Paghahanda para sa mga Pagpapala ng Templo
Bawat templo ay sagisag ng ating pananampalataya sa Diyos at katibayan ng ating pananalig sa kabilang-buhay. Ang templo ang pakay ng bawat aktibidad, bawat aralin, bawat hakbang ng pagsulong sa Simbahan.
Habang inihahanda ang mga templo para sa mga tao, kailangang ihanda ng mga tao ang kanilang sarili para sa templo
Nakasulat sa bawat templo ang mga salitang “kabanalan sa Panginoon.”1 Ang pangungusap na ito ay nagsasaad na banal ang templo at ang mga layunin nito. Kailangang taglayin din ng mga pumapasok sa templo ang katangian ng kabanalan.2 Habang inihahanda ang mga templo para sa mga tao, kailangang ihanda ng mga tao ang kanilang sarili para sa templo.
Ang templo ay kaiba sa iba pang mga bahay-sambahan. Di tulad ng mga kapilya, ang templo ay sarado sa Sabbath upang ang mga tao ay makapagsimba at makapiling ang kanilang mga pamilya sa banal na araw na iyon. Ang mga templo ay bukas para sa sagradong gawain sa ibang mga araw ng linggo. Ang templo ay literal na bahay ng Panginoon, na inilaan para sa mga ordenansang walang hanggan ang kahalagahan. Ang mga ordenansang iyon ay kinabibilangan ng mga binyag, kasal, endowment, at pagbubuklod.
Bawat templo ay sagisag ng ating pananampalataya sa Diyos at katibayan ng ating pananalig sa kabilang-buhay. Ang templo ang pakay ng bawat aktibidad, bawat aralin, bawat hakbang ng pagsulong sa Simbahan. Lahat ng pagsisikap nating ipahayag ang ebanghelyo, gawing sakdal ang mga Banal, at tubusin ang mga patay ay humahantong sa banal na templo. Ang mga ordenansa sa templo ay talagang napakahalaga. Hindi tayo makababalik sa kaluwalhatian ng Diyos kung wala ang mga ito.
Bawat ordenansa sa templo ay pagpapakita ng taimtim na pangangako
Sa templo ay natatanggap natin ang isang kaloob, na kung tutuusin, ay isa talagang regalo. Kailangan nating maunawaan ang espirituwal na kahalagahan nito at ang kahalagahan ng pagtupad sa mga sagradong tipan at obligasyong ginagawa natin sa pagtanggap ng regalong ito. Bawat “ordenansa sa templo ay hindi lamang isang rituwal na ginagawa natin, ito ay pagpapakita ng taimtim na pangangako.”3
Ang endowment sa templo ay ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag. Dahil dito, mauunawaan itong mabuti sa pamamagitan ng paghahayag, na marubdob na hinahangad nang may dalisay na puso. Ipinaliwanag ni Pangulong Brigham Young na “ang inyong endowment ay, tanggapin ang lahat ng ordenansa sa bahay ng Panginoon, na kinakailangan ninyo, matapos na lisanin ninyo ang buhay na ito, upang makabalik na muli kayo sa piling ng Ama, na daraanan ang mga anghel na tumatayo bilang mga bantay, … at kamtin ang inyong walang hanggang kadakilaan.”4
Ang pagsunod sa mga sagradong tipan na ginagawa sa mga templo ay nagpapagindapat sa atin sa buhay na walang hanggan
Sa bawat templo ay ginagamit ang kapangyarihan ng priesthood na magbuklod. Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley na “walang hari, walang pangulo ng bansa, walang opisyal ng anumang samahan sa mundo na kinabibilangan natin na may karapatan sa mga bagay na nauukol sa kabilang-buhay. Ang bawat isa ay walang magagawa sa pagsapit ng kamatayan, ngunit ang lubos na mapagpakumbaba, mabuti, matuwid na high priest na tumanggap ng awtoridad na magbuklod ay maaaring ibuklod sa kalangitan ang ibinuklod dito sa lupa.”5
Kung paanong ang priesthood ay walang hanggan—walang simula o katapusan—gayundin naman ang awtoridad ng priesthood na iyon.6 Dahil dito, ang mga ordenansa at tipan ng priesthood ay habampanahon din. Ang unang paghahayag na ibinigay ni anghel Moroni kay Propetang Joseph Smith ay tumutukoy dito sa awtoridad ng priesthood.7 Sa mga huling tagubilin sa Propeta hinggil sa templo, sinabi ng Panginoon:
“At katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang bahay na ito ay itayo sa aking pangalan, upang aking maihayag ang aking mga ordenansa roon sa aking mga tao;
“Sapagkat minarapat ko na ihayag sa aking simbahan ang mga bagay na pinanatiling nakatago bago pa ang pagkakatatag ng daigdig, mga bagay na nauukol sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.”8
Nabubuhay tayo sa dispensasyong iyon. Ang mga templo, ordenansa, tipan, endowment, at pagbubuklod ay naipanumbalik, sa tumpak na paraan ayon sa propesiya. Ang mga ordenansa sa templo ay paraan ng pakikipagkasundo sa Panginoon at nagbubuklod sa mga pamilya magpakailanman. Ang pagsunod sa mga sagradong tipan na ginagawa sa mga templo ay nagpapagindapat sa atin sa buhay na walang hanggan—ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao.9
Ang sinumang kusang-loob na maghahandang mabuti ay makapapasok sa templo
Dahil sagrado ang templo, hinihiling ng Panginoon na protektahan ito upang hindi madungisan. Makapapasok ang sinumang kusang-loob na maghahandang mabuti para sa pribilehiyong iyon. Ang konsepto ng paghahanda ay nananaig sa iba pang larangan ng pagsisikap. Naaalala ko pa noong bata pa ako, sinabi ko sa mga magulang ko na gusto kong mag-aral sa unibersidad. Sinabi nilang magagawa ko lamang iyon kung magsisikap akong mabuti sa pag-aaral ko noong panahong iyon at masusunod ang lahat ng mga kailangan sa pagpasok sa unibersidad. Tulad nito, kailangan tayong maging marapat para makapasok sa templo. Naghahanda tayo sa pisikal, intelektuwal, at espirituwal. Ang pagiging marapat ay pinagpapasiyahan sa bawat taong humihingi ng recommend.
Tinutulungan tayo ng mga mayhawak ng mga susi ng awtoridad at responsibilidad ng priesthood na maghanda sa pamamagitan ng pagdaraos ng mga interbyu para sa temple recommend. May malasakit ang mga lider na ito sa atin at tinutulungan tayong alamin kung handa na tayo sa pagpasok sa templo. Mahal din nila ang Panginoon at tinitiyak na “walang maruming bagay ang papayagang pumasok sa [Kanyang] bahay.”10 Dahil dito, ang mga interbyung ito ay isinasagawa sa diwa ng pagkakaroon ng pananagutan.
Paano kayo maghahanda para sa temple recommend? Maaari kayong sumangguni sa inyong bishopric, gayundin sa inyong mga magulang, pamilya, stake presidency, teacher, o quorum adviser. Simple lang ang mga kailangan. Maikling isinasaad na kailangang sundin ng isang tao ang mga kautusan Niya na may-ari ng bahay. Siya ang nagtakda ng mga pamantayan. Pumapasok tayo sa templo bilang Kanyang mga panauhin.
Malulugod ang Panginoon kung bawat miyembrong nasa hustong gulang ay magiging karapat-dapat sa—at magkaroon ng— current temple recommend. “Ang mga interbyu … para sa mga temple recommend, sa [mga miyembro ng inyong bishopric] at mga miyembro ng inyong stake presidency ay mahahalagang karanasan. At, kahit paano, maituturing itong makabuluhang ‘pagsasanay o paghahanda’ para sa malaking talakayan kapag tumayo na kayo sa harapan ng Dakilang Hukom.”11
Maghanda sa pisikal sa pagpunta sa templo
Ngayong may hawak na kayong temple recommend, handa na kayo para sa karagdagang paghahanda. Kayo ay pisikal na handa sa pamamagitan ng pagsusuot ng angkop na kasuotan sa pagpasok sa templo. Hindi ito lugar para sa pangkaraniwang kasuotan. Binigyang-diin ng mga propeta sa mga huling araw ang paggalang sa ating katawang pisikal. Dapat sundin ang paggalang na ito lalo na ng mga papasok sa banal na templo.12
Sa templo, ang lahat ay nakasuot ng puting-puting damit. “Ang sagisag na kadalisayan ng puti ay nagpapaalala din sa atin na kailangang dalisay ang mga tao ng Diyos.”13 Ang edad, nasyonalidad, wika—maging ang katungkulan sa Simbahan—ay pumapangalawa lamang. Nakadalo na ako sa maraming endowment session kung saan kalahok ang Pangulo ng Simbahan. Bawat tao sa silid ay binigyan ng pagpapahalagang tulad ng ibinigay sa Pangulo. Lahat ay magkakatabi sa upuan at itinuturing na pantay-pantay sa mga mata ng Panginoon. Sa pamamagitan ng kalayaan sa pananamit, ipinaaalala sa atin ng pagdalo sa templo na “hindi nagtatangi ang Dios ng mga tao.”14
Ang babae at lalaking ikakasal ay pumapasok sa templo upang makasal sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Sa loob ng templo, ang mga babaing ikakasal ay nagsusuot ng puting damit, na mahaba ang manggas, simple ang disenyo at tela, at walang magarbong palamuti. Ang kalalakihan ay hindi nagsusuot ng mga tuxedo o pormal na kasuotan. Isinulat ni Pangulong Boyd K. Packer, na ngayon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nalulugod ang Panginoon kapag pinaliliguan natin ang ating katawan at nagsusuot ng malinis na kasuotan, gaano man kaliit ang halaga ng kasuotan. Dapat tayong manamit sa paraan na komportable tayong makadadalo sa isang sacrament meeting o pagtitipon na angkop at kapita-pitagan.”15
Sa pagsasalita tungkol sa kasuotan sa templo, magandang impluwensya sa kabutihan ang mga ina at lola sa kanilang mga anak at mga apo. Ayon sa kanilang husay at kakayahan, maaari nilang mahikayat ang kanilang pamilya sa mga bagay na nakikita o nahahawakan. Ang regalo ng isang ina na panyo na ginawa niya at binurdahan o iba pang bagay ukol sa kasuotan sa templo ay maaaring mabisang panghikayat na pahahalagahan ng mapagmahal na anak o apo.
Ang garment sa templo ay sagisag ng patuloy na katapatan ng pangako
Ang pagsusuot ng garment sa templo ay may napakahalagang simbolo at sumasagisag sa patuloy na katapatan ng pangako. Tulad ng Tagapagligtas na nagbigay sa atin ng halimbawa ng Kanyang kakayahan na magtiis hanggang wakas, ang pagsusuot ng garment ay isang paraan ng pagpapakita natin ng pananampalataya sa Kanya at sa Kanyang mga walang hanggang tipan sa atin.
Ang Unang Panguluhan ay naghanda ng isang liham sa Simbahan ukol sa paksang ito. Isinulat nila:
“Ipinahihiwatig ng mga gawaing madalas makita sa mga miyembro ng Simbahan na hindi lubos na nauunawaan ng ilang miyembro ang ginawa nilang tipan sa templo na isuot ang garment ayon sa diwa ng banal na endowment.
“Nakipagtipan ang mga miyembro ng Simbahan na sinuotan ng garment sa templo na isusuot ang mga ito habang sila ay nabubuhay. Binigyang-kahulugan ito na isusuot ang mga ito bilang panloob na kasuotan sa araw at gabi. … Nakabatay ang ipinangakong proteksyon sa mga pagpapala sa pagiging karapat-dapat at katapatan sa pagtupad ng tipan.
“Dapat maging pangunahing alituntunin ang pagsusuot ng garment at hindi ang paghanap ng mga okasyon para hubarin ito. Samakatwid, hindi dapat hubarin ng mga miyembro ang lahat o bahagi ng garment upang gumawa sa bakuran o magpagala-gala sa tahanan na nakasuot panligo o hindi disenteng damit. Ni ang hubarin ang mga ito upang sumali sa mga gawaing panlibangan na magagawa naman kahit suot ang garment na nakapaloob sa pang-araw-araw na kasuotan. Kapag dapat hubarin ang garment, gaya ng sa paglangoy, dapat itong isuot kaagad hangga’t maaari.
“Ang mga alituntunin ng kahinhinan at pagsusuot sa katawan ng mga angkop na kasuotan ay ipinahiwatig sa tipan at dapat na mamayani sa lahat ng uri ng isinusuot na damit. Isinusuot ng mga na-endow na miyembro ng Simbahan ang garment bilang paalala ng mga ginawa nilang sagradong tipan sa Panginoon at proteksiyon din laban sa tukso at masama. Kung paano ito isinusuot ay panlabas na pagpapahayag ng ating kalooban at pangako na susundin ang Tagapagligtas.”16
Ihanda ang isipan at espiritu upang makapasok sa templo
Bukod sa pisikal na paghahanda, kailangan nating maging handa sa isipan at espiritu. Dahil sagrado ang mga ordenansa at tipan sa templo, obligasyon nating huwag pag-usapan sa labas ng templo ang mga bagay na nagaganap sa loob ng templo. Ang mga sagradong bagay ay kailangan ng sagradong pagsasaalang-alang.
Sa bahay na ito ng pagkakatuto, tayo ay tinuturuan sa paraan ng Panginoon. Ang Kanyang mga paraan ay hindi ating mga paraan.17 Hindi tayo dapat magulat kung ang mga paraan ng pagtuturo ay kaiba sa mas karaniwan sa ating paraan ng pagtuturo sa pag-aaral. Ang mga ordenansa at tipan sa templo ay mahalagang bahagi ng ebanghelyo simula pa noong panahon nina Eva at Adan. Noong unang panahon, gumagamit ng mga simbolo upang ituro ang malalalim na katotohanan, at ang paraang ito ng pagtuturo ay ginagamit sa templo ngayon.
Dahil dito, kailangang pag-isipan natin ang mga simbolong isinasagisag sa templo at tingnan ang mga katotohanang kinakatawan ng bawat simbolo.18 “Ang mga ordenansa sa templo ay punung-puno ng simbolikong kahulugan na habambuhay na pagninilayan at pag-aaralan.”19 Ang mga turo ng templo ay napakasimple at napakaganda. Nauunawaan ito ng mga hindi gaanong nagkaroon ng pagkakataong makapag-aral, gayunman napupukaw nito ang isipan ng mga taong mataas ang pinag-aralan.
Iminumungkahi ko na basahin ng mga miyembrong pupunta sa templo sa unang pagkakataon ang mga nakasulat sa Ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan na may kinalaman sa templo, tulad ng “Pagpapahid ng Langis,” “Tipan,” “Sakripisyo,” at “Templo.” Maaari ding naising basahin ng isang tao ang Exodo, mga kabanata 26–29, at Levitico, kabanata 8. Binibigyang-diin ng Lumang Tipan, gayundin ng mga aklat nina Moises at Abraham sa Mahalagang Perlas, na noon pa man ay may gawain na sa templo at habampanahon ang epekto ng mga ordenansa nito.
Ang pagtupad sa tipan sa Diyos ay kapwa nagbibigay proteksyon at kakayahan
Dalawang konsepto ang kailangan nating pakatandaan habang naghahanda tayo para sa templo. Ang una ay tipan. Kailangan nating alalahanin na ang tipan ay isang pangako. Ang isang tipan na ginawa sa Diyos ay hindi dapat ituring na pagbabawal kundi proteksiyon. Ang mga pakikipagtipan sa Kanya ay maglalayo sa atin sa panganib.
Ang konseptong ito ay hindi na bago. Halimbawa, kung kaduda-duda ang kalidad ng suplay natin ng tubig sinasala natin ang tubig. Sa gayunding paraan tayo pinangangalagaan ng mga banal na tipan mula sa kapahamakan. Kapag pinili nating pagkaitan ang ating sarili ng lahat ng kasamaan,20 walang mawawala sa atin at makakamtan natin ang kaluwalhatiang batid lamang ng mga taong tatanggap ng buhay na walang hanggan. Ang pagtupad ng tipan sa templo ay hindi humahadlang kundi nagbibigay kakayahan. Iniaangat tayo nito nang higit pa sa ating pananaw at kakayahan. Ito ay magkaibang tulad ng mabagal na pag-usad sa maputik na bukirin at ng paglipad sa papawirin sakay ng isang supersonic jet. Ang pagtupad sa tipan sa Diyos ay kapwa nagbibigay proteksyon at kakayahan.
Ang ikalawang konseptong dapat bigyang-diin sa paghahanda ng ating isipan ay ang Pagbabayad-sala. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakasentro ng buong kasaysayan ng sangkatauhan. Ito ang sentro ng plano ng kaligtasan. Kung wala ang di masusukat na Pagbabayad-sala, ang buong sangkatauhan ay habampanahong maliligaw. Itinuturo ng mga ordenansa at tipan sa templo ang mapagtubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.
Ang buhay na walang hanggan ay makakamit natin sa pamamagitan ng pagsunod natin sa mga tipan na ginawa sa templo
Ang paglilingkod sa templo ay nagdudulot ng mga pagpapala sa ating buhay gayundin sa kawalang-hanggan. Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol na “ang gawain sa templo ay hindi kanlungan mula sa mundo kundi pagpapatibay na kailangan nating mas pagandahin ang mundo habang inihahanda ang ating sarili para sa isa pa at mas mainam na mundo o daigdig. Dahil dito, ang pagpunta sa bahay ng Panginoon ay makatutulong upang maging kaiba tayo sa mundo para makagawa ng mas malaki pang kaibhan sa mundo.”21
Kung tayo ay tunay at tapat sa buhay na ito, maaari nating makamtan ang buhay na walang hanggan. Ang imortalidad ay pagkabuhay nang walang katapusan. Ang kahulugan ng buhay na walang hanggan ay higit pa sa pagiging imortal. Ang buhay na walang hanggan ay ang pagkakamit ng kadakilaan sa pinakamataas na kalangitan at pamumuhay sa piling ng pamilya. Ipinahayag ng Diyos na ang Kanyang dakilang misyon na—“aking gawain at aking kaluwalhatian”—ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”22 Ang Kanyang kaloob na imortalidad o kawalang-kamatayan ay walang pasubali—isang libreng regalo ng kaligtasan sa buong sangkatauhan. Ang posibilidad ng buhay na walang hanggan—maging ang kadakilaan—ay makakamtan natin sa pamamagitan ng pagsunod natin sa mga ginawa nating tipan at mga ordenansang natanggap sa mga banal na templo ng Diyos.
Ang mga pagpapala ng templo ay nagiging pinakamakabuluhan sa pagpanaw ng isa sa ating mga mahal sa buhay. Ang kaalaman na ang panahon ng ating paghihiwalay ay pansamantala lamang ay nagdudulot ng kapayapaan na di masayod ng pag-iisip.23 Isinulat ni Pangulong Joseph Fielding Smith na, “Sa kapangyarihan nitong priesthood na iginawad ni Elijah, ang mag-asawa ay maaaring ibuklod, o ikasal sa kawalang-hanggan; ang mga anak ay maaaring mabuklod sa kanilang mga magulang sa kawalang-hanggan; at sa gayong paraan ang pamilya ay nagiging walang hanggan, at hindi pinaghihiwalay ng kamatayan ang mga miyembro nito.”24 Pinagpala ng walang hanggang mga pagbubuklod, mahaharap natin ang kamatayan bilang mahalagang sangkap ng dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos.25
Ang walang hanggang pananaw na natatanggap natin sa templo ay nagbibigay sa atin ng lakas upang matiis ang mga pagsubok sa buhay
Ang walang hanggang pananaw ay nakatutulong upang mapanatili ang ating lubos na katapatan sa mga tipan na ating ginagawa. Binigyang-diin ni Pangulong Packer na “ang mga ordenansa at tipan ay nagiging mga kredensyal natin sa pagpasok sa kinaroroonan ng [Diyos]. Ang karapat-dapat na pagtanggap sa mga ito ay mithiin habambuhay; ang pagiging tapat sa mga ito pagkatapos ang hamon ng mortalidad.”26
Ang mga ordenansa sa templo ay di lamang nauugnay sa ating walang hanggang kaluwalhatian kundi maging sa ating mga yumaong ninuno. “Sapagkat ang kanilang kaligtasan ay kinakailangan at lubhang mahalaga sa ating kaligtasan, … sila kung wala tayo ay hindi magagawang ganap—ni tayo kung wala ang ating mga patay ay hindi magagawang ganap.”27 Ang paglilingkod alang-alang sa kanila ay nagbibigay ng pagkakataon para sa patuloy nating pagsamba sa templo, na isinagawa nang hindi iniisip ang sarili kundi bilang gawaing para sa iba na isinunod sa huwaran ng Panginoon nang isagawa Niya ang Pagbabayad-sala upang pagpalain ang lahat ng mabubuhay [sa lupa].
Balang-araw tiyak na makakaharap natin ang ating Tagapaglikha at tatayo sa Kanyang harapan sa luklukang hukuman. Itinuturo sa atin ng banal na kasulatan na “ang Banal ng Israel ang tanod ng pasukan; at wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon; at walang ibang daan maliban sa pasukan; sapagkat hindi siya malilinlang, sapagkat Panginoong Diyos ang kanyang pangalan.”28 Ang Panginoon mismo ang magpapasiya kung naging tapat ba tayo sa mga tipang ginawa natin sa Kanya sa loob ng templo at dahil dito ay magiging marapat sa maluwalhating mga pagpapala na ipinangako Niya sa mga tumutupad ng kanilang mga tipan.
Ang pananaw na ito ay nagbibigay sa atin ng lakas na tiisin ang mga pagsubok ng buhay. Sinabi ni Pangulong Packer, “Ang pinakalayunin ng lahat ng ating itinuturo ay magkaisa ang mga magulang at mga anak sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pasayahin sila sa tahanan, ibuklod sila sa walang hanggang kasal, iugnay sa kanilang mga angkan, at bigyang-katiyakan na sila’y dadakilain sa piling ng ating Ama sa Langit.”29
Bawat templo ay nagsisilbing simbolo ng ating pagiging miyembro sa Simbahan, bilang tanda ng ating pananalig sa kabilang-buhay, at batong-tuntungan tungo sa walang hanggang kaluwalhatian natin at ng ating pamilya. Dalangin ko na bawat miyembro ng Simbahan ay maghahanda para sa kagila-gilalas na mga pagpapala ng templo.