ng mga susi bago pa napasakanya ang balabal ng awtoridad, ang Pangulo ang laging tamang tao sa tamang lugar para sa panahong iyon. Ang himalang ito lamang ay isa na sa mga katibayan ng kabanalan ng Simbahan.14
Gusto kong itanong, kailangan ba natin ng totoong propeta ng Panginoon sa daigdig ngayon? Kinailangan ba ng mga tao noong panahon ni Noe ng isang propeta para balaan sila sa espirituwal at sa temporal? Kung hindi sinunod ng isang tao si Noe, naligtas kaya siya mula sa baha? Gayunman sinasabi sa atin sa Biblia na sa mga huling araw kung kailan tayo nabubuhay, ang kasamaan ng mga tao ay maitutulad sa kasamaan ng mga tao noong panahon ni Noe nang linisin ng Diyos ang mundo sa pamamagitan ng baha [tingnan sa Mateo 24:37–39]. Sa palagay ba ninyo ay kailangan natin ng isang propeta ngayon para balaan at ihanda tayo para sa paglilinis na ipinangako ng Diyos na darating, at sa pagkakataong ito sa pamamagitan ng apoy?15
Kung nais nating malaman kung ano ang katayuan natin sa harap ng Panginoon itanong natin sa ating sarili kung ano ang katayuan natin sa lider ng Kanyang Simbahan dito sa lupa—gaano ba nakaayon ang ating buhay sa hinirang ng Panginoon—sa buhay na Propeta—sa Pangulo ng Simbahan, at sa Korum ng Unang Panguluhan.16
3
Sinasabi sa atin ng buhay na propeta ang kailangan nating malaman, hindi kung ano ang nais nating marinig.
Ang malinaw na katangian ng isang tunay na propeta ay siya mismo ang naghahayag ng mensahe na mula sa Diyos. Hindi siya humihingi ng paumanhin dahil sa mensahe, ni hindi siya takot sa anumang ibubunga nito sa kanyang katayuan sa lipunan na maaaring humantong sa pangungutya at pang-uusig.17
Kung minsan may mga tao na nag-aakala na ang kaalamang natamo nila sa mundo tungkol sa isang paksa ay nakahihigit sa kaalamang ibinibigay ng Diyos sa kanyang propeta tungkol din sa paksang iyon. Pakiramdam nila ay kailangan ding magkaroon ang propeta ng mga kaalaman o pagsasanay na mula sa mundo bago nila tanggapin ang anumang sasabihin ng propeta na maaaring salungat sa pinag-aralan nila sa lupa. Gaano kataas ang pinag-aralan ni Joseph Smith? Gayunpaman nagbigay siya ng mga paghahayag tungkol sa lahat ng uri ng paksa. … Hinihikayat namin ang pagtatamo ng kaalaman sa mundo sa maraming aspeto, ngunit tandaan na kung salungat ang kaalamang natamo sa mundo sa mga salita ng propeta, pumanig kayo sa propeta at kayo ay pagpapalain at kalauna’y magiging malinaw sa inyo na tama ang ginawa ninyo.
… Hindi kailangang sabihin ng propeta na “Gayon ang wika ng Panginoon” para ito maging banal na kasulatan.
Kung minsan may mga taong nakikipagtalo tungkol sa mga salita. Maaari nilang sabihin na pinayuhan tayo ng propeta ngunit hindi tayo obligadong sundin ito maliban kung sabihin niya na ito ay isang kautusan. Ngunit sinabi ng Panginoon tungkol sa Propeta, “Kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo.” (D at T 21:4.)
… Sinasabi sa atin ng propeta ang kailangan nating malaman, hindi palagi ang gusto nating malaman.
“Ikaw ay nagpahayag sa amin ng masasakit na bagay, higit kaysa kaya naming tiisin,” pagreklamo ng mga kapatid ni Nephi. Ngunit sumagot si Nephi sa pagsasabing, “Ang may kasalanan ay tumatanggap ng katotohanan nang may kahirapan, sapagkat iyon ay sumusugat sa kanila sa kaibuturan.” (1 Ne. 16:1–2.)
Sabi ni Pangulong Harold B. Lee:
“Maaaring hindi ninyo magustuhan ang nagmumula sa awtoridad ng Simbahan. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa pulitika. Maaaring salungat ito sa pananaw ninyo sa lipunan. Maaaring humadlang ito sa inyong pakikisalamuha. … Ang inyong kaligtasan at ang aming kaligtasan ay depende kung susunod tayo o hindi. … Ituon natin ang ating paningin sa Pangulo ng Simbahan.” (Conference Report, Oktubre 1970, p. 152–153.)
Ngunit ang buhay na propeta ang talagang bumabagabag sa mundo. “Kahit sa Simbahan,” sabi ni Pangulong Kimball, “marami ang mahilig gayakan ang mga libingan ng mga nakaraang propeta at sa kanilang isipan ay binabato ang mga buhay na propeta.” (Instructor, 95:257.)
Bakit? Dahil sinasabi ng buhay na propeta ang kailangan nating malaman ngayon, at mas gusto ng mundo na mamatay na ang mga propeta o kaya’y alalahanin na lang nila ang kanilang sarili. …
Ang pagtugon natin sa mga salita ng isang buhay na propeta kapag sinasabi niya sa atin ang kailangan nating malaman, ngunit ayaw nating marinig, ay pagsubok sa ating katapatan. …
Maaaring madama ng mga may pinag-aralan na ang propeta ay may inspirasyon lamang kapag sumasang-ayon ito sa kanila, at kung hindi ay nagbibigay lamang ito ng kanyang opinyon—nagsasalita para sa sarili niya. Maaaring madama ng mayayaman na hindi nila kailangan ang payo ng isang abang propeta. …
… Ang propeta ay hindi kailangang maging popular sa mundo o sa makamundo.
Kapag naghahayag ng katotohanan ang isang propeta nagkakawatak-watak ang mga tao. Ang matatapat ang puso ay dinidinig ang mga salita ng propeta ngunit ang masasama ay binabalewala o kinakalaban siya. Kapag binabanggit ng propeta ang mga kasalanan ng mundo, gusto ng mga makamundo na sarhan ang bibig ng propeta, o kaya’y magkunwaring walang propeta, sa halip na pagsisihan ang kanilang mga kasalanan. Ang popularidad ay hindi kailanman pagsubok sa katotohanan. Marami nang propetang pinaslang o itinaboy. Habang papalapit ang ikalawang pagparito ng Panginoon makakaasa kayo na habang tumitindi ang kasamaan ng mga tao sa mundo, lalo nilang babalewalain ang propeta.18
4
Pagpapalain tayo kapag sinunod natin ang buhay na propeta.
Para matulungan kayong malagpasan ang mahahalagang pagsubok na darating, bibigyan ko kayo ng … isang dakilang susi na magpuputong sa inyo ng kaluwalhatian ng Diyos, kung susundin ninyo, at tutulungan kayong magtagumpay sa kabila ng pagngangalit ni Satanas.
… Bilang isang Simbahan kinakanta natin ang himnong, “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta” [Mga Himno, blg. 15]. Narito kung gayon ang dakilang susi—Sundin ang propeta. …
… Ang propeta ang kaisa-isang taong tagapagsalita ng Diyos sa lahat ng bagay.
Sa bahagi 132 talata 7 ng Doktrina at mga Tipan binanggit ng Panginoon ang propeta—ang pangulo—at sinabing:
“Wala kailanman maliban sa isa sa mundo sa panahon kung kanino ang kapangyarihang ito at ang mga susi ng pagkasaserdoteng ito ay iginawad.”
Pagkatapos sa bahagi 21 mga talata 4–6, sinabi ng Panginoon:
“Dahil dito, nangangahulugang ang simbahan, kayo ay tatalima sa lahat ng kanyang mga salita at kautusang ibibigay niya sa inyo tuwing siya ay tatanggap ng mga ito, naglalakad nang buong kabanalan sa harapan ko;
“Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.
“Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo.”19
Hindi kailanman ililigaw ng propeta ang Simbahan.
Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff: “Sinasabi ko sa Israel, Ang Panginoon kailanman ay hindi ako pahihintulutan o sinupamang tao na nagsisilbing Pangulo ng Simbahang ito na iligaw kayo. Wala ito sa programa. Wala ito sa isipan ng Diyos” [tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2004), 218].
Ikinuwento ni Pangulong Marion G. Romney ang nangyaring ito sa kanya:
“Naaalala ko noong bishop pa ako na pinagsalita ko si Pangulong Heber J. Grant sa ward namin. Pagkatapos ng pulong inihatid ko siya pauwi. … Habang nakatayo sa tabi ko, inakbayan niya ako at sinabing: ‘Anak, lagi mong ituon ang paningin mo sa Pangulo ng Simbahan at kung may ipagawa siya sa iyo, at mali ito, at ginawa mo ito, pagpapalain ka ng Panginoon dahil dito.’ Pagkatapos may kislap sa matang sinabi niya, ‘Pero huwag kang mag-alala. Hindi hahayaan ng Panginoon na iligaw ng kanyang tagapagsalita ang mga tao.’” (Conference Report, Oktubre 1960, p. 78.)20
May kuwento noon kung paano nakita ni Brigham Young, habang nagmamaneho sa isang komunidad, ang isang lalaking nagtatayo ng bahay at basta sinabi rito na doblehin ang kapal ng kanyang mga pader. Dahil tanggap niya na propeta si Pangulong Young, binago ng lalaki ang kanyang plano at dinoble ang kapal ng mga pader. Di-nagtagal pagkatapos niyon nagbaha sa bayang iyon, na nagdulot ng malaking pinsala, ngunit hindi gumuho ang mga pader ng lalaking iyon. Habang binububungan ang kanyang bahay, narinig siyang kumakanta ng, “Salamat, Oh Diyos, sa aming propeta!”21
Bilang mga miyembro ng Simbahan may mahihirap na panahon tayong pagdaraanan kung nais nating makabalik sa piling ng Ama sa Langit. Bibigyan tayo ng pagkakataong pumili sa magkakasalungat na payo ng ilang tao. Kaya kailangan nating matutuhan—at mas maaga, mas mainam—na ituon ang ating paningin sa Propeta, ang Pangulo ng Simbahan.22
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sabi ni Pangulong Benson, “Matutong ituon ang inyong paningin sa propeta” (bahagi 1). Ano ang kahulugan nito sa inyo?
-
Sa palagay ninyo bakit ang kasalukuyang Pangulo ng Simbahan ang pinakamahalagang propeta para sa atin? (Tingnan sa bahagi 2.) Anong payo ang natanggap natin kamakailan mula sa buhay na propeta?
-
Habang nirerebyu ninyo ang bahagi 3, pag-isipan ang isang panahon na sinunod ninyo ang payo ng propeta kahit hindi ninyo ito lubusang naunawaan. Ano ang matututuhan natin mula sa ganitong mga karanasan?
-
Isipin ang “dakilang susi” na tinukoy ni Pangulong Benson sa bahagi 4. Ano ang ilang pagpapalang natanggap ninyo nang maging tapat kayo sa dakilang susing ito?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
II Mga Cronica 20:20; Amos 3:7; Mga Taga Efeso 2:19–20; 4:11–15; D at T 1:14–16, 37–38; 107:91–92; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:6
Tulong sa Pagtuturo
“Huwag matakot sa katahimikan. Madalas na nangangailangan ang mga tao ng panahon upang mag-isip at tumugon sa mga tanong o maipahayag ang kanilang nadarama. Maaari kayong tumigil sandali matapos kayong magtanong, matapos maibahagi ang isang espirituwal na karanasan, o kapag nahihirapang ipahayag ng isang tao ang kanyang sarili” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin, [2000], 83).