Gawing Bahagi ng Inyong Buhay ang Templo
Para sa mga Kabataan
Bagaman naghahanda kayo sa pagtanggap ng inyong mga ordenansa sa templo sa hinaharap, ang templo ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa inyong buhay ngayon.
Ang templo ang pinakasagradong lugar sa lupa—isang lugar kung saan nagtatagpo ang langit at lupa at kung saan nadarama nating malapit tayo sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo. Bagaman naghahanda kayo sa pagtanggap ng inyong mga ordenansa sa templo sa hinaharap, ang templo ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa inyong buhay ngayon. Narito ang ilang bagay na magagawa ninyo upang maging bahagi ng iyong buhay ang templo habang bata pa kayo.
Sumali sa mga Pagbibinyag para sa mga Patay
Ang mga karapat-dapat na mga kabataan na edad 12 pataas ay maaaring bumisita sa templo upang magpabinyag para sa kanilang mga ninuno na namatay nang hindi nabibinyagan. Nagsalita si Pangulong Thomas S. Monson tungkol sa kagalakang dulot ng paglilingkod na ito:
“Isang umaga habang naglalakad ako papunta sa templo, nakita ko ang isang grupo ng mga dalagita na kasali, nang umagang iyon, sa mga pagbibinyag para sa mga yumao na. Basa ang kanilang buhok. Maningning ang kanilang mga ngiti. Puno ng kagalakan ang kanilang mga puso. Isang babae ang pumihit upang humarap sa templo at sinabi ang kanyang nadarama. ‘Ito ang pinakamasayang araw ng buhay ko,’ sabi niya.”1
Ang labintatlong taong gulang na si Jessica Hahn ng Daphne, Alabama, ay nabinyagan para sa ilan sa kanyang mga ninuno sa Atlanta Georgia Temple. Bagaman limang oras ang inukol sa pagbiyahe papunta sa templo, sinabi niyang napakaganda ng karanasang iyon. “Ang pagsusuot ng puting damit at pagpapabinyag para sa aking mga ninuno ay nagbigay sa akin ng napakagandang pakiramdam,” sabi niya. “Pakiramdam ko kilala ko na sila ngayon.”
Magpunta sa templo nang madalas hangga’t kaya ninyo. Madarama ninyo doon ang kagalakan ng pagtulong sa iba na matanggap ang mga pagpapala ng binyag.
Suportahan ang Gawain ng Templo
Maraming paraan upang masuportahan ang gawain sa templo, kahit na hindi kayo makapunta nang madalas sa templo. Maaari ninyong alamin ang tungkol sa inyong mga ninuno at tiyakin na maisasagawa para sa kanila ang mga ordenansa sa templo. Maaari kayong mag-alok na alagaan ang maliliit na bata para makapunta sa templo ang kanilang mga magulang. Dahil ang paglilingkod sa templo ay nakatuon na mabuti sa mga pamilya, maaari kayong magsikap upang palakasin ang sarili ninyong pamilya. At maibabahagi ninyo sa iba ang inyong patotoo na ang templo ay tunay na bahay ng Panginoon.
Maging Karapat-dapat na Pumasok sa Templo
Dahil napakasagradong lugar ang templo, ang Panginoon ay nagtakda ng mataas na pamantayan na dapat nating ipamuhay bago tayo makapasok sa templo. Ipinaliwanag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf na “ang mga pamantayang itinakda ng Panginoon sa mga tanong sa [pagkuha ng temple recommend] ay kaparehong-kapareho ng mga pamantayang matatagpuan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sa panahon ng kapanatagan at kahit sa oras ng pinakamatinding tukso, tutulungan kayo ng mga pamantayang ito at ng patnubay ng Espiritu Santo na piliin ang tama. … Makikita sa pagsunod ninyo sa mga pamantayang ito kung sino kayo at ano ang gusto ninyong kahinatnan.”2
Ipamuhay ang mga pamantayan ng Panginoon, at kayo ay magiging karapat-dapat na pumasok sa templo. Ang hangaring makapasok sa templo sa hinaharap ay makatutulong sa inyo na talikuran ang tukso ngayon. “Binibigyan kayo nito ng dahilan na manatiling karapat-dapat,” sabi ni Marlon Ruiz, edad 16, ng Sunrise, Florida. “Hangga’t iyan ang inyong mithiin, palagi ninyong iisipin ang inyong ginagawa dahil hindi kayo makapapasok sa templo kung kayo ay hindi karapat-dapat.”
Planuhing Makasal sa Templo
“Nakikita ko ang templo at iniisip kong ikakasal ako doon balang-araw,” sabi ni Annika Reithmeier, edad 16, ng Oslo, Norway. “Alam ko na ang mga pangakong ginagawa sa templo ay mga pangako sa Panginoon. Ang mga bagay na matututuhan doon ay hindi basta magbabago o maglalaho.”
Maglagay ng retrato ng templo sa isang lugar kung saan madalas ninyo itong makikita, at asamin ang araw kung saan matatanggap ninyo ang sarili ninyong mga ordenansa sa templo.
Noong siya ay 14 na taong gulang, dinalaw ni Jody Hazelbaker ng American Fork, Utah, ang Mount Timpanogos Utah Temple habang idinaraos ang open house. “Habang naglalakad ako sa silid para sa babaing ikakasal, tumigil ako sandali at tumingin sa salamin,” paggunita niya. “Habang nakatingin, nakita ko ang sarili ko sa hinaharap, na nakasuot ng magandang damit pangkasal at todo ang ngiti. Alam ko noon na ito ang lugar kung saan ako ikakasal, sa templo, malapit sa aking Ama sa Langit.”