Mga Pagpapala ng Templo
Ang templo ay nagbibigay ng layunin sa ating buhay. Ito ay nagdudulot ng kapayapaan sa ating mga kaluluwa—hindi kapayapaang dulot ng tao kundi kapayapaang ipinangako ng Anak ng Diyos nang sabihin Niyang, “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo.”
Sa templo ay madarama nating malapit tayo sa Panginoon
Sa palagay ko walang lugar sa mundo kung saan nadarama kong mas malapit ako sa Panginoon kaysa sa Kanyang banal na mga templo. Sa pagsasaayos sa isang tula:
Malayo ba ang langit?
Hindi kalayuan.
Sa mga templo ng Diyos,
Ito ay naroon lang.
Sinabi ng Panginoon:
“Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang mga tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:
“Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit, na doo’y hindi sumisira kahit ang tanga kahit ang kalawang, at doo’y hindi nanghuhukay at hindi nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:
“Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.”1
Sa mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang templo ang pinakasagradong lugar sa lupa. Ito ang bahay ng Panginoon, at tulad ng nakasulat sa labas ng templo, ang templo ay “kabanalan sa Panginoon.”
Ang templo ay nagbibigay-sigla at nagpapadakila sa atin
Sa templo itinuturo ang mahalagang plano ng Diyos. Sa templo ginagawa ang mga walang hanggang tipan. Ang templo ay nagbibigay-sigla, nagpapadakila, nagsisilbing tanglaw na makikita ng lahat, at inaakay tayo tungo sa kahariang selestiyal. Ito ang bahay ng Diyos. Lahat ng nagaganap sa loob ng templo ay nagpapasigla at nagpapadakila.
Ang templo ay para sa mga pamilya, isa sa mga pinakamalaking kayamanan natin sa buhay na ito. Malinaw ang sinabi ng Panginoon sa ating mga ama, na nagsasaad na may responsibilidad tayong mahalin ang ating asawa nang ating buong puso at tustusan ang pangangailangan niya at ng ating mga anak. Sinabi Niya na ang pinakadakilang gawain nating mga magulang ay ginagawa sa ating mga tahanan, at ang ating mga tahanan ay maaaring maging langit, lalo na kapag ang ating pagsasama ay ibinuklod sa bahay ng Diyos.
Ang yumaong si Elder Matthew Cowley, na miyembro noon ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay binanggit minsan ang karanasan ng isang lolo isang hapon ng Sabado habang hawak nito ang kamay ng kanyang maliit na apong babae sa araw ng kaarawan ng bata para bumisita—hindi sa zoo o para manood ng sine kundi sa bakuran ng templo. Sa pahintulot ng tagapangalaga ng bakuran, lumakad silang dalawa papunta sa malalaking pintuan ng templo. Sinabi niya sa apo na hawakan nito ang matibay na pader at pagkatapos ay ang napakalaking pinto. At magiliw niyang sinabi sa apo, “Tandaan mo na sa araw na ito ay nahawakan mo ang templo. Isang araw papasok ka sa loob nito.” Ang kanyang regalo sa batang musmos ay hindi kendi o ice cream kundi isang karanasan na higit na makabuluhan at panghabampanahon—ang pagpapahalaga sa bahay ng Panginoon. Nahawakan niya ang templo, at siya ay naantig ng templo.
Ang templo ay nagdudulot ng kapayapaan sa ating mga kaluluwa
Sa paghawak natin sa templo at pagmamahal sa templo, mababanaag sa ating buhay ang ating pananampalataya. Sa pagpunta natin sa banal na bahay, sa paggunita sa mga tipan na ginagawa natin doon, magagawa nating tiisin ang bawat pagsubok at madaraig ang bawat tukso. Ang templo ay nagbibigay ng layunin sa ating buhay. Ito ay nagdudulot ng kapayapaan sa ating mga kaluluwa—hindi kapayapaang dulot ng tao kundi kapayapaang ipinangako ng Anak ng Diyos nang sabihin Niyang, “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”2
Malaki ang pananampalataya ng mga Banal sa mga Huling Araw. Binibigyan tayo ng Panginoon ng mga pagkakataon upang tingnan kung susundin natin ang Kanyang mga utos, kung susundan natin ang landas na tinahak ni Jesus ng Nazaret kung mamahalin natin ang Panginoon ng ating buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas, at mamahalin ang ating mga kapwa tulad ng ating sarili.3
Naniniwala ako sa kawikaan na “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.”4
Noon pa man ay ganito na; kaya’t ganito pa rin sa tuwina. Kung gagampanan natin ang ating tungkulin at magtitiwala nang lubos sa Panginoon, pupunuin natin ang Kanyang mga templo, hindi lamang sa paggawa ng sarili nating ordenansa, kundi magkakaroon din ng pribilehiyong gawin ang gawain para sa iba. Luluhod tayo sa sagradong mga altar upang maging proxy o kinatawan sa mga pagbubuklod na nagbibigkis sa mga mag-asawa at mga anak sa buong kawalang hanggan. Ang karapat-dapat na mga kabataang lalaki at babae na edad 12 ay maaaring maging proxy para sa mga namatay nang walang basbas ng binyag. Ito ang nais ng ating Ama sa Langit para sa iyo at sa akin.
Nangyari ang isang himala
Maraming taon na ang nakalilipas, isang mapagpakumbaba at matapat na patriarch, si Brother Percy K. Fetzer, ang tinawag na magbigay ng mga patriarchal blessing sa mga miyembro ng Simbahan na nakatira sa hangganan ng Iron Curtain o mga bansang komunista.
Nagpunta si Brother Fetzer sa lupain ng Poland sa panahong iyon ng kahirapan. Mahigpit na isinara ang mga hangganan, at hindi maaaring lumisan ang mga mamamayan. Nakipagkita si Brother Fetzer sa mga Banal na German na nakulong doon nang baguhin ang mga hangganan matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at ang lupang tinitirhan nila ay naging bahagi ng Poland.
Ang ating lider na kasama ng lahat ng mga Banal na iyon na German ay si Brother Eric P. Konietz, na nakatira doon kasama ang kanyang asawa at mga anak. Binigyan ni Brother Fetzer sina Brother at Sister Konietz at ang nakatatanda nilang mga anak ng mga patriarchal blessing.
Nang magbalik si Brother Fetzer sa Estados Unidos, tumawag siya at nagtanong kung maaari ba niya akong dalawin. Habang nakaupo siya sa aking opisina, nagsimula siyang umiyak. Sabi niya, “Brother Monson, nang ipatong ko po ang mga kamay ko sa uluhan ng mga miyembro ng pamilya Konietz, gumawa po ako ng mga pangako na hindi maaaring matupad. Ipinangako ko kina Brother at Sister Konietz na makababalik sila sa kanilang bansang Germany, na hindi sila magiging bihag ng di-makatwirang mga desisyon ng mga sumasakop na bansa at sama-sama silang mabubuklod bilang isang pamilya sa bahay ng Panginoon. Nangako ako sa kanilang anak na lalaki na makapagmimisyon siya, at nangako ako sa kanilang anak na babae na makakasal siya sa banal na templo ng Diyos. Alam po natin na dahil sa nakapinid na mga hangganan, hindi nila matatanggap ang katuparan ng mga basbas na iyon. Ano itong nagawa ko?”
Sabi ko, “Brother Fetzer, kilalang-kilala kita kaya’t alam kong ginawa mo lamang ang ipinagagawa sa iyo ng ating Ama sa Langit.” Lumuhod kaming dalawa sa tabi ng aking mesa at ibinuhos ang aming puso sa ating Ama sa Langit, isinasaad na may pangako sa isang tapat na pamilya hinggil sa templo ng Diyos at sa iba pang mga biyayang ipinagkakait sa kanila sa ngayon. Tanging Siya ang makapagsasagawa ng himalang kailangan namin noon.
Nangyari ang himala. Isang kasunduan ang nilagdaan sa pagitan ng mga lider ng pamahalaan ng Poland at ng mga lider ng Federal Republic of Germany, na nagpapahintulot sa mga mamamayang Aleman na nakulong sa lugar na iyon na lumipat sa West Germany. Lumipat sina Brother at Sister Konietz at ang kanilang mga anak sa West Germany, at si Brother Konietz ang naging bishop ng ward kung saan sila nakatira.
Ang buong pamilya Konietz ay nagpunta sa banal na templo sa Switzerland. At sino ang temple president noon na nakasuot ng puting terno na malugod na sumalubong sa kanila? Walang iba kundi si Percy Fetzer—ang patriarch na nagbigay sa kanila ng pangako. Ngayon, sa kanyang kapasidad bilang pangulo ng Bern Switzerland Temple, malugod niya silang tinanggap sa bahay ng Panginoon, upang matupad ang pangakong iyon, at mabuklod sa isa’t isa ang mag-asawa at ang kanilang mga anak sa kanilang mga magulang.
Kalaunan ang anak na babae ay ikinasal sa bahay ng Panginoon. Natanggap ng anak na lalaki ang kanyang tawag at naglingkod sa full-time mission.
“Magkita tayo sa templo!”
Para sa ilan sa atin, ilang kanto lamang at makakapunta na tayo sa templo. Para sa iba, kailangang tawirin ang karagatan at maraming milya bago sila makapasok sa banal na templo ng Diyos.
Ilang taon na ang nakalilipas, bago natapos ang isang templo sa South Africa, habang dumadalo sa isang district conference sa noon ay Salisbury, Rhodesia, nakilala ko ang district president, si Reginald J. Nield. Sinalubong niya ako at ng kanyang asawa at magagandang anak na babae pagpasok ko sa kapilya. Ipinaliwanag nila sa akin na nag-iipon sila ng pera at naghahanda para sa araw na makapaglalakbay sila papunta sa templo ng Panginoon. Ngunit napakalayo ng templo noon.
Sa pagtatapos ng miting, nagtanong sa akin ang apat na magagandang anak tungkol sa templo: “Ano po ba ang hitsura ng templo? Sa retrato lang po kasi namin nakikita ito.” “Ano po ang madarama namin pagpasok namin sa templo?” “Ano po ang matatandaan namin sa lahat?” Sa loob ng isang oras ay nagkaroon ako ng pagkakataong kausapin ang apat na bata tungkol sa bahay ng Panginoon. Nang paalis na ako papuntang airport, kumaway sila sa akin, at sinabi ng bunso, “Magkita po tayo sa templo!”
Makalipas ang isang taon nagkaroon ako ng pagkakataong salubungin ang pamilya Nield sa Salt Lake Temple. Sa tahimik na sealing room nagkaroon ako ng pagkakataong ibuklod sa kawalang-hanggan, gayundin sa buhay na ito, sina Brother at Sister Nield. Pagkatapos ay nabuksan ang mga pinto, at ang magagandang anak na iyon, bawat isa sa kanila ay nakasuot ng puting-puting damit, ay pumasok sa silid. Niyakap nila ang ina at pagkatapos ay ang ama. Luhaan ang kanilang mga mata, at puno ng pasasalamat ang kanilang mga puso. Napakalapit namin sa langit. Masasabi ng bawat isa sa amin na, “Ngayon walang hanggan na ang ating pamilya.”
Ito ang kagila-gilalas na pagpapalang naghihintay sa mga taong nagpupunta sa templo. Nawa bawat isa sa atin ay mamuhay nang karapat-dapat, na malinis ang mga kamay at dalisay ang mga puso, upang maantig ng templo ang ating buhay at ang ating mga pamilya.
Gaano kalayo ang langit? Pinatototohanan ko na sa mga banal na templo hindi ito malayo—sapagkat sa mga sagradong lugar na ito nagtatagpo ang langit at lupa at ipinagkakaloob ng ating Ama sa Langit sa Kanyang mga anak ang Kanyang pinakamalalaking pagpapala.