Paano Nakatutulong ang Templo
Alam ng bawat magulang na ang pagpapalaki ng mga anak ay naghahatid ng mga di inaasahang hamon at pagpapala. Natuklasan naming mag-asawa na kapag isinasaalang-alang namin ang walang-hanggang papel ng pagiging magulang, nakadarama kami ng mabigat na responsibilidad kaakibat ang malaking pag-asa.
Siyempre, binigyan tayo ng Panginoon ng mga espirituwal na gantimpala upang pagaanin ang ating mga pasanin. Para sa aming pamilya, ang pinakadakila sa mga espirituwal na gantimpalang iyon ay ang pagpunta sa bahay ng Panginoon upang matanggap ang Kanyang tulong habang lumalaki ang aming mga anak at lalong nagiging kumplikado ang buhay. Natuklasan namin na maaari naming idulog ang napakapartikular na mga problema sa Panginoon sa Kanyang templo.
Nang maging tinedyer na ang mga anak namin natanto namin na posible silang makagawa ng mabibigat na pagkakamali. Siguro ang lubhang nakakatakot ay kapag nagawa na namin ang lahat ng alam naming gawin, pero nakikita pa rin namin ang mga posibleng maging problema.
Pagkatapos ay natuklasan namin na ang pagsamba sa templo ay mahalagang sangkap sa aming pagsisikap na tulungan ang aming mga anak na piliin ang tama. Nagkaroon kami ng malaking kalakasan at pagpapala sa pagdalo sa templo sa diwa ng pag-aayuno at pagdarasal para sa aming mga anak. Nagdasal kami na makadama ng personal na kahandaan, ng angkop na mga kaisipan at pag-uugali bago pa pumasok sa templo. Kapag angkop, habang nasa loob ng templo ay nagmumuni kami tungkol sa aming papel bilang mga magulang at tungkol sa pangangailangan ng isang anak.
Minsan ang mga sagot ay dumarating nang mabilis at malinaw. Noong unang mangyari ito, siguro inisip naming nagkataon lang ito. Ngunit di nagtagal naging malinaw na kasama kami sa isang proseso na nagpapababa sa mga biyaya ng langit.
Kung minsan ang mga sagot ay sa pamamagitan ng mga taong nakaimpluwensya sa buhay ng aming mga anak, gaya ng mapagmahal na bishop na tumulong sa aming anak na babae na nasa kolehiyo para malampasan ang isang mabigat na problema. Pinagpala din ang iba pa naming mga anak. Bawat isa ay may kalayaan, at maaari nilang piliing hindi tumugon sa paraang inaasahan namin, ngunit dama namin na ang paglilingkod namin sa templo ay naghatid ng tulong ng langit sa buhay ng aming mga anak.
Ang mga pakinabang ng pagsamba namin sa templo ay nagpala din sa aming mga anak. Minsan, naharap ang asawa ko sa isang napakagulong problema sa trabaho kaya’t nagpasiya siyang idulog ito sa templo. Noong araw na iyon, ipinahiwatig sa kanya ng Panginoon na ang isang partikular na banal na kasulatan ang sagot sa kanyang katanungan.
Pagkauwi, sabik niyang binuklat ang mga banal na kasulatan at, nagulat siya nang makita ang tulong o sagot sa kanyang problema. Ang karanasang ito ang nagbukas ng bagong paraan ng pagsasabuhay ng mga banal na kasulatan. Maaaring magsalita ang Panginoon sa Kanyang mga anak sa pagpapaalala sa atin ng mga banal na kasulatan na naglalaman ng mga sagot sa mga hamon natin sa buhay. Pinasasalamatan namin ang prinsipyong ito na natutuhan namin sa templo.
Sa mundo kung saan laganap ang kasamaan at kung saan pinakawalan ni Satanas ang kanyang kapangyarihan upang sirain ang mga tahanan, nakapapanatag na malaman na makapupunta tayo sa bahay ng Panginoon at makahihingi ng patnubay. Anuman ang mga hamon na makaharap natin sa pangangalaga ng ating mga pamilya, magagalak tayo kapag hinangad natin ang proteksyon at kapanatagan ng templo.