Bakit Kailangan ang mga Templo?
Ang mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mga sagradong istruktura kung saan nasasagot ang mga tanong ukol sa kawalang-hanggan.
Ang mga templo ay mga lugar kung saan ang mga tanong natin tungkol sa buhay ay nakatatanggap ng mga kasagutan ng kawalang-hanggan
Mayroon kayang lalaki o babae na, sa oras ng tahimik na pagmumuni-muni, ay hindi pinagnilayan ang mga hiwaga ng buhay?
Hindi kaya niya naitanong, “Saan ako nanggaling? Bakit ako narito? Saan ako papunta? Ano ang kaugnayan ko sa aking Tagapaglikha? Nanakawan ba ako ng kamatayan ng mahahalagang kaugnayan ko sa buhay? Paano ang pamilya ko? Mayroon pa bang pag-iral o buhay pagkatapos nito, at, kung mayroon, makikilala ba namin ang isa’t isa doon?”
Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay hindi matatagpuan sa karunungan ng mundo. Matatagpuan lamang ito sa inihayag na salita ng Diyos. Ang mga templo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay mga sagradong istruktura kung saan nasasagot ang mga tanong na ito at ang iba pang mga tanong ukol sa kawalang-hanggan. Bawat isa ay inilaang bahay ng Panginoon, isang lugar ng kabanalan at kapayapaan na nakahiwalay sa mundo. Doon ay itinuturo ang mga katotohanang ito at isinasagawa ang mga ordenansa na nagdudulot ng kaalaman ukol sa mga bagay na walang hanggan at hinihikayat ang mga kalahok na mamuhay nang may pag-unawa sa ating banal na pamana bilang mga anak ng Diyos at kabatiran tungkol sa ating potensiyal o maaari nating marating bilang mga nilalang na walang hanggan.
Kakaiba ang layunin at gamit ng mga templo kumpara sa lahat ng iba pang mga gusaling ukol sa relihiyon
Ang mga gusaling ito, na kaiba sa libu-libong regular na mga bahay-sambahan ng Simbahan na nagkalat sa iba’t ibang panig ng mundo, ay kakaiba sa layunin at gamit kumpara sa lahat ng iba pang mga gusaling ukol sa relihiyon. Hindi ang laki ng mga gusaling ito o ang magandang arkitektura nito ang dahilan kung bakit kakaiba ito. May kinalaman ito sa gawaing isinasagawa sa loob ng mga templo.
Ang paglalaan ng ilang partikular na mga gusali para sa espesyal na mga ordenansa, na kaiba sa mga karaniwang lugar ng pagsamba, ay hindi na bago. Kaugalian ito noon sa sinaunang Israel, kung saan ang mga tao ay palagiang sumasamba sa mga sinagoga. Ang mas sagrado nilang lugar ay, una, ang tabernakulo sa ilang kasama ang Kabanalbanalang Dako, at pagkatapos ang magkakasunod na templo, kung saan isinagawa ang espesyal na mga ordenansa at kung saan tanging ang mga nakatugon sa kinakailangan ang makalalahok sa mga ordenansang ito.
Ganito rin ngayon. Bago ilaan ang isang templo, inaanyayahan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang mga tao na pumasok sa gusali at suriin ang iba’t ibang pasilidad nito. Ngunit kapag nailaan na ito ay nagiging bahay ng Panginoon, na nagiging napakasagrado kung kaya’t tanging mga miyembro ng Simbahan na sumusunod sa mga patakaran ang pinapayagang makapasok dito. Hindi dahil sa lihim o sekreto ito. Ito ay dahil sa kabanalan nito.
Ang gawain sa templo ay hinggil sa bawat isa sa atin bilang mga miyembro ng walang hanggang pamilya ng Diyos
Ang gawaing isinasagawa sa mga gusaling ito ang nagtatakda ng mga walang hanggang layunin ng Diyos para sa tao, na anak at nilikha ng Diyos. Malaking bahagi ng gawain sa templo ang tungkol sa pamilya, kung saan ang bawat isa sa atin ay mga miyembro ng walang hanggang pamilya ng Diyos at bawat isa sa atin ay mga miyembro ng mga pamilya sa lupa. Ito ay tungkol sa kabanalan at kawalang-hanggan ng tipan ng kasal at mga ugnayan ng pamilya.
Pinagtitibay nito na bawat lalaki at babaing isinilang sa mundo ay anak ng Diyos, na nagtataglay ng Kanyang banal na katangian. Ang pag-uulit ng mahahalagang turo na ito ay may napakabuting epekto sa mga tumatanggap nito, dahil habang malinaw na binibigkas ang doktrina sa wikang napakaganda at kahanga-hanga, natatanto ng kalahok na yamang ang bawat lalaki at babae ay anak ng Ama sa Langit, kung gayon bawat isa ay miyembro ng isang banal na pamilya; dahil dito, bawat tao ay kanyang kapatid.
Nang tanungin ng eskriba, “Ano baga ang pangulong utos sa lahat?” sumagot ang Tagapagligtas, “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo; [ito ang pangunang utos].
“Ang pangalawa ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Marcos 12:28, 30–31).
Ang mga itinakdang turo sa makabagong mga templo ay buong bisang nagbibigay-diin sa pinakamahalagang konseptong ito ng tungkulin natin sa ating Tagapaglikha at sa ating kapwa. Pinalalawak ng mga sagradong ordenansa ang nagpapadakilang pilosopiyang ito ng pamilya ng Diyos. Itinuturo ng mga ito na ang espiritung nasa bawat isa sa atin ay walang hanggan, kung ihahambing sa katawan, na mortal. Hindi lamang ito nagbibigay ng pang-unawa sa mga dakilang katotohanang ito kundi hinihikayat din ang kalahok na mahalin ang Diyos at hinihikayat siyang magpakita ng higit na pakikipagkapwa sa iba pang mga anak ng ating Ama.
Ang pagtanggap sa katotohanan na ang bawat tao ay anak ng Diyos ay nakatutulong upang makita natin na may banal na layunin ang mortal na buhay. Dito’y muling itinuturo ang inihayag na katotohanan sa bahay ng Panginoon. Ang buhay sa mundo ay bahagi ng isang walang hanggang paglalakbay. Namuhay tayo bilang mga espiritung anak bago tayo pumarito sa lupa. Ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo tungkol dito. Saksihan ang salita ng Panginoon kay Jeremias: “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa” (Jeremias 1:5).
Ang napakahalagang mga ugnayan ng buhay pamilya ay maaaring magpatuloy sa mundong darating
Naparito tayo sa buhay na ito bilang mga anak ng mortal na mga magulang at bilang mga miyembro ng mga pamilya. Ang mga magulang ay mga katuwang ng Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang walang hanggang mga layunin hinggil sa Kanyang mga anak. Dahil dito ang pamilya ay banal na institusyon, ang pinakamahalaga kapwa sa mortalidad at sa kawalang-hanggan.
Karamihan sa gawaing ginagawa sa loob ng mga templo ay may kinalaman sa pamilya. Mahalaga sa pag-unawa sa kahulugan nito ang pagkilala sa katotohanan na kung paano tayo nabuhay bilang mga anak ng Diyos bago tayo isinilang sa mundong ito, gayundin naman tayo patuloy na mamumuhay pagkatapos ng kamatayan, at ang napakahalaga at nagbibigay-kasiyahang mga ugnayan sa mortalidad, ang pinakamaganda at pinakamakabuluhan dito na matatagpuan sa pamilya, ay maaaring magpatuloy sa mundong darating.
Kapag ikinasal ang isang lalaki at isang babae sa bahay ng Panginoon, sila ay ibinibigkis hindi lamang sa panahong ito ng buhay sa lupa kundi para sa buong kawalang-hanggan. Sila ay ibinigkis o ibinuklod ng awtoridad hindi lamang ng batas ng lupain na nagkasal sa kanila hanggang kamatayan kundi sa pamamagitan din ng walang hanggang priesthood ng Diyos, na nagbubuklod sa langit ng bagay na ibinuklod sa lupa. Ang mag-asawang ikinasal sa ganitong paraan ay may katiyakan ng banal na paghahayag na ang pagsasama nila at ng kanilang mga anak ay hindi magwawakas sa kamatayan kundi magpapatuloy sa kawalang-hanggan, sa kondisyon na mamumuhay sila nang karapat-dapat sa pagpapalang iyon.
Mayroon bang lalaki na tunay na nagmahal sa isang babae, o mayroon bang babae na tunay na nagmahal sa isang lalaki, na hindi nagdasal na ang kanilang pagsasama ay magpatuloy nawa sa kabilang-buhay? Mayroon na bang batang inilibing ng mga magulang na hindi umasam sa katiyakan na ang mahal nila sa buhay ay muling mapapasakanila sa mundong darating? Magagawa ba ng sinumang naniniwala sa buhay na walang hanggan na mag-alinlangan na ipagkakaloob ng Diyos ng kalangitan sa Kanyang mga anak na lalaki at babae ang pinakamahalagang sangkap ng buhay, ang pag-ibig na naipahihiwatig nang lubusan sa mga ugnayan ng pamilya? Hindi, hinihingi ng katuwiran na dapat magpatuloy ang mga ugnayan ng pamilya pagkatapos ng kamatayan. Inaasam ito ng puso ng tao, at inihayag ng Diyos ng kalangitan ang isang paraan upang makamtan ito. Inilalaan ito ng mga sagradong ordenansa sa bahay ng Panginoon.
Ang mga pagpapala ng templo ay maaaring makamtan ng lahat
Ngunit magmumukhang hindi patas ang mundong ito kung ang mga pagpapala ng mga ordenansang ito ay makakamtan lamang ng mga miyembro ngayon ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang totoo ay may pagkakataong pumunta sa templo at makibahagi sa mga pagpapala nito ang lahat ng tatanggap ng ebanghelyo at mabibinyagan sa Simbahan. Dahil dito, patuloy na isinusulong ng Simbahan ang malawakang missionary program sa maraming panig ng mundo at patuloy na palalawakin ang programang ito hangga’t maaari, dahil responsibilidad nito, batay sa banal na paghahayag, na ituro ang ebanghelyo sa bawat bansa, kaanak, wika, at mga tao.
Ngunit milyun-milyon na ang nabuhay sa mundo na hindi kailanman nagkaroon ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo. Dapat bang ipagkait sa kanila ang gayong mga pagpapala na iniaalay sa mga templo ng Panginoon?
Sa pamamagitan ng mga buhay na proxy na kumakatawan sa mga namatay o yumao, ang mga ordenansa ding ito ay maaaring matanggap ng mga yumao. Sa daigdig ng mga espiritu ang mga tao ring ito ay malayang tanggapin o tanggihan ang mga ordenansang iyon sa lupa na isasagawa para sa kanila, pati na ang binyag, kasal, at pagbubuklod ng mga pamilya. Walang sapilitan sa gawain ng Panginoon, ngunit kailangan silang magkaroon ng pagkakataon.
Ang gawain sa templo ay gawa ng pagmamahal sa panig ng nabubuhay alang-alang sa namatay o yumao
Ang gawaing ito na para sa iba ay may kalakip na di mapapantayang gawa ng pagmamahal sa panig ng nabubuhay alang-alang sa patay o yumao. Kailangan dito ang malaking gawain ng pagsasaliksik sa kasaysayan ng pamilya upang matunton at matukoy ang mga yumao na. Upang makatulong sa pagsasaliksik na ito, ang Simbahan ay nakikipag-ugnayan tungkol sa family history program at may mga pasilidad sa pagsasaliksik na walang katulad sa buong mundo. Ang mga archive nito ay bukas sa publiko at nagamit na ng maraming hindi miyembro ng Simbahan sa pagtunton ng kanilang mga ninuno. Ang programang ito ay pinuri ng mga genealogist sa buong mundo at ginagamit sa iba’t ibang bansa sa pag-iingat ng sarili nilang mga rekord o tala. Ngunit ang pangunahing layunin nito ay ibigay sa mga miyembro ng Simbahan ang mga kagamitang kailangan upang matukoy ang kanilang mga ninuno para maibahagi sa kanila ang mga pagpapalang tinatamasa nila mismo. Sa katunayan ay sinasabi nila sa kanilang sarili, “Kung mahal ko nga ang aking asawa at mga anak para hangaring makasama sila sa buong kawalang-hanggan, hindi ba nararapat lang na magkaroon ang yumao kong lolo at lolo-sa-tuhod at iba pang mga ninuno ng pagkakataon na matanggap ang gayunding walang hanggang mga pagpapala?”
Ang mga templo ay nagbibigay ng pagkakataong matutuhan ang mga bagay na tunay na makabuluhan sa buhay
Kaya nga makikita sa mga sagradong gusaling ito ang napakalaking aktibidad na tahimik at buong pagpipitagang isinusulong. Magugunita dito ang isang bahagi ng pangitain ni Juan na Tagapaghayag kung saan nakatala ang tanong at sagot na ito: “Ang mga ito na nangadaramtan ng mapuputing damit, ay sino-sino at saan nagsipanggaling? …
“Ang mga ito’y ang nanggaling sa malaking kapighatian, at nangaghugas ng kanilang mga damit, at pinaputi sa dugo ng Cordero.
“Kaya’t sila’y nasa harapan ng luklukan ng Dios; at nangaglilingkod sa kaniya araw at gabi sa kaniyang templo” (Apocalipsis 7:13–15).
Ang mga nagpupunta sa mga banal na bahay na ito ay nakasuot ng puting damit habang nakikilahok sila dito. Nakapupunta lamang sila kung may rekomendasyon ng kanilang lokal na mga lider sa Simbahan, na nagpapatibay na sila ay karapat-dapat. Inaasahang pupunta sila na may malinis na kaisipan, malinis na katawan, at malinis na kasuotan upang makapasok sa templo ng Diyos. Sa pagpasok nila inaasahang kalilimutan nila ang mundo at itutuon ang pansin sa mga bagay na nauukol sa kabanalan.
Ang mismong gawaing ito, kung matatawag nga itong ganito, ay may kaakibat na gantimpala, dahil sino nga ba ngayon sa panahong ito ng kagipitan ang hindi matutuwa sa pagkakataong kalimutan ang daigdig at pumasok sa bahay ng Panginoon, at doon ay tahimik na pagnilayan ang mga bagay ng walang hanggan ukol sa Diyos? Ang mga sagradong lugar na ito ay nagbibigay ng pagkakataon, na hindi matatagpuan sa ibang lugar, na matutuhan at pagnilayan ang tunay na makabuluhang mga bagay sa buhay—ang ating kaugnayan sa Maykapal at ang ating walang hanggang paglalakbay mula sa buhay bago ang buhay na ito at tungo sa kalagayan sa hinaharap kung saan natin makikilala at makakasama ang isa’t isa, pati na ang ating mga mahal sa buhay at mga ninunong nauna sa atin na nagpamana sa atin ng mga bagay na ukol sa katawan, isipan, at espiritu.
Sa loob ng mga templo tayo ay pinapangakuan ng Diyos ng mga walang hanggang pagpapala
Tunay na ang mga templo ay kakaiba sa lahat ng iba pang mga gusali. Ang mga ito ay bahay ng tagubilin. Ito ay mga lugar ng mga tipan at pangako. Sa mga altar nito ay lumuluhod tayo sa harap ng Diyos, na ating Tagapaglikha, at pinapangakuan tayo ng Kanyang walang hanggang mga pagpapala. Sa kabanalan ng pagkatalaga sa mga ito nakikipag-usap tayo sa Kanya at nagninilay tungkol sa Kanyang Anak, na ating Tagapagligtas at Manunubos, ang Panginoong Jesucristo, na nagsilbing proxy ng bawat isa sa atin sa isang sakripisyong isinagawa alang-alang sa atin. Dito ay isinasantabi natin ang ating kasakiman at pinaglilingkuran ang mga taong hindi makapaglingkod sa kanilang sarili. Dito, sa tunay na kapangyarihan ng priesthood ng Diyos, sama-sama tayong ibinubuklod sa pinakadakila sa lahat ng mga ugnayan ng sangkatauhan—bilang mga mag-asawa, bilang mga anak at mga magulang, bilang mga pamilya sa ilalim ng pagbubuklod na hindi makakalag ng buhay na ito at hindi mapapatid ng kamatayan.
Ang mga sagradong gusaling ito ay itinayo maging sa madilim na panahon nang ang mga Banal sa mga Huling Araw ay walang-awang ipinagtabuyan at pinahirapan. Itinayo ang mga ito at pinangalagaan sa panahon ng kahirapan at kasaganaan. Nagmumula ang mga ito sa pananampalataya ng dumaraming bilang ng mga nagpapatotoo sa buhay na Diyos, sa nabuhay na mag-uling Panginoon, sa mga propeta at banal na paghahayag, at sa kapayapaan at katiyakan ng walang hanggang mga pagpapala na matatagpuan lamang sa bahay ng Panginoon.