Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 8: Ang Kapangyarihan ng Salita


Kabanata 8

Ang Kapangyarihan ng Salita

“Ang salita ng Diyos, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng buhay na mga propeta, at sa personal na paghahayag, ay may kapangyarihang patatagin ang mga Banal at protektahan sila ng Espiritu upang mapaglabanan nila ang kasamaan, makapanangan sila sa mabuti, at magkaroon ng kagalakan sa buhay na ito.”

Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson

Noong naglilingkod si Pangulong Thomas S. Monson bilang Pangalawang Tagapayo ni Pangulong Ezra Taft Benson sa Unang Panguluhan, napuna niya: “Mabilis makaunawa si Pangulong Benson sa mga bagay na napapansin niya. Hindi niya kailangang pag-isipan nang matagal ang isang bagay bago siya makakuha ng inspirasyon ng Panginoon na pinapatnubayan siya sa isang desisyon. Dahil laganap ang Simbahan ngayon, sa buong mundo, at napakaraming bagay ang nakakaharap ng Unang Panguluhan, ang kakayahang ito na iproseso ang lahat ng impormasyon at unawain ang pinakamahalaga sa isyu ay mahalaga sa pangangasiwa sa gawain ng Simbahan.”1

Noong Abril 4, 1986, kaugnay ng kanyang unang pangkalahatang kumperensya bilang Pangulo ng Simbahan, nangulo si Pangulong Benson sa isang espesyal na miting para sa mga lider ng priesthood. Nakita ng dumalong mga kapatid ang kanyang kakayahang “iproseso ang lahat ng impormasyon at unawain ang pinakamahalagang detalye ng isyu.” Nang magsalita siya sa kongregasyon, binanggit niya ang marami sa mga hamong nakaharap ng mga Banal sa mga Huling Araw—tulad ng tukso, mga paghihirap ng pamilya, at mga problema sa pagsunod sa mga kautusan at pagtupad sa mga tungkulin sa Simbahan—at ibinahagi niya ang nakita niyang solusyon sa mga hamong ito.

Bahagi lang ng kanyang mensahe ang ibinigay ni Pangulong Benson sa priesthood leadership meeting na iyon, kaya hiniling niyang isama ang buong mensahe sa isyu ng kumperensya sa mga magasin ng Simbahan. Nasa kabanatang ito ang buong mensaheng iyon. Bagama’t iniukol ni Pangulong Benson ang kanyang mensahe sa mga lider ng priesthood, nagturo siya ng mga alituntuning angkop sa lahat ng miyembro ng Simbahan.

Mga Turo ni Ezra Taft Benson

1

Kapag nahaharap tayo sa malaking pagsubok ng ating panahon, kailangan nating kumapit nang mahigpit sa salita ng Diyos.

Mahal kong mga kapatid, nakatutuwang tingnan ang grupong ito ng mga lider ng priesthood at malaman kung ilang libong mga Banal ang pinaglilingkuran ninyo at gaano kasigasig at katapat kayong lahat! Wala nang iba pang grupo saanman sa mundo ngayon na tumutugon sa mabuting layuning ito na tulad ng grupong ito, ni may iba pang grupo—sa pulitika, relihiyon o militar—na mayhawak ng kapangyarihang taglay ninyo, kayong naririto ngayong gabi.

Nabubuhay tayo sa panahong puno ng malalaking pagsubok. Nabubuhay tayo sa panahong binanggit ng Panginoon nang sabihin niyang, “Ang kapayapaan ay aalisin sa mundo, at ang diyablo ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang sariling nasasakupan.” (D at T 1:35.) Nabubuhay tayo sa panahong iyon na nakinita ni Juan na Tagapaghayag na “nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang bumaka sa nalabi sa kanyang binhi, na siyang nagsisitupad sa mga utos ng Dios, at mga may patotoo ni Jesus.” (Apoc. 12:17.) Ang dragon ay si Satanas; ang babae ay kumakatawan sa Simbahan ni Jesucristo. Kinakalaban ni Satanas ang mga miyembro ng Simbahan na may patotoo at nagsisikap na sundin ang mga kautusan. At kahit marami sa ating mga miyembro ang nananatiling tapat at matatag, ang ilan ay nag-aalangan. Ang ilan ay natatangay. Ang ilan ay tinutupad ang propesiya ni Juan na sa pakikidigma kay Satanas, madaraig ang ilang Banal. (Tingnan sa Apoc. 13:7.)

Nakita rin ng propetang si Lehi ang ating panahon sa kanyang dakilang pangitain tungkol sa punongkahoy ng buhay. Nakita niya na maraming tao ang maliligaw sa abu-abo ng kadiliman na bumubulag sa mga mata, na sagisag ng mga tukso ng diyablo. (Tingnan sa 1 Ne. 12:17.) Nakita niyang naligaw ang ilan “sa mga ipinagbabawal na landas,” ang iba ay nangalunod sa maruruming ilog, at ang iba naman ay nagpagala-gala sa “mga di-kilalang daan.” (1 Ne. 8:28, 32.) Kapag nakakabasa tayo tungkol sa kumakalat na sumpa ng mga droga, o tungkol sa kasamaan ng laganap na pornograpiya at imoralidad, nagdududa ba ang sinuman sa atin kung ito nga ang mga ipinagbabawal na landas at maruruming ilog na inilarawan ni Lehi?

Hindi lahat ng nakita ni Lehi na nasawi ay makamundo. Ang ilan ay lumapit sa puno at kumain ng bunga. Sa madaling salita, kasama ang ilang miyembro ng Simbahan ngayon sa mga kaluluwang nakita ni Lehi na naligaw ng landas.

Nakita rin ni Apostol Pablo ang ating panahon. Inilarawan niya ito bilang isang panahon kung saan lalaganap ang mga bagay na tulad ng paglapastangan sa Diyos, pagsisinungaling, kalupitan, pakunwaring pagmamahal, kayabangan, at paghahanap ng kasiyahan. (Tingnan sa 2 Tim. 3:1–7.) Nagbabala rin siya na “ang masasamang tao at mga magdaraya ay lalong sasama [na]ng sasama, na mangagdadaya, at sila rin ang mangadadaya.” (2 Tim. 3:13.)

Ang gayon nakakakilabot na pagbabadya ng sinaunang mga propeta ay magdudulot sana ng malaking takot at paghina ng loob kung ang mga propeta ring iyon, kasabay niyon, ay hindi nagbigay ng solusyon. Sa kanilang inspiradong payo makikita natin ang sagot sa mga panganib sa ating espirituwalidad na nasa ating panahon.

Sa kanyang panaginip, nakita ni Lehi ang isang gabay na bakal na gumagaygay sa abu-abo ng kadiliman. Nakita niya na kung kakapit nang mahigpit ang mga tao sa gabay na bakal na iyon, hindi sila mahuhulog sa maruruming ilog, lalayo sa mga ipinagbabawal na landas, titigil sa paggala sa di-kilalang mga daan na patungo sa kapahamakan. Kalauna’y malinaw na ipinaliwanag ng anak niyang si Nephi ang simbolismo ng gabay na bakal. Nang magtanong sina Laman at Lemuel, “Ano ang kahulugan ng gabay na bakal?” Sagot ni Nephi, “Ito ang salita ng Diyos; at [tandaan ang pangakong ito] sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, kailanman sila ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila tungo sa pagkabulag, upang akayin sila sa pagkalipol.” (1 Ne. 15:23–24; idinagdag ang italics.) Hindi lamang tayo aakayin ng salita ng Diyos sa bungang kanais-nais sa lahat, kundi sa salita ng Diyos at sa pamamagitan nito matatagpuan natin ang lakas na labanan ang tukso, lakas na hadlangan ang gawain ni Satanas at ng kanyang mga kampon.

Ang mensahe ni Pablo ay katulad ng kay Lehi. Matapos ipakita ang kakila-kilabot na kasamaan sa hinaharap—hinaharap para sa kanya, ngunit kasalukuyan para sa atin!—ganito ang sabi niya kay Timoteo: “Datapuwa’t manatili ka sa mga bagay na iyong pinagaralan. …

“Mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan, na makapagpadunong sa iyo sa ikaliligtas.” (2 Tim. 3:14–15; idinagdag ang italics.)

Mahal kong mga kapatid, ito ang sagot sa malaking pagsubok ng ating panahon. Ang salita ng Diyos, na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, sa mga salita ng buhay na mga propeta, at sa personal na paghahayag, ay may kapangyarihang patatagin ang mga Banal at protektahan sila ng Espiritu upang mapaglabanan nila ang kasamaan, makapanangan sila sa mabuti, at magkaroon ng kagalakan sa buhay na ito.2

President Ezra Taft Benson speaking at a pulpit.

Madalas patotohanan ni Pangulong Ezra Taft Benson ang kapangyarihan ng salita ng Diyos.

2

Kapag itinuon ng mga miyembro at pamilya ang kanilang sarili sa mga banal na kasulatan, kusang darating ang iba pang mga aspeto ng aktibidad sa Simbahan.

Ngayo’y sinasabi namin sa inyo na mga lider ng priesthood, alamin ang payo ng mga propetang sina Lehi at Pablo at iba pang tulad nila. Sa payo na iyon matatagpuan ninyo ang solusyon sa mga pagsubok na kinakaharap ninyo para mapanatiling ligtas ang inyong mga kawan mula sa “mga lobong maninila” na nakapaligid sa kanila. (Tingnan sa Mat. 7:15; Gawa 20:29.) Alam namin na kayo man ay lubhang nag-aalala para sa mga miyembro ng inyong mga ward at stake at gumugugol ng maraming oras at pagsisikap alang-alang sa kanila. Marami kaming ipinagagawa sa inyo na napiling mamuno. Marami kaming ipinapasan sa inyong mga balikat. Inutusan kayong isagawa ang mga programa ng Simbahan, interbyuhin at payuhan ang mga miyembro, tiyaking maayos ang pangangasiwa sa pananalapi ng mga stake at ward, pamahalaan ang mga proyektong pangkapakanan, magtayo ng mga gusali, at maging abala sa maraming iba pang mga aktibidad na nakakaubos ng oras.

Bagama’t wala sa mga aktibidad na iyon ang maaaring balewalain at isantabi, hindi iyon ang pinakamahalagang magagawa ninyo para sa mga pinaglilingkuran ninyo. Nitong nakaraang mga taon, paulit-ulit namin kayong pinayuhan na ang ilang aktibidad ay nagdudulot ng mas malaking espirituwal na kapakinabangan kaysa sa iba. Noon pang 1970, sinabi ni Pangulong Harold B. Lee sa mga regional representative:

“Kumbinsido kami na ang ating mga miyembro ay gutom sa dalisay na ebanghelyo, pati na sa saganang katotohanan at mga kaalamang naroon. … May mga tao na tila nalimutan na, na ang pinakamakapangyarihang mga sandatang ibinigay sa atin ng Panginoon laban sa lahat ng kasamaan ay ang Kanyang sariling mga pahayag, ang mga simpleng doktrina ng kaligtasan na matatagpuan sa mga banal na kasulatan.” (Sa Regional Representatives’ Seminar, 1 Okt. 1970, p. 6.)

An African family seated in front of a sofa in their living room.  They are reading the scriptures.  Taken in Ghana, West Africa.

Dumarating ang malalaking pagpapala “kapag itinuon ng mga miyembro at pamilya ang kanilang sarili sa mga banal na kasulatan.”

Sa mensahe ng Unang Panguluhan noong 1976, sinabi ng Pangulo [Spencer W. Kimball]:

“Kumbinsido ako na bawat isa sa atin, sa isang punto ng ating buhay, ay kailangang tuklasin ang mga banal na kasulatan—at hindi lamang minsan tuklasin, kundi paulit-ulit itong tuklasin.” …

“Hindi nagbibiro ang Panginoon kapag ibinibigay niya sa atin ang mga bagay na ito, sapagkat ‘sa sinomang pinagkatiwalaan ng marami ay lalo nang marami ang hihingin sa kaniya.’ (Lucas 12:48.) Ang pagkakaroon ng mga bagay ito ay may kaakibat na pananagutan. Kailangan nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan ayon sa utos ng Panginoon (tingnan sa 3 Ne. 23:1–5); at hayaan nating gabayan nito ang ating buhay.” (Ensign, Set. 1976, mga pahina 4–5.)

Noong Abril 1982, nagsalita si Elder Bruce R. McConkie sa mga regional representative na dapat nating unahin ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Sabi niya: “Nakatali tayong masyado sa mga programa at estadistika at kalakaran, sa mga ari-arian, lupain at kayamanan, at sa pagkakamit ng mga mithiing magtatampok sa kahusayan ng ating trabaho, kaya’t ‘nakakaligtaan nating gawin ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan.’ … Gaano man katalino ang mga tao tungkol sa pangangasiwa; gaano man sila kahusay magpahayag ng kanilang mga pananaw; gaano man karami ang kanilang natamong kaalaman sa mundo—hindi mapapasakanila ang magigiliw na bulong ng Espiritu na napasakanila sana kung kanilang pinag-aralan, pinagnilayan, at ipinagdasal ang mga banal na kasulatan.” (Sa Regional Representatives’ Seminar, 2 Abr. 1982, mga pahina 1–2.)

Noong araw ding iyon, nagsalita si Elder Boyd K. Packer sa mga stake president at regional representative. Sabi niya: “Ang mga gusali at badyet, at mga ulat at programa at pamamaraan ay napakahalaga. Ngunit wala sa mga ito ang mahalagang espirituwal na pangangalaga at hindi nito magagawa ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon. … Ang mga tamang bagay, ang may tunay na espirituwal na pangangalaga, ay nasa mga banal na kasulatan.” (Sa Meeting with Stake Presidents and Regional Representatives, 2 Abr. 1982, mga pahina 1–2.)

Idinaragdag ko ang aking tinig sa matatalino at inspiradong mga kapatid na ito at sinasabi ko sa inyo na ang isa sa pinakamahahalagang bagay na magagawa ninyo bilang mga lider ng priesthood ay ituon ang inyong sarili sa mga banal na kasulatan. Masigasig na saliksikin ang mga ito. Magpakabusog sa mga salita ni Cristo. Pag-aralan ang doktrina. Alamin ang mga alituntuning naroon. May ilan pang gawaing magdudulot ng mas malalaking pakinabang sa inyong tungkulin. May ilan pang paraan para magtamo ng higit na inspirasyon habang naglilingkod kayo.

Ngunit mahalaga man ito, hindi iyan sapat. Kailangan din ninyong iorganisa ang inyong mga gawain at aktibidad para magkaroon ng makabuluhang pag-aaral ng banal na kasulatan sa mga miyembro ng Simbahan. Kadalasan ay sinisikap nating pagandahin ang aktibidad sa ating mga stake. Masigasig tayong gumagawa upang paramihin ang mga dumadalo sa mga sacrament meeting. Sinisikap nating paramihin ang ating mga kabataang lalaki na pupunta sa misyon. Sinisikap nating palakihin ang bilang ng mga ikinakasal sa templo. Lahat ng ito ay kapuri-puring mga pagsisikap at mahalaga sa paglago ng kaharian. Ngunit kapag itinuon ng mga miyembro at pamilya ang kanilang sarili sa mga banal na kasulatan nang regular at palagian, kusang darating ang iba pang aspetong ito ng aktibidad. Lalago ang mga patotoo. Magiging mas tapat ang pangako. Mapapatatag ang mga pamilya. Dadaloy ang personal na paghahayag.3

3

Kapag pinag-aralan natin ang salita ng Diyos, tatanggap tayo ng patnubay sa buhay araw-araw, paghihilom ng kaluluwa, at lakas na maiwasan ang panlilinlang at malabanan ang tukso.

Sinabi ni Propetang Joseph Smith na “ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, at ang saligang bato ng ating relihiyon, at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.” (Aklat ni Mormon, Pambungad, idinagdag ang italics.) Hindi nga ba’t iyan ang nais natin para sa mga miyembro ng ating mga ward at stake? Hindi ba’t hangad nating mas mapalapit pa sila sa Diyos? Kung gayon ay hikayatin sila sa lahat ng posibleng paraan upang maituon ang kanilang sarili sa kamangha-manghang patotoong ito sa mga huling araw tungkol kay Cristo.

Kailangan ninyong tulungan ang mga Banal na maunawaan na ang pag-aaral at pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan ay hindi isang pasaning ibinigay sa kanila ng Panginoon, kundi isang kamangha-manghang pagpapala at oportunidad. Tandaan ang sinabi mismo ng Panginoon tungkol sa mga kabutihang dulot ng pag-aaral ng Kanyang salita. Sa dakilang propeta at lider na si Josue, sinabi Niya:

“Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, kundi iyong pagbubulayan araw at gabi, upang iyong masunod na gawin ang ayon sa lahat na nakasulat dito: sapagka’t kung magkagayo’y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at kung magkagayo’y magtatamo ka ng mabuting kawakasan.” (Josue 1:8; idinagdag ang italics.)

Hindi nangako ang Panginoon kay Josue ng materyal na kayamanan at katanyagan, kundi ng pag-unlad sa kabutihan ng kanyang buhay at pagtatagumpay sa pinakamahalagang bagay sa buhay, iyon ay ang pagkakaroon ng tunay na kagalakan. (Tingnan sa 2 Ne. 2:25.)

May mga miyembro ba kayo sa inyong stake na ang buhay ay winasak ng kasalanan o trahedya, at nawalan ng pag-asa? Hinangad na ba ninyo na tumulong at paghilumin sa ilang kaparaanan ang kanilang mga sugat, paginhawahin ang naliligalig nilang kaluluwa? Ibinigay ito mismo ng propetang si Jacob sa napakagandang pangakong ito: “Nagtungo sila rito upang makinig sa kasiya-siyang salita ng Diyos, oo, ang salitang humihilom sa sugatang kaluluwa.” (Jacob 2:8; idinagdag ang italics.)

Ngayon ang mundo ay puno ng nakatutukso at kaakit-akit na mga ideyang maaaring mag-udyok maging sa pinakamabait nating mga miyembro na gumawa ng kamalian at pandaraya. Ang mga estudyante sa mga unibersidad kung minsan ay punung-puno ng mga doktrina ng mundo sa puntong nagdududa na sila sa mga doktrina ng ebanghelyo. Bilang lider ng priesthood, paano ninyo tutulungan ang inyong mga miyembro na labanan ang gayong nakalilinlang na mga turo? Sinagot ito ng Tagapagligtas sa Kanyang dakilang pangangaral sa Bundok ng mga Olivo nang ipangako Niya, “At sinuman ang magpahalaga sa aking salita ay hindi malilinlang.” (JS—M 1:37; idinagdag ang italics.)

Ang mga banal na kasulatan ay puno ng gayon ding mga pangako tungkol sa kahalagahan ng salita. May mga miyembro ba kayo na umaasam na mapatnubayan at magabayan sa kanilang buhay? Sabi sa atin ng Mang-aawit, “Ang salita mo’y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas” (Awit 119:105), at nangako si Nephi na ang pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo ay “magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin.” (2 Ne. 32:3.)

May mga miyembro ba sa inyong kawan na lubog sa kasalanan at kailangang iahon ang kanilang sarili? Ang pangako ni Helaman ay para sa kanila: “Oo, nakikita natin na sinuman ang magnanais ay makayayakap sa salita ng Diyos, na buhay at makapangyarihan, na maghahati-hati sa lahat ng katusuhan, at mga patibong at panlilinlang ng diyablo.” (Hel. 3:29.)

Tagumpay sa kabutihan, lakas na maiwasan ang panlilinlang at malabanan ang tukso, patnubay sa buhay araw-araw, paghihilom ng kaluluwa—ilan lamang ito sa mga pangako ng Panginoon sa mga susunod sa Kanyang salita. Nangangako ba ang Panginoon at hindi tumutupad? Siguradong kung sasabihin Niya sa atin na ang mga bagay na ito ay darating sa atin kung manananganan tayo sa Kanyang salita, mapapasaatin ang mga pagpapala. At kung hindi natin gagawin ito, maaaring mawala ang mga pagpapala. Gaano man tayo kasigasig sa ibang mga aspeto, may ilang pagpapalang matatagpuan lamang sa mga banal na kasulatan, tanging sa paglapit sa salita ng Panginoon at pagkapit nang mahigpit dito sa pagdaan natin sa mga abu-abo ng kadiliman hanggang makarating sa punongkahoy ng buhay.4

4

Ang salita ng Panginoon ay isang mahalagang kaloob, at hindi natin ito dapat balewalain.

At kung babalewalain natin ang ibinigay sa atin ng Panginoon, maaaring mawala sa atin ang mismong kapangyarihan at mga pagpapalang hangad natin. Sa mahigpit na babala sa mga sinaunang Banal, ganito ang sabi ng Panginoon tungkol sa Aklat ni Mormon: “Ang inyong mga isipan sa mga nakaraang panahon ay naging madilim dahil sa kawalan ng paniniwala, at sapagkat inyong pinawalang-kabuluhan ang mga bagay na inyong tinanggap—

“Kung aling kawalang-kabuluhan at kawalan ng paniniwala ay nagdala sa buong simbahan sa ilalim ng kaparusahan.

“At ang kaparusahan na ito ay nasa sa mga anak ng Sion, maging sa lahat.

“At sila ay mananatili sa ilalim ng kaparusahang ito hanggang sa sila ay magsisi at kanilang alalahanin ang bagong tipan, maging ang Aklat ni Mormon.” (D at T 84:54–57.)

Mga kapatid, huwag nating balewalain ang mga dakilang bagay na natanggap natin mula sa kamay ng Panginoon! Ang Kanyang salita ay isa sa mga pinakamahalagang kaloob na ibinigay Niya sa atin. Nakikiusap ako na muli kayong mangako na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Ituon ang inyong sarili sa mga ito araw-araw upang mapasainyo ang kapangyarihan ng Espiritu na tutulong sa inyong mga tungkulin. Basahin ang mga ito sa inyong pamilya at ituro sa inyong mga anak na mahalin at pahalagahan ito. At sa pagdarasal at pagsangguni sa iba, hanapin ang lahat ng posibleng paraan para mahikayat ang mga miyembro ng Simbahan na tularan ang inyong halimbawa. Kung gagawin ninyo ito, malalaman ninyo, tulad ni Alma, na “[a]ng salita ay may lakas na umakay sa mga tao na gawin yaong matwid—oo, may higit itong malakas na bisa sa isipan ng mga tao kaysa sa espada, o ano pa mang bagay, na nangyari na sa kanila.” (Alma 31:5.)

Tulad ni Alma, sinasabi ko sa inyo, “Kapaki-pakinabang na subukan [ninyo] ang bisa ng salita ng Diyos” (Alma 31:5).5

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Isipin kung ano ang sinabi ni Pangulong Benson na “sagot sa malaking pagsubok ng ating panahon” (bahagi 1). Sa paanong paraan tayo matutulungan ng sagot na ito na tugunan ang mga pagsubok na kinakaharap natin?

  • Repasuhin ang mga resultang sinabi ni Pangulong Benson “kapag itinuon ng mga miyembro at pamilya ang kanilang sarili sa mga banal na kasulatan nang regular at palagian” (bahagi 2). Sa palagay ninyo bakit humahantong sa gayong mga resulta ang pag-aaral ng banal na kasulatan?

  • Sinabi ni Pangulong Benson na ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay isang pagpapala, hindi isang pasanin (tingnan sa bahagi 3). Ano ang mga pagpapalang dumating na sa inyo ng inyong pamilya dahil sa pag-aaral ng banal na kasulatan? Anong payo ang maibibigay ninyo sa isang tao na nadarama na pasanin ang pag-aaral ng banal na kasulatan?

  • Ano ang ilang panganib ng pagbabalewala sa salita ng Diyos? (Tingnan sa bahagi 4.) Ano ang ilang bagay na magagawa natin upang higit nating mapahalagahan ang salita ng Diyos?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Mga Gawa 17:11; II Kay Timoteo 3:16–17; 1 Nephi 19:23–24; Alma 32:21–43; D at T 18:33–36; 21:4–6; 68:1–4

Tulong sa Pag-aaral

“Natuklasan ng marami na ang pinakamagandang oras ng pag-aaral ay sa umaga matapos magpahinga sa gabi. … Ang iba ay mas gustong mag-aral sa tahimik na mga oras pagkatapos ng trabaho at mga alalahanin sa buong maghapon. … Marahil ang mas mahalaga kaysa sa oras sa maghapon ay ang magtakda ng regular na oras para mag-aral” (Howard W. Hunter, “Reading the Scriptures,” Ensign, Nob. 1979, 64).

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, sa Sheri L. Dew, Ezra Taft Benson: A Biography (1987), 487–88.

  2. “The Power of the Word,” Ensign, Mayo 1986, 79–80.

  3. “The Power of the Word,” 80–81.

  4. “The Power of the Word,” 81–82.

  5. “The Power of the Word,” 82.