Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 7: Joseph Smith, Isang Kasangkapan sa mga Kamay ng Panginoon


Kabanata 7

Joseph Smith, Isang Kasangkapan sa mga Kamay ng Panginoon

“Si Joseph Smith, ang Propeta sa mga huling araw, ay naging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon sa pagbubukas ng isang bagong dispensasyon ng ebanghelyo, ang huli at pinakadakila sa lahat ng dispensasyon ng ebanghelyo.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

Nang maglingkod si Elder Ezra Taft Benson bilang full-time missionary sa England noong mga unang taon ng 1920s, naranasan nila ng kanyang mga kompanyon ang tinatawag niyang “matinding oposisyon sa Simbahan.” Ikinuwento niya kalaunan:

“Nagkalat ang mga pahayagan, magasin, maging ang mga pelikulang anti-Mormon [sa sinehan] sa Great Britain.” Dahil napakatindi ng oposisyon, itinigil ang ilang uri ng gawaing misyonero, tulad ng pagdaraos ng mga miting sa lansangan at pamimigay ng mga polyeto. “Ngunit sa bandang hilagang England kung saan kami nangangaral,” sabi niya, “mayroon kaming isang grupo ng mga tao sa South Shields Branch na napakamasugid at malakas ang pananalig at tapat, at inanyayahan nila kaming magkompanyon na magsalita sa kanilang sacrament meeting. Sabi nila, ‘Marami sa aming mga kapitbahay ang hindi naniniwala sa mga kasinungalingang nakalimbag. Kung darating kayo, pupunuin namin ang munting kapilya.’

“Kaya tinanggap namin ang paanyaya at nagsimula kaming maghanda at sinimulan ko ring pag-aralan ang tungkol sa apostasiya. Isang paksa iyon na gusto ko, at inakala kong kailangan nila iyon; at nag-aral akong mabuti, at inakala kong makapagsasalita ako nang labinlimang minuto tungkol sa paksa.

“Nagtungo kami sa munting kapilya at punung-puno iyon. Lahat ay masaya. At nang magsimula na, nagsalita ang kompanyon ko, pagkatapos ay malaya akong nakapagsalita na noon ko lang naranasan sa buong buhay ko. At nang maupo ako at tumingin sa aking relo, nagsalita pala ako nang dalawampu’t limang minuto, at hindi ko nabanggit ang apostasiya, ni hindi ko naisip ito. Ang binanggit ko ay si Joseph Smith, at nagpatotoo ako na siya ay isang propeta ng Diyos at alam ko ito. Binanggit ko ang paglabas ng Aklat ni Mormon bilang bagong saksi para kay Cristo, at nakapagpatotoo ako. Nang matanto ko ang nangyari, hindi ko napigil ang pagluha.

“Sa pagtatapos ng miting, marami sa mga Banal ang lumapit at nagpasalamat na may nagsalita tungkol kay Joseph Smith. Sabi nila, ‘Sinabi ng ilang kapitbahay namin, “Matatanggap namin ang lahat tungkol sa Simbahan maliban lang kay Joseph Smith.”’ Pagkatapos ay lumapit ang ilan sa mga kapitbahay ding iyon at sinabi nila, ‘Handa na kami ngayon. Handa na kami ngayong gabi. Napatunayan na namin na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos.’”1

Patuloy na naghanap si Pangulong Benson ng mga pagkakataon sa buhay niya para ibahagi ang kanyang patotoo tungkol sa tungkulin ni Joseph Smith. Halimbawa, nang maglingkod siya bilang secretary of agriculture ng Estados Unidos, pinapili siya ng isang istasyon sa radyo ng isang paboritong talata sa banal na kasulatan na babasahin sa radyo, at pinili niya ang isang bahagi ng Joseph Smith—Kasaysayan sa Mahalagang Perlas.2

Higit sa lahat, palagi siyang nagbabahagi ng matibay at malakas na patotoo sa kapwa niya mga Banal. “Si Joseph Smith ay isang propeta ng Buhay na Diyos,” pahayag niya, “isa sa mga pinakadakilang propeta na nabuhay sa ibabaw ng lupa. Siya ang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos sa pagpapasimula sa isang dakilang dispensasyon ng ebanghelyo, ang pinakadakila sa lahat, at ang huli sa lahat sa paghahanda para sa ikalawang pagparito ng Panginoon.”3

Joseph Smith, Jr. depicted kneeling in the Sacred Grove during the First Vision. A ray of light can be seen coming from the sky down through the trees toward Joseph.

Ang mensahe ng Unang Pangitain ay “para sa lahat ng anak ng ating Ama na naninirahan sa ibabaw ng lupa.”

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith ang pinakadakilang nangyari sa mundong ito simula noong Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.

Noong binatilyo si Joseph Smith, hinanap niya ang katotohanan. Nagkaroon ng kalituhan sa mga simbahan noon kaya siya nagtanong sa Diyos kung alin sa mga ito ang totoo. Bilang sagot sa panalanging iyon, ipinahayag niya na isang haligi ng nagniningning na liwanag ang lumitaw. Ito ang sinabi niya:

“Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!” (JS—K 1:17.)

Itinanong ni Joseph sa pangalawang katauhan, na si Jesucristo, kung alin sa mga sektang Kristiyano ang tama. Sinabi ni Jesus sa kanya na huwag siyang sasapi sa alinman sa mga ito, na walang tama sa mga ito.4

Nang bumaba sa lupa ang Diyos Ama at ang kanyang Anak na si Jesucristo, nang magpakita sila noong 1820 sa batang propeta na si Joseph Smith, hindi iyon isang bagay na para lamang sa iilang tao. Iyon ay isang mensahe at paghahayag para sa lahat ng anak ng ating Ama na naninirahan sa ibabaw ng lupa. Iyon ang pinakadakilang nangyari sa mundong ito simula noong pagkabuhay na mag-uli ng Panginoon. Kung minsa’y iniisip ko na napakapamilyar natin doon kaya hindi natin lubos na napapahalagahan ang kahulugan at kahalagahan at lawak nito.5

Ang unang pangitain ni Propetang Joseph Smith ay mahalagang doktrina sa Simbahan.6

Ang pinakamalinaw na katotohanang nalantad sa karanasan ng Propeta noong 1820 ay na totoong mayroong Diyos at na si Jesucristo ay talagang nabuhay na mag-uli. Nakita niya sila na hiwalay, magkaiba, niluwalhating mga Katauhan na nangusap sa kanya na tulad ng pakikipag-usap ng isang tao sa isa pa.7

Mapagpakumbaba akong nagpapasalamat sa aking kaalaman na ang Diyos Ama at ang kanyang Anak na si Jesucristo, bilang niluwalhating mga nilalang, ay muling bumaba rito sa lupa sa ating panahon, sa dispensasyong ito; na sila ay talagang nagpakita sa batang propeta. … Ito ang pinakamaluwalhating pagpapakita ng Diyos Ama at ng Anak at mayroon tayong tala nito.8

2

Ayon sa propesiya sa Bagong Tipan, tumanggap si Joseph Smith ng bagong paghahayag at pagbisita ng mga anghel.

Nauunawaan ng lahat na ang pananampalataya ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nakabatay sa pahayag na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos, at na ipinahayag din niya na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay bunga ng mga pagbisita ng mga anghel sa kanya sa pagitan ng mga taong 1823 at 1827.

Nang malaman ng ilang tao ang pahayag niyang ito, iginiit nila na hindi kapani-paniwala na bibisita ang mga anghel sa lupa sa makabagong panahong ito.

Nasa Biblia ang patotoo na pinatnubayan ng Diyos ang mga gawain ng Kanyang simbahan sa lupa nang mahigit apat na libong taon sa pamamagitan ng paghahayag at, kapag kailangan, sa paglilingkod ng mga sugo ng langit.

Sa paglalarawan ng mga kundisyon sa mga huling araw kaugnay ng ikalawang pagparito ni Jesucristo, ipinropesiya ni Juan sa Bagong Tipan na bago bumalik ang Tagapagligtas, tatanggap ng babala ang mundo na malapit na ang oras ng paghuhukom ng Diyos. Ang babalang iyon ay darating sa pamamagitan ng isang anghel mula sa langit na nagpapahayag ng isang “mabuting balita na walang hanggan.” Pakinggan ang kanyang sinabi:

“Nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa at angkan at wika at bayan;

“At sinasabi niya ng malakas na tinig, Matakot kayo sa Dios, at magbigay kaluwalhatian sa kaniya; sapagka’t dumating ang panahon ng kaniyang paghatol: at magsisamba kayo sa gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat at ng mga bukal ng tubig.” (Apoc. 14:6–7.)

Kung tatanggapin ng isang tao ang patotoo ni Juan na Tagapaghayag, dapat asahan ang bagong paghahayag at pagbisita sa lupa ng isang sugo ng langit.

Taos-puso nating pinatototohanan na itong isinugong anghel ay nagpakita kay Propetang Joseph Smith noong mga unang taon ng ikalabingsiyam na siglo. Ang pahayag na ito na isang anghel mula sa Diyos ang nagpakita sa isang propeta sa ating panahon ay lubos na naaayon sa mga propesiya ng Bagong Tipan at samakatwid ay hihikayat sa bawat masigasig na naghahanap ng katotohanan.9

Noong gabi ng Setyembre 21, 1823, isang anghel ang nagpakita kay Propetang Joseph Smith. Ang pangalan ng anghel ay Moroni. Siya ang huli sa mahabang angkan ng mga sinaunang propeta ng dalawang dakilang sibilisasyon na nabuhay … sa Kontinente ng Amerika ilang siglo na ang nakararaan.10

Joseph Smith kneeling on one knee and holding the gold plates as he looks up at the angel Moroni, who has appeared to him. Foreground and background depict plant and tree foliage.

Nagpakita si Moroni kay Joseph Smith bilang katuparan ng propesiya.

3

Ang Aklat ni Mormon ang pinakamahalagang katibayan sa pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta.

Ang pinakamahalagang katibayan na sumusuporta sa pahayag ni Joseph Smith na pagiging tagapagsalita para sa Makapangyarihang Diyos ay ang pagkalathala ng isang aklat ng banal na kasulatan, ang Aklat ni Mormon.

Ang Aklat ni Mormon ay isang talaan ng mga sinaunang tao na nanirahan sa kontinente ng Amerika at nagtatala ng pagbisita at ministeryo ni Jesucristo sa mga tao sa kontinenteng ito kasunod ng Kanyang pag-akyat sa langit sa Jerusalem. Ang pangunahing layunin ng talaan ay hikayatin ang henerasyong darating na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos. Samakatwid, ang Aklat ni Mormon ay karagdagang saksi, bukod sa Biblia, tungkol sa kabanalan ni Jesucristo.

Natamo ni Joseph Smith ang sinaunang talaang ito mula sa isang sugo ng langit, tulad ng ipinropesiya ni Juan. Nagpakita sa kanya ang anghel na ito at inihayag ang kinaroroonan ng mga sinaunang talaan na nakaukit sa mga laminang metal at nakabaon sa isang stone vault o kahitang bato. Sa takdang panahon, ibinigay sa binatang propeta ang mga lamina at ang paraan ng pagsasalin nito. Pagkatapos ay inilathala sa mundo ang aklat bilang banal na kasulatan.

Gayon din, alinsunod sa patotoo ni Juan, ang aklat ay naglalaman ng “mabuting balita na walang hanggan.” Ipinapangaral ito ngayon ng ating mga missionary sa buong mundo.

Inaanyayahan namin kayong subukan ang katumpakan ng aming patotoo tungkol sa pinagmulan ng Aklat ni Mormon. Magagawa ninyo ito sa pagbabasa nito at pagtatanong sa ating Ama sa Langit kung ang mga bagay na ito ay totoo. Ipinapangako ko, kung kayo ay tapat, kayo ay tatanggap ng katibayan na ito ay totoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Milyun-milyon ang nagpapatotoo, nang taimtim at tapat, na alam nilang nagmula ito sa Diyos.11

Kung ang Aklat ni Mormon ay totoo, kung gayon si Jesus ang Cristo, si Joseph Smith ay Kanyang propeta, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay totoo, at ito ay pinamumunuan ngayon ng isang propetang tumatanggap ng paghahayag.12

4

Muling itinatag ng Diyos ang Kanyang kaharian sa lupa sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.

Ilang siglo nang ipinagdarasal ng mga simbahang Kristiyano sa buong mundo ang pagdating ng kaharian ng Diyos [tingnan sa Mateo 6:10]. Tapat at hayagan naming ipinapahayag: ang araw na iyon ay dumating na!13

Ang panalangin ng isang labing-apat na taong gulang na bata, sa Sagradong Kakahuyan, ay nagpasimula ng bagong dispensasyon ng ebanghelyo.14

Muling naitatag ng Diyos ang kanyang kaharian sa lupa bilang katuparan ng propesiya. …

… Tinawag ng Diyos si Joseph Smith para muling itatag ang kahariang iyon—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pinatototohanan ko na naisagawa niya ang gawaing ito, na nailatag niya ang mga pundasyon at na ibinigay niya sa Simbahan ang mga susi at kapangyarihang ipagpatuloy ang dakilang gawain sa mga Huling Araw, na kanyang sinimulan sa ilalim ng patnubay ng Diyos na Maykapal.15

Nagpakita ang iba pang mga nilalang kay Joseph Smith, pati na si Juan Bautista at sina Pedro, Santiago, at Juan, at inordenan siya nang may awtoridad na kumilos sa pangalan ng Diyos (tingnan sa JS—K 1:68–72; D at T 27:5–13). Ang simbahan at kaharian ng Diyos ay ipinanumbalik sa mga huling araw na ito, maging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, taglay ang lahat ng mga kaloob, karapatan, kapangyarihan, doktrina, pinuno, at pagpapala ng Simbahan noong unang panahon. (Tingnan sa D at T 65; 115:3–4.)16

Iniutos kay Propetang Joseph na humayo bilang kasangkapan sa mga kamay ng Diyos at itatag ang Simbahan, ipahayag sa mundo bilang karagdagang patotoo sa kabanalan ni Jesucristo, ang Aklat ni Mormon na hinango sa mga sagradong talaan. …

Ang panunumbalik ng ebanghelyo, ang pagbalik ng liwanag at katotohanan, ay para sa kabutihan at pagpapala ng lahat ng anak ng Diyos. Kaya nga, mapagpakumbaba at mapagpasalamat na humahayo ang ating mga missionary sa iba’t ibang dako ng mundo upang ipahayag na nagkaroon ng apostasiya mula sa katotohanan, ngunit dahil sa kabutihan ng Diyos ay muling nabuksan ang kalangitan at inihayag ang ebanghelyo sa tao sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta.17

5

Si Joseph Smith ay tapat at matatag hanggang kamatayan.

Kasabay ng pagsisimula ng Simbahan noon ay ang pagkakaroon ng oposisyon at pang-uusig. Saanman maitanim ang munting “binhi ng mustasa,” may mga nagtangkang pumigil sa paglago nito.18

Ipinagtanggol ng labing-apat-na-taong-gulang na binatilyo ang katotohanan laban sa mundo. Kilala ng Diyos ang kanyang anak nang piliin niya ito. Alam niyang siya’y magiging tapat at matatag hanggang kamatayan.19

Hinamak ng ilan ang patotoo ni [Joseph Smith] at nagsimula silang magkalat ng mga maling kuwento at gumawa ng pang-uusig laban sa kanya. Hindi binawi ng batang propeta, gaya ni Apostol Pablo noong unang panahon, ang kanyang patotoo, at sa halip ay pinanindigan niya ang kanyang sinabi sa mga salitang ito:

“Nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila, ni tangkain kong gawin ito; at nalalaman ko na kung ito’y aking gagawin ay magkakasala ako sa Diyos, at mapapasailalim sa sumpa.” (JS—K 1:25.)20

Kusang hinarap ni Propetang Joseph Smith ang kanyang kamatayan. Tinatakan niya ang kanyang patotoo ng kanyang buhay—ng sarili niyang dugo. Sa araw na iyon na siya’y nasawi sa Nauvoo, Illinois, nang lingunin niya ang kanyang lungsod at ang mga taong minahal niya, habang patungo siya sa Carthage Jail at sa kanyang kamatayan, ipinahayag niya: “Ito ang pinakamagandang lugar at pinakamabubuting tao sa ilalim ng kalangitan; hindi nila alam ang mga pagsubok na naghihintay sa kanila” [History of the Church, 6:554].

Kalaunan ay madamdamin ngunit mahinahon at buong tapang na sinabi ng Propeta, “Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan, subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw. Ako ay may budhi na walang kasalanan sa harapan ng Diyos, at sa lahat ng tao. Kung patayin nila ako, ako ay mamamatay na walang kasalanan, at ang aking dugo ay daraing ng paghihiganti mula sa lupa, at ito ang masasabi tungkol sa akin, ‘Siya ay pinaslang nang walang habag’” [History of the Church, 6:555].21

Gayon nga natapos ang buhay ni Propetang Joseph Smith dito sa lupa at isinakatuparan ang mortal na bahagi ng kanyang misyon na iniutos ng langit. Ang mortal na misyong ito, na nilinaw niya, ay hindi matatapos hangga’t hindi nagagawa ang lahat. Gaya ng misyon ng Tagapagligtas, isang “Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanlibutan” [tingnan sa Apocalipsis 13:8], si Joseph ay tunay na inorden noon pa man sa kanyang dakilang misyon.22

6

Si Joseph Smith ang siya ngayong pinuno nitong huli at pinakadakila sa lahat ng mga dispensasyon ng ebanghelyo.

Alam ko na si Joseph Smith, bagama’t pinatay bilang martir para sa katotohanan, ay buhay pa rin at siyang pinuno ng dispensasyong ito—ang pinakadakila sa lahat ng dispensasyon ng ebanghelyo—mananatiling namumuno sa darating na buong kawalang-hanggan.23

Ang mensahe ni Joseph Smith—ang mensahe ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mensahe ng Mormonismo—ang pinakamahalagang mensahe sa mundong ito. At si Propetang Joseph Smith, na nabubuhay ngayon, ay patuloy na magkakaroon ng mahalagang bahagi sa pamamahala nito dito sa lupa.24

Upang maunawaan ang lawak ng misyon ng Propeta sa lupa kailangan natin itong tingnan ayon sa liwanag ng kawalang-hanggan. Siya ay kabilang sa mga “marangal at dakila” na inilarawan ni Abraham sa ganitong paraan:

“Ngayon ipinakita ng Panginoon sa akin, si Abraham, ang mga katalinuhang binuo bago pa ang mundo; at sa lahat ng ito ay marami ang marangal at dakila;

“At nakita ng Diyos ang mga kaluluwang ito na sila ay mabubuti, at siya ay tumayo sa gitna nila, at kanyang sinabi: Ang mga ito ang gagawin kong mga tagapamahala; sapagkat siya ay nakatayo sa mga espiritung yaon, at kanyang nakita na sila ay mabubuti; at kanyang sinabi sa akin: Abraham, isa ka sa kanila; ikaw ay pinili bago ka pa man isinilang.” (Abraham 3:22–23.)

Gayon din si Joseph Smith. Siya rin ay naroon. Naupo rin siya sa kapulungan kasama ang mga marangal at dakila. Nasa isang marangal at natatanging lugar, walang-alinlangang tumulong siya sa pagpaplano at pagsasagawa ng dakilang gawain ng Panginoon na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao,” ang kaligtasan ng lahat ng anak ng ating Ama [tingnan sa Moises 1:39]. Ang kanyang misyon ay nagkaroon, at magkakaroon, ng epekto sa lahat ng isinilang sa mundo, sa lahat ng nanirahan noon sa mundo, at sa milyun-milyong hindi pa isinisilang.

Nilinaw ni Propetang Joseph Smith ang walang-hanggang katotohanang ito sa mga salitang ito: “Bawat tao na may tungkuling maglingkod sa mga naninirahan sa mundo ay inorden sa layuning iyon mismo sa malaking kapulungan sa langit bago pa nilikha ang mundong ito. Sa palagay ko inordenan ako sa mismong katungkulang ito sa malaking kapulungang iyon. Ito ang patotoong nais ko, na ako ay tagapaglingkod ng Diyos, at ang mga taong ito ay Kanyang mga tao” [tingnan sa History of the Church, 6:364]. …

Ang pinakadakilang gawain sa mundong ito o sa mundong darating ay tuwirang nauugnay sa gawain at misyon ni Joseph Smith—taong may tadhana, propeta ng Diyos. Ang gawaing iyan ay ang kaligtasan at buhay na walang hanggan ng tao. Dahil sa dakilang layuning iyan nilikha ang daigdig na ito, tumawag ng mga propeta ng Diyos, nagpadala ng mga sugo ang langit, at sa mga sagrado at mahalagang pagkakataon maging ang Diyos, ang Ama nating lahat, ay bumaba sa lupa at ipinakilala ang kanyang pinakamamahal na Anak.

Si Propetang Joseph Smith ay hindi lamang “isa sa mga marangal at dakila,” kanya ring inasikaso at patuloy na inaasikaso ang mahahalagang bagay dito sa lupa kahit ngayon mula sa kalangitan sa itaas. Sa mga mata ng Panginoon, ang Diyos ng mundong ito sa patnubay ng Ama, lahat ng ito ay isang dakila at walang-hanggang plano kung saan mahalaga ang papel na ginagampanan ni Propetang Joseph, lahat sa pamamagitan ng walang-hanggang priesthood at awtoridad ng Diyos.25

Pinatototohanan ko sa inyo na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos noon at ngayon, isa sa tunay na dakilang mga propeta sa lahat ng panahon, isang taong may tadhana, isang taong mabuti ang pag-uugali, isang taong may tapang, isang taong napakaespirituwal, isang maka-Diyos na propeta ng Panginoon, isang tunay na marangal at dakilang tao sa lahat ng panahon.26

Oo, si Joseph Smith, ang Propeta sa mga huling araw, ay naging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon sa pagbubukas ng bagong dispensasyon ng ebanghelyo, ang huli at pinakadakila sa lahat ng mga dispensasyon ng ebanghelyo.27

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Sa palagay ninyo, bakit ang Unang Pangitain ni Joseph Smith ang “pinakadakilang nangyari … simula noong pagkabuhay na mag-uli ng Panginoon”? (Tingnan sa bahagi 1.) Sa paanong paraan naapektuhan ng pangyayaring ito ang inyong buhay?

  • Paano nakatutulong sa inyo ang kabatirang ipinropesiya ni Juan na Tagapaghayag ang mga pagbisita ni Moroni kay Joseph Smith? (Tingnan sa bahagi 2.)

  • Sinabi ni Pangulong Benson na ang Aklat ni Mormon “ang pinakamahalagang katibayan” na si Joseph Smith ay isang propeta (tingnan sa bahagi 3). Paano naimpluwensyahan ng pag-aaral ninyo ng Aklat ni Mormon ang inyong patotoo tungkol sa misyon ni Joseph Smith?

  • Pagnilayan ang patotoo ni Pangulong Benson sa bahagi 4. Ano ang ilang pagpapalang napasainyo ng inyong pamilya dahil sa Panunumbalik ng ebanghelyo?

  • Ano ang natutuhan ninyo mula sa bahagi 5 tungkol sa pagharap sa pang-uusig? Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Joseph Smith na tutulong sa atin kapag sinubok ng mga tao ang ating patotoo?

  • Hinggil sa pagkaorden kay Joseph Smith noon pa man, sinabi ni Pangulong Benson, “Ang kanyang misyon ay nagkaroon, at magkakaroon, ng epekto sa lahat ng isinilang sa mundo, sa lahat ng nanirahan noon sa mundo, at sa milyun-milyong hindi pa isinisilang” (bahagi 6). Paano naapektuhan ng misyon ni Joseph Smith ang lahat ng nabuhay sa mundo? Paano kayo personal na naapektuhan nito?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Isaias 29:13–14; 2 Nephi 3:3–15; 3 Nephi 21:9–11; D at T 5:9–10; 135; Joseph Smith—Kasaysayan

Tulong sa Pagtuturo

“Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang natutuhan nila mula sa kanilang personal na pag-aaral ng kabanata. Makakatulong na kausapin ang ilang miyembro ng klase sa linggong iyan at hilingin sa kanila na maghandang ibahagi ang natutuhan nila” (pahina viii sa aklat na ito).

Mga Tala

  1. The Teachings of Ezra Taft Benson (1988), 206, 207.

  2. Tingnan sa Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography (1987), 292.

  3. Sa Conference Report, Abr. 1961, 114.

  4. “Joseph Smith: Prophet to Our Generation,” Ensign, Nob. 1981, 61–62.

  5. God, Family, Country: Our Three Great Loyalties (1974), 57.

  6. The Teachings of Ezra Taft Benson, 101.

  7. Come unto Christ (1983), 74.

  8. Sa Conference Report, Abr. 1958, 60.

  9. “Joseph Smith: Prophet to Our Generation,” 61.

  10. The Teachings of Ezra Taft Benson, 46.

  11. “Joseph Smith: Prophet to Our Generation,” 61.

  12. “The Book of Mormon Is the Word of God,” Ensign, Ene. 1988, 4.

  13. “May the Kingdom of God Go Forth,” Ensign, Mayo 1978, 34.

  14. Sa Conference Report, Okt. 1956, 108.

  15. “A Message to the World,” Ensign, Nob. 1975, 34.

  16. “I Testify,” Ensign, Nob. 1988, 86.

  17. Sa Conference Report, Okt. 1949, 27, 28.

  18. Come unto Christ, 81.

  19. God, Family, Country, 38.

  20. “Joseph Smith: Prophet to Our Generation,” 62.

  21. God, Family, Country, 37–38.

  22. God, Family, Country, 29.

  23. “A Message to the World,” 34.

  24. God, Family, Country, 40–41.

  25. God, Family, Country, 30–31.

  26. God, Family, Country, 37.

  27. God, Family, Country, 39.