Kabanata 2
Manalangin Tuwina
“Mapagpakumbaba kong hinihimok ang lahat … na manatiling malapit sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin.”
Mula sa Buhay ni Ezra Taft Benson
“Sa buong buhay ko ang payo na umasa sa panalangin ang pinakamahalaga na yata sa lahat ng payong natanggap ko,” sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson. “Naging bahagi na ito ng aking pagkatao, isang angkla, na pinaghuhugutan palagi ng lakas, at ang batayan ng kaalaman ko sa mga bagay na banal.
“‘Tandaan mo na anuman ang gawin mo o saanman ka man naroon, hinding-hindi ka nag-iisa’ ang pamilyar na payo sa akin ng aking ama noong bata pa ako. ‘Ang ating Ama sa Langit ay laging nariyan lang. Makakahiling kayo at matatanggap ninyo ang Kanyang tulong sa pamamagitan ng panalangin.’ Nalaman ko na ang payong ito ay totoo. Salamat sa Diyos at makakahiling tayo at makakaasa sa di-nakikitang kapangyarihang iyon, na kung wala ay hindi magagawa ng sinumang tao ang lahat ng kanyang magagawa.”1
Sinunod ni Pangulong Benson ang payong ito sa bawat aspeto ng kanyang buhay. Nang mahirang siya bilang secretary of agriculture ng Estados Unidos, pumili siya “nang may panalangin at buong pag-iingat” ng isang grupo ng kalalakihang tutulong sa kanya, “na hinihiling sa Diyos na bigyan [siya] ng kakayahang makahiwatig.”2 Sa una nilang miting, nagtanong siya “kung may tutol na simulan ang kanilang mga miting sa panalangin. Walang tumutol. Kaya nga nasimulan ang gawaing ito na ipinagpatuloy [niya] nang walong taon. Inanyayahan niya ang bawat tauhan na magsalitan sa pag-aalay ng pambungad na panalangin.”3 Pinahalagahan ng kanyang mga kasamahan ang gawaing ito, kahit hindi sila komportable rito noong una. Inamin ng isang tauhan kalaunan na hindi pa nakapagdasal nang malakas ang ilan sa kalalakihan simula noong bata sila. “Mali-mali at nangapa kami ng aming sasabihin,” wika niya. “Ngunit hindi ipinahalata ni Boss [Pangulong Benson] kailanman na napansin niya ito. At pagkaraan ng ilang pagdarasal, nasanay na ang lahat. Nakatulong ba iyon? Masasabi ko na kapag sinimulan ninyo ang isang miting sa gayong paraan, hindi ipipilit ng mga tao ang sarili nilang opinyon. Mabilis kayong magkakasundo kung ano ang nararapat gawin sa anumang sitwasyon.”4
Ang mga kapatid ni Pangulong Benson sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol ay natulungan din sa likas niyang pagkamadasalin. Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley, na naglingkod bilang Unang Tagapayo ni Pangulong Benson sa Unang Panguluhan:
“Lumuhod ako na kasama niya at narinig ko na siyang manalangin.
“Laging kasiya-siya ang mga panalangin niya. Halos walang naiba, halos lahat ay pasasalamat. Kakaunti lang ang hiniling niya. Napakarami niyang pinasasalamatan.
“Pinasalamatan niya ang Panginoon para sa buhay, sa pamilya, sa ebanghelyo, sa pananampalataya, sa pagsikat ng araw at pag-ulan, sa mga biyaya ng kalikasan, at sa pagmamahal ng tao sa kalayaan. Pinasalamatan niya ang Panginoon para sa mga kaibigan at kasamahan. Nagpahayag siya ng pagmamahal sa Tagapagligtas at pasasalamat sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Pinasalamatan niya ang Panginoon para sa pagkakataong paglingkuran ang mga tao.”5
Bumuo ng tahanan si Pangulong Benson at ang kanyang maybahay na si Flora kung saan lahat ay nananalangin, nang mag-isa at nang sama-sama. Napuna ng kanilang anak na si Mark: “Kapag lumuhod si Itay para manalangin, hindi siya nagmamadali. May kahulugan ang lahat ng kanyang sinasabi. Malinaw na nakikipag-ugnayan siya sa ating Ama sa langit.”6 Tinuruan nina Pangulo at Sister Benson ang kanilang mga anak na manalangin para sa personal na patnubay at lakas at para din sa isa’t isa. Minsa’y napuna ng isang kaibigan ng pamilya ang impluwensya ng mga turong iyon nang dumalo siya sa isang sesyon ng pangkalahatang kumperensya kasama ang mga Benson. Isinulat niya:
“Isang araw ng Abril … , natuklasan ko ang isang pinagkukunan ng lakas ng isang General Authority.
“Nakaupo ako sa tabi ng anim na anak ni Elder Ezra Taft Benson, at isa sa kanila ay roommate ko sa kolehiyo. Nadagdagan ang tuwa ko nang tumayo si Pangulong [David O.] McKay at sinabi kung sino ang susunod na tagapagsalita. Buong galang kong minasdan si Elder Benson, na hindi ko pa nakikilala, habang palapit siya sa mikropono. Matangkad siya, mahigit anim na talampakan ang taas. Isa siyang … lalaking kilala sa buong daigdig bilang Secretary of Agriculture ng Estados Unidos at isang natatanging saksi ng Panginoon, isang lalaking mukhang panatag at may kumpiyansa, isang taong nakapagsalita na sa mga mamamayan sa buong mundo. Walang anu-ano’y may humawak sa braso ko. Isang batang babae ang humilig sa akin at agad bumulong, ‘Ipagdasal po ninyo si Itay.’
“Medyo nagulat, naisip ko, ‘Ang mensaheng ito ay ipinasa-pasa, at kailangan kong ipasa iyon. Sasabihin ko bang, “Ipagdasal si Elder Benson”? Sasabihin ko bang, “Dapat mong ipagdasal ang iyong ama”?’ Dahil nadama kong kailangang kumilos kaagad, humilig ako at bumulong lang ng, ‘Ipagdasal po ninyo si Itay.’
“Minasdan ko ang pagpapasa ng bulong na iyon hanggang sa umabot sa kinauupuan ni Sister Benson, na nakayuko na. …
“Sa paglipas ng mga taon, sumapit at natapos ang mga pangkalahatang kumperensya, at tuwing tatayo si Pangulong Benson, naisip ko, ‘Ang kanyang mga anak, na nakakalat sa buong kontinente, ay nagkakaisang ipinagdarasal ngayon ang kanilang ama.’”7
Mga Turo ni Ezra Taft Benson
1
Itinuro ni Jesus na dapat tayong manalangin sa tuwina.
Sa Kanyang ministeryo sa lupa, tinuruan tayo ni Jesus ng isang huwaran sa panalangin:
“Sa ganitong pamamaraan magsidalangin kayo: Ama namin na nasa langit, sambahin ang pangalan ninyo.
“Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari ang inyong kalooban dito sa lupa katulad ng sa langit.
“Ibigay mo sa amin ngayon ang aming kakanin sa araw-araw.
“At ipatawad mo sa amin ang aming mga utang, gaya naman namin na nagpatawad sa mga may utang sa amin.
“At huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama: Sapagka’t iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailan man. Amen.” (Mat. 6:9–13.)
Itinuro pa Niya, “[Ang mga tao’y] dapat magsipanalanging lagi, at huwag manganglupaypay.” (Lucas 18:1.)
“Mangagpuyat at magsipanalangin,” sabi Niya, “ upang huwag kayong magsipasok sa tukso.” (Mat. 26:41.)
Sa dispensasyong ito ipinayo Niya, “Manalangin tuwina at nang huwag magkaroon ang masama ng kapangyarihan sa inyo, at alisin kayo sa inyong kinalalagyan.” (D at T 93:49.)
Ipinahayag ng Tagapagligtas kay Joseph Smith, “Walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos, o wala sa kaninuman ang pag-aalab ng kanyang poot, maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay, at hindi sumusunod sa kanyang mga kautusan.” (D at T 59:21.)
May itinuro sa atin ang ating nagbangong Panginoon nang magministeryo Siya sa mga Nephita sa Western Hemisphere: “Kinakailangan kayong mag-ingat at laging manalangin, na baka kayo ay matukso ng diyablo, at maakay niya kayong palayo na bihag niya. …
“Kinakailangan kayong mag-ingat at laging manalangin na baka kayo ay madala sa tukso; sapagkat nais ni Satanas na kayo ay maging kanya, upang matahip niya kayo na katulad ng trigo.
“Kaya nga, kinakailangan na lagi kayong manalangin sa Ama sa aking pangalan;
“At anuman ang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, na tama, naniniwalang inyong tatanggapin, masdan, ipagkakaloob ito sa inyo.” (3 Ne. 18:15, 18–20.)8
Kung nais nating madagdagan ang ating kabanalan—na lalo tayong kasihan ng Diyos—walang makahahalili sa panalangin. Kaya’t hinihikayat ko kayo na inyong unahin ang panalangin—araw-araw na panalangin—lihim na panalangin—sa inyong buhay. Huwag hayaang lumipas ang araw nang wala nito. Ang pakikipag-ugnayan sa Maykapal ang pinagmulan ng lakas, inspirasyon, at kaliwanagan ng kalalakihan at kababaihan sa kasaysayan ng mundo na siyang humubog sa mga tadhana ng mga indibiduwal at bansa para sa kabutihan.9
2
Ang mga pamilyang nagdarasal nang sama-sama ay binibiyayaan ng mas matitibay na bigkis ng pagmamahalan at kapayapaan ng langit.
Sinabi ng Panginoon na responsibilidad ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na manalangin [tingnan sa D at T 68:28]. Hindi ibig sabihin nito na mga lihim na panalangin lamang. Natitiyak ko na ang ibig sabihin nito ay magturo sa pamamagitan ng halimbawa sa mga panalangin ng pamilya. Kailangan natin ang nakadadalisay na impluwensyang nagmumula sa katapatan sa tahanan—pagdarasal ng buong pamilya.10
Kailangan nating lumuhod at manalangin bilang pamilya, araw at gabi. Ang pagdaragdag ng ilang salita lamang sa pagbabasbas sa pagkain, na nakakaugalian sa ilang lugar, ay hindi sapat. Kailangan nating lumuhod at manalangin at magpasalamat.11
Noon pa man at hanggang ngayon ay panalangin na ang saligan ng lakas at pinagkukunan ng gabay sa mga aktibidad ng aming pamilya. Naaalala ko pa ang pagluhod sa tabi ng kama ng aming mga anak, at tinutulungan namin sila sa pagdarasal noong bata pa sila, at kalaunan ay nakikita naming tinutulungan ng mga nakatatanda ang kanilang nakababatang mga kapatid. Nanalangin kaming magpapamilya sa araw at gabi, at binigyan namin ng pagkakataon ang mga bata na mamuno sa panalangin, at nagkaroon kami ng espesyal na mga panalangin para malutas ang partikular na mga problema. Binanggit namin sa panalangin ng pamilya, halimbawa, ang mga batang may mga tungkulin [sa Simbahan]. … Humihingi kami ng tulong kapag may mahirap na pagsusulit ang isa sa mga bata sa high school. Binabanggit din namin lalo na ang mga miyembro ng pamilya [na] malayo sa amin. … Ang espesyal na pagbanggit sa partikular na mga alalahanin sa mga panalangin ng aming pamilya ay nagdulot ng tiwala, katiyakan, at lakas sa mga miyembro ng pamilya na may mahihirap na problema at tungkulin.12
Ang mga sigalutan at pagkainis sa araw na iyon ay naglalaho kapag sama-samang dumudulog ang mga pamilya sa Diyos. Nadaragdagan ang pagkakaisa. Tumitibay ang bigkis ng pagmamahalan at pagmamalasakit at nadarama ang kapayapaan ng langit.
Sa gayong mga tahanan, lihim na nagdarasal ang mga miyembro ng pamilya sa araw at gabi. Ang mga problema ng bawat isa at ng pamilya ay nilulutas nang may tiwala matapos hilingin ang tulong ng langit. Ang puso ng mga kabataang nakikibahagi sa panalangin ng pamilya ay wala nang hangaring gumawa ng masama kapag umaalis sila sa gabi para maglibang. Ang mga [kabataang] ito ang pipigil sa grupo kapag nagkaroon ng nakakaakit na mga tukso. Ang mga magulang na pinaliligiran ng mabuting impluwensya ang mga anak sa araw-araw na pagdarasal ay tumutulong sa pagprotekta sa … tahanan.13
3
Maaari nating pagbutihin ang ating pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit.
Narito ang limang paraan para mapagbuti ang ating pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit:
1. Dapat tayong manalangin nang madalas. Dapat tayong manalangin nang mag-isa sa ating Ama sa Langit nang kahit dalawa o tatlong beses sa isang araw—“umaga, tanghali, at gabi,” tulad ng itinuturo sa banal na kasulatan. (Alma 34:21.) Bukod pa rito, sinabihan tayong manalangin tuwina. (Tingnan sa 2 Ne. 32:9; D at T 88:126.) Ibig sabihin ay dapat mapuspos ang ating puso, sa patuloy na pagdarasal sa ating Ama sa Langit. (Tingnan sa Alma 34:27.)
2. Dapat tayong humanap ng angkop na lugar para magnilay-nilay at manalangin. Pinayuhan tayo na dapat itong gawin “sa [ating] mga silid, at sa [ating] mga lihim na lugar, at sa [ating] mga ilang.” (Alma 34:26.) Ibig sabihin, dapat itong gawin nang malayo sa ingay, nang lihim. (Tingnan sa 3 Ne. 13:5–6.)
3. Dapat nating ihanda ang ating sarili sa panalangin. Kung wala tayong ganang manalangin, dapat tayong manalangin hanggang sa magkaroon tayo ng hangaring manalangin. Dapat tayong magpakumbaba. (Tingnan sa D at T 112:10.) Dapat tayong humingi ng kapatawaran at awa. (Tingnan sa Alma 34:17–18.) Kailangan nating patawarin ang sinumang kinasasamaan natin ng loob. (Tingnan sa Marcos 11:25.) Subalit may babala sa mga banal na kasulatan na mawawalan ng saysay ang ating mga dalangin kung ating “tatalikuran ang mga nangangailangan, at ang hubad, at hindi [natin] dinadalaw ang may karamdaman at naghihirap, at [hindi ibinabahagi] ang [ating] kabuhayan.” (Alma 34:28.)
4. Ang ating mga dalangin ay dapat maging makabuluhan at may kaugnayan sa kasalukuyang sitwasyon. Dapat nating iwasang gumamit ng paulit-ulit na mga salita sa bawat panalangin. Sinuman sa atin ay sasama ang loob kung paulit-ulit ang sinasabi ng isang kaibigan sa atin bawat araw, na itinuturing ang pag-uusap na isang gawain, at hindi makapaghintay na matapos iyon para mabuksan ang telebisyon at kalimutan tayo. …
Ano ang dapat nating ipagdasal? Dapat tayong manalangin tungkol sa ating trabaho, laban sa kapangyarihan ng ating mga kaaway at ng diyablo, para sa ating kapakanan at ng mga nasa paligid natin. Dapat tayong humingi ng payo sa Panginoon hinggil sa lahat ng ating mga desisyon at aktibidad. (Tingnan sa Alma 37:36–37.) Dapat tayong lubos na magpasalamat para sa lahat ng mayroon tayo. (Tingnan sa D at T 59:21.) Dapat nating kilalanin ang Kanyang impluwensya sa lahat ng bagay. Ang hindi pagpapasalamat ay isa sa ating malalaking kasalanan.
Sinabi ng Panginoon sa makabagong paghahayag: “At siya na tumatanggap ng lahat ng bagay nang may pasasalamat ay gagawing maluwalhati; at ang mga bagay sa mundong ito ay idaragdag sa kanya, maging isandaang ulit, oo, higit pa.” (D at T 78:19.)
Dapat tayong humiling ng kailangan natin, na tinitiyak na hindi tayo humihiling ng mga bagay na magpapahamak sa atin. (Tingnan sa Santiago 4:3.) Dapat tayong humingi ng lakas na makayanan ang ating mga problema. (Tingnan sa Alma 31:31–33.) Dapat nating ipagdasal ang kabutihan at kapakanan ng Pangulo ng Simbahan, ng mga General Authority, ng ating stake president, bishop, quorum president, mga home teacher, mga miyembro ng pamilya, at mga pinuno ng bansa. Makapagbibigay ng iba pang mga mungkahi, ngunit sa tulong ng Espiritu Santo malalaman natin kung ano ang ating ipagdarasal. (Tingnan sa Rom. 8:26–27.)
5. Matapos humiling sa panalangin, responsibilidad nating tumulong na maipagkaloob ito. Dapat tayong makinig. Marahil habang nakaluhod tayo, nais ng Panginoon na payuhan tayo.14
4
Nasasaisip tayo ng Diyos at handa Siyang tumugon sa ating mga dalangin kapag nagtiwala tayo sa Kanya at ginawa natin ang tama.
May kapangyarihan sa panalangin. Lahat ng bagay ay posible sa pamamagitan ng panalangin. Sa pamamagitan ng panalangin nabuksan ang kalangitan sa dispensasyong ito. Ang panalangin ng isang labing-apat na taong gulang na batang lalaki, sa Sagradong Kakayuhan, ang nagbukas ng bagong dispensasyon ng ebanghelyo, at nagbunga ng pangitain tungkol sa Ama at sa Anak, nang magpakita sila bilang niluwalhating mga nilalang mula sa langit sa harapan ng batang si Joseph [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–17].15
Pinatototohanan ko, mga kapatid at mga kaibigan, na talagang dinirinig at sinasagot ng Diyos ang mga panalangin. Hindi ko pinag-alinlanganan ang katotohanang iyan kailanman. Mula sa pagkabata, sa kandungan ng aking ina kung saan ko unang natutuhang manalangin; noong binatilyo ako; noong missionary ako sa ibang bansa; bilang ama; bilang pinuno sa Simbahan; bilang pinuno ng pamahalaan, alam ko nang walang alinlangan na posibleng magpakumbaba at manalangin ang kalalakihan at kababaihan at humiling sa Di-Nakikitang Kapangyarihang iyon; upang masagot ang mga panalangin. Hindi nag-iisa ang tao, o hindi niya kinakailangang mag-isa. Ang panalangin ay magbubukas ng mga pintuan; ang panalangin ay mag-aalis ng mga hadlang; ang panalangin ay magpapagaan ng mga problema; ang panalangin ay magbibigay ng kapayapaan at kapanatagan ng kalooban sa mga oras ng kapaguran at problema at paghihirap. Salamat sa Diyos para sa panalangin.16
Kahit sa mga oras ng pagsubok at pag-aalala, posibleng lumapit sa Panginoon, madama ang kanyang impluwensya at nagpapalakas na kapangyarihan—na walang nag-iisa kailanman, kung magpapakumbaba lamang siya sa harapan ng Maykapal. Nagpapasalamat ako sa patotoong iyan, sa katiyakang iyan.17
Dahil sa aking personal na karanasan, alam ko ang bisa at kapangyarihan ng panalangin. …
Noong 1946 pinapunta ako ni Pangulong George Albert Smith sa Europa, na winasak ng digmaan, para muling magtatag ng ating mga mission mula Norway hanggang South Africa at bumuo ng isang programa para sa pamamahagi ng mga tulong-pangkapakanan.
Nagtayo kami ng headquarters sa London. Pagkatapos ay gumawa kami ng paunang pakikipag-ayos sa militar sa kontinente. Isa sa mga sundalo na nais kong makausap ay ang kumander ng puwersang Amerikano sa Europa. Nakadestino siya sa Frankfurt, Germany.
Pagdating namin sa Frankfurt, pumasok kami ng kasama ko para humingi ng appointment sa heneral. Sinabi ng appointment officer, “Mga ginoo, wala kayong pagkakataong makausap ang heneral sa susunod na tatlong araw. Napakaabala niya at punung-puno ng mga appointment ang kalendaryo niya.”
Sinabi ko, “Napakahalagang makausap namin siya, at hindi kami makapaghihintay nang gayon katagal. Papunta na kami ng Berlin bukas.”
Sabi niya, “Ikinalulungkot ko.”
Nilisan namin ang gusali, nagpunta kami sa kotse namin, nag-alis ng sumbrero, at magkasamang nanalangin. Pagkatapos ay bumalik kami sa gusali at nakita namin na iba ang sundalong nasa appointment post. Wala pang labinlimang minuto ay kaharap na namin ang heneral. Ipinagdasal namin na makausap siya at maantig namin ang kanyang puso, batid na lahat ng tulong-pangkapakanan na magmumula kaninuman ay kailangang ibigay sa militar para maipamahagi. Ang aming layunin, tulad ng ipinaliwanag namin sa heneral, ay ipamahagi ang sarili naming mga suplay sa sarili naming mga tao sa pamamagitan ng sarili naming mga pinuno, at pakainin din ang lahat ng bata.
Ipinaliwanag namin ang programang pangkapakanan at kung paano ito pinatatakbo. Sa huli, sinabi niya, “Mga ginoo, tipunin na ninyo ang inyong mga suplay, at kapag natipon na ninyo ang mga ito, maaari nang baguhin ang patakaran.” Sabi namin, “Heneral, nakatipon na po ang mga suplay namin; laging nakahanda ang mga ito. Sa loob ng dalawampu’t apat na oras mula ng magpadala kami ng mensahe sa Unang Panguluhan ng Simbahan sa Salt Lake City, maraming sasakyang puno ng mga suplay ang magdadatingan sa Germany. Marami kaming mga storehouse na puno ng mga pangunahing kalakal.”
Pagkatapos ay sinabi niya, “Ngayon ko lang nalaman na may isang grupo ng mga tao na gayon kalawak ang pananaw.” Naantig nga ang kanyang puso tulad ng ipinagdasal naming mangyari. Bago namin nilisan ang kanyang opisina, nasa amin na ang nakasulat na pahintulot na mamahagi kami sa sarili naming mga tao sa pamamagitan ng sarili naming mga pinuno.
Nakasisiya sa kaluluwa na malaman na nasasaisip tayo ng Diyos at handa Siyang tumugon kapag nagtiwala tayo sa Kanya at ginawa natin ang tama. Walang dapat ikatakot ang kalalakihan at kababaihang nagtitiwala sa Maykapal, na hindi nag-aalangang magpakumbaba sa paghahangad ng banal na patnubay sa pamamagitan ng panalangin. Kahit may pang-aapi, kahit may mga pagsubok, sa panalangin ay muli tayong makasusumpong ng katiyakan, sapagkat ang Diyos ay mangungusap ng kapayapaan sa kaluluwa. Ang kapayapaang iyon, ang kapanatagang iyon, ang pinakamalaking pagpapala sa buhay.
Noong binatilyo pa ako sa Aaronic Priesthood, natutuhan ko ang maikling tulang ito tungkol sa panalangin. Naisaulo ko ito:
Hindi ko alam kung paano,
Ngunit alam kong sinasagot ng Diyos ang ating pagsamo.
Alam kong pangako’y Kanyang iniwan,
Na panalangin ay laging tutugunan,
At sasagutin, kaagad o kalaunan.
Kaya nagdarasal ako’t payapang naghihintay.
‘Di ko alam kung ang hangad na pagpapala
Ay darating tulad ng aking inakala;
At sa Kanya lamang ako dumadalangin,
Sa Kanya na ang katalinuha’y higit pa sa akin,
Nakatitiyak na kahilinga’y ipagkakaloob Niya,
O Siya’y magpapadala ng mas malaking pagpapala.
… Pinatototohanan ko sa inyo, mahal kong mga kapatid, na ang Diyos ay buhay. Siya ay hindi patay. … Pinatototohanan ko na may Diyos sa langit na nakikinig at sumasagot sa panalangin. Alam kong ito ay totoo. Mapagpakumbaba kong hinihimok ang lahat … na manatiling malapit sa ating Ama sa Langit sa pamamagitan ng panalangin. Ngayon lang nagkaroon ng ganito kalaking pangangailangang manalangin sa dispensasyong ito ng ebanghelyo. Nawa’y umasa tayo palagi sa ating Ama sa Langit at tapat nating sikaping pagbutihin ang ating pakikipag-ugnayan sa Kanya ang taos-puso kong pagsamo.18
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Sinabi sa atin ni Pangulong Benson na “huwag hayaang lumipas ang araw” nang walang personal na panalangin (bahagi 1). Paano kayo napagpala ng inyong personal na panalangin?
-
Sa bahagi 2, binanggit ni Pangulong Benson ang ilang pagpapalang dumarating sa mga pamilya na regular na nagdarasal nang sama-sama. Kailan ninyo nakitang humantong ang panalangin ng pamilya sa mga pagpapalang ito? Ano ang ating magagawa para unahin natin ang panalangin ng pamilya?
-
Isaalang-alang ang limang mungkahi ni Pangulong Benson sa bahagi 3. Paano tayo matutulungan ng bawat isa sa mga mungkahing ito upang “mapagbuti ang ating pakikipag-ugnayan sa ating Ama sa Langit”? Pag-isipan kung ano ang gagawin ninyo para masunod ang payong ito.
-
Paano kaya makakatulong ang sinabi ni Pangulong Benson sa bahagi 4 sa isang taong nag-aalinlangan sa kapangyarihan ng panalangin? Anong patotoo ang maidaragdag ninyo sa patotoo ni Pangulong Benson?
Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Santiago 1:5–6; Enos 1:1–8; 3 Nephi 14:7–8; D at T 10:5; 19:38; 88:63
Tulong sa Pag-aaral
Ang alituntunin ay isang katotohanang gumagabay sa mga desisyon at kilos. “Sa inyong pagbabasa, tanungin ang sarili, ‘Anong alituntunin ng ebanghelyo ang itinuturo sa talatang ito? Paano ko ito maipamumuhay?’” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 19).