Ang Inyong Landas Tungo sa Templo
Para sa mga Bata
Alam mo ba kung aling templo ang pinakamalapit sa inyo? Idrowing ang templong iyon, at isabit ito sa lugar na makikita mo ito araw-araw.
Ang templo ang bahay ng Panginoon. Ito ay isang lugar kung saan natututuhan natin ang tungkol sa Ama sa Langit, gumagawa ng mga tipan (o mga pangako) sa Kanya, at tumatanggap ng malalaking pagpapala. Sa loob ng templo, gumagawa tayo ng mahalagang gawain para sa ating sarili at para sa mga kapamilya nating namatay na. Ang gawaing ginagawa sa templo ay kinabibilangan ng mga pagbibinyag para sa patay, endowment, at mga pagbubuklod. Ang tawag sa mga ito ay mga ordenansa sa templo.
Ano ang Nagaganap sa Loob ng Templo
Mga Pagbibinyag para sa mga Patay
Kapag ikaw ay walong taong gulang na, maaari kang mabinyagan at makumpirma bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Marami sa inyong mga ninuno ang namatay nang hindi nabibinyagan at nakukumpirma. Kahit patay na ang kanilang katawan, ang kanilang espiritu ay buhay pa rin sa daigdig ng mga espiritu, kung saan maaaring ituro sa kanila ang ebanghelyo ni Jesucristo.
Kapag ikaw ay 12 taong gulang na, maaari kang magpunta sa templo at tulungan ang mga taong ito sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagpapakumpirma para sa kanila. Pagkatapos ay maaari nilang piliing tanggapin o tanggihan ang binyag at kumpirmasyon. Magsusuot ka ng puting damit kapag bininyagan ka para sa mga patay, katulad ng gagawin mo kapag ikaw mismo ang bibinyagan.
Hilingin sa iyong mga magulang na tulungan kang gumawa ng listahan ng mga miyembro ng pamilya na namatay nang hindi nabibinyagan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Alamin kung mayroon na bang nagpunta sa templo upang magpabinyag para sa kanila.
Ang Endowment
Isa sa mga pinakamalaking pagpapala ng templo ang endowment. Ang ibig sabihin ng endowment ay “kaloob.” Kapag natanggap mo ang iyong endowment, marami ka pang matututuhan tungkol sa plano ng kaligtasan at mga tipan. Ang mga tipan ay mga pangakong ginagawa natin sa Ama sa Langit. Sa pagtupad mo sa iyong mga tipan, ikaw ay naghahandang mamuhay sa piling ng Ama sa Langit at ni Jesucristo balang-araw.
Sa loob ng templo ay may isang maganda at payapang silid na tinatawag na silid selestiyal. Sa silid selestiyal nadarama nating malapit tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at bahagya nating nadarama kung paano mamuhay sa Kanilang piling sa kahariang selestiyal.
Kasal para sa Buhay na Ito at sa Kawalang-Hanggan
Kapag ang isang lalaki at isang babae ay ikinasal sa templo, lumuluhod sila sa altar at ibinubuklod para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Ibig sabihin nito sila at ang kanilang mga anak ay maaaring magkasama-sama bilang walang hanggang pamilya. Planuhing makasal sa templo balang-araw. Ito ang pinakamalaking pagpapala ng templo.
Ang Temple Recommend
Ang templo ay isang banal na lugar. Tinitiyak ng mga bishop at branch president na ang mga pumapasok sa templo ay handa at karapat-dapat. Bago ka pumasok sa templo, ikaw ay magkakaroon ng espesyal na interbyu sa inyong bishop o branch president. Tatanungin ka niya kung may patotoo ka sa Simbahan, sumusunod sa mga kautusan, sumusuporta sa mga lider ng Simbahan, sumusunod sa Word of Wisdom, nagbabayad ng tithing o ikapu, at tapat sa lahat ng iyong ginagawa at sinasabi. Tutulungan ka niyang malaman ang dapat gawin upang maging karapat-dapat na pumasok sa templo.
Maghanda Ngayon sa Pagpasok sa Templo
Ang Ama sa Langit ay nagbibigay ng maraming pagpapala sa mga taong namumuhay nang matuwid at dumadalo sa templo. Mahalagang maghanda sa pagpasok sa templo habang ikaw ay bata pa.
Mahal ka ng Ama sa Langit at nais na tanggapin mo ang mga pagpapala ng templo. Pagpapalain ka Niya sa pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa iyong sarili at para sa iba. Bagaman hindi ka pa makakapasok ngayon sa templo, kung may templong malapit sa inyo, maaari kang bumisita sa bakuran ng templo at madama ang diwang naroon. Maaari ka ring maglagay ng retrato ng templo sa inyong tahanan upang ipaalala sa iyo kung gaano kahalaga ang templo. Mamuhay nang matuwid upang ikaw ay maging karapat-dapat na pumasok sa bahay ng Panginoon.