Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 6: Si Jesucristo, ang Ating Tagapagligtas at Manunubos


Kabanata 6

Si Jesucristo ang Ating Tagapagligtas at Manunubos

“Ipinapahayag natin ang kabanalan ni Jesucristo. Siya lamang ang tanging makapagliligtas sa atin.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

“Wala akong maalalang pagkakataon na hindi ako naniwala kay Jesucristo,” sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson. “Tila ang katotohanang Siya ay nabuhay, namatay, at nabuhay na mag-uli ay bahagi na ng buhay ko noon pa man. Pinalaki ako sa isang tahanan ng matatapat na magulang na taos-pusong naniwala at nagpatotoo kay Cristo, na siyang labis kong pinasasalamatan.”1

Ang patotoong ito kay Jesucristo ang pundasyon ng buhay ni Pangulong Benson. Hinubog nito ang kanyang mga priyoridad, ginabayan ang kanyang mga desisyon, at tinulungan siyang malagpasan ang mga pagsubok. Naglaan ito ng pananaw tungkol sa layunin ng mortalidad at tiwala sa mga pangako at pagpapala ng buhay na walang hanggan.

Sa paglilingkod niya bilang apostol at bilang natatanging saksi ni Jesucristo, madalas magbigay ng patotoo si Pangulong Benson tungkol sa Tagapagligtas. Batid na “kung minsan ay may nagtatanong ng, ‘Kristiyano ba ang mga Mormon?’” nagpatotoo siya:

“Ipinapahayag namin ang kabanalan ni Jesucristo. Umaasa kami sa Kanya bilang tanging pinagmumulan ng aming kaligtasan. Pinagsisikapan naming ipamuhay ang Kanyang mga turo, at inaasam namin ang panahon na muli Siyang darating dito sa lupa upang mamahala at maghari bilang Hari ng mga Hari at Panginoon ng mga Panginoon. Sa mga salita ng isang propeta sa Aklat ni Mormon, masasabi nating … , ‘Walang ibang pangalang ibinigay o anumang daan, o paraan kung saan ang kaligtasan ay mapapasa mga anak ng tao, tanging kay at sa pamamagitan lamang ng pangalan ni Cristo, ang Panginoong Makapangyarihan’ (Mosias 3:17).”2

Ang mga pahayag ni Pangulong Benson tungkol sa kabanalan ni Jesucristo ay madalas iugnay sa Aklat ni Mormon.3 “Sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon naglaan ang Diyos para sa ating panahon ng konkretong katibayan na si Jesus ang Cristo,” sabi niya.4 Itinuro Niya na ang “pangunahing misyon” ng Aklat ni Mormon ay hikayatin ang mga tao tungkol sa katotohanang ito.5 “Mahigit kalahati ng lahat ng talata sa Aklat ni Mormon ay patungkol sa ating Panginoon,” ang sabi niya. “Siya ay binigyan ng mahigit isandaang iba’t ibang pangalan sa Aklat ni Mormon. Ang mga pangalang iyon ay may partikular na kahalagahan sa paglalarawan ng Kanyang likas na kabanalan.”6

Ang patotoo ni Pangulong Benson tungkol sa Tagapagligtas ay naghayag ng pagiging malapit niya sa Kanya:

“Mahal ko Siya nang buong kaluluwa ko.

“Mapagpakumbaba kong pinatototohanan na Siya pa rin ang mapagmahal at mahabaging Panginoon ngayon tulad noong lakarin Niya ang maalikabok na mga lansangan ng Palestina. Malapit siya sa Kanyang mga lingkod na nasa daigdig na ito. May malasakit Siya at mahal Niya ang bawat isa sa atin ngayon. Makatitiyak kayo riyan.

“Buhay Siya ngayon bilang ating Panginoon, ating Guro, ating Tagapagligtas, ating Manunubos, at ating Diyos.

“Pagpalain tayong lahat ng Diyos na maniwala sa Kanya, na tanggapin Siya, sambahin Siya, lubos na magtiwala sa Kanya, at sundin Siya.”7

The resurrected Jesus Christ appearing to Mary Magdalene by the Garden Tomb.

“Walang ibang kaganapan na higit na mahalaga sa mga tao o bansa kaysa sa pagkabuhay na mag-uli ng Panginoon.”

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal sa atin, tinubos tayo ni Jesucristo mula sa pisikal at espirituwal na kamatayan.

Walang ibang impluwensya na nagkaroon ng napakalaking epekto sa daigdig na ito na tulad ng buhay ni Jesus ang Cristo. Hindi natin mawawari ang ating buhay kung wala ang Kanyang mga turo. Kung wala Siya malilito tayo sa mga maling paniniwala at relihiyon na likha ng takot at kadiliman kung saan may impluwensya ang mga bagay na mahalay at makamundo. Napakalayo natin sa mithiing itinakda Niya para sa atin, ngunit huwag nating alisin ang ating paningin doon, ni huwag nating kalimutan na ang ating paglalakbay tungo sa liwanag, tungo sa kasakdalan, ay hindi magiging posible kung hindi dahil sa Kanyang turo, Kanyang buhay, Kanyang kamatayan, at Kanyang pagkabuhay na mag-uli.8

Para magkaroon ng kahit kaunting pagpapahalaga at pasasalamat sa ginawa [ni Jesucristo] alang-alang sa atin, dapat nating tandaan ang mahahalagang katotohanang ito:

Pumarito sa lupa si Jesus upang gawin ang kalooban ng ating Ama.

Pumarito Siya na alam na noon pa man na papasanin Niya ang bigat ng mga kasalanan nating lahat.

Alam Niya na ipapako Siya sa krus.

Isinilang Siya upang maging Tagapagligtas at Manunubos ng buong sangkatauhan.

Nagawa Niyang isakatuparan ang Kanyang misyon dahil Siya ang Anak ng Diyos at taglay Niya ang kapangyarihan ng Diyos.

Handa Siyang isakatuparan ang Kanyang misyon dahil mahal Niya tayo.

Walang mortal na nilalang ang may kapangyarihan o kakayahang tubusin ang lahat ng iba pang mortal mula sa kanilang naligaw at nahulog na kalagayan, ni sinumang iba pa na kusang isasakripisyo ang kanyang buhay nang sa gayon ay maisakatuparan ang pagkabuhay na mag-uli ng lahat ng iba pang mortal.

Si Jesucristo lamang ang may kakayahan at kahandaang isakatuparan ang gayong nakatutubos na pagpapakita ng pagmamahal.9

Si Jesucristo … ay naparito sa daigdig na ito sa panahong itinakda noon pa man sa pamamagitan ng maharlikang pagsilang na nagprotekta sa Kanyang pagkadiyos. Kasama sa Kanyang likas na pagkatao ang mga katangian ng Kanyang mortal na ina at mga banal na katangian at kapangyarihan ng Kanyang Amang Walang Hanggan.

Dahil sa Kanyang kakaibang minanang katangian, Siya ang nagmana sa marangal na titulong—Ang Bugtong na Anak ng Diyos sa laman. Bilang Anak ng Diyos, minana Niya ang mga kapangyarihan at talinong hindi taglay ng sinumang tao noon. Siya ang literal na Emmanuel, na ibig sabihi’y “sumasa atin ang Dios.” (Tingnan sa Isa. 7:14; Mat. 1:23.)

Kahit Siya ang Anak ng Diyos na isinugo sa lupa, kinailangan sa banal na plano ng Ama na pagdaanan ni Jesus ang lahat ng hirap at pasakit ng mortalidad. Kaya’t dumanas Siya ng “mga tukso, … gutom, uhaw, at pagod.” (Mosias 3:7.)

Para marapat na maging Manunubos ng lahat ng anak ng ating Ama, kinailangan ni Jesus na maging lubos na masunurin sa lahat ng batas ng Diyos. Dahil nagpasakop Siya sa kalooban ng Ama, nagpatuloy Siya “nang biyaya sa biyaya, hanggang sa tanggapin niya ang kaganapan” ng kapangyarihan ng Ama. Sa gayo’y sumakanya ang “lahat ng kapangyarihan, maging sa langit at sa lupa.” (D at T 93:13, 17.)10

Dahil [si Jesus] ang Diyos—maging ang Anak ng Diyos—makakaya Niyang dalhin ang bigat at pasanin ng mga kasalanan ng ibang tao. Ipinropesiya ni Isaias [ang] kahandaan ng ating Tagapagligtas na gawin iyan sa mga salitang ito: “Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan; … siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, ang parusa ng tungkol sa ating kapayapaan ay nasa kaniya; at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.” (Isa. 53:4–5.)

Ang banal at di-makasariling boluntaryong pag-ako sa mga kasalanan ng lahat ng tao ay ang Pagbabayad-sala. Hindi kayang arukin o unawain ng mortal na tao kung paano nakayanan ng Isang Tao ang mga kasalanan ng lahat. Ngunit ito ang alam ko: Inako Niya mismo ang mga kasalanan ng lahat at ginawa iyon dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal para sa bawat isa sa atin. Sinabi niya: “Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi; … kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit.” (D at T 19:16, 18.)

Sa kabila ng napakasakit na pagsubok na iyon, kinuha Niya ang saro at nilagok ito. Pinagdusahan Niya ang mga pasakit ng lahat ng tao para hindi na tayo magdusa. Tiniis Niya ang paghamak at mga pang-iinsulto ng Kanyang mga taga-usig nang walang reklamo o paghihiganti. Tiniis Niya ang hagupit at saka ang kahihiyan ng malupit na pagpatay sa Kanya—ang krus.11

Sa Getsemani at sa Kalbaryo, isinagawa [ni Jesus] ang sukdulan at walang-hanggang pagbabayad-sala. Iyan ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal sa nakatalang kasaysayan. Pagkatapos ay sumunod ang Kanyang pagkamatay at pagkabuhay na mag-uli.

Dahil dito Siya ay naging ating Manunubos—tinutubos tayong lahat mula sa pisikal na kamatayan, at tinutubos mula sa espirituwal na kamatayan tayong mga susunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo.12

Maaaring hindi natin maunawaan ni maaarok kailanman sa buhay na ito kung paano Niya iyon isinagawa, ngunit kailangan nating maunawaan kung bakit Niya iyon ginawa.

Lahat ng ginawa Niya ay dahil sa Kanyang di-makasarili at sukdulang pagmamahal sa atin.13

Interior scene of the Last Supper.  Central figure, Jesus, wears a white robe with a cloth covering His head.  He holds a bowl in his right hand with is slightly raised.  To His left is a man in a red cap head turned and his hand covering his mouth.  In the shadows is a man in a dark robe and light head covering with his hand to his chin.  Next to him is a man with a curly dark hair with his hand to his chest.  Next to him is reclining man, older bearded with his hands to his chin.  Next to this figure are two men is shadow.  One with a dark beard sitting crossed legged with his hand in his lap;  the other barely visible.  Next is a man with a beard in a white robe, looking directly at Jesus.  The next man is lying on his stomach, wearing a white tunic with a blue over-robe.  He is bringing something to his mouth.  The next man has his back to the viewer, he has dark hair, a brown robe and a red shawl, he also wears a brown yarmulke.  Next is a man lying on his side in a green tunic with a blue sash.  He also wears a blue turban and lies on a striped blanket.  The next man has light hair and an off-white robe.  He reclines on his side and has an arm slightly raised.  The final man, is only visible in profile, wears a red robe.  He has dark hair and a beard.  Lower right corner reads, " Walter Rane '04" in red.

“Walang ibang nag-iisang impluwensya na nagkaroon ng napakalaking epekto sa daigdig na ito na tulad ng buhay ni Jesus ang Cristo.”

2

Lumabas si Jesucristo mula sa libingan, at Siya ngayon ay isang nabuhay na muling nilalang.

Ang mga pinakadakilang nangyari sa kasaysayan ay yaong may epekto sa pinakamaraming tao sa napakahabang panahon. Batay sa pamantayang ito, walang ibang kaganapang higit na mahalaga sa mga tao o bansa maliban sa pagkabuhay na mag-uli ng Panginoon.

Ang literal na pagkabuhay na mag-uli ng bawat kaluluwang nabuhay at namatay sa lupa ay tiyak, at dapat talagang paghandaang mabuti ng isang tao ang kaganapang ito. Ang maluwalhating pagkabuhay na mag-uli ay dapat mithiin ng bawat lalaki at babae, sapagkat mangyayari ito.

Walang ibang kaganapan na panlahatan maliban sa pagkabuhay na mag-uli. Lahat ng tao ay mabubuhay na mag-uli. “Sapagka’t kung paanong kay Adam ang lahat ay nangamamatay, gayon din naman kay Cristo ang lahat ay bubuhayin.” (1 Cor. 15:22.)

Sinasabi sa atin ng banal na kasulatan na noong ikatlong araw matapos ipako si Jesus sa krus ay nagkaroon ng malakas na lindol. Gumulong ang batong nakatakip sa pintuan ng Kanyang libingan. Nagpunta roon ang ilang babae, na kabilang sa pinakamatapat Niyang mga disipulo, na may dalang mga pabango “at hindi nila nangasumpungan ang bangkay ng Panginoong Jesus.”

Nagpakita ang mga anghel at sinabi lang na, “Bakit hinahanap ninyo ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon.” (Lucas 24:3–6.) Walang nakasulat sa kasaysayan na tutumbas sa nakaaantig na pahayag na iyon: “Wala siya rito, datapuwa’t nagbangon.”

Ang katunayan ng pagkabuhay na mag-uli ng ating Panginoon ay batay sa mga patotoo ng maraming kapani-paniwalang saksi. Nagpakita ang nagbangong Panginoon sa ilang babae, sa dalawang disipulo sa daan patungong Emaus, kay Pedro, sa mga Apostol; at “pagkatapos,” ayon kay Pablo, “napakita [siya] sa mahigit na limang daang kapatid na paminsan. … At sa kahulihulihan … ay napakita naman siya [kay Pablo].” (1 Cor. 15:6, 8.) …

Bilang isa sa Kanyang mga saksi sa mga huling araw, pinatototohanan ko na Siya ay buhay ngayon. Siya ay isang nabuhay na mag-uling Nilalang. Siya ang ating Tagapagligtas, ang mismong Anak ng Diyos. Pinatototohanan ko na Siya ay muling paparito bilang niluwalhati at nabuhay na mag-uling Panginoon natin. Malapit na ang araw na iyon. Sa lahat ng tumatanggap sa Kanya bilang Tagapagligtas at Panginoon, ang Kanyang literal na pagkabuhay na mag-uli ay nangangahulugan na ang buhay ay hindi nagwawakas sa kamatayan, sapagkat ipinangako Niya: “Sapagka’t ako’y nabubuhay, ay mangabubuhay rin naman kayo.” (Juan 14:19.)14

Siya lamang ang may kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli. Kaya nga noong ikatlong araw matapos Siyang ilibing, lumabas Siya mula sa libingan nang buhay at ipinakita ang Kanyang sarili sa marami. … Bilang isa sa tinawag na [Kanyang] natatanging mga saksi sa panahong ito, pinatototohanan ko sa inyo na Siya ay buhay. Mayroon Siyang nabuhay na mag-uling katawan. Walang ibang katotohanan na mas natitiyak o mas pinagtitiwalaan ko kaysa sa katotohanan na literal na nabuhay na mag-uli ang ating Panginoon.15

3

Kailangan tayong maging matatag sa ating patotoo tungkol kay Jesucristo.

Ang pinakamahalagang pagpapalang matatamo ng bawat miyembro ng Simbahan ay ang patotoo tungkol sa kabanalan ni Jesucristo at ng Kanyang simbahan. Ang patotoo ay isa sa iilang pag-aaring madadala natin kapag nilisan natin ang buhay na ito.

Ang magkaroon ng patotoo tungkol kay Jesus ay pagkakaroon ng kaalaman sa pamamagitan ng Espiritu Santo tungkol sa banal na misyon ni Jesucristo.

Ang patotoo tungkol kay Jesus ay ang malaman ang banal na katangian ng pagsilang ng ating Panginoon—na Siya nga ang Bugtong na Anak sa laman.

Ang patotoo tungkol kay Jesus ay ang malaman na Siya ang ipinangakong Mesiyas at habang nasa kalipunan Siya ng mga tao ay nagsagawa Siya ng maraming malalaking himala.

Ang patotoo tungkol kay Jesus ay ang malaman na ang mga batas na itinakda Niya bilang Kanyang doktrina ay totoo at dapat nating sundin ang mga batas at ordenansang ito.

Ang magtaglay ng patotoo tungkol kay Jesus ay ang malaman na kusa Niyang pinasan sa Kanyang sarili ang mga kasalanan ng buong sangkatauhan sa Halamanan ng Getsemani, na naging dahilan upang magdusa Siya kapwa sa katawan at espiritu at labasan ng dugo sa bawat butas ng katawan. Lahat ng ito ay ginawa Niya para hindi na tayo magdusa pa kung tayo’y magsisisi. (Tingnan sa D at T 19:16, 18.)

Ang magtaglay ng patotoo tungkol kay Jesus ay ang malaman na Siya ay tagumpay na nagbangon mula sa libingan na may pisikal at nabuhay na mag-uling katawan. At dahil Siya ay nabuhay, mabubuhay rin ang buong sangkatauhan.

Ang magtaglay ng patotoo tungkol kay Jesus ay ang malaman na tunay na nagpakita ang Diyos Ama at si Jesucristo kay Propetang Joseph Smith upang pasimulan ang bagong dispensasyon ng Kanyang ebanghelyo para maipangaral ang kaligtasan sa lahat ng bansa bago Siya dumating.

Ang magtaglay ng patotoo tungkol kay Jesus ay ang malaman na ang Simbahan, na Kanyang itinatag sa kalagitnaan ng panahon at ipinanumbalik sa makabagong panahon ay, tulad ng ipinahayag ng Panginoon, “ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng buong mundo.” (D at T 1:30.)

Mahalagang magkaroon ng gayong patotoo. Ngunit mas mahalagang maging matatag sa ating patotoo.

Ang patotoo tungkol kay Jesus ay nangangahulugan na tinatanggap natin ang banal na misyon ni Jesucristo, niyayakap ang Kanyang ebanghelyo, at ginagawa ang Kanyang mga gawain. Nangangahulugan din ito na tinatanggap natin ang misyon ni Joseph Smith bilang propeta at ng mga sumunod sa kanya at sinusunod natin ang kanilang payo. Sabi nga ng Panginoon, “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.” (D at T 1:38.)

Tinutukoy ang mga tao na kalaunan ay tatanggap ng mga pagpapala ng kahariang selestiyal, sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith:

“Sila ang mga yaong tumanggap ng patotoo ni Jesus, at naniwala sa kanyang pangalan at nabinyagan sa paraan ng kanyang pagkakalibing, na nalibing sa tubig sa kanyang pangalan, at ito ay alinsunod sa kautusan na kanyang ibinigay.” (D at T 76:51.)

May mga tao na matatatag sa kanilang patotoo tungkol kay Jesus, na, tulad ng ipinahayag ng Panginoon, “pinangibabawan ng pananampalataya, at ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako, na siyang ibinubuhos ng Ama sa lahat ng yaong matwid at totoo.” (D at T 76:53.)16

4

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay binubuo ng lubos na pag-asa sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga turo.

Ang pangunahing alituntunin ng ating relihiyon ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Bakit naaangkop na ituon natin ang ating tiwala, pag-asa, at pananalig sa iisang tao? Bakit napakahalaga ng pananampalataya sa Kanya sa kapayapaan ng isipan sa buhay na ito at pag-asa sa mundong darating?

Ang mga sagot natin sa mga tanong na ito ang nagpapasiya kung haharapin natin ang bukas nang may tapang, pag-asa, at positibong pananaw o nang may pangamba, pag-aalala, at negatibong pananaw.

Ito ang aking mensahe at patotoo: Tanging si Jesucristo ang karapat-dapat na maglaan ng pag-asa, tiwala, at lakas na iyan na kailangan natin upang madaig ang mundo at mga kahinaan natin bilang tao. Upang magawa ito, kailangan nating sumampalataya sa Kanya at ipamuhay ang Kanyang mga batas at turo. …

Ang pagsampalataya sa Kanya ay higit pa sa simpleng pagtanggap na Siya ay buhay. Higit pa ito sa pagpapahayag ng paniniwala.

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay binubuo ng ganap na pag-asa sa Kanya. Bilang Diyos, Siya ay may walang-katapusang kapangyarihan, katalinuhan, at pagmamahal. Walang problema ang tao na hindi Niya kayang lutasin. Dahil Siya ay nagpakababa-baba sa lahat ng bagay (tingnan sa D at T 122:8), alam Niya kung paano tayo tutulungan na makayanan ang ating mga paghihirap sa araw-araw.

Ang pagsampalataya sa Kanya ay nangangahulugang maniwala na kahit hindi natin maunawaan ang lahat ng bagay, nauunawaan Niya ang mga iyon. Samakatwid, kailangan nating umasa sa Kanya “sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.” (D at T 6:36.)

Ang pagsampalataya sa Kanya ay nangangahulugang magtiwala na Siya ang may lubos na kapangyarihan sa lahat ng tao at lahat ng bansa. Walang kasamaang hindi Niya mapipigilan. Lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. May karapatan Siyang pamahalaan ang daigdig na ito. Subalit tinutulutan Niya ang kasamaan para makapili tayo sa mabuti o masama.

Ang Kanyang ebanghelyo ang perpektong lunas sa lahat ng problema ng tao at kasamaan ng lipunan.

Ngunit may bisa lamang ang Kanyang ebanghelyo kapag ipinamuhay natin ito. Samakatwid, kailangan tayong “magpakabusog … sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.” (2 Ne. 32:3.)

Maliban kung sundin natin ang Kanyang mga turo, hindi natin maipapakita ang ating pananampalataya sa Kanya.

Isipin kung gaano maiiba ang mundong ito kung susundin ng buong sangkatauhan ang Kanyang sinabi: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo. … Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.” (Mat. 22:37, 39.)

Ano ngayon ang sagot sa tanong na “Ano ang kailangang gawin sa mga problema at suliraning kinakaharap ng mga tao, komunidad, at bansa ngayon?” Narito ang Kanyang simpleng lunas:

“Maniwala sa Diyos; maniwala na siya nga, at na siya ang lumikha ng lahat ng bagay, kapwa sa langit at sa lupa; maniwala na taglay niya ang lahat ng karunungan, at lahat ng kapangyarihan, kapwa sa langit at sa lupa; maniwalang hindi nauunawaan ng tao ang lahat ng bagay na nauunawaan ng Panginoon. …

“Maniwala na kayo ay kinakailangang magsisi ng inyong mga kasalanan at talikdan ang mga ito, at magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Diyos; at humingi nang taos sa puso nang kayo ay kanyang patawarin; at ngayon, kung kayo ay naniniwala sa lahat ng bagay na ito, tiyaking ito ay inyong gagawin.” (Mosias 4:9–10; idinagdag ang italics.)17

Christ (in white robes) walking along a seashore. He is beckoning to Peter and Andrew (who are on a fishing boat with other fishermen) to follow Him. The painting depicts Christ's calling of Peter and Andrew to follow Him as they would later be ordained as His Apostles.

“Magsisunod kayo sa aking hulihan” (Marcos 1:17).

5

Napakapalad at napakasaya natin kapag nagpunyagi tayong maging katulad ni Jesucristo.

Isa sa mga layunin ng buhay na ito ang subukin tayo upang malaman kung ating “gagawin ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa [atin] … ng Panginoon” nating Diyos. (Abr. 3:25.) Sa madaling salita, alamin natin ang kalooban ng Panginoon at gawin ito. Sundin natin ang halimbawa ni Jesucristo at tularan natin Siya.

Ang mahalagang tanong ng buhay ay nararapat maging kagaya ng sinabi ni Pablo: “[Panginoon, ano ang nais mong gawin ko]?” (Gawa 9:6.) …

Kailangan natin ng mas maraming lalaki at babae na nananalig kay Cristo na laging inaalala Siya, na susunod sa Kanyang mga utos na ibinigay Niya sa kanila. Ang pinakamalaking sukatan ng tagumpay ay ang makita kung gaano kalapit nating matutularan ang Kanyang halimbawa sa bawat sandali.18

Ang ilan … ay handang mamatay para sa kanilang pananampalataya, ngunit hindi sila handang ipamuhay iyon nang lubusan. Si Cristo ay kapwa nabuhay at namatay para sa atin. Sa pamamagitan ng Kanyang pagbabayad-sala at pagsunod sa Kanyang mga yapak, matatamo natin ang pinakadakilang kaloob sa lahat—ang buhay na walang hanggan, na siyang uri ng buhay ng dakilang Diyos na Walang Hanggan—na ating Ama sa Langit.

Itinanong ni Cristo, “Anong uri ng mga tao ba nararapat [tayo]?” Pagkatapos ay sumagot Siya na dapat tayong maging katulad Niya. (3 Ne. 27:27.)

Pinakadakila at pinakamapalad at pinakamasaya ang [taong] iyon na ang buhay ay napakalapit sa huwaran ni Cristo. Walang kinalaman ito sa kayamanang natamo sa mundo, kapangyarihan, o katanyagan. Ang tanging tunay na sukatan ng kadakilaan, kabanalan, at kagalakan ay kung gaano kalapit nating matutularan ang pamumuhay ng Panginoong Jesucristo. Siya ang tamang daan, lubos na katotohanan, at saganang buhay.

Ang dapat maging pinaka-palagian at paulit-ulit na tanong sa ating isipan, na umaantig sa bawat iniisip at ginagawa natin sa buhay, ay, “Panginoon, ano po ang nais ninyong gawin ko?” (Gawa 9:6.) Ang sagot sa tanong na iyan ay dumarating lamang sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo at ng Espiritu Santo. Mapalad ang mga namumuhay sa paraan na ang buong pagkatao nila ay puno ng dalawang ito. …

Kung iisipin natin ang lahat ng nagawa at ginagawa [ni Jesucristo], may maibibigay tayo sa Kanya bilang ganti.

Ang dakilang kaloob sa atin ni Cristo ay ang Kanyang buhay at sakripisyo. Hindi kaya iyan ang nararapat nating ipagkaloob sa Kanya—ang ating buhay at sakripisyo, hindi lamang ngayon kundi maging sa hinaharap?19

[Ang mga] inaakay ni Cristo ay magiging bahagi ni Cristo. … Ang kanilang kalooban ay nagpapasakop sa Kanyang kalooban. (Tingnan sa Juan 5:30.) Lagi nilang ginagawa ang mga bagay na nakalulugod sa Panginoon. (Tingnan sa Juan 8:29.) Hindi lamang sila handang mamatay para sa Panginoon, ngunit, ang mas mahalaga, nais nilang mabuhay para sa Kanya.

Pumasok sa kanilang tahanan, at ang mga larawang nakasabit sa kanilang mga dingding, mga aklat sa kanilang mga estante, musikang maririnig sa paligid, kanilang mga salita at kilos ay nagpapahayag na sila ay mga Kristiyano. Tumatayo sila bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon, at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar. (Tingnan sa Mosias 18:9.) Nasa isipan nila si Cristo, dahil umaasa sila sa Kanya sa bawat iniisip nila. (Tingnan sa D at T 6:36.) Nasa puso nila si Cristo dahil nasa Kanya ang kanilang pagmamahal magpakailanman. (Tingnan sa Alma 37:36.)

Halos linggu-linggo ay nakikibahagi sila ng sakramento at pinapatunayan muli sa kanilang Amang Walang Hanggan na handa silang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ng Kanyang Anak, lagi Siyang aalalahanin, at susundin ang Kanyang mga utos. (Tingnan sa Moro. 4:3.)

Sa mga salita sa Aklat ni Mormon, sila ay “[nagpapa]kabusog sa mga salita ni Cristo” (2 Ne. 32:3), “nangungusap … tungkol kay Cristo” (2 Ne. 25:26), “nagagalak … kay Cristo” (2 Ne. 25:26), “buhay … kay Cristo” (2 Ne. 25:25), at “nagpupuri sa [kanilang] Jesus” (tingnan sa 2 Ne. 33:6). Sa madaling salita, inuuna nila ang Panginoon at natagpuan ang buhay na walang hanggan. (Tingnan sa Lucas 17:33.)20

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Itinuro ni Pangulong Benson na kahit hindi natin lubos na nauunawaan kung paano isinagawa ng Tagapagligtas ang Pagbabayad-sala, nauunawaan natin kung bakit Niya iyon ginawa (tingnan sa bahagi 1). Sa paanong paraan naiimpluwensyahan ng pagkaunawang ito ang inyong buhay?

  • Sa pag-aaral ninyo ng bahagi 2, pag-isipan ang epekto ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas. Paano naiimpluwensyahan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ang inyong buhay?

  • Sa palagay ninyo bakit “pinakamahalagang pagpapala” ang patotoo tungkol kay Jesucristo? (Tingnan sa bahagi 3.) Ano ang kahulugan sa inyo ng maging magiting sa inyong patotoo sa Tagapagligtas?

  • Pagnilayan ang mga salita ni Pangulong Benson tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo (tingnan sa bahagi 4). Sa paanong paraan naging higit pa sa “simpleng pagtanggap na Siya ay buhay” ang paglalarawang ito tungkol sa pananampalataya kay Cristo?

  • Sinabi ni Pangulong Benson na ang mga taong “inaakay ni Cristo” ay handang “mamatay para sa Panginoon, ngunit, ang mas mahalaga, nais nilang mabuhay para sa Kanya” (bahagi 5) Ano ang kahulugan sa inyo ng mabuhay para sa Tagapagligtas?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Juan 10:17–18; 2 Nephi 9:20–24; 31:20–21; Mosias 16:6–11; 3 Nephi 27:20–22; Moroni 7:33; D at T 19:1–3, 16–19; 76:22–24; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:3

Tulong sa Pag-aaral

“Sa nadarama mong galak na dulot ng pagkaunawa sa ebanghelyo, gugustuhin mong ipamuhay ang natututuhan mo. Sikaping mamuhay ayon sa iyong natutuhan. Sa paggawa nito, mapapalakas ang iyong pananampalataya, kaalaman, at patotoo” (Mangaral ng Aking Ebanghelyo [2004], 21).

Mga Tala

  1. “The Meaning of Easter,” Ensign, Abr. 1992, 2.

  2. The Teachings of Ezra Taft Benson (1988), 10.

  3. Tingnan sa “Come unto Christ,” Ensign, Nob. 1987, 83–85; “I Testify,” Ensign, Nob. 1988, 86–87.

  4. “I Testify,” 86.

  5. “Come unto Christ,” 83; tingnan din sa “Born of God,” Ensign, Hulyo 1989, 2.

  6. “Come unto Christ,” 83.

  7. “Jesus Christ: Our Savior and Redeemer,” Ensign, Hunyo 1990, 6.

  8. “Life Is Eternal,” Ensign, Ago. 1991, 4.

  9. “Jesus Christ: Our Savior and Redeemer,” 4.

  10. “Jesus Christ: Our Savior and Redeemer,” 2.

  11. “Jesus Christ: Our Savior, Our God,” Ensign, Abr. 1991, 2, 4.

  12. “Keeping Christ in Christmas,” Ensign, Dis. 1993, 4.

  13. “Jesus Christ: Our Savior and Redeemer,” 4.

  14. “The Meaning of Easter,” 2, 4.

  15. “Jesus Christ: Our Savior, Our God,” 4.

  16. “Valiant in the Testimony of Jesus,” Ensign, Peb. 1987, 2.

  17. “Jesus Christ: Our Savior and Redeemer,” 2, 6.

  18. “In His Steps,” Ensign, Set. 1988, 5, 6.

  19. “Jesus Christ—Gifts and Expectations,” Ensign, Dis. 1988, 2, 4.

  20. “Born of God,” 4–5.