Karaniwang mga Itinatanong
Ano ang ginagawa ng mga tao sa templo?
Sa templo ay tinuturuan tayo, gumagawa tayo ng mga tipan, at pinangangakuan ng mga pagpapala. Tumatanggap tayo ng mga ordenansa na nagiging daan upang makapamuhay tayo sa piling ng Diyos.
Ang isang ordenansang natatanggap natin sa templo ay ang endowment. Ang ibig sabihin ng salitang endowment ay “regalo” o “pagkakaloob.” Bilang bahagi ng ordenansang ito, itinuturo sa atin ang layunin ng buhay, ang misyon at Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at ang plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Nagkakaroon tayo ng ideya kung ano ang magiging katayuan ng pamumuhay sa Kanyang piling habang nadarama natin ang payapang kapaligiran ng templo.
Ang isa pang ordenansa sa templo ay ang ordenansa ng pagbubuklod, kung saan ang mag-asawa ay ibinubuklod sa isa’t isa at ang mga anak ay ibinubuklod sa kanilang mga magulang sa mga pamilyang walang hanggan. Ibig sabihin nito kung tayo ay tapat sa ating mga tipan, ang ating mga ugnayan sa pamilya ay magpapatuloy sa kawalang-hanggan.
Bilang karagdagan sa pagtanggap nitong mga ordenansa para sa ating sarili, maaari nating matanggap ang mga ito para sa ating yumaong mga ninuno. Sa ganitong paraan, ang mga taong namatay nang hindi natatanggap ang mahahalagang ordenansang tulad ng binyag at kumpirmasyon, endowment, at pagbubuklod ay magkakaroon ng pagkakataong tanggapin ang mga ordenansang ito.
Ano ba ang hitsura ng loob ng templo?
Ang templo ay isang lugar na payapa at sagrado, na malayo sa mga alalahanin at kaguluhan ng mundo. Ang lahat ng sulok ng templo ay pinananatiling maganda at pinangangalagaan upang ipreserba and diwa ng pagpipitagan. Dahil ito ang bahay ng Panginoon, at dahil sa sagradong gawaing isinasagawa doon, madarama natin nang sagana ang Espiritu at madaramang malapit tayo sa Panginoon. Doon ay makatatanggap tayo ng personal na paghahayag at espirituwal na lakas na tutulong sa atin upang malampasan ang ating mga pagsubok. Ito ay bahagi ng dahilan kaya’t hinihikayat tayong regular na dumalo sa templo.
Paano ako dapat manamit kapag pupunta ako sa templo?
Magsuot ng disenteng damit na pangsimba kapag dadalo kayo sa templo. Iwasan ang maluhong damit at kaanyuan, tulad ng gagawin ninyo sa isang sacrament meeting. Magpakita kayo ng pagpipitagan at paggalang sa Panginoon at sa Kanyang bahay at anyayahan ang Espiritu sa pamamagitan ng pagiging malinis at kanais-nais.
Sa loob ng templo ay mayroong mga pribadong silid bihisan kung saan papalitan ninyo ang inyong damit pangsimba at magsusuot ng puting kasuotan. Ang pagpapalit na ito ng kasuotan ay nagsisilbing paalala na pansamantala ninyong iiwan ang mundo at papasok sa isang banal na lugar. Ang puting kasuotan ay sumasagisag sa kadalisayan, at ang katunayan na pare-pareho ang suot ng lahat sa loob ng templo ay lumilikha ng diwa ng pagkakaisa at pagkakapantay-pantay.
Kailan ko dapat matanggap ang aking endowment?
Malamang na matanggap ninyo ang inyong endowment bago kayo maglingkod sa full-time mission o bago kayo ikasal sa templo. Ang mga miyembrong walang asawa na nasa late teens o early twenties na hindi nakatanggap ng tawag sa misyon at hindi pa nakatakdang ikasal sa templo ay karaniwang hindi pinapayuhang tumanggap ng kanilang endowment.
Ang mga bagong miyembro ay naghihintay ng hindi kukulangin sa isang taon pagkatapos ng kanilang binyag at kumpirmasyon bago matanggap ang kanilang endowment.
Ang pagtanggap ng sarili ninyong endowment ay mahalaga. Kausapin ang inyong bishop tungkol dito. Magdasal at magnilay-nilay upang malaman kapag handa na kayo.
Ano ang maaari kong sabihin sa iba tungkol sa karanasan ko sa templo?
Maaari ninyong banggitin ang hitsura ng loob ng templo, at malaya kayong ibahagi ang inyong nadarama sa loob ng templo. Gayunman, ang mga tipan at ordenansa sa templo, kabilang ang mga salitang ginagamit dito, ay napakasagrado para talakayin nang detalyado sa labas ng templo. Sa pag-iwas na talakayin ang mga sagradong bagay na ito sa labas ng templo, pinangangalagaan natin ang mga ito upang hindi hamakin, batikusin, o hindi igalang. Huwag magbanggit ng kung anu-ano tungkol sa inyong mga karanasan sa loob ng templo.
Bakit ginagamit ang simbolismo sa templo?
Noong Kanyang ministeryo sa lupa, madalas magturo ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga talinghaga upang isagisag sa simbolikong paraan ang mga katotohanan ng kawalang-hanggan. Ipinag-utos Niya na turuan tayo sa gayunding paraan sa templo. May mga simbolismo ang mga ordenansa at tipan sa templo, ang pagtatanghal ng mga ito, ang pisikal na kapaligiran, at ang suot na kasuotan. Kung pagninilayan ninyo ang kahulugan ng mga simbolong ito sa patnubay ng Espiritu Santo, matutulungan kayo ng mga ito na makilala ang katotohanan, malaman ang tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, at umunlad sa espiritu.
May mga kapamilya ako na hindi makapasok sa templo. Ano ang maaari kong gawin upang ipadama sa kanila na kasama sila sa kasal ko sa templo?
Medyo maselan ang paksang ito. Yamang ang templo ang bahay ng Panginoon, na inilaan sa Kanya, ang mga papasok ay kailangang may hawak na current temple recommend, na nagpapatunay na sinusunod nila ang mga pamantayang itinakda Niya. Gayunman, ang mga taong walang current temple recommend ay maaaring tumuntong sa bakuran ng templo, at karamihan sa mga templo ay may silid kung saan maaari silang maghintay habang ibinubuklod ang mga miyembro ng pamilya. Ang magkasintahan na may mga kapamilya na hindi makapasok sa templo ay maaaring anyayahan ang kanilang bishop o iba pang miyembro ng Simbahan upang samahan sila sa silid hintayan.
Maaari ding kausapin ng magkasintahan ang kanilang bishop na magdaos ng espesyal na miting pagkatapos para sa mga kamag-anak at kaibigan na walang recommend. Ang miting na ito ay nagbibigay ng pagkakataon upang madama nilang kasama sila at malaman ang tungkol sa walang hanggang kasal. Bagaman walang isasagawang seremonya at walang palitan ng mga pangako at sumpaan, maaaring gawin ang pagpapalitan ng mga singsing sa ganitong miting.
Ano ang dapat kong gawin upang makapaghanda sa pagtanggap ng mga ordenansa sa templo?
Maaari kayong makapaghanda sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa templo upang makibahagi sa mga pagbibinyag para sa mga patay, sa pagsali sa isang temple preparation seminar na inorganisa ng inyong bishop, at sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga artikulo sa buklet na ito.
Maaari din kayong makapaghanda sa pamamagitan ng pagsunod sa mga pamantayan ng Panginoon ukol sa pagiging karapat-dapat sa pagpasok sa templo. Pangalagaan ang inyong patotoo sa Diyos Ama at kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo. Sundin ang Word of Wisdom at ang batas ng kalinisang-puri. Itaguyod ang inyong mga lider sa Simbahan, magbayad ng buong ikapu, at dumalo sa inyong mga miting sa Simbahan. Maging tapat sa inyong pakikitungo sa iba, at tiyakin na ang inyong buhay pamilya ay naaayon sa mga turo ng Simbahan. Tuparin ang inyong mga tipan sa binyag upang maging handa kayo sa pagtanggap ng mas mataas na mga tipan sa templo.