2010
Mga Taong Nagaganyak sa Templo
2010


Mga Taong Nagaganyak sa Templo

Maglagay ng larawan ng templo sa bahay ninyo upang makita ito ng inyong mga anak. Ituro sa kanila ang mga layunin ng bahay ng Panginoon.

Ang templo ang dakilang simbolo ng ating pagiging miyembro

Napakainam para sa atin ang magkaroon ng pribilehiyong makapasok sa templo para sa sarili nating mga pagpapala. At pagkatapos pumasok sa templo para sa sarili nating mga pagpapala, napakainam na pribilehiyo ang gawin ang gawain para sa mga yumao. Ang aspetong ito ng gawain sa templo ay gawaing di-makasarili. Gayunman sa tuwing gagawa tayo ng gawain sa templo para sa ibang tao, may bumabalik sa ating pagpapala. Kaya’t hindi tayo dapat magulat na talagang nais ng Panginoon na ang Kanyang mga tao ay maganyak sa templo.

Ginawa mismo ng Panginoon, sa Kanyang mga paghahayag sa atin, ang templo na dakilang simbolo para sa mga miyembro ng Simbahan. Isipin ang saloobin at mabubuting pag-uugali na binanggit sa atin ng Panginoon sa ibinigay Niyang payo sa mga Banal sa Kirtland sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith habang naghahanda sila sa pagtatayo ng templo. Ang payo ay angkop pa rin ngayon:

“Isaayos ang inyong sarili; ihanda ang bawat kinakailangang bagay; at magtayo ng isang bahay, maging isang bahay ng panalanginan, isang bahay ng pag-aayuno, isang bahay ng pananampalataya, isang bahay ng pagkakatuto, isang bahay ng kaluwalhatian, isang bahay ng kaayusan, isang bahay ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 88:119). Ang mga saloobin at ugali bang ito ay tunay na kakikitaan ng nais at hangad na marating ng bawat isa sa atin?

Lahat ng pagsisikap natin sa Simbahan ay humahantong sa banal na templo

Lahat ng pagsisikap nating ipahayag ang ebanghelyo, gawing sakdal ang mga Banal, at tubusin ang mga patay ay humahantong sa banal na templo. Ito ay dahil sa ang mga ordenansa sa templo ay tunay na mahalaga; hindi tayo makababalik sa kinaroroonan ng Diyos kung wala ang mga ito.

Tunay na nais ng Panginoon na ang Kanyang mga tao ay maganyak sa templo. Ito ang pinakamatinding hangarin ng aking puso na ang bawat miyembro ng Simbahan ay maging karapat-dapat sa templo. Umaasa ako na bawat miyembrong nasa hustong gulang ay magiging marapat sa—at magkakaroon ng—current temple recommend, kahit na ang layo ng templo ay hindi magtutulot na makapunta kaagad o magamit ito nang madalas.

Ang templo ay banal sa Panginoon; dapat itong maging banal sa atin

Maging mga tao tayong paladalo at mapagmahal sa templo. Humayo tayo sa templo nang madalas hangga’t kaya ng ating oras at paraan at sitwasyon. Pumunta tayo hindi lamang para sa ating mga kamag-anak na namatay, kundi para din sa personal na pagpapala ng pagsamba sa templo, para sa kabanalan at kaligtasang laan ng mga pinabanal at inialay na mga dingding niyon. Ang templo ay isang lugar ng kagandahan, isang lugar ng paghahayag, isang lugar ng kapayapaan. Ito ang bahay ng Panginoon. Ito ay banal sa Panginoon. Dapat itong maging banal sa atin.

Ibahagi natin sa ating mga anak ang espirituwal na damdamin natin sa templo. At mas masigasig pa nating ituro sa kanila at sa mas komportableng paraan ang mga bagay na nararapat nating sabihin tungkol sa mga layunin ng bahay ng Panginoon. Maglagay ng larawan ng templo sa bahay ninyo upang makita ito ng inyong mga anak. Ituro sa kanila ang mga layunin ng bahay ng Panginoon. Pagplanuhin sila habang bata pa na magpunta roon at manatiling marapat sa pagpapalang iyon.

Kalugud-lugod sa Panginoon kapag karapat-dapat tayo sa pagpunta sa templo

Kalugud-lugod sa Panginoon kapag karapat-dapat ang ating mga kabataan na magpunta sa templo at nagsasagawa ng mga binyag para sa mga hindi nagkaroon ng pagkakataong mabinyagan sa buhay na ito. Kalugud-lugod sa Panginoon kapag karapat-dapat tayo sa pagpunta sa templo upang personal na makipagtipan sa Kanya at mabuklod bilang mga mag-asawa at pamilya. At kalugud-lugod sa Panginoon kapag karapat-dapat tayo sa pagpunta sa templo upang magsagawa ng nakapagliligtas na ordenansa para sa mga namatay, na marami sa kanila ang sabik na naghihintay na maisagawa ang mga ordenansang ito para sa kanila.

Upang maging tunay na simbolo sa atin ang templo, kailangang hangarin nating maging gayon ito. Kailangan tayong mamuhay nang marapat upang makapasok sa templo. Kailangan nating sundin ang mga utos ng ating Panginoon. Kung maisusunod natin ang ating buhay sa Panginoon, at tatanggapin ang Kanyang turo at halimbawa bilang sukdulang huwaran ng ating buhay, hindi tayo mahihirapan na maging karapat-dapat sa templo, hindi tayo pabagu-bago at tapat sa bawat aspeto ng buhay, dahil magiging tapat tayo sa iisang sagradong pamantayan ng pag-uugali at paniniwala. Nasa tahanan man o sa palengke, sa eskuwelahan o tapos na sa pag-aaral, mag-isa man tayong kumikilos o kasama ng maraming tao sa konsiyerto, ang ating landas ay magiging malinaw at makikita ang ating mga pamantayan.

Ang kakayahan ng isang tao na manindigan ayon sa kanyang prinsipyo, na mamuhay nang may integridad at pananampalataya ayon sa kanyang paniniwala—iyan ang mahalaga. Ang katapatang iyon sa totoong alituntunin—sa buhay ng bawat isa sa atin, sa ating mga tahanan at pamilya, at sa lahat ng lugar kung saan nakakasalamuha at naiimpluwensyahan natin ang ibang tao—iyan ang katapatang hinihingi sa atin ng Diyos. Kailangan ng katapatan—nang buong kaluluwa, buong paninindigan, walang hanggang pagpapahalaga sa mga alituntuning alam nating totoo sa ibinigay na mga utos ng Diyos. Kung magiging tunay at tapat tayo sa mga alituntunin ng Panginoon, tayo ay palaging magiging karapat-dapat sa templo, at ang Panginoon at ang Kanyang mga banal na templo ang magiging dakilang simbolo ng ating pagsunod sa Kanya.

Kirtland Temple. Inilaan noong Mar. 27, 1836.

Logan Utah Temple. Inilaan noong Mayo 17, 1884. Muling inilaan noong Mar. 13, 1979.