Ang Aming Kasal sa Templo ay Napakahalaga
Nang malugi ang una kong negosyo at masunog ang pangalawa ay doon ko lamang naisip kung madadala ko ba ang kasintahan kong si Beny, sa templo. Narinig namin na ang pagpunta doon ay isang pagsubok ng pananampalataya, ngunit nang mithiin naming makasal sa templo, wala kaming ideya kung gaano katindi ang magiging pagsubok sa aming pananampalataya.
Nagkakilala kami ni Beny sa aming bayan sa Panama pagkatapos naming magmisyon. Dahil sa mga batas sa Panama, ang mga magkasintahan na gustong simulan ang kanilang buhay bilang mag-asawa sa templo ay ikinakasal muna sa huwes bago maglakbay papunta sa pinakamalapit na templo, ang Guatemala City Guatemala Temple. Magastos at mahirap ang pagbiyahe, ngunit ang pagpapabuklod ay isang pagpapalang ayaw naming mawala sa aming buhay.
Kinabukasan pagkatapos ko siyang aluking magpakasal, nawalan ako ng trabaho. Walang takot akong nagpasiyang kumita ng pera sa pamamagitan ng mga bus tour. Nasira ang aking bus sa unang gabi. Nag-aalala ngunit determinado, nagpasiya naman akong magbenta ng mga T-shirt. Nang umagang magpunta ako para kuhanin ang mga kamiseta mula sa gumagawa nito, natuklasan kong natupok ng apoy ang gusali noong nakaraang gabi. Tila nasunog din ang mga pangarap ko.
Ilang buwan na lamang bago ang susunod na nakatakdang pagpunta sa templo, pero hanggang sa oras na ito, lahat ng pagsisikap ko upang makapag-ipon ng pera ay bigo. Iniwan ko ang nagbabagang mga labi ng gusali at hinanap si Beny.
“Walang-wala ako,” sabi ko sa kanya. “Siguro hindi ka dapat magpakasal sa akin.”
“Kung pera lang ang habol ko, may asawa na sana ako,” sabi niya. “Pero hindi ako magpapakasal dahil sa pera. Magpapakasal ako sa iyo dahil mahal kita.”
Doon nagbago ang lahat. Dama naming nakapasa kami sa isang mahalagang pagsubok. Habang sumusulong kami nang may pananampalataya, nagsimulang magdatingan ang mga oportunidad. Naging trabaho ko ang paggawa ng mga kasangkapan, bagaman hindi sapat ang kita upang matugunan ang aming mga pangangailangan. Pagkatapos nag-alok ang isang mabait na bishop na tutulong sa pagbabayad ng aming pamasahe sa bus. Bagamat talagang nakakatuwa ang kanyang alok, parang hindi iyon tama. Gusto naming tumayo sa sarili naming mga paa. Ngunit nang makitang talagang gusto niyang tumulong, hiniling namin na sa halip ay bigyan niya ng trabaho si Beny. Binigyan nga niya.
Matapos kumita ng sapat na pera upang makabiyahe papunta sa templo, ikinasal kami sa huwes at sa wakas ay papunta na kami sa Guatemala kasama ng 10 iba pang mga miyembro ng Simbahan. Ngunit hindi pa tapos ang aming pagsubok.
Natigil kami sa hangganan ng Costa Rica dahil sa malawakang tigil-pasada. Matapos maghintay nang dalawang araw sa hangganan, nagpasiya ang aming drayber na bumalik na lamang. Ngunit kami ni Beny, kasama ang dalawang lalaking miyembro at isa pang magkasintahan, ay nagpasiyang huwag sumuko. Matapos masdan ang aming bus na umikot at iniwan kami, naglakad na kami papunta sa Costa Rica. Patuloy kaming naglakad, natulog sa mga kanlungan sa tabing daan, hanggang sa marating namin ang hangganan ng Nicaragua. Mula doon ay sumakay kami ng taxi papunta sa kabiserang lungsod, kung saan kami bumili ng tiket ng bus papunta sa hangganan ng Honduras. Dalawalang araw—at dalawa pang bus—sa wakas nakarating kami sa templo. Marumi kami at pagod, at mas malaki ang nagastos namin kaysa nakaplano, pero naging maligaya kami.
Kinabukasan, pagkatapos ng lahat ng aming mga pagsubok at pagkaantala, sa wakas ay nabuklod kami sa kawalang-hanggan bilang mag-asawa. Ang aming kagalakan—na sulit sa kabila ng pagtatrabaho, paghihintay, at pag-aalala—ay ganap!
Hindi lahat ng ikinakasal sa templo ay mahaharap sa gayong mga hamon, ngunit para sa amin ni Beny (at ng mga kasama naming nagpunta sa templo), ang mga karanasang ito ay proseso ng pagdadalisay. Ito ay isa sa mga pinakadakilang karanasan ko sa buhay.
Kung ang mithiin naming makasal sa templo ay makamundong pag-ibig lamang, baka hindi namin nakamit ito. Ngunit dahil naniwala kami sa kapangyarihang magbuklod ng priesthood na ipinanumbalik sa ating panahon, hindi kami sumuko, batid na ang aming kasal sa templo—para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan—ay sulit kahit ano pa ang sakripisyong kailangan naming gawin.