Pambungad
Ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay nagpasimula ng seryeng Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan para higit kayong mapalapit sa inyong Ama sa Langit at mapalalim ang inyong pag-unawa sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sa pagdaragdag ng Simbahan ng mga aklat sa seryeng ito, makakakolekta kayo ng mga reperensyang aklat ng ebanghelyo sa inyong tahanan. Ang mga aklat sa seryeng ito ay nilayong magamit sa personal na pag-aaral at sa pagtuturo sa araw ng Linggo. Matutulungan din kayo nitong maghanda ng iba pang mga aralin o mensahe at sagutin ang mga tanong tungkol sa doktrina ng Simbahan.
Tampok sa aklat na ito ang mga turo ni Pangulong Ezra Taft Benson, na naglingkod bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula Nobyembre 10, 1985, hanggang Mayo 30, 1994.
Personal na Pag-aaral
Habang pinag-aaralan ninyo ang mga turo ni Pangulong Ezra Taft Benson, mapanalanging hangarin ang inspirasyon ng Espiritu Santo. Ang mga tanong sa dulo ng bawat kabanata ay matutulungan kayong pagnilayan, maunawaan, at maipamuhay ang mga turo ni Pangulong Benson. Ang sumusunod na mga ideya ay maaari ding makatulong sa inyo:
-
Isulat ang mga kaisipan at damdaming dumarating sa inyo mula sa Espiritu Santo habang nag-aaral kayo.
-
Salungguhitan ang mga talatang gusto ninyong matandaan. Isiping isaulo ang mga talatang ito o isulat ang mga ito sa inyong mga banal na kasulatan sa tabi ng kaugnay na mga talata.
-
Basahin ang kabanata o talata nang mahigit isang beses para mas maunawaan ninyo ito.
-
Tanungin ang inyong sarili na gaya ng mga sumusunod: Paano nadaragdagan ng mga turo ni Pangulong Benson ang pagkaunawa ko sa mga alituntunin ng ebanghelyo? Ano ang gusto ng Panginoon na matutuhan ko mula sa mga turong ito?
-
Ibahagi ang natututuhan ninyo sa mga miyembro ng pamilya at mga kaibigan.
-
Itanong sa sarili kung paano kayo matutulungan ng mga turo sa aklat na ito sa inyong personal na mga pagsubok at alalahanin.
Pagtuturo mula sa Aklat na Ito
Ang aklat na ito ay nilayong gamitin sa tahanan at sa simbahan. Matutulungan kayo ng sumusunod na mga patnubay na magturo mula sa aklat.
Maghandang Magturo
Hangarin ang patnubay ng Espiritu Santo habang naghahanda kayong magturo. Mapanalanging pag-aralan ang nakatalagang kabanata upang magkaroon kayo ng kumpiyansa na nauunawaan ninyo ang mga turo ni Pangulong Benson. Makapagtuturo kayo nang mas lubos at mabisa kapag personal kayong naimpluwensyahan ng kanyang mga salita (tingnan sa D at T 11:21).
Kung nagtuturo kayo ng aralin sa Melchizedek Priesthood o Relief Society, hindi ninyo dapat isantabi ang aklat na ito o ihanda ang mga aralin mula sa iba pang mga materyal. Mapanalanging piliin mula sa kabanata ang mga turong sa pakiramdam ninyo ay makakatulong nang malaki sa mga tinuturuan ninyo. Ang ilang kabanata ay naglalaman ng mas maraming materyal kaysa kaya ninyong talakayin sa oras ng klase.
Hikayatin ang mga miyembro ng klase na pag-aralan ang kabanata bago ituro ang aralin at dalhin nila ang aklat. Kapag ginawa nila ito, magiging mas handa silang makilahok sa mga talakayan at patatagin ang isa’t isa.
Sa paghahanda ninyong magturo, higit na bigyang-pansin ang “Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo” sa dulo ng bawat kabanata. Sa ilalim ng heading na ito, makikita ninyo ang mga tanong, kaugnay na mga banal na kasulatan, at tulong sa pag-aaral o pagtuturo. Ang mga tanong at kaugnay na mga banal na kasulatan ay partikular na nakaugnay sa kabanata kung saan matatagpuan ang mga ito. Ang mga tulong sa pag-aaral at pagtuturo ay magagabayan kayo sa lahat ng pagsisikap ninyong matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo at matulungan ang iba na gawin din ang gayon.
Pasimulan ang Kabanata
Kapag sinimulan ninyo ang kabanata, at sa buong aralin, sikaping lumikha ng kapaligiran na maaantig ng Espiritu ang puso’t isipan ng inyong mga tinuturuan. Sa pagsisimula ng aralin, tulungan ang mga tinuturuan ninyo na magpokus sa mga itinuturo sa kabanata. Maaari ninyong gamitin ang isa o higit pa sa sumusunod na mga ideya:
-
Basahin at talakayin ang bahaging pinamagatang “Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson” sa simula ng kabanata.
-
Talakayin ang isang larawan o banal na kasulatan mula sa kabanata.
-
Sama-samang kantahin ang isang kaugnay na himno.
-
Ibahagi nang maikli ang isang personal na karanasan tungkol sa paksa.
Maghikayat ng Talakayan Tungkol sa mga Turo ni Pangulong Benson
Habang nagtuturo kayo mula sa aklat na ito, anyayahan ang iba na ibahagi ang kanilang iniisip, magtanong, at turuan ang isa’t isa. Kapag aktibo silang nakikibahagi, magiging mas handa silang matuto at tumanggap ng personal na paghahayag. Hayaang magpatuloy ang magagandang talakayan sa halip na sikaping talakayin ang lahat ng mga itinuturo. Para makahikayat ng talakayan, gamitin ang mga tanong sa dulo ng bawat kabanata. Maaari din kayong gumawa ng sarili ninyong mga tanong lalo na para sa mga tinuturuan ninyo.
Ang sumusunod na mga opsiyon ay maaaring magbigay sa inyo ng karagdagang mga ideya:
-
Ipabahagi sa mga miyembro ng klase ang natutuhan nila mula sa kanilang personal na pag-aaral ng kabanata. Maaaring makatulong na kumausap ng ilang miyembro ng klase sa loob ng linggong iyon at paghandain sila na ibahagi ang kanilang natutuhan.
-
Atasan ang mga miyembro ng klase na basahin ang mga piling tanong sa dulo ng kabanata (nang isa-isa o sa maliliit na grupo). Ipahanap sa kanila ang mga turo sa kabanata na may kaugnayan sa mga tanong. Pagkatapos ay ipabahagi sa kanila ang kanilang mga iniisip at ideya.
-
Sama-samang basahin ang ilan sa mga turo ni Pangulong Benson sa kabanata. Magpabahagi sa mga miyembro ng klase ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at mula sa sarili nilang karanasan na naglalarawan sa mga turong iyon.
-
Papiliin ng isang bahagi ang mga miyembro ng klase at ipabasa ito nang tahimik sa kanila. Anyayahan silang maggrupu-grupo sa dalawa o tatlong tao na magkakapareho ang bahaging pinili at talakayin nila ang kanilang natutuhan.
Maghikayat ng Pagbabahagi at Pagsasabuhay
Ang mga turo ni Pangulong Benson ay magiging lubos na makahulugan sa mga miyembro ng klase na nagbabahagi nito sa iba at ipinamumuhay ito. Maaari ninyong gamitin ang isa o higit pa sa sumusunod na mga ideya:
-
Tanungin ang mga miyembro ng klase kung paano nila magagamit ang mga turo ni Pangulong Benson sa kanilang mga responsibilidad sa tahanan at sa Simbahan. Halimbawa, matutulungan ninyo silang pagnilayan o talakayin kung paano nila maipamumuhay ang kanyang mga turo bilang asawa, magulang, anak, home teacher, o visiting teacher.
-
Hikayatin ang mga miyembro ng klase na ibahagi ang ilan sa mga turo ni Pangulong Benson sa pamilya at mga kaibigan.
-
Anyayahan ang mga miyembro ng klase na ipamuhay ang natutuhan nila at ibahagi ang kanilang mga karanasan sa simula ng susunod na klase.
Tapusin ang Talakayan
Ibuod nang maikli ang aralin o ipabuod ito sa isa o dalawang miyembro ng klase. Patotohanan ang mga turong natalakay ninyo. Maaari din ninyong ipabahagi sa iba ang kanilang patotoo.
Impormasyon Tungkol sa mga Pinagkunan ng mga Sinipi sa Aklat na Ito
Ang mga turo sa aklat na ito ay mga tuwirang sipi mula sa mga sermon, lathalain, aklat, at journal ni Pangulong Ezra Taft Benzon. Ang mga siping nagmula sa mga lathalain ay pinanatili sa orihinal na pagbabantas, pagbabaybay, pagpapalaki ng mga letra, at pagtatalata maliban kung kinailangan itong baguhin ng editor o itama ang maling baybay para mas madali itong basahin. Dahil dito, maaari kayong makapansin ng kaunting pagkakaiba-iba sa teksto. Halimbawa, ang mga panghalip na tumutukoy sa Diyos ay ginamitan ng maliliit na titik sa ilang sipi at malalaking titik naman sa iba.
Gayundin, madalas gamitin ni Pangulong Benson ang mga katagang tulad ng kalalakihan, lalaki, o sangkatuhan sa pagtukoy sa lahat ng tao, kapwa lalaki at babae. Madalas niyang gamitin ang mga panghalip na siya, niya, at kanya para tukuyin ang dalawang kasariang ito. Karaniwan ito sa wikang ginamit sa kanyang panahon. Sa kabila ng mga kaibhan ng paggamit sa makaluma at makabagong wika, angkop ang mga turo ni Pangulong Benson kapwa sa kababaihan at sa kalalakihan.