Kabanata 4
Masayang Pamumuhay sa mga Panahong Maligalig
“Ang kaligayahan dito sa mundo ngayon ay nakabatay sa malaya, may pagmamahal, at masayang pagkilala sa kalooban ng Diyos para sa atin—at pagsunod dito sa lahat ng paraan at sa lahat ng malalaki at maliliit na bagay.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
Ang isa sa mga unang assignment ni Pangulong Ezra Taft Benson bilang Apostol ay tumulong sa pagbibigay-ginhawa sa mga Banal sa Europa pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Habang naglalakbay sa Germany, nakilala niya ang matatapat na tao na nagawang makabangon sa pagkawasak sa kanilang buong paligid. Isinulat niya sa kanyang journal:
“Ang pinakamatinding pinsalang nasaksihan ko ay nakita ngayon. … Nang gaygayin ko ang mga kalsada [ng Berlin] at naglakad sa ilang kalyeng hindi madaanan ng mga sasakyan, nakita … ko ang mga babaeng gutom na balisang nagbabayad nang malaki para sa mga balat ng patatas. … Nakita ko ang mga lalaki at babaeng may dalang maliliit na itak na masigasig na naghuhukay sa mga tuod at ugat ng puno sa pagsisikap na makakuha ng mga panggatong at pagkatapos ay hinihila nang milya-milya ang mga iyon pauwi sakay ng anumang bagay na may gulong—mula sa dalawang gulong ng isang stroller na dating gamit ng bata hanggang sa maliliit na bagon—na nagsilbing mga hayop na tagahila.
“Kalaunan ay nakita ko ang giniginaw at gutom na 480 matatapat na Banal sa mga Huling Araw sa isang kumperensya sa isang malamig at halos wasak na awditoryum sa ikatlong palapag na nasa isang kalyeng binomba. Inspirasyong makita ang liwanag ng pananampalataya. … Walang nadamang pait o galit kundi magandang pakiramdam at pagpapahayag ng pananampalataya sa ebanghelyo.”1
“Wala ni isang miyembro na nagreklamo tungkol sa kanilang sitwasyon sa kabila ng katotohanan na ang ilan ay halos mamatay na sa gutom sa harapan namin mismo.
“… Ang ating mga Banal … ay puno ng pag-asa, tapang, at pananampalataya, at saanman sila naroon ay masaya sila at may lubos na pananampalataya sa ebanghelyo at sa pagiging miyembro sa Simbahan. Isa iyon sa mga nakita na namin na pinakadakilang pagpapamalas ng tunay na mga bunga ng ebanghelyo sa buhay ng kalalakihan at kababaihan.”2
Nakita rin ni Pangulong Benson ang mga halimbawa ng pag-asa at magandang pananaw sa kanyang paligid, kung saan marami sa kanyang mga kapwa magsasaka ang nanatiling masaya kahit matindi ang kanilang paghihirap. Sabi niya:
“Naaalala ko na dumalo ako sa isang miting malapit sa Bancroft, Idaho. … Naging maganda ang miting namin, at pagkatapos niyon, binati ko ang ilan sa mabubuting magsasakang naroon, at kabilang sa kanila ang isang lalaking nagngangalang Brother Yost, at sinabi ko, ‘Brother Yost, kumusta naman ang sakahan?’ Sabi ni Brother Yost, ‘Ah, mabuti naman, Brother Benson, pero nawalan po ako ng 20 libong dolyar nitong nakaraang tatlong araw.’ Sabi ko, ‘Ano’ng nangyari—umulan ba ulit ng yelo?’ Sabi niya, ‘Oo, tumama iyon sa trigo noong halos hinog na ito, at alam na ninyo ang ibig sabihin niyon.’ Sabi niya, ‘Paaandarin na namin ang mga makinang panggapas sa umaga, at maayos naman ang lahat. May kaunti pa kaming trigo sa kaban, at may nakatago pang kaunting suplay sa taon na ito. Hindi kami mamamatay sa gutom, at magkakaroon ng isa pang ani.’ Nang iwanan namin siya, sinabi ko sa asawa ko, ‘Kahanga-hanga ang lakas ng loob niya.’
“Nagbiyahe kami papunta sa Logan [isang lungsod sa Utah, mga 80 milya, o 130 kilometro, mula sa Bancroft]. Kasama namin ang aming mga anak, at tumigil kami sa Main Street at nagpunta sa isang grocery store para bumili ng kaunting cookies para sa mga bata. At sino pa ang makakasalubong ko sa bangketa kundi si Brother Yost. Sabi ko, ‘Aba, ano ang ginagawa mo rito?’ Sabi niya, ‘Brother Benson, araw ito ng pagpunta namin sa templo.’ At sabi ko, ‘Hindi ka pinanghihinaan ng mga pagsubok sa buhay, ha?’ Pagkatapos ay tinuruan niya ako ng isang aral. Sabi niya, ‘Brother Benson, kapag dumarating ang mga pagsubok mas kailangan nating magpunta sa templo.’”3
Pinasigla ng sariling pagtugon ni Pangulong Benson sa paghihirap ang mga taong nakakakilala sa kanya, tulad ng halimbawa ng iba pang mga Banal na nagpalakas sa kanya. Inilarawan ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol si Pangulong Benson bilang isang “maingat na tagamasid ng mga kaganapan, [na] laging may magandang pananaw at saya na makabubuting pagmasdan natin. Ang gayong magandang pananaw,” sabi ni Elder Maxwell, “ay hindi nagmumula sa pagbabalewala sa mga nangyayari sa paligid, kundi sa pagpansin sa mga ito at pagtanaw din sa mga pangakong may kinalaman sa kung paano mananaig ang kaharian sa bandang huli.”4
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Sa pananampalataya sa ating Ama sa Langit, maaari tayong magkaroon ng pag-asa sa hinaharap, magandang pananaw sa ating mga gawain sa kasalukuyan, at kapayapaan ng kalooban.
Lahat tayo ay magkakaroon ng mga kabiguan at paghina ng loob—bahagi iyan ng buhay. Ngunit kung mananampalataya tayo, ang ating mga problema ay magiging panandalian lamang at magtatagumpay tayo kapag tila nabibigo tayo. Maisasakatuparan ng ating Ama sa Langit ang mga himala sa pamamagitan ng bawat isa sa atin kung magtitiwala lang tayo sa Kanya.5
Malaking pagpapala ang magkaroon ng kapayapaan ng kalooban, ng katiyakan, ng diwa ng katiwasayan at kapanatagan ng kalooban sa mga panahon ng sigalutan at labanan, sa mga panahon ng kalungkutan at mga pagsubok. Nakasisiya sa kaluluwa ang malaman na ang Diyos ang namamahala, na nasasaisip Niya ang Kanyang mga anak, at na maaari natin Siyang lubos na pagkatiwalaan.6
Ang panalangin—taimtim na panalangin—ay maaaring maglapit sa atin sa Diyos, ang ating pinakadakilang mapagkukunan ng kapanatagan at payo. “Manalangin tuwina, nang ikaw ay magtagumpay.” (D at T 10:5.) “Paggamit ng lahat ng aking lakas upang tumawag sa Diyos na iligtas ako” ang paglalarawan ni Joseph Smith sa paraang ginamit niya sa Sagradong Kakayuhan para hindi siya puksain ng kaaway. (JS—K 1:16.)7
Kung wala tayong pananampalataya sa ating Ama sa Langit, hindi tayo magtatagumpay. Ang pananampalataya ay nagbibigay sa atin ng pananaw tungkol sa maaaring mangyari, pag-asa sa hinaharap, at magandang pananaw sa ating mga gawain sa kasalukuyan. Kapag may pananampalataya, hindi tayo nag-aalinlangan na magtatagumpay ang gawain sa bandang huli.8
Sa lahat ng tao, tayong mga Banal sa mga Huling Araw ang dapat magkaroon ng maganda at positibong pananaw. Sapagkat kahit alam natin na “ang kapayapaan ay aalisin sa mundo, at ang diyablo ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang sariling nasasakupan,” tiniyak din sa atin na “ang Panginoon ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang mga banal, at maghahari sa gitna nila.” (D at T 1:35–36.)
Sa katiyakan na mananatiling buo ang Simbahan at ang Diyos ang mamamahala pa rin dito sa darating na panahon ng kaligaligan, nagiging responsibilidad ng bawat isa sa atin na tiyakin na bawat isa ay nananatiling tapat sa Simbahan at sa mga turo nito. “Siya na mananatiling matatag at hindi madadaig, siya rin ay maliligtas.” (JS—M 1:11.)9
2
Ang kaligayahan ay kailangang pagsikapan araw-araw, at sulit ito.
Wala tayong dahilan talaga para mag-alala. Ipamuhay ang ebanghelyo, sundin ang mga kautusan. Manalangin gabi’t araw sa inyong tahanan. Patuloy na sundin ang mga pamantayan ng Simbahan. Sikaping mamuhay nang tahimik at masaya. … Ang kaligayahan ay kailangang pagsikapan araw-araw. At sulit ang lahat ng pagsisikap.10
Nang magkasakit nang malubha si George A. Smith, binisita siya ng kanyang pinsan na si Propetang Joseph Smith. Isinalaysay ng maysakit na lalaki: “Sinabi niya [ng Propeta] sa akin na hindi ako dapat mawalan ng pag-asa kailanman, anumang paghihirap ang pumalibot sa akin. Kung mahulog ako sa pinakamalalim na balon ng Nova Scotia at madaganan ako ng buong Rocky Mountains, hindi ako dapat mawalan ng pag-asa, kundi sa halip ay magtiis, manampalataya, at maglakas-loob, at dapat akong makalabas sa ibabaw ng bunton na nakadagan sa akin.” …
May mga pagkakataon na kailangan lang ninyong magtiis at manindigan laban sa diyablo hanggang sa lisanin kayo ng kanyang miserableng espiritu. Sabi nga ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith: “Ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali lamang;
“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas.” (D at T 121:7–8.)
Ang pagpapatuloy sa mararangal na adhikain, kahit labis ang kalungkutan ninyo, ay magpapasaya sa inyo kalaunan. Maging ang ating Panginoong Jesucristo, nang maharap sa pinakamatinding pagsubok nang pansamantala Siyang iwanang mag-isa ng ating Ama noong Siya ay ipako sa krus, ay patuloy na isinagawa ang kanyang gawain para sa mga anak ng tao, at hindi nagtagal ay niluwalhati siya at tumanggap ng lubos na kagalakan. Habang dumaranas kayo ng pagsubok, maaalala ninyo ang inyong nakaraang mga tagumpay at mabibilang ninyo ang mga pagpapalang napasainyo na may tiyak na pag-asang mas malalaking pagpapala ang kasunod nito kung kayo ay mananatiling tapat. At magkakaroon kayo ng tiyak na kaalaman na pagdating ng takdang panahon papahirin ng Diyos ang lahat ng luha at na “hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.” (1 Cor. 2:9.)11
Maging masayahin sa lahat ng ginagawa ninyo. Mabuhay nang may galak. Mabuhay nang maligaya. Mabuhay nang masigla, batid na ang Diyos ay hindi nananahan sa kalumbayan at kapanglawan, kundi sa liwanag at pagmamahal.12
3
Nais ng Ama sa Langit na lumigaya tayo, at pagpapalain Niya tayo kapag sinunod natin ang Kanyang kalooban para sa atin.
“Ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25). Nais ng Ama sa Langit na lumigaya tayo. Umaasa Siya na magiging maligaya tayo. Ngunit walang kaligayahan sa hindi lubos na pagsunod sa mga pamantayan. Walang kaligayahan kapag nabigo kang mamuhay ayon sa iyong mga paniniwala, ayon sa alam mong tama. Napakadaling makagawiang pababain ang mga pamantayan sa ilang bagay. Napakadaling makagawiang punahin ang kamalian ng iba, o mamintas, magkaroon ng mga pag-aalinlangan sa ating puso tungkol sa ilang bagay sa Simbahan. Napakadaling maghinanakit nang kaunti, at manatiling ganito, maging malungkot at ipakitang nalulumbay tayo. Walang taong malungkot na nagwagi sa digmaan o pag-ibig kailanman.13
Alam ba natin na ang kaligayahan dito sa mundo ngayon ay nakabatay sa malaya, may pagmamahal, at masayang pagkilala sa kalooban ng Diyos para sa atin—at pagsunod dito sa lahat ng paraan at sa lahat ng malalaki at maliliit na bagay? Ang mabuhay nang sakdal ay ang mabuhay nang maligaya. Ang mabuhay nang maligaya ay ang paglago ng espirituwal na lakas tungo sa kasakdalan. Bawat pagkilos na isinagawa alinsunod sa kalooban ng Diyos ay bahagi ng paglagong iyan. Huwag nating paghiwa-hiwalayin ang mga aspeto ng ating buhay. Pagkaisahin natin ang ating mga buhay, na di-pinahahalagahan ang pakunwaring mga papuri at katanyagang dumarating nang walang pahintulot ng Diyos. Alalahanin natin na ang tunay na pinagkukunan ng ating lakas at kaligayahan ay higit pa sa kayang maabot ng mga tao at sitwasyon.14
Kailangan nating muli’t muling matutuhan iyan sa pamamagitan ng pagtanggap sa ebanghelyo ng pagmamahal at pamumuhay ayon dito alinsunod sa turo ng Panginoon at sa pagsunod lamang sa Kanyang kalooban maglalaho ang ating kamangmangan at ang pagdududang gumagapos sa atin. Kailangan nating matutuhan ang simple at maluwalhating katotohanan para maranasan natin ang matatamis na kagalakan ng Espiritu ngayon at magpasawalang-hanggan. Kailangan nating kalimutan ang ating sarili sa pagsunod sa Kanyang kalooban. Kailangan nating unahin Siya sa ating buhay. Oo, dumarami ang ating mga pagpapala kapag ibinabahagi natin ang Kanyang pagmamahal sa ating kapwa.15
“Mga kapatid,” sabi ni Pablo, “datapuwa’t isang bagay ang ginagawa ko, na nililimot ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap,
“Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus.” (Fil. 3:13–14.)
Puspusin ang inyong isipan ng mithiing tularan ang Panginoon, at mawawala ang nagpapahirap na mga kaisipan habang sabik ninyong hinahangad na kilalanin siya at sundin ang kanyang kalooban. “Mangagkaroon kayo sa inyo ng [ganitong] pagiisip,” sabi ni Pablo. (Fil. 2:5.) “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip,” sabi ni Jesus. (D at T 6:36.) At ano ang magiging kasunod kung gagawin natin ito? “Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo.” (Isa. 26:3.)16
Hindi tayo mag-iisa kailanman kung mamumuhay tayo nang nararapat, dahil laging mapapasaatin ang ating Ama upang pagpalain tayo. Nais Niya tayong magtagumpay. Nais Niyang lumigaya tayo. Nais Niyang makamtan natin ang magagandang mithiing itinakda natin. Gagawin Niya ang Kanyang bahagi kung gagawin natin ang ating bahagi.17
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sa palagay ninyo bakit ang pananampalataya sa Diyos ay nagbibigay ng “pag-asa sa hinaharap, at magandang pananaw sa ating mga gawain sa kasalukuyan”? Alin kayang mga payo sa bahagi 1 ang ibabahagi ninyo sa isang taong nagnanais na mapayapa ang kalooban? Bakit ninyo pipiliin ang mga salitang iyon?
-
Habang nirerepaso ninyo ang bahagi 2, pagnilayan ang isang pagkakataon na kinailangan ninyong “magtiis” sa oras ng paghihirap. Isipin kung ano ang natamo ninyo sa karanasang iyon. Sa paanong paraan tayo tinutulungan ng Panginoon kapag handa tayong pagtiisan nang tapat ang mga pagsubok?
-
Ano ang ilang karanasang nakatulong sa inyo na malaman na nais ng Ama sa Langit na lumigaya at magtagumpay kayo? Sa palagay ninyo bakit “ang kaligayahan dito sa mundo ngayon ay nakabatay sa … pagkilala sa kalooban ng Diyos para sa atin”? (Tingnan sa bahagi 3.)
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Mateo 11:28–30; Juan 14:27; 16:33; Mga Taga Galacia 5:22; Mosias 2:41; Moroni 9:25–26; D at T 101:11–16
Tulong sa Pag-aaral
“Tingnan ang kabuuan, sa pamamagitan ng madaliang pagbabasa ng aklat, kabanata, o talata o pagrerebyu ng mga heading. Sikaping unawain ang kahulugan at background” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 26). Isiping basahin ang isang kabanata o talata nang mahigit sa isang beses para mas maunawaan ninyo ito. Kapag ginawa ninyo ito, maaari kayong makatuklas ng malalalim na kaalaman.