Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 24: Pamumuhay na Nakatuon kay Cristo


Kabanata 24

Pamumuhay na Nakatuon kay Cristo

“Ang pinakamataas na sukatan ng tunay na kadakilaan ay kung gaano tayo katulad ni Cristo.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

Madalas banggitin noon ni Pangulong Ezra Taft Benson ang payo ng Tagapagligtas sa labindalawang disipulong Nephita: “Maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko” (3 Nephi 27:27).1 Ang alituntuning ito—ang pangangailangang maging higit na katulad ni Cristo—ay isang paulit-ulit na paksa sa ministeryo ni Pangulong Benson, lalo na sa kanyang paglilingkod bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol at bilang Pangulo ng Simbahan.

Dahil inilaan niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa Panginoon, ibinahagi ni Pangulong Benson nang may kapangyarihan at katapatan ang sumusunod na patotoo:

“Pinatototohanan ko sa inyo na walang hamon sa buhay na mas nagpapabuti, mas kasiya-siya, at mas nagpapadakila sa kaluluwa kaysa sikaping makilala si Cristo at sundan ang Kanyang mga yapak. Ang ating tutularan, si Jesucristo, ay nabuhay sa mundo bilang ‘Huwaran.’ Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. Isinagawa Niya ang dakila at nagbabayad-salang sakripisyo upang magkaroon tayo ng ganap na kagalakan at mapadakila alinsunod sa Kanyang biyaya at sa ating pagsisisi at kabutihan. Ginawa Niya nang perpekto ang lahat ng bagay at iniutos na maging ganap tayong tulad Niya at ng Kanyang Ama. (Tingnan sa 3 Ne. 12:48.)

“Ang ‘Ano ang gagawin ni Jesus?’ o ‘Ano ang gusto Niyang gawin ko?’ ang pinakamahahalagang personal na tanong sa buhay na ito. Ang mamuhay sa Kanyang paraan ang pinakadakilang magagawa sa buhay. Ang talagang pinaka-matagumpay na lalaki o babae ay yaong ang pamumuhay ay halos katulad ng sa Panginoon.”2

Nang hikayatin ni Pangulong Benson ang mga Banal na sundan ang perpektong halimbawa ng Tagapagligtas, ipinaalala niya sa kanila na magagawa lamang nila ito sa tulong ng Tagapagligtas. Sinabi niya:

“Alam kong buhay ang Panginoon. Alam kong mahal Niya tayo. Alam kong walang sinumang magtatagumpay kung wala Siya, ngunit kung Siya ang kasama walang sinumang mabibigo.

“Alam kong mas maraming magagawa ang Diyos sa buhay natin kaysa sa makakaya natin.

“Nawa’y magkaroon tayong lahat ng paninindigan simula sa sandaling ito na mas sikapin pa bawat araw na isipin si Cristo, kilalanin Siya, sumunod sa Kanyang mga yapak, at gawin ang gusto Niyang ipagawa sa atin.”3

Head and shoulders profile protrait of Jesus Christ. Christ is depicted with a white cloth over His head.

“Sinabi … ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6).

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Ang halimbawa at mga turo ni Jesucristo ay naglalaan ng dakilang pamantayan para sa buong sangkatauhan.

Dalawang libong taon na ang nakararaan isang sakdal na lalaki ang nabuhay sa mundo: si Jesucristo. Siya ang anak ng isang ama sa langit at isang ina sa lupa. Siya ang Diyos ng mundong ito, sa ilalim ng patnubay ng Ama. Itinuro Niya sa mga tao ang katotohanan, upang sila ay maging malaya. Ang Kanyang halimbawa at mga tuntunin ang nagbigay ng dakilang pamantayan, ng tanging tiyak na paraan, para sa buong sangkatauhan.4

Wala nang iba pang impluwensyang nagkaroon ng napakalaking epekto sa daigdig na ito na tulad ng buhay ni Cristo Jesus. Hindi natin maiisip ang buhay natin na wala ang kanyang mga turo. Kung wala siya malilito tayo sa nakikita nating mga maling paniniwala at pagsamba, bunga ng takot at kadiliman kung saan nananaig ang sensuwalidad at materyalismo. Napakalayo natin sa minimithi niya para sa atin, ngunit hindi dapat maalis ang tuon natin dito; ni hindi natin dapat kalimutan na ang pagpupunyagi nating maliwanagan, maging perpekto, ay hindi mangyayari kung wala ang kanyang mga turo, kanyang buhay, kanyang kamatayan, at kanyang pagkabuhay na mag-uli.

… Kailangan nating paulit-ulit na matutuhan na tanging sa pagtanggap at pamumuhay ng ebanghelyo ng pagmamahal na itinuro ng Panginoon at tanging sa pagsunod sa kanyang kalooban tayo makakalaya sa kamangmangan at pag-aalinlangang gumagapos sa atin. Kailangan nating matutuhan ang simple at maluwalhating katotohanang ito upang maranasan natin ang matatamis na kagalakang dulot ng espiritu ngayon at magpasawalang-hanggan. Kailangan nating kalimutan ang ating sarili sa pagsunod sa kanyang kalooban. Kailangan natin siyang unahin sa ating buhay.5

Sa ika-14 na kabanata ng Juan, magiliw na nagpaalam si Jesus sa kanyang mga disipulo pagkatapos ng huling hapunan. Sinabi niya sa kanila na siya ay lilisan upang maghanda ng lugar para sa kanila sa bahay ng kanyang Ama; upang kung saan siya naroroon, ay maparoon din sila. At sinabi sa kanya ni Tomas:

“Panginoon, hindi namin nalalaman kung saan ka paroroon; paano ngang malalaman namin ang daan?

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.” (Juan 14:5–6.) Ang landas na tatahakin ay nasa ating harapan. Ito ay may malinaw na palatandaan.6

2

Lumalapit tayo kay Cristo kapag isinaalang-alang natin Siya sa bawat pag-iisip at tinularan natin ang Kanyang mga katangian.

Sa mga salita sa Aklat ni Mormon, kailangan nating “maniwala kay Cristo at huwag siyang itatwa.” (2 Ne. 25:28.) Kailangan nating magtiwala kay Cristo at hindi sa bisig ng laman. (Tingnan sa 2 Ne. 4:34.) Kailangan nating “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya.” (Moro. 10:32.) Kailangan nating lumapit nang “may pusong bagbag at nagsisising espiritu” (3 Ne. 12:19), nagugutom at nauuhaw sa kabutihan (tingnan sa 3 Ne. 12:6). Kailangan tayong lumapit na “nagpapakabusog sa salita ni Cristo” (2 Ne. 31:20), kapag natanggap natin ito sa pamamagitan ng Kanyang mga banal na kasulatan, Kanyang hinirang, at Kanyang Banal na Espiritu.

Sa madaling salita, kailangan nating sundan “ang halimbawa ng Anak ng Diyos na buhay” (2 Ne. 31:16).7

Sabi ng Panginoon, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip.” (D at T 6:36.) Ang pagsasaalang-alang sa Panginoon sa bawat pag-iisip ang tanging posibleng paraan para maging tulad tayo ng uri ng kalalakihan at kababaihang dapat nating kahinatnan.

Itinanong ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo, “Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” Pagkatapos ay sinagot Niya ang Kanyang sariling tanong sa pagsasabing, “Maging katulad ko.” (3 Ne. 27:27.) Upang maging katulad Niya, kailangan ay nasa isipan natin Siya—sa ating pag-iisip sa tuwina. Tuwing makikibahagi tayo ng sakramento, nangangako tayo na “lagi siyang aalalahanin.” (Moro. 4:3; 5:2; D at T 20:77, 79.)

Kung ang mga iniisip natin ang bumubuo sa ating pagkatao, at nais nating maging katulad ni Cristo, dapat tayong mag-isip na katulad ni Cristo. Hayaan ninyong ulitin ko iyan: Kung ang mga iniisip natin ang bumubuo sa ating pagkatao, at nais nating maging katulad ni Cristo, dapat tayong mag-isip na katulad ni Cristo.

… Dapat nating ituon ang ating mga pag-iisip sa Panginoon. Dapat nating isipin si Cristo.8

Hayaang mabanaag sa ating personal na buhay, tahanan, at pagtatrabaho ang katangian ni Cristo. Kaya mamuhay sa paraang masasabi ng iba sa inyo, “Iyan ang tunay na Kristiyano!”

Oo, naniniwala tayo kay Jesucristo, ngunit hindi lang iyan—umaasa tayo sa Kanya, nagtitiwala tayo sa Kanya at nagsisikap tayong tularan ang Kanyang mga katangian.9

Si Cristo ang ating uliran. Siya ang ating huwaran. … Ang pinakamataas na sukatan ng tunay na kadakilaan ay kung gaano tayo katulad ni Cristo.10

Maging katulad ng Tagapagligtas—kaylaking hamon para sa sinumang tao! Siya ay miyembro ng Panguluhang Diyos. Siya ang Tagapagligtas at Manunubos. Siya ay perpekto sa bawat aspeto ng Kanyang buhay. Walang mali o kulang sa Kanya. Maaari ba tayong … maging katulad Niya? Ang sagot ay oo. Hindi lamang natin makakaya, kundi iyan ang utos sa atin, ang responsibilidad natin. Hindi Niya ibibigay sa atin ang kautusang iyan kung hindi Niya talaga nais itong ipagawa sa atin [tingnan sa Mateo 5:48; 3 Nephi 12:48].

The resurrected Jesus Christ appearing to seven of the Apostles (including Peter) on the shores of the Sea of Galilee. Peter is standing by Christ. Christ has His hand on Peter's shoulder as He instructs Peter to "feed my sheep." The other Apostles are seated on the ground as they watch. There is a fishing boat in the background.

Itinuro ni Apostol Pedro, na nakalarawan dito na kasama ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo, kung paano natin matutularan ang katangian ng Tagapagligtas.

Nagsalita si Apostol Pedro tungkol sa proseso kung paano magiging kabahagi ang isang tao “sa kabanalang mula sa Dios” (II Ni Pedro 1:4). Ito ay mahalaga, dahil kung talagang naging kabahagi tayo sa kabanalang mula sa Diyos, magiging katulad Niya tayo. Pag-aralan nating mabuti ang itinuturo ni Pedro sa atin tungkol sa prosesong ito. Narito ang kanyang sinabi:

“At dahil din dito, sa pagkaragdag sa ganang inyo ng buong sikap, ay ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan; at sa kagalingan ay ang kaalaman;

“At sa kaalaman ay ang pagpipigil; at sa pagpipigil ay ang pagtitiis; at sa pagtitiis ay ang kabanalan;

“At sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa kapatid; at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pagibig” (II Pedro 1:5–7).

Ang mabubuting katangiang inisa-isa ni Pedro ay bahagi ng banal na katangian, o pagkatao ng Tagapagligtas. Ito ang mga katangiang dapat nating tularan kung nais nating maging higit na katulad Niya. Talakayin natin ang ilan sa mahahalagang katangiang ito.

Ang unang katangian, na kung saan idinagdag ang lahat ng iba pa, ay pananampalataya. Pananampalataya ang pundasyong pinagsasaligan ng katangiang katulad ni Cristo. …

Sinabi pa ni Pedro na kailangan nating idagdag sa ating pananampalataya ang kabanalan. … Ang banal na pag-uugali ay nagpapahiwatig na [ang isang tao] ay dalisay ang pag-iisip at malinis ang mga kilos. Hindi siya magkakaroon ng pagnanasa sa kanyang puso, dahil ang paggawa nito ay “magtatatwa sa pananampalataya” at magtataboy sa Espiritu (D at T 42:23)—at wala nang mas mahalaga sa gawaing ito kaysa sa Espiritu. …

Ang kabanalan ay katulad ng kasagraduhan, isang katangian ng pagka-makadiyos. Dapat [nating] pagsikapang hanapin yaong mabuti at kalugud-lugod at hindi yaong nakakababa o nakaririmarim. Ang kabanalan ay pupuspos sa [ating] mga iniisip nang walang humpay (tingnan sa D at T 121:45). Paano nakakaya ng sinumang lalaki na magpasasa sa kasamaan ng pornograpiya, kalapastanganan, o kahalayan at ituring ang kanyang sarili na lubos na banal? …

Ang susunod na hakbang na inilarawan ni Pedro sa proseso ng pag-unlad ay ang idagdag ang kaalaman sa ating pananampalataya at kabanalan. Sinabi sa atin ng Panginoon na “hindi maaari para sa isang tao na maligtas dahil sa kamangmangan” (D at T 131:6). Sa ibang lugar iniutos pa ng Diyos, “Maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan; maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118). … Bagama’t mahalaga ang anumang pag-aaral ng katotohanan, mga katotohanan ng kaligtasan ang pinakamahahalagang katotohanang maaaring matutuhan ng sinumang tao. Ang tanong ng Panginoon, “Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay?” Ang (Mateo 16:26) ay maaaring iangkop sa paghahangad na makapag-aral gayundin sa paghahangad sa mga makamundong bagay. Maaaring itanong din ng Panginoon, “Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay?” …

Ang pagsasama ng ating espirituwal na edukasyon at ng ating sekular na pag-aaral ay tutulong sa ating magtuon sa mga bagay na pinakamahalaga sa buhay na ito. …

Ang isa pang katangiang inilarawan ni Pedro bilang bahagi ng banal na katangian ay pagpipigil. [Ang mapagpigil na tao] ay sinusupil ang kanyang damdamin at pananalita. Ginagawa niya ang mga bagay-bagay nang may kahinahunan at hindi siya nagpapasasa sa anuman. Sa madaling salita, may pagpipigil siya sa sarili. Napipigil niya ang kanyang damdamin, at hindi nagpapatangay rito. …

Sa ating pagpipigil idagdag natin ang pagpapasensya. … Ang pagpapasensya ay isa pang uri ng pagpipigil sa sarili. Ito ang kakayahang isantabi ang sariling kasiyahan at pigilan ang silakbo ng damdamin. Sa relasyon niya sa kanyang mga mahal sa buhay, ang mapagpasensyang tao ay hindi nagpapakita ng kapusukan na pagsisisihan niya kalaunan. Ang pagpapasensya ay kahinahunan sa gitna ng problema. Ang mapagpasensyang tao ay maunawain sa mga pagkakamali ng iba.

Ang mapagpasensyang tao ay naghihintay rin sa Panginoon. Kung minsan ay may nababasa o naririnig tayo tungkol sa mga taong humihingi ng biyaya sa Panginoon, at nawawalan ng pasensya kapag hindi ito dumarating kaagad. Bahagi ng banal na katangian ang magtiwala nang sapat sa Panginoon upang “mapanatag at malaman na [siya] ang Diyos” (D at T 101:16).

Ang [tao] na mapagpasensya ay mapagparaya sa mga pagkakamali at pagkukulang ng kanyang mga mahal sa buhay. Dahil mahal niya sila, hindi siya maghahanap ng mali ni mamimintas o maninisi.

Ang isa pang katangiang binanggit ni Pedro ay kabaitan. … Ang mabait na tao ay maawain at magiliw sa iba. Isinasaalang-alang niya ang damdamin ng iba at magalang siya. Likas siyang matulungin. Ang may kabaitan ay nagpapatawad sa mga kahinaan at pagkakamali ng iba. Ang kabaitan ay ipinadarama sa lahat—sa matatanda at mga bata, sa mga hayop, sa mga mababa ang katayuan at sa mga nakatataas.

Ito ang tunay na mga katangian ng kabanalang mula sa Diyos. Nakikita ba ninyo kung paano tayo nagiging higit na katulad ni Cristo kung tayo ay mas banal, mas mabait, mas mapagpasensya, at mas mapagpigil sa ating damdamin?

Gumamit si Apostol Pablo ng ilang malinaw na pahayag upang ilarawan na ang isang miyembro ng Simbahan ay dapat maiba sa mundo. Pinagbilinan niya tayo na “[ibihis] si Cristo” (Mga Taga-Galacia 3:27), “iwan … ang dating pagkatao,” at “mangagbihis ng bagong pagkatao” (Mga Taga-Efeso 4:22, 24).

Ang huli at pinakamahalagang kabutihan ng banal na katangian ay pag-ibig sa kapwa-tao, o ang dalisay na pag-ibig ni Cristo (tingnan sa Moroni 7:47). Kung talagang hangad nating maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas at Panginoon, ang matutong magmahal na tulad Niya ang dapat maging pinakamataas nating mithiin. Tinawag ni Mormon ang pag-ibig sa kapwa-tao na “pinakadakila sa lahat” (Moroni 7:46).

Ang daigdig ngayon ay maraming sinasabi tungkol sa pag-ibig, at ito ay hangad ng marami. Ngunit malaki ang kaibhan ng dalisay na pag-ibig ni Cristo sa iniisip ng mundo tungkol sa pag-ibig. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay hindi kailanman naghahangad ng pansariling kasiyahan. Ang hangad lamang ng dalisay na pag-ibig ni Cristo ay ang walang-hanggang pag-unlad at kagalakan ng iba. …

Sinabi ng Tagapagligtas na ang buhay na walang hanggan ay ang makilala ang iisang Diyos na tunay at ang Kanyang Anak na si Jesucristo (tingnan sa Juan 17:3). Kung ito ay totoo, at pinatototohanan ko nang taimtim na ito ay totoo, dapat lamang nating itanong kung paano natin makikilala ang Diyos. Ang paisa-isang pagdaragdag ng mabubuting katangian, tulad ng inilarawan ni Pedro, ay nagiging susi sa pagtatamo ng kaalamang ito na humahantong sa buhay na walang hanggan. Pansinin ang pangako ni Pedro, na kasunod ng inilarawang proseso:

“Sapagka’t kung nasa inyo ang mga bagay na ito at sumasagana, ay hindi kayo pababayaang maging mga tamad o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesucristo” (II Pedro 1:8; idinagdag ang italics).

… Dalangin ko na ang mga kagalingan at katangiang ito ng Tagapagligtas ay managana sa atin upang sa pagharap natin sa Paghuhukom at itanong Niya sa bawat isa sa atin na, “Anong uri ka ba ng tao?” ay maiaangat natin ang ating mga ulo nang may pasasalamat at galak at sasagot ng, “Katulad po ninyo.”11

3

Bibigyan tayo ng kapanatagan ng Tagapagligtas at tutulungan tayo sa ating pagsisikap na manatili sa landas na inihanda Niya para sa atin.

Dahil nalilihis tayo sa landas na inihanda sa atin ng Taong Taga-Galilea, nadaraig tayo ng kani-kanyang hamon sa buhay. … Ngunit nariyan siya para tulungan tayo. Muli’t muli niyang sinabi sa kanyang mga disipulo, at sa ating lahat, “Huwag magulumihanan ang inyong puso. …”

“Kung kayo’y magsisihingi ng anoman sa pangalan ko, ay yaon ang aking gagawin.”

“Hindi ko kayo iiwang magisa. …”

“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. …” (Juan 14:1, 14, 18, 27.)12

Bumaling tayong muli sa Aklat ni Mormon … upang malaman ang ilang alituntunin tungkol sa pagparito ni Cristo, pagiging tapat sa Kanya, pagtuon sa Kanya, at pagpapasakop sa Kanya. Babanggit lang tayo ng ilan sa napakaraming talata tungkol sa bagay na ito.

Una, kailangan nating malaman na inaanyayahan tayo ni Cristo na lumapit sa Kanya. “Masdan, siya ay nagpadala ng paanyaya sa lahat ng tao, sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila … Oo, kanyang sinabi: Lumapit sa akin at kayo ay makababahagi sa bunga ng punungkahoy ng buhay” (Alma 5:33–34).

Halikayo, sapagka’t siya ay nakatayong “bukas ang mga bisig upang kayo ay tanggapin” (Mormon 6:17).

Halikayo, dahil “kanya kayong aaluin sa inyong mga paghihirap, at kanyang isasamo ang inyong kapakanan” (Jacob 3:1).

“Lumapit sa kanya, at ialay ang inyong buong kaluluwa bilang handog sa kanya” (Omni 1:26).

Nang tapusin ni Moroni ang talaan ng sibilisasyon ng mga Jaredita, isinulat niya, “At ngayon, ipinapayo ko sa inyo na hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol” (Eter 12:41).

Sa pangwakas na mga salita ni Moroni na isinulat sa katapusan ng sibilisasyon ng mga Nephita, sinabi niya, “Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, … at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo” (Moroni 10:32).

Ang matatapat kay Cristo ay “ tuma[ta]yo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” na maaaring naroroon sila, “maging hanggang kamatayan” (Mosias 18:9). Kanilang “[pinapanatiling] laging nakasulat ang pangalan” ni Cristo sa kanilang mga puso (Mosias 5:12). Tinataglay nila sa kanilang sarili “ang pangalan ni Cristo, nang may matibay na hangaring maglingkod sa kanya hanggang wakas” (Moroni 6:3).

Kapag namumuhay tayo nang nakatuon kay Cristo, “nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo” (2 Nephi 25:26). “[Tinatanggap natin] ang kasiya-siyang salita ng Diyos, at [nagpapakabusog tayo] sa kanyang pagmamahal” (Jacob 3:2). Maging sa sandaling nagdadalamhati si Nephi dahil sa kanyang mga kasalanan, sinabi niya, “Alam ko kung kanino ako nagtiwala. Ang aking Diyos ang aking naging tagapagtaguyod” (2 Nephi 4:19–20).

Naaalala natin ang payo ni Alma: “Hayaang ang lahat ng iyong gawain ay para sa Panginoon, at saan ka man magtungo ay hayaang sa Panginoon; oo, lahat ng iyong nasasaisip ay ituon sa Panginoon; oo, ang pagmamahal sa iyong puso ay mapasa-Panginoon magpakailanman. Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain” (Alma 37:36–37).

“Tandaan, tandaan,” sabi ni Helaman, “na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, … ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, … [ang mga ito ay] hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan” (Helaman 5:12).

Sabi ni Nephi, ang Panginoon ay “pinuspos ako ng kanyang pag-ibig, maging hanggang sa madaig ang aking laman” (2 Nephi 4:21). Ang mga nagpapasakop kay Cristo ay “buhay … kay Cristo” (2 Nephi 25:25). Sila ay “hindi [nagdaranas] ng ano mang uri ng paghihirap, maliban sa malulon sa kagalakan dahil kay Cristo” (Alma 31:38). Sila ay “niyakap … ng mga bisig ni Jesus” (Mormon 5:11). Sabi ni Nephi, “Ako ay nagpupuri sa aking Jesus, sapagkat kanyang tinubos ang aking kaluluwa” (2 Nephi 33:6. Sabi ni Lehi, “Ako ay nayayakap magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal” (2 Nephi 1:15). …

… Ang dakilang tao na si Mormon ay [sumulat] ng liham sa kanyang pinakamamahal na anak, si Moroni, sa ganitong mga salita:

“Anak ko, maging matapat kay Cristo; at nawa ay huwag makapagpadalamhati sa iyo ang mga bagay na aking isinulat, na makapagpapabigat sa iyo tungo sa kamatayan; kundi nawa ay dakilain ka ni Cristo, at nawa ang kanyang pagdurusa at kamatayan, at ang pagpapakita ng kanyang katawan sa ating mga ama, at ang kanyang awa at mahabang pagtitiis, at ang pag-asa ng kanyang kaluwalhatian at ng buhay na walang hanggan, ay mamalagi sa iyong isipan magpakailanman.

“At nawa ang biyaya ng Diyos Ama, na ang trono ay mataas sa kalangitan, at ng ating Panginoong Jesucristo, na nakaluklok sa kanang kamay ng kanyang kapangyarihan, hanggang sa ang lahat ng bagay ay mapasakop sa kanya, ay manatiling kasama mo magpakailanman” (Moroni 9:25–26).

Dalangin ko para sa bawat isa sa atin na sundin din natin ang magandang payong iyan na: “Maging matapat kay Cristo.” At tayo ay Kanyang dadakilain at ang Kanyang biyaya ay mananatili sa atin magpakailanman.13

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Ipinahayag ni Pangulong Benson, “Wala nang iba pang impluwensyang nagkaroon ng napakalaking epekto sa daigdig na ito na tulad ng buhay ni Jesucristo” (bahagi 1). Sa anong mga paraan nagkaroon ng epekto sa daigdig ang buhay ng Tagapagligtas? Sa anong mga paraan nakaimpluwensya sa inyo ang Kanyang buhay?

  • Paano nagbabago ang buhay natin kapag “iniisip natin si Cristo”? Paano nakaugnay ang ating mga iniisip sa ating mga katangian? Habang pinag-aaralan ninyo ang bahagi 2, pagnilayan ang magagawa ninyo para lalo kayong magkaroon ng mga katangian ni Cristo na binanggit doon.

  • Paano tayo mabibigyan ng pag-asa ng mga turo sa bahagi 3 habang sinisikap nating maging higit na katulad ng Tagapagligtas? Paano kayo natulungan ng Tagapagligtas sa inyong mga pagsisikap na sundin Siya?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Marcos 8:34; Mga Taga-Filipos 4:13; I Juan 3:23–24; 2 Nephi 25:23, 26; Mosias 3:19; Alma 7:11–13; Moroni 7:48

Tulong sa Pag-aaral

“Magplano ng mga aktibiti sa pag-aaral na magpapatatag ng iyong pananampalataya sa Tagapagligtas” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 24). Halimbawa, habang nag-aaral kayo maaaring itanong ninyo sa inyong sarili ang mga sumusunod: “Paano ako matutulungan ng mga turong ito na maragdagan ang pang-unawa ko sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo? Paano ako matutulungan ng mga turong ito na maging higit na katulad ng Tagapagligtas?”

Mga Tala

  1. Tingnan, halimbawa, ang, “Strengthen Thy Stakes,” Ensign, Ene. 1991, 5; “Think on Christ,” Ensign, Mar. 1989, 4; “In His Steps,” Ensign, Set. 1988, 4.

  2. “Think on Christ,” Ensign, Abr. 1984, 13.

  3. “Think on Christ,” Ensign, Abr. 1984, 13.

  4. Sa Conference Report, Abr. 1967, 58.

  5. “Life Is Eternal,” Ensign, Hunyo 1971, 34.

  6. Sa Conference Report, Abr. 1966, 128.

  7. “Joy in Christ,” Ensign, Mar. 1986, 5.

  8. “Think on Christ,” Ensign, Abr. 1984, 11, 13.

  9. The Teachings of Ezra Taft Benson (1988), 328.

  10. “A Sacred Responsibility,” Ensign, Mayo 1986, 78.

  11. Sa Conference Report, Okt. 1986, 59, 60–62, 63; o Ensign, Nob. 1986, 45, 46–47, 48.

  12. “Life Is Eternal,” 34.

  13. “Come unto Christ,” Ensign, Nob. 1987, 84–85.